Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 3—Levitico

Aklat ng Bibliya Bilang 3—Levitico

Aklat ng Bibliya Bilang 3​—Levitico

Manunulat: Si Moises

Saan Isinulat: Sa Ilang

Natapos Isulat: 1512 B.C.E.

Panahong Saklaw: 1 buwan (1512 B.C.E.)

1. (a) Bakit angkop ang pangalang Levitico? (b) Ano pang ibang pangalan ang ibinigay sa Levitico?

 LEVITICO ang pinakakaraniwang pangalan ng ikatlong aklat ng Bibliya, galing sa Leu·i·ti·konʹ ng Griyegong Septuagint mula sa Latin Vulgate na “Leviticus.” Angkop ang pangalang ito, bagaman pahapyaw lamang binabanggit ang mga Levita (sa 25:32, 33), pagkat sa kalakhan ito ay binubuo ng mga tuntunin ng pagkasaserdoteng Levitico, na pinili mula sa tribo ni Levi, at ng mga batas na itinuro ng mga saserdote sa bayan: “Ang mga labi ng saserdote ay mag-iingat ng kaalaman, at ang batas ay hahanapin ng bayan sa kaniyang bibig.” (Mal. 2:7) Sa tekstong Hebreo, ang aklat ay ipinangalan sa pambungad nito, Wai·yiq·raʼʹ, sa literal ay, “At tinawag niya.” Nang maglaon, ang aklat ay tinawag din ng mga Judio na Batas ng mga Saserdote at Batas ng mga Paghahandog.​—Lev. 1:1, talababa.

2. Anong ebidensiya ang nagpapatotoo sa pagkasulat ni Moises?

2 Walang alinlangan na si Moises ang sumulat ng Levitico. Ang pagtatapos, o colophon, ay nagsasaad: “Ito ang mga utos na ibinigay ni Jehova kay Moises.” (27:34) Ganito rin ang mababasa sa Levitico 26:46. Ang katibayan ng pagkasulat ni Moises ng Genesis at Exodo ay patotoo rin na siya ang sumulat ng Levitico, yamang sa pasimula ang Pentateuko ay malamang na iisang balumbon. Bukod dito, ang Levitico ay idinurugtong ng pangatnig na “at” sa naunang mga aklat. Ang pinakamatibay na patotoo ay ang malimit na pagsipi o pagtukoy ni Jesu-Kristo at iba pang kinasihang lingkod ni Jehova sa mga batas at simulain sa Levitico at ang mga ito ay kay Moises iniuukol.​—Lev. 23:34, 40-43​—Neh. 8:14, 15; Lev. 14:1-32​—Mat. 8:2-4; Lev. 12:2​—Luc. 2:22; Lev. 12:3​—Juan 7:22; Lev. 18:5​—Roma 10:5.

3. Anong yugto ng panahon ang saklaw ng Levitico?

3 Anong yugto ng panahon ang saklaw ng Levitico? Ang aklat ng Exodo ay nagtatapos sa pagtatayo ng tabernakulo “sa unang buwan, sa ikalawang taon, sa unang araw ng buwan.” Ang aklat ng Mga Bilang (na sumusunod agad sa Levitico) ay nagbubukas sa pakikipag-usap ni Jehova kay Moises “sa unang araw ng ikalawang buwan sa ikalawang taon mula nang sila’y lumabas sa lupain ng Ehipto.” Kaya, hindi hihigit sa isang lunar na buwan ang lumipas para sa iilang pangyayari sa Levitico, yamang ang kalakhang bahagi ng aklat ay mga batas at tuntunin.​—Exo. 40:17; Bil. 1:1; Lev. 8:1–​10:7; 24:10-23.

4. Kailan isinulat ang Levitico?

4 Kailan isinulat ni Moises ang Levitico? Malamang na itinala niya ang mga pangyayari habang nagaganap ang mga ito at isinulat ang mga tagubilin ng Diyos nang ito ay tanggapin niya. Makikita ito sa utos ng Diyos na isulat ang tungkol sa paghatol sa mga Amalekita karaka-rakang sila ay matalo ng Israel sa digmaan. Ang isang maagang petsa ay iminumungkahi rin ng ilang bagay sa aklat. Halimbawa, iniutos sa mga Israelita na ang mga hayop na kakainin nila ay dapat dalhin sa pasukan ng tabernakulo ng kapisanan upang katayin. Ang utos na ito ay dapat naibigay at naiulat hindi matagal pagkaraang italaga ang pagkasaserdote. Maraming tagubilin ang ibinigay sa ikapapatnubay ng mga Israelita sa kanilang paglalakbay sa ilang. Lahat ng ito ay nagpapahiwatig na isinulat ni Moises ang Levitico noong 1512 B.C.E.​—Exo. 17:14; Lev. 17:3, 4; 26:46.

