Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 35—Habacuc

Aklat ng Bibliya Bilang 35—Habacuc

Aklat ng Bibliya Bilang 35​—Habacuc

Manunulat: Si Habacuc

Saan Isinulat: Sa Juda

Natapos Isulat: c. 628 B.C.E.(?)

1. Anong mga sukdulang katotohanan ang itinatampok sa hula ni Habacuc?

 SI HABACUC ay isa pa sa tinatawag na pangalawahing propeta ng mga Kasulatang Hebreo. Ngunit hindi masasabi na ang kaniyang kinasihang pangitain at paghula ay pangalawa lamang sa halaga. Nagpapasigla at nagpapalakas, napatibay nito ang mga lingkod ng Diyos sa panahon ng kagipitan. Dalawang sukdulang katotohanan ang itinatampok ng aklat: Si Jehovang Diyos ang Pansansinukob na Soberano, at ang matuwid ay nabubuhay dahil sa pananampalataya. Nagsisilbi rin itong babala sa mga salansang at sa mapagpaimbabaw na nag-aangking sila ang bayan niya. Naglalaan ito ng huwaran ng pananampalataya kay Jehova, Siya na karapat-dapat sa lahat ng papuri.

2. Anong impormasyon ang inilalaan tungkol sa manunulat, si Habacuc?

2 Nagbubukas ang aklat: “Ang hula na nakita ni propeta Habacuc.” (Hab. 1:1) Sino si propeta Habacuc (Hebreo, Chavaq·quqʹ), na ang pangala’y nangangahulugang “Marubdob na Yapos”? Walang binabanggit hinggil sa kaniyang mga magulang, angkan, pamumuhay, o kamatayan. Hindi masasabi ng tiyak kung siya’y Levitang manunugtog sa templo, bagaman ito ang ipinahihiwatig ng subscription sa katapusan ng aklat: “Sa pangulong manunugtog sa aking mga panugtog na kawad.”

3. Anong mga pangyayari kaugnay ng Juda ang tumitiyak sa panahon ng pagsulat ni Habacuc?

3 Kailan ginawa ni Habacuc ang kaniyang makahulang mga paghatol? Ayon sa kababanggit na subscription at sa mga salitang “Si Jehova ay nasa kaniyang banal na templo,” nakatayo pa rin ang templo sa Jerusalem. (2:20) Ipinahihiwatig nito, pati na ng mensahe ng hula, na ang hula ay binigkas bago nawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Ngunit ilang taon bago nito? Tiyak na pagkatapos maghari ang may-takot-sa-Diyos na si Josias, 659-629 B.C.E. Inilaan ng aklat ang palatandaan nang ihula nito ang isang gawain na hindi paniniwalaan ng mga taga-Juda sabihin man ito sa kanila. Ano iyon? Ang paggamit ng Diyos sa mga Caldeo (taga-Babilonya) upang parusahan ang walang-pananampalatayang Juda. (1:5, 6) Umaangkop ito sa unang bahagi ng paghahari ng idolatrosong si Joiakim, nang maging palasak sa Juda ang kawalan ng pananampalataya at katarungan. Si Joiakim ay iniluklok ni Paraon Neco kaya ang bansa ay napailalim sa impluwensiya ng Ehipto. Dahil dito mahirap mapaniwala ang mga tao na posibleng sumalakay ang Babilonya. Subalit tinalo ni Nabukodonosor si Paraon Neco sa Carchemis noong 625 B.C.E., at ibinagsak ang Ehipto. Ang hula ay tiyak na naipahayag bago nito. Lahat ng patotoo ay nakatuon sa pasimula ng paghahari ni Joiakim (mula 628 B.C.E.), kaya si Habacuc ay nakasabay ni Jeremias.

4. Ano ang patotoo na ang aklat ni Habacuc ay kinasihan ng Diyos?

4 Papaano matitiyak na ang aklat ay kinasihan ng Diyos? Ang pagiging-kanonikal ng Habacuc ay pinatutunayan ng sinaunang mga katalogo ng Kasulatang Hebreo. Bagaman hindi nito binabanggit ang pangalan ng aklat, maliwanag na kabilang ito sa kanilang pagtukoy sa ‘labindalawang Pangalawahing Propeta,’ sapagkat kung wala ang Habacuc ay hindi ito magiging 12. Kinilala ni apostol Pablo na ang hula ay bahagi ng kinasihang Kasulatan at tuwiran siyang sumipi sa Habacuc 1:5, at sinasabi na ito ay “binabanggit sa Mga Propeta.” (Gawa 13:40, 41) Ang aklat ay malimit tukuyin sa kaniyang mga sulat. Ang katuparan ng mga hula ni Habacuc laban sa Juda at Babilonya ay patotoo na siya’y tunay na propeta ni Jehova na nagsalita sa pangalan at kaluwalhatian Niya.

