Aklat ng Bibliya Bilang 2—Exodo
Aklat ng Bibliya Bilang 2—Exodo
Manunulat: Si Moises
Saan Isinulat: Sa Ilang
Natapos Isulat: 1512 B.C.E.
Panahong Saklaw: 1657-1512 B.C.E.
1. (a) Ano ang tampok na mga bahagi ng Exodo? (b) Anong mga pangalan ang ibinigay sa Exodo, at karugtong ito ng anong ulat?
ANG makabagbag-damdaming ulat ng mahahalagang tanda at himala na ginawa ni Jehova sa pagpapalaya ng bayang tinawag sa kaniyang pangalan mula sa pagkaalipin sa Ehipto, ang pag-oorganisa sa Israel na kaniyang pantanging pag-aari bilang “kaharian ng mga saserdote at bansang banal,” at ang pasimula ng kasaysayan ng Israel bilang teokratikong bansa—ito ang mga tampok na bahagi ng aklat ng Bibliya na Exodo. (Exo. 19:6) Sa Hebreo ito ay Weʼelʹleh shemohthʹ, ibig sabihin, “Narito ang mga pangalan,” o sa maikli ay Shemohthʹ, “Mga Pangalan,” ayon sa unang mga salita nito. Ang makabagong pangalan ay mula sa Griyegong Septuagint, na doon ito’y Eʹxo·dos, sa Latin ay Exodus, ibig sabihin, “Paglalabasan” o “Pag-aalisan.” Makikita sa panimulang salita, “Ngayon” (literal, “At”), at sa pagtatalang muli ng mga pangalan ng anak ni Jacob na hinango sa mas buong ulat ng Genesis 46:8-27, na ang Exodo ay karugtong ng Genesis.
2. Ano ang inihahayag ng Exodo hinggil sa pangalang JEHOVA?
2 Inihahayag ng Exodo ang maringal na pangalan ng Diyos, JEHOVA, sa buong kaluwalhatian at kabanalan nito. Nang itinatanghal ang lalim ng kahulugan ng kaniyang pangalan, ay sinabi ng Diyos kay Moises, “AKO NGA’Y MAPATUTUNAYANG AKO NGA,” at iniutos na dapat nitong sabihin sa Israel, “Ako ay isinugo sa inyo ni AKO NGA [Hebreo: אהוה, ʼEh·yehʹ, mula sa pandiwang Hebreo na ha·yahʹ ].” Ang pangalang JEHOVA (יהוה, YHWH) ay galing sa kaugnay na pandiwang Hebreo na ha·wahʹ, “maging,” ibig sabihin ay “Pinangyayari Niya na Maging.” Dahil sa makapangyarihan at kasindak-sindak na mga gawa ni Jehova sa kapakanan ng kaniyang bayan, ang Israel, tiyak na ang pangalang ito ay naging dakila at nagayakan ng marilag na kaluwalhatian, bilang alaala “sa lahat ng saling-lahi,” ang pangalan na dapat sambahin sa buong panahon. Wala nang kapaki-pakinabang kundi alamin ang kagila-gilalas na kasaysayan na nakapalibot sa pangalang ito at sambahin ang iisang tunay na Diyos, na nagsabing, “Ako si Jehova.” a—Exo. 3:14, 15; 6:6.
3. (a) Papaano natin nalaman na si Moises ang sumulat ng Exodo? (b) Kailan isinulat ang Exodo, at anong yugto ang saklaw nito?
3 Si Moises ang sumulat ng Exodo, sapagkat ito ang pangalawang tomo ng Pentateuko. Ang aklat mismo ay nag-uulat ng tatlong pagkakataon na si Moises ay inutusan ni Jehova na sumulat. (17:14; 24:4; 34:27) Ayon kina Westcott at Hort, mga iskolar ng Bibliya, si Jesus at ang mga manunulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ay mahigit na 100 beses bumabanggit o sumisipi sa Exodo, tulad nang sabihin ni Jesus: “Ibinigay sa inyo ni Moises ang Kautusan, hindi ba?” Ang Exodo ay isinulat sa ilang ng Sinai, noong 1512 B.C.E., isang taon pagkatapos lumisan ang Israel sa Ehipto. Sumasaklaw ito sa 145 taon, mula nang mamatay si Jose noong 1657 B.C.E. hanggang sa pagtatayo ng tabernakulo ng pagsamba kay Jehova noong 1512 B.C.E.—Juan 7:19; Exo. 1:6; 40:17.
4, 5. Anong arkeolohikal na katibayan ang umaalalay sa ulat ng Exodo?
4 Palibhasa ang mga pangyayari sa Exodo ay naganap mga 3,500 taon na ngayon, kaya napakaraming arkeolohikal at iba pang panlabas na ebidensiya sa kawastuan ng ulat. Wasto ang paggamit ng mga pangalang Ehipsiyo, at ang mga pamagat na binabanggit ay katumbas niyaong sa mga inskripsiyong Ehipsiyo. Ipinakikita ng arkeolohiya na ang mga dayuhan ay pinahintulutang manirahan sa Ehipto subalit ang mga Ehipsiyo ay hiwalay sa kanila. Ang mga tubig ng Nilo ay ginamit sa paliligo, na nagpapaalaala sa anak na babae ni Paraon na naligo roon. Nakatuklas ng mga tisang mayroon o walang halong dayami. At, noong kasagsagan ng Ehipto ay naging prominente ang mga salamangkero.—Exo. 8:22; 2:5; 5:6, 7, 18; 7:11.