5. Ano ang layunin ng mga batas hinggil sa mga hain at seremonyal na karumihan?

5 Bakit isinulat ang Levitico? Nilayon ni Jehova na magkaroon ng isang bansang banal, nabubukod sa kaniyang paglilingkod. Mula kay Abel ay naghahain na kay Jehova ang tapat na mga lingkod ng Diyos, ngunit sa Israel lamang nagsimulang magbigay si Jehova ng maliwanag na tagubilin sa mga handog sa kasalanan at iba pang hain. Ito, gaya ng detalyadong ipinaliliwanag sa Levitico, ang nagmulat sa mga Israelita sa labis na kasamaan ng kasalanan at na dahil dito sila ay hindi nakalugod kay Jehova. Ang mga tuntuning ito, bilang bahagi ng Kautusan, ay naging guro na aakay sa mga Judio kay Kristo, upang ipakita ang pangangailangan ng Tagapagligtas at kasabay nito ay ibukod sila bilang isang bayang hiwalay sa daigdig. Ang huling nabanggit na layunin ay lalung-lalo nang ginanap ng mga batas sa seremonyal na kalinisan.​—Lev. 11:44; Gal. 3:19-25.

6. Bakit nagkaroon ng pantanging pangangailangan ukol sa patnubay ni Jehova?

6 Bilang isang bagong bansa na naglalakbay tungo sa isang bagong lupain, ang Israel ay nangailangan ng wastong patnubay. Wala pang isang taon mula noong Pag-aalisan, kaya ang mga kalagayan ng buhay sa Ehipto at ang relihiyosong mga kaugalian nito ay sariwa pa sa isipan. Ang pag-aasawa ng magkapatid ay kaugalian doon. Ang huwad na pagsamba ay nagparangal sa maraming diyos, na ang iba’y mga hayop. Ang malaking kapulungang ito ay patungo na sa Canaan, at doon ay mas malaswa pa ang buhay at relihiyosong kaugalian. Subalit masdan uli ang kampamento ng Israel. Lalo itong lumaki dahil sa mga mestiso o purong Ehipsiyo, isang haluang pulutong sa gitna ng mga Israelita at isinilang ng mga magulang na Ehipsiyo, lumaki at inaralan sa mga paraan, relihiyon, at patriotismo ng Ehipto. Kailan lamang, sila ay nakikilahok pa sa kasuklam-suklam na mga gawain doon. Dapat silang tumanggap ng detalyadong patnubay ni Jehova!

7. Papaano taglay ng mga batas ng Levitico ang tatak ng banal na pagkasi?

7 Sa kabuuan nito, ang Levitico ay may tatak ng banal na pagkasi. Ang matalino at makatarungang mga batas at alituntunin nito ay hindi maiaakda ng tao lamang. Ang mga batas sa pagkain, sakit, kuwarantenas, at pagtrato sa mga bangkay ay nagsisiwalat ng kaalaman na hindi naunawaan ng makasanlibutang mga manggagamot kundi libu-libong taon lamang pagkaraan. Ang batas hinggil sa maruruming hayop na di-dapat kainin ay magsasanggalang sa mga Israelita sa kanilang paglalakbay. Ililigtas sila sa trichinosis na dulot ng mga baboy, sa tipus at paratyphoid mula sa ilang uri ng isda, at impeksiyon mula sa mga hayop na natagpuang patay. Ang mga praktikal na batas na ito ay uugit sa kanilang relihiyon at buhay upang sila’y makapanatili bilang isang bansang banal at makarating at makapanirahan sa Lupang Pangako. Ipinakikita ng kasaysayan na ang mga regulasyon ni Jehova ay nagbigay sa mga Judio ng tiyak na bentaha sa kalusugan na hindi tinamasa ng ibang bayan.

