Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 20—Mga Kawikaan

Aklat ng Bibliya Bilang 20—Mga Kawikaan

Aklat ng Bibliya Bilang 20​—Mga Kawikaan

Mga Tagapagsalita: Sina Solomon, Agur, Lemuel

Saan Isinulat: Sa Jerusalem

Natapos Isulat: c. 717 B.C.E.

1. Anong karunungan ang masusumpungan sa aklat ng Mga Kawikaan?

 NANG si Solomon, anak ni David ay maghari sa Israel noong 1037 B.C.E., humingi siya kay Jehova ng “karunungan at kaalaman” upang “hatulan ang malaking bayang ito.” Binigyan siya ni Jehova ng ‘kaalaman at karunungan at ng pusong maunawain.’ (2 Cron. 1:10-12; 1 Hari 3:12; 4:30, 31) Bunga nito, si Solomon ay “bumigkas ng tatlong libong kawikaan.” (1 Hari 4:32) Nasa aklat ng Mga Kawikaan ang ilan sa karunungang ito. Yamang ang karunungan niya ay talagang “inilagay ng Diyos sa kaniyang puso,” ang pag-aaral ng Mga Kawikaan ay talagang pag-aaral ng karunungan ng Diyos na Jehova. (1 Hari 10:23, 24) Narito ang buod ng walang-hanggang mga katotohanan. Napapanahon ang mga ito na gaya nang ito ay unang bigkasin.

2. Bakit angkop na sa panahon ni Solomon ilaan ang banal na patnubay sa Mga Kawikaan?

2 Ang paghahari ni Solomon ay angkop na panahon upang ilaan ang ganitong banal na patnubay. Si Solomon ay “nakaupo sa luklukan ni Jehova.” Nasa kasukdulan ang teokratikong kaharian ng Israel, at si Solomon ay may nakahihigit na “maharlikang karangalan.” (1 Cron. 29:23, 25) Yao’y panahon ng kapayapaan at kasaganaan, panahon ng katiwasayan. (1 Hari 4:20-25) Sa kabila ng teokratikong pamamahala, ang bayan ay nagkaroon pa rin ng personal na mga suliranin at kahirapan dahil sa di-kasakdalan ng tao. Kaya likas lamang na ang bayan ay umasa sa matalinong haring si Solomon upang tulungan sila na lutasin ang mga ito. (1 Hari 3:16-28) Samantalang humahatol sa napakaraming kaso, siya ay bumigkas ng mga kawikaan na angkop sa iba’t-ibang kalagayan sa araw-araw na buhay. Ang maiikli ngunit matutulis na kasabihang ito ay lubhang pinahalagahan niyaong mga handang mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos.

3. Papaano natipon ang Mga Kawikaan?

3 Hindi sinasabi ng ulat na si Solomon ay sumulat ng Mga Kawikaan. Sinasabi nito na ‘bumigkas’ siya ng mga kawikaan, at na “siya . . . ay puspusang nagsaliksik, upang maisaayos ang maraming kawikaan,” sa gayo’y ipinakikita ang interes niya na maingatan ang mga ito para sa hinaharap. (1 Hari 4:32; Ecle. 12:9) Noong panahon nina David at Solomon, ang mga kalihim ay kabilang sa mga opisyal sa palasyo. (2 Sam. 20:25; 2 Hari 12:10) Hindi natin alam kung sila ang sumulat at nagtipon ng kaniyang mga kawikaan, subalit likas lamang na pahalagahan at iulat ang mga pananalita ng isang pinunò na may kakayahang tulad niya. Kinikilala ng marami na ang aklat ay isang koleksiyon na tinipon mula sa iba pang koleksiyon.

4. (a) Papaano karaniwan nang nahahati ang aklat ng Mga Kawikaan? (b) Sino ang nagpasimula ng kalakhang bahagi ng mga kawikaan?

4 Ang Mga Kawikaan ay mahahati sa limang seksiyon. Ito’y ang (1) Kabanata 1-9, na may pambungad na, “Mga kawikaan ni Solomon na anak ni David”; (2) Kabanata 10-24, tinutukoy na “Mga Kawikaan ni Solomon”; (3) Kabanata 25-29, na may pambungad na: “Ito ang mga kawikaan ni Solomon na isinulat ng mga tauhan ni Ezekias na hari ng Juda”; (4) Kabanata 30, na ipinakikilala bilang “Mga salita ni Agur na anak ni Jakeh”; at (5) Kabanata 31, na binubuo ng “Mga salita ni Haring Lemuel, ang mariing payo na ibinigay ng kaniyang ina.” Kaya si Solomon ang pinagmulan ng kalakhang bahagi ng mga kawikaan. Hindi tiyak ang pagkakakilanlan nina Agur at Lemuel. Ayon sa ibang komentarista, ang Lemuel ay baka isa ring pangalan ni Solomon.

