Aklat ng Bibliya Bilang 31—Obadias
Aklat ng Bibliya Bilang 31—Obadias
Manunulat: Si Obadias
Natapos Isulat: c. 607 B.C.E.
1. Ano ang nagpapakita na ang mensahe, at hindi ang mensahero, ang siyang mahalaga?
SA 21 talata lamang, inihahayag ng Obadias, pinakamaikling aklat ng mga Kasulatang Hebreo, ang hatol ng Diyos na nagwasak sa isang bansa samantalang inihuhula ang tagumpay ng Kaharian ng Diyos. Sinasabi lamang ng pambungad na mga salita: “Ang pangitain ni Obadias.” Kung kailan at saan siya isinilang, sa anong tribo, ang detalye ng kaniyang buhay—walang sinasabi tungkol dito. Maliwanag, ang pagkakakilanlan ng propeta ay hindi siyang mahalaga, kundi ang mensahe; at angkop lamang ito, pagkat sinabi mismo ni Obadias na ito ay ‘ulat mula kay Jehova.’
2. Sa anong bansa nakatuon ang hula ni Obadias, at bakit panatag ang mga mamamayan nito?
2 Ang ulat ay pangunahing nakatuon sa Edom. Nasa timog ng Dagat na Patay at kaagapay ng Arabah, ang Edom, tinatawag ding Bundok Seir, ay baku-bakong lupain ng matataas na bundok at malalalim na bangin. Sa ilang dako, ang bulubundukin sa silangan ng Arabah ay tumataas ng 1,700 metro. Bantog ang mga taga-distrito ng Teman sa talino at katapangan. Dahil sa heograpiya ng lupain, taglay ang likas na mga tanggulan nito, ang mga taga-Edom ay naging panatag at palalo. a
3. Ang mga Edomita ba’y gumawi na tulad ng kapatid sa Israel?
3 Ang mga Edomita ay inapo ni Esau, kapatid ni Jacob. Ginawang Israel ang pangalan ni Jacob, kaya ang mga Edomita at mga Israelita ay malapit na magkamag-anak; itinuring silang ‘magkapatid.’ (Deut. 23:7) Ngunit ang Edom ay hindi gumawing tulad sa kapatid. Nang papasók ang Israel sa Lupang Pangako, si Moises ay payapang nakiraan sa hari ng Edom, ngunit dahil sa poot, tumanggi ang mga Edomita at idiniin ito sa pamamagitan ng paggamit ng puwersa. (Bil. 20:14-21) Bagaman nasakop sila ni David, noong panahon ni Josaphat ay nakipagsabwatan sila sa Amon at Moab laban sa Juda, naghimagsik sila kay Haring Joram na anak ni Josaphat, inagaw ang mga Israelitang bihag sa Gaza at Tiro, at sinalakay ang Juda noong panahon ni Haring Ahaz upang kumuha ng karagdagang bihag.—2 Cron. 20:1, 2, 22, 23; 2 Hari 8:20-22; Amos 1:6, 9; 2 Cron. 28:17.
4. (a) Anong kasuklam-suklam na kilos ang malamang na sanhi ng pagtuligsa ni Obadias sa Edom? (b) Ano ang ebidensiya na 607 B.C.E. ang pinaka-posibleng petsa ng pagkasulat?
4 Noong 607 B.C.E. umabot sa sukdulan ang poot na ito nang ang Jerusalem ay wasakin ng mga hukbo ng Babilonya. Hindi lamang nagmasid nang may pagsang-ayon ang mga Edomita kundi hinimok pa ang mga manlulupig na lubusin ang pagwasak. “Gibain! Gibain hanggang sa patibayan!” sigaw nila. (Awit 137:7) Nang paghatian ang samsam, kabilang sila sa mga nakaparte; at nang tumakas ang mga Judio, hinarangan nila ang mga lansangan at ibinigay sila sa kaaway. Tiyak na ang sanhi ng pagtuligsa ni Obadias ay ang karahasang ito na naganap noong mawasak ang Jerusalem, at isinulat ito nang ang kasuklam-suklam na gawi ng Edom ay sariwa pa sa alaala. (Obad. 11, 14) Yamang ang Edom ay binihag at sinamsaman ni Nabukodonosor limang taon pagkaraang mawasak ang Jerusalem, tiyak na ang aklat ay nasulat bago nito; ang 607 B.C.E. ay inihaharap bilang pinaka-posibleng petsa.
5. (a) Ano ang ebidensiya na ang ulat ni Obadias ay tunay at totoo? (b) Papaano natugunan ni Obadias ang mga kahilingan para sa isang tunay na propeta, at bakit angkop ang pangalan niya?
