Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 17—Esther

Aklat ng Bibliya Bilang 17—Esther

Aklat ng Bibliya Bilang 17​—Esther

Manunulat: Si Mardokeo

Saan Isinulat: Sa Susan, Elam

Natapos Isulat: c. 475 B.C.E.

Panahong Saklaw: 493–​c. 475 B.C.E.

1. Ano ang isinasalaysay sa aklat ng Esther?

 ITO’Y payak na salaysay tungkol kay Ahasuero, hari ng Persya, inaakalang si Jerjes I, na ang masuwaying asawang si Vashti ay hinalinhan ng Judiong si Esther, pinsan ni Mardokeo. Binalak ng Agagitang si Haman na patayin si Mardokeo at lahat ng Judio, ngunit siya ang nabitay sa sarili niyang tulos, at si Mardokeo ay nataas bilang punong ministro at ang mga Judio ay nailigtas.

2. (a) Bakit alinlangan ang iba sa pagiging-kinasihan ng aklat ng Esther? (b) Sa anong anyo lumilitaw ang pangalan ng Diyos sa aklat ng Esther?

2 Totoo, may nagsasabi na ang aklat ng Esther ay hindi kinasihan at hindi kapaki-pakinabang kundi isa lamang magandang alamat. Di-umano hindi binabanggit ng aklat ang pangalan ng Diyos. Bagaman totoo na ang Diyos ay hindi tuwirang binabanggit, nasa tekstong Hebreo ang apat na hiwalay na akrostiko ng Tetragramaton, unang mga titik ng apat na sunud-sunod na salita, YHWH (Hebreo, יהוה), o Jehova. Ang mga initial na ito ay itinatampok ng di-kukulangin sa tatlong sinaunang manuskritong Hebreo at minamarkahan din sa Masora sa mga pulang titik. At sa Esther 7:5 waring umiiral din ang isang akrostiko sa banal na kapahayagang “Aking patutunayan.”​—Tingnan ang mga talababa sa Esther 1:20; 5:4, 13; 7:7, gayundin ang 7:5.

3. Anong mga kaganapan ang nagpapahiwatig ng pananampalataya at pananalangin sa Diyos, at ano ang nagpahiwatig na Diyos ang nagmamaneobra sa mga bagay-bagay?

3 Nililiwanag ng buong ulat ang pagtanggap at pagsunod ni Mardokeo sa kautusan ni Jehova. Tumanggi siyang yumukod bilang parangal sa isang tao na marahil ay isang Amalekita; ang mga ito ay itinakda ng Diyos sa pagkalipol. (Esther 3:1, 5; Deut. 25:19; 1 Sam. 15:3) Ipinahihiwatig ng mga salita ni Mardokeo sa Esther 4:14 na siya ay umasa sa pagliligtas ni Jehova at sumampalataya sa banal na patnubay sa lahat ng pangyayari. Ang tatlong araw na pag-aayuno ni Esther bago humarap sa hari, at ang katulad na pagkilos ng mga Judio, ay nagpapakita ng pananalig sa Diyos. (Esther 4:16) Ang pagmamaneobra ng Diyos sa mga bagay-bagay ay ipinakikita rin ng pagkalugod ni Hegai, tagapag-alaga ng mga babae, kay Esther, at ang di-pagkakatulóg ng hari nang gabing ipakuha niya ang opisyal na mga ulat at matuklasan na si Mardokeo ay hindi naparangalan sa nagawang kabutihan noong nakaraan. (Esther 2:8, 9; 6:1-3; ihambing ang Kawikaan 21:1.) Tiyak na tumutukoy sa panalangin ang mga salitang, “mga bagay ng pag-aayuno at ng kanilang pagdaing.”​—Esther 9:31.

