Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 38—Zacarias

Aklat ng Bibliya Bilang 38—Zacarias

Aklat ng Bibliya Bilang 38​—Zacarias

Manunulat: Si Zacarias

Saan Isinulat: Sa Jerusalem

Natapos Isulat: 520-518 B.C.E.

Panahong Saklaw: 520–​518 B.C.E.

1. Ano ang kalagayan ng templo sa Jerusalem nang magsimulang humula si Zacarias?

 LUBUSANG napahinto! Ito ang kalagayan ng pagtatayo sa templo ni Jehova nang magsimulang humula si Zacarias. Bagaman naitayo ni Solomon ang unang templo sa loob lamang ng 7 1⁄2 taon (1 Hari 6:37, 38), 17 taon nang nakabalik sa Jerusalem ang mga Judio ngunit matagal pa bago ito matapos. Lubusang napahinto ang gawain nang ipagbawal ito ni Artajerjes (si Bardiya o si Gaumata). Ngunit ngayon, sa kabila ng opisyal na pagbabawal, minsan pang nagsimula ang gawain. Ginamit ni Jehova sina Hagai at Zacarias upang pasiglahin ang bayan na ituloy ang pagtatayo at huwag itong titigilan hangga’t di-natatapos.​—Ezra 4:23, 24; 5:1, 2.

2. Bakit naging tila ga-bundok ang gawain, subalit ano ang itinawag-pansin ni Zacarias?

2 Tila ga-bundok ang gawain. (Zac. 4:6, 7) Kakaunti sila, marami ang kaaway, at bagaman may prinsipe sila mula sa hanay ni David, si Zorobabel, wala silang hari at nasasakop sila ng mga dayuhan. Kay daling padaig sa mahina at malasariling saloobin, gayong kailangan ang matibay na pananampalataya at masiglang paggawa! Ginamit si Zacarias upang akayin ang pansin sa kasalukuyang layunin ng Diyos at sa higit pang dakilang layunin sa hinaharap, upang palakasin sila sa gawain sa unahan. (8:9, 13) Hindi ito panahon upang tularan ang kanilang walang-pagpapahalagang mga ninuno.​—1:5, 6.

3. (a) Papaano ipinakikilala si Zacarias, at bakit angkop ang pangalan niya? (b) Kailan binigkas at isinulat ang ulat ni Zacarias?

3 Sino si Zacarias? May 30 iba’t-ibang Zacarias sa Bibliya. Gayunman, ang sumulat ng aklat na may ganitong pangalan ay si “Zacarias, anak ni Berechias na anak ni Iddo na propeta.” (Zac. 1:1; Ezra 5:1; Neh. 12:12, 16) Ang pangalan niya (Hebreo, Zekhar·yahʹ) ay nangangahulugang “Si Jehova Ay Nakaalaala.” Maliwanag sa aklat ni Zacarias na naalaala ni “Jehova ng mga hukbo” ang Kaniyang bayan, upang makitungo sa kanila nang mabuti alang-alang sa Kaniyang pangalan. (Zac. 1:3) Ang mga petsang binabanggit sa aklat ay nagpapahiwatig na ito ay sumasaklaw ng dalawang taon. Ang pagtatayo sa templo ay ipinagpatuloy noong “ikawalong buwan ng ikalawang taon ni Dario” (Oktubre/Nobyembre 520 B.C.E.) at noon nagsimulang humula si Zacarias. (1:1) Tumutukoy din ang aklat sa “ikaapat na araw ng ikasiyam na buwan, alalaong baga, ang Cislev,” noong “ikaapat na taon ni Dario” (mga Disyembre 1, 518 B.C.E.). (7:1) Kaya, tiyak na ang hula ni Zacarias ay binigkas at iniulat noong mga taóng 520-518 B.C.E.​—Ezra 4:24.

4, 5. (a) Bakit inihula ni Zacarias ang pagkawasak ng Tiro matagal na panahon makaraang kukubin ito ni Nabukodonosor? (b) Kapani-paniwala ang pagiging-kinasihan ng aklat dahil sa katuparan ng anong partikular na mga hula?

