Aklat ng Bibliya Bilang 34—Nahum
Aklat ng Bibliya Bilang 34—Nahum
Manunulat: Si Nahum
Saan Isinulat: Sa Juda
Natapos Isulat: Bago ang 632 B.C.E.
1. Ano ang nalalaman tungkol sa sinaunang Nineve?
“ANG hatol laban sa Nineve.” (Nah. 1:1) Nagbubukas ang hula ni Nahum sa ganitong pagbabanta. Bakit siya gumawa ng ganitong malagim na paghatol? Ano ang nalalaman tungkol sa sinaunang Nineve? Ang kasaysayan nito ay sinuma ni Nahum sa tatlong salita: “lungsod na duguan.” (3:1) Ang dako ng sinaunang Nineve ay ipinakikilala ng dalawang burol sa silangang dalampasigan ng Ilog Tigris sa ibayo ng makabagong lungsod ng Mosul sa hilagang Iraq. Nakukutaan ito ng makakapal na pader at ng mga kanal bilang kabisera ng Imperyo ng Asirya noong huling bahagi ng kasaysayan nito. Gayunman, ang pinagmulan ng lungsod ay matutunton pabalik kay Nimrod, ang “ ‘makapangyarihang mangangaso na lumaban kay Jehova.’ . . . Siya ay napasa-Asirya at kaniyang itinayo ang Nineve.” (Gen. 10:9-11) Masama ang pasimula ng Nineve. Napabantog ito noong maghari sina Sargon, Senacherib, Esar-hadon, at Asurbanipal, sa huling yugto ng Imperyo ng Asirya. Dahil sa digmaan at pananakop ay yumaman ito mula sa mga samsam at napatanyag dahil sa malupit, makahayop na trato ng mga hari sa kanilang mga bihag. a Sinasabi ni C. W. Ceram, sa pahina 266 ng kaniyang aklat na Gods, Graves and Scholars (1954): “Ang Nineve ay napaukit sa isipan dahil sa pagpatay, pandarambong, paniniil, at pagsasamantala sa mahihina; dahil sa digmaan at lahat ng uri ng pisikal na karahasan; dahil sa uháw-sa-dugong dinastiya ng mga hari na gumamit ng sindak upang manakop at na kalimitang inililigpit ng kanilang mas mababagsik na karibal.”
2. Anong uri ang relihiyon ng Nineve?
2 Kumusta ang relihiyon ng Nineve? Ito ay may malaking pantheon ng mga diyos, marami ay inangkat sa Babilonya. Nanawagan sa kanila ang mga hari bago humayo upang mamuksa at lumipol, at ang mga kampanya ng pananakop ay binasbasan ng sakim na mga saserdoteng naghangad ng malaking parté sa mga samsam. Sa aklat niyang Ancient Cities (1986, pahina 25), sinasabi ni W. B. Wright: “Sumamba sila sa kalakasan, at nanalangin sa dambuhalang mga diyus-diyosang bato, mga leon at toro na ang naglalakihang braso, pakpak ng agila, at ulo ng tao ay sagisag ng lakas, katapangan, at tagumpay. Digmaan ang unang pinagka-abalahan ng bansa, at ang mga saserdote ay masisigasig na tagapagbuyo sa digmaan. Ang kalakhan ng panustos sa kanila ay galing sa mga samsam ng panlulupig, at isang takdang porsiyento ang inilaan sa kanila bago makabahagi ang iba, sapagkat ang lahing ito ng mga mandarambong ay lubhang relihiyoso.”
3. (a) Papaano angkop ang kahulugan ng pangalan ni Nahum? (b) Sa anong yugto nauukol ang hula ni Nahum?
