Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 4—Mga Bilang

Aklat ng Bibliya Bilang 4—Mga Bilang

Aklat ng Bibliya Bilang 4​—Mga Bilang

Manunulat: Si Moises

Saan Isinulat: Sa Ilang at sa Kapatagan ng Moab

Natapos Isulat: 1473 B.C.E..

Panahong Saklaw: 1512-1473 B.C.E.

1. Bakit isinulat ang mga pangyayari sa Mga Bilang, at ano ang idinidiin nito sa atin?

 ANG mga kaganapan sa paglalakbay ng Israel sa ilang ay iniulat sa Bibliya sa kapakinabangan natin ngayon. a Sinabi ni apostol Pablo: “Ang mga ito’y naging halimbawa sa atin, upang huwag tayong magnasa ng masasamang bagay.” (1 Cor. 10:6) Idiniriin ng matingkad na ulat ng Mga Bilang na ang kaligtasan ay salig sa pagbanal sa pangalan ni Jehova, pagsunod sa kaniya anoman ang mangyari, at paggalang sa kaniyang mga kinatawan. Ang pabor niya ay dumarating hindi dahil sa anomang kabutihan o kagalingan ng kaniyang bayan kundi dahil sa dakila niyang awa at di-sana-nararapat na kabaitan.

2. Sa ano tumutukoy ang pangalang Mga Bilang, ngunit anong mas angkop na pamagat ang ibinigay ng mga Judio?

2 Ang pangalang Mga Bilang ay tumutukoy sa pagbilang sa mga tao na unang naganap sa Bundok Sinai at saka sa Kapatagan ng Moab, gaya ng iniuulat sa kabanata 1-4 at 26. Ang pangalan ay mula sa pamagat na Numeri sa Latin Vulgate at hango sa A·rith·moiʹ sa Griyegong Septuagint. Gayunman, mas angkop ang tawag ng mga Judio sa aklat, Bemidh·barʹ, ibig sabihi’y “Sa Ilang.” Ang salitang Hebreo na midh·barʹ ay nagpapahiwatig ng isang bukás na dako, walang mga lungsod o bayan. Ang mga pangyayari sa Mga Bilang ay naganap sa ilang na nasa timog-silangan ng Canaan.

3. Ano ang patotoo na si Moises ang sumulat ng Mga Bilang?

3 Ang Mga Bilang ay maliwanag na bahagi ng orihinal na limahang tomo na naglakip sa Genesis hanggang Deuteronomio. Ang unang talata ay nagsisimula sa pangatnig na “at,” upang idugtong ito sa nauna. Kaya, tiyak na ang sumulat ay si Moises, ang manunulat ng naunang mga aklat. Maliwanag din ito sa pariralang “isinulat ni Moises,” at ng colophon na, “Ito ang mga utos at ang mga kahatulan na iniutos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.”​—Bil. 33:2; 36:13.

4. Anong yugto ng panahon ang saklaw ng Mga Bilang, at kailan natapos ang aklat?

4 Mahigit nang isang taon mula nang lisanin ng Israel ang Ehipto. Nag-uulat mula sa ikalawang buwan ng ikalawang taon mula sa Pag-aalisan, sinasaklaw ng Mga Bilang ang susunod na 38 taon at siyam na buwan, mula 1512 B.C.E. hanggang 1473 B.C.E. (Bil. 1:1; Deut. 1:3) Bagaman hindi tugma sa yugtong ito, ang mga pangyayari sa Bilang 7:1-88 at 9:1-15 ay inilalakip bilang karagdagang impormasyon. Ang unang mga bahagi ng aklat ay malamang na isinulat habang nagaganap ang mga pangyayari, ngunit maliwanag na natapos lamang ni Moises ang Mga Bilang noong katapusan ng ika-40 taon sa ilang, sa pasimula sa kalendaryong taon ng 1473 B.C.E.

5. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng Mga Bilang?

5 Walang alinlangan sa pagiging-totoo ng ulat. Ayon kay Moises ang tigang na lupaing nilakbay nila ay isang “malawak at kakila-kilabot na ilang,” at totoo ito maging sa ngayon pagkat ang kalat-kalat na naninirahan dito ay palipat-lipat sa paghahanap ng pastulan at tubig. (Deut. 1:19) Isa pa, ang detalyadong tagubilin sa pagkakampo ng bansa, ang kaayusan sa pagmamartsa, at ang mga hudyat ng trumpeta na umugit sa buhay sa kampamento ay pawang patotoo na ang ulat ay tunay ngang isinulat “sa ilang.”​—Bil. 1:1.

