Aklat ng Bibliya Bilang 5—Deuteronomio
Aklat ng Bibliya Bilang 5—Deuteronomio
Manunulat: Si Moises
Saan Isinulat: Kapatagan ng Moab
Natapos Isulat: 1473 B.C.E.
Panahong Saklaw: 2 buwan (1473 B.C.E.)
1. Ano ang maaaring itanong kaugnay ng pagpasok ng Israel sa Lupang Pangako?
ANG aklat ng Deuteronomio ay may makapangyarihang mensahe para sa bayan ni Jehova. Matapos ang 40 taon na paglalagalag sa ilang, ang mga anak ni Israel ay nasa pintuan na ng Lupang Pangako. Ano ang naghihintay sa kanila? Anong kakaibang mga suliranin ang dapat nilang harapin sa ibayo ng Jordan? Ano ang mga huling pananalita ni Moises para sa bayan? Maaari ding itanong, Bakit kapaki-pakinabang sa atin na alamin ang mga sagot sa mga tanong na ito?
2. Sa anong bukod-tanging paraan mahalaga ang Deuteronomio?
2 Ang sagot ay nasa mga salitang binigkas at iniulat ni Moises sa ikalimang aklat ng Bibliya, ang Deuteronomio. Bagaman pag-ulit ito ng naunang mga aklat, bukod-tangi ang halaga ng Deuteronomio. Bakit? Idinidiin nito ang banal na mensahe noong panahong ang bayan ni Jehova ay nangangailangan ng aktibong pangunguna at positibong patnubay. Papasók sila sa Lupang Pangako at may bago silang pinunò. Kailangan nila ng pampasigla at ng maka-diyos na babala na aakay sa kanila sa matuwid na landas na hahantong sa pagpapala ni Jehova.
3. Ano ang idiniriin ni Moises sa buong Deuteronomio, at bakit mahalaga ito sa ngayon?
3 Kaya pinalakas ni Jehova si Moises upang himukin ang Israel na maging masunurin at tapat. Idinidiin ng buong aklat na si Jehova ang Kataas-taasang Diyos na humihiling ng bukod-tanging pagsamba at nagnanais na siya ay ‘ibigin nang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas.’ Siya’y “Diyos ng mga diyos at Panginoon ng mga panginoon, dakilang Diyos, makapangyarihan at kagila-gilalas, hindi nagtatangi o nagpapasuhol.” Ayaw niya ng kaagaw. Ang pagsunod ay nangangahulugan ng buhay, ang pagsuway, ng kamatayan. Ang utos ni Jehova na isinasaad sa Deuteronomio ay mahalagang paghahanda at payo na kailangan ng Israel para sa napakalaking atas sa unahan. Ito rin ang kailangan ngayon upang makalakad nang may-takot kay Jehova, na pinagiging-banal ang kaniyang pangalan sa gitna ng balakyot na sanlibutan.—Deut. 5:9, 10; 6:4-6; 10:12-22.
4. Ano ang kahulugan ng pangalang Deuteronomio, at ano ang layunin ng aklat?
4 Ang pangalang Deuteronomio ay mula sa pamagat sa saling Griyego na Septuagint, Deu·te·ro·noʹmi·on, na nagtatambal sa deuʹte·ros, nangangahulugang “ikalawa,” at sa noʹmos, nangangahulugang “batas.” Kaya ito ay “Ikalawang Batas; Pag-ulit ng Batas.” Griyegong salin ito ng Hebreong parirala sa Deuteronomio 17:18, mish·nehʹ hat·toh·rahʹ, o ‘kopya ng batas.’ Sa kabila nito, ang Deuteronomio ay hindi pangalawang batas o pag-ulit lamang ng Batas. Sa halip, ito ay pagpapaliwanag sa Batas, na humihimok sa Israel na ibigin at sundin si Jehova sa Lupang Pangako na kanila nang papasukin.—1:5.
5. Ano ang patotoo na si Moises ang sumulat ng Deuteronomio?
5 Bilang ikalimang balumbon, o tomo, ng Pentateuko, ang sumulat nito ay yaon ding sa naunang apat, si Moises. Ang Deuteronomio ay ipinakikilala ng pambungad na pangungusap bilang “ang mga sinabi ni Moises sa buong Israel,” at ang mga salitang, “isinulat ni Moises ang batas na ito” at “isinulat ni Moises ang awit na ito,” ay malinaw na patotoo ng kaniyang pagsulat. Ang pangalan niya ay halos 40 beses binabanggit, madalas bilang autoridad. Ang unang panauhan, tumutukoy kay Moises, ay nangingibabaw sa buong aklat. Ang pansarang mga talata ay malamang na idinagdag ni Josue o ni Eleazar na mataas na saserdote pagkamatay ni Moises.—1:1; 31:9, 22, 24-26.
6. (a) Anong yugto ng panahon ang saklaw ng Deuteronomio? (b) Kailan masasabing nakumpleto ang aklat?
