Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 27—Daniel

Aklat ng Bibliya Bilang 27—Daniel

Aklat ng Bibliya Bilang 27​—Daniel

Manunulat: Si Daniel

Saan Isinulat: Sa Babilonya

Natapos Isulat: c. 536 B.C.E.

Panahong Saklaw: 618–​c. 536 B.C.E.

1. Anong uri ng kasaysayan ang nilalaman ng Daniel, at ano ang itinatampok nito?

 NGAYONG lahat ng bansa ay nabibingit sa kapahamakan, lubhang mahalaga ang makahulang mensahe ng aklat ni Daniel. Samantalang ang mga aklat ng Samuel, Mga Hari, at Mga Cronica ay ulat ng mga nakasaksi sa kasaysayan ng makalarawang kaharian ng Diyos (ang Davidikong dinastiya), ang Daniel ay nakatuon sa mga bansa sa daigdig at naglalaan ng patiunang pangmalas sa paghahamok ng malalaking dinastiya mula noong panahon ni Daniel hanggang sa “panahon ng kawakasan.” Ito’y pandaigdig na kasaysayan na patiunang isinulat. Humahantong ito sa kapana-panabik na kasukdulan “sa huling bahagi ng mga kaarawan.” Gaya ni Nabukodonosor, mapipilitang kilalanin ng mga bansa “na ang Kataas-taasan ay Pinunò sa kaharian ng sangkatauhan” at na ibibigay niya ito sa “isang gaya ng anak ng tao,” ang Mesiyas at Tagapanguna, si Kristo Jesus. (Dan. 12:4; 10:14; 4:25; 7:13, 14; 9:25; Juan 3:13-16) Ang masusing pagsusuri sa makahulang katuparan ng kinasihang aklat ni Daniel ay tutulong sa higit na pagpapahalaga sa kapangyarihan ni Jehova na humula at sa pangakong kaligtasan at pagpapala sa kaniyang bayan.​—2 Ped. 1:19.

2. Ano ang patotoo na si Daniel ay tunay na persona, at sa anong makasaysayang yugto siya humula?

2 Ang aklat ay ipinangalan sa sumulat nito. Ang “Daniel” (Hebreo, Da·ni·yeʼlʹ) ay nangangahulugang “Diyos Ang Aking Hukom.” Tinitiyak ni Ezekiel, kontemporaryo niya, na si Daniel ay tunay na persona, at binabanggit siya kasama nina Noe at Job. (Ezek. 14:14, 20; 28:3) Ayon kay Daniel nagsimula ang kaniyang aklat noong “ikatlong taon ni Joiakim na hari ng Juda.” Ito ay 618 B.C.E., ikatlong taon ni Joiakim bilang haring nasasakop ni Nabukodonosor. a Nagpatuloy ang mga pangitain ni Daniel hanggang sa ikatlong taon ni Ciro, mga 536 B.C.E. (Dan. 1:1; 2:1; 10:1, 4) Napaka-makasaysayan ang buhay ni Daniel! Ang kabataan niya’y ginugol sa kaharian ng Juda. Bilang binatilyong prinsipe, dinala siya sa Babilonya kasama ng mararangal na kababatang Judeano at nasaksihan nila ang pagsikat at paglubog ng ikatlong pandaigdig na kapangyarihan sa kasaysayan ng Bibliya. Siya ay naging opisyal ng ikaapat na pandaigdig na kapangyarihan, ang Medo-Persya. Si Daniel ay nabuhay nang halos isandaang taon.

3. Ano ang patotoo ng pagiging-kanonikal at pagiging-tunay ng aklat ni Daniel?

3 Ang aklat ni Daniel ay dati nang nasa katalogong Judio ng mga kinasihang Kasulatan. May mga bahagi ng Daniel na natuklasan kasama ng iba pang kanonikal na aklat sa Dead Sea Scrolls, at ang ilan ay mula pa sa unang bahagi ng unang siglo B.C.E. Gayunman, ang mas mahalagang patotoo sa pagiging-tunay ng aklat ay ang pagtukoy dito ng mga Kristiyanong Kasulatang Griyego. Si Daniel ay tuwirang binabanggit ni Jesus sa kaniyang hula sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” kung saan maraming ulit siyang sumisipi sa aklat.​—Mat. 24:3; tingnan din ang Dan. 9:27; 11:31; at Dan 12:11​—Mat. 24:15 at Mar. 13:14; Dan. 12:1​—Mat. 24:21; Dan. 7:13, 14​—Mat. 24:30.