8. Papaano higit pang nagpapatotoo ang makahulang nilalaman ng Levitico sa pagiging-kinasihan nito?

8 Ang katuparan ng mga hula at larawan sa Levitico ay karagdagang patotoo ng pagiging-kinasihan nito. Kapuwa ang sagrado at sekular na kasaysayan ay nag-uulat ng katuparan ng mga babala sa Levitico hinggil sa bunga ng pagsuway. Isa rito ay ang hula na kakainin ng mga ina ang sariling anak dahil sa gutom. Ipinahiwatig ni Jeremias na ito ay natupad nang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., at ayon kay Josephus ito ay nangyari nang huling mawasak ang lungsod, noong 70 C.E. Natupad ang makahulang pangako na aalalahanin sila ni Jehova kung sila’y magsisisi, nang magbalik sila mula sa Babilonya noong 537 B.C.E. (Lev. 26:29, 41-45; Pan. 2:20; 4:10; Ezra 1:1-6) Karagdagang patotoo sa pagiging-kinasihan ng Levitico ay ang mga pagsipi rito ng ibang manunulat ng Bibliya bilang kinasihang Kasulatan. Bukod sa nabanggit na katiyakan ng pagsulat ni Moises, pakitingnan ang Mateo 5:38; 12:4; 2 Corinto 6:16; at 1 Pedro 1:16.

9. Papaano dinadakila ng Levitico ang pangalan at kabanalan ni Jehova?

9 Paulit-ulit na dinadakila ng Levitico ang pangalan at soberanya ni Jehova. Di-kukulangin sa 36 na beses sinasabi na ang mga batas ay kay Jehova galing. Sa katamtaman, ang mismong pangalang Jehova ay sampung beses lumilitaw sa bawat kabanata, at muli’t-muli ang pagsunod sa mga batas ng Diyos ay idinidiin ng paalaalang, “Ako si Jehova.” Nangingibabaw sa Levitico ang tema ng kabanalan, na mas madalas banggitin dito kaysa ibang aklat ng Bibliya. Ang mga Israelita ay dapat magpakabanal sapagkat si Jehova ay banal. May mga tao, lugar, bagay, at yugto ng panahon na ibinukod bilang banal. Halimbawa, ang Araw ng Katubusan at ang taon ng Jubileo ay itinakda bilang mga panahon ng pantanging pangingilin sa pagsamba kay Jehova.

10. Ano ang idinidiin ng mga hain, at ano ang mga parusa sa kasalanan?

10 Kasuwato ng pagdiriin sa kabanalan, iginigiit ng aklat ng Levitico ang bahagi na ginampanan ng pagbububo ng dugo, alalaong baga, ang paghahandog ng isang buhay, sa pagpapatawad ng kasalanan. Ang mga handog na hayop ay limitado sa mga nilalang na maamo at malinis. Para sa ilang kasalanan, ang pagtatapat, pagsasauli, at ang pagbabayad ng multa ay hiniling bilang karagdagan sa paghahain. At para sa iba pang kasalanan, ang parusa ay kamatayan.

NILALAMAN NG LEVITICO

11. Papaano maaaring balangkasin ang Levitico?

11 Sa kalakhan ang Levitico ay binubuo ng mga kasulatang lehislatibo, karamihan ay makahula. Sa pangkalahatan ang aklat ay sumusunod sa isang topikong balangkas at maaaring hatiin sa walong seksiyon na lohikal ang pagkakasunud-sunod.

12. Anu-anong uri ang mga haing may dugo, at papaano dapat ihandog ang mga ito?

12 Mga tuntunin sa paghahain (1:1–​7:38). Ang iba’t-ibang hain ay mahahati sa dalawang pangunahing kategorya: may dugo, gaya ng baka, tupa, kambing, at ibon; at walang dugo, gaya ng mga butil. Ang mga haing may dugo ay ihahandog bilang handog na (1) susunugin, (2) pangkapayapaan, (3) ukol sa pagkakasala, o (4) pagkakamali. May tatlong bagay na karaniwan dito: Ang naghahandog mismo ay dapat magdala nito sa pasukan ng tabernakulo ng kapisanan, dapat ipatong ang kamay niya sa hain, at ang hayop ay dapat katayin. Makaraang iwisik ang dugo, ang katawan ay ililigpit depende sa uri ng hain. Isa-isa nating isaalang-alang ang mga haing may dugo.

13-16. (a) Balangkasin ang mga kahilingan para sa (1) mga handog na susunugin, (2) haing pangkapayapaan, (3) handog sa pagkakasala, at (4) handog sa pagkakamali. (b) Kaugnay ng mga haing may dugo, ano ang paulit-ulit na ipinagbabawal?