5. Kailan isinulat at tinipon ang Mga Kawikaan?

5 Kailan isinulat at tinipon ang Mga Kawikaan? Tiyak na ang karamihan ay naisulat noong hari pa si Solomon (1037-998 B.C.E.) at bago siya napalihis ng landas. Dahil sa malabong pagkakakilanlan nina Agur at Lemuel, hindi mapepetsahan ang kanilang isinulat. Yamang ang isa sa mga koleksiyon ay ginawa noong si Ezekias ay hari (745-717 B.C.E.), hindi ito matitipon bago siya maging hari. Ang huling dalawang seksiyon ay tinipon din kaya noong panahon ni Haring Ezekias? Bilang sagot ay nagpapaliwanag ang talababa ng Kawikaan 31:31 sa New World Translation of the Holy Scriptures​—With References: “Sa ilang ed[isyon] ng tekstong Heb[reo] ay makikita ang trigrammaton, o tatlong titik, Chehth, Zaʹyin, Qohph (חןק) na kumakatawan sa lagda ni Haring Ezekias sa kopya na ginawa ng mga kalihim upang ipakita na ito ay tapos na.”

6. Ano ang isang kawikaan, at bakit angkop ang Hebreong pamagat ng aklat?

6 Sa mga Bibliyang Hebreo, ang aklat ay unang tinawag ayon sa pambungad na salita, mish·lehʹ, nangangahulugang “mga kawikaan.” Ang mish·lehʹ ay pang-maramihang bilang ng pangngalang Hebreo na ma·shalʹ, na nagmula di-umano sa salitang ugat na nangangahulugang “maging gaya” o “maging katulad.” Maganda ang paglalarawan ng mga terminong ito, sapagkat ang mga kawikaan ay mga salitang malamán na gumagamit ng paghahambing o paghahalintulad na sadyang tumutulong upang mag-isip ang isa. Dahil sa maikling anyo ng mga kawikaan, ang mga ito ay kawili-wili at madaling sundan, at dahil dito’y madali ring ituro, matutuhan, at matandaan. Ang diwa ay nananatili.

7. Ano ang dapat pansinin hinggil sa estilo ng Mga Kawikaan?

7 Nakawiwili rin ang estilo ng pagpapahayag na ginagamit sa aklat. Yao’y sa Hebreong estilo na patulâ. Ang balangkas ng kalakhang bahagi ng aklat ay ang patulang paralelismo. Ang dulo ng mga linya o talata ay hindi magkatugma, o magsintunog. Ang pinagtutugma ay ang mga kahulugan o diwa. Ang ganda at puwersa ng pagtuturo ay nasa ganitong pagtutugma ng diwa. Ang mga ito ay maaaring magsinghulugan o magkasalungat, upang palawakin ang ideya at tiyakin na naihahatid ang tunay na kahulugan. Ang mga halimbawa ng magsinghulugang paralelismo ay ang Kawikaan 11:25; 16:18; at 18:15, at ang mga halimbawa ng mas nakararaming magkasalungat na paralelismo ay ang Kawikaan 10:7, 30; 12:25; 13:25; at 15:8. Isa pang uri ng balangkas ay yaong nasa dulo ng aklat. (Kaw. 31:10-31) Sa Hebreo bawat isa sa 22 talata ay inayos upang magsimula sa sunud-sunod na titik ng abakadang Hebreo, ang estilong acrostic na ginagamit din sa ilang mga awit. Walang kasing-ganda ang estilong ito sa lahat ng sinaunang mga kasulatan.

8. Papaanong ang paggamit dito ng unang mga Kristiyano ay patotoo ng pagiging-tunay ng Mga Kawikaan?

8 Ang pagiging-tunay ng Mga Kawikaan ay makikita rin sa malawak na paggamit dito ng unang mga Kristiyano sa pagsasaad ng mga tuntunin ng paggawi. Maliwanag na may lubos na kabatiran si Santiago sa Mga Kawikaan at ginamit niya ang mga simulain nito sa kaniyang mahuhusay na payo sa paggawing Kristiyano. (Ihambing ang Kawikaan 14:29; 17:27 sa Santiago 1:19, 20; Kawikaan 3:34 sa Santiago 4:6; Kawikaan 27:1 sa Santiago 4:13, 14.) Ang pagsipi sa Mga Kawikaan ay mababasa rin sa sumusunod: Roma 12:20​—Kawikaan 25:21, 22; Hebreo 12:5, 6​—Kawikaan 3:11, 12; 2 Pedro 2:22​—Kawikaan 26:11.

