Aklat ng Bibliya Bilang 47—2 Corinto
Aklat ng Bibliya Bilang 47—2 Corinto
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Macedonia
Natapos Isulat: c. 55 C.E.
1, 2. (a) Ano ang umakay kay Pablo upang isulat ang ikalawang liham sa Corinto? (b) Mula saan sumulat si Pablo, at nabahala siya ukol sa ano?
MALAMANG ay patapos na ang tag-araw o pasimula na ng taglagas ng 55 C.E. May ilan pang suliranin sa kongregasyon sa Corinto na nakababahala kay apostol Pablo. Iilang buwan pa lamang mula nang isulat niya ang unang liham sa mga taga-Corinto. Naisugo na roon si Tito upang tumulong sa paglikom ng abuloy para sa mga nasa Judea at malamang na upang obserbahan din ang reaksiyon ng mga taga-Corinto sa unang liham. (2 Cor. 8:1-6; 2:13) Papaano nila tinanggap ito? Naaliw si Pablo nang malamang sila’y nalungkot at nagsisi! Nagbalik si Tito kay Pablo sa Macedonia taglay ang mabuting ulat na ito, at nag-uumapaw sa pag-ibig ang puso ng apostol para sa kaniyang minamahal na mga kapananampalataya sa Corinto.—7:5-7; 6:11.
2 Kaya muling sumulat si Pablo sa mga taga-Corinto. Sa Macedonia isinulat ang nakapagpapasigla at mariing ikalawang liham na ito na malamang na ipinadala kay Tito. (9:2, 4; 8:16-18, 22-24) Isa sa mga dahilan ng pagsulat ni Pablo ay ang pag-iral ng “lubhang dakilang mga apostol” sa Corinto, na tinawag niyang “mga bulaang apostol, mga magdarayang manggagawa.” (11:5, 13, 14) Nanganganib ang espirituwal na kapakanan ng batambatang kongregasyon, at hinahamon ang kapamahalaan ni Pablo bilang apostol. Kaya ang ikalawa niyang liham sa Corinto ay tumugon sa isang malaking pangangailangan.
3, 4. (a) Anong mga pagdalaw ang ginawa mismo ni Pablo sa Corinto? (b) Papaano kapaki-pakinabang sa atin ngayon ang Ikalawang Corinto?
3 Pansinin na sinabi ni Pablo: “Ikatlong beses nang ako’y handang pumariyan.” (2 Cor. 12:14; 13:1) Binalak niyang dumalaw uli nang isulat niya ang unang liham ngunit bagaman naghanda siya ay hindi natuloy ang “ikalawang pagkakataon ng pagsasaya.” (1 Cor. 16:5; 2 Cor. 1:15) Kaya minsan lamang nakarating doon si Pablo sa loob ng mga 18 buwan noong 50-52 C.E., nang ang kongregasyong Kristiyano ay itatag sa Corinto. (Gawa 18:1-18) Gayunman, natupad din nang maglaon ang hangarin niya na bumalik sa Corinto. Sa tatlong buwan niyang paglagi sa Gresya, noong mga 56 C.E., ginugol niya ang bahagi ng panahong ito sa Corinto, at mula roo’y isinulat niya ang liham sa mga taga-Roma.—Roma 16:1, 23; 1 Cor. 1:14.
4 Ang Ikalawang Corinto ay laging kasama ng Unang Corinto at ng iba pang liham ni Pablo sa tunay na kanon ng Bibliya. Muli tayong makakasilip sa loob ng kongregasyon upang makinabang sa kinasihang salita ni Pablo na nagsilbing payo sa kanila at sa atin din naman.
NILALAMAN NG IKALAWANG CORINTO
5. (a) Ano ang isinulat ni Pablo tungkol sa kaaliwan? (b) Ano ang pinangyari ni Kristo na nagdudulot ng karagdagang katiyakan?
5 Tulong mula “sa Diyos ng buong kaaliwan” (1:1–2:11). Si Timoteo ay isinasama ni Pablo sa pambungad na pagbati. Sinabi ni Pablo na “Purihin nawa ang Ama ng mga kaawaan at Diyos ng buong kaaliwan, na siyang umaaliw sa atin sa lahat ng kapighatian,” upang maaliw rin natin ang iba. Bagaman sina Pablo ay dumanas ng malubhang kagipitan at nanganib ang buhay, sila ay iniligtas ng Diyos. Makakatulong din ang panalangin ng mga taga-Corinto alang-alang sa kanila. Sumusulat siya taglay ang tiwala sa kaniyang kataimtiman at sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos. Ang mga pangako ng Diyos ay naging “Oo” dahil kay Jesus, at ang lahat ng na kay Jesus ay pinahiran Niya at pinagkalooban ng “patotoo hinggil sa darating, alalaong baga, ang espiritu.”—1:3, 4, 20, 22.