4. Papaano pinatutunayan ang pagiging-totoo at pagiging-makatotohanan ng aklat ng Esther?

4 Maraming patotoo sa pagiging-tunay at pagiging-makatotohanan ng ulat. Tinanggap ito ng mga Judio na tumukoy dito na Meghil·lahʹ, nangangahulugang “rolyo; balumbon.” Lumilitaw na ito ay inilakip ni Ezra sa Hebreong kanon, na tiyak na hindi niya gagawin kung ito’y alamat. Hanggang ngayon, ipinangingilin ng mga Judio ang kapistahan ng Purim, o Pagsasapalaran, bilang pagdiriwang sa dakilang pagliligtas noong panahon ni Esther. Buháy-na-buháy ang paghaharap ng mga ugali at kostumbreng Persyano kasuwato ng kasaysayan at arkeolohiya. Halimbawa, wastong inilalarawan ng Esther kung papaano pinararangalan ng mga Persyano ang isang tao. (6:8) Ipinakita ng mga arkeolohikal na pagdudukal na ang mga paglalarawan sa palasyo ng hari ay eksaktong-eksakto sa kaliit-liitang detalye. a​—5:1, 2.

5. Anong pagka-eksakto ang nagpapatunay sa pagiging-totoo ng Esther, at sa anong yugto nakakasuwato ang wikang ginamit dito?

5 Ang pagka-eksaktong ito ay mapapansin sa ulat mismo, sa maingat na pagbanggit sa pangalan ng mga opisyal at lingkod sa korte, pati na ng sampung anak ni Haman. Ang hanay nina Mardokeo at Esther ay tinatalunton pabalik kay Kish sa tribo ni Benjamin. (2:5-7) May mga pagtukoy sa opisyal na ulat ng pamahalaan ng Persya. (2:23; 6:1; 10:2) Ang wikang ginamit sa aklat ay makabagong Hebreo na dinagdagan ng mga salita at kapahayagang Persyano at Aramaiko, isang estilo na gaya niyaong sa Mga Cronica, Ezra, at Nehemias, na lubhang nakakasuwato ng panahon ng pagkasulat nito.

6. (a) Anong yugto ng panahon ang ipinahihiwatig para sa aklat ng Esther? (b) Ano ang ipinahihiwatig ng ebidensiya hinggil sa sumulat nito, pati na ang dako at panahon ng pagsulat?

6 Ang mga pangyayari sa Esther ay inaakalang naganap nang ang imperyo ng Persya ay nasa tugatog at sumasaklaw ito ng 18 taon sa paghahari ni Ahasuero (Jerjes I). Ang yugtong ito hanggang sa mga 475 B.C.E. ay inaalalayan ng mga reperensiyang Griyego, Persyano, at Babiloniko. b Si Mardokeo, aktuwal na nakasaksi at pangunahing tauhan sa aklat, ay malamang na siyang sumulat nito; ipinakikita ng matalik at detalyadong ulat na ang sumulat ay tiyak na nakaranas ng mga kaganapan sa palasyo sa Susan. c Bagaman hindi siya binabanggit sa ibang aklat ng Bibliya, tiyak na si Mardokeo ay isang taong makasaysayan. Kapansin-pansin, natuklasan ang isang walang-petsang tekstong cuneiform at ayon kay A. Ungnad ng Alemanya, tumutukoy ito kay Mardukâ (Mardokeo?) bilang mataas na opisyal sa korte ng Susa (Susan) noong naghahari si Jerjes I. d Tiyak na sa Susan tinapos ni Mardokeo ang mga pangyayari sa Esther karaka-rakang maganap ito, alalaong baga, noong mga 475 B.C.E.

