Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 48—Mga Taga-Galacia

Aklat ng Bibliya Bilang 48—Mga Taga-Galacia

Aklat ng Bibliya Bilang 48​—Mga Taga-Galacia

Manunulat: Si Pablo

Saan Isinulat: Sa Corinto o Antioquia ng Sirya

Natapos Isulat: c. 50–​52 C.E.

1. Aling mga kongregasyon sa Galacia ang sinulatan, at papaano at kailan natatag ang mga ito?

 SA MGA kongregasyon sa Galacia na tinukoy ni Pablo sa Galacia 1:2 ay malamang na kasama ang Antioquia ng Pisidia, Iconio, Listra, at Derbe​—mga dako sa iba’t-ibang distrito ngunit pawang nasa Romanong lalawigang ito. Binabanggit ng Mga Gawa kabanata 13 at 14 ang unang paglalakbay-misyonero ni Pablo at ni Bernabe na umakay sa pagkatatag ng mga kongregasyon sa Galacia. Binuo ito ng mga Judio at di-Judio, at tiyak na kabilang din ang mga Celt, o mga Gaul. Kagagaling ni Pablo sa Jerusalem noong mga 46 C.E.​—Gawa 12:25.

2. (a) Ano ang resulta ng ikalawang paglalakbay ni Pablo sa Galacia, ngunit ano ang sumunod dito? (b) Samantala, papaano nagpatuloy si Pablo sa paglalakbay?

2 Noong 49 C.E., sinimulan nina Pablo at Silas ang ikalawang paglalakbay-misyonero ni Pablo sa Galacia, na umakay sa ‘pagtatag sa pananampalataya at paglago sa bilang ng mga kongregasyon araw- araw.’ (Gawa 16:5; 15:40, 41; 16:1, 2) Sinundan agad sila ng mga bulaang guro, mga mangungumberte sa Judaismo, na humikayat sa ilang taga-Galacia na maniwalang ang pagtutuli at pagsunod sa Kautusan ni Moises ay bahagi ng tunay na Kristiyanismo. Samantala nagpatuloy si Pablo sa paglalakbay sa kabila ng Mysia hanggang Macedonia at Gresya, at nang maglao’y sa Corinto kung saan nakisama siya nang 18 buwan sa mga kapatid. Noong 52 C.E., umalis siya at dumaan sa Efeso patungong Antioquia ng Sirya na kaniyang himpilan, at dumating siya nang taon ding yaon.​—Gawa 16:8, 11, 12; 17:15; 18:1, 11, 18-22.

3. Mula saan at kailan malamang na napasulat ang Mga Taga-Galacia?

3 Saan at kailan sumulat si Pablo sa mga taga-Galacia? Tiyak na karaka-rakang mabalitaan niya ang tungkol sa mga mangungumberte sa Judaismo. Waring ito’y sa Corinto, Efeso, o Antioquia ng Sirya. Maaaring ito ay sa 18-buwang pamamalagi sa Corinto, 50-52 C.E., at sapat ang panahon upang makarating ang balita mula sa Galacia. Malamang na hindi sa Efeso, pagkat hindi siya nagtagal doon nang pabalik siya sa paglalakbay. Gayunman, “nagpalipas siya ng ilang panahon” sa kaniyang himpilan sa Antioquia ng Sirya, malamang na noong tag-araw ng 52 C.E., at yamang madaling makipagtalastasan sa Asya Minor, posible na nabalitaan niya ang tungkol sa mga mangungumberte at nasulatan niya ang mga taga-Galacia mula sa Antioquia ng Sirya sa panahong ito.​—Gawa 18:23.

4. Ano ang isinisiwalat ng Mga Taga-Galacia tungkol sa pagka-apostol ni Pablo?

4 Si Pablo ay inilalarawan ng liham bilang “apostol, hindi mula sa tao o sa pamamagitan ng tao, kundi sa pamamagitan ni Jesu-Kristo at ng Diyos na Ama.” Marami rin itong masasabi tungkol sa buhay at pagka-apostol ni Pablo upang patunayan na gumawa siya kasuwato ng mga apostol sa Jerusalem at na may kapamahalaan upang ituwid ang isa pang apostol, si Pedro.​—Gal. 1:1, 13-24; 2:1-14.

5. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay at pagiging-kanonikal ng Mga Taga-Galacia?

5 Papaano mapatutunayan ang pagiging-totoo at pagiging-kanonikal ng Mga Taga-Galacia? Ang mga sulat nina Irenaeus, Clement ng Aleksandriya, Tertullian, at Origen ay tumutukoy rito sa pangalan. Kalakip din ito sa sumusunod na mahahalagang manuskrito ng Bibliya: Sinaitic, Alexandrine, Vatican No. 1209, Codex Ephraemi Syri rescriptus, Codex Bezae, at Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46). Isa pa, kasuwatong-kasuwato ito ng iba pang aklat ng Kasulatang Griyego, at pati na ng Kasulatang Hebreo na malimit nitong tukuyin.