4, 5. Papaano napabulaanan ng arkeolohiya ang pag-aangkin ng maseselang na tagapuna hinggil kay Daniel?

4 Bagaman ang pagka-makasaysayan ng Daniel ay kinukuwestiyon ng maseselang na tagapuna sa Bibliya, ang pag-aangkin nila ay ganap nang napabulaanan ng arkeolohiya. Halimbawa, kinutya ng mga kritiko ang pagsasabi ni Daniel na si Belsasar ay hari sa Babilonya nang si Nabonido ang siyang ipinalalagay na pinunò. (Dan. 5:1) Napatunayan ng arkeolohiya na si Belsasar ay tunay na persona at na siya’y kasabay ni Nabonido na naghari sa huling mga taon ng Imperyo ng Babilonya. Halimbawa, ang sinaunang tekstong cuneiform na “Verse Account of Nabonidus” ay tumitiyak sa maharlikang autoridad ni Belsasar sa Babilonya at ipinaliliwanag nito kung papaano siya nakasabay ni Nabonido bilang hari. b May iba pang ebidensiyang cuneiform na nagpapatotoong si Belsasar ay humawak ng maharlikang mga tungkulin. Nasa isang sulatang-putik mula sa ika-12 taon ni Nabonido ang panata na ginawa sa pangalan ni Nabonido, ang hari, at ni Belsasar, anak ng hari, na nagpapakita na si Belsasar ay ka-ranggo ng kaniyang ama. c Mahalaga rin ito sa pag-unawa sa alok ni Belsasar kay Daniel na maging “ikatlo sa kaharian” kung maipaliliwanag nito ang sulat-kamay sa pader. Si Nabonido ang itinuturing na una, si Belsasar ang pangalawa, at si Daniel ang itatanghal na ikatlong tagapamahala. (5:16, 29) Ayon sa isang mananaliksik: “Ang papel ni Belsasar ay nililiwanag ng mga cuneiform anupat buong-linaw na nahahayag ang kaniyang dako sa kasaysayan. Makikita sa maraming teksto na sina Belsasar at Nabonido ay halos pantay sa posisyon at prestihiyo. Kinikilala na ngayon ang pag-iral ng tambalang paghahari sa kalakhan ng huling bahagi ng Neo-Babilonikong panahon. Humawak si Nabonido ng kataas-taasang autoridad sa kaniyang palasyo sa Tema sa Arabya, at si Belsasar ay tumayong katuwang-na-hari sa Babilonya bilang sentro ng kapangyarihan. Maliwanag na si Belsasar ay hindi isang mahinang kinatawan; ipinagkatiwala sa kaniya ‘ang paghahari.’ ” d

5 Pinasisinungalingan ng iba ang ulat ni Daniel tungkol sa maapoy na hurno (kab. 3), na ito’y kathang-isip lamang. Isang Matandang-Babilonikong liham ang nagsasaad: “Sinabi ni Rîm-Sin na iyong panginoon: Sapagkat inihagis niya ang batang alipin sa pugon, iyo ring ihagis ang alipin sa hurno.” Sa pagtukoy dito, sinabi ni G. R. Driver na ang parusang ito “ay nasa kuwento ng Tatlong Banal na Lalaki (Dan. III 6, 15, 19-27).” e

6. Anong dalawang bahagi ang bumubuo sa aklat ni Daniel?

6 Inilakip ng mga Judio ang Daniel, hindi sa Mga Propeta, kundi sa Mga Kasulatan. Gayunman, sinunod ng Bibliyang Ingles ang katalogo ng Griyegong Septuagint at ng Latin Vulgate at ito ay isiningit sa pagitan ng mga pangunahin at pangalawahing propeta. Ang aklat ay may dalawang bahagi. Ang una, kabanata 1 hanggang 6, ay mga karanasan ni Daniel at ng kaniyang mga kasama sa serbisyo-sibil mula 617 B.C.E. hanggang 538 B.C.E. na nakatala ayon sa panahon. (Dan. 1:1, 21) Ang ikalawang bahagi, kabanata 7 hanggang 12, ay isinulat mismo ni Daniel sa unang panauhan at tungkol sa sariling mga pangitain at pakikipag-usap niya sa anghel mula 553 B.C.E. f hanggang mga 536 B.C.E. (7:2, 28; 8:2; 9:2; 12:5, 7, 8) Ang dalawang bahagi ay bumubuo ng iisang nagkakasuwatong aklat.