NILALAMAN NG ESTHER

7. Anong kagipitan ang bumangon sa salu-salo ni Ahasuero, at ano ang ikinilos ng hari bunga nito?

7 Inalis si Reyna Vashti (1:1-22). Ikatlong taon na ng paghahari ni Ahasuero. Nagdaos siya ng 180-araw na piging para sa mga opisyal ng imperyo at ipinakita sa kanila ang kayamanan at kaluwalhatian ng kaharian. Sumunod ang pitong-araw na marangyang pista para sa mga taga-Susan. Kasabay nito ay ang salu-salo ni Reyna Vashti para sa mga babae. Ipinaghambog ng hari ang kaniyang kayamanan at, nang lasing na, ay tinawag si Vashti upang itanghal ang kagandahan niya sa harapan ng bayan at ng mga prinsipe. Paulit-ulit na tumanggi ang reyna. Sa payo ng mga opisyal sa korte na nagsabing mapapahiya ang hari dahil sa masamang halimbawang ito, si Vashti ay inalis ni Ahasuero bilang reyna at nagpadala ng mga liham upang manawagan sa lahat ng asawang-babae na “magbigay-karangalan sa kanilang asawa” at bawat lalaki ay “gumawi bilang pinunò sa sariling bahay.”​—1:20, 22.

8. (a) Ano ang umakay sa pagiging reyna ni Esther? (b) Anong pakana ang natuklasan ni Mardokeo, at anong ulat ang ginawa tungkol dito?

8 Naging reyna si Esther (2:1-23). Nang maglaon, nagpahanap ang hari ng pinakamagagandang dalaga sa 127 lalawigan ng imperyo upang dalhin sa Susan, kung saan lalo silang pagagandahin bago iharap sa hari. Isa sa napili ay si Esther. Siya ay ulilang Judio, “maganda sa anyo at kabigha-bighani sa tingin,” na pinalaki ng pinsan niyang si Mardokeo, opisyal sa Susan. (2:7) Ang Judiong pangalan ni Esther, Hadassa, ay nangangahulugang “Mirto (Myrtle).” Si Hegai, tagapag-alaga ng mga babae, ay nalugod kay Esther at binigyan siya ng pantanging pag-aalaga. Walang nakakaalam na siya’y Judio, pagkat iniutos ni Mardokeo kay Esther na ilihim ito. Isa-isang humarap ang mga dalaga sa hari. Pinili si Esther na maging reyna, at nagdaos ng salu-salo upang ipagdiwang ang koronasyon. Di-nagtagal, nabalitaan ni Mardokeo na may sabwatan upang ipapatay ang hari, at nag-ulat siya sa hari sa pamamagitan ni Esther “sa pangalan ni Mardokeo.” (2:22) Nabunyag ang pakana, binitay ang mga magkakasabwat, at ito’y iniulat sa taunang-aklat ng hari.

9. Bakit nagalit si Haman kay Mardokeo, at ano ang ipinautos niya sa hari na gawin sa mga Judio?

9 Ang pakikipagsabwatan ni Haman (3:1–​5:14). Lumipas ang mga apat na taon. Naging punong ministro si Haman, inapo marahil ng Amalekitang haring si Agag na pinatay ni Samuel. (1 Sam. 15:33) Itinanghal siya ng hari at iniutos sa lahat ng lingkod sa pintuan ng hari na yumuko kay Haman. Kabilang dito si Mardokeo. Ngunit tumangging yumuko si Mardokeo at ipinaalam sa mga lingkod ng hari na siya’y isang Judio. (Ihambing ang Exodo 17:14, 16.) Nagsiklab ang galit ni Haman at nang matuklasang Judio si Mardokeo, ay sinamantala ito upang iligpit nang minsanan si Mardokeo at ang lahat ng mga Judio. Nagsapalaran (pur) upang matiyak ang pinakamabuting araw ng paglipol. Palibhasa malakas sa hari, pinaratangan ni Haman ang mga Judio ng paglabag sa batas at ipinasulat ang utos na paglipol sa kanila. Nag-abuloy siya ng 10,000 talentong pilak (katumbas ng mga $66,060,000) upang tustusan ang pamamaslang. Pumayag ang hari at ang mga utos na tinatakan ng singsing ng hari ay ipinadala sa buong imperyo, at itinakda ang ika-13 araw ng Adar ukol sa lansakang pagpatay sa mga Judio.