6. Papaano umaalalay sa Mga Bilang ang mga tuklas ng arkeolohiya?

6 Ang arkeolohiya ay nagpapatunay din sa nakasisindak na ulat ng mga tiktik pagbalik nila mula sa Canaan, na “ang nakukutaang mga lungsod ay napakalalakí.” (13:28) Ipinakikita ng makabagong mga tuklas na pinatatag ng mga taga-Canaan ang kanilang puwersa sa pamamagitan ng maraming sunud-sunod na kuta sa buong lupain, mula Libis ng Jezreel sa hilaga hanggang Gerar sa timog. Bukod sa nakukutaan, ang mga lungsod ay nasa tuktok pa ng mga burol, at may matataas na tore sa ibabaw ng mga pader, na nagpahanga sa mga Israelitang matagal na nanirahan sa patag na lupain ng Ehipto.

7. Anong tatak ng katapatan ang taglay ng Mga Bilang?

7 Ang mga bansa ay mahilig magtakip ng mga kabiguan at magpalaki ng mga tagumpay, subalit sa katapatan na nagbabadya ng makasaysayang katotohanan, iniuulat ng Mga Bilang ang lubusang paggapi ng mga Amalekita at Cananeo sa Israel. (14:45) Tahasang inaamin ang pagtataksil at paglapastangan ng Israel sa Diyos. (14:11) Prangkahang inilalantad ni Moises ang mga pagkakasala ng bansa, ng kaniyang mga pamangkin, at ng sarili niyang mga kapatid. Hindi rin niya itinangi ang sarili, at isinalaysay ang hindi niya pagbanal kay Jehova nang ang tubig ay ilaan sa Meriba, kaya hindi siya nakapasok sa Lupang Pangako.​—3:4; 12:1-15; 20:7-13.

8. Papaano pinatutunayan ng ibang manunulat ng Bibliya ang pagiging-kinasihan ng Mga Bilang?

8 Na ang Mga Bilang ay bahagi ng mga Kasulatan na kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang ay makikita sa tuwirang pagtukoy ng ibang manunulat ng Bibliya sa halos lahat ng mahalagang kaganapan at iba pang detalye, at marami ang nagtampok sa kahulugan nito. Nariyan sina Josue (Jos. 4:12; 14:2), Jeremias (2 Hari 18:4), Nehemias (Neh. 9:19-22), Asaph (Awit 78:14-41), David (Awit 95:7-11), Isaias (Isa. 48:21), Ezekiel (Ezek. 20:13-24), Oseas (Ose. 9:10), Amos (Amos 5:25), Mikas (Mik. 6:5), si Lucas sa kaniyang ulat sa diskurso ni Esteban (Gawa 7:36), sina Pablo (1 Cor. 10:1-11), Pedro (2 Ped. 2:15, 16), Judas (Jud. 11), at si Juan nang iniuulat ang mga salita ni Jesus sa Pergamo (Apoc. 2:14), na pawang sumipi sa Mga Bilang, gaya ni Jesu-Kristo mismo.​—Juan 3:14.

9. Ano ang idinidiin ng Mga Bilang tungkol kay Jehova?

9 Ano, kung gayon, ang layunin ng Mga Bilang? Ang halaga nito ay higit kaysa kasaysayan lamang. Idiniriin nito na si Jehova ay Diyos ng kaayusan, na humihiling ng bukod-tanging pagsamba. Ito ay matingkad na ikinikintal sa isipan ng bumabasa samantalang inoobserbahan ang pagbilang, pagsubok, at pagliglig sa Israel at nakikita na ang masuwayin at mapaghimagsik na landas ng bansa ay nagdiriin ng mahalagang pangangailangan na sumunod kay Jehova.

10. Sa kapakinabangan nino naingatan ang Mga Bilang, at bakit?

10 Ang ulat ay iningatan sa kapakinabangan ng susunod na mga lahi, gaya ng paliwanag ni Asaph, “upang mailagak ang kanilang tiwala sa Diyos at huwag makaligtaan ang mga gawa ng Diyos kundi ingatan ang kaniyang mga utos” at upang “sila ay huwag maging gaya ng kanilang mga ninuno, isang lahing matigas-ang-ulo at mapaghimagsik, isang lahing di-matuwid ang puso at ang espiritu ay hindi tapat sa Diyos.” (Awit 78:7, 8) Muli’t-muli, ang mga kaganapan sa Mga Bilang ay binabanggit ng mga salmo, na naging sagradong awitin ng mga Judio at malimit ulitin sa kapakinabangan ng bansa.​—Awit 78, 95, 105, 106, 135, 136.

NILALAMAN NG MGA BILANG

11. Sa anong tatlong bahagi maaaring hatiin ang mga nilalaman ng Mga Bilang?

11 Ang Mga Bilang ay makatuwirang nahahati sa tatlong bahagi. Ang una, na nagtatapos sa kabanata 10, talatang 10, ay sumasaklaw sa mga kaganapan nang ang mga Israelita ay nagkakampo pa sa Bundok Sinai. Ang ikalawa, na nagtatapos sa kabanata 21, ay nagsasabi kung ano ang nangyari sa kasunod na 38 taon at isa o dalawang buwan pa, nang sila ay nasa ilang at hanggang makarating sila sa Kapatagan ng Moab. Ang huling bahagi, hanggang kabanata 36, ay tungkol sa mga pangyayari sa Kapatagan ng Moab habang ang mga Israelita ay naghahandang pumasok sa Lupang Pangako.