NILALAMAN NG DANIEL

7. Papaano nakapasok si Daniel at ang mga kasama niya sa paglilingkod sa pamahalaan ng Babilonya?

7 Paghahanda sa paglilingkod sa Estado (1:1-21). Dumating si Daniel sa Babilonya kasama ng mga Judiong bihag. Dumating din ang sagradong mga kasangkapan ng templo sa Jerusalem, upang itago sa isang paganong gusali-ng-yaman. Si Daniel at ang tatlong kasamang Hebreo ay kabilang sa mga maharlikang kabataang Judeano na pinili para sa tatlong-taóng kurso ng pagsasanay sa palasyo ng hari. Desididong huwag dumhan ang sarili sa mga paganong putahe at alak ng hari, nagmungkahi si Daniel ng sampung-araw na diyeta ng gulay. Lumitaw na pabor ito kay Daniel at sa mga kasama niya, at sila’y binigyan ng Diyos ng kaalaman at karunungan. Ang apat ay inatasan ni Nabukodonosor na tumayo bilang mga tagapayo. Ayon sa huling talata ng kabanata 1, na malamang na idinagdag noong tapos nang isulat ang naunang bahagi, si Daniel ay naglilingkod pa rin sa palasyo 80 taon makaraan siyang itapon, o noong mga 538 B.C.E.

8. Anong panaginip at pagpapakahulugan ang isiniwalat ng Diyos kay Daniel, at papaano nagpakita si Nabukodonosor ng pagpapahalaga?

8 Panaginip ng nakasisindak na imahen (2:1-49). Sa ikalawang taon ng kaniyang paghahari (malamang na mula sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E.), si Nabukodonosor ay nililigalig ng isang panaginip. Hindi maipaalaala ng mga saserdoteng salamangkero ang panaginip at ang kahulugan nito. Inalok niya sila ng mamahaling regalo, ngunit tumutol sila at nagsabing mga diyos lamang ang makapagbibigay ng kaniyang hinihingi. Nagalit ang hari at iniutos na patayin ang pantas na mga lalaki. Yamang saklaw ng utos ang apat na Hebreo, humingi si Daniel ng panahon upang ipaliwanag ito. Sila ay humingi ng patnubay kay Jehova. Ang panaginip at ang kahulugan ay inihayag ni Jehova kay Daniel, na agad lumapit sa hari at nagsabi: “Sa langit ay may Diyos na Tagapagsiwalat ng lihim, at ipinaalam niya kay Haring Nabukodonosor ang magaganap sa huling bahagi ng mga kaarawan.” (2:28) Inilarawan ni Daniel ang panaginip. Tungkol ito sa isang dambuhalang imahen. Ang ulo ay ginto, ang dibdib at braso ay pilak, ang tiyan at hita ay tanso, ang mga binti ay bakal, at ang mga paa’y may bahaging bakal at may bahaging putik. Ang imahen ay tinamaan at dinurog ng isang bato na naging malaking bundok na pumunô sa buong lupa. Ano ang kahulugan nito? Sinabi ni Daniel na ang hari ng Babilonya ang ulong ginto. Ang kaharian niya ay susundan ng ikalawa, ng ikatlo, at ng ikaapat. Sa wakas, “ang Diyos ng langit ay magtatatag ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. . . . Dudurugin at lilipulin nito ang lahat ng ibang kaharian, at ito’y mananatili magpakailanman.” (2:44) Bilang utang-na-loob at pagpapahalaga, sinabi ng hari na ang Diyos ni Daniel ay “Diyos ng mga diyos” at si Daniel ay ginawang “pinunò sa buong lalawigan ng Babilonya at tagapangasiwa sa mga pantas.” Ang tatlong kasama niya ay naging tagapamahala sa kaharian.​—2:47, 48.