13 (1) Ang mga handog na susunugin ay maaaring guyang toro, tupang lalaki, kambing, kalapati o batu-bato, depende sa kakayahan ng naghahandog. Pagpipira-pirasuhin ito at, maliban sa balat, ay susunugin nang buo sa dambana. Kung tungkol sa batu-bato o kalapati, ang ulo ay gigilitin subalit hindi puputulin, at ang balumbalunan at mga balahibo ay aalisin.​—1:1-17; 6:8-13; 5:8.

14 (2) Ang haing pangkapayapaan ay maaaring lalaki o babae, mula sa mga bakahan o sa kawan. Taba lamang nito ang susunugin sa dambana, ang isang bahagi ay mauuwi sa saserdote at ang natira ay kakainin ng naghandog. Angkop ang taguring haing pangkapayapaan, sapagkat ang naghandog ay nakikisalo, o nakikipagpayapaan kay Jehova at sa saserdote.​—3:1-17; 7:11-36.

15 (3) Ang hain ukol sa pagkakasala ay para sa mga kasalanang di-sinasadya, o dahil sa pagkakamali. Ang hayop na ihahandog ay depende sa kung sino ang nagkasala​—ang saserdote, ang bayan sa kabuuan, isang pinunò, o karaniwang tao. Di-gaya ng kusang-loob na handog na susunugin at pangkapayapaan para sa mga indibiduwal, ang hain ukol sa pagkakasala ay sapilitan.​—4:1-35; 6:24-30.

16 (4) Ang mga handog ukol sa pagkakamali ay pantakip sa personal na pagkakamali dahil sa di-katapatan, pandaraya, o pagnanakaw. Kung minsan ay hinihiling ang pagtatapat ng nagkasala at ang paghahain ayon sa kakayahan. At kung minsan ay hinihiling ang pagbabayad ng katumbas ng nawala at ng 20 porsiyentong patong at ang paghahain ng isang tupang lalaki. Sa seksiyong ito tungkol sa mga handog, ang pagkain ng dugo ay buong-diin at paulit-ulit na ipinagbabawal.​—5:1–​6:7; 7:1-7, 26, 27; 3:17.

17. Papaano ihahandog ang mga haing walang dugo?

17 Ang mga haing walang dugo ay mga butil na sinangag, giniling nang magaspang, o bilang pinong harina; at ihahanda ito sa iba’t-ibang paraan, gaya ng niluto sa hurno, sa kawali, o ipinirito sa langis. Ihahandog ito na may asin at langis at kung minsan ay may kamangyan, subalit dapat na walang lebadura o pulot-pukyutan. Sa ilang hain, ang isang bahagi ay para sa saserdote.​—2:1-16.

18. Anong nagpapatibay-pananampalatayang tanawin ang naganap sa pagtatalaga sa pagkasaserdote?

18 Pagtatalaga sa pagkasaserdote (8:1–​10:20). Panahon na ng malaking pagdiriwang sa Israel, ang pagtatalaga sa pagkasaserdote. Pinangangasiwaan ito ni Moises hanggang sa kaliit-liitang detalye, gaya ng iniutos ni Jehova. “At ginawa ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang lahat ng ipinag-utos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.” (8:36) Pagkaraan ng pitong araw na hinihiling ng pagtatalaga ay dumating ang isang makahimala at nagpapatibay-pananampalatayang tanawin. Naroon ang buong kapulungan. Nakapaghandog na ang mga saserdote. Binasbasan nina Moises at Aaron ang bayan. Saka, hayun! “Ang kaluwalhatian ni Jehova ay napakita sa buong bayan, at dumating ang apoy mula kay Jehova at sinunog ang mga handog na susunugin at ang taba na nasa dambana. Nang makita ito ng buong bayan, sila’y nagsigawan at nagpatirapa.” (9:23, 24) Oo, si Jehova ay karapat-dapat nga sa kanilang pagsunod at pagsamba!