9. Papaano kasuwato ng buong Bibliya ang Mga Kawikaan?

9 Isa pa, ipinakikita ng Kawikaan na ito’y kasuwato ng buong Bibliya at kung gayo’y bahagi ng “lahat ng Kasulatan.” Kapansin-pansin ang pagkakaisa ng diwa kung ihahambing sa Kautusan ni Moises, sa turo ni Jesus, at sa isinulat ng mga alagad at apostol ni Jesus. (Tingnan ang Kawikaan 10:16​—1 Corinto 15:58 at Galacia 6:8, 9; Kawikaan 12:25​—Mateo 6:25; Kawikaan 20:20​—Exodo 20:12 at Mateo 15:4.) Maging sa mga punto ng paghahanda sa lupa bilang tahanan ng tao, kaisa ito ng isipan ng iba pang manunulat ng Bibliya.​—Kaw. 3:19, 20; Gen. 1:6, 7; Job 38:4-11; Awit 104:5-9.

10, 11. Ano pa ang patotoo na ang aklat ay kinasihan ng Diyos?

10 Patotoo pa ng pagiging-kinasihan ng aklat ay ang siyentipikong kawastuan kaugnay ng mga simulain sa kimika, medisina, o kalusugan. Ang Kawikaan 25:20 ay bumabanggit sa reaksiyon ng asido at alkali (asin). Sang-ayon ang Kawikaan 31:4, 5 sa makabagong siyensiya na ang alkohol ay pampamanhid ng isipan. Maraming doktor at nutritionist ang sang-ayon na ang pulot-pukyutan ay nagpapalusog, kasuwato ng kawikaan na: “Anak ko, kumain ka ng pulot-pukyutan, pagkat ito ay mabuti.” (Kaw. 24:13) Ang makabagong unawa sa epekto ng isip sa katawan (psychosomatics) ay hindi bago sa Kawikaan. “Ang masayang puso ay mabuting kagamutan.”​—17:22; 15:17.

11 Oo, gayon kalubos ang pagsaklaw ng Mga Kawikaan sa bawat pangangailangan at suliranin ng tao kung kaya nasabi ng isang autoridad: “Walang ugnayan sa buhay na hindi nito napaglalaanan ng wastong turo, walang mabuti o masamang hilig na hindi binibigyan ng katapat na gantimpala o pagtutuwid. Ang kaisipan ng tao ay laging iniuugnay sa Diyos, . . . at waring ang tao ay lumalakad sa harapan ng kaniyang Maygawa at Hukom . . . Bawat uri ng pagkatao ay nasa matandang aklat na ito; at bagaman isinulat tatlong libong taon na ang nakakaraan, napapanahon pa rin ito at waring ngayon lamang ito iginuhit salig sa buháy na pamarisan.”​—Dictionary of the Bible ni Smith, 1890, Tomo III, pahina 2616.

NILALAMAN NG MGA KAWIKAAN

12. (a) Anong dugtong-dugtong na tula ang bumubuo sa unang seksiyon ng Mga Kawikaan? (b) Ano ang itinuturo nito tungkol sa karunungan at paggawi ng tao? (c) Papaano isinasaad ng Kawikaan 1:7 ang saligang turo ng buong aklat?

12 Ang Unang Seksiyon (1:1–​9:18). Ito’y dugtung-dugtong na tula na binubuo ng maiikling diskurso na waring mula sa isang ama para sa kaniyang anak, tungkol sa pangangailangan ng karunungan na papatnubay sa puso, o panloob na pagkatao, at upang ituwid ang hangarin. Itinuturo nito ang halaga at pagpapala ng karunungan: kaligayahan, kaluguran, kapayapaan, at buhay. (1:33; 3:13-18; 8:32-35) Inihahambing ito sa kamangmangan at ang resulta nito: pagdurusa at sa wakas ay kamatayan. (1:28-32; 7:24-27; 8:36) Sa pagtalakay sa sari-saring sitwasyon at posibilidad sa buhay, may saligang leksiyon ito sa paggawi ng tao at sa kasalukuyan at hinaharap na bunga ng gayong paggawi. Isinasaad ng Kawikaan 1:7 ang saligang turo ng buong aklat: “Ang takot kay Jehova ay pasimula ng kaalaman.” Ang pag-alaala kay Jehova ay dapat ipamalas sa bawat kilos. Paulit-ulit na idinidiin ang hindi paglimot sa mga batas ng Diyos, ang hindi paglayo at hindi pagpapabaya rito.