5 Natupad ang hula ni Obadias laban sa Edom—lahat-lahat! Sa pagtatapos, sinasabi ng hula: “Ang sambahayan ni Esau ay [magiging] gaya ng dayami; sila’y susunugin at susupukin. Walang makakaligtas; pagkat si Jehova mismo ang nagsalita.” (Tal. 18) Ang Edom ay nabuhay sa tabak at namatay sa tabak, walang naiwang bakas ang mga inapo niya. Kaya ang ulat ay napatunayang tunay at totoo. Taglay ni Obadias ang lahat ng kredensiyal ng isang tunay na propeta: Nagsalita siya sa pangalan ni Jehova, ang hula niya’y nagparangal kay Jehova, at nagkatotoo ito gaya ng pinatutunayan ng kasaysayan. Ang pangalan niya’y angkop na nangangahulugang “Lingkod ni Jehova.”
NILALAMAN NG OBADIAS
6. Papaano nagsasalita si Jehova tungkol sa Edom, at mula saan niya ito pababagsakin?
6 Hatol laban sa Edom (Tal. 1-16). Sa utos ni Jehova, inihayag ni Obadias ang kaniyang pangitain. Inanyayahan ang mga bansa na makipagdigma laban sa Edom. Iniutos ng Diyos, “Bumangon kayo, at tayo’y makipagdigma sa kaniya.” Saka kinomentohan niya ang Edom, bilang pagtaya sa katayuan nito. Ang Edom ay maliit lamang at kinamumuhian ng mga bansa, ngunit siya’y pangahas. Akala niya’y ligtas siya sa matayog na batuhan, at tiyak na walang magpapabagsak sa kaniya. Ngunit ipinahayag ni Jehova na kasintaas man ng agila ang kaniyang tirahan, mamugad man siya sa gitna ng mga bituin, mula roo’y ibababa siya ni Jehova. Siya’y tiyak na parurusahan.—Tal. 1.
7. Hanggang saan aabot ang pagsamsam sa Edom?
7 Ano ang mangyayari sa kaniya? Kung lolooban siya ng mga magnanakaw, kukunin lamang nila ang kanilang maiibigan. Maging mga taga-pitas ng ubas ay nag-iiwan ng mapupulot. Masahol pa rito ang naghihintay sa mga anak ni Esau. Hahalungkatin ang buo niyang kayamanan. Mga kaalyansa ng Edom ang babaling sa kaniya. Gaya ng isang walang unawa, sisiluin siya sa lambat ng matalik niyang mga kaibigan. Ang kaniyang marurunong na lalaki at magigiting na kawal ay hindi tutulong sa panahon ng kaniyang kasakunaan.
8. Bakit napakalupit ang parusa sa Edom?
8 Bakit napakalupit ng parusa? Dahil sa karahasan ng mga anak ni Edom sa mga anak ni Jacob, na mga kapatid nila! Ikinagalak nila ang pagbagsak ng Jerusalem at nakibahagi pa sila sa samsam ng mga tagalupig. Sa matinding pagtuligsa, na waring nasasaksihan mismo ni Obadias ang kabalakyutan, ay sinabihan ang Edom: Huwag kang magalak sa kapighatian ng iyong kapatid. Huwag mong hadlangan ang pagtakas niya upang ipagkaloob siya sa kaaway. Malapit na ang araw ng pagtutuos ni Jehova, at ikaw ay pagsusulitin. Ang ginawa mo sa kaniya’y siya ring gagawin sa iyo.
9. Anong pagsasauli ang inihula?
9 Pagsasauli sa sambahayan ni Jacob (Tal. 17-21). Kabaligtaran nito, ang sambahayan ni Jacob ay nakatakdang isauli. Babalik ang mga tao sa Bundok Sion. Uubusin nila ang sambahayan ni Esau na gaya ng dayami sa apoy. Aangkinin nila ang lupain sa timog, ang Negeb, at pati na ang bulubundukin ng Esau at ang Shepelah; sa hilaga ay kanilang aariin ang lupain ng Ephraim at Samaria, hanggang sa Sarepta; sa silangan ay kukunin nila ang teritoryo ng Galaad. Maglalaho ang palalong Edom, isasauli ang Jacob, at “ang paghahari ay magiging kay Jehova.”—Tal. 21.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
10. Ano pang ibang hula ang nagpahiwatig sa kapahamakan ng Edom, at bakit kapaki-pakinabang ang pagsusuri sa mga ito kasabay ng Obadias?