4 Ang mga nag-aaral ng aklat ni Zacarias ay makakasumpong ng sapat na katibayan ng pagiging-tunay. Kuning halimbawa ang Tiro. Winasak ito ni haring Nabukodonosor ng Babilonya matapos kubkubin nang 13 taon. Ngunit hindi dito nagwakas ang Tiro. Maraming taon pagkaraan, inihula ni Zacarias ang ganap na pagkawasak. Ang pulong-lungsod ng Tiro ay ibinagsak ni Alejandrong Dakila na napatanyag sa paggawa ng tulay na lupa tungo roon; walang-awa niya itong sinunog, gaya ng inihula ni Zacarias mga dalawang siglo patiuna. a​—Zac. 9:2-4.

5 Ngunit ang pinaka-kapani-paniwalang patotoo ng pagiging-kinasihan ng aklat ay ang katuparan ng mga hula tungkol sa Mesiyas, si Kristo Jesus, gaya ng makikita kung ihahambing ang Zacarias 9:9 sa Mat. 21:4, 5 at Juan 12:14-16; ang Zacarias 12:10 sa Juan 19:34-37; at ang Zacarias 13:7 sa Mateo 26:31 at Marcos 14:27. May mapapansin ding pagkakahawig sa pagitan ng Zacarias 8:16 at Efeso 4:25; Zacarias 3:2 at Judas 9; at Zacarias 14:5 at Judas 14. Kamangha-mangha ang pagkakasuwato ng Salita ng Diyos!

6. (a) Ano ang sanhi ng pagbabago ng estilo mula sa kabanata 9 ng Zacarias at patuloy? (b) Bakit “Jeremias” ang pagtukoy ni Mateo kay Zacarias?

6 Sinasabi ng ilang kritiko na ang pagbabago ng estilo ng pagsulat mula sa kabanata 9 patuloy ay pahiwatig na ang bahaging ito ay hindi isinulat ni Zacarias. Gayunman, ang pagbabago ng estilo ay maipagmamatuwid ng pagbabago ng paksa. Bagaman ang unang walong kabanata 1-8 ay tumatalakay sa mga bagay na mas mahalaga noong panahon ni Zacarias, sa mga kabanata 9 hanggang 14 ang propeta ay tumitingin sa mas malayong hinaharap. Itinatanong ng iba kung bakit sinisipi ni Mateo si Zacarias ngunit iniuukol ang mga ito kay Jeremias. (Mat. 27:9; Zac. 11:12) May mga pagkakataon na waring si Jeremias ang itinuturing na una sa mga Nahuling Propeta (sa halip na si Isaias, gaya ng sa mga Bibliya ngayon); kaya nang tukuyin si Zacarias na “Jeremias,” maaaring sinunod ni Mateo ang kaugaliang Judio na pagtukoy sa isang buong seksiyon ng Kasulatan ayon sa pangalan ng unang aklat ng seksiyon. Ginamit ni Jesus ang katawagang “Mga Awit” upang tukuyin ang lahat ng mga aklat na kilala bilang ang Mga Kasulatan.​—Luc. 24:44. b

7. Papaano ang pagkaayos ng aklat ni Zacarias?

7 Hanggang kabanata 6, talata 8, ang aklat ay binubuo ng isang serye ng walong pangitain, kahawig niyaong kina Daniel at Ezekiel, at karaniwan nang kaugnay ng muling pagtatayo ng templo. Sinusundan ito ng mga paghatol at hula tungkol sa taimtim na pagsamba, pagsasauli, at ang araw ng digmaan ni Jehova.