13. Taluntunin ang pangunahing mga hibla na nakahabi sa unang seksiyon ng Mga Kawikaan?

13 Ang mga pangunahing hibla na nakahabi sa kayo ng unang seksiyon ay ang praktikal na karunungan, kaalaman, takot kay Jehova, disiplina, at unawa. May mga babala laban sa masasamang kasama, pagtatakwil sa disiplina ni Jehova, at pakikitungo sa masasamang babae. (1:10-19; 3:11, 12; 5:3-14; 7:1-27) Makalawang inilalarawan ang karunungan na nasa liwasang bayan, at sa gayo’y madaling makakamit, laging umiiral. (1:20, 21; 8:1-11) Inilalarawan ito bilang persona na nagsusumamo sa mga walang-karanasan, at nililiwanag din ang hinggil sa paglalang sa lupa. (1:22-33; 8:4-36) Talagang pambihirang aklat ito! Nagtatapos ang seksiyon sa pambungad na tema nito, na “ang takot kay Jehova ay pasimula ng karunungan.” (9:10) Buhat sa pasimula, idiniriin na ang pagkilala kay Jehova sa lahat ng ating lakad, pati na ang panghahawakan sa kaniyang katuwiran, ay aakay sa buhay at mag-iingat sa atin mula sa lahat ng di-kanais-nais.

14. Anong baligtad na paralelismo ang nagpapatingkad sa praktikal na turo ng Mga Kawikaan?

14 Ang Ikalawang Seksiyon (10:1–​24:34). Mababasa rito ang maraming pilì, di-magkakaugnay na salawikain na nagkakapit ng karunungan sa masalimuot na mga kalagayan sa buhay. Sa pagtuturo kung papaano wastong ikakapit, layunin nito na itaguyod ang higit na kaligayahan at kalugud-lugod na pamumuhay. Ang baligtad na paralelismo ay nagpapatingkad nito sa isipan. Narito ang ilang paksa na sa kabanata 10, 11, at Kaw 12 lamang tinatalakay:

 pag-ibig l(aban) s(a) poot

 karunungan l.s. kamangmangan

 pagtatapat l.s. pandaraya

 katapatan l.s. paninirang-puri

 katotohanan l.s. kasinungalingan

 pagiging-mapagbigay l.s. pagkakait

 sipag l.s. katamaran

 matuwid na paglakad l.s. kalikuan

 mabuting payo l.s. kawalang-patnubay

 masipag na asawa l.s. kahiya-hiyang asawa

 katuwiran l.s. kabalakyutan

 kahinhinan l.s. kapangahasan

 Ang pagsasaisip sa mga ito sa araw-araw na pamumuhay ay kukumbinse sa atin na ang Mga Kawikaan ay tunay na isang praktikal na aklat!

15. Magbigay ng halimbawa ng iba’t-ibang sitwasyon sa buhay na tinatalakay sa Mga Kawikaan.

15 Ang natitira sa seksiyong ito (13:1–​24:34) ay nagpapaalala sa mga pamantayan ni Jehova na tutulong sa pagkakaroon ng unawa at kabatiran. Ang lawak ng saklaw ng aklat ay makikita sa iba’t-ibang sitwasyon sa buhay ng tao na tinatalakay. Kapaki-pakinabang ang payo ng Bibliya hinggil sa pagkukunwari, kapangahasan, pagtupad sa pangako, katalinuhan, pakikipagsamahan, pagtutuwid at pagsasanay sa anak, pangmalas ng tao sa kung ano ang tama, pagiging-banayad sa galit, awa sa naaapi, panlilinlang, panalangin, panunuya, pagkakontento sa buhay, pagmamataas, mahalay na pakinabang, panunuhol, pakikipagtalo, pagpipigil-sa-sarili, pagbubukod-sa-sarili, pagtahimik, di-pagtatangi, pag-aaway, kababaang-loob, kaluhuan, pangangalaga sa ama’t-ina, paglalasing, pandaraya, katangian ng asawang-babae, mga kaloob, pangungutang, pagpapautang, kabaitan, tiwala, hangganan ng ari-arian, pagpapatibay sa sambahayan, inggit, pagganti, pagpapalalo, malubay na sagot, pagbubulay, at tunay na pakikipagsamahan. Napakayamang bangan nito ng patnubay sa araw-araw na buhay! Para sa iba, ang ilan ay waring hindi gaanong mahalaga, subalit pansinin na hindi kinaliligtaan ng Bibliya maging ang tila napakaliliit na bagay. Hindi masukat ang halaga ng Mga Kawikaan.

16. Anong nagpapatibay na payo ang ibinibigay sa ikatlong seksiyon ng Mga Kawikaan?

16 Ang Ikatlong Seksiyon (25:1–​29:27). Inilalaan ang nagpapatibay na payo sa dangal, pagtitiis, mga kaaway, pagtrato sa mga mangmang, pagkakatuwa, panghihibo, pananaghili, sama-ng-loob na dulot ng kaibigan, gutom, paninirang-puri, pagtupad sa pananagutan, patubo, pagtatapat (ng kasalanan), resulta ng masamang pamamahala, kayabangan, pagpapala ng matuwid na pamamahala, pagsamâ ng kabataan, pagtrato sa mga alipin, unawa, at patiunang pananaw.

17. (a) Anong “mariing mensahe” ang inihahatid ni Agur? (b) Anong iba’t-ibang grupo ng apat na mga bagay ang inilalarawan niya?