10. Papaano sumampalataya sina Mardokeo at Esther sa kapangyarihan ni Jehova?

10 Nang marinig ito, si Mardokeo at ang mga Judio ay nagsuot ng magaspang na kayo at abo. Nagkaroon ng “pag-aayuno at pananangis at panaghoy.” (Esther 4:3) Nang ibalita ni Mardokeo kay Esther ang hatol sa mga Judio, sa pasimula’y nag-atubili itong mamagitan. Kamatayan ang parusa ng pagharap sa hari nang walang paanyaya. Subalit si Mardokeo ay sumampalataya sa kapangyarihan ni Jehova at sinabing kung bibiguin sila ni Esther, mamamatay din ito at ang kaligtasan ay “babangon para sa mga Judio mula sa ibang dako.” Isa pa, hindi kaya naging reyna si Esther “para sa panahong gaya nito”? (4:14) Nang maunawaan ang nasasangkot, pumayag siyang magsapalaran, at ang mga Judio ay tatlong araw na nakipag-ayuno sa kaniya.

11. Papaano sinamantala ni Esther ang pagkalugod sa kaniya ng hari, ngunit ano ang binalak ni Haman laban kay Mardokeo?

11 Nakasuot ng pinakamaharlikang damit, humarap si Esther sa hari. Nalugod ito sa kaniya at iniabot ang gintong setro, kaya naligtas ang buhay niya. Inanyayahan niya ang hari at si Haman sa isang piging. Habang nagkakainan, hinimok siya ng hari na sabihin kung ano ang gusto niya at tiyak na ito’y ibibigay, “kahit kalahati pa ng kaharian,” Inanyayahan uli ni Esther ang dalawa sa isang salu-salo kinabukasan. (5:6) Tuwang-tuwa si Haman. Ngunit naroon si Mardokeo sa pintuan ng hari! Tumanggi uli siyang magparangal kay Haman o manginig sa harap nito. Ang kagalakan ni Haman ay napalitan ng galit. Iminungkahi ng kaniyang asawa at mga kaibigan na magtayo ng isang tulos na 50 siko (22.3 m) ang taas at ipautos sa hari na bitayin dito si Mardokeo. Ipinatayo agad ni Haman ang tulos.

12. Anong pagbaligtad ng pangyayari ang umakay sa pagpaparangal ni Ahasuero kay Mardokeo, sa kahihiyan ni Haman?

12 Nabaligtad ang pangyayari (6:1–​7:10). Nang gabing yao’y hindi makatulog ang hari. Ipinakuha niya at ipinabasa ang mga ulat at natuklasan na hindi pala ginantimpalaan si Mardokeo sa pagliligtas ng kaniyang buhay. Pagkatapos ay tinatanong ng hari kung sino ang nasa looban. Yao’y si Haman na dumating upang hingin ang utos sa pagpatay kay Mardokeo. Tinanong si Haman kung papaano dapat parangalan ang isa na nagbigay-lugod sa hari. Sa pag-aakalang siya ang tinutukoy, binalangkas ni Haman ang isang marangyang palatuntunang pandangal. Subalit iniutos ng hari: “Ganiyan ang gawin mo kay Mardokeo”! (6:10) Walang magawa si Haman kundi bihisan si Mardokeo ng maharlikang karingalan, isakay sa kabayo ng hari, at ilibot sa liwasan ng lungsod, na nananawagan sa unahan niya. Hiyang-hiya, umuwi si Haman na nananangis. Hindi siya kayang aliwin ng kaniyang asawa at mga kaibigan. Sawim-palad na Haman!