5 Ipinakikita ng mga bantayog na ang mga Paraon mismo ay nanguna sa kanilang mga karo sa digmaan, at ayon sa Exodo ang kaugaliang ito ay sinunod ng Paraon noong panahon ni Moises. Kay laki ng kaniyang pagkapahiya! Ngunit bakit hindi binabanggit ng mga ulat ng Ehipto ang paninirahan ng mga Israelita ni ang kapahamakan na sumapit sa Ehipto? Ipinakikita ng arkeolohiya na nakaugalian ng bawat bagong dinastiya na burahin ang alinmang di-kanaisnais na ulat sa nakaraan. Inililihim ang kahiya-hiyang mga pagkatalo. Hindi angkop sa mga taunang ulat ng hambog na bansang yaon ang mga dagok laban sa mga diyos ng Ehipto—sa diyos ng Nilo, diyos na palaka, at diyos ng araw—na nanirang-puri sa huwad na mga diyos at nagpatotoo sa pagiging kataas-taasan ni Jehova.—14:7-10; 15:4. b
6. Sa anong mga dako iniuugnay ang unang mga kampamento ng Israel?
6 Dahil sa 40 taóng paglilingkod bilang pastol ni Jetro, si Moises ay nasanay sa pamumuhay at sa paghahanap ng tubig at pagkain sa dakong yaon, kaya bagay-na-bagay siya na manguna sa Pag-aalisan. Ang eksaktong ruta ng Pag-aalisan ay hindi matitiyak ngayon, yamang ang mga dakong binabanggit sa ulat ay hindi tiyak na matutunton. Subalit, ang Mara, isa sa mga unang kampamento sa Sinai Peninsula, ay iniuugnay sa ʽEin Hawwara, 80 kilometro sa timog-silangan ng makabagong Suez. Ang Elim, ikalawang kampamento, ay iniuugnay sa Wadi Gharandel, 88 kilometro sa timog-silangan ng Suez. Kapansin-pansin na ang makabagong lokasyon ay kilala sa pagiging-matubig at pagkakaroon ng halaman at palma, nagpapaalaala sa Elim ng Bibliya, na may “labindalawang bukal ng tubig at pitumpung palma.” c Gayunman, ang pagiging-tunay ng ulat ay hindi umaasa sa patotoo ng arkeolohiya sa mga lokasyon na kanilang dinaanan.—15:23, 27.
7. Ano pang ebidensiya, lakip ang pagtatayo ng tabernakulo, ang tumitiyak sa pagiging-kinasihan ng Exodo?
7 Ang ulat sa pagtatayo ng tabernakulo sa mga kapatagan ng Sinai ay katugma ng lokal na kalagayan. Sinabi ng isang iskolar: “Sa anyo, balangkas, at materyales, ang tabernakulo ay talagang nababagay sa ilang. Ang kahoy na ginamit sa balangkas ay saganang tumutubo roon.” d Kung pag-uusapan ang mga pangalan, ugali, relihiyon, lugar, heograpiya, o materyales, ang saganang panlabas na ebidensiya ay nagpapatotoo sa kinasihang ulat ng Exodo, na mga 3,500 taon na ngayon ang katandaan.
8. Papaano ipinakikita ang mahigpit na pagkakahabi ng Exodo sa ibang bahagi ng Kasulatan bilang kinasihan at kapaki-pakinabang?
8 Ang ibang manunulat sa Bibliya ay laging tumutukoy sa Exodo, patotoo ng makahulang kahulugan at halaga nito. Makalipas ang mahigit na 900 taon sumulat si Jeremias tungkol sa “tunay na Diyos, Dakila, Makapangyarihan, Jehova ng mga hukbo ang kaniyang pangalan,” na naglabas sa Israel mula sa Ehipto, “sa pamamagitan ng mga tanda at himala, ng makapangyarihang kamay at ng unát na kamay at ng malaking kakilabutan.” (Jer. 32:18-21) Pagkaraan ng mahigit na 1,500 taon, ang Exodo ay naging saligan ng magiting na patotoo ni Esteban na umakay sa kaniyang pagkamartir. (Gawa 7:17-44) Ang buhay ni Moises ay tinutukoy sa Hebreo 11:23-29, isang uliran ng pananampalataya, at si Pablo ay malimit tumukoy sa Exodo bilang halimbawa at babala para sa atin ngayon. (Gawa 13:17; 1 Cor. 1-4, 11, 12; 2 Cor. 3:7-16) Lahat ng ito ay tumutulong sa pagpapahalaga sa pagkakaugnay ng mga bahagi ng Bibliya sa isa’t-isa, na pawang naghahayag ng layunin ni Jehova sa kapaki-pakinabang na paraan.