NILALAMAN NG ZACARIAS

8. Ano ang ipinakikita ng pangitain ng apat na mangangabayo tungkol sa Jerusalem at sa mga bansa?

8 Unang pangitain: Apat na mangangabayo (1:1-17). “Manumbalik kayo sa akin, . . . at ako’y manunumbalik sa inyo,” sabi ni Jehova, at nagtanong siya, “Ang aking mga salita at mga tuntunin na iniutos ko sa aking mga lingkod na propeta, hindi ba pawang natupad sa inyong mga magulang?” (1:3, 6) Inamin ng bayan na tumanggap sila ng nararapat. Dumating ang unang pangitain ni Zacarias. Isang gabi may apat na mangangabayo sa gitna ng mga puno malapit sa Jerusalem, matapos nilang siyasatin ang buong lupa, na natuklasan nilang payapa at tiwasay. Ngunit ang anghel ni Jehova na nakipanayam sa kanila, ay nabahala sa kalagayan ng Jerusalem. Nagpahayag si Jehova ng malaking galit sa mga bansa na nagpahamak sa Sion at sinabing siya’y “tiyak na magbabalik sa Jerusalem taglay ang mga kahabagan.” Itatayo roon ang bahay niya at ang mga lungsod “ay aapaw sa kabutihan.”​—1:16, 17.

9. Papaano ipinaliwanag ni Jehova ang pangitain ng mga sungay at ng mga panday?

9 Ikalawang pangitain: Mga sungay at mga panday (1:18-21). Nakita ni Zacarias ang apat na sungay na nagwasak sa Juda, Israel, at Jerusalem. Ipinakita din ang apat na panday at sinabi ni Jehova na sila ang magbabagsak ng sungay ng mga bansang lumalaban sa Juda.

10. Papaano napaugnay si Jehova sa kasaganaan ng Jerusalem?

10 Ikatlong pangitain: Kasaganaan ng Jerusalem (2:1-13). Isang lalaki ang sumusukat sa Jerusalem. Ang lungsod ay pagpapalain at palalawakin, at si Jehova ay magiging pader ng apoy sa paligid niya at kaluwalhatian sa gitna niya. Nananawagan siya, “Hoy, Sion! Tumakas ka,” at nagbabala pa, “Ang humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” (2:7, 8) Magagalak ang Sion sa pananahan dito ni Jehova, at maraming bansa ang papanig kay Jehova. Inuutusan ang lahat na tumahimik sa harapan ni Jehova, “pagka’t siya’y tumindig na sa kaniyang banal na tahanan.”​—2:13.

11. Papaano naipagbangong-puri ang Mataas na Saserdoteng si Josue, at anong landasin ang hinimok siyang kunin?

11 Ikaapat na pangitain: Pagliligtas kay Josue (3:1-10). Nililitis ang Mataas na Saserdoteng si Josue, sinasalansang siya ni Satanas at sinasaway ng anghel ni Jehova si Satanas. Hindi ba’t si Josue ay “isang troso na inagaw sa apoy”? (3:2) Siya ay nilinis at ang marumi niyang damit ay pinalitan ng malinis na “kasuotang pang-estado.” Hinimok siya na lumakad sa mga daan ni Jehova, na ‘naglalabas ng kaniyang lingkod na si Sanga’ at naglagay sa harapan ni Josue ng isang bato na may pitong mata.​—3:4, 8.

12. Anong pampasigla at katiyakan ang ibinibigay tungkol sa pagtatayo ng templo?

12 Ikalimang pangitain: Ang kandelero at mga punong olibo (4:1-14). Ginising ng anghel si Zacarias at ipinakita ang gintong kandelero na may pitong ilaw sa gitna ng dalawang punong olibo. Narinig niya ang salita ni Jehova kay Zorobabel: ‘Hindi sa tulong ng hukbong pandigma, ni ng kapangyarihan, kundi ng espiritu ng Diyos.’ Isang “malaking bundok” ang papatagin sa harap ni Zorobabel at ilalabas ang pangulong bato ng templo kasabay ng sigaw na: “Kahali-halina! Kahali-halina!” Si Zorobabel ang naglatag ng pundasyon ng templo, at siya ang tatapos sa gawain. Ang pitong ilaw ay mga mata ni Jehova na “gumagala sa buong lupa.” (4:6, 7, 10) Ang dalawang punong olibo ay ang dalawang pinahiran ni Jehova.