6. (a) Anong dalawang punto ang pinatutunayan ng liham sa Mga Taga-Galacia? (b) Ano ang kakaiba sa pagsulat ng liham na ito, at ano ang idiniriin nito?

6 Sa mapuwersa at matulis na liham ni Pablo “sa mga kongregasyon sa Galacia,” pinatutunayan niya (1) na siya ay tunay na apostol (bagay na pinabubulaanan ng mga mangungumberte sa Judaismo) at (2) na ang pag-aaring-matuwid ay sa pananampalataya kay Kristo Jesus, hindi sa mga gawa ng Kautusan, kaya ang pagtutuli ay hindi kailangan ng mga Kristiyano. Bagaman naging ugali ni Pablo na gumamit ng kalihim, siya mismo ang sumulat ng Mga Taga-Galacia sa ‘malalaking titik sa sarili niyang kamay.’ (6:11) Napakahalaga ang nilalaman ng aklat, kapuwa kay Pablo at sa mga taga-Galacia. Idiniriin nito ang pagpapahalaga sa kalayaan na nakamit ng mga tunay na Kristiyano sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.

NILALAMAN NG MGA TAGA-GALACIA

7, 8. (a) Papaano nangatuwiran si Pablo tungkol sa mabuting balita? (b) Papaano pinagtibay ang pagka-apostol ni Pablo sa mga di-tuli, at papaano niya ipinamalas ang kaniyang kapamahalaan kaugnay ni Cefas?

7 Ipinagtatanggol ni Pablo ang pagka-apostol niya (1:1–​2:14). Matapos batiin ang mga kongregasyon, nagtataka si Pablo kung bakit agad silang nailihis ng ibang uri ng ebanghelyo, kaya idiniin niya: “Kahima’t kami o isang anghel sa langit ang magpahayag sa inyo ng mabuting balita na iba kaysa aming naipahayag na, ay hayaan siyang matakwil.” Ang mabuting balitang ito ay hindi mula sa tao, ni itinuro ito sa kaniya, “kundi sa pamamagitan ng kapahayagan ni Jesu-Kristo.” Noong una, bilang masigasig na tagapagtaguyod ng Judaismo, ay pinag-usig ni Pablo ang kongregasyon ng Diyos, ngunit sa di-sana-nararapat na kabaitan ay tinawag siya ng Diyos upang ipahayag sa mga bansa ang mabuting balita tungkol sa kaniyang Anak. Narating niya ang Jerusalem tatlong taon pa lamang mula nang siya ay makumberte, at wala pa siyang nakitang apostol kundi si Pedro, at si Santiago na kapatid-sa-ina ng Panginoon. Hindi siya personal na nakilala ng mga kongregasyon sa Judea, bagaman sila ay nakabalita at “nagsimulang lumuwalhati sa Diyos” dahil sa kaniya.​—1:8, 12, 24.

8 Pagkaraan ng 14 na taon bumalik si Pablo sa Jerusalem at ipinaliwanag nang sarilinan ang mabuting balita na ipinangangaral niya. Si Tito na kasama niya ay hindi tinuli bagaman ito’y Griyego. Nang makita nina Santiago at Cefas at Juan na ipinagkatiwala kay Pablo ang mabuting balita sa mga di-tuli, gaya ni Pedro sa mga nasa pagtutuli, ibinigay nila kay Pablo at Bernabe ang kanang kamay ng pakikisama upang humayo sa mga bansa, ngunit sila ay sa mga nasa pagtutuli. Dumating si Cefas sa Antioquia at nang hindi siya lumakad “ayon sa mabuting balita” dahil sa takot sa mga nasa pagtutuli, pinagwikaan siya ni Pablo sa harapan ng lahat.​—2:14.

9. Salig sa ano inaaring-matuwid ang isang Kristiyano?

9 Inaring-matuwid ng pananampalataya, hindi ng kautusan (2:15–​3:29). Batid nating mga Judio, ani Pablo, “na ang tao ay inaaring-matuwid, hindi sa mga gawa ng kautusan, kundi sa pananampalataya kay Kristo Jesus.” Namumuhay siya na kaisa ni Kristo at binubuhay ng pananampalataya upang gawin ang kalooban ng Diyos. “Kung ang katuwiran ay sa pamamagitan ng kautusan, walang-kabuluhan ang pagkamatay ni Kristo.”​—2:16, 21.