NILALAMAN NG EXODO
9. Sa ilalim ng anong kalagayan isinilang at pinalaki si Moises?
9 Inatasan ni Jehova si Moises, idiniin ang Kaniyang Pang-alaalang Pangalan (1:1–4:31). Matapos nganlan ang mga anak ni Israel na napasa-Ehipto, iniuulat ng Exodo ang kamatayan ni Jose. Di-naglaon at nabago ang hari sa Ehipto. Nang makitang ang Israel ay “lumalago at nagiging makapangyarihan,” sinikap nito na supilin sila, tulad ng pang-aalipin, at upang bawasan ang mga lalaki sa Israel ay ipinapatay ang lahat ng bagong silang na lalaki. (1:7) Sa gitna ng mga kalagayang ito isinilang ang isang batang lalaki sa Israelitang sambahayan ni Levi. Ito’y pangatlong anak. Nang tatlong buwan na, itinago ito ng ina sa isang bangkang papiro sa gitna ng mga tambo sa pampang ng Ilog Nilo. Nakita ito ng anak na babae ni Paraon, na natuwa at inampon ito. Naging yaya ng bata ang sariling ina kaya lumaki ito sa isang tahanang Israelita. Nang maglao’y inihatid siya sa palasyo. Tinawag siyang Moises, nangangahulugang, “Sinagip [o, iniligtas mula sa tubig].”—Exo. 2:10; Gawa 7:17-22.
10. Anong mga pangyayari ang umakay sa pagkahirang ni Moises sa pantanging paglilingkod?
10 Interesado si Moises sa kapakanan ng mga kababayan niya. Pinatay niya ang isang Ehipsiyo na nang-api sa isang Israelita. Dahil dito, napilitan siyang tumakas sa lupain ng Midian. Doo’y napangasawa niya si Zepora na anak ni Jetro, saserdote ng Midian. Nagkaanak si Moises ng dalawang lalaki, sina Gersom at Eliezer. Pagkaraan ng 40 taon sa ilang, sa edad na 80, inatasan ni Jehova si Moises sa pantanging pagpapakabanal sa pangalan ni Jehova. Isang araw habang nagpapastol sa mga kawan ni Jetro malapit sa Horeb, “bundok ng tunay na Diyos,” nakakita si Moises ng isang mababang punongkahoy na nagliliyab ngunit hindi nasusupok. Nang suriin niya ito, kinausap siya ng anghel ni Jehova na nagsabing layunin ng Diyos na akayin ang Kaniyang bayan, “ang mga anak ni Israel palabas sa Ehipto.” (Exo. 3:1, 10) Si Moises ang gagamitin ni Jehova sa pagpapalaya sa Israel mula sa pagkakaalipin.—Gawa 7:23-35.
11. Sa anong pantanging diwa ipinakilala ni Jehova ang kaniyang pangalan?
11 Itinanong ni Moises kung papaano niya ipakikilala ang Diyos sa mga anak ni Israel. Sa unang pagkakataon, inihayag ni Jehova ang kahulugan ng kaniyang pangalan, at iniugnay ito sa kaniyang layunin at itinatag ito bilang alaala. “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ako ay isinugo sa inyo ni AKO NGA . . . si Jehova na Diyos ng inyong mga ninuno, Diyos ni Abraham, ni Isaac at ni Jacob.’ ” Ang pangalan niya, Jehova, ay nagpapakilala sa kaniya bilang tagatupad ng mga layunin kaugnay ng bayang tinatawag sa kaniyang pangalan. Sa bayang ito, na mga inapo ni Abraham, ay ibibigay niya ang lupain na ipinangako sa kanilang mga ninuno, “isang lupain na inaagusan ng pulot at gatas.”—Exo. 3:14, 15, 17.
12. Ano ang ipinaliwanag ni Jehova kay Moises tungkol sa pagpapalaya sa mga Israelita, at papaano tumugon ang bayan sa mga tanda?
12 Sinabi ni Jehova kay Moises na ang Israel ay hindi palalayain ni Paraon kaya hahampasin Niya ang Ehipto sa pamamagitan ng kagila-gilalas na mga gawa. Si Aaron, kapatid ni Moises, ay inatasan na tagapagsalita at tumanggap sila ng tatlong tanda na kukumbinse sa mga Israelita na sila ay isinugo sa pangalan ni Jehova. Habang paparoon sa Ehipto, kinailangang tuliin ang anak ni Moises upang hadlangan ang isang kamatayan sa pamilya, bilang paalaala sa mga kahilingan ng Diyos. (Gen. 17:14) Tinipon nina Moises at Aaron ang matatanda sa Israel at ipinahayag ang layunin ni Jehova na palayain sila sa Ehipto at ihatid sila sa Lupang Pangako. Ipinakita nila ang mga tanda at ang bayan ay naniwala.
