Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 21—Eclesiastes

Aklat ng Bibliya Bilang 21—Eclesiastes

Aklat ng Bibliya Bilang 21​—Eclesiastes

Manunulat: Si Solomon

Saan Isinulat: Sa Jerusalem

Natapos Isulat: Bago ang 1000 B.C.E.

1. Ano ang matayog na layunin ng Eclesiastes?

 ANG aklat ng Eclesiastes ay isinulat ukol sa isang matayog na layunin. Bilang pinunò ng bayang naaalay kay Jehova, pananagutan ni Solomon na pagkaisahin sila sa katapatan sa kanilang pag-aalay. Ginampanan niya ang pananagutang ito sa pamamagitan ng matalinong payo ng Eclesiastes.

2. Papaano ipinapahayag ang layuning ito sa Hebreong pangalan ng Eclesiastes, na mas angkop kaysa mga pangalang Griyego at Ingles?

2 Sa Eclesiastes 1:1 nagpapakilala siya bilang “ang tagapagtipon.” Sa Hebreo ang salitang ito ay Qo·heʹleth, at sa Bibliyang Hebreo ay ito ang pangalan ng aklat. Ginagamit ng Griyegong Septuagint ang pamagat na Ek·kle·si·a·stesʹ, ibig sabihin, “miyembro ng isang ecclesia (kongregasyon, kapulungan),” at dito galing ang pangalang Ingles na Ecclesiastes. Gayunman, “Ang Tagapagtipon” ay mas angkop na salin sa Qo·heʹleth at mas angkop ding tawag kay Solomon. Idiniriin nito ang layunin ni Solomon sa pagsulat ng aklat.

3. Sa anong diwa naging tagapagtipon si Solomon?

3 Papaano naging tagapagtipon si Haring Solomon, at tungo saan siya nagtipon? Tagapagtipon siya ng kaniyang bayan, ang Israel, at ng kanilang mga kasama, ang mga pansamantalang nakikipamayan. Sila ay tinipon niya sa pagsamba sa kaniyang Diyos, si Jehova. Una pa’y itinayo niya ang templo ni Jehova sa Jerusalem, at sa pag-aalay nito ay tinawag, o tinipon, niya sila sa pagsamba sa Diyos. (1 Hari 8:1) Sa tulong ng Eclesiastes, sinikap niyang tipunin sila tungo sa kapaki-pakinabang na mga gawa at mula sa walang-kabuluhan, walang-saysay na mga gawa ng sanlibutan.​—Ecle. 12:8-10.

4. Papaano pinatutunayan ang pagiging-manunulat ni Solomon?

4 Bagaman hindi tuwirang bumabanggit kay Solomon, maraming talata ang tumitiyak na siya ang sumulat ng aklat. Ayon sa tagapagtipon, siya’y “anak ni David” na “naging hari ng Israel sa Jerusalem.” Kay Haring Solomon lamang ito kumakapit, sapagkat ang mga kahalili niya sa Jerusalem ay naging hari lamang sa Juda. Bukod dito, sinasabi pa ng tagapagtipon: “Ako nga’y nagtamo ng malaking karunungan na higit kaysa lahat ng nauna sa akin sa Jerusalem, at ang aking puso ay nakakilala ng napakalawak na karunungan at kaalaman.” (1:1, 12, 16) Kapit ito kay Solomon. Sinasabi ng Eclesiastes 12:9 na “siya ay nag-aral at puspusang nagsaliksik, upang maisaayos ang maraming mga kawikaan.” Si Haring Solomon ay bumigkas ng 3,000 kawikaan. (1 Hari 4:32) Binabanggit ng Eclesiastes 2:4-9 na ang manunulat ay maraming itinayong proyekto: mga ubasan, halamanan at parke; patubig; kaayusan ng mga alipin; paglikom ng pilak at ginto; at iba pa. Lahat ng ito ay nagawa ni Solomon. Nang makita ng reyna ng Sheba ang karunungan at kasaganaan ni Solomon, nasabi niya: “Kalahati lamang ang naibalita sa akin.”​—1 Hari 10:7.

