Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 24—Jeremias

Aklat ng Bibliya Bilang 24—Jeremias

Aklat ng Bibliya Bilang 24​—Jeremias

Manunulat: Si Jeremias

Saan Isinulat: Sa Juda at Ehipto

Natapos Isulat: 580 B.C.E.

Panahong Saklaw: 647-580 B.C.E.

1. Kailan at sa pamamagitan nino inatasan si Jeremias?

 SI PROPETA Jeremias ay nabuhay sa mapanganib at maligalig na panahon. Inatasan siya ni Jehova noong 647 B.C.E., ika-13 taóng paghahari ng maytakot-sa-Diyos na si Haring Josias ng Juda. Nang kinukumpuni ang bahay ni Jehova, ang aklat ng Kautusan ni Jehova ay natagpuan at binasa sa hari. Sinikap niyang ipatupad ito ngunit pansamantala lamang niyang naibaling ang bayan mula sa idolatriya. Ang lolo ni Josias na si Manasses, na 55 taon naghari, at ang ama niyang si Amon, na pinatay pagkaraang maghari lamang ng 2 taon, ay kapuwa naging balakyot. Inakay nila ang bayan sa mahahalay sa seremonya at nakaririmarim na rituwal, kaya nakaugalian noon ang paghahandog ng insenso sa “reyna ng langit” at ng mga haing tao sa mga demonyo. Ang Jerusalem ay pinunô ni Manasses ng walang-salang dugo.​—Jer. 1:2; 44:19; 2 Hari 21:6, 16, 19-23; 23:26, 27.

2. Ano ang atas ni Jeremias, at anong makasaysayang mga taon ang saklaw ng kaniyang paghula?

2 Hindi madali ang atas na ito. Bilang propeta ni Jehova, ihuhula niya ang pagkawasak ng Juda at Jerusalem, ang pagkasunog ng maringal na templo ni Jehova, at ang pagkabihag ng kaniyang mga kababayan​—mga sakunang mahirap paniwalaan! Tatagal nang 40 taon ang panghuhula niya sa Jerusalem, sa panahon ng masamang paghahari nina Joas, Joiakim, Joiachin (Conias), at Zedekias. (Jer. 1:2, 3) Nang maglaon, sa Ehipto, humula din siya tungkol sa idolatriya ng mga Judiong takas doon. Ang aklat ay natapos noong 580 B.C.E. Ito ay sumasaklaw sa isang makasaysayang yugto ng 67 taon.​—52:31.

3. (a) Noong kapanahunang Hebreo, papaano pinatunayan ang pagiging-kanonikal at pagiging-tunay ng aklat ni Jeremias? (b) Anong karagdagang patotoo ang nasa Kristiyanong Kasulatang Griyego?

3 Sa Hebreo, ang pangalan ng propeta at ng aklat ay Yir·meyahʹ o Yir·meyaʹhu, ibig sabihin marahil ay “Si Jehova ang Nagtatanghal; o, si Jehova ang Nagkakalag [wari ay mula sa bahay-bata].” Ang aklat ay nasa mga katalogo ng Hebreong Kasulatan, at ang pagiging-kanonikal nito ay tinatanggap ng lahat. Ang madulang katuparan ng maraming hula noong panahon mismo ni Jeremias ay mariing patotoo ng pagiging-tunay nito. Si Jeremias ay madalas ding tukuyin sa pangalan sa mga Kristiyanong Kasulatang Griyego. (Mat. 2:17, 18; 16:14; 27:9) Maliwanag na may kaalaman si Jesus sa aklat ni Jeremias sapagkat pinagtambal niya ang Jeremias 7:11 at Isaias 56:7 nang nililinis niya ang templo. (Mar. 11:17; Luc. 19:46) Dahil sa kagitingan at tibay-loob ni Jesus, inakala ng iba na siya mismo si Jeremias. (Mat. 16:13, 14) Ang hula ni Jeremias hinggil sa bagong tipan (Jer. 31:31-34) ay tinutukoy ni Pablo sa Hebreo 8:8-12 at 10:16, 17. Sinisipi ni Pablo ang Jeremias 9:24 sa pagsasabing: “Siya na nagmamalaki, si Jehova ang kaniyang ipagmalaki.” (1 Cor. 1:31) Sa Apocalipsis 18:21 ay may isa pang mas mariing pagkakapit ng ilustrasyon ni Jeremias (Jer. 51:63, 64) sa pagbagsak ng Babilonya.

4. Papaano inaalalayan ng arkeolohiya ang ulat?

4 Ang arkeolohiya ay umaalalay din sa ulat ng Jeremias. Halimbawa, iniulat ng isang kronika ng Babilonya ang pagbihag ni Nabukodonosor (Nabukadrezar) sa Jerusalem noong 617 B.C.E., nang dakpin niya ang hari (si Joiachin) at atasan ang isa na kaniyang pinili (si Zedekias).​—24:1; 29:1, 2; 37:1. a

5. (a) Ano ang nababatid tungkol mismo kay Jeremias? (b) Ano ang masasabi sa kaniyang estilo ng pagsulat?

