Aklat ng Bibliya Bilang 39—Malakias
Aklat ng Bibliya Bilang 39—Malakias
Manunulat: Si Malakias
Saan Isinulat: Sa Jerusalem
Natapos Isulat: Pagkaraan ng 443 B.C.E.
1. Ano ang nagpapahiwatig ng sigasig ni Malakias ukol kay Jehova?
SINO si Malakias? Walang anomang iniuulat hinggil sa kaniyang angkang pinagmulan o personal na kasaysayan. Gayunman, sa himig ng hula, maliwanag na siya ay masigasig sa kaniyang debosyon sa Diyos na Jehova, nagtaguyod sa Kaniyang pangalan at dalisay na pagsamba, at nakadama ng matinding galit sa mga kunwa’y naglilingkod sa Diyos subalit sarili lamang ang inaatupag. Ang pangalan ni Jehova ay 48 beses binabanggit sa apat na kabanata ng Malakias.
2. Ano sa wari ang kahulugan ng pangalan ni Malakias, at kailan siya malamang na nabuhay?
2 Sa Hebreo ang pangalan niya ay Mal·ʼa·khiʹ, na ang kahulugan ay waring “Aking Mensahero.” Ang mga Kasulatang Hebreo, ang Septuagint, at ang pagkasunud-sunod ng mga aklat ay naglalagay sa Malakias na pinaka-huli sa 12 di-umano’y pangalawahing mga propeta. Ayon sa tradisyon ng Dakilang Sinagoga, nabuhay siya pagkatapos nina propeta Hagai at Zacarias at kasabay ni Nehemias.
3. Ano ang nagpapahiwatig na ang Malakias ay isinulat pagkaraaan ng 443 B.C.E.?
3 Kailan isinulat ang hula? Yao’y noong namamahala ang isang gobernador, kaya tumatama ito sa panahon ng pagsasauli ng Jerusalem pagkaraan ng 70-taóng pagkawasak ng Juda. (Mal. 1:8) Ngunit sinong gobernador? Yamang binabanggit ang paglilingkod sa templo ngunit hindi tinutukoy ang pagtatayo nito, malamang na ito ay pagkaraan ni Gobernador Zorobabel, sapagkat noon natapos ang pagtatayo ng templo. Sa panahong ito, walang ibang gobernador na binabanggit sa Kasulatan kundi si Nehemias. Tumatapat ba ang hula sa panahon niya? Walang binabanggit tungkol sa muling pagtatayo ng Jerusalem at ng pader nito, kaya hindi ito isinulat sa pasimula ng pagiging-gobernador ni Nehemias. Ngunit marami itong sinasabi hinggil sa pagmamalabis ng mga saserdote, kaya ang Malakias ay iniuugnay sa sitwasyon na umiral nang magbalik uli si Nehemias sa Jerusalem, matapos na siya ay muling ipatawag ni Artajerjes sa Babilonya noong 443 B.C.E., ang ika-32 taon ng paghahari nito. (Mal. 2:1; Neh. 13:6) Gaya ng makikita sa magkakahawig na talata ng Malakias at Nehemias, ang hula ay kapit sa mismong panahong yaon.—Mal. 2:4-8, 11, 12—Neh. 13:11, 15, 23-26; Mal. 3:8-10—Neh. 13:10-12.
4. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay at pagiging-kinasihan ng Malakias?
4 Ang pagiging-tunay ng Malakias ay dati nang tinatanggap ng mga Judio. Ang pagsipi rito ng Kristiyanong Kasulatang Griyego, na ang ilan ay nagpapakita ng katuparan ng mga hula nito, ay patotoo na ang Malakias ay kinasihan at bahagi ng kanon ng Hebreong Kasulatan na tinanggap ng kongregasyong Kristiyano.—Mal. 1:2, 3—Roma 9:13; Mal. 3:1—Mat. 11:10 at Lucas 1:76 at Luc 7:27; Mal. 4:5, 6—Mat. 11:14 at Mat 17:10-13, Marcos 9:11-13 at Lucas 1:17.