5. Saan at kailan isinulat ang Eclesiastes?

5 Sa pagsasabing ang tagapagtipon ay hari “sa Jerusalem,” ating mauunawaan na ang aklat ay doon isinulat. Malamang na yao’y bago ang 1000 B.C.E., nang matagal-tagal na siyang naghahari, pagkatapos ng mga proyekto na binabanggit sa aklat subalit bago siya nahulog sa idolatriya. Noo’y malawak na ang kaalaman niya sa mga hanapbuhay sa daigdig at sa pagsusumakit nito sa materyal na pakinabang. Noo’y sinasang-ayunan pa siya ng Diyos at nasa ilalim pa ng pagkasi.

6. Anong mga pagtutol ang ibinangon tungkol sa pagiging-kinasihan ng Eclesiastes, ngunit papaano ito mapabubulaanan?

6 Papaano matitiyak na ang Eclesiastes ay “kinasihan ng Diyos”? Kinukuwestiyon ang pagiging-kinasihan nito palibhasa ni minsan ay hindi nabanggit ang banal na pangalan, Jehova. Gayunman, tiyak na itinataguyod nito ang tunay na pagsamba sa Diyos, at paulit-ulit nitong ginagamit ang pariralang ha·ʼElo·himʹ, “ang tunay na Diyos.” Ang isa pang pagtutol ay dahil sa ang ibang aklat ng Bibliya ay hindi tuwirang sumisipi sa Eclesiastes. Gayunman, ang mga turo at simulaing inihaharap nito ay kasuwato ng buong Kasulatan. Sinasabi ng Commentary ni Clarke, Tomo III, pahina 799 na: “Ang aklat na pinamagatang Koheleth, o Ecclesiastes, ay dati nang kinikilala kapuwa ng Iglesiya Judaica at Kristiyana, bilang kinasihan ng [Makapangyarihan-sa-lahat]; at bahagi ng sagradong kanon.”

7. Anong mga karanasan ang nagbibigay kay Solomon ng pantanging kuwalipikasyon sa pagsulat ng Eclesiastes?

7 Inangkin ng “mga maselang na tagapuna” na ang Eclesiastes ay hindi isinulat ni Solomon o hindi tunay na bahagi ng “lahat ng Kasulatan,” pagkat ang lenguwahe at pilosopiya nito ay may mas atrasadong petsa. Nakakaligtaan nila ang pondo ng impormasyon na nalikom ni Solomon mula sa kaniyang maunlad na pandaigdig na kalakal at industriya, at mula sa dumadalaw na mga dignitaryo at iba pang pakikipag-ugnayan sa daigdig. (1 Hari 4:30, 34; 9:26-28; 10:1, 23, 24) Sumulat si F. C. Cook sa kaniyang Bible Commentary, Tomo IV, pahina 622: “Ang mga araw-araw na gawain at proyekto ng dakilang haring Hebreo ay tiyak na naglaan sa kaniya ng karanasan na nakahihigit sa karaniwang buhay, kaisipan at lenguwaheng Hebreo.”

8. Ano ang pinakamatibay na patotoo sa pagiging-kanonikal ng Eclesiastes?

8 Ngunit kailangan pa ba ang panlabas na patotoo sa pagiging-kanonikal ng Eclesiastes? Sa mismong pagsusuri sa aklat ay makikita hindi lamang ang panloob na pagkakasuwato kundi ang pagkakasuwato rin sa buong Kasulatan na siyang talagang kinabibilangan nito.

NILALAMAN NG ECLESIASTES

9. Ano ang natuklasan ng tagapagtipon tungkol sa mga gawain ng mga anak ng tao?

9 Ang kawalang-kabuluhan ng buhay ng tao (1:1–​3:22). Ang tema ng aklat ay inihaharap ng pambungad na mga salita: “ ‘Walang kabuluhan!’ sabi ng tagapagtipon, ‘talagang walang kabuluhan! Lahat ay walang kabuluhan!’ ” Ano ang pakinabang ng pagpapagal at paggawa ng tao? Dumarating at yumayao ang mga salinlahi, nauulit ang likas na mga siklo sa lupa, at “walang bagay na bago sa ilalim ng araw.” (1:2, 3, 9) Nagsumikap ang tagapagtipon sa paghanap at pagsaliksik ng karunungan tungkol sa kapaha-pahamak na gawain ng mga anak ng tao at natuklasan na, sa karunungan at kamangmangan, sa kabayanihan at pagpapagal, sa pagkain at pag-inom, lahat ay “walang-kabuluhan at pawang paghahabol sa hangin.” Siya’y ‘napoot sa buhay,’ buhay na lipos ng kasakunaan at pagsusumakit sa materyal.​—1:14; 2:11, 17.