5 Mas kumpleto ang talambuhay ni Jeremias kaysa sinomang sinaunang propeta maliban kay Moises. Maraming sinasabi si Jeremias tungkol sa sarili, sa kaniyang damdamin at emosyon, kababakasan ito ng kagitingan at tibay-loob, na tinatambalan ng kapakumbabaan at ng pusong mahabagin. Hindi lamang siya propeta kundi isang ring saserdote, tagapagtipon ng Kasulatan, at bihasang mananalaysay. Anak siya ng saserdoteng si Hilkias ng Anatoth, lungsod ng mga saserdote sa hilaga ng Jerusalem, “sa lupain ng Benjamin.” (1:1) Malinaw, tuwiran, at madaling unawain ang estilo ng Jeremias. Sagana ito sa mga ilustrasyon at makalarawang salaysay, at ang aklat ay binubuo kapuwa ng prosa at ng tula.

NILALAMAN NG JEREMIAS

6. Papaano inaayos ang paksa ng hula?

6 Inayos ang materyales hindi ayon sa panahon kundi ayon sa paksa. Kaya ang ulat ay madalas magbago ng panahon at kapaligiran. Sa dakong huli, ang pagkawasak ng Jerusalem at Juda ay detalyadong inilalahad sa kabanata 52. Ipinakikita nito hindi lamang ang katuparan ng kalakhang bahagi ng hula kundi inilalaan din ang kapaligiran para sa aklat ng Mga Panaghoy, na sumusunod dito.

7. Papaano naging propeta si Jeremias, at papaano pinalakas ni Jehova ang kaniyang loob?

7 Inatasan ni Jehova si Jeremias (1:1-19). Inatasan ba si Jeremias pagkat gusto niyang maging propeta o pagkat galing siya sa pamilya ng mga saserdote? Si Jehova mismo ang nagpapaliwanag: “Hindi pa kita inaanyuan sa tiyan ay kilala na kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinaging-banal na kita. Ginawa kitang propeta sa mga bansa.” Yao’y atas mula kay Jehova. Tutugon ba siya? May pagpapakumbaba siyang humingi ng paumanhin, “Ngunit ako’y isang bata.” Pinalakas-loob siya ni Jehova: “Inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig. Sa araw na ito ay inatasan kita na mamuno sa mga bansa at sa mga kaharian, upang mag-alis at magbagsak at manira at magwasak, at upang magtayo at magtatag.” Hindi dapat matakot si Jeremias. “Tiyak na sila’y sasalungat sa iyo, subalit hindi sila mananaig, sapagkat ‘Ako ay sumasa iyo,’ sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’ ”​—1:5, 6, 9, 10, 19.

8. (a) Sa ano nagtaksil ang Jerusalem? (b) Papaano pasasapitin ni Jehova ang kasakunaan?

8 Ang Jerusalem, isang taksil na asawa (2:1–​6:30). Anong mensahe ang inihatid ng salita ni Jehova kay Jeremias? Nalimutan ng Jerusalem ang una niyang pag-ibig. Tinalikdan niya si Jehova, ang Bukal ng tubig na buháy, at nakiapid sa ibang diyos. Mula sa isang mamahaling puno ng ubas, siya’y naging “bansot na usbong ng naiibang baging.” (2:21) Ang kaniyang laylayan ay tigmak sa dugong walang-sala. Ang patutot na Israel ay higit pang matuwid kaysa Juda. Pinanunumbalik ng Diyos ang mga taksil sapagkat siya ang asawa na nagmamay-ari sa kanila. Subalit sila’y naglilo. Makababalik sila kung aalisin nila ang kanilang kasuklam-suklam na mga bagay at tutuliin ang kanilang puso. “Itaas ang hudyat para sa Sion,” sapagkat magpapasapit si Jehova ng kasakunaan mula sa hilaga. (4:6) Magkakaguhô! Tulad ng leon sa gubat, tulad ng nakapapasong hangin sa ilang, kasabay ng mga karo na parang ipu-ipo, gayon darating ang tagapuksa ni Jehova.

9. (a) Anong salita ang taglay ni Jeremias para sa matigas-ang-ulong Jerusalem? (b) Ano ang kabuluhan ng kanilang mga sigaw ng kapayapaan?

9 Magparoo’t-parito ka sa Jerusalem. Ano ang iyong makikita? Pagkakasala at pagtataksil! Itinakwil ng bayan si Jehova, at ang Kaniyang salita sa bibig ni Jeremias ay magiging apoy na sumusupok sa kahoy. Kung papaano nila tinalikdan si Jehova upang maglingkod sa ibang diyos, pababayaan Niya sila na alipinin ng ibang bayan. Matitigas ang ulo! Sila’y may mata ngunit hindi nakakakita, may tainga ngunit hindi nakakarinig. Nakapangingilabot! Kapuwa propeta at saserdote ay humuhula ng kasinungalingan, “ito ang ibig mangyari ng aking bayan,” sabi ni Jehova. (5:31) Darating ang kasamaan mula sa hilaga, ngunit “mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki, bawat isa ay gumagawang may daya.” Sinasabi nila, “ ‘Kapayapaan! Kapayapaan!’ gayong wala namang kapayapaan.” (6:13, 14) Kaya biglang darating ang mang-aagaw. Si Jeremias ay ginawa ni Jehova na tagasuri ng bakal, ngunit sila’y pawang dumi at itinakwil na pilak. Sila’y puro kasamaan.