13. Ano ang ibinunga ng unang paghaharap nina Moises at Paraon?
13 Mga salot sa Ehipto (5:1–10:29). Humarap kay Paraon sina Moises at Aaron at ipinahayag ang bilin ni Jehova, Diyos ng Israel: “Palayain mo ang aking bayan.” Patuyang sumagot ang mayabang na Paraon: “Sino si Jehova, upang pakinggan ko ang kaniyang tinig at palayain ang Israel? Wala akong kilalang Jehova, at isa pa, hindi ko palalayain ang Israel.” (5:1, 2) Sa halip na palayain, ang Israel ay inatangan ng mas mabibigat na trabaho. Gayunman, inulit ni Jehova ang pangakong katubusan, at iniugnay uli ito sa pagbanal sa kaniyang pangalan: “Ako si Jehova . . . Patutunayan ko sa inyo na ako ang Diyos . . . Ako si Jehova.”—6:6-8.
14. Papaano napilitan ang mga Ehipsiyo na kilalanin ang “daliri ang Diyos”?
14 Ang tanda na ipinakita ni Moises kay Paraon, nang ihagis ni Aaron ang kaniyang tungkod at naging malaking ahas, ay ginaya ng mga salamangkerong saserdote ng Ehipto. Bagaman ang kanilang mga ahas ay nilunok ng malaking ahas ni Aaron, nagmatigas pa rin ang puso ni Paraon. Kaya nagpadala si Jehova ng sampung sunud-sunod na dagok sa Ehipto. Una, naging dugo ang kanilang ilog Nilo at lahat ng tubig sa Ehipto. Sumunod ang salot ng mga palaka. Ang dalawang salot ay nakuhang gayahin ng mga saserdote, subalit ang ikatlo ay hindi, ang mga kuto sa tao at hayop. Inamin nila na ito’y “daliri ng Diyos.” Ngunit ayaw pa ring palayain ni Paraon ang Israel.—8:19.
15. Aling salot ang humampas lamang sa mga Ehipsiyo, at bakit pinahintulutan ni Jehova na manatili si Paraon?
15 Ang unang tatlong dagok ay humampas kapuwa sa Ehipsiyo at Israelita, ngunit mula sa ikaapat ay tanging mga Ehipsiyo ang nahirapan, at ang Israel ay ibinukod ng proteksiyon ni Jehova. Ang ikaapat na hampas ay ang makakapal na langaw. Sumunod ang peste sa lahat ng hayop sa Ehipto, sinundan ng nagnanaknak na pigsa sa tao at hayop, anupat maging ang mga saserdote ay hindi makaharap kay Moises. Pinatigas uli ni Jehova ang puso ni Paraon, at nagpahayag siya sa pamamagitan ni Moises: “Totoong-totoo na dahil dito ay pinanatili kita, upang itanghal sa iyo ang aking kapangyarihan at upang ang aking pangalan ay maihayag sa buong lupa.” (9:16) Saka ipinahayag ni Moises ang susunod na hampas, “makapal na graniso,” at sa unang pagkakataon ay iniulat ng Bibliya na may mga lingkod si Paraon na natakot kay Jehova at kumilos ayon dito. Sumunod agad ang ikawalo at ikasiyam na salot—pagdagsa ng mga balang at pusikit na kadiliman—at sinabi ng matigas-ang-ulo at galit-na-galit na Paraon na papatayin niya si Moises kapag ito’y muling nagpakita.—9:18.
16. Ano ang iniutos ni Jehova tungkol sa Paskuwa at sa Kapistahan ng mga Tinapay na Walang-Lebadura?
16 Ang Paskuwa at ang salot sa panganay (11:1–13:16). Sinabi ngayon ni Jehova, “Isa pang salot ang dadalhin ko kay Paraon at sa Ehipto”—ang kamatayan ng panganay. (11:1) Iniutos niya na ang Abib ang magiging unang buwan sa Israel. Sa ikasampung araw, kukuha sila ng tupa o kambing—lalaki, isang taóng gulang, walang kapintasan—at sa ika-14 na araw ay papatayin ito. Sa kinagabihan kukunin nila ang dugo ng hayop at ipapahid ito sa dalawang haligi at itaas ng pinto, at mananatili sila sa loob ng bahay at pagsasaluhan ang inihaw na hayop, na isa mang buto’y hindi binabali. Hindi dapat magkaroon ng lebadura sa bahay, at magmamadali sila sa pagkain, nabibihisan at nasasangkapan sa pagmamartsa. Ang Paskuwa ay magsisilbing alaala, isang pista kay Jehova sa lahat ng mga saling lahi. Susundan ito ng pitong araw na Pista ng mga Tinapay na Walang Lebadura. Ang mga anak nila ay tuturuang lubos sa kahulugan ng lahat ng ito. (Nang maglaon, nagbigay si Jehova ng karagdagang tagubilin tungkol sa mga kapistahan, at iniutos na lahat ng panganay na lalaki sa Israel, kapuwa tao at hayop, ay dapat na pakabanalin ukol sa kaniya.)