12. Gaano kalaki ang kampo ng Israel sa Sinai, at papaano ito inorganisa?

12 Mga kaganapan sa Bundok Sinai (1:1–​10:10). Isang taon na ang Israel sa bulubundukin ng Sinai. Nahubog sila upang maging isang mahigpit na nabubuklod na organisasyon. Sa utos ni Jehova ay binilang ang lahat ng lalaking 20 anyos pataas. Ang pinakamaliit na tribo ay ang 32,200 matipunong lalaki ng Manasses at ang pinakamalaki ay ang 74,600 ng Juda, lahat-lahat ay 603,550 lalaki na kuwalipikadong maging sundalo sa Israel, bukod pa sa mga Levita at mga babae at bata​—isang kampamento na bumilang marahil ng tatlong milyon o higit pa. Ang tabernakulo ng kapisanan, at maging ang mga Levita, ay nasa sentro ng kampo. Ang ibang Israelita ay nasa takdang dako sa paligid ng kampo, sa tigatlong tribong mga pangkat, at bawat tribo ay tinagubilinan sa sunud-sunod na pagmartsa. Si Jehova ang naglaan ng mga tagubilin at ang ulat ay nagsasabi: “Ginawa ng Israel ang ayon sa lahat ng iniutos ni Jehova kay Moises.” (2:34) Sumunod sila kay Jehova at nagpakita ng paggalang kay Moises, ang nakikitang kinatawan ng Diyos.

13. Anong kaayusan ang sinunod sa pag-aatas sa mga Levita?

13 Ang mga Levita ay ibinukod sa paglilingkod kay Jehova, bilang pantubos sa panganay ng Israel. Pinagtatlong pangkat sila, ayon sa tatlong anak ni Levi: sina Gerson, Kohat, at Merari. Ang mga lokasyon sa kampo at atas ng paglilingkod ay ipinasiya salig sa pagkapangkat-pangkat na ito. Ang mga may edad 30 pataas ay inatasan sa mabigat na gawain ng paglilipat ng tabernakulo. Para sa mas magaang na trabaho, gumawa ng kaayusan upang makapaglingkod ang mga nasa edad 25. (Noong panahon ni David ibinaba ito upang maging 20 taon.)​—1 Cron. 23:24-32; Ezra 3:8.

14. Anong mga tagubilin ang tumiyak sa kalinisan ng kampo?

14 Upang manatiling malinis ang kampo, iniutos ang pagkuwarantenas sa mga maysakit, pagtubos sa mga pagkakasala, paglutas sa mga kaso ng paghihinala ng lalaki sa kaniyang asawa, at pagtiyak sa wastong paggawi niyaong mga nanata na maging Nazareo ukol kay Jehova. Yamang ang pangalan ng Diyos ay nasa bayan, dapat silang gumawi na kasuwato ng mga utos niya.

15. (a) Kaugnay ng pagpapasinaya sa dambana, anong mga abuloy ang ibinigay? (b) Anong kaugnayan ang dapat tandaan ng Israel, at sa ano magsisilbing alaala ang Paskuwa?

15 Matapos idagdag ang ilang detalye mula sa nakaraang buwan (Bil. 7:1, 10; Exo. 40:17), iniuulat ni Moises ang abuloy na materyales mula sa 12 pinuno ng bayan sa loob ng 12 araw mula nang pasinayaan ang dambana. Doo’y walang pagpapaligsahan o paghahangad ng sariling kaluwalhatian; bawat isa ay nag-abuloy ng pare-parehong halaga. Dapat tandaan na ang Diyos na Jehova, na nagbigay-tagubilin kay Moises, ay mas mataas kaysa mga pinunong ito, at mas mataas din kay Moises. Hindi nila dapat kaligtaan ang kaugnayan nila kay Jehova. Ang Paskuwa ay magsisilbing alaala ng kahanga-hanga nilang pagkatubos sa Ehipto, at ipinagdiriwang nila ito sa ilang sa takdang panahon, isang taon matapos lisanin ang Ehipto.

16. Papaano inakay ni Jehova ang bansa, at anong mga hudyat ng trumpeta ang isinaayos?

16 Kung papaano niya inakay ang Israel papalabas sa Ehipto, gayon ipinagpatuloy ni Jehova ang pag-aakay sa naglalakbay na bansa sa pamamagitan ng ulap na tumatakip sa tabernakulo ng kapisanan ng Patotoo kung araw at ng apoy pagka gabi. Kapag lumalakad ang ulap, lumalakad din ang bayan. Kapag ang ulap ay nanatili sa ibabaw ng tabernakulo, ang bansa ay nanatiling nagkakampo, iyon ma’y sa iilang araw o isang buwan o higit pa, sapagkat sinasabi ng ulat: “Sa utos ni Jehova ay humimpil sila, at sa utos ni Jehova ay naglakbay sila. Tinupad nila ang kanilang obligasyon kay Jehova ayon sa utos ni Jehova sa pamamagitan ni Moises.” (Bil. 9:23) Habang papalapit ang paglisan nila sa Sinai, ang mga hudyat ng trumpeta ay isinaayos upang tipunin ang bayan at upang pangasiwaan ang iba’t-ibang pangkat sa paglalakbay sa ilang.