6. Ano ang ipinayo ni Pablo na dapat gawin sa isang natiwalag na nagsisisi?
6 Natiwalag ang tao na tinukoy ni Pablo sa ikalimang kabanata ng unang liham niya. Ito ay nagsisi at nagpapamalas ng kalungkutan. Kaya sinasabi ni Pablo sa kanila na pagpakitaan ito ng tunay na pagpapatawad at pagtibayin ang kanilang pag-ibig sa nagsisisi.
7. Papaano inilalarawan ni Pablo ang sarili at ang mga taga-Corinto, at ano ang tinitiyak niya?
7 Karapat-dapat na mga ministro ng bagong tipan (2:12–6:10). Inilalarawan ni Pablo ang sarili at ang mga Kristiyano sa Corinto sa isang matagumpay na prusisyon kasama ni Kristo. (Pamilyar ang mga taga-Corinto sa amoy ng mabangong insenso sa sinaunang mga prusisyon ng matagumpay na mga hukbo.) Malaki ang pagkakaiba ng “amoy” ng Kristiyano para sa mga magkakamit ng buhay at ng “amoy” para sa mga mapapahamak. “Hindi tayo tagapaglako ng salita ng Diyos,” tiniyak ni Pablo.—2:16, 17.
8. (a) Anong patotoo sa pagiging-ministro ang taglay ni Pablo at ng mga kamanggagawa niya? (b) Papaano nakahihigit ang ministeryo ng bagong tipan?
8 Sina Pablo ay hindi nangangailangan ng mga katibayan, nasusulat na liham ng patotoo, para o mula sa mga taga-Corinto. Ang mga taga-Corinto mismo ang kanilang liham ng patotoo, isinulat “namin bilang mga ministro” at iniukit, hindi sa mga tapyas ng bato, kundi “sa mga tapyas ng laman, sa puso,” sabi ni Pablo. Ang mga ministro ng bagong tipan ay pinaging karapat-dapat ng Diyos. Ang nasusulat na kautusan ay umaakay sa kamatayan, naglalaho at may pansamantalang kaluwalhatian. Sa kabilang dako, ang espiritu ay umaakay sa buhay, walang-hanggan, at sagana sa kaluwalhatian. Kapag “binabasa si Moises,” nalalambungan ang puso ng mga anak ni Israel, subalit naaalis ang lambong kapag bumabaling kay Jehova at sila’y “nababago sa larawan ding yaon mula sa kaluwalhatian tungo sa kaluwalhatian.”—3:3, 15, 18.
9. Papaano inilalarawan ni Pablo ang kayamanan ng ministeryo?
9 Nagpapatuloy si Pablo: ‘Taglay namin ang ministeryong ito dahil sa awang ipinakita sa amin. Itinakwil namin ang kahiya-hiyang mga bagay na nalilihim at hindi namin binantuan ang salita ng Diyos kundi itinatagubilin ang sarili sa paghahayag ng katotohanan. Nalalambungan ang mabuting balita sapagkat binulag ng diyos ng sanlibutan ang isipan ng mga di-sumasampalataya. Gayunman, ang aming puso ay naliwanagan ng maluwalhating kaalaman ng Diyos sa pamamagitan ng mukha ni Kristo. Napakadakila ng kayamanang ito! Ito’y nasa mga sisidlang lupa upang ang kapangyarihan na higit-sa- karaniwan ay magmula sa Diyos. Sa pag-uusig at panggigipit, oo, sa harap mismo ng kamatayan, nananampalataya kami at di-nanghihimagod, sapagkat ang pansamantalang kapighatian ay umaakay sa kaluwalhatian na higit na matimbang at walang-hanggan. Kaya tumitingin kami sa mga bagay na hindi nakikita.’—4:1-18.
10. (a) Ano ang sinasabi ni Pablo sa mga kaisa ni Kristo? (b) Papaano itinatagubilin ni Pablo ang sarili bilang ministro ng Diyos?