6 Kailan naganap ang mga pangyayari sa Deuteronomio? Sinasabi mismo ng aklat na “sa ika-apatnapung taon, sa ikalabing-isang buwan, sa unang araw ng buwan, ay nakipag-usap si Moises sa mga anak ni Israel.” Sa pagtatapos ng Deuteronomio, ang ulat ay ipinagpapatuloy ng aklat ni Josue tatlong araw bago tawirin ang Jordan, “sa ikasampung araw ng unang buwan.” (Deut. 1:3; Jos. 1:11; 4:19) Nag-iiwan ito ng dalawang buwan at isang linggo para sa mga kaganapan sa Deuteronomio. Gayunman, 30 araw sa siyam-na-linggong yugtong ito ay ginugol sa pagluluksa kay Moises. (Deut. 34:8) Kaya halos lahat ng kaganapan sa Deuteronomio ay nangyari noong ika-11 buwan ng ika-40 taon. Sa pagtatapos ng buwang ito, ang pagsulat sa aklat ay malamang na natapos na rin, at si Moises ay namatay maaga noong ika-12 buwan ng ika-40 taon, o sa pasimula ng 1473 B.C.E.
7. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng Deuteronomio?
7 Kapit din sa Deuteronomio ang mga patotoo na naiharap na tungkol sa pagiging-tunay ng unang apat na aklat ng Pentateuko. Isa ito sa apat na aklat sa Hebreong Kasulatan na pinakamadalas sipiin sa mga Kristiyanong Kasulatang Griyego, kabilang ang Genesis, Awit, at Isaias. May 83 pagsipi, at anim na aklat lamang sa Kristiyanong Kasulatang Griyego ang hindi tumutukoy sa Deuteronomio. a
8. Anong kapani-paniwalang patotoo ni Jesus ang umaalalay sa pagiging-tunay ng Deuteronomio?
8 Si Jesus mismo ang nagbigay ng pinakamatibay na patotoo sa Deuteronomio. Sa pasimula ng kaniyang ministeryo, tatlong beses siyang tinukso ng Diyablo, at tatlong beses din siyang sumagot nang, “Nasusulat.” Saan? Sa aklat ng Deuteronomio (8:3; 6:16, 13), na sinipi ni Jesus bilang kinasihang autoridad: “Ang tao ay dapat mabuhay, hindi lamang sa tinapay, kundi sa bawat salita mula sa bibig ni Jehova.” “Huwag mong ilagay sa pagsubok si Jehova na iyong Diyos.” “Si Jehovang iyong Diyos ang dapat sambahin, at siya lamang ang dapat pag-ukulan ng banal na paglilingkod.” (Mat. 4:1-11) Nang subukin siya ng mga Fariseo tungkol sa mga utos ng Diyos, sinipi ni Jesus “ang pinakadakila at unang utos” sa Deuteronomio 6:5. (Mat. 22:37, 38; Mar. 12:30; Luc. 10:27) Ang patotoo ni Jesus ay tiyak na tanda ng pagiging-tunay ng Deuteronomio.
9. Anong panlabas na ebidensiya ang nagbabangong-puri sa Deuteronomio?
9 Ang mga kaganapan at pangungusap sa aklat ay tugmang-tugma rin sa makasaysayang mga kalagayan at kapaligiran. Ang mga pagtukoy sa Ehipto, Canaan, Amalek, Amon, Moab, at Edom ay wasto sa panahon, at ang mga pangalang-dako ay tumpak ang pagkakasaad. b Ang arkeolohiya ay naghaharap ng sunud-sunod na patotoo sa katapatan ng isinulat ni Moises. Sinasabi ni Henry H. Halley: “Lumalakas ang tinig ng arkeolohiya kaya ang pagkiling ay tungo sa konserbatibong pangmalas [na si Moises ang sumulat ng Pentateuko]. Guho na ang teoriya na ang pagsulat ay hindi pa alam noong panahon ni Moises. At bawat taon ay may mga katibayang nahuhukay sa Ehipto, Palestina at Mesopotamya, kapuwa sa mga inskripsiyon at sapin ng lupa, na ang [mga Kasulatang Hebreo] ay tunay na makasaysayan. At ang ‘mga iskolar’ ay nag-uukol na ng higit na paggalang sa tradisyon ng pagkakaakda ni Moises.” c Kaya, maging ang panlabas na ebidensiya ay umaalalay sa Deutoronomio, at sa buong Pentateuko, bilang isang tunay, kapani-paniwalang ulat ng propeta ng Diyos na si Moises.
NILALAMAN NG DEUTERONOMIO
10. Ano ang bumubuo sa Deuteronomio?
10 Sa kalakhan, ang aklat ay isang serye ng mga diskurso na ipinahayag ni Moises sa Israel sa kapatagan ng Moab sa kabila ng Jerico. Ang una ay natatapos sa kabanata 4, ang pangalawa ay umaabot sa katapusan ng kabanata 26, at ang ikatlo ay nagpapatuloy sa kabanata 28, at ang isa pa ay umaabot sa katapusan ng kabanata 30. Makaraang gumawa ng pangwakas na mga kaayusan para sa kaniyang napipintong pagkamatay, sampu ng pag-aatas kay Josue bilang kahalili, isinulat ni Moises ang pinakamagandang awit ng papuri kay Jehova, at ang pagpapala sa mga tribo ng Israel.