5. Anong mahinang espirituwal na kalagayan ang nag-udyok kay Malakias upang humula?
5 Ipinahihiwatig ng hula ni Malakias na lumamig ang relihiyosong sigasig at kasiglahan na pinukaw nina propeta Hagai at Zacarias nang itinatayo uli ang templo. Ang mga saserdote’y naging bulagsak, palalo, at mapagmatuwid-sa-sarili. Niwalang-kabuluhan ang paglilingkod sa templo. Natigil ang mga ikapu at handog sa paniwalang hindi na interesado ang Diyos sa Israel. Hindi natupad ang inaasahan nila kay Zorobabel at hindi dumating ang Mesiyas gaya ng inasam-asam. Napakahina ang kanilang espirituwalidad. Posible bang magkaroon ng tibay-loob at pag-asa? Papaano maipadarama ang tunay na kalagayan ng bayan upang pukawin sila na manumbalik sa katuwiran? Ang sagot ay inilaan ng hula ni Malakias.
6. Ano ang estilo ng pagsulat ni Malakias?
6 Tuwiran at mariin ang estilo ni Malakias. Inihaharap muna niya ang mga panukala at saka sinasagot ang pagtutol ng mga kausap. Sa pagwawakas, igigiit niya ang kaniyang naunang panukala. Ito ang nagdiriin at nagpapatingkad sa kaniyang argumento. Sa halip na bumaling sa matayog na pagtatalumpati, gumagamit siya ng bigla, mariing estilo ng pangangatuwiran.
NILALAMAN NG MALAKIAS
7. Anong pag-ibig at pagkapoot ang ipinapahayag ni Jehova?
7 Kautusan ni Jehova sa mga saserdote (1:1–2:17). Nagpapahayag si Jehova ng pag-ibig sa kaniyang bayan. Minahal niya si Jacob at kinapootan si Esau. Hayaang itayo ng Edom ang kaniyang mga kagibaan; sisirain ito ni Jehova at sila’y tatawaging “lugar ng kabalakyutan,” bayang tinuligsa ni Jehova, sapagkat si Jehova ay “magiging dakila sa buong Israel.”—1:4, 5.
8. Papaano dinumhan ng mga saserdote ang dulang ni Jehova, at bakit darating sa kanila ang sumpa?
8 Hinarap ni Jehova ang ‘mga saserdoteng tumutuya sa kaniyang pangalan.’ Palibhasa nagmamatuwid-sa-sarili, pinipintasan ni Jehova ang kanilang bulag, pilay, at may-sakit na mga hain, at nagtanong siya, Tatanggapin ba ito ng gobernador? Si Jehova mismo ay hindi nalulugod. Dapat itanghal ang pangalan niya sa mga bansa, ngunit hinahamak nila siya sa pagsasabing: “Marumi ang dulang ni Jehova.” Darating ang sumpa sapagkat may-katusuhan nilang tinalikdan ang kanilang panata at naghandog ng mga haing walang-kabuluhan. “ ‘Ako’y dakilang Hari,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at ang aking pangalan ay magiging kakila-kilabot sa mga bansa.’ ”—1:6, 12, 14.
9. Saan nabigo ang mga saserdote, at papaano nila nilapastangan ang kabanalan ni Jehova?
9 Nag-utos si Jehova sa mga saserdote, at sinabing kung hindi nila isasapuso ang kaniyang payo, susumpain niya sila at ang kanilang kasaganaan. Isasaboy niya sa mukha ang dumi ng kanilang mga kapistahan dahil sa paglabag sa tipan ni Levi. “Ang mga labi ng saserdote ay mag-iingat ng kaalaman, at sa kaniyang bibig ay hahanapin ng bayan ang kautusan; sapagkat siya ang mensahero ni Jehova ng mga hukbo.” (2:7) Ipinagtapat ni Malakias ang malaking kasalanan ng Israel at Juda. Nagtaksil sila sa isa’t-isa at nilapastangan ang kabanalan ni Jehova, ang kanilang Ama at Maylikha, dahil sa pag-aasawa sa anak na babae ng dayuhang diyos. Sukdulang inisin nila si Jehova. Itinatanong pa man din nila, “Nasaan ang Diyos ng katarungan?”—2:17.
10. Sa anong gawain ng paghatol pumapasok ang Panginoon sa kaniyang templo?
10 Ang tunay na Panginoon at ang mensahero (3:1-18). Dumating ang kasukdulan ng hula sa mga salita ni “Jehova ng mga hukbo”: “Narito! Isinusugo ko ang aking mensahero, at ihahanda niya ang aking daan. Biglang darating ang tunay na Panginoon sa Kaniyang templo, siya na inyong hinahanap, at ang sugo ng tipan na inyong kinalulugdan. Narito! Tiyak na siya’y darating.” (3:1) Bilang tagapag-dalisay, lilinisin Niya ang mga anak ni Levi at magiging maliksing saksi laban sa mga balakyot na hindi natatakot sa Kaniya. Hindi nagbabago si Jehova, at palibhasa mga anak sila ni Jacob, manunumbalik siya sa kanila kung manunumbalik sila sa kaniya.