13-15. Ano ang nakikita sa mga pangitain ng lumilipad na balumbon, ng takalan ng efa, at ng apat na karo?

13 Ikaanim na pangitain: Ang lumilipad na balumbon (5:1-4). Isang lumilipad na balumbon ang nakita ni Zacarias, mga 9 na metro ang haba at 4.5 metro ang luwang. Ayon sa anghel ito ay sumpa dahil sa mga nagnanakaw at sumasaksi ng di-totoo sa pangalan ni Jehova.

14 Ikapitong pangitain: Ang takalan ng efa (5:5-11). Inangat ang takip ng takalan ng efa (mga 22 litro), at nakita ang babaeng nagngangalang “Kabalakyutan.” Ikinulong uli ang babae sa efa at inilipad ng dalawang babaeng may pakpak upang dalhin sa Shinar (Babilonya) at “ilagay sa kaniyang talagang dako.”​—5:8, 11.

15 Ikawalong pangitain: Apat na karo (6:1-8). Masdan! Sa pagitan ng dalawang tansong bundok ay may apat na karo na hila ng mga kabayong may iba’t-ibang kulay. Sila ang apat na espiritu ng langit. Sa utos ng anghel, sila’y nagparoo’t-parito sa lupa.

16. Ano ang inihula tungkol sa “Sanga”?

16 Ang Sanga; paimbabaw na pag-aayuno (6:9–​7:14). Inutusan ni Jehova si Zacarias na putungan ng marangyang korona ang Mataas na Saserdoteng si Josue. Inihula niya na ang “Sanga” ang magtatayo ng templo ni Jehova at magpupuno bilang saserdote.​—6:12.

17. Tungkol sa pagsamba, ano ang hinahanap ni Jehova, at ano ang ibubunga ng paglaban sa kaniyang mga salita?

17 Dalawang taon makaraang simulan ni Zacarias ang paghula, dumating ang isang delegasyon mula sa Bethel upang itanong sa mga saserdote kung dapat pang ipangilin ang mga araw ng pananangis at pag-aayuno. Sa pamamagitan ni Zacarias tinanong ni Jehova ang bayan at ang mga saserdote kung taimtim ang kanilang pag-aayuno. Ang hinahanap ni Jehova ay ‘pagsunod, katarungan, kagandahang-loob, at kaawaan.’ (7:7, 9) Palibhasa tinanggihan nila ang makahulang mga salita dahil sa pagkikibit-balikat at mga pusong sintigas ng diamante, pangangalatin sila na gaya ng ipo-ipo sa lahat ng bansa.

18. Anong maluluwalhating pangako ng pagsasauli ang ginawa ni Jehova?

18 Pagsasauli; “sampung lalaki” (8:1-23). Ipinahayag ni Jehova ang pagbabalik niya sa Sion at paninirahan sa Jerusalem, na tatawaging “lungsod ng katotohanan.” Mauupo ang matatanda sa mga liwasan, at doon maglalaro ang mga bata. Hindi ito mahirap para kay Jehova, ang tapat at matuwid na Diyos! Ipinangako niya ang binhi ng kapayapaan sa mga nalabi, sa pagsasabing: “Huwag kayong matakot. Palakasin ang inyong kamay.” (8:3, 13) Ito ang dapat nilang gawin: Magsalita nang tapat sa isa’t-isa at humatol sa katotohanan, iwaksi sa puso ang masamang balak at sinungaling na sumpa. Darating ang panahon na ang mga tao mula sa maraming lungsod ay mag-aanyaya sa isa’t-isa na hanapin si Jehova, at “sampung lalaki” mula sa lahat ng wika ay “hahawak sa laylayan ng damit ng isang Judio” at makikisama sa bayan ng Diyos.​—8:23.