11. Papaano sinisimulan ni Moises ang kaniyang unang diskurso?
11 Unang diskurso ni Moises (1:1–4:49). Ito’y isang makasaysayang pambungad. Nirerepaso ni Moises ang tapat na pakikitungo ni Jehova sa kanila. Sinabi niya na papasok sila at aariin ang lupang ipinangako sa mga ninuno nilang sina Abraham, Isaac, at Jacob. Ipinaalaala niya ang pangangasiwa ni Jehova sa teokratikong komunidad sa pasimula ng paglalakbay nang siya, si Moises, ay papiliin ng pantas, tapat, at may-karanasang mga lalaki na magpupuno sa lilibuhin, dadaanin, lilimampuin, at sasampuin. Kahanga-hanga ang pagka-oranisa nila sa patnubay ni Jehova, nang sila’y “tumatahak sa malaki at kakila-kilabot na ilang.”—1:19.
12. Anong mga kaganapan kaugnay ng unang paniniktik sa Canaan ang susunod niyang ipinaaalaala?
12 Ipinaalaala ni Moises ang kanilang paghihimagsik nang marinig ang ulat ng mga tiktik na nagbalik mula sa Canaan at nang sabihing si Jehova ay napopoot sa kanila pagkat, di-umano, inilabas Niya sila sa Ehipto upang pabayaan lamang sa mga Amorheo. Dahil sa kawalan ng pananampalataya, sinabi ni Jehova sa balakyot na lahing yaon na silang lahat, liban kina Caleb at Josue, ay hindi papasok sa lupain. Kaya muli silang naghimagsik, at sa sariling lakas, ay tinangkang salakayin ang kaaway subalit tinugis sila at ipinangalat ng mga Amorheo na gaya ng isang kawan ng mga bubuyog.
13. Sa ano isinalig ni Moises ang katiyakan ng tagumpay ni Josue?
13 Nakarating sila sa Dagat na Pula, at sa loob ng 38 taon, namatay ang buong lahi ng mga mandirigma. Iniutos sa kanila ni Jehova na tumawid at ariin ang lupain sa hilaga ng Arnon, na nagsabi: “Sa araw na ito ang pagkatakot sa inyo ay aking ihahasik sa mga bayang makakarinig tungkol sa inyo; sila’y magsisipanginig at magdadalamhati na gaya ng isang nanganganak.” (2:25) Si Sihon at ang lupain niya ay nahulog sa mga Israelita, gayundin ang kaharian ni Og. Tiniyak ni Moises kay Josue na si Jehova ang makikipagbaka para sa Israel gaya ng pagsakop niya sa lahat ng mga kaharian. Itinanong ni Moises kung pahihintulutan siyang pumasok sa mabuting lupain sa ibayo ng Jordan, ngunit tumanggi pa rin si Jehova, na nagsabi sa kaniya na atasan, pasiglahin, at palakasin si Josue.
14. Papaano idiniin ni Moises ang Kautusan ng Diyos at ang bukod-tanging pagsamba?
14 Idinidiin ni Moises ang Kautusan ng Diyos, at nagbabala laban sa pagdagdag o pagbawas dito. Kapahamakan ang ibubunga ng pagsuway: “Pag-ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong kaluluwa, na huwag kaliligtaan ang nakita ng iyong mga mata at huwag mahiwalay ito sa buong buhay mo; ipakikilala mo ito sa iyong mga anak at sa iyong mga apo.” (4:9) Wala silang nakitang anyo nang ibigay ni Jehova ang Sampung Salita sa gitna ng nakasisindak na mga kalagayan sa Horeb. Ipapahamak sila ng idolatriya at pagsamba sa imahen, pagkat sinabi ni Moises, “Si Jehova na iyong Diyos ay isang apoy na namumugnaw, Diyos na humihingi ng bukod-tanging pagsamba.” (4:24) Siya ang nagmahal sa kanilang mga ninuno at pumili sa kanila. Walang ibang Diyos sa langit sa itaas o sa lupa sa ibaba. Sundin Siya, iginiit ni Moises, “upang lumawig ang iyong mga araw sa lupang ibibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos, magpakailanman.”—4:40.
15. Papaano isinaaayos ang mga lungsod-kanlungan sa silangan ng Jordan?
15 Matapos ang mariing pahayag na ito, ang Bezer, Ramot, at Golan ay ginawang mga lungsod-kanlungan sa silangan ng Jordan.