10. Ano ang kaloob ng Diyos, subalit anong hantungan ang naghihintay sa makasalanang tao?

10 Bawat bagay ay may takdang panahon​—oo, ‘lahat ay ginawa [ng Diyos] na maganda sa sariling panahon nito.’ Nais niya na ang tao sa lupa ay masiyahan sa buhay. “Natuklasan ko na wala nang pinakamagaling kundi ang magalak at gumawa ng mabuti habang ang isa’y nabubuhay; at bawat tao ay dapat kumain at uminom at masiyahan sa lahat ng kaniyang gawa. Kaloob ito ng Diyos.” Ngunit, sa aba nila! Iisa ang hantungan ng makasalanang tao at ng hayop: “Kung papaano namamatay ang isa, gayon namamatay ang iba; iisa ang kanilang espiritu, kaya ang tao ay walang kahigitan sa hayop, pagkat lahat ay walang kabuluhan.”​—3:1, 11-13, 19.

11. Anong matalinong payo ang ibinibigay ng tagapagtipon sa taong natatakot-sa-Diyos?

11 Matalinong payo sa nangatatakot sa Diyos (4:1–​7:29). Binabati ni Solomon ang mga patay, pagkat malaya sila “sa lahat ng pang-aapi na ginagawa sa ilalim ng araw.” Inilalarawan din niya ang mga gawang walang-kabuluhan at kapaha-pahamak. May katalinuhan siyang nagpapayo na “ang dalawa ay maigi kaysa isa” at na “ang taling may tatlong ikid ay hindi agad malalagot.” (4:1, 2, 9, 12) Naglaan siya ng mainam na payo sa pakikipagtipon ng bayan ng Diyos: “Ingatan mo ang iyong paa kapag ika’y pumapasok sa bahay ng tunay na Diyos; at hayaang lumapit ang mga makikinig.” Huwag magpadalus- dalos sa pagsasalita sa harap ng Diyos; ‘pakauntiin mo ang iyong salita,’ at tuparin mo ang iyong panata sa Diyos. “Matakot ka sa tunay na Diyos.” Kapag ang dukha’y naaapi, tandaan na “ang isa na lalong mataas kaysa mataas ay nagmamasid, at may lalo pang mataas sa kanila.” Napansin niya na ang manggagawa ay mahimbing ang tulog, subalit ang mayaman ay hindi makatulog sa pag-aalala. Gayunman, hubad siyang isinilang sa mundo, at anomang pagsisikap ang gawin, wala siyang madadala sa kaniyang pagyao.​—5:1, 2, 4, 7, 8, 12, 15.

12. Ano ang ipinayo tungkol sa kaselangan ng buhay, at sa kahigitan ng karunungan?

12 Ang isa’y maaaring magkamit ng kayamanan at kaluwalhatian, ngunit ano ang saysay ng pamumuhay nang “makalawa sa isang libo” kung hindi siya nakakita ng mabuti? Maiging isapuso ang kaselangan ng buhay at kamatayan kaysa makihalubilo sa mangmang “sa bahay ng kasayahan”; oo, maigi ang saway ng pantas, sapagkat “ang tawa ng mangmang ay gaya ng lagitik ng mga tinik sa ilalim ng palayok.” Ang karunungan ay kapaki-pakinabang. “Ang karunungan ay sanggalang na gaya ng salapi na sanggalang; ngunit ang karilagan ng kaalaman ay inililigtas ng karunungan ang buhay ng nagmamay-ari nito.” Bakit, kung gayon, naging kapaha-pahamak ang buhay ng tao? “Ang tao ay ginawang matuwid ng tunay na Diyos, subalit sila’y naghangad ng sarili nilang mga paraan.”​—6:6; 7:4, 6, 12, 29.