10. Bakit dapat ibigay sa Jerusalem ang hatol na gaya niyaong sa Silo at Ephraim?

10 Nagbabala na ang templo ay hindi sanggalang (7:1–​10:25). Dumating ang salita ni Jehova, at dapat itong ipahayag ni Jeremias sa pintuan ng templo. Tinatawagan niya ang mga nagsisipasok: ‘Ipinagmamalaki ninyo ang templo ni Jehova, subalit ano ang inyong ginagawa? Pang-aapi sa ulila at sa balo, pagbubo ng walang-salang dugo, pagsunod sa ibang diyos, pagnanakaw, pagpatay, pangangalunya, pagsaksi sa di-totoo, at paghahain kay Baal! Mga mapagpaimbabaw! Ang bahay ni Jehova ay ginawa ninyong “yungib ng mga tulisan.” Alalahanin ang ginawa ni Jehova sa Silo. Ganoon ang gagawin niya sa iyong bahay, O Juda, at kaniyang itatakwil ka, kung papaanong itinakwil niya ang Ephraim (Israel) sa hilaga.’​—Jer. 7:4-11; 1 Sam. 2:12-14; 3:11-14; 4:12-22.

11. Bakit hindi na dapat ipanalangin ang Juda?

11 Walang kabuluhan ang manalangin para sa Juda. Ang bayan ay naghahandog na rin sa “reyna ng langit”! Tunay na “ito ang bansang hindi nakinig sa tinig ni Jehovang kanilang Diyos, o tumanggap man ng aral. Naglaho na ang pagtatapat.” (Jer. 7:18, 28) Naglagay ang Juda ng kasuklam-suklam na mga bagay sa bahay ni Jehova at sinunog ang kaniyang mga anak sa matataas na dako ng Tophet sa libis ng Hinom. Narito! Ito’y tatawaging “libis ng patayan,” at ang mga bangkay nila’y magiging pagkain ng ibon at hayop. (7:32) Hihinto ang kagalakan at pagkakatuwa sa Juda at Jerusalem.

12. Sa halip na kapayapaan, ano ang sasapit sa Juda at sa kaniyang mga diyus-diyosan?

12 Naghihintay sila ng kapayapaan at paggaling, subalit narito, kasindakan! Pangangalat, pagkalipol, at pananaghoy ang ibubunga ng kanilang katigasan ng ulo. ‘Si Jehova ang Diyos na buháy at Haring walang-hanggan.’ Ang mga diyos na hindi gumawa ng langit at lupa ay walang espiritu. Sila’y walang kabuluhan at isang kakutyaan, at sila’y mangalilipol. (10:10-15) Itatapon ni Jehova ang mga naninirahan sa lupa. Pakinggan! May dumadagundong mula sa hilaga na magwawasak sa mga lungsod ng Juda. Inamin ng propeta: ‘Hindi para sa tao ang magtuwid ng kaniyang landas,’ at nanalangin siya na sana’y ituwid siya upang huwag siyang mauwi sa wala.​—10:23.

13. Bakit pinagbawalan si Jeremias na manalangin ukol sa Juda, at papaano siya pinalakas ni Jehova sa oras ng panganib?

13 Isinumpa ang mga manlalabag ng tipan (11:1–​12:17). Nilabag ng Juda ang tipan kay Jehova. Sayang ang paghingi nila ng tulong. Hindi dapat manalangin si Jeremias ukol sa Juda pagkat “sinilaban [ni Jehova] ng apoy” ang dating matabang puno ng olibo. (11:16) Nang magsabwatan ang mga taga-Anatoth upang iligpit si Jeremias, ang propeta ay humingi kay Jehova ng lakas at tulong. Nangako si Jehova na gantihan ang Anatoth. ‘Bakit nagtagumpay ang landas ng masama?’ tanong ni Jeremias. Tiniyak sa kaniya ni Jehova: ‘Aking bubunutin at lilipulin ang masuwaying bansang ito.’​—12:1, 17.

14. (a) Sa pamamagitan ng anong mga paglalarawan ipinabatid ni Jehova na ang Jerusalem ay hindi na mababago at na ang hatol laban sa kaniya ay hindi na maiuurong? (b) Ano ang idinulot kay Jeremias ng pagkain ng mga salita ni Jehova?

14 Ang Jerusalem ay wala nang pagbabago at nahatulan na (13:1–​15:21). Naalaala ni Jeremias ang utos ni Jehova na magsuot ng bigkis na lino at saka itago ito sa malaking bato sa may Eufrates. Nang hukayin ito ni Jeremias, ito’y bulok na. “Di-pakikinabangan.” Gayon inilarawan ni Jehova ang kaniyang pasiya na sirain “ang kapalaluan ng Jerusalem at ang saganang kapalaluan ng Juda.” (13:7, 9) Dudurugin sila sa kanilang kalasingan, gaya ng malalaking tapayang punô ng alak. “Mababago ba ng taga-Cush ang balat nito? o ng leopardo ang batik nito?” (13:23) Kaya ang Jerusalem ay hindi na rin magbabago. Hindi sila dapat ipanalangin ni Jeremias. Mamagitan man sina Moises at Samuel kay Jehova ay hindi rin siya makikinig, sapagkat ipinasiya na niya ang pagwasak sa Jerusalem. Pinalakas ni Jehova si Jeremias laban sa mga umuupasala. Nasumpungan at kinain ni Jeremias ang mga salita ni Jehova, na nagdulot ng ‘katuwaan at kagalakan sa puso.’ (15:16) Panahon na, hindi sa walang kabuluhang pagbibiro, kundi sa pagtitiwala kay Jehova, na nangakong si Jeremias ay gagawing tansong kuta na pananggalang laban sa bayan.