16. Ano ang idiniriin ng ikalawang diskurso ni Moises?
16 Ikalawang diskurso ni Moises (5:1–26:19). Tinawagan ang Israel na makinig kay Jehova na nakipag-usap nang mukhaan sa Sinai. Isinaayos ni Moises ang Kautusan upang iangkop sa bagong buhay sa ibayo ng Jordan. Hindi ito pag-ulit sa mga batas at ordinansa. Bawat salita ay nagpamalas ng sigasig at debosyon ni Moises. Nagsasalita siya sa kapakanan ng bansa. Idiniin ang pagsunod—pagsunod mula sa pusong maibigin, hindi sapagkat napipilitan.
17. Papaano susuklian ng Israel ang pag-ibig na ipinakita sa kanila ni Jehova?
17 Una, ay inulit ni Moises ang Sampung Salita, o Sampung Utos, at sinabi sa Israel na sundin ito, huwag lilingon sa kanan o kaliwa, upang lumawig ang kanilang buhay sa lupain at upang sila ay maging marami. “Dinggin, O Israel: Si Jehova na ating Diyos ay isang Jehova.” (6:4) Dapat Siyang ibigin nang buong puso, kaluluwa, at lakas, at dapat nilang ituro sa kanilang anak ang mga tanda at himala na ginawa ni Jehova sa Ehipto. Huwag silang mag-aasawa ng mga idolatrosong Cananeo. Pinili ni Jehova ang Israel upang maging tanging pag-aari, hindi dahil sa sila’y marami, kundi pagkat mahal niya sila at dahil sa sumpang binitiwan niya sa kanilang mga ninuno. Dapat itakwil ng Israel ang silo ng demonismo, wasakin ang mga imahen sa lupain, at mangunyapit kay Jehova, na tunay na “dakila at kapita-pitagan.”—7:21.
18. Laban sa ano pinayuhan ni Moises na mag-ingat ang mga Israelita?
18 Pinarusahan sila ni Jehova nang 40 taon sa ilang, at idiniin na mabubuhay ang tao, hindi lamang sa maná o tinapay, kundi sa bawat salita ni Jehova. Hindi naluma ang kanilang damit at hindi namaga ang kanilang paa. Papasok na sila sa lupain na mayaman at sagana! Mag-iingat sa silo ng materyalismo at pagmamatuwid-sa-sarili at tandaan na si Jehova ang ‘nagbibigay ng kapangyarihan na nagpapayaman’ at nagpapalayas sa balakyot na mga bansa. (8:18) Ipinaalaala ni Moises ang pagtukso ng Israel sa Diyos. Tatandaan nila na nagsiklab ang galit ni Jehova sa ilang, sa pamamagitan ng salot at apoy at pagpuksa! Tatandaan nila ang kanilang pagsamba sa gintong guya na umakay sa galit ni Jehova at sa muling paggawa ng mga tapyas ng Kautusan! (Exo. 32:1-10, 35; 17:2-7; Bil. 11:1-3, 31-35; 14:2-38) Dapat silang maglingkod at mangunyapit kay Jehova, na alang-alang sa kanilang mga ninuno ay umibig at nagparami sa kanila “na gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan.”—Deut. 10:22.
19. Anong pagpili ang malinaw na isinaad, at anong mga batas ang binalangkas para sa bayan?
19 Dapat sundin ng Israel “ang buong kautusan,” huwag silang magkukulang sa pagsunod kay Jehova, kundi ibigin at paglingkuran Siya nang buong puso at kaluluwa. (11:8, 13) Kung sila’y susunod, sila ay tutulungan at gagantimpalaan ni Jehova. Dapat silang magtiyaga at buong-sikap na turuan ang kanilang mga anak. Malinaw ang kanilang pagpipilian: Ang pagsunod ay aakay sa pagpapala, ang pagsuway ay sa sumpa. Hindi dapat “sumunod sa ibang diyos.” (11:26-28) Binalangkas ni Moises ang mga batas na aapekto sa Israel kapag naroon na sila sa Lupang Pangako. May mga batas (1) sa relihiyon at pagsamba; (2) sa paglalapat ng katarungan, pamamahala, at digmaan, at (3) sa kanilang pribado at sosyal na pamumuhay.