10 Upang patunayan ang katiyakan ng katuparan ng hatol laban sa Edom, inutusan ni Jehova ang ibang propeta na bigkasin ang katulad na mga hatol. Namumukod-tangi ang Joel 3:19; Amos 1:11, 12; Isaias 34:5-7; Jeremias 49:7-22; Ezekiel 25:12-14; 35:2-15. Ang mga naunang hula ay malamang na tumutukoy sa mga nakaraang alitan, samantalang yaong mga nahuli ay maliwanag na mga sentensiya sa Edom dahil sa di-mapapatawad na paggawi nito, gaya ng tinutukoy ni Obadias, nang sakupin ng Babilonya ang Jerusalem. Titibay ang ating pananampalataya sa kapangyarihan ng hula ni Jehova kung susuriin natin ang katuparan sa Edom ng inihulang mga kasakunaan. Isa pa, lalo tayong magtitiwala kay Jehova bilang Diyos na laging tumutupad sa kaniyang inihayag na layunin.—Isa. 46:9-11.
11, 12. (a) Papaano nanaig laban sa Edom ang “mga nakikipagpayapaan” sa kaniya? (b) Papaano baytang-baytang na “nahiwalay magpakailanman” ang Edom?
11 Inihula ni Obadias na “ang mismong mga nakipagtipan sa” Edom, yaong mga “nakikipagpayapaan” sa kaniya, ang siyang mananaig laban sa kaniya. (Obad. 7) Hindi nagtagal ang pakikipagpayapaan ng Edom at Babilonya. Noong ikaanim na siglo B.C.E. ang Edom ay nilupig ng mga hukbo ng Babilonya sa ilalim ni Haring Nabonido. b Gayunman, isandaang taon matapos salakayin ni Nabonido ang lupain, umasa pa rin ang nagtitiwalang Edom na siya’y makakabawi, at tungkol dito, ang Malakias 1:4 ay nag-uulat: “Yamang iginigiit ng Edom, ‘Tayo’y nawasak, ngunit tayo’y magbabalik upang itayo ang mga sirang dako,’ ganito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Sila ay magtatayo; ngunit ako ay magbabagsak.’ ” Sa kabila ng pagsisikap ng Edom na makabawi, pagsapit ng ikaapat na siglo B.C.E., mga Nabateano na ang namimirmihan sa lupain. Palibhasa napalayas sa sariling lupain, ang mga Edomita ay nanirahan sa timog ng Judea, na tinawag na Idumea. Nabigo sila sa pagbawi sa lupain ng Seir.
12 Ayon kay Josephus, noong ikalawang siglo B.C.E., ang natitirang mga Edomita ay sinakop ng Judiong hari na si John Hyrcanus I, pinilit silang magpatuli, at unti-unti silang napahalo sa mga Judio sa ilalim ng isang Judiong gobernador. Pagkatapos ng pagwasak ng mga Romano sa Jerusalem noong 70 C.E., ang pangalan nila ay nabura na sa kasaysayan. c Katulad yaon ng inihula ni Obadias: “Ikaw ay mahihiwalay magpakailanman. . . . Walang makakaligtas sa sambahayan ni Esau.”—Obad. 10, 18.
13. Ano ang nangyari sa mga Judio, kabaligtaran ng mga Edomita?
13 Kabaligtaran ng pagkagiba ng Edom, ang mga Judio ay naisauli sa kanilang tinubuang-lupa noong 537 B.C.E. sa ilalim ni gobernador Zorobabel, at doo’y muli nilang itinayo ang templo sa Jerusalem at namirmihan na sila sa lupain.
14. (a) Anong babala ang matututuhan sa sinapit ng Edom? (b) Gaya ng ginawa ni Obadias, ano ang dapat kilalanin ng lahat, at bakit?
14 Maliwanag na ang kapalaluan at kapangahasan ay aakay sa kasakunaan! Ang sinapit ng Edom ay dapat maging babala sa lahat ng palalong nagtatanghal-sa-sarili at walang-awang nagsasaya sa hirap na dinaranas ng mga lingkod ng Diyos. Dapat nilang kilalanin, gaya ni Obadias, na “ang paghahari ay magiging kay Jehova.” Ang mga lumalaban kay Jehova at sa kaniyang bayan ay ihihiwalay magpakailan man, subalit ang maharlikang Kaharian at walang-hanggang pagpupunò ni Jehova ay ipagbabangong-puri sa walang hanggan!—Tal. 21.
[Mga talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 679.
b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 682.
c Jewish Antiquities, XIII, 257, 258 (ix, 1); XV, 253, 254 (vii, 9).
[Mga Tanong sa Aralin]