15. (a) Gaano kaselang ang panahon, at anong utos ni Jehova ang nagdiriin nito? (b) Papaano makikilala ng mga tao ang pangalan ni Jehova, at bakit hindi siya madadaya ng kanilang pagkakasala?

15 Magsusugo si Jehova ng mga mangingisda at mangangaso (16:1–​17:27). Sa harap ng napipintong pagkawasak, si Jeremias ay inutusan ni Jehova: “Huwag kang mag-aasawa o magkakaanak sa dakong ito.” (16:2) Hindi ito panahon ng pagtaghoy o pakikisalo sa bayan, pagkat sila’y itatapon ni Jehova mula sa lupain. Nangako rin si Jehova ng ‘mga mangingisda na mangingisda sa kanila at ng mga mangangaso na mangangaso sa kanila,” at sa paggawa nito, “kanilang makikilala na ang pangalan [niya] ay Jehova.” (16:16, 21) Ang kasalanan ng Juda ay iniukit sa puso ng mga tao sa pamamagitan ng panulat na bakal na may diamante sa dulo. “Ang puso ay magdaraya sa lahat at mapanganib,” subalit nasasaliksik ni Jehova ang puso. Walang maaaring dumaya sa kaniya. “Iniwan [ng mga apostata] ang bukal ng tubig na buháy, si Jehova.” (17:9, 13) Kung hindi babanalin ng Juda ang Sabbath, susunugin ni Jehova ang mga pintuan at tanggulan nito.

16. Ano ang inilalarawan ni Jehova sa pamamagitan ng magpapalayok at ng mga sisidlang putik?

16 Ang magpapalayok at ang putik (18:1–​19:15). Pinapunta ni Jehova si Jeremias sa bahay ng magpapalayok. Doo’y nakita niya na hinubog ng magpapalayok ang isang sirang sisidlang putik upang gawing isang sisidlan ayon sa kaniyang minagaling. Nagpakilala si Jehova sa bahay ng Israel bilang Magpapalayok na may kapangyarihang magwasak o magtayo. Saka inutusan niya si Jeremias na magdala ng sisidlang putik sa Libis ng Hinom at ipahayag doon ang paghatol ni Jehova pagkat ang dakong yaon ay kanilang pinunô ng walang-salang dugo, at sinunog ang kanilang mga anak bilang handog kay Baal. Dapat basagin ni Jeremias ang sisidlan bilang sagisag ng pagdurog ni Jehova sa Jerusalem at sa mga taga-Juda.

17. Anong mahirap na karanasan ang pinagdaanan ni Jeremias, subalit napatahimik ba siya nito?

17 Walang paghinto sa harap ng pag-uusig (20:1-18). Nainis sa walang-takot na pangangaral ni Jeremias, iniutos ni Pashur na ilagay siya sa pangawan nang buong magdamag. Nang makalaya na, inihula ni Jeremias ang pagkabihag at kamatayan ni Pashur sa Babilonya. Lubhang nagdadalamhati dahil sa mga panunuya at pag-upasala, naisip ni Jeremias na huminto. Ngunit hindi siya matahimik. Ang salita ni Jehova ‘sa kaniyang puso ay parang apoy na nakukulong sa kaniyang buto,’ kaya napipilitan siyang magsalita. Bagaman isinumpa niya ang araw ng kaniyang pagsilang, siya ay napasigaw: “Magsiawit kayo kay Jehova! Purihin si Jehova! Sapagkat iniligtas niya ang kaluluwa ng naaapi.”​—20:9, 13.

18. Ano ang ipinahiwatig ni Jeremias kay Zedekias?

18 Ang galit ni Jehova laban sa mga pinunó (21:1–​22:30). Bilang tugon sa tanong ni Zedekias, ipinahiwatig ni Jeremias ang galit ni Jehova sa lungsod: Kukubkubin ito ng hari ng Babilonya, at mawawasak ito sa pamamagitan ng salot, ng tabak, ng taggutom, at ng apoy. Si Shalum (Joachaz) ay mamamatay na isang tapon, si Joiakim ay ililibing na parang asno, at ang anak niyang si Conias (Joiachin) ay itatapon mula sa Juda upang mamatay sa Babilonya.

19. Ano ang inihula ni Jeremias tungkol sa “isang matuwid na sanga,” at ano ang inilalarawan ng dalawang bakol na igos?

19 Pag-asa sa “isang matuwid na sanga” (23:1–​24:10). Nangako si Jehova na hahalinhan niya ng tunay na mga pastol ang mga huwad at palilitawin ang “isang matuwid na sanga” mula kay David, na “maghahari at kikilos na may unawa at magpapairal ng katarungan at katuwiran sa lupain.” Ang pangalan niya? “Tatawagin siyang, Si Jehova Ang Ating Katuwiran.” Titipunin niya ang mga nalabi. (23:5, 6) Kung ang mga propeta ay nanatiling kaisa ni Jehova, disi’y natulungan nila ang bayan na makinig at humiwalay sa kasamaan. Sa halip, sabi ni Jehova, “iniligaw [nila] ang aking bayan dahil sa kanilang kasinungalingan.” (23:22, 32) “Narito! Dalawang bakol na igos.” Ginamit ni Jeremias ang mabubuti at masasamang igos upang ilarawan ang pagbabalik sa sariling lupain ng isang tapat na nalabi na may pagsang-ayon ng Diyos at ng isang uri na sasapit sa kapaha-pahamak na wakas.​—24:1, 5, 8-10.