20. Ano ang tampok na bahagi ng mga batas sa pagsamba?
20 (1) Relihiyon at pagsamba (12:1–16:17). Sa pagpasok nila sa lupain, lahat ng bakas ng huwad na relihiyon—ang matataas na dako, altar, haligi, asera, at mga imahen—ay wawasakin. Sasamba sila sa dakong pinili ni Jehova para sa kaniyang pangalan, at doon sila’y magagalak sa kaniya. Ang mga batas sa pagkain ng karne at mga hain ay paulit-ulit na nagpaalaala sa hindi pagkain ng dugo. “Tatagan ang iyong pasiya na huwag kumain ng dugo . . . Hindi ka kakain nito, upang ikabuti mo at ng iyong mga anak pagkamatay mo, pagkat ito ay matuwid sa mga mata ni Jehova.” (12:16, 23-25, 27; 15:23) Tinuligsa ni Moises ang idolatriya. Hindi sila dapat mag-usisa sa huwad na relihiyon. Kung ang isang propeta ay mapatunayang huwad, siya ay papatayin, at ang mga apostata—kaibigan man o mahal sa buhay, maging ang isang buong lungsod—ay pupuksain. Sumunod ay ang mga batas sa malinis at di-malinis na pagkain, sa ikapu, at abuloy sa mga Levita. Ang mga may-utang, dukha, at alipin ay ipagtatanggol. At pangwakas, nirepaso ni Moises ang mga taunang kapistahan bilang panahon ng pagpapasalamat kay Jehova: “Makaitlo sa isang taon, bawat lalaki ay haharap kay Jehovang iyong Diyos sa dakong kaniyang pipiliin: sa kapistahan ng mga tinapay na walang lebadura at sa kapistahan ng mga sanlinggo at sa kapistahan ng mga kubol, walang haharap kay Jehova na walang dala.”—16:16.
21. Anong mga batas ang ibinigay kaugnay ng katarungan, at anong mahalagang hula ang binigkas ni Moises?
21 (2) Katarungan, pamamahala, at digmaan (16:18–20:20). Una ay ibinibigay ni Moises ang mga batas para sa mga hukom at pinunò. Mahalaga ang katarungan, napopoot si Jehova sa suhol at masamang paghatol. Binalangkas ang paghaharap ng ebidensiya at paglilitis. “Sa bibig ng dalawa o tatlong saksi ay papatayin ang nararapat patayin.” (17:6) Isinaad ang mga batas tungkol sa mga hari. Gumawa ng paglalaan para sa mga saserdote at Levita. Ang espiritismo ay “kasuklam-suklam kay Jehova.” (18:12) Bilang pagtanaw sa hinaharap, si Moises ay humula: “Palilitawin ni Jehovang iyong Diyos sa gitna ninyo, mula sa iyong mga kapatid, ang isang propetang gaya ko—sa kaniya kayo dapat makinig.” (18:15-19) Dapat patayin ang bulaang propeta. Ang seksiyong ito ay nagtatapos sa mga batas tungkol sa mga lungsod-kanlungan at paghihiganti sa dugo, sampu ng mga eksemsiyon sa militar at mga tuntunin ng pakikidigma.
22. Anong mga batas ang tinalakay hinggil sa pribado at sosyal na mga bagay?
22 (3) Pribado at sosyal na pamumuhay (21:1–26:19). Ipinahayag ang mga batas na uugit sa araw-araw na buhay ng Israel, gaya halimbawa, kapag may natagpuang patay, pag-aasawa ng mga bihag na babae, karapatan ng panganay, suwail na anak, pagbibitin ng salarin sa tulos, ebidensiya ng pagkadalaga, mga krimen sa sekso, pagkapon, mga anak-sa-ligaw, pagtrato sa mga dayuhan, kalinisan, pagbabayad ng interes at mga pangako, diborsiyo, pagdukot, mga utang, mga bayad-upa, at pamumulot sa pinag-anihan. Hindi hihigit sa 40 palo ang dapat igawad. Huwag bubusalan ang bakang gumigiik. Binalangkas ang pag-aasawa-sa-bayaw. Gumamit ng wastong timbangan, pagkat kasuklam-suklam kay Jehova ang kawalang-katarungan.
23. Ano ang ipinakita ni Moises na ibubunga ng pagsunod ng bayan sa mga utos ng Diyos?
23 Bago wakasan ang maalab na diskursong ito, ipinaalaala ni Moises ang pagsalakay ng Amalek sa likuran ng Israel nang lisanin nila ang Ehipto, at iniutos sa Israel na “pawiin ang alaala ng Amalek.” (25:19) Pagpasok nila sa lupain, ihahandog nila nang may kagalakan ang mga unang bunga ng lupain, at ihahandog nila ang mga ikapu na may pasasalamat kay Jehova: “Tumungó ka mula sa iyong banal na tahanan, ang mga langit, at pagpalain mo ang iyong bayang Israel at ang lupa na ibinigay mo sa amin, lupaing inaagusan ng gatas at pulot, gaya ng isinumpa mo sa aming mga ninuno.” (26:15) Kung buong-puso at buong-kaluluwa nilang susundin ang mga utos, ‘itataas sila [ni Jehova] sa lahat ng mga bansa, sa ikapupuri at ikararangal at ikagaganda nila, habang pinatutunayan nila na sila’y bayang banal kay Jehova, gaya ng kaniyang ipinangako.’—26:19.