17. Bakit dapat alalahanin ang gabing ito?
17 Sinunod ng Israel ang utos ni Jehova. Dumating ang kapahamakan! Sa hatinggabi ay pinatay ni Jehova ang lahat ng panganay ng Ehipto, samantalang nilampasan at iniligtas ang panganay ng Israel. “Lumayas kayo sa gitna ng aking bayan,” sigaw ni Paraon. At ‘hinimok sila ng mga Ehipsiyo’ na umalis agad. (12:31, 33) Hindi umalis ang mga Israelita na walang dala pagkat humingi sila at binigyan ng mga Ehipsiyo ng pilak at ginto at damit. Nagmartsa sila palabas sa Ehipto gaya ng hukbong pandigma na binubuo ng 600,000 matitipunong lalaki, ng kani-kanilang sambahayan at isang malaking haluang pulutong ng mga di-Israelita, bukod pa sa napakaraming mga hayop. Patapós na ang 430 taon mula nang tumawid si Abraham sa Eufrates tungo sa Canaan. Ito’y gabing karapat-dapat alalahanin.—Exo. 12:40, ikalawang talababa; Gal. 3:17.
18. Anong sukdulang pagpapakabanal sa pangalan ni Jehova ang naganap sa Dagat na Pula?
18 Pinaging-banal ang pangalan ni Jehova sa Dagat na Pula (13:17–15:21). Sa pamamagitan ng haliging ulap kung araw at ng haliging apoy kung gabi, ang Israel ay inilabas ni Jehova tungo sa Succoth. Nagmatigas uli ang puso ni Paraon at tinugis sila ng kaniyang mga karong pandigma at nasukol sila, sa akala niya, sa Dagat na Pula. Pinalakas ni Moises ang bayan: “Huwag kayong matakot. Magpakatatag at masdan ang pagliligtas ni Jehova na gagawin ngayon alang-alang sa inyo.” (14:13) Hinawi ni Jehova ang dagat upang gumawa ng isang pasilyong matatakasan at sa pamamagitan nito’y inakay sila ni Moises sa silangang dalampasigan. Hinabol sila ng makapangyarihang hukbo ni Paraon, ngunit sila’y nakulong at nilunod ng sumasalikop na tubig. Ito’y sukdulang pagpapakabanal sa pangalan ni Jehova! Isang dakilang okasyon upang magalak sa kaniya! Ang kagalakan ay ipinahayag sa kauna-unahang awit ng tagumpay sa Bibliya: “Aawit ako kay Jehova, pagkat siya’y lubusang naitanghal. Ang kabayo at ang sakay nito ay ibinulid niya sa dagat. Si Jah ang aking lakas at kapangyarihan, pagkat siya’y aking kaligtasan. . . . Si Jehova ay maghahari magpakailanman, magpa-sa-walang-hanggan.” —15:1, 2, 18.
19. Ano ang naganap sa paglalakbay tungo sa Sinai?
19 Ang tipang Batas ay ginawa ni Jehova sa Sinai (15:22–34:35). Baytang-baytang, sa patnubay ni Jehova, naglakbay ang Israel hanggang Sinai, bundok ng tunay na Diyos. Nang magreklamo sila sa pait ng tubig sa Mara, pinatamis ito ni Jehova. Muli, nang magreklamo sila sa kawalan ng karne at tinapay, naglaan siya ng mga pugo kung gabi at ng manamis-namis na maná, tulad ng hamog sa lupa, kung umaga. Ang maná ay naging tinapay para sa Israel sa loob ng 40 taon. At, sa kauna-unahang pagkakataon, ay iniutos ni Jehova sa mga Israelita na mangilin ng isang araw ng pahinga, o sabbath, at inutusan sila na pumulot ng makalawang dami ng maná sa ikaanim na araw pagkat mawawalan sa ikapito. Nagpalabas din siya ng tubig sa Repidim at nakipagdigma kay Amalek ukol sa kanila, at ipinaulat kay Moises ang Kaniyang hatol na lubusang paglipol sa Amalek.
20. Papaano napangyari ang mas mabuting pag-oorganisa?
20 Ang asawa at dalawang anak ni Moises ay inihatid sa kaniya ng biyenan niyang si Jetro. Dapat nang organisahin ang Israel at si Jetro ay nagbigay ng mahusay at praktikal na payo. Pinayuhan si Moises na huwag sarilinin ang pananagutan kundi humirang ng mga lalaking may-kakayahan, may-takot sa Diyos, na hahatol bilang mga pinunò ng lilibuhin, dadaanin, lilimampuin, at sasampuin. Sumunod si Moises, at mabibigat na kaso lamang ang hinarap niya.
21. Anong pangako ang binitiwan ni Jehova, salig sa anong mga kondisyon?
21 Tatlong buwan pagkaraan ng Pag-aalisan ay nagkampo ang Israel sa ilang ng Sinai. Doo’y nangako si Jehova: “Kung tunay ninyong susundin ang aking tinig at iingatan ang aking tipan, kayo nga’y magiging tanging pag-aari sa akin nang higit sa lahat ng bayan, sapagkat ang buong lupa ay akin. At kayo’y magiging isang kaharian ng mga saserdote at isang bansang banal.” Sumumpa ang bayan: “Lahat ng sinabi ni Jehova ay aming gagawin.” (19:5, 6, 8) Tatlong araw pagkatapos ng isang yugto ng pagpapakabanal sa Israel ay nanaog si Jehova sa bundok, kaya ito ay umusok at nayanig.