20. Papaano naglingkod kay Jehova ang Babilonya, subalit sa dakong huli ano ang mangyayari rito?

20 Ang pakikipagtalo ni Jeremias sa mga bansa (25:1-38). Ang kabanatang ito ay buod ng mga paghatol na detalyadong tinatalakay sa mga kabanata 45-49. Sa tatlong magkakasintulad na hula ay nagpapahayag si Jehova ng kapahamakan para sa lahat ng bansa sa lupa. Una, ipinakikilala si Nabukodonosor bilang lingkod ni Jehova na magwawasak sa Juda at sa kalapit na mga bansa, “at sila’y pitumpung taóng maglilingkod sa hari ng Babilonya.” Pagkatapos ay turno naman ng Babilonya, siya’y magiging “kagibaan sa panahong walang hanggan.​—25:1-14.

21. Sino ang dapat uminom ng saro ng galit ni Jehova? At ano ang magiging resulta?

21 Ang ikalawang hula ay isang pangitain tungkol sa saro ng alak ng galit ni Jehova. Dadalhin ni Jeremias sa mga bansa ang sarong ito, “kanilang iinumin ito at sila’y hahapay na gaya ng mga taong hibang” dahil sa napipintong pagwasak ni Jehova. Una ay sa Juda at Jerusalem! Pagkatapos ay ang Ehipto, pabalik sa Filistia, patawid sa Edom, paahon sa Tiro, sa mga lupaing malapit at malayo, at sa “lahat ng iba pang kaharian na nasa ibabaw ng lupa; at maging ang hari ng Seshach ay iinom pagkaraan nila.” Sila’y ‘magsisiinom at susuka at mangabubuwal.’ Walang makaliligtas.​—25:15-29.

22. Sa anong malaking kapahamakan ipapahayag ang nag-aapoy na galit ni Jehova?

22 Sa ikatlong hula, si Jeremias ay naging isang mahusay na makata. “Mula sa itaas ay uungol si Jehova . . . laban sa mga naninirahan sa lupa.” Isang ingay, isang kapahamakan, isang malakas na bagyo! “Ang mapapatay ni Jehova ay mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo.” Walang tatangis, walang ililibing. Sila’y magiging dumi sa lupa. Papatayin ang huwad na mga pastol, pati ang pinakamaiinam sa kawan. Walang makaliligtas. Pakinggan ang kanilang pag-angal! Si Jehova mismo “ang sisira ng kanilang pastulan . . . dahil sa kaniyang matinding galit.”​—25:30-38.

23. (a) Anong sabwatan ang binuo laban kay Jeremias, subalit anong pagtatanggol ang ginawa niya, at anong mga pamarisan ang ginamit upang pawalan siya ng sala? (b) Papaano isinadula ni Jeremias ang napipintong pang-aalipin ng Babilonya, at anong hula hinggil kay Hananias ang nagkatotoo?

23 Naipagbangong-puri si Jeremias (26:1–​28:17). Nagsabwatan ang bayan at ang mga pinunò upang patayin si Jeremias. Nagtanggol si Jeremias sa sarili. Salita ni Jehova ang kaniyang ipinahayag. Kung siya’y papatayin, papatayin nila ang isang taong walang-sala. Ang hatol: wala siyang kasalanan. Inihalintulad ng matatanda ang kaso ni Jeremias sa nangyari kina propeta Mikas at Urias. Pagkatapos ay iniutos ni Jehova kay Jeremias na gumawa ng mga bigkis at pamatok na isusuot sa leeg, at saka ipadala ang mga ito sa mga bansa sa palibot bilang tanda na dapat silang maglingkod sa hari ng Babilonya hanggang sa tatlong salinlahi ng mga hari. Si Hananias, isa sa mga bulaang propeta, ay sumalansang kay Jeremias. Sinabi nito na ang pamatok ng Babilonya ay babaliin pagkaraan ng dalawang taon at inilarawan niya ito sa pamamagitan ng pagbali sa pamatok na kahoy. Idiniin ni Jehova ang kaniyang hula nang ipagawa niya kay Jeremias ang mga pamatok na bakal at ihula na si Hananias ay mamamatay sa taóng yaon. Namatay nga si Hananias.

24. (a) Anong mensahe ang ipinadala ni Jeremias sa mga tapon sa Babilonya? (b) Kanino makikipagtipan si Jehova nang panibago, at papaano ito magiging mas dakila kaysa nauna?

24 Kaaliwan para sa mga tapon sa Babilonya (29:1–​31:40). Sumulat si Jeremias sa mga tapon na dinala sa Babilonya kasama ni Jeconias (Joiachin): Manirahan kayo diyan, pagkat bago kayo ibalik ni Jehova ay lilipas ang 70 taon. Iniutos ni Jehova kay Jeremias na isulat sa aklat ang kanilang pagbabalik: Babaliin ni Jehova ang kanilang pamatok, at “maglilingkod sila kay Jehova na kanilang Diyos at kay David na kanilang hari, na aking [si Jehova] ibabangon para sa kanila.” (30:9) Dapat pigilin ni Rachel ang pagtangis, pagkat ang mga anak niya “ay magbabalik mula sa lupain ng kaaway.” (31:16) At ngayon, isang nagbibigay-katiyakang pahayag mula kay Jehova! Makikipagtipan siya nang panibago sa sambahayan ng Juda at ng Israel. Ito ay higit na dakila kaysa tipan na kanilang nilabag! Isusulat ni Jehova ang kaniyang batas sa kanilang puso. “Ako’y magiging Diyos nila, at sila’y magiging aking bayan.” Mula sa pinakamaliit hanggang sa pinakamalaki, lahat ay makakakilala kay Jehova, at patatawarin niya ang kanilang kasalanan. (31:31-34) Ang lungsod nila ay muling itatayo bilang bagay na banal kay Jehova.