13. Ano ang isiniwalat ni Esther sa salu-salo, na umakay sa anong kapahamakan para kay Haman?

13 Oras na ng pagdalo ni Haman sa salu-salo ng hari at ni Esther. Ipinahayag ng reyna na siya at ang kaniyang bayan ay ipinagbili sa kamatayan. Sino ang nangahas gumawa ng kabalakyutang ito? Sinabi ni Esther: “Ang lalaking yaon, ang kaaway at kaalit, ay ang masamang si Haman.” (7:6) Tumayo ang hari sa matinding galit at lumabas sa halamanan. Naiwan sa reyna, nagmakaawa si Haman ukol sa kaniyang buhay, at ang hari, sa pagbabalik, ay lalong nagalit nang makita si Haman sa sopa ng reyna. Noon di’y iniutos niya na bitayin si Haman sa tulos na inihanda nito para kay Mardokeo!​—Awit 7:16.

14. Papaano ginantimpalaan ng hari sina Esther at Mardokeo, at anong nasusulat na utos ang pinalabas niya alang-alang sa mga Judio?

14 Nataas si Mardokeo, naligtas ang mga Judio (8:1–​10:3). Ibinigay kay Esther ang lahat ng ari-arian ni Haman. Ipinagtapat ni Esther sa hari ang kaugnayan niya kay Mardokeo na itinaas sa dating puwesto ni Haman at binigyan ng maharlikang singsing na pantatak. Muling isinapanganib ni Esther ang kaniyang buhay sa pagharap sa hari upang hingin ang pagpapawalang-bisa sa nasusulat na utos na lipulin ang mga Judio. Ngunit “ang mga batas ng Persya at Medya” ay hindi nababago! (1:19) Kaya sina Esther at Mardokeo ay binigyan ng autoridad na sumulat ng isang bagong batas na tinatakan ng singsing ng hari. Ang nasusulat na utos, na ipinadala sa buong imperyo na gaya ng nauna, ay nagbigay-karapatan sa mga Judio na ‘magpisan at ipagtanggol ang kanilang kaluluwa, upang lipulin, patayin at wasakin ang buong puwersa ng bayan at lalawigan na magtatangkang manakit sa kanila, ang mga bata at babae, at upang kumuha ng samsam,’ sa mismong araw na magkabisà ang utos ni Haman.​—8:11.

15. (a) Ano ang resulta ng paglalabanan, at anong kapistahan ang pinasinayaan ni Mardokeo? (b) Sa anong katayuan itinanghal si Mardokeo, at sa anong layunin niya ginamit ang kapangyarihang ito?

15 Pagdating ng takdang araw, ika-13 ng Adar, walang makadaig sa mga Judio. Dahil sa pakiusap ni Esther sa hari, ang labanan ay nagpatuloy sa ika-14 na araw sa Susan. Lahat-lahat, 75,000 kaaway ang napatay sa buong imperyo. May karagdagan pang 810 ang napatay sa kastilyo sa Susan. Kabilang dito ang sampung anak ni Haman, na napatay sa unang araw at binitay sa mga tulos sa ikalawang araw. Walang kinuhang samsam. Nagpahinga sila sa ika-15 araw ng Adar at ang mga Judio ay nagsalu-salo at nagkatuwa. Itinagubilin ni Mardokeo sa mga Judio na ipangilin ang kapistahang ito ng “Pur, alalaong baga, ang Pagsasapalaran,” taun-taon sa ika-14 at ika-15 ng Adar, at ginagawa nila ito hanggang ngayon. (9:24) Si Mardokeo ay dinakila sa kaharian at ginamit niya ang kaniyang katayuan na pangalawa lamang kay Haring Ahasuero “sa ikabubuti ng kaniyang bayan at sa ikapapayapa ng lahat ng kanilang supling.”​—10:3.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