19. Anong mabibigat na hatol ang sumunod, ngunit ano ang sinabi tungkol sa hari ng Jerusalem?

19 Hatol laban sa mga bansa, huwad na mga pastol (9:1–​11:17). Sa ikalawang seksiyon, kabanata 9 hanggang 14, lumipat si Zacarias mula sa matalinghagang mga pangitain tungo sa karaniwang makahulang estilo. Sinimulan niya sa paghatol sa iba’t-ibang lungsod, pati na sa mabatong pulong-lungsod ng Tiro. Inutusan ang Jerusalem na humiyaw sa kagalakan ng tagumpay sapagkat, “Narito! Dumarating ang iyong hari. Siya’y matuwid at nagliligtas; mapagpakumbaba, at sakay ng asno.” (9:9) Kasabay ng pagsira sa mga karong pandigma at busog, magsasalita siya ng kapayapaan sa mga bansa at magpupunó sa buong lupa. Didigmain ni Jehova ang Gresya alang-alang sa kaniyang bayan at ililigtas sila. “Sapagkat dakila ang kabutihan niya, at dakila ang kagandahan niya!” (9:17) Bilang Tagapagpaulan, hinahatulan ni Jehova ang mga manghuhula at huwad na mga pastol. Palalakasin niya ang Juda at ang Ephraim ay magiging makapangyarihan. Kung para sa mga tinubos, “ang puso nila ay magagalak kay Jehova . . . at sa kaniyang pangalan ay lalakad sila.”​—10:7, 12.

20. Ano ang isinagisag ng mga tungkod na “Kaluguran” at “Pagkakaisa”?

20 Inatasan si Zacarias na pastulin ang kawan na ipinagbili sa katayan ng walang-awang mga pastol na nagsasabi: “Purihin si Jehova, samantalang ako’y nagpapayaman.” (11:5) Kumuha ang propeta ng dalawang tungkod at tinawag ito na “Kaluguran” at “Pagkakaisa.” (11:7) Binali niya ang “Kaluguran” upang isagisag ang pagsira sa tipan. Hiningi niya ang kaniyang upa at tinimbang nila ang 30 pirasong pilak. Iniutos ni Jehova na ihagis ito ni Zacarias sa kabang-yaman at sabihin nang may pang-uuyam, “ang mataas na halaga na inihalaga sa akin.” (11:13) Pinutol ang tungkod na “Pagkakaisa,” upang putulin ang pagkakapatiran ng Juda at Israel. Darating ang tabak sa huwad na mga pastol na nagpabaya sa tupa ni Jehova.

21. (a) Ano ang hatol ni Jehova sa mga lumalaban sa Jerusalem? (b) Anong pangangalat at pagdalisay ang inihula?

21 Nakipagdigma si Jehova, naging hari (12:1–​14:21). Dumating ang isa pang hatol. Ang Jerusalem ay gagawing isang mangkok na ikahihilo, at isang mabigat na batong susugat sa bubuhat nito. Lilipulin ni Jehova ang mga bansang lumalaban sa Jerusalem. Ang espiritu ng pagsang-ayon at pagsusumamo ay ibubuhos sa sambahayan ni David, at mamasdan ng bayan ang isa na kanilang sinibat at mananangis silang “gaya ng pananangis sa isang bugtong na anak.” (12:10) Ihihiwalay ni Jehova ang mga idolo at bulaang propeta; sasasaktan sila ng kanilang magulang at sa kahihiyan ay maghuhubad sila ng damit-propeta. Hahampasin ang pastol ni Jehova at mangangalat ang kawan ngunit dadalisayin niya ang “ikatlong bahagi” upang tumawag sa kaniyang pangalan. Sasabihin ni Jehova: “Ito’y aking bayan,” at sasagot sila: “Si Jehova ang aking Diyos.”​—13:9.