19. Anong paglabag ang naganap, na sinundan ng ano?

19 Subalit may paglabag sa Batas. Ang mga anak ni Aaron na sina Nadab at Abihu ay naghandog ng apoy na hindi iniutos ni Jehova. “Lumabas ang apoy sa harap ni Jehova at sinupok sila, kaya namatay sila sa harapan ni Jehova.” (10:2) Upang makapaghandog ng kalugud-lugod na hain at tumanggap ng pagsang-ayon, ang bayan at ang saserdote ay dapat sumunod sa mga tagubilin ni Jehova. Karaka-raka, iniutos ng Diyos na ang mga saserdote ay umiwas sa inuming nakalalasing kapag naglilingkod sa tabernakulo, isang pahiwatig na waring kalasingan ang nag-udyok sa mga anak ni Aaron na magkasala.

20, 21. Anong mga batas ang sumaklaw sa kalinisan at wastong kalusugan?

20 Mga batas sa kalinisan (11:1–​15:33). Tungkol ito sa seremonyal at personal na kalinisan. Marumi ang ilang hayop, kapuwa maamo at mailap. Lahat ng patay na katawan ay marumi at nagpaparumi sa humihipo. Nagpaparumi rin ang pagsilang ng sanggol at humihiling ng paghihiwalay at ng pantanging mga hain.

21 Ang ilang sakit sa balat, gaya ng ketong, ay nagdudulot din ng seremonyal na karumihan, at ang paglilinis ay kapit sa tao at maging sa damit at bahay. Kailangan ang pagkukuwarantenas. Ang regla at ang paglalabas ng tamod ay nagpaparumi rin, pati na ang pagkaagas. Ang paghihiwalay ay hinihiling sa mga kasong ito, at kapag gumaling na, ay may karagdagang kahilingan ng paliligo o paghahandog ng mga hain o ang dalawang ito.

22. (a) Bakit namumukod-tangi ang kabanata 16? (b) Ano ang nagaganap sa Araw ng Katubusan?

22 Araw ng Katubusan (16:1-34). Ito’y namumukod-tanging kabanata, taglay ang mga tagubilin para sa pinakamahalagang araw sa Israel, ang Araw ng Katubusan, na pumapatak sa ikasampung araw ng ikapitong buwan. Ito’y araw ng pagpapahirap sa kaluluwa (gaya ng pag-aayuno), at walang trabahong ipinahihintulot sa araw na ito. Nagsisimula ito sa paghahandog ng isang guyang toro para sa mga kasalanan ni Aaron at ng sambahayan niya, ang tribo ni Levi, at ng isang kambing para sa buong bansa. Matapos sunugin ang kamangyan, ang bahagi ng dugo ng bawat hayop ay isa-isang dinadala sa dakong Kabanal-banalan ng tabernakulo, upang iwisik sa takip ng Kaban. Saka inilalabas sa kampamento ang mga patay na hayop upang sunugin. Isang buháy na kambing ang inihaharap kay Jehova, at ang mga kasalanan ng bayan ay binibigkas sa kambing, saka ito inililigaw sa ilang. Dalawa pang tupang lalaki ay ihahandog na haing susunugin, isa para kay Aaron at sa sambahayan niya at isa para sa buong bansa.

23. (a) Saan mababasa ang isa sa pinakamalinaw na pangungusap ng Bibliya hinggil sa dugo? (b) Ano pang ibang regulasyon ang sumunod?

23 Mga batas sa dugo at iba pang bagay (17:1–​20:27). Dito ay inihaharap ang maraming batas para sa bayan. Ang dugo ay minsan pang ipinagbabawal ng isa sa pinakamaliwanag na pangungusap hinggil sa dugo na masusumpungan saanman sa mga Kasulatan. (17:10-14) Ito ay wastong maihahandog sa dambana, subalit hindi bilang pagkain. Ipinagbabawal ang kasuklam-suklam na mga gawain, gaya ng insesto, sodomya, at pagsiping sa hayop. May mga tuntunin sa pagsasanggalang sa dukha, sa mapagkailangan, at sa taga-ibang bayan, at iniutos din, “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sarili. Ako si Jehova.” (19:18) Iningatan ang kanilang kapakanang panlipunan at pangkabuhayan, at ipinagbawal ang espirituwal na mga panganib, gaya ng pagsamba kay Moloch at espiritismo, na may parusang kamatayan. Muling idiniin ng Diyos ang pagiging-hiwalay ng kaniyang bayan: “Dapat kayong maging banal sa akin, sapagkat akong si Jehova ay banal; ibinukod ko kayo upang kayo’y maging akin.”​—20:26.