5. Ibigay ang maikling buod ng Habacuc.

5 Ang Habacuc ay may tatlong kabanata. Ang unang dalawa kab. 1, 2 ay dayalogo sa pagitan ng manunulat at ni Jehova. Isinasalaysay ang lakas ng Caldea at ang dalamhating naghihintay sa Babilonya dahil sa pagpaparami ng hindi kaniya, pag-iimpok ng masamang pakinabang para sa kaniyang sambahayan, pagtatayo ng lungsod sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo, at pagsamba sa larawan. Tinatalakay ng ikatlong kabanata ang karingalan ni Jehova sa araw ng pagbabaka, at walang-kapantay ang puwersa at taginting ng madulang estilo nito. Ang kabanata ay isang panalangin ng pananambitan at itinuring na “isa sa pinakamarilag at pinakamaganda sa mga tulang Hebreo.” a

NILALAMAN NG HABACUC

6. Ano ang kalagayan sa Juda, kaya anong kamangha-manghang gawain ang isasagawa ni Jehova?

6 Ang propeta ay dumaing kay Jehova (1:1–​2:1). Ang kawalan ng pananampalataya sa Juda ay nag-udyok kay Habacuc na magtanong. “Hanggang kailan ako dadaing, O Jehova, at hindi mo didinggin?” aniya. “Bakit mo inihaharap sa akin ang pagnanakaw at pandadahas?” (1:2, 3) Nawalan ng bisa ang batas, nadaig ng balakyot ang matuwid, at naging liko ang katarungan. Kaya gagawa si Jehova ng isang bagay na kamangha-mangha, na “hindi paniniwalaan bagaman mabalitaan ng bayan.” Kaniyang “ititindig ang mga Caldeo”! Nakasisindak ang pangitain tungkol sa mabilis na pagsalakay ng mabagsik na bansang ito. Ito’y nakatalaga sa karahasan at nagtitipon ng mga bihag “na parang buhangin.” (1:5, 6, 9) Walang makakahadlang, maging mga hari at matataas na pinunò ay pinagtatawanan lamang. Binibihag nito ang bawat nakukutaang dako. Lahat ng ito ay mangyayari bilang paghatol at pagtutuwid mula kay Jehova, ang “Banal.” (1:12) Tahimik na hinihintay ni Habacuc ang sasabihin ng Diyos.

7. Papaano inaliw ni Jehova si Habacuc?

7 Ang pangitain ng limang kaabahan (2:2-20). Sumasagot si Jehova: “Isulat mo ang pangitain, at iukit mo nang malinaw sa mga tapyas na bato.” Bagaman tila naaantala, tiyak na ito’y matutupad. Inaaliw ni Jehova si Habacuc sa mga salitang: “Ang matuwid ay mabubuhay sa kaniyang katapatan.” (2:2, 4) Ang palalong kaaway ay hindi makararating sa tunguhin, pisanin man ang mga bansa at bayan. Aba, sila mismo ang magpapahayag sa kaniya ng limang kaabahan:

8, 9. Laban sa anong uri ng mga tao pinatutungkol ang limang kaabahan ng pangitain?

8 “Sa aba ng nagpaparami ng hindi kaniya.” Siya mismo ang magiging tudlaan ng pandarambong. Siya’y lolooban “dahil sa pagbububo ng dugo at ng pandadahas.” (2:6, 8) “Sa aba ng nag-iimpok ng masamang pakinabang para sa kaniyang sambahayan.” Dahil sa paglipol ng maraming tao ay sisigaw ang mga bato at kahoy ng kaniyang bahay. (2:9) “Sa aba ng nagtatayo ng lungsod sa pamamagitan ng pagbububo ng dugo.” Ang pinagpaguran ng bayan ay mauuwi sa apoy at kawalang-kabuluhan, sabi ni Jehova. “Sapagkat ang lupa ay mapupunô ng kaalaman ng kaluwalhatian ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”​—2:12, 14.