25. Papaano idiniin ang katiyakan ng pagsasauli sa Israel, at anong balita ang taglay ng salita ni Jehova?

25 Ang tipan ni Jehova kay David ay tiyak (32:1–​34:22). Si Jeremias ay nakabilanggo nang huling kubkubin ni Nabukodonosor ang Jerusalem. Bilang tanda na muling isasauli ni Jehova ang Israel, si Jeremias ay bumili ng bukid sa Anatoth at isinilid ang titulo sa isang sisidlang putik. Si Jehova ay may mabuting balita: Ang Juda at Jerusalem ay muling magagalak at tutuparin ni Jehova ang kaniyang tipan kay David. Subalit ikaw, O Zedekias, binabalaan ka na ang lungsod ay susunugin ng hari ng Babilonya at dadalhin kang bihag sa Babilonya. Sa aba ng mga may-ari ng alipin na sumang-ayong palayain ang mga ito subalit lumabag sa kanilang tipan!

26. Anong pangako ang binitiwan ni Jehova sa mga Rechabita, at bakit?

26 Ang pangako ni Jehova kay Rechab (35:1-19). Noong panahon ni Haring Joiakim, si Jeremias ay isinugo ni Jehova sa mga Rechabita. Nanganlong sila sa Jerusalem nang unang sumalakay ang mga taga-Babilonya. Inalok sila ni Jeremias ng alak. Tumanggi sila dahil sa utos ng ninuno nilang si Jonadab, mga 250 taon na ngayon. Tunay na kabaligtaran ito ng di-tapat na landasin ng Juda! Nangako si Jehova: “Si Jonadab na anak ni Rechab ay hindi mawawalan ng isang lalaki na tatayo sa harap ko magpakailanman.”​—35:19.

27. Bakit kinailangang isulat na muli ang mga hula ni Jeremias?

27 Ang aklat ay muling isinulat ni Jeremias (36:1-32). Si Jeremias ay inutusan ni Jehova na isulat ang lahat ng hulang nabigkas na niya. Idinikta ito ni Jeremias kay Baruch, na bumasa dito nang malakas sa bahay ni Jehova sa araw ng pag-aayuno. Ipinakuha ni Haring Joiakim ang balumbon at nang marinig ang isang bahagi ay pagalít itong pinunit at inihagis sa apoy. Ipinadakip niya sina Jeremias at Baruch, subalit itinago sila ni Jehova at inutusan si Jeremias na sumulat ng isa pang balumbon.

28. (a) Anong paulit-ulit na hula ang ginawa ni Jeremias? (b) Papaano naiiba ang iginawi ni Ebed-melech sa paggawi ng mga prinsipe?

28 Ang mga huling araw ng Jerusalem (37:1–​39:18). Nagbabalik ang ulat kay Zedekias. Sinabi ng hari kay Jeremias na manalangin alang-alang sa Juda. Tumanggi siya at sinabing tiyak ang pagkawasak ng Jerusalem. Umuwi si Jeremias sa Anatoth ngunit dinakip siya, binugbog at ibinilanggo. Ipinasundo siya ni Zedekias. May salita ba mula kay Jehova? Tiyak na mayroon! “Ibibigay ka sa hari ng Babilonya!” (37:17) Nagalit sa paulit-ulit na paghula ni Jeremias ng kapahamakan, ibinulid siya ng mga prinsipe sa isang maburak na balon. Si Ebed-melech na Etiope, bating sa palasyo, ay namagitan alang-alang sa kaniya, kaya si Jeremias ay nailigtas sa mabagal na kamatayan, ngunit nanatili siyang bilanggo sa Looban ng Bantay. Ipinatawag uli siya ni Zedekias, ngunit sinabi lamang niya: ‘Pasakop ka sa hari ng Babilonya kundi’y mabibihag ka at mawawasak ang Jerusalem!’​—38:17, 18.

29. Anong kapahamakan ang sumapit sa Jerusalem, subalit papaano nakaligtas sina Jeremias at Ebed-melech?

29 Tumagal nang 18 buwan ang pagkubkob sa Jerusalem, at ito ay napasok noong ika-11 taon ni Zedekias. Tumakas ang hari kasama ng hukbo subalit naabutan siya. Ang mga anak niya at mga mahal na tao ay pinatay sa harapan niya, siya ay binulag at dinalang nakatanikala sa Babilonya. Ang lungsod ay sinunog at iniwang giba, at maliban sa iilang dukha, lahat ay dinalang bihag sa Babilonya. Sa utos ni Nabukodonosor, si Jeremias ay pinalaya mula sa looban. Bago nito ay sinabi niya kay Ebed-melech na nangako si Jehovang ililigtas ito, ‘sapagkat nagtiwala siya kay Jehova.’​—39:18.

30. Papaano nabigo ang nalalabing mga tao na sumunod sa payo ni Jeremias, at anong hatol ng kapahamakan ang ipinahayag ni Jeremias sa Ehipto?