17 Ang Ikaapat na Seksiyon (30:1-33). Ito ang “mariing mensahe” ni Agur. Matapos na mapakumbabang amining siya’y walang kabuluhan, binabanggit ng manunulat ang kawalang-kakayahan ng tao sa paglikha ng lupa at sa mga narito. Sinasabi niya na ang Salita ng Diyos ay dalisay at isang kalasag. Hiniling niya na ang kabulaanan ay malayò sa kaniya at huwag siyang bigyan ng kayamanan ni ng karalitaan. Inilalarawan niya ang mahalay, mayabang, at sakim na lahi na sumusumpa sa magulang. Ipinakikilala ang apat na bagay na hindi nagsasabi ng “Tama na!”, at ang apat na bagay na mahirap maunawaan. (30:15, 16) Inihaharap ang walang-kahihiyang pagmamatuwid ng babaeng mapangalunya. Saka inilalarawan ang apat na bagay na di-matitiis ng lupa, apat na maliliit na bagay na may likas na talino, at apat na bagay na di-matutularan ang lakad. Sa tulong ng angkop na paghahambing, nagbababala ang manunulat na “ang pagmumungkahi sa galit ay nagbubunga ng alitan.”​—30:33.

18. Ano ang sinasabi ni Haring Lemuel tungkol sa (a) masamang babae at (b) sa masipag na asawang-babae?

18 Ang Ikalimang Seksiyon (31:1-31). Ito’y isa pang “mariing mensahe,” ang kay Haring Lemuel. Dalawa ang estilo ng pagsulat dito. Ang una ay tumatalakay sa kapahamakan ng paglapit sa masamang babae, nagbababala sa paglabo ng isip mula sa inuming nakalalasing, at humihiling ng matuwid na paghatol. Ang acrostic sa huling bahagi ay mahusay na paglalarawan ng masipag na asawang-babae. Iniisa-isa ang halaga niya, at ipinakikitang siya’y pinagkakatiwalaan at kapaki-pakinabang sa kaniyang may-ari. Kabilang sa mga katangian niya ay kasipagan, pagbangon nang maaga, talino sa pamimili, kabaitan sa dukha, patiunang pananaw at matalinong pagsasalita. Siya rin ay listo, iginagalang ng kaniyang mga anak at pinupuri ng kaniyang asawa. Higit sa lahat, natatakot siya kay Jehova.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

19. Papaano ipinababatid ng Mga Kawikaan ang kapaki-pakinabang na layunin nito?

19 Nasa pambungad na mga talata ang kapaki-pakinabang na layunin ng Mga Kawikaan: “Upang ang isa ay matuto ng karunungan at disiplina, upang mabatid ang mga salitang may unawa, upang tumanggap ng turo sa pantas na pag-uugali, ng katuwiran at ng kahatulan at ng katarungan, upang magbigay ng talino sa walang-karanasan, ng kaalaman at unawa sa kabataan.” (1:2-4) Kasuwato nito, itinatampok ng aklat ang kaalaman, karunungan, at unawa, na pawang kapaki-pakinabang sa kani-kaniyang sariling paraan.

20. Ano ang sinasabi ng Mga Kawikaan tungkol sa kaalaman?

20 (1) Kaalaman ang pangunahing pangangailangan ng tao, pagkat hindi mabuti ang manatiling ignorante. Hindi makakamit ang kaalaman kung walang pagkatakot kay Jehova, sapagkat ang kaalaman ay nagsisimula sa ganitong pagkatakot. Ang kaalaman ay mas mahalaga kaysa ginto. Bakit? Sa pamamagitan nito ay naliligtas ang matuwid; humahadlang ito sa pagkabulid sa kasalanan. Dapat hanapin ito, kamtin ito! Napakahalaga nito. Kaya “ikiling mo ang iyong tainga at pakinggan ang mga salita ng pantas at ihilig mo ang iyong puso sa aking kaalaman.”​—22:17; 1:7; 8:10; 11:9; 18:15; 19:2; 20:15.

