Aklat ng Bibliya Bilang 37—Hagai
Aklat ng Bibliya Bilang 37—Hagai
Manunulat: Si Hagai
Saan Isinulat: Sa Jerusalem
Natapos Isulat: 520 B.C.E.
Panahong Saklaw: 112 araw (520 B.C.E.)
1, 2. Anong impormasyon ang inilalaan tungkol kay propeta Hagai, at ano ang kaniyang tambalang mensahe?
HAGAI ang pangalan niya; propeta at “mensahero ni Jehova” ang tungkulin niya, ngunit saan siya buhat? (Hag. 1:13) Sino siya? Si Hagai ang ikasampu sa di-umano’y pangalawahing mga propeta, at una sa tatlo na naglingkod pagbalik ng mga Judio sa kanilang tinubuang lupa noong 537 B.C.E., at ang dalawa’y sina Zacarias at Malakias. Ang kahulugan ng pangalan ni Hagai (Hebreo, Chag·gaiʹ ) ay “[Isinilang noong] Kapistahan.” Ipinahihiwatig nito na isinilang siya sa isang araw ng kapistahan.
2 Ayon sa tradisyong Judio, maaaring si Hagai ay isinilang sa Babilonya at nagbalik sa Jerusalem kasama ni Zorobabel at ng Mataas na Saserdoteng si Josue. Magkasabay sila ni propeta Zacarias, at ayon sa Ezra 5:1 at Ezr 6:14, pinasisigla nila ang mga anak ng pagkakatapon na ituloy ang pagtatayo ng templo. Siya ay propeta ni Jehova sa dalawang paraan, sa pagpapasigla sa mga Judio na tuparin ang tungkulin nila sa Diyos at sa paghula sa pagyugyog ng Diyos sa mga bansa, bukod pa sa ibang bagay.—Hag. 2:6, 7.
3. Ano ang hindi natalos ng mga Judio na layunin ng kanilang pagbabalik mula sa pagkakatapon?
3 Bakit inatasan ni Jehova si Hagai? Dahil dito: Noong 537 B.C.E., iniutos ni Ciro sa mga Judio na bumalik sa kanilang lupain at itayo uli ang bahay ni Jehova. Ngunit 520 B.C.E. na, at hindi pa tapos ang templo. Hinayaan ng mga Judio ang pagsalansang ng kaaway at ang sariling pagwawalang-bahala at materyalismo na humadlang sa layunin ng kanilang pagbabalik.—Ezra 1:1-4; 3:10-13; 4:1-24; Hag. 1:4.
4. Ano ang nakaantala sa pagtatayo ng templo, ngunit anong mga pagsulong ang naganap nang magsimulang humula si Hagai?
4 Ayon sa ulat, kalalatag pa lamang ng pundasyon ng templo (noong 536 B.C.E.) nang “pahinain ng mga mamamayan ang kamay ng bayan ng Juda at bagabagin sila sa pagtatayo, na umupa pa man din ng mga tagapayo upang hadlangan sila.” (Ezra 4:4, 5) Sa wakas, noong 522 B.C.E., nagtagumpay ang di-Judiong mga kaaway sa opisyal na pagbabawal sa gawain. Nagsimulang manghula si Hagai noong ikalawang taon ng paghahari ni Dario Hystaspis ng Persya, alalaong baga, noong 520 B.C.E., at napasigla nito ang mga Judio na ituloy ang pagtatayo sa templo. Ang mga karatig na gobernador ay lumiham kay Dario na nagtatanong tungkol dito; pinagtibay ni Dario ang utos ni Ciro at inalalayan ang mga Judio laban sa kanilang mga kaaway.