30 Pangwakas na mga kaganapan sa Mizpah at sa Ehipto (40:1–​44:30). Nanatili si Jeremias sa Mizpah kasama ni Gedalias na ginawang gobernador sa nalalabing mga tao. Pagkaraan ng dalawang buwan, pinatay si Gedalias. Ang mga tao ay humingi ng payo kay Jeremias kaya pinarating niya sa kanila ang salita ng Diyos: ‘Hindi kayo aalisin ni Jehova sa lupain. Huwag kayong matakot sa hari ng Babilonya. Ngunit kung lulusong kayo sa Ehipto, kayo’y mamamatay!’ Lumusong pa rin sila at isinama pa sina Jeremias at Baruch. Sa Tahpanhes sa Ehipto ay ipinabatid ni Jeremias ang hatol ni Jehova: Ang hari ng Babilonya ay luluklok sa Ehipto. Mawawalan ng saysay ang pagsamba ng Israel sa mga diyos ng Ehipto at ang paghahandog sa “reyna ng langit.” Nalimutan na ba nila na ang Jerusalem ay winasak ni Jehova dahil sa idolatriya? Ipapahamak sila ng Diyos sa Ehipto, at hindi sila makababalik sa Juda. Bilang tanda, si Paraon Hophra mismo ay ibibigay ni Jehova sa kamay ng mga kaaway.

31. Anong katiyakan ang ibinigay kay Baruch?

31 Ang kapalaran ni Baruch (45:1-5). Nabahala si Baruch sa paulit-ulit na paghula ni Jeremias tungkol sa kapahamakan. Sinabihan ito na isipin muna ang gawain ni Jehova na pagtatayo at pagwasak sa halip na “maghangad ng dakilang mga bagay” para sa sarili. (45:5) Ililigtas siya sa lahat ng kasakunaan.

32. Laban kanino darating “ang tabak ni Jehova”?

32 Ang tabak ni Jehova laban sa mga bansa (46:1–​49:39). Isinasalaysay ni Jeremias ang mga tagumpay ng Babilonya laban sa Ehipto sa Carcemish at iba pang dako. Bagaman nalipol ang mga bansa, mananatili ang Jacob subalit ito’y parurusahan din. “Ang tabak ni Jehova” ay darating laban sa mga Filisteo, laban sa palalong Moab at mayabang na Amon, laban sa Edom at Damasco, Kedar at Hazor. (47:6) Babaliin ang busog ng Elam.

33. (a) Ano ang mangyayari sa sarong ginto, ang Babilonya? (b) Kaya, papaano dapat gumawi ang bayan ng Diyos?

33 Ang tabak ni Jehova laban sa Babilonya (50:1–​51:64). Si Jehova ay nagsalita tungkol sa Babilonya: Sabihin sa mga bansa. Huwag ililihim ang anoman. Nabihag ang Babilonya at napahiya ang mga diyos nito. Tumakas mula sa kaniya. Ang pamalong bakal na ito na nagwasak sa lahat ng bansa ay nabali na rin. “O Kapalaluan,” ikaw na nang-api sa Israel at Juda, alamin na si Jehova ng mga hukbo ang kanilang Manunubos. Ang Babilonya ay magiging tirahan ng mababangis na hayop. “Kung papaano ibinagsak ng Diyos ang Sodoma at Gomorra . . . , walang taong maninirahan doon.” (50:31, 40) Ang Babilonya ay naging sarong ginto sa kamay ni Jehova upang lasingin ang mga bansa, subalit bigla siyang nahulog at nadurog. Tangisan siya. Pinukaw ni Jehova ang diwa ng mga hari ng Medya upang wasakin siya. Hindi makalaban ang makapangyarihang mga lalaki sa Babilonya. Sila’y naging gaya ng mga babae. Ang anak na babae ng Babilonya ay yuyurakang gaya ng giikan. “Sila’y bibigyan ng walang-hanggang pagtulog, at hindi na sila magigising.” Umapaw ang dagat at tinakpan ng maraming alon ang Babilonya. “Magsilabas kayo sa gitna niya, O bayan ko, at iligtas ng bawat isa ang kaniyang kaluluwa mula sa nag-aapoy na galit ni Jehova.” (51:39, 45) Pakinggan ang hiyaw, ang maingay na pagguho ng Babilonya! Dapat madurog ang kaniyang mga sandatang pandigma, sapagkat si Jehova ay Diyos ng paghihiganti. Tiyak na pagbabayarin niya sila.

34. Anong tanda ang lumarawan sa pagbagsak ng Babilonya?

34 Inutusan ni Jeremias si Seraias: ‘Pumaroon ka sa Babilonya at basahin nang malakas ang hula laban sa Babilonya. Saka talian mo ng bato ang aklat at ihagis ito sa gitna ng Eufrates. “At sabihin mo, ‘Ganito lulubog ang Babilonya at hindi na lilitaw uli dahil sa kapahamakan na aking dadalhin sa kaniya.’ ” ’​—51:61-64.

35. Anong ulat ang sumunod?

35 Ang ulat ng pagbagsak ng Jerusalem (52:1-34). Halos wala itong pinag-iba sa sinasaklaw ng 2 Hari 24:18-20; 25:1-21, 27-30.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

36. (a) Anong halimbawa ng may tibay-loob na sigasig ang makikita kay Jeremias? (b) Sa anong paraan mahuhusay na halimbawa si Baruch, ang mga Rechabita, at si Ebed-melech?