24. Anong mga pagpapala at pagsumpa ang inihaharap sa Israel ng ikatlong diskurso?
24 Ikatlong diskurso ni Moises (27:1–28:68) Nakaharap ang matatanda at saserdote nang bigkasin ni Moises ang mga pagsumpa ni Jehova sa pagsuway at ang mga pagpapala sa katapatan. Mahigpit ang babala sa ibubunga ng di-pagtatapat. Kung patuloy silang makikinig kay Jehova, kakamtin nila ang kamangha-manghang mga pagpapala, at masasaksihan ng buong lupa na ang pangalan ni Jehova ay nasa kanila. Ngunit, kung mabibigo sila, pasasapitin ni Jehova “ang sumpa, ang kalituhan at pagsaway.” (28:20) Hahampasin sila ng nakaririmarim na sakit, ng tagtuyot, at ng taggutom; sila’y tutugisin at aalipinin ng kanilang kaaway, at sila’y mangangalat at malilipol. Ang mga sumpang ito, at higit pa, ay sasa-kanila kung sila ay “hindi tutupad sa mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na ito upang matakot sa maluwalhati at kapita-pitagang pangalan, si Jehova, ang [kanilang] Diyos.”—28:58.
25. (a) Anong tipan ang pinagtitibay ni Jehova sa Israel? (b) Anong pagpili ang inihaharap ni Moises sa bayan?
25 Ikaapat na diskurso ni Moises (29:1–30:20). Nakikipagtipan si Jehova sa Israel sa Moab. Inilakip ang Kautusan na muling binigkas at ipinaliwanag ni Moises, na papatnubay sa pagpasok nila sa Lupang Pangako. Ang pananagutan nila ay idiniin ng panata na kalakip ng tipan. Bilang wakas, nanawagan si Moises sa langit at lupa bilang saksi nang iharap niya sa bayan ang buhay at kamatayan, ang pagpapala at sumpa: “Piliin mo ang buhay upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong supling, sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pakikinig sa kaniyang tinig at paglakip sa kaniya; sapagkat siya ang iyong buhay at ang kalaunan ng iyong mga araw, upang matahanan mo ang lupain na isinumpa ni Jehova sa iyong mga ninunong sina Abraham, Isaac at Jacob.”—Deut. 30:19, 20.
26. Anong pangwakas na mga kaayusan ang ginawa ni Moises bago siya mamatay?
26 Pag-aatas kay Josue, at ang awit ni Moises (31:1–32:47). Ayon sa kabanata 31, matapos isulat ang Kautusan at itagubilin ang palagiang pagbasa nito sa madla, si Josue ay inatasan ni Moises, at sinabi sa kaniya na maging matapang at malakas, at saka naghanda si Moises ng isang awit na pang-alaala at tinapos ang pagsulat sa Kautusan at inilagay ito sa tabi ng kaban ng tipan ni Jehova. Pagkaraan nito, binigkas ni Moises ang mga salita ng awit bilang pahimakas sa buong kongregasyon.
27. Anong makapangyarihang mensahe ang nilalaman ng awit ni Moises?
27 Buong-pagpapahalagang nagsimula ang awit at ipinakilala ang nakagiginhawang Bukal ng kaniyang aral! “Ang aking aral ay papatak na parang ulan, ang aking salita ay bababa na parang hamog, gaya ng marahang ulan sa damo at ng saganang ambon sa mga halaman. Sapagkat ihahayag ko ang pangalan ni Jehova.” Oo, dakilain natin ang “ating Diyos,” “ang Bato.” (32:2-4) Ipahayag ang kaniyang sakdal na gawa, ang makatarungan niyang daan, at ang kaniyang katapatan, katuwiran, at kabutihan. Kahiya-hiya ang ikinilos ng Israel, bagaman ikinanlong sila ni Jehova sa hantad, humuhugong na desyerto, ipinagsanggalang sila bilang pinaka-itim ng kaniyang mata at niyungyungan sila gaya ng agila sa mga inakay nito. Pinataba niya sila, at tinawag na Jeshurun, “Ang Matuwid,” ngunit gaya ng “mga anak na walang pagtatapat” ay pinapanibugho nila siya dahil sa ibang mga diyos. (32:20) Si Jehova ang gaganti at magsusulit. Siya ang pumapatay at bumubuhay. Ihahasa niya ang kaniyang kumikinang na tabak, at tiyak na magbabayad ang kaniyang mga kaaway. Dapat nitong pukawin ang pagtitiwala ng bayan! Gaya ng pagtatapos ng awit, “magalak kayo, mga bansa, kasama ng kaniyang bayan.” Sinong makasanlibutang makata ang makapaparis sa tayog ng kariktan, kapangyarihan, at lalim ng kahulugan ng awit na ito kay Jehova?
28. Papaano dinadakila si Jehova sa huling basbas ni Moises?
28 Huling basbas ni Moises (32:48–34:12). Ibinigay kay Moises ang tagubilin sa kamatayan niya, ngunit hindi pa tapos ang kaniyang paglilingkod. Dapat niyang basbasan ang Israel, at sa paggawa nito, muli niyang dinadakila si Jehova, ang Hari sa Jeshurun, na nagniningning kasama ng laksa-laksang mga banal. Pinagpala ang bawat tribo, saka pinuri ni Moises si Jehova bilang ang Dakila: “Ang Diyos ng sinaunang panahon ay dakong kanlungan, at sa ibabâ ay ang walang-hanggang mga bisig.” (33:27) Mula sa pusong umaapaw sa pagpapahalaga ay namaalam siya: “Maligaya ka, O Israel! Sino ang gaya mo, bayang nagtatamasa ng kaligtasan ni Jehova?”—33:29.