5. Ano ang patotoo na ang aklat ni Hagai ay kabilang sa kanon ng Bibliya?
5 Kailanma’y hindi pinag-alinlanganan ng mga Judio ang dako ng Hagai sa Hebreong kanon, at inaalalayan din ito ng Ezra 5:1 nang tukuyin ang paghula niya “sa pangalan ng Diyos ng Israel,” at gayon din ng Ezra 6:14. Na ang hula niya ay bahagi ng ‘lahat ng Kasulatan na kinasihan ng Diyos’ ay pinatutunayan ng pagsipi rito ni Pablo sa Hebreo 12:26: “Nangako siya, at nagsabi: ‘Minsan pa’y uugain ko hindi lamang ang lupa kundi maging ang langit.’ ”—Hag. 2:6.
6. Ano ang bumubuo sa hula ni Hagai, at papaano nito idiniriin ang pangalan ni Jehova?
6 Ang hula ni Hagai ay binubuo ng apat na mensahe na ibinigay sa loob ng 112 araw. Ang estilo niya ay payak at tuwiran, at lubhang kapansin-pansin ang pagdiriin niya sa pangalan ni Jehova. Sa 38 talata, 35 beses binabanggit ang pangalan ni Jehova, 14 na beses sa pariralang “Jehova ng mga hukbo.” Tiyak na ang mensahe ay mula kay Jehova: “Si Hagai na mensahero ni Jehova ay nagsalita sa bayan ayon sa pagkasugo ni Jehova sa kaniya, na nagsabi: ‘Ako’y sumasa inyo,’ sabi ni Jehova.”—1:13.
7. Pinasigla ni Hagai ang mga Judio na gawin ang ano, at ano ang tema ng kaniyang mensahe?
7 Napakahalagang panahon ito sa kasaysayan ng bayan ng Diyos, at lubhang kapaki-pakinabang ang gawain ni Hagai. Hindi siya nagkulang sa pagtupad ng atas ng isang propeta, at hindi niya binantuan ang mensahe niya sa mga Judio. Tahasan niyang sinabi na hindi iyon panahon ng pagpapatumpik-tumpik, kundi ng paggawa. Panahon iyon upang itayong-muli ang bahay ni Jehova at isauli ang dalisay na pagsamba kung nais nilang magtamasa ng kasaganaan mula sa kamay ni Jehova. Ang buong tema ng mensahe ni Hagai ay, upang makamit ang pagpapala ni Jehova, dapat paglingkuran ang tunay na Diyos at gawin ang iniuutos ni Jehova na gawin.
NILALAMAN NG HAGAI
8. Bakit hindi pinagpapala ni Jehova ang mga Judio sa materyal na paraan?
8 Ang unang mensahe (1:1-15). Pinatutungkol ito kina Gobernador Zorobabel at Mataas na Saserdoteng si Josue, ngunit sa pandinig ng madla. Sinasabi ng bayan, “Hindi pa panahon, ang panahon ng pagtatayo sa bahay ni Jehova.” Sa pamamagitan ni Hagai ay nagharap si Jehova ng nanunurot na tanong: “Panahon ba para tumahan sa inyong nakikisamihang mga bahay, samantalang ang bahay na ito ay nananatiling wasak?” (1:2, 4) Pawang materyal ang kanilang inihasik at bahagya lamang silang nakinabang sa pagkain, inumin, at damit. “Isapuso ninyo ang inyong mga lakad,” payo ni Jehova. (1:7) Panahon na upang dalhin ang tabla at itayo ang bahay, at luwalhatiin si Jehova. Lubhang pinagaganda ng mga Judio ang kani-kanilang bahay, ngunit nananatiling giba ang bahay ni Jehova. Kaya ipinagkait ni Jehova ang hamog sa langit at ang bunga ng lupain at ang pagpapala sa tao at sa kaniyang pagpapagal.
9. Papaano pinukaw ni Jehova ang mga Judio upang magtrabaho?
9 Ah, nakuha nila ang punto! Hindi nawalan ng saysay ang hula ni Hagai. Ang mga pinunò at ang bayan ay “nakinig sa tinig ni Jehova na kanilang Diyos.” Ang takot kay Jehova ay humalili sa takot sa tao. Tiniyak ni Jehova sa pamamagitan ni Hagai na sugo niya: “Ako’y sumasa inyo.” (1:12, 13) Si Jehova mismo ang pupukaw sa diwa ng gobernador, ng mataas na saserdote, at ng nalabi sa bayan. Nagsimula silang gumawa, 23 araw lamang mula nang humula si Hagai at sa kabila ng pagbabawal ng pamahalaan ng Persya.