21. Ano ang maka-diyos na turo tungkol sa karunungan?

21 (2) Karunungan, ang wastong paggamit ng kaalaman sa ikapupuri ni Jehova, “ay pangunahing bagay.” Kamtin ito. Si Jehova ang Bukal nito. Ang nagbibigay-buhay na karunungan ay nagsisimula sa pagkilala at pagkatakot sa Diyos na Jehova​—ito ang lihim ng karunungan. Kaya matakot sa Diyos, hindi sa tao. Ang karunungan ay nagsasalita, at hinihimok ang lahat na ituwid ang kanilang daan. Ang karunungan ay sumisigaw sa mga lansangan. Tinatawagan ni Jehova ang mga walang-karanasan at mahihina-ang-loob na manumbalik at kumain ng tinapay ng karunungan. At, taglay ang pagkatakot kay Jehova, liligaya sila bagaman kinakapos. Maraming pagpapala ang karunungan; kapaki-pakinabang ang bunga nito. Karunungan at kaalaman​—ito ang saligan ng kaunawaan, yaong uri na nagliligtas. Ang karunungan ay gaya ng pulot-pukyutan na kanais-nais at kapaki-pakinabang. Mahalaga ito kaysa ginto; ito’y punongkahoy ng buhay. Mamamatay ang tao kung walang karunungan, pagkat iniingatan nito ang buhay; nangangahulugan ito ng buhay.​—4:7; 1:7, 20-23; 2:6, 7, 10, 11; 3:13-18, 21-26; 8:1-36; 9:1-6, 10; 10:8; 13:14; 15:16, 24; 16:16, 20-24; 24:13, 14.

22. Anong pag-iingat ang idinudulot ng kaunawaan?

22 (3) Bukod sa kaalaman at karunungan, mahalaga ang unawa; kaya, “sa lahat mong kukunin, ay kunin mo ang unawa.” Ito ang kakayahan na makita ang ugnay-ugnay na bahagi ng isang bagay; ito ay nangangahulugan ng malalim na kabatiran, ng laging pagsasaisip sa Diyos, pagkat hindi dapat magtiwala sa sariling unawa. Hindi makakamit ang tunay na unawa kung tayo’y salungat kay Jehova! Upang makamit, dapat itong saliksikin na gaya ng natatagong kayamanan. Upang makaunawa, kailangan ang kaalaman. Ginagantimpalaan ang nagsasaliksik ng kaalaman at napapasa-kaniya ang karunungan. Naiingatan siya sa di-mabilang na silo ng sanlibutan, gaya ng masasama na humihikayat sa iba sa kadiliman. Salamat sa Diyos na Jehova​—ang Bukal ng nagbibigay-buhay na kaalaman, karunungan, at unawa!​—4:7; 2:3, 4; 3:5; 15:14; 17:24; 19:8; 21:30.

23. Anong matalinong payo ang susunod na tatalakayin?

23 Kasuwato ng kapaki-pakinabang na layunin ng Mga Kawikaan, ang aklat ay sagana sa matalino, kinasihang payo na tutulong sa pagkakamit ng unawa at sa pag-iingat ng puso, “sapagkat ito ang bukal ng buhay.” (4:23) Narito ang ilang matatalinong payo na idiniriin sa buong aklat.

24. Ano ang sinasabi tungkol sa balakyot at sa matuwid?

24 Pinaghahambing ang balakyot at ang matuwid: Ang balakyot ay masisilo ng kaniyang kalikuan, at ang kaniyang mga kayamanan ay hindi makapagliligtas sa kaniya sa araw ng galit. Ang matuwid ay nakahanay sa buhay at sa gantimpala ni Jehova.​—2:21, 22; 10:6, 7, 9, 24, 25, 27-32; 11:3-7, 18-21, 23, 30, 31; 12:2, 3, 7, 28; 13:6, 9; 14:2, 11; 15:3, 8, 29; 29:16.

25. Papaano nagbababala ang Mga Kawikaan laban sa imoralidad?

25 Ang pangangailangan ng wagas na asal: Paulit-ulit na nagpapayo si Solomon laban sa imoralidad. Ang mga mangangalunya ay sasalutin at mapapahiya, at hindi mapapawi ang kadustaan nila. Sa kabataan, matamis “ang nakaw na tubig”, ngunit inaakay ng patutot sa kamatayan ang kaniyang mangmang na mga biktima. Tinutuligsa ni Jehova ang nagpapahulog sa malalim na bangin ng imoralidad.​—2:16-19; 5:1-23; 6:20-35; 7:4-27; 9:13-18; 22:14; 23:27, 28.

26. Ano ang sinasabi tungkol sa pagpipigil-sa-sarili?

26 Ang pangangailangan ng pagpipigil-sa-sarili: Hinahatulan ang paglalasing at katakawan. Upang sang-ayunan ng Diyos, dapat maging katamtaman sa pagkain at pag-inom. (20:1; 21:17; 23:21, 29-35; 25:16; 31:4, 5) Ang banayad sa galit ay sagana sa unawa at malakas pa sa taong makapangyarihan na sumasakop sa isang lungsod. (14:17, 19; 15:1, 18; 16:32; 19:11; 25:15, 28; 29:11, 22) Kailangan din ang pagpipigil-sa-sarili upang maiwasan ang inggit at pananaghili, na kabulukan sa mga buto.​—14:30; 24:1; 27:4; 28:22.

27. (a) Ano ang di-matalinong pagsasalita? (b) Bakit napakahalaga ang matalinong paggamit ng labi at dila?