10. Ano ang mahalaga sa pagpapala ng Diyos, kaya ano ang layunin ng Kautusan?

10 Napaka-mangmang na ba nila upang maniwala na matapos tumanggap ng espiritu dahil sa pananampalataya ay patuloy silang maglilingkod sa Diyos ayon sa mga gawa ng Kautusan? Mahalaga ang makinig nang may pananampalataya, gaya ni Abraham na “sumampalataya kay Jehova, at ibinilang ito sa kaniya na katuwiran.” Kaya, nangako ang Diyos na “ang nanghahawakan sa pananampalataya ay pinagpapalang kasama ng tapat na si Abraham.” Pinalaya na sila mula sa sumpa ng Kautusan dahil sa pagkamatay ni Kristo sa tulos. Si Kristo ang Binhi ni Abraham at ang pangako tungkol sa Binhi ay hindi pinapawi ng Kautusan na ginawa pagkaraan ng 430 taon. Ano, kung gayon, ang layunin ng Kautusan? Ito’y naging “guro na umaakay sa Kristo, upang tayo ay ariing-matuwid dahil sa pananampalataya.” Wala na tayo sa ilalim ng guro, at wala nang pagtatangi sa pagitan ng Judio at Griyego, sapagkat lahat ay nagkakaisa kay Kristo Jesus at “tunay na binhi ni Abraham, mga tagapagmana ng pangako.”​—3:6, 9, 24, 29.

11. (a) Anong kalayaan ang niwawalang-bahala ng mga taga-Galacia? (b) Papaano inilalarawan ni Pablo ang kalayaan ng mga Kristiyano?

11 Manindigang matatag sa kalayaang Kristiyano (4:1–​6:18). Isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak upang palayain ang nasa ilalim ng Kautusan, upang kanilang “matanggap ang pagkupkop bilang mga anak.” (4:5) Bakit babaling pa sa mahihina at panimulang mga bagay? Yamang nangingilin na sila ng mga araw at buwan at panahon at mga taon, nanghinayang si Pablo sa pagpapagal niya ukol sa kanila. Sa una niyang pagdalaw, siya’y tinanggap na gaya ng anghel. Siya ba ngayon ay kaaway nila dahil nagsasalita siya ng katotohanan? Ang nagnanais paalipin sa Kautusan ay makinig sa sinasabi ng Kautusan: Mula sa dalawang babae ay nagkaanak si Abraham ng dalawa. Ang aliping si Hagar ay katumbas ng Israel sa laman na natatalian kay Jehova dahil sa tipan ng Mosaikong Kautusan na nagluluwal ng mga anak sa pagkaalipin. Ang babaeng malaya, si Sara, ay katumbas ng Jerusalem sa itaas na “malaya at siya nating ina.” Tanong ni Pablo, “Ano ang sinasabi ng Kasulatan?” Ito: “Ang anak ng babaeng alipin ay hindi magiging tagapagmana na kasama ng babaeng malaya.” Tayo’y anak, hindi ng babaeng alipin, “kundi ng babaeng malaya.”​—4:30, 31.

12. (a) Sa ano dapat lumakad ang mga taga-Galacia? (b) Anong mahalagang paghahambing ang ginagawa ni Pablo?

12 Ang pagtutuli o di-pagtutuli ay hindi mahalaga, kundi ang pananampalatayang udyok ng pag-ibig. Ang Kautusan ay natutupad sa utos na: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sarili.” Patuloy na lumakad ayon sa espiritu, pagkat “kung kayo ay inaakay ng espiritu, ay wala kayo sa ilalim ng kautusan.” Tungkol sa mga gawa ng laman, nagbabala si Pablo “na ang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” Inihambing niya ang bunga ng espiritu, na laban doo’y walang kautusan, at sinabi pa: “Kung nabubuhay tayo ayon sa espiritu, lumakad tayo nang may kaayusan ayon sa espiritu” at iwaksi ang pagka-makasarili at kapanaghilian.​—5:14, 18, 21, 25.

13. Papaano natutupad ang kautusan ni Kristo, at ano ang lubhang mahalaga?

13 Kung may gagawa ng maling hakbang nang di ito namamalayan, ang mga may-kakayahan sa espiritu ay dapat magtuwid sa kaniya “sa espiritu ng kahinahunan.” Tinutupad ng mga Kristiyano ang kautusan ni Kristo sa pagdadala ng pasanin ng isa’t-isa, ngunit bawat isa ay dapat magdala ng sariling pasanin upang patunayan ang sarili niyang gawa. Aanihin natin ang inihasik, kabulukan mula sa laman o walang-hanggang buhay mula sa espiritu. Ang naghahangad tumuli sa kanila ay nais lamang makalugod sa tao at iwasan ang pag-uusig. Hindi mahalaga ang pagtutuli o di-pagtutuli, kundi ang bagong nilalang. Kapayapaan at kaawaan ay sasa-kanila na lumalakad nang may kaayusan ayon sa tuntuning ito, maging sa “Israel ng Diyos.”​—6:1, 16.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