17. Ilarawan ang kaayusan sa pagmamartsa.

17 Mga kaganapan sa ilang (10:11–​21:35). Sa wakas, sa ika-20 araw ng ikalawang buwan, ang ulap ay itinaas ni Jehova sa ibabaw ng tabernakulo, upang ihudyat ang paglisan ng Israel sa Sinai. Taglay ang kaban ng tipan ni Jehova, lumisan sila tungo sa Kades-barnea, mga 240 kilometro pahilagâ. Sa pagmamartsa nila kung araw, ang ulap ni Jehova ay nakayungyong sa kanila. Tuwing ilalabas ang Kaban, si Moises ay nananalangin na si Jehova ay bumangon at pangalatin ang mga kaaway, at tuwing ito ay ilalapag, nananalangin siya na si Jehova ay bumalik “sa laksa-laksang lilibuhin ng Israel.”​—10:36.

18. Anong pagrereklamo ang bumangon nang patungo sila sa Kades- barnea, at papaano binago ni Jehova ang teokratikong kaayusan sa kampo?

18 Subalit, nagkagulo sa kampo. Habang naglalakbay pahilaga tungo sa Kades-barnea, tatlong beses bumangon ang pagrereklamo. Upang masugpo ang una, nagpadala si Jehova ng apoy na lumipol sa mga reklamador. Pagkatapos, “ang haluang pulutong” ay humimok sa Israel na dumaing pagkat sabik na sila sa mga isda, pipino, pakwan, puero, sibuyas at bawang ng Ehipto, puro na lamang maná. (11:4) Lubhang naaburido si Moises kaya hiniling niya na patayin na siya ni Jehova upang huwag na siyang maging sisiwa sa buong bayan. Bilang konsiderasyon, kinuha ni Jehova ang bahagi ng espiritung na kay Moises at ibinigay sa 70 matatanda, na nakatulong ni Moises bilang mga propeta sa kampo. Dumating ang saganang karne. Gaya noong nauna, itinaboy ng hangin mula kay Jehova ang napakaraming pugo, na hayuk-na-hayok na sinunggaban ng bayan at buong-kasakimang nag-imbak ng labis-labis. Nagsiklab ang galit ni Jehova laban sa bayan, at pinuksa ang marami dahil sa katakawan.​—Exo. 16:2, 3, 13.

19. Papaano pinakitunguhan ni Jehova ang pagpuna nina Miriam at Aaron?

19 Nagpatuloy ang gulo. Dahil sa di-wastong pagtrato sa mas bata nilang kapatid, si Moises, bilang kinatawan ni Jehova, pinintasan nina Miriam at Aaron ang kaniyang asawa, na kararating pa lamang sa kampo. Humingi sila ng higit na kapangyarihan, kapantay niyaong kay Moises, bagaman “si Moises ang pinakamaamo sa lahat ng tao sa ibabaw ng lupa.” (Bil. 12:3) Si Jehova mismo ang nagtuwid sa suliranin at ipinagbigay-alam na si Moises ay may natatanging katayuan, kaya sinalot ng ketong si Miriam, na malamang ay siyang pasimuno nito. Gumaling lamang siya nang mamagitan si Moises.

20, 21. Bakit hinatulan ni Jehova ang Israel na maglagalag nang 40 taon sa ilang?

20 Sa Kades, nagkampo ang Israel sa bukana ng Lupang Pangako. Nagpasugo si Jehova kay Moises ng mga tiktik upang manmanan ang lupain. Pumasok sila mula sa timog, naglakbay pahilagâ hanggang sa “pasukan ng Hamat,” at naglakad ng daan-daang milya sa loob ng 40 araw. (13:21) Nang bumalik sila dala ang matatabang prutas ng Canaan, sampung tiktik ang walang-pananampalatayang nagsabi na hindi matalinong lumaban sa napakalakas na bayan sa mga lungsod na nakukutaan. Sinikap ni Caleb na payapain ang bayan sa pamamagitan ng kaaya-ayang ulat, subalit walang nangyari. Ang mapaghimagsik na mga tiktik ay naghasik ng sindak sa puso ng mga Israelita, at inangkin na ang lupain ay “kumakain ng mga tumatahan doon” at nagsabi, “Lahat ng taong nakita namin doon ay napakalalakí.” Habang kumakalat sa kampamento ang banta ng paghihimagsik, nakiusap sina Josue at Caleb, “Si Jehova ay sumasa-atin. Huwag kayong matakot sa kanila.” (13:32; 14:9) Gayunman, gusto ng kapisanan na batuhin sila.