29. Sa papaanong mga paraan namumukod-tangi si Moises?
29 Matapos tanawin ang Lupang Pangako mula sa Bundok Nebo, namatay si Moises, at siya’y inilibing ni Jehova sa Moab, at hanggang ngayo’y hindi alam at hindi na naparangalan ang kaniyang puntod. Inabot niya ang edad na 120, ngunit “ang kaniyang mata ay hindi lumabo, at ang kaniyang lakas ay hindi humina.” Ginamit siya ni Jehova sa pagsasagawa ng dakilang mga tanda at kababalaghan, at ayon sa huling kabanata, wala pang “bumangong propeta sa Israel na gaya ni Moises, na nakilala ni Jehova nang mukhaan.”—34:7, 10.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
30. Papaano angkop na winawakasan ng Deuteronomio ang Pentateuko?
30 Bilang huling aklat ng Pentateuko, pinag-iisa ng Deuteronomio ang mga naunang pangyayari kaugnay ng paghahayag at pagpapakabanal ng dakilang pangalan ni Jehova. Siya lamang ang Diyos, na humihingi ng bukod-tanging pagsamba at ayaw ng kaagaw na mga demonyong diyos ng huwad na pagsamba. Lahat ng Kristiyano ay dapat mag-ukol ngayon ng masusing pansin at sundin ang dakilang mga simulain na kinasasaligan ng batas ng Diyos upang makaiwas sa sumpa habang inihahasa niya ang kumikislap na tabak ng paghihiganti sa kaaway. Ang kaniyang pinakadakila at pangunahing utos ay magiging gabay nila sa buhay: “Iibigin mo si Jehovang iyong Diyos nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas.”—6:5.
31. Papaano humahango sa Deuteronomio ang ibang kinasihang kasulatan sa pagpapahalaga sa mga layunin ng Diyos?
31 Ang Deuteronomio ay malimit tukuyin ng ibang bahagi ng Kasulatan sa pagpapaunlad at pagpapahalaga sa banal na mga layunin. Bukod sa mga sagot sa Manunukso, si Jesus ay gumawa ng marami pang ibang pagtukoy. (Deut. 5:16—Mat. 15:4; Deut. 17:6—Mat. 18:16 at Juan 8:17) Patuloy ito hanggang Apocalipsis, na doon ay nagbabala ang niluwalhating si Jesus laban sa pagdaragdag o pagbawas sa hula ni Jehova. (Deut. 4:2—Apoc. 22:18) Sumipi si Pedro sa Deuteronomio upang suhayan ang paliwanag na si Jesus ang Kristo at Propetang mas dakila kay Moises na ibabangon ni Jehova sa Israel. (Deut. 18:15-19—Gawa 3:22, 23) Sumipi rin si Pablo bilang pagtukoy sa gantimpala sa mga manggagawa, paglilitis sa harap ng mga saksi, at pagtuturo sa mga anak.—Deut. 25:4—1 Cor. 9:8-10 at 1 Tim. 5:17, 18; Deut. 13:14 at 19:15—1 Tim. 5:19 at 2 Cor. 13:1; Deut. 5:16—Efe. 6:2, 3.
32. Sa anong diwa naglalaan ng mahuhusay na halimbawa sina Josue, Gideon, at ang mga propeta?
32 Ang mga sumulat ng Kristiyanong Kasulatan at ang mga lingkod ng Diyos bago ang panahong Kristiyano ay humango ng aral at pampasigla mula sa Deuteronomio. Dapat sundin ang halimbawang ito. Nariyan ang walang-pasubaling pagsunod ng kahalili ni Moises, si Josue, na lumipol sa mga bansa nang sinasakop ang Canaan, na hindi nagnakaw na gaya ni Achan. (Deut. 20:15-18 at 21:23—Jos. 8:24-27, 29) Naaayon sa Kautusan ang pagpapaalis ni Gideon sa “mga matatakutin at nanginginig.” (Deut. 20:1-9—Huk. 7:1-11) Dahil sa katapatan sa batas ni Jehova kaya ang mga propeta sa Israel at Juda ay buong-giting at lakas-loob na humatol sa mga bansang kaaway. Si Amos ay napakahusay na halimbawa nito. (Deut. 24:12-15—Amos 2:6-8) Oo, daan-daan ang halimbawa na nag-uugnay ng Deuteronomio sa ibang bahagi ng Salita ng Diyos, upang ipakita na ito ay isang mahalaga at kapaki-pakinabang na bahagi ng nagkakasuwatong kabuuan.
33. (a) Papaano nangungusap ng papuri kay Jehova ang Deuteronomio? (b) Paano ipinakikita ng kalakip na talaan ang pagkilala ng makasanlibutang mga bansa sa mga simulain ng batas ng Diyos?