22. (a) Ano ang kalakip sa Sampung Salita? (b) Ano pang ibang kahatulan ang iniharap sa Israel, at papaano napalakip ang bayan sa tipang Batas?
22 Ibinigay ni Jehova ang Sampung Salita, o Sampung Utos. Idiniin nito ang bukod-tanging pagsamba kay Jehova, at ipinagbawal ang ibang diyos, pagsamba sa larawan, at ang di-wastong paggamit sa pangalan ni Jehova. Inutusan ang mga Israelita na maglingkod ng anim na araw at mangilin ng sabbath kay Jehova, at igalang ang kanilang ama’t ina. Ang mga batas sa pagpatay, pangangalunya, pagnanakaw, pagsaksi nang di-totoo, at pag-iimbot ay napalakip sa Sampung Salita. Nagtakda pa si Jehova ng mga kahatulan para sa bagong bansa, mga tagubilin sa mga alipin, sa pag-aaway, pananakit, pasahod, pagnanakaw, pinsala sa sunog, huwad na pagsamba, pagtukso, pagmamalabis sa mga balo at ulila, mga utang, at marami pang iba. Ibinigay ang mga batas sa sabbath, at isinaayos ang tatlong taunang kapistahan kay Jehova. Isinulat ni Moises ang mga salita ni Jehova, inihandog ang mga hain, at ang kalahati ng dugo ay iwinisik sa dambana. Ang aklat ng tipan ay binasa sa bayan, at matapos ulitin ang kanilang pagsang-ayon, ang nalabing dugo ay iwinisik sa aklat at sa bayan. Gayon pinagtibay ni Jehova ang tipang Kautusan sa Israel, sa tulong ng tagapamagitan nito, si Moises.—Heb. 9:19, 20.
23. Anong mga tagubilin ang inilaan ni Jehova kay Moises sa bundok?
23 Umakyat si Moises kay Jehova sa bundok upang tanggapin ang Kautusan. Sa loob ng 40 araw at gabi, binigyan siya ng maraming tagubilin tungkol sa mga materyales ng tabernakulo, mga detalye ng kagayakan nito, maliliit na detalye para sa tabernakulo mismo, at ang disenyo para sa kasuotan ng mga saserdote, pati na ang lamina ng dalisay na ginto sa turbante ni Aaron, na inukitan ng “Ang kabanalan ay nauukol kay Jehova.” Dinetalye ang pagtatalaga at paglilingkod ng mga saserdote, at ipinaalaala kay Moises na ang Sabbath ay magiging tanda sa pagitan ni Jehova at ng Israel “sa panahong walang takda.” Ibinigay kay Moises ang dalawang tapyas ng Patotoo na isinulat ng ‘daliri ng Diyos.’—Exo. 28:36; 31:17, 18.
24. (a) Anong pagkakasala ang nagawa ng bayan, at ano ang resulta? (b) Papaano inihayag ni Jehova ang kaniyang pangalan at kaluwalhatian kay Moises?
24 Nainip ang bayan at hiniling kay Aaron na gumawa ng isang diyos na mangunguna sa kanila. Bumuo si Aaron ng isang gintong guya na sinamba ng mga tao sa tinatawag niyang “kapistahan kay Jehova.” (32:5) Sinabi ni Jehova na lilipulin niya ang Israel, ngunit namagitan si Moises, bagaman sa matinding galit ay dinurog nito ang mga tapyas na bato. Nanindigan ang mga anak ni Levi sa dalisay na pagsamba, at pinatay ang 3,000 maiingay na mananamba. Sinalot din sila ni Jehova. Nang makiusap si Moises sa Diyos na patuloy Niyang akayin ang bayan, sinabihan siya na maaari niyang sulyapan ang kaluwalhatian ng Diyos at inutusan siya na umukit ng dalawa pang tapyas na bato na muling pagsusulatan ni Jehova ng Sampung Salita. Nang umahon uli si Moises sa bundok, inihayag sa kaniya ni Jehova ang pangalang Jehova habang Siya ay nagdaraan: “Jehova, Jehova, Diyos na mahabagin at mapagkaloob, banayad sa galit at sagana sa kagandahang-loob at katotohanan, na nagpapakita ng kagandahang- loob sa libu-libo.” (34:6, 7) Pagkatapos isaad ang mga termino ng tipan ay isinulat ito ni Moises gaya ng mababasa ngayon sa Exodo. Nang manaog si Moises sa Bundok Sinai, nagniningning ang mukha niya sa kaluwalhatian ni Jehova. Kaya siya’y naglambong.—2 Cor. 3:7-11.