21 Tuwirang nakialam si Jehova, at sinabi kay Moises: “Hanggang kailan ako hahamakin ng bayang ito, at hanggang kailan sila mawawalan ng pananampalataya sa akin sa kabila ng mga tanda na aking ipinakita sa kanila?” (14:11) Nakiusap si Moises na huwag lipulin ang bayan, yamang nasasangkot ang pangalan at katanyagan ni Jehova. Kaya ipinasiya ni Jehova na ang Israel ay lumaboy sa ilang hanggang mamatay ang lahat ng naitala, mula sa edad na 20 pataas. Sa mga naitala, tanging sina Caleb at Josue ang papasok sa Lupang Pangako. Nabigo ang bayan na pumasok sa ganang sarili, at kahabag-habag ang pagkatalo nila sa kamay ng mga Amalekita at Cananeo. Napakalaking halaga ang ibinayad ng bayan sa kawalang-galang nila kay Jehova at sa kaniyang tapat na mga kinatawan!

22. Sa papaanong mga paraan idinidiin ang halaga ng pagsunod?

22 Oo, malaki pa ang dapat nilang matutuhan tungkol sa pagsunod. Angkop lamang na sila ay bigyan ni Jehova ng karagdagang mga batas na nagdidiin nito. Sinabi niya na pagdating sa Lupang Pangako, dapat nilang tubusin ang kanilang pagkakasala, subalit ang mga kusang sumusuway ay tiyak na lilipulin. Kaya, nang ang isang lalaki ay masumpungang namumulot ng kahoy bilang paglabag sa batas ng Sabbath, nag-utos si Jehova: “Siya ay walang pagsalang papatayin.” (15:35) Bilang paalaala sa mga utos ni Jehova at sa halaga ng pagtalima rito, inutusan ni Jehova ang bayan na lagyan ng mga palawit ang laylayan ng kanilang damit.

23. Ano ang ibinunga ng paghihimagsik nina Kore, Datan, at Abiram?

23 Gayunman, muling sumiklab ang paghihimagsik. Sina Kore, Datan, Abiram, at 250 bantog na lalaki ay nagpisan laban kina Moises at Aaron. Iniharap ni Moises ang suliranin kay Jehova, at sinabi sa mga rebelde: ‘Kumuha kayo ng mga suuban at ng kamangyan at iharap ang mga ito kay Jehova, at hayaan siyang pumili.’ (16:6, 7) Ipinakita ni Jehova sa buong kapulungan ang kaluwalhatian niya. Agad niyang iginawad ang kahatulan, anupat ang lupa ay bumuka at nilamon ang mga sambahayan nina Kore, Datan, at Abiram, at lumabas ang apoy upang sunugin ang 250 lalaki, kabilang si Kore, na naghandog ng kamangyan. Kinabukasan, sinisi ng bayan sina Moises at Aaron dahil sa ginawa ni Jehova, at muli ay Kaniyang hinampas sila, at nilipol ang 14,700 mapaghimagsik.

24. Anong tanda ang ibinigay ni Jehova upang wakasan ang paghihimagsik?

24 Dahil sa mga kaganapang ito, iniutos ni Jehova na bawat tribo ay magdala ng isang tungkod sa harapan niya, pati na ang tungkod ni Aaron para sa tribo ni Levi. Kinabukasan si Aaron ang napili ni Jehova sa pagkasaserdote, pagkat tungkod lamang niya ang namulaklak at nagbunga ng hinog na mga almendro. Iingatan ito sa kaban ng tipan “bilang tanda sa mga anak ng paghihimagsik.” (Bil. 17:10; Heb. 9:4) Matapos ang karagdagang mga tagubilin sa pagtangkilik sa pagkasaserdote sa pamamagitan ng mga ikapu at tungkol sa panglinis na tubig na may abo ng isang pulang guya, ang ulat ay nagbabalik sa Kades. Doo’y namatay at inilibing si Miriam.

25. Papaano nabigo sina Moises at Aaron na pakabanalin si Jehova, at ano ang ibinunga?

25 Sa bukana ng Lupang Pangako, si Moises ay muling inaway ng bayan dahil sa kawalan ng tubig. Itinuring ni Jehova na ito ay pakikipag-away sa Kaniya, kaya ipinakita Niya ang Kaniyang kaluwalhatian, at inutusan ni Moises na kunin ang tungkod at magpalabas ng tubig sa bato. Nag-ukol ba ng kabanalan sina Moises at Aaron kay Jehova? Sa galit, makalawang hinampas ni Moises ang bato. Ang bayan at ang mga kawan ay nakakuha ng tubig, subalit sina Moises at Aaron ay hindi nagparangal kay Jehova. Bagaman magtatapos na ang nakapanlulumong paglalakbay, ang dalawa ay hindi sinang- ayunan ni Jehova at hindi sila pinapasok sa Lupang Pangako. Nang maglaon namatay si Aaron sa Bundok ng Hor, at ang anak niyang si Eleazar ang humalili bilang mataas na saserdote.