14. Anong halimbawa ang ipinakita ni Pablo sa mga tagapangasiwa?

14 Si Pablo ay ipinakikilala ng liham bilang isang malupit na mang-uusig na naging masigasig na apostol sa mga bansa, handang magtanggol sa kapakanan ng mga kapatid. (1:13-16, 23; 5:7-12) Sa pamamagitan ng halimbawa ay ipinakita ni Pablo na ang tagapangasiwa ay dapat listo sa pagharap sa mga suliranin at pagsugpo ng maling pangangatuwiran sa tulong ng lohika at ng Kasulatan.​—1:6-9; 3:1-6.

15. Papaano nakinabang sa liham ang mga kongregasyon sa Galacia, at papaano ito pumapatnubay sa mga Kristiyano ngayon?

15 Ang liham ay napakinabangan ng mga taga-Galacia sa pagpapatibay ng kalayaan kay Kristo at pagpapabulaan sa pumipilipit sa mabuting balita. Niliwanag nito na ang isa ay inaaring-matuwid sa panananampalataya at na ang pagtutuli ay hindi na kailangan upang maligtas. (2:16; 3:8; 5:6) Ang ganitong di-pagtatangi sa laman ay tumulong upang magkaisa ang Judio at Griyego. Ang kalayaan sa Kautusan ay hindi dapat gamiting paumanhin sa mga pita ng laman, at kapit pa rin ang simulain: “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng sarili.” Ito rin ang patnubay sa mga Kristiyano ngayon.​—5:14.

16. Anong nagpapatibay-pananampalatayang paliwanag mula sa mga Kasulatang Hebreo ang masusumpungan sa Mga Taga-Galacia?

16 Ang liham ni Pablo ay tumulong sa mga taga-Galacia sa maraming punto ng doktrina, na humahalaw ng maririing ilustrasyon mula sa Kasulatang Hebreo. Ibinigay nito ang kinasihang kahulugan ng Isaias 54:1-6, na nagpapakilala sa babae ni Jehova bilang “ang Jerusalem sa itaas.” Ipinaliwanag nito ang “makasagisag na dula” nina Hagar at Sara upang ipakita na ang mga tagapagmana ng pangako ng Diyos ay yaong mga pinalaya ni Kristo at hindi ang nananatiling alipin sa Kautusan. (Gal. 4:21-26; Gen. 16:1-4, 15; 21:1-3, 8-13) Nilinaw nito na ang tipang Kautusan ay hindi nagpahina sa tipan kay Abraham kundi naparagdag dito. Ipinakita rin nito na 430 taon ang namagitan sa dalawang tipan, at mahalaga ito sa kronolohiya ng Bibliya. (Gal. 3:17, 18, 23, 24) Ang ulat na ito ay naingatan upang mapatibay ang pananampalatayang Kristiyano ngayon.

17. (a) Anong mahalagang pagpapakilala ang ginagawa ng Mga Taga-Galacia? (b) Anong mahusay na payo ang ibinibigay sa mga tagapagmana ng Kaharian at sa kanilang mga kamanggagawa?

17 Higit na mahalaga, wastong ipinakikilala ng Galacia ang Binhi ng Kaharian na inasam-asam ng lahat ng propeta. “Ang mga pangako ay binitiwan kay Abraham at sa kaniyang binhi . . . na siyang Kristo.” Ang nagiging anak ng Diyos dahil sa pananampalataya kay Kristo Jesus ay napapalakip sa binhing ito. “Kung kayo’y kay Kristo, kayo nga’y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.” (3:16, 29) Ang mahusay na payo ng Galacia ay dapat sundin ng mga tagapagmana ng Kaharian at ng mga kamanggagawa nila: ‘Manindigan sa kalayaan na doo’y pinalaya kayo ni Kristo!’ ‘Huwag magsawà sa paggawa ng mabuti, pagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo kung tayo ay hindi manghihimagod.’ ‘Gumawa nang mabuti sa lahat, lalo na sa mga kapananampalataya.’​—5:1; 6:9, 10.

18. Anong pangwakas na mariing babala at payo ang ibinibigay sa Mga Taga-Galacia?

18 At pangwakas ay ang mariing babala na ang mga nagtataguyod ng mga gawa ng laman “ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” Kaya talikuran na ang karumihan at alitan ng sanlibutan at ilagak ang puso sa pagluluwal ng mga bunga ng espiritu, alalaong baga, “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiis, kabaitan, kabutihan, pananampalataya, kahinahunan, pagpipigil-sa-sarili.”​—5:19-23.

[Mga Tanong sa Aralin]