16. Anong banal na mga simulain at karapat-dapat na huwaran ang masusumpungan ng mga Kristiyano sa aklat ng Esther?

16 Bagaman walang manunulat ng Bibliya ang tuwirang sumisipi sa Esther, nakakasuwato ito ng buong kinasihang Kasulatan. Ang totoo’y naglalaan ito ng mahuhusay na paglalarawan ng mga simulaing binabanggit ngayon sa mga Kristiyanong Kasulatang Griyego at na kumakapit sa mga mananamba ni Jehova sa lahat ng panahon. Ang pagsusuri sa susunod na mga talata ay hindi lamang magpapatunay nito kundi nagpatitibay din sa Kristiyanong pananampalataya: Esther 4:5​—Filipos 2:4; Esther 9:22​—Galacia 2:10. Ang paratang sa mga Judio na hindi pagsunod sa batas ng hari ay kahawig din ng paratang sa sinaunang mga Kristiyano. (Esther 3:8, 9; Gawa 16:21; 25:7) Ang mga tunay na lingkod ni Jehova ay buong-tapang na humaharap sa mga ito, taglay ang pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na magligtas, ayon sa napakahusay na huwaran nina Mardokeo, Esther, at ng mga Judio.​—Esther 4:16; 5:1, 2; 7:3-6; 8:3-6; 9:1, 2.

17. Papaano naging huwaran sina Mardokeo at Esther sa wastong pagpapasakop sa Diyos at sa “matataas na kapangyarihan”?

17 Hindi dapat isipin ng Kristiyano na iba ang kalagayan nina Mardokeo at Esther. Sakop din tayo ng “matataas na kapangyarihan” ng isang banyagang daigdig. Sumusunod tayo sa batas saanman tayo nakatira, ngunit kasabay nito, kinikilala natin ang kaibahan ng ‘pagbibigay kay Cesar ng kay Cesar at sa Diyos ng sa Diyos.’ (Roma 13:1; Luc. 20:25) Ang punong ministrong si Mardokeo at si Reyna Esther ay nag-iwan ng mabuting halimbawa ng katapatan at pagsunod sa sekular na tungkulin. (Esther 2:21-23; 6:2, 3, 10; 8:1, 2; 10:2) Ngunit buong-tapang na kinilala ni Mardokeo ang kaibahan ng pagsunod sa utos ng hari na yumuko sa kasuklam-suklam na Agagita, si Haman. Isa pa, humanap siya ng legal na kalutasan nang makipagsabwatan si Haman laban sa mga Judio.​—3:1-4; 5:9; 4:6-8.

18. (a) Ano ang patotoo na ang Esther ay “kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang”? (b) Papaano ito nagpapatibay-loob sa pagtatanggol sa mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos?

18 Lahat ng ebidensiya ay nagpapatunay na ang Esther ay bahagi ng Banal na Bibliya, “kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” Bagaman di-tuwirang bumabanggit sa Diyos o sa pangalan niya, may mahuhusay na halimbawa ito ng pananampalataya. Sina Mardokeo at Esther ay hindi guni-guni lamang ng kuwentista, sila’y tunay na mga lingkod ng Diyos na Jehova, mga taong naglagak ng walang-pasubaling tiwala sa pagliligtas ni Jehova. Bagaman nasakop ng “matataas na mga kapangyarihan” sa banyagang lupain, ginamit nila ang lahat ng legal na pamamaraan sa pagtatanggol ng kapakanan at pagsamba ng bayan ng Diyos. Tayo ngayon ay makasusunod sa halimbawa nila sa “pagsasanggalang at pagtatanggol sa mabuting balita” ng Kaharian ng Diyos ng kaligtasan.​—Fil. 1:7.

[Mga talababa]

a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 764; Tomo 2, pahina 327-31.

b Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 613-16.

c Cyclopedia nina McClintock at Strong, muling inilathala noong 1981, Tomo III, pahina 310.

d A. Ungnad, “Keilinschriftliche Beiträge zum Buch Esra und Ester,” Zeitschrift für die alttestamentliche Wissenschaft, LVIII (1940-41), pahina 240-4.

[Mga Tanong sa Aralin]