26. Anong mga pangyayari ang nagbunga ng paglibot sa Edom?

26 Lumiko ang Israel sa silangan at sinikap na tumawid sa lupain ng Edom subalit hinadlangan sila. Habang nililigid ang Edom, muling nagkagulo ang bayan at nagreklamo laban sa Diyos at kay Moises. Sawâ na sila sa maná, at sila ay nauuhaw. Dahil sa kanilang paghihimagsik ay nagpalabas si Jehova ng makamandag na mga ahas at marami ang namatay. Nang mamagitan si Moises, nagpagawa si Jehova sa kaniya ng tansong ahas na ipapatong sa tulos. Ang mga natuklaw ay mabubuhay kung sila’y tititig sa tansong ahas. Sa pagpapatuloy sa hilaga, inabala ang mga Israelita ng magkasunod na mapagdigmang haring Sihon ng mga Amoreo at ni Og ng Basan. Tinalo sila ng Israel, at sinakop ang kanilang mga teritoryo sa silangan ng Rift Valley.

27. Papaano sinalungat ni Jehova ang plano ni Balak para kay Balaam?

27 Mga kaganapan sa Kapatagan ng Moab (22:1–​36:13). Sabik nang makapasok sa Canaan, ang Israel ay nagkampo sa tigang na kapatagan ng Moab, sa hilaga ng Dagat na Patay at sa silangan ng Jordan sa ibayo ng Jerico. Sinaklot ng masidhing takot ang mga Moabita nang makita ang napakalaking hukbong ito. Matapos sumangguni sa mga Midianita, si Balaam ay ipinasundo ng kanilang haring si Balak upang humula ng pagsumpa sa Israel. Bagaman tuwirang sinabi ng Diyos kay Balaam na “Huwag kang sumama,” ay gusto pa rin niya. (22:12) Gusto niya ng pabuya. Nang sumama siya, pinigil siya ng isang anghel at ang sarili niyang asno ay makahimalang nagsalita upang sawayin siya. Nang ituloy ni Balaam ang paghula laban sa Israel, inudyukan siya ng espiritu ng Diyos, kaya ang kaniyang apat na kawikaan ay pawang naging pagpapala sa bayan ng Diyos, at inihula na isang bituin ang lalabas sa Jacob at isang setro ang babangon sa Israel upang manakop at magwasak.

28. Anong tusong pakana ang iminungkahi ni Balaam laban sa Israel, ngunit papaano napahinto ang salot?

28 Matapos pasiklabin ang galit ni Balak sa pagkabigong sumpain ang Israel, sinuyo ni Balaam ang hari at iminungkahing gamitin ang mga babaeng Moabita upang tuksuhin ang mga lalaki ng Israel sa malalaswang rituwal ng pagsamba kay Baal. (31:15, 16) Dito, sa mismong hangganan ng Lupang Pangako, ang mga Israelita ay nahulog sa napakahalay na imoralidad at pagsamba sa huwad na mga diyos. Sa galit ni Jehova ay nagpadala siya ng isang salot, kaya iniutos ni Moises na parusahan ang mga makasalanan. Nang makita ni Pinehas, anak ng mataas na saserdote, na ang anak ng isang pinuno ay nagdala ng babaeng Midianita sa kaniyang tolda sa loob mismo ng kampo, sumugod siya at pinatay sila, na tinuhog sila ng sibat. Kaya huminto ang salot, pagkatapos pumatay ng 24,000.

29. (a) Ano ang ipinakita ng pagbilang sa katapusan ng ika-40 taon? (b) Anong paghahanda ang ginawa bago pumasok sa Lupang Pangako?

29 Inutusan ni Jehova sina Moises at Eleazar na bilangin uli ang mga tao, gaya ng ginawa 39 na taon na ang nakalipas sa Bundok Sinai. Ipinakita ng huling bilang na hindi sila naragdagan. Sa halip, ang naitalang mga lalaki ay kulang pa ng 1,820. Sa mga naitala sa Sinai para sa hukbong sandatahan, walang nalabi liban kina Jose at Caleb. Gaya ng ipinahiwatig ni Jehova, silang lahat ay namatay sa ilang. Nagbigay ngayon si Jehova ng mga tagubilin sa paghahati ng lupain bilang mana. Inulit niya na si Moises ay hindi papasok sa Lupang Pangako dahil sa pagkabigong pakabanalin si Jehova sa mga tubig ng Meriba. (20:13; 27:14, mga talababa) Si Josue ay inatasan bilang kahalili ni Moises.