9 ‘Sa aba niya na dahil sa galit ay nilalasing ang kapuwa upang mailantad ang kahubaran nito.’ Paiinumin siya ni Jehova mula sa saro sa Kaniyang kanang kamay, upang palitan ng kahihiyan ang kaluwalhatian “dahil sa pagbububo ng dugo ng tao at ng pandadahas sa lupain.” Ano ang pakinabang ng mga larawang inukit sa maygawa nito​—hindi ba sila mga piping diyus-diyosan? (2:15, 17) “Sa aba ng nagsasabi sa kapirasong kahoy: ‘Gumising ka!’ sa isang piping bato: ‘Bumangon ka! Ito ang siyang magtuturo’!” Di-gaya ng walang-buhay na mga diyos, “Si Jehova ay nasa kaniyang banal na templo. Manahimik sa harapan niya, buong lupa!”​—2:19, 20.

10. Anong nakasisindak na gawain ang kasabay ng pagharap ni Jehova sa araw ng pagbabaka?

10 Si Jehova sa araw ng pagbabaka (3:1-19). Sa taimtim na panalangin, buong-liwanag na nirerepaso ni Habacuc ang kasindak-sindak na gawain ni Jehova. Sa pagharap ni Jehova, “ang kaniyang kaluwalhatian ay tumatakip sa mga langit; at ang lupa ay napupunô ng kaniyang kapurihan.” (3:3) Ang ninging niya ay gaya ng liwanag, at ang salot ay nagpauna sa kaniya. Tumindig siya, nayanig ang lupa, ang mga bansa ay lumukso at ang mga bundok ay gumuho. Si Jehova ay gaya ng makapangyarihang mandirigma na nasasandatahan ng busog at may mga karo ng kaligtasan. Nanginig ang mga bundok at karagatan. Huminto ang araw at ang buwan, dahil sa liwanag ng kaniyang pana at pagkidlat ng kaniyang sibat habang lumalakad siya sa buong lupa upang yurakan sa galit ang mga bansa. Lumabas siya upang iligtas ang kaniyang bayan at ang kaniyang pinahiran at upang hubaran ang patibayan ng balakyot, “hanggang sa leeg nito.”​—3:13.

11. Papaano nakaapekto kay Habacuc ang pangitain, ngunit desidido siyang gawin ang ano?

11 Lubhang nagulumihanan ang propeta sa pangitain ng puwersa ng nakaraang gawain ni Jehova at sa kahindik-hindik na gagawin sa hinaharap. “Narinig ko, at ang aking tiyan ay nanginig; nangatal ang aking mga labi; kabulukan ay nasok sa aking mga buto; at ako’y nanginig sa pagkatayo, sapagkat dapat kong hintayin ang araw ng kapighatian, ang pagparito niya upang lusubin ang bayan.” (3:16) Desidido si Habacuc na gaano man kahirap ang panahong darating​—walang bulaklak ang punong igos, walang bunga ang ubasan, walang tupa sa kulungan​—magagalak pa rin siya kay Jehova na Diyos ng kaniyang kaligtasan. Winawakasan niya ang kaniyang awit na punung-puno ng damdamin: “Si Jehova na Soberanong Panginoon ay aking kalakasan; ang aking mga paa ay ginagawa niyang gaya ng sa usa, at sa aking matataas na dako ako’y palalakarin niya.”​—3:19.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

12. Anong kapaki-pakinabang na pagkakapit sa Habacuc 2:4 ang ginawa ni Pablo?

12 Bilang pagkilala na ang Habacuc ay kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sinipi ni apostol Pablo ang kabanata 2, talata 4, sa tatlong iba’t-ibang pagkakataon. Sa mga Kristiyano sa Roma ay idiniin niya na ang mabuting balita ay kapangyarihan ng Diyos sa pagliligtas: “Sapagkat nahahayag ang katuwiran ng Diyos sa pananampalataya at ukol sa pananampalataya, gaya ng nasusulat: ‘Ngunit ang matuwid​—sa pananampalataya’y mabubuhay siya.’ ” Sa mga taga-Galacia, idiniin ni Pablo na ang pagpapala ay dumarating dahil sa pananampalataya: “Sa batas walang sinomang matuwid sa harapan ng Diyos, sapagkat ‘ang matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya.’ ” Sa Mga Hebreo ay sumulat din si Pablo na ang Kristiyano ay dapat magpamalas ng buháy, nagliligtas-kaluluwang pananampalataya, at muli siyang tumukoy sa mga salita ni Jehova kay Habacuc. Gayunman, hindi lamang niya sinisipi ang mga salita ni Habacuc, “ang matuwid ay mabubuhay sa pananampalataya,” kundi maging ang karagdagan niyang mga salita ayon sa Griyegong Septuagint: “Kung siya’y uurong, ang aking kaluluwa ay hindi malulugod sa kaniya.” Sinusuma niya ang lahat sa pagsasabing: Tayo “ang uri na may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.”​—Roma 1:17; Gal. 3:11; Heb. 10:38, 39.