24. Papaano binabalangkas ng Levitico ang kuwalipikasyon ng mga saserdote at ang mga taunang kapistahan?

24 Ang pagkasaserdote at mga kapistahan (21:1–​25:55). Tatlong kabanata ang tumatalakay sa pormal na pagsamba ng Israel: mga batas tungkol sa mga saserdote, sa pisikal na kuwalipikasyon nila, sa mapapangasawa nila, pagkain ng banal na mga bagay, at paghahandog ng malulusog na hayop. Iniutos ang tatlong pambansang kapistahan, mga okasyon ng “pagsasaya sa harapan ni Jehova na inyong Diyos.” (23:40) Bilang isang tao, ang bansa ay makapag-uukol ng pansin, papuri, at pagsamba kay Jehova, na pinatitibay ang kaugnayan nito sa kaniya. Ito’y mga kapistahan kay Jehova, mga banal na kombensiyon sa taun-taon. Ang Paskuwa, at ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Lebadura, ay itinakda sa maagang tagsibol; ang Pentekostes, o Kapistahan ng mga Sanlinggo, ay sumusunod sa pagtatapos ng tagsibol; at ang Araw ng Katubusan at ang walong-araw na Kapistahan ng mga Kubol, o ng Pag-aani, ay sa taglagas.

25. (a) Papaano ipinakita na dapat igalang ang “Pangalan”? (b) Anong mga batas ang nagsasangkot sa bilang na “pito”?

25 Sa kabanata 24, ibinibigay ang tagubilin para sa tinapay at langis na gagamitin sa tabernakulo. Kasunod nito ay ang utos ni Jehova na sinomang lalapastangan sa “Pangalan”​—oo, sa pangalang Jehova​—ay babatuhin hanggang mamatay. Saka isinaad niya ang batas ng katapat na parusa, “mata kung mata, ngipin kung ngipin.” (24:11-16, 20) Sa kabanata 25 ay may mga regulasyon sa taunang Sabbath, o taon ng pamamahinga, tuwing ika-7 taon at ang Jubileo tuwing ika-50 taon. Sa ika-50 taon, dapat ipahayag ang kalayaan sa buong lupain, at dapat isauli ang manang ari-arian na naipagbili o naipamigay sa nakalipas na 49 na taon. Ibinigay ang mga batas na nagsasanggalang sa mga karapatan ng dukha at mga alipin. Itinampok dito ang bilang na “pito”​—ikapitong araw, ikapitong taon, pitong araw na kapistahan, pitong sanlinggo, at ang Jubileo, na sumasapit pagkaraan ng makapitong pitong taon.

26. Sa anong kasukdulan humahantong ang Levitico?

26 Ang bunga ng pagsunod at ng pagsuway (26:1-46). Ang Levitico ay sumasapit sa kasukdulan sa kabanatang ito. Itinatala ni Jehova ang mga gantimpala ng pagsunod at ang mga parusa sa pagsuway. Kasabay nito, naghaharap siya ng pag-asa sa mga Israelita kung sila’y magpapakumbaba, sa pagsasabing: “Alang-alang sa kanila’y aalalahanin ko ang tipan ng kanilang mga ninuno na aking inilabas sa lupain ng Ehipto sa paningin ng mga bansa, upang patunayan na ako ang kanilang Diyos. Ako si Jehova.”​—26:45.

27. Papaano nagtatapos ang Levitico?

27 Iba pang batas (27:1-34). Nagtatapos ang Levitico sa mga tagubilin hinggil sa mga handog na pangako, sa panganay ukol kay Jehova, at sa ikasampung bahagi na banal kay Jehova. Saka ang maikling colophon: “Ito ang mga utos na ibinigay ni Jehova kay Moises bilang utos sa mga anak ni Israel sa Bundok Sinai.”​—27:34.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

28. Ano ang kapakinabangan ng Levitico sa mga Kristiyano ngayon?

28 Bilang bahagi ng kinasihang Kasulatan, malaki ang pakinabang ng Levitico para sa mga Kristiyano ngayon. Kamangha-manghang tulong ito sa pagpapahalaga kay Jehova, sa mga katangian niya, at sa pakikitungo niya sa kaniyang mga nilikha, na maliwanag na ipinamalas ng tipang Kautusan sa Israel. Sa Levitico ay maraming saligang simulain na kumakapit magpakailanman, at marami itong makahulang larawan, sampu ng mga hula, na nagpapatibay-pananampalataya. Marami sa mga simulain nito ang inuulit sa Kristiyanong Kasulatang Griyego, at ang ilan ay tuwirang sinisipi. Tinatalakay sa ibaba ang pitong namumukod-tanging punto.