30. Papaano pinapagsulit ang mga Midianita, at anong atas ng teritoryo ang ginawa sa silangan ng Jordan?

30 Sa pamamagitan ni Moises, ipinaalaala ni Jehova sa Israel ang halaga ng Kaniyang mga batas hinggil sa mga hain at mga kapistahan at sa kaselangan ng mga panata. Inutusan din niya si Moises na papagsulitin ang mga Midianita dahil sa paghikayat sa Israel kay Baal ng Peor. Namatay sa digmaan ang lahat ng lalaking Midianita, kasama na si Balaam, at mga dalaga lamang ang iniligtas, 32,000 sa mga ito ang dinalang bihag kasama ang samsam na naglakip ng 808,000 hayop. Wala isa mang Israelita na namatay sa digmaan. Ang teritoryo sa silangan ng Jordan ay hiningi ng mga anak ni Ruben at Gad na mga pastol ng hayop, at nang pumayag sila na tumulong sa paglupig sa Lupang Pangako, ang kahilingan nila ay ibinigay, kaya sa dalawang tribong ito, kasama ang kalahati ng tribo ni Manasses, ay ibinigay ang mayamang talampas na ito bilang pag-aari.

31. (a) Sa pagpasok sa lupain, papaano patuloy na ipakikita ng Israel ang pagsunod? (b) Anong tagubilin ang ibinigay tungkol sa mga mana ng tribo?

31 Matapos repasuhin ang mga dakong kanilang hinintuan sa 40-taóng paglalakbay, ang ulat ay muling tumatawag-pansin sa pangangailangang sumunod kay Jehova. Ibibigay ng Diyos ang lupain, ngunit dapat silang maging mga tagapuksa Niya, at palayasin ang ubod-samâ, sumasamba-sa-demonyong mga mamamayan doon at pawiin ang lahat ng bakas ng kanilang idolatrosong relihiyon. Isinaad ang detalyadong mga hangganan ng kanilang bigay-Diyos na lupain. Paghahatian nila ito sa pamamagitan ng pagpapalabunutan. Ang mga Levita, na walang manang lupa, ay bibigyan ng 48 lungsod na may pastulan, 6 dito ay mga lungsod-kanlungan para sa di-sinasadyang nakapatay. Ang teritoryo ay mananatiling pag-aari ng tribo, at kailanma’y hindi ililipat sa iba dahil sa pag-aasawa. Kung walang lalaking tagapagmana, ang mga anak na babaeng tagapagmana​—halimbawa, ang mga anak ni Salpahad​—ay dapat mag-asawa sa loob ng sariling tribo. (27:1-11; 36:1-11) Nagtatapos ang Mga Bilang sa paglalahad ng mga utos na ito ni Jehova sa pamamagitan ni Moises at samantalang ang mga anak ni Israel ay naghihintay nang pumasok sa Lupang Pangako.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

32. Sa Mga Bilang, papaano inilarawan si Jesus at ang kaniyang hain?

32 Maraming beses tumukoy si Jesus sa Mga Bilang, at malinaw na ipinakita ng kaniyang mga apostol at iba pang manunulat sa Bibliya na ito ay makahulugan at kapaki-pakinabang. Tuwirang inihambing ni apostol Pablo ang tapat na paglilingkod ni Jesus sa paglilingkod ni Moises, na ang kalakhan ay nakaulat sa Mga Bilang. (Heb. 3:1-6) Sa mga handog na hayop at pagwiwisik ng mga abo ng pulang guya sa Bilang 19:2-9, muli nating nakikita ang larawan ng mas dakilang paglalaan ng paglilinis sa pamamagitan ng hain ni Kristo.​—Heb. 9:13, 14.

33. Bakit tayo dapat maging interesado sa pagpapalabas ng tubig sa ilang?

33 Kahawig nito, ipinakita ni Pablo na makahulugan ang pagpapalabas ng tubig mula sa bato sa ilang, sa pagsasabing: “ Uminom sila mula sa espirituwal na bunton-ng-bato na sumunod sa kanila, at ang bunton-ng-bato ay ang Kristo.” (1 Cor. 10:4; Bil. 20:7-11) Kaya, angkop na si Kristo mismo ang magsabi: “Sinomang uminom ng tubig na ibibigay ko ay hindi kailanman mauuhaw, ngunit ang tubig na sa kaniya’y ibibigay ko ay magiging isang bukal ng tubig na sa kaniya’y bumubukal ng buhay na walang-hanggan.”​—Juan 4:14.

34. Papaano ipinakita ni Jesus na ang tansong ahas ay may makahulang kahulugan?

34 Si Jesus ay tuwiran ding tumukoy sa isang pangyayaring nakaulat sa Mga Bilang na lumarawan sa kamangha-manghang paglalaan na gagawin ng Diyos sa pamamagitan niya. “Kung papaanong itinaas ni Moises ang ahas sa ilang,” aniya, “ay gayon din itataas ang Anak ng tao, upang ang sinomang sumampalataya sa kaniya ay magkaroon ng buhay na walang-hanggan.”​—Juan 3:14, 15; Bil. 21:8, 9.

35. (a) Laban sa ano dapat mag-ingat ang mga Kristiyano, gaya ng inilarawan ng mga Israelita sa ilang, at bakit? (b) Sa kanilang mga liham, anong halimbawa ng kasakiman at paghihimagsik ang tinukoy nina Judas at Pedro?