13. Ano ang ipinapayo at pinapupurihan ng tagapagtipon, at ano ang sinasabi niya tungkol sa dakong pinaparoonan ng tao?

13 Ang iisang hantungan ng lahat (8:1–​9:12). “Sundin ang utos ng hari,” payo ng tagapagtipon; subalit napansin niya na palibhasa ang hatol sa masama ay hindi karaka-rakang naigagawad “kaya ang puso ng mga anak ng tao ay nahihilig sa paggawa ng masama.” (8:2, 11) Iminumungkahi niya ang pagsasaya, ngunit may isa pang bagay na kapaha-pahamak! Lahat ng tao ay may iisang hantungan​—ang kamatayan! Alam ng mga buháy na sila’y mamamatay, “ngunit ang mga patay ay walang nalalamang anoman . . . Lahat ng masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo nang iyong buong lakas, sapagkat walang gawa ni katha man ni kaalaman man ni karunungan man sa Sheol, ang dakong iyong patutunguhan.”​—9:5, 10.

14. (a) Anong praktikal na karunungan ang idiniriin ng tagapagtipon? (b) Ano ang dapat tandaan?

14 Praktikal na karunungan at ang obligasyon ng tao (9:13–​12:14). Bumabanggit ang tagapagtipon ng iba pang kasakunaan, gaya ng “kamangmangan . . . sa matataas na katayuan.” Naghaharap pa siya ng mga kawikaan tungkol sa praktikal na karunungan, at sinasabing “ang kabataan at kasariwaan ng buhay ay walang kabuluhan”​—malibang sundin ang tunay na karunungan. Ipinapayo niya: “Alalahanin mo ang dakilang Maylikha sa panahon ng iyong kabataan.” Kung hindi, ang isa ay babalik sa alabok ng lupa, gaya ng sinabi ng tagapagtipon: “Talagang walang kabuluhan! . . . Lahat ay walang kabuluhan.” Patuloy siyang nagturo ng kaalaman sa bayan, pagkat “ang mga salita ng pantas ay gaya ng pantaboy ng baka,” na nag-uudyok sa mabubuting gawa, subalit sinasabi niya tungkol sa karunungan ng mundo: “Sa paggawa ng maraming aklat ay walang katapusan, at ang labis na pag-aaral ay pabigat sa katawan.” Sa kasukdulan ng aklat ay inihaharap ng tagapagtipon ang buod ng lahat ng nasabi niya tungkol sa kawalang-kabuluhan at karunungan: “Pagkatapos marinig ang lahat, ito ang dapat tandaan: Matakot ka sa tunay na Diyos at sundin mo ang kaniyang mga utos. Ito ang buong obligasyon ng tao. Sapagkat hahatulan ng Diyos ang bawat gawa at bawat lihim na bagay, mabuti man o masama.”​—10:6; 11:1, 10; 12:1, 8-14.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

15. Papaano pinaghahambing ni Solomon ang mga gawang kapaha-pahamak at yaong kapaki-pakinabang?

15 Imbes na maging negatibo, ang Eclesiastes ay lipos ng makikinang na hiyas ng banal na karunungan. Nang iniisa-isa ang mga gawang walang-kabuluhan, hindi inilakip ni Solomon ang templo ni Jehova sa Bundok Moriah sa Jerusalem, ni ang dalisay na pagsamba kay Jehova. Ang kaloob na buhay ay hindi niya itinuring na walang kabuluhan kundi ipinakita na ang layunin nito ay upang ang tao ay magalak at gumawa ng mabuti. (3:12, 13; 5:18-20; 8:15) Ang kapaha-pahamak na gawain ay yaong nagtatakwil sa Diyos. Maaaring maglaan ang isang ama ng kayamanan para sa kaniyang anak, ngunit lahat ay sinisira ng kasakunaan at walang natitira. Mas maigi ang walang-hanggang mana ng espirituwal na kayamanan. Kapaha-pahamak ang kasaganaan na hindi pakikinabangan. Ang mayayaman ay inaabutan ng kasakunaan kapag sila’y “yumayao” sa kamatayan, at walang naiiwan sa kanilang kamay.​—5:13-15; 6:1, 2.