9. Ano ang ibinunga ng magiting na paninindigan ng tatlong Hebreo laban sa pagsamba sa imahen?

9 Nakaligtas ang tatlong Hebreo sa maapoy na hurno (3:1-30). Nagtayo si Nabukodonosor ng dambuhalang imaheng ginto na 66 na siko (88 piye) ang taas, at tinipon ang lahat ng pinunò sa imperyo sa pag-aalay nito. Kasabay ng tugtugan, lahat ay magpapatirapa at sasamba sa larawan. Sinomang susuway ay ihahagis sa naglalagablab at maapoy na hurno. Hindi sumunod ang tatlong kasama ni Daniel, sina Sadrach, Mesach, at Abednego. Iniharap sila sa haring galit-na-galit, at buong-giting silang sumagot: “Ang Diyos na aming pinaglilingkuran ay makapagliligtas sa amin. . . . Hindi namin sasambahin ang larawang ginto na iyong itinayo.” (3:17, 18) Nagsisiklab sa galit, iniutos ng hari na ang hurno ay painitin nang makapito at ang tatlong Hebreo ay gapusin at ihagis dito. Habang ginagawa ito, ang mga berdugo ang siyang napatay ng nakadadarang na apoy. Natakot si Nabukodonosor. Ano itong nakikita niya sa hurno? Apat na lalaki ang parang walang anomang lumalakad sa gitna ng apoy, at “ang ikaapat ay gaya ng isang anak ng diyos.” (3:25) Pinalabas ng hari sa apoy ang tatlong Hebreo. Paglabas nila, wala silang pasò, ni amoy man lamang ng usok! Dahil sa kanilang magiting na paninindigan sa tunay na pagsamba, nagpahayag si Nabukodonosor ng kalayaan ng pagsamba para sa mga Judio sa buong imperyo.

10. Anong nakakatakot na panaginip na nagsasangkot ng “pitong panahon” ang dumating kay Nabukodonosor, at natupad ba ito sa kaniya?

10 Ang panaginip ng “pitong panahon” (4:1-37). Sinipi ito ni Daniel sa isang dokumentong pang-estado ng Babilonya. Isinulat ito ng nagpakumbabang si Nabukodonosor. Kinilala niya ang kapangyarihan at kaharian ng Kataas-taasang Diyos. Pagkatapos ay isinalaysay niya ang isang nakakatakot na panaginip at kung papaano ito natupad sa kaniya. Nakita niya ang isang punongkahoy na umaabot sa langit at naging tahanan at pagkain ng lahat. Sumigaw ang bantay: ‘Putulin ang punò. Bigkisan ng bakal at tanso ang tuod nito. Palipasin ang pitong panahon, upang makilala ng lahat na ang Kataas-taasan ay Pinunò sa kaharian ng tao at iniluluklok dito ang pinakamababa sa mga tao.’ (4:14-17) Ipinaliwanag ni Daniel ang panaginip at sinabi na ang punò ay kumatawan kay Nabukodonosor. Natupad agad ang makahulang panaginip. Samantalang nagmamalaki, bigla siyang nahibang; at pitong taon siyang namuhay na gaya ng hayop sa parang. Pagkatapos ay bumalik ang kaniyang katinuan, at kinilala niya ang pagiging-kataastaasan ni Jehova.

11. Sa gitna ng anong kahalayan nakita ni Belsasar ang makahulang sulat-kamay, papaano ito ipinaliwanag ni Daniel, at papaano ito natupad?

11 Ang piging ni Belsasar: ipinaliwanag ang sulat-kamay (5:1-31). Yaon ang makahulang gabi ng Oktubre 5, 539 B.C.E. Si Haring Belsasar, anak ni Nabonido at katuwang na hari ng Babilonya, ay naghanda ng malaking piging para sa isang libo niyang tagapamahala. Ipinakuha ng lasing na hari ang mga sagradong ginto at pilak na sisidlan mula sa templo ni Jehova, at mula rito’y buong-kahalayan silang nag-inuman habang pinupuri ang kanilang mga paganong diyos. Biglang lumitaw ang isang kamay at sumulat ng lihim na mensahe sa dingding. Nasindak ang hari. Hindi ito mabigyang-kahulugan ng mga pantas. Sa wakas ay ipinasundo si Daniel. Inalok siya na maging pangatlo sa kaharian kung kaniyang mababasa at mabibigyan ng kahulugan ang sulat, ngunit tinanggihan ni Daniel ang mga kaloob ng hari. Ipinaliwanag niya ang sulat at ang kahulugan nito: “MENE, MENE, TEKEL at PARSIN. . . . Binilang ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian at winakasan ito. . . . Tinimbang ka at nasumpungang kulang. . . . Hinati ang iyong kaharian at ibinigay sa mga Medo at Persyano.” (5:25-28) Nang gabi ring yaon ay napatay si Belsasar, at si Dario na Medo ang tumanggap ng kaharian.