35 Bakit hinatulan ang Israel na lumaboy nang 40 taon sa ilang? Dahil sa kawalan ng pananampalataya. Si apostol Pablo ay mariing nagpayo: “Mag-ingat kayo, mga kapatid, baka tubuan ang sinoman sa inyo ng isang masamang puso na walang pananampalataya at lumayô sa nabubuhay na Diyos; ngunit kayo’y patuloy na mag-udyukan sa isa’t-isa bawat araw.” Dahil sa kawalan ng pananampalataya at pagsuway, ang mga Israelita ay namatay sa ilang. “Sikapin nga nating makapasok sa kapahingahan [ng Diyos], baka mahulog ang sinoman sa gayon ding paraan ng pagsuway.” (Heb. 3:7–​4:11; Bil. 13:25–​14:38) Bilang babala sa mga lumalapastangan sa banal na mga bagay, tinukoy ni Judas ang kasakiman ni Balaam sa pabuya at ang paghihimagsik ni Kore laban kay Moises na lingkod ni Jehova. (Jud. 11; Bil. 22:7, 8, 22; 26:9, 10) Si Balaam ay tinukoy din ni Pedro bilang ang “umibig sa gantimpala ng masama,” at ng niluwalhating si Jesus sa kaniyang kapahayagan kay Juan, bilang ang ‘naglagay ng katitisuran ng idolatriya at pakikiapid sa harapan ng Israel.’ Ang kongregasyong Kristiyano ngayon ay dapat mabigyan ng babala laban sa masasamang taong ito.​—2 Ped. 2:12-16; Apoc. 2:14.

36. Nagbabala si Pablo laban sa anong kapaha-pahamak na gawain, at papaano tayo makikinabang dito?

36 Nang bumangon ang imoralidad sa kongregasyon ng Corinto, sinulatan sila ni Pablo laban sa “pagnanasa ng mga bagay na masama,” na tuwirang tinutukoy ang Mga Bilang. Nagpayo siya: “Huwag din tayong makiapid, gaya ng ilan sa kanila na nakiapid, sapagkat sila’y nabuwal, dalawampu’t tatlong libo sa isang araw lamang.” (1 Cor. 10:6, 8; Bil. 25:1-9; 31:16) b Kumusta ang reklamo ng bayan na ang mga utos ng Diyos ay pabigat at na sawang-sawa na sila sa paglalaan ni Jehova ng maná? Tungkol dito, si Pablo ay nagsasabi: “Huwag din nating ilagay si Jehova sa pagsubok, gaya ng ilan sa kanila na naglagay sa kaniya sa pagsubok, at napahamak dahil sa mga ahas.” (1 Cor. 10:9; Bil. 21:5,6) Nagpatuloy si Pablo: “Huwag din kayong magbulong-bulungan, gaya ng ilan sa kanila na nagbulungan at napahamak sa pamamagitan ng tagapuksa.” Napakapait ang karanasan ng Israel dahil sa pagrereklamo kay Jehova, sa kaniyang mga kinatawan, at paglalaan! Ang mga bagay na ito na “nagsilbing halimbawa sa kanila” ay dapat maging malinaw na babala sa atin ngayon, upang patuloy tayong makapaglilingkod kay Jehova sa pananampalataya.​—1 Cor. 10:10, 11; Bil. 14:2, 36, 37; 16:1-3, 41; 17:5, 10.

37. Ilarawan kung papaano tumutulong ang Mga Bilang sa pag-unawa ng ibang talata sa Bibliya.

37 Naglalaan din ang Mga Bilang ng impormasyon na tutulong upang higit pang maunawaan ang maraming talata sa Bibliya.​—Bil. 28:9, 10​—Mat. 12:5; Bil. 15:38​—Mat. 23:5; Bil. 6:2-4​—Luc. 1:15; Bil. 4:3​—Luc. 3:23; Bil. 18:31​—1 Cor. 9:13, 14; Bil. 18:26​—Heb. 7:5-9; Bil. 17:8-10​—Heb. 9:24.

38. Sa anong partikular na mga paraan kapaki-pakinabang ang aklat ng Mga Bilang, at saan nito inaakay ang ating pansin?

38 Ang ulat ng Mga Bilang ay tunay na kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng halaga ng pagsunod kay Jehova at paggalang sa mga inilagay niyang tagapangasiwa sa kaniyang bayan. Sa pamamagitan ng halimbawa ay nagtutuwid ito ng pagkakamali, at sa mga kaganapan na may makahulang kahalagahan ay inaakay ang pansin sa Isa na inilaan ni Jehova bilang Tagapagligtas at Lider ng bayan Niya ngayon. Naglalaan ito ng mahalaga at nakapagtuturong kawing sa pagtatatag ng matuwid na Kaharian ni Jehova sa kamay ni Jesu-Kristo, ang inatasan Niyang Tagapamagitan at Mataas na Saserdote.

[Mga talababa]

a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 540-2.

b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 233.

[Mga Tanong sa Aralin]