11. Papaano nila susubukin ang Diyos, at anong mga pagpapala ang susunod?
11 Ninakawan nila ang Diyos, subalit kanilang subukin siya at dalhin ang mga ikapu sa kamalig upang magkaroon ng pagkain sa kaniyang bahay, at lubos na magtiwala na ibubuhos niya mula sa langit ang pinakamasaganang mga pagpapala. Sila’y magiging lupain ng kaluguran na tatawaging maligaya ng lahat ng mga bansa. Ang mga natatakot kay Jehova ay nagsang-usapan, at si Jehova ay nakinig at nagbigay-pansin. “Isang aklat ng alaala ang sinimulang isulat sa harapan niya para sa mga natatakot kay Jehova at gumugunita sa kaniyang pangalan.” (3:16) Tiyak na sila’y magiging pag-aari ni Jehova sa araw na iluwal niya ang kaniyang pantanging pag-aari.
12. Ano ang inihula tungkol sa kakila-kilabot na araw ni Jehova?
12 Ang dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova (4:1-6). Ito ang dumarating na araw ng paglipol sa mga balakyot, hanggang sa walang maiwang ugat ni sanga. Ngunit ang araw ng katuwiran ay sisikat sa mga natatakot sa pangalan ni Jehova, at sila ay pagagalingin. Pinapayuhan sila ni Jehova na alalahanin ang Kautusan ni Moises. Bago ang kaniyang dakila at kakila-kilabot na araw, nangako si Jehova na isusugo si Elias na propeta. “Ibabaling niya ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama; kung hindi’y mapipilitan akong pumarito upang hampasin ng kapahamakan ang lupa.”—4:6.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
13. Ano ang masasabi ni Malakias tungkol sa (a) awa at pag-ibig ni Jehova? (b) pananagutan ng mga guro ng Salita ng Diyos? (c) mga lumalabag sa batas at simulain ng Diyos?
13 Tumutulong ang Malakias na maunawaan ang di-nagbabagong mga simulain at maawaing pag-ibig ng Diyos na Jehova. Sa pasimula pa, idiniriin na ang dakilang pag-ibig ni Jehova sa kaniyang bayang “Jacob.” Sinabi niya: “Ako si Jehova; hindi ako nagbabago.” Sa kabila ng labis nilang kasamaan, handa siyang manumbalik sa kanila kung manunumbalik sila sa kaniya. Tunay na maawaing Diyos! (Mal. 1:2; 3:6, 7; Roma 11:28; Exo. 34:6, 7) Sa pamamagitan ni Malakias, idiniin ni Jehova na ang mga labi ng saserdote ay “mag-iingat ng kaalaman.” Dapat pahalagahan ito ng mga pinagkatiwalaang magturo ng Salita ng Diyos, at tiyakin na wastong kaalaman ang kanilang inihahatid. (Mal. 2:7; Fil. 1:9-11; ihambing ang Santiago 3:1.) Hindi matitiis ni Jehova ang mga mapagpaimbabaw, na nagsasabing ang “paggawa ng masama ay mabuti sa paningin ni Jehova.” Walang dapat mag-akala na madadaya niya si Jehova sa paimbabaw na paghahandog sa dakilang Hari. (Mal. 2:17; 1:14; Col. 3:23, 24) Si Jehova ay magiging maliksing saksi laban sa lahat ng lumalabag sa kaniyang matuwid na batas at simulain; hindi makakaasa ang mga balakyot na sila ay maliligtas. Hahatulan sila ni Jehova. (Mal. 3:5; Heb. 10:30, 31) Ang mga matuwid ay lubos na nagtitiwala na aalalahanin at gagantimpalaan ni Jehova ang kanilang gawa. Dapat silang magbigay-pansin sa Kautusan ni Moises, gaya ni Jesus, pagkat naroon ang mga bagay na natupad sa kaniya.—Mal. 3:16; 4:4; Luc. 24:44, 45.