3 Ang hula ni Nahum, bagaman maigsi, ay lubhang nakawiwili. Lahat ng nalalaman tungkol sa propeta ay nasa pambungad na talata 1:1: “Ang aklat ng pangitain ni Nahum na Elkosita.” Ang pangalan niya (Hebreo, Na·chumʹ) ay nangangahulugang “Mang-aaliw.” Ang mensahe niya ay tiyak na hindi nakaaliw sa Nineve, ngunit para sa bayan ng Diyos, nangahulugan ito ng permanenteng ginhawa mula sa walang-awa at makapangyarihang kaaway. Nakakaaliw din ang hindi pagbanggit ni Nahum sa pagkakasala ng bayan. Bagaman hindi tiyak kung nasaan ang Elkosh, waring ang hula ay sa Juda isinulat. (Nah. 1:15) Nang humula si Nahum, ang pagbagsak ng Nineve noong 632 B.C.E. ay panghinaharap pa, at inihahambing niya ito sa pagbagsak ng No-amon (Thebes, sa Ehipto) na naganap di-nagtagal pagkaraan nito. (3:8) Kaya, malamang na ang hula ay isinulat ni Nahum nang panahong yaon.
4. Anong mga katangian ng pagsulat ang maaaninaw sa aklat ni Nahum?
4 Natatangi ang estilo ng aklat. Wala itong mabulaklak na mga salita. Ang sigla at realismo ay kasuwato ng pagiging-bahagi nito sa kinasihang mga kasulatan. Nangunguna si Nahum sa madula, madamdamin, at makalarawang pangungusap, at sa lubhang matingkad na pananalita. (1:2-8, 12-14; 2:4, 12; 3:1-5, 13-15, 18, 19) Ang kalakhang bahagi ng unang kabanata ay waring may estilong acrostic. (1:8, talababa) Ang estilo ni Nahum ay pinayayaman ng pagkakaroon ng iisang tema. Muhing-muhi siya sa mapanlinlang na kaaway ng Israel. Pawang lagim ang nakikita niya para sa Nineve.
5. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng hula ni Nahum?
5 Ang pagiging-totoo ng hula ni Nahum ay pinatutunayan ng wastong katuparan nito. Noon, sino kundi propeta lamang ni Jehova ang maglalakas-loob na humula na masisira ang “pintuan ng mga ilog,” madudurog ang palasyo, at na magiging “wasak at walang laman, isang lungsod na tiwangwang” ang mayabang na kabisera ng pandaigdig na kapangyarihan ng Asirya? (2:6-10) Ang mga kasunod na kaganapan ay patotoo na ang hula ay kinasihan nga ng Diyos. Ang pagbihag ng mga Medo at taga-Babilonya sa Nineve ay inilalarawan ng mga taunang-aklat ni Haring Nabopolasar ng Babilonya: “Ang lungsod ay [ginawa nilang] mga burol ng kagibaan at bun[ton (ng dumi) . . . .].” b Gayon na lamang ang pagkawasak ng Nineve anupat ang kinaroroonan nito ay maraming siglong nailibing sa limot. Kaya ang Bibliya ay pinupuna ng mga kritiko, pagkat wala raw Nineve.
6. Ano ang natuklasan sa kinaroroonan ng sinaunang Nineve na nagbabangong-puri sa kawastuan ng Nahum?
6 Gayunman, bilang karagdagang ebidensiya sa pagiging-tunay ng Nahum, natuklasan ang dako ng Nineve at sinimulan ang paghuhukay doon noong ika-19 na siglo. Milyun-milyong tonelada ng lupa ang dapat alisin bago ito lubusang mapalitaw. Ano ang nahukay doon? Karamihan ay umaalalay sa kawastuan ng hula ni Nahum! Halimbawa, ang mga bantayog at inskripsiyon nito ay nagpapatotoo sa kalupitan ng Nineve, at maraming mga labî ng dambuhalang mga estatwa ng mga toro at leong may pakpak. Hindi kataka-taka na tukuyin siya ni Nahum na “pugad ng mga leon”!—2:11. c
7. Ano ang umaalalay sa pagiging-kanonikal ng aklat ni Nahum?
7 Ang pagiging-kanonikal ng Nahum ay makikita sa pagtanggap dito ng mga Judio bilang bahagi ng kinasihang Kasulatan. Kasuwatung-kasuwato ito ng buong Bibliya. Ang hula ay binibigkas sa pangalan ni Jehova at mariing nagpapatotoo sa kaniyang mga katangian at pagiging-kataas-taasan.