10. Ano ang nadama ng ilang Judio sa templo na kanilang itinatayo, ngunit ano ang ipinangako ni Jehova?
10 Ang ikalawang mensahe (2:1-9). Wala pang isang buwan ang pagtatayo nang ibigay ni Hagai ang ikalawang kinasihang mensahe. Patungkol ito kay Zorobabel, kay Josue, at sa mga nalabi. Nadarama ng ilang Judiong nagbalik mula sa pagkakatapon at nakakita ng dating templo ni Solomon na ang kaluwalhatian ng templong ito ay wala pa sa kalahati. Subalit ano ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo? ‘Magpakalakas kayo at gumawa, sapagkat ako’y sumasa inyo.’ (2:4) Ipinaalala ni Jehova ang tipan niya sa kanila, at sinabi na huwag silang matakot. Pinalakas niya sila sa pangako na kaniyang uugain ang lahat ng bansa upang makapasok ang kanilang kanais-nais na mga bagay at mapunô ng kaluwalhatian ang kaniyang bahay. Ang kaluwalhatian ng huling bahay na ito ay magiging higit pa kaysa una, at dito ay magkakaloob siya ng kapayapaan.
11. (a) Anong talinghaga ang ginamit ni Hagai upang idiin ang pagpapabaya ng mga saserdote? (b) Ano ang ibinunga nito?
11 Ang ikatlong mensahe (2:10-19). Pagkaraan ng dalawang buwan at tatlong araw, nagsalita si Hagai sa mga saserdote. Gumamit siya ng talinghaga upang idiin ang kaniyang punto. Ang pagdadala ba ng banal na karne ay magpapabanal sa alinmang pagkain na masasagi ng saserdote? Ang sagot ay hindi. Ang paghipo ba sa isang bagay na marumi, gaya ng bangkay, ay magpaparumi sa nakahipo? Ang sagot ay oo. Ikinapit ni Hagai ang talinghaga. Naging marumi ang bayan dahil sa pagtalikod sa dalisay na pagsamba. Marumi ang lahat ng handog nila sa Diyos na Jehova. Kaya hindi niya pinagpala ang pagsisikap nila, at sa halip ay pinadalhan sila ng nakapapasong init, amag, at granizo. Magbago sila ng landas. Pagpapalain sila ni Jehova.
12. Anong pangwakas na mensahe ang ipinatungkol ni Hagai kay Zorobabel?
12 Ang ikaapat na mensahe (2:20-23). Ibinigay ni Hagai ang mensaheng ito kasabay ng ikatlong mensahe, ngunit ito ay patungkol kay Zorobabel. Binanggit uli ni Jehova ang “pag-uga sa mga langit at lupa,” ngunit pinalalawak ang kaniyang tema hanggang sa lubusang pagkalipol ng mga bansa. Marami ang malilipol, “bawat isa’y sa tabak ng kaniyang kapatid.” (2:21, 22) Sa pagtatapos ng hula ni Hagai tiniyak niya ang pagsang-ayon ni Jehova kay Zorobabel.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
13. Ano ang kagyat na pakinabang ng paghula ni Hagai?
13 Ang apat na mensahe ni Jehova na inihatid ni Hagai ay kapaki-pakinabang sa mga Judio nang panahong yaon. Pinasigla sila sa gawain at sa loob ng apat at kalahating taon natapos ang templo upang maitaguyod ang tunay na pagsamba sa Israel. (Ezra 6:14, 15) Pinagpala ni Jehova ang kanilang sigasig. Nang itinatayo ang templo, sinuri ni Dario na hari ng Persya ang mga ulat ng estado at pinagtibay ang utos ni Ciro. Kaya ito ay natapos sa tulong ng kaniyang opisyal na pagtangkilik.—Ezra 6:1-13.