14. (a) Sa ano, lalung-lalo na, nakatuon ang Malakias sa hinaharap? (b) Papaano natupad ang Malakias 3:1 noong unang siglo C.E.?
14 Bilang huling aklat ng kinasihang Kasulatang Hebreo, nakatuon ang Malakias sa hinaharap na pagdating ng Mesiyas, na pagkaraan ng mahigit na apat na siglo ay naging dahilan ng pagkasulat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego. Ayon sa Malakias 3:1, sinabi ni Jehova ng mga hukbo: “Narito! Isinusugo ko ang aking mensahero, at ihahanda niya ang aking daan.” Sa ilalim ng pagkasi, ipinakita ng matanda nang si Zacarias na natupad ito sa kaniyang anak, si Juan na Tagapagbautismo. (Luc. 1:76) Pinatunayan ito ni Jesu-Kristo na nagsabi rin: “Wala pang bumangon na higit na dakila kay Juan Bautista; ngunit ang pinakamababa sa kaharian ng mga langit ay higit na dakila kaysa kaniya.” Isinugo si Juan, gaya ng inihula ni Malakias, upang ‘ihanda ang daan,’ kaya hindi siya kabilang sa mga inilakip ni Jesus sa tipan ukol sa Kaharian.—Mat. 11:7-12; Luc. 7:27, 28; 22:28-30.
15. Sino ang “Elias” sa hula ni Malakias?
15 Pagkatapos, sa Malakias 4:5, 6, ay nangako si Jehova. “Isinusugo ko sa inyo si Elias na propeta.” Sino ang “Elias” na ito? Si Jesus at ang anghel na nagpakita kay Zacarias ay nagkapit ng mga salitang ito kay Juan na Tagapagbautismo, at ipinakita na siya ang “magsasauli ng lahat ng bagay” at “maglalaan kay Jehova ng isang bayang nahahanda” na tatanggap sa Mesiyas. Ngunit sinabi rin ni Malakias na si “Elias” ang tagapagpauna sa “dakila at kakila- kilabot na araw ni Jehova,” upang ipahiwatig ang hinaharap na katuparan ng isa pang araw ng paghuhukom.—Mat. 17:11; Luc. 1:17; Mat. 11:14; Mar. 9:12.
16. Sa anong pinagpalang araw sa hinaharap tumatawag-pansin ang Malakias, at anong mainit na pampasigla ang inilalaan niya?
16 Bilang pag-asam-asam, sinasabi ni Jehova ng mga hukbo: “Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog, ang aking pangalan ay magiging dakila sa gitna ng mga bansa. . . . Sapagkat ako’y dakilang Hari, . . . at ang aking pangalan ay magiging kakila- kilabot sa gitna ng mga bansa.” Tunay ngang kakila-kilabot! ‘Ang araw ay mag-aapoy na gaya ng hurno, at lahat ng mga pangahas at balakyot ay magiging gaya ng dayami.’ Ngunit maligaya ang natatakot sa pangalan ni Jehova, sapagkat sa kanila’y “sisikat ang araw ng katuwiran, na may kagamutan sa kaniyang mga pakpak.” Nakatuon ito sa maligayang panahon kapag ang masunuring sangkatauhan ay lubos nang napagaling—sa espiritu, sa damdamin, sa isipan, at sa katawan. (Apoc. 21:3, 4) Sa pagtawag-pansin sa maluwalhati at pinagpalang araw na ito, pinasisigla tayo ni Malakias na buong-pusong dalhin ang handog sa bahay ni Jehova: “ ‘Pakisuyo, subukin ninyo ako sa bagay na ito,’ sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘kung hindi ko bubuksan ang mga pintuan ng langit at ibuhos ang isang pagpapala hanggang sa wala nang mapagsisidlan.’ ”—Mal. 1:11, 14; 4:1, 2; 3:10.
17. Ang mga babala ni Malakias ay tinitimbangan ng kahilingan sa anong maaliwalas na pangmalas?
17 Bagaman nagbababala sa ‘pagwasak sa lupa,’ ang huling aklat ng Mga Propeta ay humihiling ng positibong pangmalas at pagsasaya kasuwato ng mga salita ni Jehova sa kaniyang bayan: “Lahat ng bansa ay tatawag sa inyo na maligaya, sapagkat kayo’y magiging lupain ng kaluguran.”—4:6; 3:12.
[Mga Tanong sa Aralin]