NILALAMAN NG NAHUM
8. Anong lagim ang binibigkas para sa Nineve, subalit anong mabuting balita para sa Juda?
8 Ang hatol ni Jehova laban sa Nineve (1:1-15). “Si Jehova ay Diyos na mapanibughuin at naghihiganti.” Ganito inihaharap ang tagpo para sa “hatol laban sa Nineve.” (1:1, 2) Bagaman si Jehova ay banayad sa galit, masdan ang paghihiganti niya sa pamamagitan ng hangin at bagyo. Mauuga ang mga bundok, matutunaw ang mga burol, at ang lupa ay mayayanig. Sino ang makatatagal sa init ng kaniyang galit? Gayunman, si Jehova ay moog sa mga nanganganlong sa kaniya. Ngunit mapapahamak ang Nineve. Lilipulin ito ng baha, at “ang kapighatian ay hindi babangon nang makalawa.” (1:9) Buburahin ni Jehova ang pangalan at mga diyos nito. Ililibing Niya ito. Sa kabaligtaran, mabuti ang balita para sa Juda! Ano iyon? Tinatawagan sila ng mamamahayag ng kapayapaan na magdiwang ng mga kapistahan at tuparin ang kanilang panata, pagkat ang kaaway, ang “taong walang-kabuluhan” ay mapapahamak. “Siya’y ganap na mahihiwalay.”—1:15.
9. Anong makahulang pangmalas ang makakamit natin sa pagkatalo ng Nineve?
9 Patiunang pangmalas sa pagkawasak ng Nineve (2:1–3:19). Patuyang hinahamon ni Nahum ang Nineve na magpakalakas laban sa dumarating na tagapangalat. Titipunin ni Jehova ang kaniya, ‘ang kaluwalhatian ng Jacob at ng Israel.’ Masdan ang kalasag at pulang kasuotan ng makapangyarihang mga lalaki at ang kislap ng patalim ng kaniyang “karong pandigma sa araw ng kaniyang paghahanda”! Ang mga karong pandigma ay “humahagibis,” tumatakbong parang kidlat. (2:2-4) Ito’y isang makahulang pangmalas sa digmaan. Ang mga taga- Nineve ay nangabuwal sa pagmamadaling ipagtanggol ang pader, ngunit walang saysay. Nabuksan ang mga pinto sa ilog, nadurog ang palasyo, at ang mga aliping babae ay nananaghoy at dinadagukan ang dibdib. Ang mga lalaking tumatakas ay pinahihinto ngunit walang nagbabalik. Ang lungsod ay nilooban at iniwang tiwangwang. Natutunaw ang mga puso. Nasaan ang tinatawag na yungib ng mga leon? Pinupunô ito ng leon ng pagkain para sa kaniyang mga anak, subalit nagpahayag si Jehova: “Narito! Ako’y laban sa iyo.” (2:13) Oo, susunugin ni Jehova ang kasangkapang pandigma ng Nineve, lilipulin niya sa tabak ang mga batang leon, at ihihiwalay ang lahat ng samsam.