27 Matalino at di-matalinong pagsasalita: Ilalantad ang masamang salita, ang maninirang-puri, ang bulaang saksi, at ang sinungaling, pagkat sila’y kasuklam-suklam kay Jehova. (4:24; 6:16-19; 11:13; 12:17, 22; 14:5, 25; 17:4; 19:5, 9; 20:17; 24:28; 25:18) Kung ang bibig ay nagsasalita ng mabubuting bagay, ito’y bukal ng buhay; ngunit ang bibig ng mangmang ay umaakay sa kapahamakan. “Kamatayan at buhay ay nasa kapangyarihan ng dila, at ang umiibig dito ay kakain ng bunga nito.” (18:21) Hinahatulan ang paninirang-puri, panlilinlang, panghihibo, at walang-taros na pagsasalita. Tanda ng karunungan ang pagsasalita ng katotohanan, ang paggalang sa Diyos.​—10:11, 13, 14; 12:13, 14, 18, 19; 13:3; 14:3; 16:27-30; 17:27, 28; 18:6-8, 20; 26:28; 29:20; 31:26.

28. Anong pinsala ang idinudulot ng pagpapalalo, subalit anong mga pakinabang ang ibinubunga ng pagpapakumbaba?

28 Ang kamangmangan ng pagpapalalo at ang halaga ng kababaang-loob: Itinataas ng palalo ang sarili sa hindi niya kayang abutin, at bumabagsak. Ang palalong puso ay kasuklam-suklam kay Jehova, ngunit ang mapagpakumbaba ay bibigyan ng karunungan, kaluwalhatian, kayamanan, at buhay.​—3:7; 11:2; 12:9; 13:10; 15:33; 16:5, 18, 19; 18:12; 21:4; 22:4; 26:12; 28:25, 26; 29:23.

29. Papaano dapat malasin ang katamaran, at ano ang halaga ng kasipagan?

29 Kasipagan, hindi katamaran: Marami ang paglalarawan sa isang tamad. Dapat siyang pumaroon sa langgam upang matuto at maging pantas. Ah, tungkol sa masipag​—siya ay mananagana!​—1:32; 6:6-11; 10:4, 5, 26; 12:24; 13:4; 15:19; 18:9; 19:15, 24; 20:4, 13; 21:25, 26; 22:13; 24:30-34; 26:13-16; 31:24, 25.

30. Papaano idiniriin ng Mga Kawikaan ang wastong pakikisama?

30 Mabubuting kasama: Kamangmangan ang makisama sa mga hindi natatakot kay Jehova, sa mga balakyot o mangmang, sa mga mainitin ang ulo, sa mga mapaghatid-dumapit, o sa mga matatakaw. Sa halip, makisama sa mga pantas, at kayo ay lalong magiging pantas.​—1:10-19; 4:14-19; 13:20; 14:7; 20:19; 22:24, 25; 28:7.

31. Ano ang matalinong payo tungkol sa pagsaway?

31 Halaga ng pagsaway at pagtutuwid: “Sinasaway ni Jehova ang kaniyang iniibig,” at ang nakikinig sa disiplina ay patungo sa kaluwalhatian at buhay. Ang napopoot sa saway ay mapapahiya.​—3:11, 12; 10:17; 12:1; 13:18; 15:5, 31-33; 17:10; 19:25; 29:1.

32. Anong mahusay na payo ang inilalaan sa pagiging mabuting asawang-babae?

32 Payo sa pagiging mabuting asawang-babae: Paulit-ulit ang babala ng Mga Kawikaan laban sa asawang palatalo at na gumagawi nang kahiya-hiya. Ang matalino, may-kakayahang asawa na natatakot sa Diyos ay may batas ng kagandahang-loob sa kaniyang dila; sinomang nakakasumpong ng gayong asawa ay nagkakamit ng lingap ni Jehova.​—12:4; 18:22; 19:13, 14; 21:9, 19; 27:15, 16; 31:10-31.

33. Anong kapaki-pakinabang na payo ang inihaharap sa pagsasanay sa bata?

33 Pagpapalaki sa anak: Palagiang ituro ang mga utos ng Diyos upang “huwag [silang] makalimot.” Mula sa pagkasanggol ay palakihin sila sa turo ni Jehova. Huwag ikakait ang pamalo kung kailangan; bilang tanda ng pag-ibig, ang pamalo at saway ay magpapadunong sa isang bata. Ang paraan ng Diyos ay magbubunga ng matatalinong anak na magdudulot ng malaking kagalakan at kaluguran sa ama at ina.​—4:1-9; 13:24; 17:21; 22:6, 15; 23:13, 14, 22, 24, 25; 29:15, 17.