12. Anong pakana laban kay Daniel ang nahadlangan, at anong utos ang pinagtibay ni Dario?

12 Si Daniel sa yungib ng mga leon (6:1-28). Nagpakanâ ang matataas na opisyal sa pamahalaan ni Dario laban kay Daniel at inudyukan ang hari na ipagbawal sa loob ng 30 araw ang pagdarasal sa sinomang diyos o tao maliban sa hari. Ihahagis sa yungib ng mga leon ang sinomang susuway. Tutol si Daniel sa batas na laban sa pagsamba kaya siya ay nanalangin kay Jehova. Inihagis siya sa yungib ng mga leon. Ang bibig ng mga leon ay makahimalang itinikom ng anghel ni Jehova, at kinaumagahan ay nakahinga si Haring Dario nang makitang ligtas si Daniel. Ang mga kaaway ang siyang ipinakain sa leon, at nag-utos ang hari na katakutan ang Diyos ni Daniel, sapagkat “siya ang nabubuhay na Diyos.” (6:26) Si Daniel ay nagpatuloy sa serbisyo-sibil hanggang sa pamamahala ni Ciro.

13. Sa sariling panaginip, anong pangitain ang tinanggap ni Daniel tungkol sa apat na hayop at sa pagpupuno ng Kaharian?

13 Ang mga pangitain tungkol sa mga hayop (7:1–​8:27). Babalik tayo sa “unang taon ni Belsasar,” na naghari mula 553 B.C.E. Si Daniel ay nagkaroon ng sariling panaginip, at isinulat niya ito sa Aramaiko. g Sunud-sunod na lumitaw ang apat na malalaki at kakila-kilabot na hayop. Ang ikaapat ay may pambihirang lakas, at isang maliit na sungay ang tumubo sa gitna ng ibang sungay nito “at nagsalita ng dakilang mga bagay.” (7:8) Dumating at naupo ang Matanda sa mga Araw. Pinaglingkuran siya ng “libu-libo.” Humarap “ang isang gaya ng anak ng tao” at dito’y “ibinigay ang kapangyarihan at karangalan at isang kaharian, upang ang mga bayan, bansa at wika ay maglingkod sa kaniya.” (7:10, 13, 14) Ipinaliwanag kay Daniel ang pangitain ng apat na hayop. Ito ay apat na hari o kaharian. Isang maliit na sungay ang tumubo sa gitna ng sampung sungay ng ikaapat na hayop. Naging malakas ito at nakihamok sa mga banal. Kumilos ang makalangit na Hukuman upang ibigay “ang kaharian at ang kapangyarihan at ang kadakilaan ng lahat ng kaharian sa silong ng langit . . . sa mga banal ng Kataas-taasan.”​—7:27.

14. Sa anong pangitain nakita ni Daniel ang lalaking kambing at ang tupang lalaki na may dalawang-sungay? Papaano ipinaliwanag ito ni Gabriel?

14 Pagkaraan ng dalawang taon, matagal pa bago bumagsak ang Babilonya, nakakita uli si Daniel ng isa pang pangitain na isinulat niya sa Hebreo. Isang lalaking kambing na may kapuna-punang sungay sa pagitan ng mata ay lumaban at nanaig sa isang palalong tupang lalaki na may dalawang sungay. Nabali ang malaking sungay ng kambing at tumubo ang apat na mas maliliit. Mula sa isa ay lumabas ang isang maliit na sungay na naging dakila, sukdulang lumaban sa hukbo ng langit. Inihula na lilipas ang 2,300 araw hanggang maisauli ang banal na dako sa “wastong kalagayan.” (8:14) Ang pangitain ay ipinaliwanag ni Gabriel. Ang tupa ay ang mga hari ng Medya at Persya. Ang kambing ay ang hari ng Gresya na ang kaharian ay mahahati sa apat. Isang haring mabagsik ang pagmumukha ay babangon “laban sa Prinsipe ng mga prinsipe.” Yamang ang pangitain ay “tungkol sa darating pang mga araw,” dapat muna itong ilihim ni Daniel.​—8:25, 26.

15. Ano ang nag-udyok kay Daniel na manalangin kay Jehova, at ano ang ipinabatid ni Daniel tungkol sa “pitumpung sanlinggo”?