10 ‘Batid namin,’ ani Pablo, ‘na ang aming makalupang bahay ay hahalinhan ng isa na walang-hanggan sa mga langit. Samantala, kami’y nananampalataya at may tibay-loob. Bagaman malayo kay Kristo, sinisikap naming makalugod sa kaniya.’ (5:1, 7-9) Ang mga kaisa ni Kristo ay “bagong nilalang” at nagtataglay ng ministeryo ng pagkakasundo. Sila’y “mga embahador na kumakatawan kay Kristo.” (5:17, 20) Sa bawat paraan ay pinatutunayan ni Pablo na siya’y ministro ng Diyos. Papaano? ‘Sa pagtitiis sa mga kapighatian, pagbugbog, pagpapagal, pagpupuyat; sa kalinisan, sa kaalaman, sa pagpapahinuhod, sa kabaitan, sa banal na espiritu, sa pag-ibig na di-paimbabaw, sa tapat na pagsasalita, sa kapangyarihan ng Diyos, tulad sa mga dukha ngunit nagpapayaman sa marami, tulad sa mga walang-pag-aari ngunit nagmamay-ari ng lahat.’—6:4-10.
11. Anong payo at babala ang ibinibigay ni Pablo?
11 “Pasakdalin ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos” (6:11–7:16). Sabi ni Pablo sa mga taga-Corinto: ‘Maluwang ang aming puso sa pagtanggap sa inyo.’ Dapat din nilang luwangan ang kanilang pag-ibig. Ngunit may babala! “Huwag makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya.” (6:11, 14) Anong pakikisama mayroon ang liwanag sa dilim, o si Kristo kay Belial? Bilang templo ng Diyos na buháy, dapat silang humiwalay at huwag humipo sa maruming bagay. Sabi ni Pablo: “Magsipaglinis tayo sa bawat karumihan ng laman at espiritu at pasakdalin ang kabanalan sa pagkatakot sa Diyos.”—7:1.
12. Bakit nagalak si Pablo sa ulat mula sa Corinto?
12 Isinusog ni Pablo: “Ako’y puspos ng kaaliwan, umaapaw sa kagalakan sa lahat ng aming kapighatian.” (7:4) Bakit? Hindi lamang dahil sa pagdating ni Tito kundi sa mabuting ulat mula sa Corinto tungkol sa kanilang pananabik, pagdadalamhati, at sigasig ukol kay Pablo. Natalos niya na ang unang liham ay nagdulot ng panandaling kalungkutan ngunit nagagalak siya na sila’y nalungkot upang magsisi sa ikaliligtas. Pinapurihan niya sila sa pagtulong kay Tito.
13. (a) Anong halimbawa ng pagiging bukas-palad ang binanggit ni Pablo? (b) Anong simulain ang tinatalakay ni Pablo kaugnay ng pagbibigay?
13 Gagantimpalaan ang pagiging bukas-palad (8:1–9:15). Kaugnay ng mga abuloy sa “mga banal,” inihahalimbawa ni Pablo ang mga taga-Macedonia, na ang kasaganaan sa kabila ng pagdarahop ay labis-labis; nais niyang makita sa mga taga-Corinto ang gayong pamimigay bilang patotoo ng kanilang pag-ibig sa Panginoong Jesu-Kristo, na naging dukha upang tayo’y maging mayaman. Ang pamimigay ayon sa makakaya ay magbubunga ng pagkakatimbang, upang ang mayaman ay huwag lumabis at ang dukha ay huwag kapusin. Si Tito at ang iba pa ay isinusugo para sa ganitong kaloob. Ipinagmamalaki ni Pablo ang pagiging bukas-palad at pagiging-handa ng mga taga-Corinto, at ayaw niyang mapahiya sila sa pagkabigong buuin ang masaganang kaloob. Oo, “ang naghahasik nang sagana ay pagpapalain nang sagana.” Bumukal nawa ito sa puso, sapagkat “iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang masaya.” Sasagana rin ang di-sana-nararapat na kabaitan sa kanila at yayaman sila sa bawat pagmamagandang-loob. “Salamat sa Diyos sa kaniyang di-masayod na walang-bayad na kaloob.”—9:1, 6, 7, 15.