22. Ano ang mangyayari sa mga bansa at sa Jerusalem sa ‘araw ni Jehova’?

22 “Darating ang araw ni Jehova.” Lahat ng bansa ay sasalakay sa Jerusalem, kalahati ng lungsod ay magiging tapon, ang kalahati ay malalabi. Saka hahayo si Jehova sa pakikidigma sa mga bansang yaon, “gaya sa araw ng kaniyang pakikidigma, sa araw ng pagbabaka.” (14:1, 3) Sa silangan ng Jerualem, ang bundok ng mga punong olibo ay mabibiyak mula silangan hanggang kanluran upang lumikha ng isang libis ng kanlungan. Aagos mula sa Jerusalem ang mga tubig na buhaý tungo sa silangan at kanluran, sa tag-araw at taglamig, at “si Jehova ay magiging hari sa buong lupa.” (14:9) Samantalang tiwasay ang Jerusalem, sasalutin naman ni Jehova ang mga nakikipagdigma rito. Habang nakatayo, ang kanilang laman, mata, at dila ay mabubulok. Malilito sila. Ang kamay ng bawat isa ay itataas laban sa kaniyang kapuwa. Ang mga natirang buháy ay “aahon taun-taon upang sumamba sa Hari, kay Jehova ng mga hukbo.”​—14:16.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

23. Papaano nagpapatibay-pananampalataya ang ulat ni Zacarias?

23 Lahat ng nag-aaral at nagbubulay sa hula ni Zacarias ay makikinabang sa nagpapatibay-pananampalatayang kaalaman. Mahigit 50 beses itinatawag-pansin ni Zacarias na si “Jehova ng mga hukbo” ang nakikipagbaka at nagsasanggalang sa Kaniyang bayan at pinupuspos sila ng kapangyarihan ayon sa pangangailangan. Nang ang pagtatayo ng templo ay pagbantaan ng ga-bundok na pagsalansang, si Zacarias ay nagpahayag: “Sinabi ni Jehova kay Zorobabel, ‘ “Hindi sa pamamagitan ng hukbong pandigma, ni ng kapangyarihan, kundi sa pamamagitan ng aking espiritu,” sabi ni Jehova ng mga hukbo. Nasaan ka, O malaking bundok? Sa harapan ni Zorobabel ikaw ay magiging kapatagan.’ ” Natapos ang templo sa tulong ng espiritu ni Jehova. Sa ngayon, maglalaho din ang mga hadlang kung may pananampalataya kay Jehova. Gaya ito ng sinabi ni Jesus sa mga alagad: “Kung may pananampalataya kayo na sinlaki ng butil ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon,’ at ito ay lilipat, at walang hindi mangyayari sa inyo.”​—Zac. 4:6, 7; Mat. 17:20.

24. Papaano inilarawan ang katapatan sa kabanata 13 ng Zacarias?

24 Sa kabanata 13, mga talata 2 hanggang 6, inilalarawan ni Zacarias ang katapatan na pagkakakilanlan ng organisasyon ni Jehova hanggang sa ngayon. Dapat itong mangibabaw sa alinmang ugnayan ng tao, gaya niyaong sa kamag-anak. Kung ang isang malapit na kamag- anak ay huhula ng kasinungalingan sa pangalan ni Jehova, salungat sa mensahe ng Kaharian, at hihikayat sa kongregasyon ng Diyos, ang mga kasambahay niya ay dapat na buong-katapatang tumangkilik sa pasiya ng hukumang komite ng kongregasyon. Ito ang dapat na maging paninindigan kapag ang isang matalik na kasama ay humula nang may kabulaanan, upang siya’y mapahiya at magdamdam sa kaniyang maling paggawi.

25. Papaano kaugnay ng hula ni Zacarias ang ibang kasulatan sa pagpapakilala sa Mesiyas, sa “Sanga,” at sa kaniyang pagiging Mataas na Saserdote at Hari sa ilalim ni Jehova?