29-31. Papaano idinidiin ng Levitico ang paggalang sa (a) soberanya, (b) pangalan, at (c) kabanalan ni Jehova?

29 (1) Soberanya ni Jehova. Siya ang Tagapagbigay-batas, at tayong mga nilalang ay mananagot sa kaniya. Matuwid na iutos niya na tayo’y matakot sa kaniya. Bilang Pansansinukob na Soberano, ayaw niya na may kaagaw, sa paraang idolatriya, espiritismo, o iba pang aspeto ng demonismo.​—Lev. 18:4; 25:17; 26:1; Mat. 10:28; Gawa 4:24.

30 (2) Pangalan ni Jehova. Ang pangalan niya’y pakakabanalin, at hindi tayo mangangahas magdulot ng upasala maging sa salita o gawa.​—Lev. 22:32; 24:10-16; Mat. 6:9.

31 (3) Kabanalan ni Jehova. Yamang siya’y banal, ang bayan niya ay dapat ding maging banal, alalaong baga, ibinukod sa kaniyang paglilingkod. Kalakip dito ang paghiwalay sa masamang sanlibutan.​—Lev. 11:44; 20:26; Sant. 1:27; 1 Ped. 1:15, 16.

32-34. Anong mga simulain ang binabalangkas hinggil sa (a) kasalanan, (b) dugo, at (c) pagkakamali?

32 (4) Ang labis na kasamaan ng kasalanan. Diyos ang nagpapasiya kung ano ang kasalanan, at dapat labanan ito. Ang kasalanan ay laging humihiling ng haing pantubos. Isa pa, ito’y humihiling din ng pagtatapat, pagsisisi, at pagbabayad-pinsala sa abot-kaya ng isa. Ang ilang kasalanan ay walang kapatawaran.​—Lev. 4:2; 5:5; 20:2, 10; 1 Juan 1:9; Heb. 10:26-29.

33 (5) Kabanalan ng dugo. Palibhasa banal ang dugo, hindi ito dapat ipasok sa katawan sa anomang anyo. Ang tanging ipinahihintulot na gamit nito ay bilang pantubos sa kasalanan.​—Lev. 17:10-14; Gawa 15:29; Heb. 9:22.

34 (6) Parusa depende sa pagkakasala. Hindi pare-pareho ang trato sa kasalanan at sa maysala. Mentras mataas ang tungkulin, lumalaki ang pananagutan at parusa. Mas mabigat ang parusa ng kasalanang sinasadya kaysa di-sinasadya. Ang multa ay malimit ipataw ayon sa kakayahang magbayad. Ang simulaing ito ay kapit din sa ibang kalagayan, gaya sa seremonyal na karumihan.​—Lev. 4:3, 22-28; 5:7-11; 6:2-7; 12:8; 21:1-15; Luc. 12:47, 48; Sant. 3:1; 1 Juan 5:16.

35. Papaano sinusuma ng Levitico ang tungkulin sa kapuwa?

35 (7) Katarungan at pag-ibig. Bilang buod ng tungkulin sa kapuwa, sinasabi ng Levitico 19:18: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sarili.” Lahat ay saklaw nito. Hahadlang ito sa pagtatangi, pagnanakaw, pagsisinungaling, o paninirang-puri, at humihiling ng pagmamalasakit sa mga may kapansanan, sa dukha, sa bulag, at sa bingi.​—Lev. 19:9-18; Mat. 22:39; Roma 13:8-13.

36. Ano ang patotoo na ang Levitico ay kapaki-pakinabang sa kongregasyong Kristiyano?

36 Ang paulit-ulit na pagtukoy dito ni Jesus at ng mga apostol, lalo na sina Pablo at Pedro, ay patotoo na ang Levitico ay bukod-tangi sa pagiging “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagdidisiplina sa katuwiran” sa kongregasyong Kristiyano. Tumawag-pansin ito sa maraming makahulang larawan at mga anino ng mga bagay na darating. Gaya ng sinabi ni Pablo, “ang Kautusan ay may anino ng mabubuting bagay na darating.” Naghaharap ito ng “isang makalarawang sagisag at anino ng makalangit na mga bagay.”​—2 Tim. 3:16; Heb. 10:1; 8:5.