15 Inihula ang Mesiyas na Pinunò (9:1-27). Noong “unang taon ni Dario . . . ng mga Medo” pinag-aralan ni Daniel ang hula ni Jeremias. Nang mabatid na magwawakas na ang inihulang 70-taóng kagibaan ng Jerusalem, ipinagtapat ni Daniel kay Jehova ang mga pagkakasala niya at niyaong sa Israel. (Dan. 9:1-4; Jer. 29:10) Ayon kay Gabriel may “pitumpung sanlinggo . . . upang tapusin ang pagsalansang, wakasan ang kasamaan, at tubusin ang pagkakasala.” Sa dulo ng 69 na sanlinggo darating at mahihiwalay ang Mesiyas. Ang tipan ay pagtitibayin sa marami hanggang sa dulo ng ika-70 sanlinggo, saka darating ang kagibaan at paglipol.​—Dan. 9:24-27.

16. Sa anong kalagayan muling nagpakita ang isang anghel kay Daniel?

16 Ang hilaga laban sa timog, titindig si Miguel (10:1–​12:13). Noo’y “ikatlong taon ni Ciro,” 536 B.C.E., hindi pa nagtatagal mula nang magbalik ang mga Judio sa Jerusalem. Matapos mag-ayuno ng tatlong linggo, naparoon si Daniel sa pampang ng ilog Hiddekel. (Dan. 10:1, 4; Gen. 2:14) Dumating ang isang anghel at sinabing hinadlangan siya ng ‘prinsipe ng Persya’ subalit siya’y tinulungan ni “Miguel, isa sa mga punong prinsipe.” Isinaysay niya ang pangitain ng “huling bahagi ng mga araw.”​—Dan. 10:13, 14.

17. Anong makahulang kasaysayan ng hari sa hilaga at ng hari sa timog ang iniuulat ni Daniel?

17 Ang nakabibighaning pangitain ay tungkol sa dinastiyang Persyano at ng napipintong pakikipag-alit nito sa Gresya. Babangon ang isang malakas na hari na may malawak na nasasakupan, ngunit ang kaharian nito ay hahatiin sa apat. Dalawang mahabang hanay ng mga hari ay lilitaw, ang hari ng timog laban sa hari ng hilaga. Ang kapangyarihan ay magpapalit-palit. Ang napakasamang mga haring ito ay mag-uusap ng kabulaanan sa iisang hapag. “Sa takdang panahon” ay muling magkakadigma. Lalapastanganin ang santwaryo ng Diyos, at itatayo ang “kasuklam-suklam na bagay na lumilikha ng kagibaan.” (11:29-31) Ang hari ng hilaga ay magsasalita nang kamangha-mangha laban sa Diyos ng mga diyos at sasamba sa diyos ng mga tanggulan. “Sa panahon ng kawakasan,” maghahamok ang dalawang hari at ang hari ng hilaga ay lulupig sa maraming lupain, at papasok maging sa “lupaing Maluwalhati.” Babagabagin siya ng mga ulat mula sa silangan at hilaga, kaya mag-aalab ang kaniyang poot at magtatayo ng “maharlikang mga tolda sa pagitan ng malaking dagat at ng banal na bundok ng Kaluwalhatian.” “Darating siya sa kaniyang wakas, at wala man lamang tutulong sa kaniya.​—11:40, 41, 45.

18. Ano ang naganap nang si Miguel ay tumindig ‘alang-alang sa mga anak ng bayan ng Diyos’?

18 Nagpapatuloy ang maringal na pangitain: Tumindig si Miguel ‘alang-alang sa mga anak ng bayan ng Diyos.’ Darating ang “panahon ng kabagabagan” na wala pang katulad sa kasaysayan ngunit ililigtas ang mga nakasulat sa aklat. Marami ang magigising mula sa alabok tungo sa walang-hanggang buhay, “at ang mga may-unawa ay magniningning na gaya ng liwanag sa langit.” Aakayin nila ang marami tungo sa katuwiran. Tatatakan ni Daniel ang aklat “hanggang sa panahon ng kawakasan.” “Kailan magaganap ang mga kababalaghang ito?” Bumanggit ang anghel ng tatlo at kalahating panahon, 1,290 araw, at 1,335 araw at sinabi na yaon lamang “mga may unawa ang makatatalos.” Maligaya ang mga ito! Sa wakas, nangako ang anghel na si Daniel ay tiyak na magpapahinga at babangon upang gantimpalaan “sa katapusan ng mga araw.”​—12:1, 3, 4, 6, 10, 13.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

19. Anong mahuhusay na halimbawa ng katapatan at may-panalanging pagtitiwala kay Jehova ang masusumpungan sa aklat ni Daniel?