14. Anong mga punto ang iniharap ni Pablo bilang alalay sa kaniyang pagka-apostol?
14 Ipinagtatanggol ni Pablo ang pagka-apostol niya (10:1–13:14). Inaamin ni Pablo na siya’y hamak sa tingin. Ngunit ang Kristiyano’y hindi nakikipagbaka ayon sa laman; ang sandata nila’y espirituwal, “makapangyarihan sa Diyos” upang ibuwal ang mga katuwirang salungat sa kaalaman ng Diyos. (10:4) Ang ilan, na ang nakikita’y ang panlabas, ay nagsasabi na ang mga liham ng apostol ay malamán ngunit ang pananalita niya’y kadusta-dusta. Dapat nilang malaman na ang mga gawa niya’y katulad din ng sinasabi niya sa liham. Dapat matalos ng mga taga-Corinto na hindi ipinagmamapuri ni Pablo ang nagawa sa ibang dako. Siya mismo ang naghatid sa kanila ng mabuting balita. At kung dapat magmapuri, kay Jehova ito gawin.
15. (a) Sa tulong ng anong mga ilustrasyon tinuligsa ni Pablo ang mga bulaang apostol? (b) Ano ang sariling ulat ni Pablo?
15 Pananagutan ni Pablo na iharap kay Kristo ang kongregasyon na gaya ng isang malinis na dalaga. Kung papaano tinukso ng Ahas si Eba, nanganganib ding sumamâ ang kanilang isipan. Kaya tinuligsa ni Pablo ang “lubhang dakilang mga apostol” sa Corinto. (11:5) Sila’y mga bulaang apostol. Si Satanas ay nag-aanyong anghel ng liwanag, kaya hindi kataka-taka na ang kaniyang mga ministro ay maging gayon. Ngunit sa pagiging ministro ni Kristo, mapapantayan ba nila ang ulat ni Pablo? Marami siyang tiniis: pagkabilanggo, pagbugbog, tatlong ulit na pagkabagbag sa dagat, maraming panganib, kawalan ng tulog at makakain. Sa kabila ng lahat ay hindi niya nakaligtaan ang mga kongregasyon at nagdaramdam siya kapag may natitisod.
16. (a) Sa ano maaaring magmapuri si Pablo, ngunit bakit inibig pa niyang magsalita tungkol sa kaniyang mga kahinaan? (b) Papaano nagharap si Pablo ng patotoo ng kaniyang pagka-apostol?
16 Kaya kung ang sinoman ay may dahilang magmapuri, lalo na si Pablo. Maaangkin ba ng di-umano’y mga apostol sa Corinto na sila’y nadala sa paraiso at nakarinig ng mga bagay na di-maaaring sambitin? Sinabi ni Pablo na siya rin ay may mga kahinaan. Upang huwag magmataas, binigyan siya ng “tinik sa laman.” Nakiusap si Pablo na alisin ito ngunit sinabihan siya: “Ang aking di-sana-nararapat na kabaitan ay sapat na sa iyo.” Mas gusto ni Pablo na magmapuri sa kaniyang kahinaan, upang “ang kapangyarihan ng Kristo” ay yumungyong sa kaniya na gaya ng tolda. (12:7, 9) Hindi siya nahuhulí sa “lubhang dakilang mga apostol,” at nakita ng mga taga-Corinto ang patotoo ng kaniyang pagka-apostol “sa pamamagitan ng buong pagtitiis, ng mga tanda, kababalaghan at makapangyarihang mga gawa.” Hindi niya hangad ang kanilang ari-arian, kung papaanong si Tito at ang mga kamanggagawang isinugo ni Pablo ay hindi nagsamantala nito.—12:11, 12.
17. Anong pangwakas na payo ang ibinigay ni Pablo sa mga taga-Corinto?
17 Lahat ay sa kanilang ikatitibay. Gayunman, nangangamba si Pablo na pagdating sa Corinto ay masumpungan niyang ang ilan ay hindi pa nakapagsisi sa mga gawa ng laman. Patiuna siyang nagbabala na siya ay hahakbang at hindi magtatangi ng sinoman, at nagpayo siya na laging suriin kung sila’y nasa pananampalataya na kaisa ni Jesu-Kristo. Idadalangin sila nina Pablo at Timoteo. Pinayuhan niya sila na magalak at manatili sa pagkakaisa upang ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan ay suma-kanila, at saka nagwakas siya sa pamamagitan ng pagbati sa mga banal at ng sarili niyang hangarin ukol sa kanilang espiritual na pagpapala.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