25. Ano ang isinasalaysay ng ulat hinggil sa tabernakulo at higit pang paghahayag ng kaluwalhatian ni Jehova?
25 Pagtatayo ng tabernakulo (35:1–40:38). Tinipon ni Moises ang Israel upang ihatid ang mga salita ni Jehova, at sinabi na pribilehiyo ng mga bukas-puso ang mag-abuloy para sa tabernakulo at pribilehiyo ng mga dalubhasa na magtayo nito. Di nagtagal ay iniulat kay Moises: “Ang bayan ay nagdadala ng higit kaysa kinakailangan sa gawain ni Jehova.” (36:5) Sa patnubay ni Moises ang mga manggagawang puspos ng espiritu ni Jehova ay nagtayo ng tabernakulo at ng mga kasangkapan nito, sampu ng kasuotan ng mga saserdote. Isang taon pagkaraan ng Pag-aalisan, ang tabernakulo ay natapos at naitayo sa kapatagan ng Bundok Sinai. Ipinamalas ni Jehova ang pagsang-ayon nang ang tabernakulo ng kapisanan ay matakpan ng ulap at mapunô ng kaniyang kaluwalhatian, kaya si Moises ay hindi nakapasok doon. Ang ulap na ito kung araw at apoy kung gabi ang naging tanda ng pamamatnubay ni Jehova sa paglalakbay ng Israel. Noo’y 1512 B.C.E., at dito nagwawakas ang ulat ng Exodo, at ang pangalan ni Jehova ay maluwalhating napaging-banal dahil sa kamangha-manghang mga gawa na ipinakita sa kapakanan ng Israel.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
26. (a) Papaano itinatatag ng Exodo ang pananampalataya kay Jehova? (b) Papaano lumalago ang ating pananampalataya dahil sa mga pagtukoy ng Kristiyanong Kasulatang Griyego sa Exodo?
26 Higit sa lahat, si Jehova ay ipinakikilala ng Exodo bilang dakilang Tagapagligtas at Organisador at Tagatupad ng kaniyang kahanga-hangang mga layunin, at ito ang nagpapatibay ng ating pananampalataya. Lumalago ang pananampalatayang ito habang sinusuri ang maraming pagtukoy ng Kristiyanong Kasulatang Griyego sa Exodo bilang pahiwatig ng mga katuparan ng maraming bahagi ng tipang Batas, ng katiyakan ng pagkabuhay-na-muli, ng pagtustos ni Jehova sa kaniyang bayan, ng mga pamarisan ukol sa Kristiyanong pagkakawanggawa, ng payo sa pag-aasikaso sa magulang, ng mga kahilingan sa pagkakamit ng buhay, at kung papaano mamalasin ang makatarungang parusa. Ang Batas ay sinuma sa dalawang utos na pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa.—Mat. 22:32—Exo. 4:5; Juan 6:31-35 at 2 Cor. 8:15—Exo. 16:4, 18; Mat. 15:4 at Efe. 6:2—Exo. 20:12; Mat. 5:26, 38, 39—Exo. 21:24; Mat. 22:37-40.
27. Ano ang pakinabang ng Kristiyano sa makasaysayang ulat ng Exodo?
27 Mababasa natin sa Hebreo 11:23-29 ang pananampalataya ni Moises at ng kaniyang mga magulang. Sa pananampalataya’y iniwan niya ang Ehipto, nagdiwang siya ng Paskuwa, at inakay ang Israel patawid sa Dagat na Pula. Ang mga Israelita ay nabautismuhan kay Moises at nagsikain ng espirituwal na pagkain at uminom ng espirituwal na inumin. Inasahan nila ang espirituwal na batong-panulok, o Kristo, subalit hindi sila sinang-ayunan ng Diyos, sapagkat inilagay nila ang Diyos sa pagsubok at sila’y naging mananamba sa diyus-diyosan, mangangalunya, at mapagreklamo. Ipinaliwanag ni Pablo na makahulugan ito para sa mga Kristiyano ngayon: “Ang mga bagay na ito ay nangyari sa kanila bilang halimbawa, at nasulat bilang babala sa atin na dinatnan ng katapusan ng pamamalakad ng mga bagay. Kaya ang nakatayo ay mag-ingat na baka siya mabuwal.”—1 Cor. 10:1-12; Heb. 3:7-13.
28. Papaano natupad ang mga anino ng Kautusan at ng kordero ng Paskuwa?
28 Ang malalim na espirituwal na kahulugan ng Exodo, sampu ng makahulang katuparan nito, ay inihaharap sa mga sulat ni Pablo, lalo na sa Hebreo kabanata 9 at 10. “Sapagkat ang Kautusan ay anino ng mabubuting bagay na darating, hindi ang tunay na larawan ng mga bagay, kaya ang taong lumalapit ay hindi kailanman mapasasakdal ng iyo’t-iyon ding hain na inihahandog sa bawat taon.” (Heb. 10:1) Kaya interesado tayo na kilalanin ang anino at unawain ang katuparan. Si Kristo “ay naghandog ng iisang hain magpakailanman para sa kasalanan.” Inilalarawan siya bilang “Kordero ng Diyos.” Isa mang buto ng “Kordero[ng]” ito ay hindi nabali, tulad niyaong sa anino. Nagkomento si apostol Pablo: “Si Kristo na ating paskuwa ay naihain na. Kaya ipagdiwang natin ang kapistahan, hindi sa lumang lebadura, ni sa lebadura ng kasamaan at kabalakyutan, kundi sa walang-lebadurang tinapay ng kataimtiman at katotohanan.”—Heb. 10:12; Juan 1:29 at Ju 19:36—Exo. 12:46; 1 Cor. 5:7, 8—Exo. 23:15.