14. Anong matalinong payo ang inilalaan ni Hagai para sa ngayon?
14 Ang hula ay mayroon ding mahusay na payo para sa ating panahon. Papaano? Una, idiniriin nito na dapat unahin ang pagsamba sa Diyos kaysa personal na kapakanan. (Hag. 1:2-8; Mat. 6:33) Idiniriin din nito na ang pag-iimbot ay hindi magtatagumpay, na walang-kabuluhan ang magtaguyod ng materyalismo; na nagpapayaman ang kapayapaan at pagpapala ni Jehova. (Hag. 1:9-11; 2:9; Kaw. 10:22) Idiniriin din nito na ang paglilingkod sa Diyos ay hindi kusang lumilinis maliban na kung ito ay dalisay at buong-kaluluwa, at hindi dapat madungisan ng maruming paggawi. (Hag. 2:10-14; Col. 3:23; Roma 6:19) Ipinakikita nito na ang mga lingkod ng Diyos ay hindi dapat maging paurong, laging lumilingon sa “nakaraang mga araw,” kundi pasulong, ‘na isinasapuso ang kanilang mga daan’ at nagsisikap na lumuwalhati kay Jehova. Sa gayon, tiyak na si Jehova ay sasa-kanila.—Hag. 2:3, 4; 1:7, 8, 13; Fil. 3:13, 14; Roma 8:31.
15. Ano ang ipinakikita ni Hagai na resulta ng masigasig na pagsunod?
15 Nang sila’y maging abala sa templo, ang mga Judio ay pinagpala ni Jehova, at sila’y umunlad. Nawala ang mga hadlang. Natapos ang gawain sa panahon. Ang walang-takot, masigasig na paglilingkod kay Jehova ay laging may gantimpala. Ang mga kahirapan, tunay man o inaakala, ay mapagtatagumpayan ng maytibay-loob na pananampalataya. Ang pagsunod sa “salita ni Jehova” ay may mabuting bunga.—Hag. 1:1.
16. Ano ang kaugnayan ng hula ni Hagai sa pag-asa ng Kaharian, at sa anong paglilingkod dapat tayong pukawin nito sa ngayon?
16 Kumusta ang hula na ‘uugain [ni Jehova] ang langit at ang lupa’? Ganito ikinapit ni apostol Pablo ang Hagai 2:6: “Ngunit ngayo’y nangako [ang Diyos], at nagsabi: ‘Minsan pa’y yayanigin ko hindi lamang ang lupa kundi pati ang langit.’ Ang mga salitang ‘Minsan pa’ ay nangangahulugan ng pag-alis ng mga bagay na niyanig, upang manatili ang mga bagay na hindi niyanig. Kaya sa pagtanggap ng isang kaharian na hindi mayayanig, samantalahin natin ang di-sana-nararapat na kabaitan at mag-ukol ng banal na paglilingkod sa Diyos nang may-takot at paggalang. Sapagkat ang ating Diyos ay isang apoy na namumugnaw.” (Heb. 12:26-29) Ipinakikita ni Hagai na ang pag-uga ay upang “ibagsak ang luklukan ng mga kaharian at gibain ang lakas ng mga kaharian ng mga bansa.” (Hag. 2:21, 22) Nang sinisipi ang hula, inihambing ni Pablo ang Kaharian ng Diyos “na hindi mayayanig.” Habang minumuni ang pag-asa ng Kaharian, tayo’y ‘magpakalakas at gumawa,’ at mag-ukol sa Diyos ng banal na paglilingkod. Tandaan din na, bago ibagsak ang mga bansa sa lupa, isang bagay na mahalaga ang mahihiwalay at lalabas upang maligtas: “ ‘Aking uugain ang lahat ng bansa, at ang kanais-nais na mga bagay sa lahat ng bansa ay papasok, at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo.”—2:4, 7.
[Mga Tanong sa Aralin]