18. Ano ang dapat na maging wastong pangmalas ng mga Kristiyano sa ministeryo?
18 Nagpapasigla at nagpapatibay-loob ang pagpapahalaga ni Pablo sa ministeryong Kristiyano gaya ng mababasa sa Ikalawang Corinto! Tularan natin siya. Ang ministrong Kristiyano na pinaging-marapat ng Diyos ay hindi tagapaglako ng Salita kundi taimtim na naglilingkod. Ang patotoo niya ay ang bunga ng kaniyang ministeryo, hindi isang nasusulat na katibayan. Subalit, bagaman ang ministeryo ay maluwalhati, hindi ito sanhi ng pagpapalalo. Ang kayamanan ng paglilingkod ay taglay ng di-sakdal na lingkod ng Diyos sa marupok na sisidlang-lupa upang buong-linaw na makilala ang kapangyarihan ng Diyos. Mahalaga ang pagpapakumbaba sa pagtanggap ng maluwalhating pribilehiyo ng pagiging-ministro ng Diyos, at isang di-sana-nararapat na kabaitan ang maglingkod bilang “mga embahador na kumakatawan kay Kristo”! Kaya angkop ang payo ni Pablo “na huwag tanggapin ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at waling-halaga ang layunin nito”!—2:14-17; 3:1-5; 4:7; 5:18-20; 6:1.
19. Sa anong iba’t-ibang paraan namumukod-tanging halimbawa si Pablo para sa mga Kristiyano ngayon, lalo na sa mga tagapangasiwa?
19 Tiyak na si Pablo ay mahusay na halimbawa para sa mga ministrong Kristiyano. Sabihin pa, pinahalagahan at pinag-aralan niya ang kinasihang Kasulatang Hebreo, at paulit-ulit na sumipi, tumukoy, at nagkapit dito. (2 Cor. 6:2, 16-18; 7:1; 8:15; 9:9; 13:1; Isa. 49:8; Lev. 26:12; Isa. 52:11; Ezek. 20:41; 2 Sam. 7:14; Ose. 1:10) Bilang tagapangasiwa ay nagpamalas din siya ng taimtim na pagmamalasakit sa kawan, at nagsabi: “Malulugod akong gumugol at handang magpagugol alang-alang sa inyong kaluluwa.” Lubusan niyang inihandog ang sarili sa kapakanan ng mga kapatid, gaya ng malinaw na makikita sa ulat. (2 Cor. 12:15; 6:3-10) Hindi siya nanghimagod sa pagtuturo, pagpapayo, at pagtutuwid sa kongregasyon sa Corinto. Buong-linaw siyang nagbabala laban sa pakikisama sa kadiliman, at nagsabi: “Huwag makipamatok nang kabilan sa di-sumasampalataya.” Dahil sa maibiging pagmamalasakit ayaw niyang sumamâ ang kanilang isipan, “kung papaano tinukso ng Ahas si Eba sa pamamagitan ng katusuhan,” kaya buong-sigla siyang nagpayo: “Patuloy na suriin kung kayo’y nasa pananampalataya, subukin ninyo ang sarili.” Pinukaw niya sila sa pagiging bukas-palad at sinabing “iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang masaya,” at nagpahayag siya ng malaking pasasalamat sa Diyos sa Kaniyang di-masayod na walang-bayad na kaloob. Tunay na ang mga taga-Corinto ay iniukit ng pag-ibig sa puso ni Pablo at ang walang-imbot na paglilingkod sa kapakanan nila ay tanda ng isang masigasig, gisíng na tagapangasiwa. Siya’y bukod-tanging halimbawa sa atin ngayon!—6:14; 11:3; 13:5; 9:7, 15; 3:2.
20. (a) Papaano itinutuon ni Pablo ang ating isipan sa wastong direksiyon? (b) Anong maluwalhating pag-asa ang itinuturo ng Ikalawang Corinto?
20 Itinutuon ni apostol Pablo ang ating isipan sa tamang direksiyon sa pagsasabing ang “Ama ng kaawaan at Diyos ng buong kaaliwan” ang tunay na bukal ng kalakasan sa panahon ng pagsubok. Siya ang “umaaliw sa lahat ng ating kapighatian” upang makapagtiis tayo ukol sa kaligtasan sa bagong sanlibutan. Itinuturo rin ni Pablo ang maluwalhating pag-asa ng “isang gusali mula sa Diyos, isang bahay na hindi ginawa ng kamay, walang-hanggan sa mga langit” at nagsabi pa: “Kung ang sinoman ay kaisa ni Kristo, siya’y bagong nilalang; ang luma ay lumipas na, narito! lahat ay naging bago.” Tunay na kagila-gilalas ang pangako ng Ikalawang Corinto para sa mangagmamana ng Kaharian sa langit, gaya ni Pablo.—1:3, 4; 5:1, 17.
[Mga Tanong sa Aralin]