19 Lahat ng nais magtapat sa gitna ng isang masamang daigdig ay makikinabang sa mahuhusay na halimbawa ni Daniel at ng tatlo niyang kasama. Gaano man kahigpit ang banta, patuloy silang namuhay ayon sa banal na simulain. Nang manganib ang buhay nila, si Daniel ay kumilos “nang maingat at may-paggalang” sa kapangyarihan ng hari. (2:14-16) Nang igiit ang isyu, pinili ng tatlong Hebreo ang nag-aapoy na hurno at hindi ang idolatriya, at pinili ni Daniel ang yungib ng mga leon sa halip na talikdan ang pananalangin kay Jehova. Sa bawat pagkakataon ay iniligtas sila ni Jehova. (3:4-6, 16-18, 27; 6:10, 11, 23) Si Daniel ay mahusay na halimbawa ng may-panalanging pagtitiwala sa Diyos na Jehova.​—2:19-23; 9:3-23; 10:12.

20. Anong apat na pangitain ang iniuulat hinggil sa mga kapangyarihang pandaigdig, at bakit nagpapatibay-pananampalataya ang pagrerepaso nito sa ngayon?

20 Nagpapasigla at nagpapatitibay-pananampalataya ang pagrerepaso sa mga pangitain ni Daniel. Nariyan ang apat na pangitain ng mga kapangyarihang pandaigdig: (1) ang kakila-kilabot na imahen na ang ulong ginto ay kumatawan sa dinastiya ng mga haring Babiloniko pasimula kay Nabukodonosor na sinundan ng tatlong kaharian na inilarawan ng ibang bahagi ng imahen. Ito ang mga kaharian na dinurog ng “bato,” na naging “isang kaharian na hindi magigiba kailanman,” ang Kaharian ng Diyos. (2:31-45) (2) Sumunod ang sariling mga pangitain ni Daniel, ang una ay ang apat na hayop na kumatawan sa “apat na hari.” Ito ang leon, ang oso, ang leopardo na may apat na ulo, at isang hayop na may malalaking ngiping bakal, sampung sungay, at nang maglao’y isang maliit na sungay. (7:1-8, 17-28) (3) Sumunod ang pangitain ng tupang lalaki (Medo-Persya), ang kambing na lalaki (Gresya), at ang maliit na sungay. (8:1-27) (4) Sa wakas ay ang pangitain ng hari ng timog at hari ng hilaga. Wastong inilalarawan ng Daniel 11:5-9 ang alitan ng mga sangang Ehipsiyo at Seleucid ng Imperyo ng Gresya pagkamatay ni Alejandro noong 323 B.C.E. Mula sa 11 talata 20 tinatalunton ng hula ang sunud-sunod na mga bansa sa timog at hilaga. Ayon sa pagtukoy ni Jesus sa “kasuklam-suklam na bagay na lumilikha ng kagibaan” (11:31) bilang tanda ng kaniyang pagkanaririto, patuloy ang alitan ng dalawang hari hanggang sa “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mat. 24:3) Nakakaaliw ang katiyakan na sa “panahon ng kabagabagan na hindi pa nangyayari mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong yaon,” titindig si Miguel upang alisin ang balakyot na mga bansa at upang magdulot ng kapayapaan sa masunuring sangkatauhan!​—Dan. 11:20–​12:1.

21. Papaano nagkaroon ng kapansin-pansing katuparan ang hula ni Daniel tungkol sa “pitumpung sanlinggo”?

21 Nariyan pa ang hula ni Daniel na “pitumpung sanlinggo.” Darating ang “Mesiyas na Pinunò” pagkaraan ng 69 na sanlinggo. Mapapansin na 483 taon (69 panahon na pinarami ng 7 taon) matapos “lumabas ang utos” na itayo uli ang Jerusalem, na pinagtibay ni Artajerjes noong ika-20 taon niya at ipinatupad ni Nehemias sa Jerusalem, si Jesus ng Nazaret ay nabautismuhan sa Ilog Jordan at pinahiran ng banal na espiritu upang maging Kristo, o Mesiyas (o, Ang Pinahiran). h Yao’y noong 29 C.E. Pagkaraan nito, ayon din kay Daniel, nagkaroon ng “paglipol” nang magiba ang Jerusalem noong 70 C.E.​—Dan. 9:24-27; Luc. 3:21-23; 21:20.