36 Ang kinasihang hulang ito ay tunay na nagpapatibay at kapaki-pakinabang. Tingnan ang magiting na halimbawa ng propeta. Wala siyang takot sa paghahayag ng nakayayamot na mensahe sa gitna ng tampalasang bayan. Hindi siya nakisama sa mga balakyot. Pinahalagahan niya ang pagkaapurahan ng mensahe ni Jehova at buong-puso siyang naglingkod at hindi kailanman siya huminto. Ang salita ng Diyos ay naging parang apoy sa kaniyang buto at ito ang nagdulot ng kasiyahan at kagalakan sa kaniyang puso. (Jer. 15:16-20; 20:8-13) Sana ay ganito rin tayo kasigasig sa salita ni Jehova! Nawa’y buong-katapatan din nating tangkilikin ang mga lingkod ng Diyos, gaya ng ginawa ni Baruch kay Jeremias. Ang taimtim na pagsunod ng mga Rechabita ay napakahusay ding halimbawa sa atin, pati na ang maibiging konsiderasyon ni Ebed-melech sa inuusig na propeta.​—36:8-19, 32; 35:1-19; 38:7-13; 39:15-18.

37. Papaanong ang pag-aaral ng Jeremias ay nagpapatibay ng pananampalataya sa kapangyarihan ni Jehova na humula?

37 Ang salita ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias ay natupad nang wastung-wasto. Nagpapatibay ito ng pananampalataya sa kapangyarihan ni Jehova na humula. Kuning halimbawa ang mga hula na natupad noong nabubuhay pa si Jeremias, gaya ng pagkabihag kay Zedekias at pagkawasak ng Jerusalem (21:3-10; 39:6-9), ang pag- aalis sa trono at kamatayan ni Haring Shalum (Joachaz) habang siya ay bihag (Jer. 22:11, 12; 2 Hari 23:30-34; 2 Cron. 36:1-4), ang pagbihag kay Haring Conias (Joiachin) sa Babilonya (Jer. 22:24-27; 2 Hari 24:15, 16), at ang kamatayan ng huwad na propetang si Hananias sa taon ding yaon (Jer. 28:16, 17). Lahat ng ito, at higit pa, ay natupad gaya ng inihula ni Jehova. Natuklasan din ng sumunod na mga propeta at mga lingkod ni Jehova na kapani-paniwala at kapaki-pakinabang ang hula ni Jeremias. Halimbawa, naunawaan ni Daniel mula sa sulat ni Jeremias na ang pagkawasak ng Jerusalem ay 70 taon, at itinawag-pansin ni Ezra ang katuparan ng mga salita ni Jeremias sa katapusan ng 70 taon.​—Dan. 9:2; 2 Cron. 36:20, 21; Ezra 1:1; Jer. 25:11, 12; 29:10.

38. (a) Anong tipan, na tinukoy din ni Jesus, ang itinatampok ng hula ni Jeremias? (b) Anong pag-asa ng Kaharian ang ipinapahayag?

38 Nang pinasisinayaan ang pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon kasama ng mga alagad, ipinahiwatig ni Jesus ang katuparan ng hula ni Jeremias tungkol sa bagong tipan. Kaya, tumukoy siya sa “bagong tipan sa bisa ng aking dugo,” na sa pamamagitan nito’y napatawad ang kanilang kasalanan at sila’y naging espirituwal na bansa ni Jehova. (Luc. 22:20; Jer. 31:31-34) Ang mga inianak-sa-espiritu na kalakip sa bagong tipan ay siya ring inilalakip ni Kristo sa tipan ukol sa Kaharian, upang magharing kasama niya sa langit. (Luc. 22:29; Apoc. 5:9, 10; 20:6) Maraming beses tinutukoy ng hula ni Jeremias ang Kahariang ito. Sa kabila ng paulit-ulit na pagtuligsa sa taksil na Jerusalem, si Jeremias ay nagbigay ng silahis ng pag-asa: “ ‘Narito! Darating ang mga araw,’ sabi ni Jehova, ‘na ibabangon ko kay David ang isang matuwid na sanga. At isang hari ay magpupuno at kikilos na may unawa at magpapairal ng katarungan at katuwiran sa lupain.’ ” Oo, ang hari ay tatawaging “Si Jehova Ang Ating Katuwiran.”​—Jer. 23:5, 6.

39. Ang pagbabalik ng nalabi mula sa Babilonya, gaya ng inihula ni Jeremias, ay nagbibigay-katiyakan sa ano?

39 Muling binabanggit ni Jeremias ang pagsasauli: “At maglilingkod sila kay Jehova na kanilang Diyos at kay David na kanilang hari, na aking ibabangon para sa kanila.” (30:9) Sa pagwawakas, binabanggit niya ang mabuting salita na binigkas ni Jehova sa Israel at Juda, na “sa mga araw na yaon [si Jehova] ay magpapalabas kay David ng isang matuwid na sanga,” upang paramihin ang kaniyang binhi at upang magkaroon ng “anak na maghahari sa kaniyang lulukan.” (33:15, 21) Kung papaanong nagbalik ang isang nalabi mula sa Babilonya, gayon pararatingin ng matuwid na “sanga” ang katarungan at katuwiran sa buong lupa.​—Luc. 1:32.

[Talababa]

a Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 326, 480.

[Mga Tanong sa Aralin]