29. (a) Paghambingin ang tipang Kautusan at ang bagong tipan. (b) Anong mga hain ang inihahandog sa Diyos ng mga espirituwal na Israelita ngayon?
29 Si Jesus ang naging Tagapamagitan ng bagong tipan, gaya ni Moises na tagapamagitan ng tipang Kautusan. Ang pagkakaiba ng dalawang tipan ay buong-linaw na ipinaliwanag ni apostol Pablo, na bumanggit ng ‘nasusulat na mga kautusan’ na pinawi ng pagkamatay ni Jesus sa pahirapang tulos. Bilang Mataas na Saserdote, ang binuhay-muling si Jesus ay “ministro ng santwaryo at ng tunay na tabernakulo, na itinayo ni Jehova, hindi ng tao.” Sa ilalim ng Kautusan ang mga saserdote ay naghandog ng “banal na paglilingkod sa anyo at anino ng makalangit na mga bagay” ayon sa huwaran na ibinigay ni Moises. “Ngunit nakamit ni Jesus ang isang ministeryo na mas marangal, kaya siya rin ang tagapamagitan ng isang tipan na mas magaling, na itinatag ng kautusan sa mas mabubuting mga pangako.” Ang lumang tipan ay lumipas na at inalis bilang isang kodigo na humahatol ng kamatayan. Ang mga Judiong di-nakakaunawa ay inilarawan bilang mga manhid ang pakiramdam, subalit ang mga nagpapahalaga sa pagpapailalim ng espirituwal na Israel sa bagong tipan ay maaaring “magpaaninaw ng kaluwalhatian ni Jehova nang hindi nalalambungan ang mukha,” at maging karapat-dapat na mga ministro nito. Dahil sa nilinis na budhi ay makapaghahandog sila ng mga “hain ng papuri, alalaong baga’y, ang bunga ng mga labi na gumagawa ng pangmadlang pagpapahayag sa kaniyang pangalan.”—Col. 2:14; Heb. 8:1-6, 13; 2 Cor. 3:6-18; Heb. 13:15; Exo. 34:27-35.
30. Ano ang inilarawan ng pagliligtas sa Israel at ng pagtatanghal ng pangalan ni Jehova sa Ehipto?
30 Dinadakila ng Exodo ang pangalan at soberanya ni Jehova, at umaakay sa maluwalhating kaligtasan ng Kristiyanong espirituwal na Israel, na tinukoy nang ganito: “Kayo’y ‘lahing hirang, isang maharlikang pagkasaserdote, bansang banal, bayang tanging pag-aari, upang inyong ipahayag ang mga karangalan’ niyaong tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kaniyang kagila-gilalas na liwanag. Sapagkat kayo nang nakaraan ay hindi bayan, ngunit ngayo’y bayan ng Diyos.” Ang kapangyarihan ni Jehova sa pagtitipon ng espirituwal na Israel bilang pagdakila sa kaniyang pangalan ay isang himala na gaya rin ng kapangyarihan na ipinamalas niya sa sinaunang Ehipto alang-alang sa kaniyang bayan. Sa pagpapanatili kay Paraon upang maitanghal ang Kaniyang kapangyarihan at upang maipahayag ang Kaniyang pangalan, si Jehova ay naglaan ng anino ng isang mas dakilang patotoo na ibibigay sa pamamagitan ng Kaniyang Kristiyanong mga Saksi.—1 Ped. 2:9, 10; Roma 9:17; Apoc. 12:17.
31. Ano ang inilalarawan ng Exodo tungkol sa isang kaharian at sa presensiya ni Jehova?
31 Kaya, masasabi na ang bansang itinatag sa ilalim ni Moises ay lumarawan sa isang bagong bansa sa ilalim ni Kristo at sa isang kaharian na hindi maigugupo. Sa liwanag nito, hinihimok tayo na “maghandog sa Diyos ng banal na paglilingkod na may banal na takot at paggalang.” Kung papaanong ang presensiya ni Jehova ay tumakip sa tabernakulo sa ilang, nangangako siya na ang mga natatakot sa kaniya ay makakasama niya nang walang-hanggan: “Masdan! Ang tabernakulo ng Diyos ay nasa tao, at siya’y mananahan sa kanila, at sila’y magiging bayan niya. Ang Diyos din ay sasa kanila. . . . Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.” Ang Exodo ay isa ngang mahalaga at kapaki-pakinabang na bahagi ng ulat ng Bibliya.—Exo. 19:16-19—Heb. 12:18-29; Exo. 40:34—Apoc. 21:3, 5.
[Mga talababa]
a Exodo 3:14, talababa; Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 12.
b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 532, 535; Archaeology and Bible History, 1964, J. P. Free, pahina 98.
c Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 540-1.
d Exodus, 1874, F. C. Cook, pahina 247.
[Mga Tanong sa Aralin]