25 Gaya ng ipinakita ng pambungad na mga parapo, ang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem bilang hari, “mapagpakumbaba, at sakay ng asno,” ang pagkakanulo sa kaniya sa “tatlumpung pirasong pilak,” ang pangangalat ng mga alagad, at ang pagsibat ng kawal sa kaniyang tagiliran ay pawang inihula ni Zacarias sa hustong detalye. (Zac. 9:9; 11:12; 13:7; 12:10) Binabanggit din ng hula na ang “Sanga” ang magtatayo ng templo ni Jehova. Makikita sa paghahambing ng Isaias 11:1-10; Jeremias 23:5; at Lucas 1:32, 33 na ito ay si Jesu-Kristo, na “maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman.” Inilalarawan ni Zacarias ang “Sanga” na “magpupuno bilang isang saserdote,” kasuwato ng mga salita ni apostol Pablo: “Si Jesus . . . ay naging mataas na saserdote magpakailanman ayon sa wangis ni Melkisedek,” at, “Naupo siya sa kanang kamay ng luklukan ng Kamahalan sa langit.” (Zac. 6:12, 13; Heb. 6:20; 8:1) Kaya ang hula ay tumutukoy sa “Sanga” bilang Mataas na Saserdote at Hari sa kanang kamay ng Diyos sa langit, at ipinapahayag na si Jehova ang Soberanong Tagapamahala sa lahat: “Si Jehova ay magiging hari sa buong lupa. Sa araw na yaon si Jehova ay magiging isa, at ang kaniyang pangalan ay magiging isa.”​—Zac. 14:9.

26. Sa anong maluwalhatiang “araw” paulit-ulit na tumutukoy si Zacarias?

26 Bilang pagtukoy sa panahong yaon, 20 beses inuulit ng propeta ang pariralang “sa araw na yaon,” at inilakip pa ito sa kaniyang hula. Ayon sa mga pagbanggit na ito, ito ang araw ng paghihiwalay ni Jehova sa mga idolo at ng pag-aalis sa mga bulaang propeta. (13:2, 4) Yaon ang araw ng pakikidigma ni Jehova sa mga bansa at paghahasik ng kalituhan sa gitna nila at ng paglalaan ng ‘libis ng kaniyang mga bundok’ bilang kanlungan ng kaniyang bayan. (14:1-5, 13; 12:8, 9) Oo, “sa araw na yaon ay ililigtas sila ni Jehova na kanilang Diyos gaya ng kawan ng kaniyang bayan,” at sila’y tatawag sa isa’t-isa mula sa ilalim ng punong ubas at punong igos. (Zac. 9:16; 3:10; Mik. 4:4) Sa maluwalhating araw na yaon si Jehova ng mga hukbo “ay mananahan sa gitna” ng kaniyang bayan at “ang mga tubig na buháy ay aagos mula sa Jerusalem.” Ayon sa mga salita ni Zacarias ang mga pangyayari “sa araw na yaon” ang maghahatid ng “isang bagong langit at ng isang bagong lupa” ayon sa pangako ng Kaharian.​—Zac. 2:11; 14:8; Apoc. 21:1-3; 22:1.

27. Papaano nakatuon ang hula ni Zacarias sa pagbanal ng pangalan ni Jehova?

27 “Sino ang humahamak sa araw ng maliliit na bagay?” tanong ni Jehova. Lalaganap ang kasaganaan sa buong lupa: ‘Maraming bayan at makapangyarihang bansa ay paroroon sa Jerusalem upang hanapin si Jehova ng mga hukbo, at sampung lalaki mula sa lahat ng wika ay hahawak sa laylayan ng damit ng isang Judio, at magsasabi: “Sasama kami sa inyo, sapagkat nabalitaan namin na ang Diyos ay sumasa inyo.” ’ “Sa araw na yaon” pati kampana ng kabayo ay makaririnig ng mga salitang “Ang Kabanalan ay nauukol kay Jehova!” Kapaki-pakinabang ang pagrerepaso ng mga hulang ito na nagpapasigla sa puso, sapagkat ipinakikita nito na ang pangalan ni Jehova ay talagang pakakabanalin sa pamamagitan ng kaniyang Binhi ng Kaharian!​—Zac. 4:10; 8:22, 23; 14:20.

[Mga talababa]

a Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 531, 1136.

b Encyclopaedia Judaica, 1973, Tomo 4, hanay 828; Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 1080-1.

[Mga Tanong sa Aralin]