37. Anong makahulang mga katuparan ang inilalarawan sa Hebreo?

37 Makasagisag ang kahulugan ng tabernakulo, pagkasaserdote, mga hain, lalo na ang taunang Araw ng Katubusan. Sa liham niya sa mga Hebreo, ang espirituwal na katumbas ng mga bagay na kaugnay ng “tunay na tabernakulo” ni Jehova ay ipinakikilala ni Pablo. (Heb. 8:2) Si Aaron na punong saserdote ay lumarawan kay Kristo Jesus “bilang mataas na saserdote ng mabubuting bagay na dumating, sa pamamagitan ng mas dakila at mas sakdal na tabernakulo.” (Heb. 9:11; Lev. 21:10) Ang dugo ng mga inihandog na hayop ay lumarawan sa dugo ni Jesus, na nagkakamit ng “walang-hanggang katubusan para sa atin.” (Heb. 9:12) Ang Kabanal-banalan, ang pinakaloob na silid ng tabernakulo na doo’y mataas na saserdote lamang ang pumapasok kung Araw ng Katubusan upang iharap ang inihaing dugo, ay “kahalintulad lamang ng tunay,” “ang langit mismo,” kung saan umakyat si Jesus “upang humarap kay Jehova para sa atin.”​—Heb. 9:24; Lev. 16:14, 15.

38. Papaano natupad kay Jesus ang makasagisag na mga hain?

38 Ang aktuwal na mga inihahain​—mga hayop na walang kapintasan, malusog at inihahandog na haing susunugin o ukol sa pagkakasala​—ay sumasagisag sa sakdal at walang-dungis na katawang tao ni Jesu-Kristo. (Heb. 9:13, 14; 10:1-10; Lev. 1:3) Kawili-wiling pansinin, tinatalakay din ni Pablo ang Araw ng Katubusan kung saan ang mga hayop na handog sa kasalanan ay inilalabas sa kampamento at sinusunog. (Lev. 16:27) “Kaya naman si Jesus,” ani Pablo, “ay nagbata sa labas ng pintuan. Pumaroon tayo sa kaniya sa labas ng kampamento, at dalhin ang kaniyang kadustaan.” (Heb. 13:12, 13) Sa kinasihang paliwanag na ito, nagiging mas makahulugan ang seremonyal na mga pamamaraang binabalangkas sa Levitico, at lalong nauunawaan ang kamangha-manghang paglalaan ni Jehova ng mga anino na umakay sa mga katunayan na maipaliliwanag lamang ng banal na espiritu. (Heb. 9:8) Ang wastong unawang ito ay mahalaga sa mga tatanggap ng buhay na ilalaan ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo Jesus, ang “dakilang saserdote sa bahay ng Diyos.”​—Heb. 10:19-25.

39. Papaano katugma ng Levitico ang “lahat ng Kasulatan” sa pagpapakilala sa mga layunin ng Kaharian ni Jehova?

39 Gaya ng makasaserdoteng sambahayan ni Aaron, ang Mataas na Saserdoteng si Jesu-Kristo ay may mga katulong. Sila ang “maharlikang pagkasaserdote.” (1 Ped. 2:9) Ang Levitico ay malinaw na tumutukoy at nagpapaliwanag sa gawaing pagtubos ng dakilang Mataas na Saserdote at Hari ni Jehova, at sa mga kahilingan sa mga kaanib ng Kaniyang sambahayan, na tinutukoy na “maligaya at banal” at ‘mga saserdote ng Diyos at ng Kristo na maghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon.’ Kay laking pagpapala ang pagsasauli ng sangkatauhan sa kasakdalan, at napakalaking kaligayahan ang idudulot ng makalangit na Kaharian sa pagsasauli ng kapayapaan at katuwiran sa lupa! Lahat ay dapat magpasalamat sa banal na Diyos, si Jehova, sa pagsasaayos ng isang Mataas na Saserdote at Hari, at ng maharlikang pagkasaserdote, upang ipahayag ang Kaniyang mga karangalan bilang pagbanal sa Kaniyang pangalan! Oo, kamangha-mangha ang pagkakatugma ng Levitico sa “lahat ng Kasulatan” sa pagpapakilala sa mga layunin ng Kaharian ni Jehova.​—Apoc. 20:6.

[Mga Tanong sa Aralin]