16. Papaano nakakasuwato ng turo ni Jesus ang Qo·heʹleth, o Eclesiastes?

16 Sa Mateo 12:42, tinukoy ni Kristo Jesus ang sarili na “lalong dakila kay Solomon.” Yamang si Solomon ay lumarawan kay Jesus, ang mga salita ba ni Solomon sa Qo·heʹleth ay kasuwato ng mga turo ni Jesus? Marami ang pagkakatulad! Halimbawa, idiniin ni Jesus ang malawak na saklaw ng gawa ng Diyos sa pagsasabing, “Ang aking Ama ay patuloy na gumagawa hanggang ngayon, at ako ay patuloy na gumagawa.” (Juan 5:17) Tumukoy din si Solomon sa mga gawa ng Diyos: “Nakita ko ang lahat ng gawa ng tunay na Diyos, at hindi nalaman ng tao ang lahat ng gawa na nagawa sa ilalim ng araw; anomang paghahanap ang gawin ng tao, hindi pa rin nila matutuklasan. Sabihin man nila na sila’y napakatalino, hindi rin nila matutuklasan.”​—Ecle. 8:17.

17. Ano pang mga magsingtulad ang masusumpungan sa mga pananalita nina Jesus at Solomon?

17 Kapuwa sina Jesus at Solomon ay nagpasigla sa tunay na mga mananamba na makipagtipon. (Mat. 18:20; Ecle. 4:9-12; 5:1) Ang mga komento ni Jesus sa “katapusan ng pamamalakad ng mga bagay” at sa “itinakdang panahon ng mga bansa” ay kasuwato ng pangungusap ni Solomon na “bawat bagay ay may takdang panahon, at panahon para sa bawat gawain sa silong ng langit.”​—Mat. 24:3; Luc. 21:24; Ecle. 3:1.

18. Sa pagbibigay ng anong mga babala kaisa ni Solomon si Jesus at ang kaniyang mga alagad?

18 Higit sa lahat, si Jesus at ang mga alagad ay kaisa ni Solomon sa pagbibigay-babala sa silo ng materyalismo. Karunungan ang tunay na pananggalang, sapagkat “inililigtas [nito] ang buhay ng nagmamay-ari nito,” sabi ni Solomon. “Kaya patuloy na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran, at lahat ng ibang bagay na ito ay idaragdag sa inyo,” sabi ni Jesus. (Ecle. 7:12; Mat. 6:33) Sinasabi ng Eclesiastes 5:10: “Ang umiibig sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak, ni ang umiibig sa kayamanan sa kaniyang pakinabang. Ito rin ay walang kabuluhan.” Kahawig-na-kahawig ito ng payo ni Pablo sa 1 Timoteo 6:6-19 na “ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kapaha-pahamak na bagay.” Marami pang kasingtulad na talata sa ibang turo sa Bibliya.​—Ecle. 3:17​—Gawa 17:31; Ecle. 4:1​—Sant. 5:4; Ecle. 5:1, 2​—Sant. 1:19; Ecle. 6:12​—Sant. 4:14; Ecle. 7:20​—Roma 3:23; Ecle. 8:17​—Roma 11:33.

19. Anong maligayang pag-asa ang taglay natin ngayon habang nakikipagtipon sa pagsamba ni Jehova?

19 Isang bagong lipunan sa lupa ang itatatag ng Kaharian ng sinisintang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, inapo ng matalinong Haring Solomon ayon sa laman. (Apoc. 21:1-5) Ang isinulat ni Solomon sa ikapapatnubay ng mga sakop ng kaniyang makalarawang kaharian ay mahalaga sa lahat ng umaasa sa Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus. Doon ang sangkatauhan ay papatnubayan din ng matalinong mga simulain na iniharap ng tagapagtipon at sila ay magagalak nang walang hanggan sa kaloob ng Diyos na maligayang buhay. Ngayon na ang panahon ng pakikipagtipon sa pagsamba ni Jehova, upang lubusang makamit ang kagalakan ng buhay sa ilalim ng kaniyang Kaharian.​—Ecle. 3:12, 13; 12:13, 14.

[Mga Tanong sa Aralin]