34. Ano ang pakinabang ng pagiging-handang tumulong sa iba?

34 Pananagutan na tumulong sa iba: Malimit itong idiin sa Mga Kawikaan. Ang matalino ay namamahagi ng kaalaman sa kapakinabangan ng iba. Dapat ding maging bukas-palad sa mga dukha, at sa paggawa nito, siya’y talagang kay Jehova nagpapahiram, na gumagarantiya ng ganting kabayaran.​—11:24-26; 15:7; 19:17; 24:11, 12; 28:27.

35. Sa pagtungo sa pinaka-ugat ng ating mga suliranin, anong payo ang ibinibigay ng Mga Kawikaan?

35 Pananalig kay Jehova: Tinutukoy ng Mga Kawikaan ang ugat ng mga suliranin sa pagpapayo na ilagak ang tiwala sa Diyos. Isaalang-alang si Jehova sa lahat ng ating lakad. Maaaring planuhin ng isa ang kaniyang landas, ngunit si Jehova ang pumatnubay sa mga hakbang niya. Ang pangalan ni Jehova ay matibay na moog, tumatakbo roon ang matuwid upang maligtas. Umasa kay Jehova at sa patnubay ng kaniyang Salita.​—3:1, 5, 6; 16:1-9; 18:10; 20:22; 28:25, 26; 30:5, 6.

36. Mula sa anong mga punto-de-bista mailalarawan ang Mga Kawikaan bilang sunod-sa-panahon, praktikal, at kapaki-pakinabang?

36 Ang Mga Kawikaan ay kapaki-pakinabang sa pagtuturo at pagdidisiplina! Walang ugnayan ng tao na nakakaligtaan. May mahilig bang bumukod sa mga kapuwa mananamba sa Diyos? (18:1) Ang isa bang may mataas na posisyon ay nagpapasiya nang hindi muna nakikinig sa magkabilang panig? (18:17) Ang isa ba’y nagiging panganib dahil sa labis na pagbibiro? (26:18, 19) Ang isa ba’y nagtatangi? (28:21) Ang negosyante, ang magsasaka, ang asawang-lalaki at babae at bata​—lahat ay tumatanggap ng nagpapatibay na turo. Natutulungan ang mga magulang na ilantad ang mga silo na nag-aabang sa landas ng kabataan. Ang matalino ay makapagtuturo sa walang karanasan. Ang mga kawikaan ay praktikal saanman tayo nakatira; ang turo at payo ng aklat ay hindi kailanman nalalaos: “Ang Mga Kawikaan,” sinabi ng Amerikanong guro na si William Lyon Phelps, “ay mas napapanahon kaysa pang-umagang pahayagan.” a Ang Mga Kawikaan ay sunod-sa-panahon, kapaki-pakinabang at praktikal sa pagtuturo pagkat ito’y kinasihan ng Diyos.

37. Papaano nakakasuwato ng Mga Kawikaan ang mga turo ng Lalong Dakilang Solomon?

37 Kapaki-pakinabang sa pagtutuwid, ang Mga Kawikaan, na sa kalakhan ay binigkas ni Solomon, ay umaakay sa tao tungo sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Ganoon din ang ginawa ni Jesu-Kristo, na tinutukoy sa Mateo 12:42 na “lalong dakila kay Solomon.”

38. Papaano pinalalaki ng Mga Kawikaan ang ating pagpapahalaga sa Kaharian ng Diyos at sa matuwid na mga simulain nito?

38 Malaki ang pasalamat natin na ang napili ni Jehova bilang Binhi ng Kaharian ay ang Isa na nangunguna sa talino! Ang luklukan niya ay “matatatag sa katuwiran,” sa mapayapang pagpupuno na mas maluwalhati kaysa kay Haring Solomon. Tiyak na masasabi hinggil sa Kaharian, “Kagandahang-loob at katotohanan​—ito ang mag-iingat sa hari; at ang kaniyang luklukan ay aalalayan ng kagandahang-loob.” Ito ang aakay sa walang-hanggang matuwid na pamahalaan para sa tao na inilalarawan din ng Mga Kawikaan: “Kapag ang hari ay humahatol nang tapat sa dukha, ang kaniyang luklukan ay matatatag magpakailanman.” Kaya, nakagagalak na ang Mga Kawikaan ay hindi lamang isang tanglaw tungo sa kaalaman, karunungan, at kaunawaan, at sa buhay na walang hanggan, kundi, higit pang mahalaga, dumadakila ito kay Jehova bilang Bukal ng tunay na karunungan na ipinamamahagi sa pamamagitan ni Kristo Jesus, ang Tagapagmana ng Kaharian. Pinalalaki ng Mga Kawikaan ang ating pagpapahalaga sa Kaharian ng Diyos at sa matuwid na mga simulain na ngayon pa’y ipinatutupad na nito.​—Kaw. 25:5; 16:12; 20:28; 29:14.

[Talababa]

a Treasury of the Christian Faith, 1949, pinamatnugutan nina Stuber at Clark, pahina 48.

[Mga Tanong sa Aralin]