10. Inilalantad ang Nineve bilang ano, at papaano pa inilalarawan ang kaniyang kawakasan?
10 “Sa aba ng lungsod na duguan . . . lipos ng pandaraya at pagnanakaw.” Dinggin ang higing ng latigo at ang hugong ng gulong. Masdan ang pagdamba ng kabayo, ang pag-igtad ng karo, ang kawal na nangangabayo, ang kinang ng tabak, ang kislap ng sibat—at ang malaking bunton ng mga bangkay. “Walang katapusan ang mga bangkay.” (3:1, 3) Bakit? Sapagkat sinilo niya ang mga bansa dahil sa pagpapatutot at ang mga sambahayan dahil sa pag-eengkanto. Muling nagpahayag si Jehova: “Narito! Ako’y laban sa iyo.” (3:5) Huhubaran ang Nineve na gaya ng mangangalunya at sasamsaman, gaya ng No-amon (Thebes) na binihag ng Asirya. Ang kaniyang mga kuta ay gaya ng hinog na igos, “na kapag inuga ay mahuhulog sa bibig ng kumakain.” (3:12) Ang kaniyang mga mandirigma ay gaya ng mga babae. Walang makapagliligtas sa Nineve mula sa apoy at sa tabak. Ang mga tanod niya’y tatakas na gaya ng mga balang sa tag-araw, at mangangalat ang mga mamamayan. Malalaman ng hari ng Asirya na walang ginhawa, walang kagamutan sa kasakunaang ito. Lahat ng makakabalita ay papalakpak, pagkat lahat ay nagdusa sa kasamaan ng Asirya.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
11. Anong pagsasauli ang ipinapahayag ni Nahum, at papaano iuugnay ang kaniyang hula sa pag-asa sa Kaharian?
11 Inilalarawan ng Nahum ang ilang saligang simulain ng Bibliya. Inuulit ng pangitain kung bakit ibinigay ang ikalawa sa Sampung Utos: “Si Jehova ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging pagsamba.” Karaka-raka’y tinitiyak niya ang kaniyang “paghihiganti sa mga kaaway.” Ang kapalaluan at ang paganong mga diyos ng Asirya ay hindi makapagligtas sa kaniya sa hatol ni Jehova. Sa takdang panahon ay igagawad ni Jehova ang hatol sa mga balakyot. “Si Jehova ay banayad sa galit at dakila sa kapangyarihan, at sa anomang paraan ay hindi iuurong ni Jehova ang parusa.” Ang katarungan at pagiging-kataas-taasan ni Jehova ay itinatanghal ng paglipol Niya sa makapangyarihang Asirya. Ang Nineve ay naging “wasak at walang laman, isang lungsod na tiwangwang!”—1:2, 3; 2:10.
12. Anong pagsasauli ang ipinahayag ni Nahum, at papaano maiuugnay ang kaniyang hula sa pag-asa sa Kaharian?
12 Kabaligtaran ng ‘ganap na paghihiwalay’ sa Nineve, ipinahayag ni Nahum ng pagsasauli sa ‘kaluwalhatian ng Jacob at ng Israel.’ Nagpapadala rin si Jehova ng maligayang balita sa kaniyang bayan: “Narito! Nasa bundok ang mga paa ng tagapagdala ng mabuting balita, na nagpapahayag ng kapayapaan.” Ang balitang ito ay kaugnay ng Kaharian ng Diyos. Papaano natin nalaman? Maliwanag ito sa kahawig na mga pananalita ni Isaias, na nagdaragdag ng mga salitang: “Ang tagapagdala ng mabuting balita ng mas mabubuting bagay, ang nagpapahayag ng kaligtasan, na nagsasabi sa Sion: ‘Ang iyong Diyos ay naging hari!’ ” (Nah. 1:15; 2:2; Isa. 52:7) At sa Roma 10:15, ang ganitong pangungusap ay ikinakapit ni apostol Pablo sa mga isinusugo ni Jehova bilang mga Kristiyanong mangangaral ng mabuting balita. Ipinangangaral nila ang “mabuting balita ng kaharian.” (Mat. 24:14) Tapat sa kahulugan ng kaniyang pangalan, si Nahum ay malaking kaaliwan sa mga naghahanap ng kapayapaan at kaligtasan sa Kaharian ng Diyos. Lahat ay tiyak na makakakilala na ‘si Jehova ay mabuti, isang moog sa panahon ng kapighatian para sa mga nagkakanlong sa kaniya.’—Nah. 1:7.
[Mga talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 201.
b Ancient Near Eastern Texts, pinamatnugutan ni J. B. Pritchard, 1974, pahina 305; kanila ang mga panaklong; Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 958.
c Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 955.
[Mga Tanong sa Aralin]