22. Anong aral ang matututuhan sa pagkapahiya ni Nabukodonosor?

22 Sa panaginip ni Nabukodonosor na iniulat ni Daniel sa kabanata 4 hinggil sa punongkahoy na pinutol, sinasabi na hiniya ng Diyos na Jehova ang hari na nagmalaki dahil sa kaniyang mga nagawa at dahil sa pagtitiwala sa sariling lakas. Nabuhay siyang gaya ng hayop sa parang hanggang sa kilalanin niya “na ang Kataas-taasan ay Pinunò sa kaharian ng tao, at ibibigay ito sa kaninomang ibigin niya.” (Dan. 4:32) Tayo ba ngayon ay gaya ni Nabukodonosor, na maghahambog sa ating nagawa at magtitiwala sa kapangyarihan ng tao at maging marapat sa parusa ng Diyos, o buong-katalinuhan ba nating kikilalanin na Siya ang Pinunò sa kaharian ng tao at ilalagak ang ating tiwala sa kaniyang Kaharian?

23. (a) Papaano idiniriin ang pag-asa ng Kaharian sa buong Daniel? (b) Sa anong gawain tayo pinasisigla ng aklat na ito ng hula?

23 Ang pag-asa sa Kaharian ay idinidiin ng aklat sa paraang nagpapatibay-pananampalataya! Ipinakikita ang Diyos na Jehova bilang Kataas-taasang Soberano na ang Kaharian ay hindi kailanman magigiba at na dudurog sa lahat ng ibang kaharian. (2:19-23, 44; 4:25) Maging ang mga paganong haring Nabukodonosor at Dario ay napilitang kumilala sa pagiging-kataastaasan ni Jehova. (3:28, 29; 4:2, 3, 37; 6:25-27) Siya ang dinadakila at niluluwalhati bilang Matanda sa mga Araw na magpapasiya sa isyu ng Kaharian at magkakaloob sa “anak ng tao” ng “kapangyarihan at karangalan at isang kaharian, upang ang mga bayan, bansa at wika ay maglingkod sa kaniya.” Ang “mga banal ng Kataas-taasan” ay makikibahagi kay Kristo Jesus, “ang Anak ng tao,” sa Kaharian. (Dan. 7:13, 14, 18, 22; Mat. 24:30; Apoc. 14:14) Siya si Miguel, dakilang prinsipe na hahawak ng kapangyarihan ng Kaharian upang durugin at wakasan ang lahat ng kaharian sa sanlibutan. (Dan. 12:1; 2:44; Mat. 24:3, 21; Apoc. 12:7-10) Ang mga hula at pangitaing ito ay dapat magpasigla sa mga umiibig sa katuwiran na kumilos at magparoo’t- parito sa mga pahina ng Salita ng Diyos upang matuklasan ang tunay na “kamangha-manghang mga bagay” ng layunin ng Kaharian Diyos na isinisiwalat ng kinasihan at kapaki-pakinabang na aklat ni Daniel.​—Dan. 12:2, 3, 6.

[Mga talababa]

a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 1269.

b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 283.

c Archaeology and the Bible, 1949, George A. Barton, pahina 483.

d The Yale Oriental Series · Researches, Tomo XV, 1929.

e Archiv für Orientforschung, Tomo 18, 1957-58, pahina 129.

f Maliwanag na si Belsasar ay naging katuwang-na-hari noong ikatlong taon ni Nabonido. Yamang tila 556 B.C.E. nang si Nabonido ay nagsimulang maghari, ang ikatlong taon niya at “ang unang taon ni Belsasar” ay malamang na 553 B.C.E.​—Daniel 7:1; tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 283; Tomo 2, pahina 457.

g Ang Daniel 2:4b–​7:28 ay isinulat sa Aramaiko, samantalang ang ibang bahagi ng aklat ay isinulat sa Hebreo.

h Nehemias 2:1-8; tingnan din ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 899-901.

[Mga Tanong sa Aralin]