13. Tungkol sa mga hatol ng Diyos, ano ang idiniriin ng wastong katuparan ng mga hula ni Habacuc laban sa Juda at Babilonya?

13 Ang hula ni Habacuc ay kapaki-pakinabang sa mga Kristiyano na nangangailangan ng lakas. Nagtuturo ito ng pananalig sa Diyos. Kapaki-pakinabang din ito bilang babala tungkol sa mga paghatol ng Diyos. Mariin ang leksiyon nito: Huwag isiping naaantala ang hatol ng Diyos; ito ay “tiyak na matutupad.” (Hab. 2:3) Tiyak na natupad ang hula ng pagwasak ng Babilonya sa Juda, at tiyak din na nabihag ang Babilonya nang ito’y sakupin ng mga Medo at Persyano noong 539 B.C.E. Ito’y mariing babala na makinig sa mga salita ng Diyos! Natuklasan ni apostol Pablo na kapaki-pakinabang ang Habacuc bilang babala sa mga Judio noong panahon niya: “Mag-ingat na huwag sumapit sa inyo ang sinasabi sa Mga Propeta, ‘Masdan, kayong mga manunuya, manggilalas kayo at kayo’y mapaparam, sapagkat ako’y gumagawa ng isang gawa sa panahon ninyo, isang gawa na hindi ninyo paniniwalaan isaysay man nang isa-isa.’ ” (Gawa 13:40, 41; Hab. 1:5, LXX) Hindi nakinig kay Pablo ang di-sumasampalatayang mga Judio, gaya ng hindi nila paniniwala sa babala ni Jesus sa pagkawasak ng Jerusalem; inani nila ang bunga ng di-pagsampalataya nang wasakin ng hukbo ng Roma ang Jerusalem noong 70 C.E.​—Luc. 19:41-44.

14. (a) Papaano pinasisigla ni Habacuc ang mga Kristiyano ngayon na magpakatibay sa pananampalataya? (b) Gaya ng isinasaad sa hula, anong nakagagalak na pagtitiwala ang maaaring taglayin ngayon ng mga umiibig sa katuwiran?

14 Gayundin sa ngayon, ang hula ni Habacuc ay nagpapasigla sa mga Kristiyano na patibayin ang kanilang pananampalataya sa gitna ng isang marahas na daigdig. Tinutulungan sila na turuan ang iba at sagutin ang tanong ng mga tao saanman, Maghihiganti ba ang Diyos sa masasama? Pansinin uli ang mga salita ng hula: “Hintayin mo; pagkat tiyak na ito ay matutupad. Hindi ito magluluwat.” (Hab. 2:3) Anomang ligalig ang dumating, maaalaala ng pinahirang nalabi ng mga tagapagmana ng Kaharian ang sinabi ni Habacuc tungkol sa nakaraang mga paghihiganti ni Jehova: “Ikaw ay lumabas sa ikaliligtas ng iyong bayan, upang iligtas ang iyong pinahiran.” (3:13) Si Jehova ang “Banal” mula pa noong una, at ang “Bato” na sasaway sa mga liko at magkakaloob ng buhay sa mga yumayakap sa kaniyang pag-ibig. Lahat ng umiibig sa katuwiran ay magagalak sa kaniyang Kaharian at soberanya, at magsasabi: “Kung para sa akin, ako’y magagalak kay Jehova; ako’y magagalak sa Diyos ng aking kaligtasan. Si Jehova na Soberanong Panginoon ay aking kalakasan.”​—1:12; 3:18, 19.

[Talababa]

a The Book of the Twelve Minor Prophets, 1868, E. Henderson, pahina 285.

[Mga Tanong sa Aralin]