33 Ang buod ng Deuteronomio ay nangungusap ng papuri sa Soberanong Diyos, si Jehova. Hanggang sa wakas ay idiniriin nito: ‘Sambahin si Jehova; pag-ukulan siya ng bukod-tanging pagsamba.’ Bagaman hindi na kapit sa mga Kristiyano, ang saligang mga simulain ng Kautusan ay may bisa pa rin. (Gal. 3:19) Malaki ang matututuhan ng mga Kristiyano sa mapuwersang aklat na ito ng batas ng Diyos, pati na sa pasulong na turo, pagka-prangko, at pagiging-payak nito! Kinikilala rin ng mga bansa sa daigdig ang kahigitan ng kataas-taasang batas ni Jehova at sinisipi ang maraming tuntunin ng Deuteronomio sa kanilang mga aklat ng batas. Ang kalakip na talaan ay nagbibigay ng kapansin-pansing halimbawa ng mga batas na kanilang pinagbatayan o ikinapit.
34. Ano ang kaugnayan ng “Pag-ulit ng Batas” at ng Kaharian ng Diyos?
34 Ang paliwanag nito sa Kautusan ay umaakay at nagpapasidhi sa pagpapahalaga sa Kaharian ng Diyos. Papaano? Nang siya’y nasa lupa, ang Haring-Hirang, si Jesu-Kristo, ay may lubos na kabatiran sa aklat at ikinapit ito, gaya ng ipinakikita ng bihasang mga pagtukoy niya. Sa pamamahala ng Kaharian sa buong lupa, mamumuno siya ayon sa matuwid na mga simulain ng “batas” na ito, at dapat sumunod sa mga simulaing ito ang lahat ng magpapala ng sarili sa kaniya bilang “binhi” ng Kaharian. (Gen. 22:18; Deut. 7:12-14) May pakinabang at bentaha ang sumunod ngayon. Hindi maituturing na lipas, ang 3,500 taóng “kautusan” ay nagsasalita ngayon sa isang tinig na makapangyarihan, at patuloy hanggang sa bagong sanlibutan sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. Nawa’y patuloy na pakabanalin ang pangalan ni Jehova sa gitna ng kaniyang bayan sa pamamagitan ng pagkakapit ng lahat ng kapapaki-pakinabang na tagubilin ng Pentateuko, na maluwalhating nagwawakas sa Deuteronomio—tunay na kinasihan at nakapagpapasiglang bahagi ng “lahat ng Kasulatan”!
[Mga talababa]
a Tingnan ang talaan ng “Quotations from the Old Testament” sa The New Testament in Original Greek, nina B. F. Westcott at F. J. A. Hort, 1956, pahina 601-18.
b Deuteronomio 3:9, talababa.
c Halley’s Bible Handbook, 1988, Henry H. Halley, pahina 56.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Chart sa pahina 41]
ILANG LEGAL NA PAMARISAN SA DEUTEURONOMIO d
I. Personal at pampamilyang batas Kabanata at Talata
A. Personal na ugnayan
1. Mga magulang at anak 5:16
2. Ugnayan ng mag-asawa 22:30; 27:20, 22, 23
3. Mga batas sa diborsiyo 22:13-19, 28, 29
B. Mga karapatan sa pag-aari 22:1-4
II. Mga saligang batas
A. Mga kuwalipikasyon at tungkulin 17:14-20
ng hari
B. Mga regulasyon sa militar
1. Mga eksempsiyon sa paglilingkod 20:1, 5-7; 24:5
sa militar
2. Mababang mga opisyal 20:9
III. Ang hukuman
A. Tungkulin ng mga hukom 16:18, 20
B. Kataas-taasang hukuman sa pag-apela 17:8-11
IV. Mga batas kriminal
A. Mga krimen laban sa estado
1. Pagsuhol, pagpilipit sa hustisya 16:19, 20
2. Pagsisinungaling 5:20
B. Mga krimen laban sa moralidad
1. Pangangalunya 5:18; 22:22-24
2. Ilegal na pag-aasawa 22:30; 27:20, 22, 23
C. Mga krimen laban sa pagkatao
1. Pagpatay at pakikipagbagbag 5:17; 27:24
2. Panggagahasa at pangrarahuyo 22:25-29
V. Maka-taong mga batas
A. Kabaitan sa mga hayop 25:4; 22:6, 7
B. Konsiderasyon sa 24:6, 10-18
mga kapus-palad
C. Kodigo sa kaligtasan ng gusali 22:8
D. Pagtrato sa mga nasasakupan, 15:12-15; 21:10-14;
kabilang ang mga alipin 27:18, 19
at bihag
E. Pagkakawanggawa sa 14:28, 29; 15:1-11;
nangangailangan 16:11, 12; 24:19-22
[Mga talababa]
d Israel’s Laws and Legal Precedents, 1907, C. F. Kent, pahina vii hanggang xviii; tingnan din ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 214-20.