Aklat ng Bibliya Bilang 51—Mga Taga-Colosas
Aklat ng Bibliya Bilang 51—Mga Taga-Colosas
Manunulat: Si Pablo
Saan Isinulat: Sa Roma
Natapos Isulat: c. 60–61 C.E.
1. Saan naroon ang bayan ng Colosas?
DALAWANG lalaki ang umalis sa Efeso na binabaybay ang Ilog Meander (Menderes) pasilangan sa Asya Minor. Pagdating nila sa Lycus na sanga ng ilog, sa lupain ng Perga, lumiko sila sa timog-silangan upang sundan ang ilog hanggang sa libis na pinalilibutan ng bundok. Napatambad sa kanila ang isang magandang tanawin: matatabang pastulan at malalaking kawan ng mga tupa. (Isa sa mga pangunahing kalakal doon ay mga produktong lana. a) Sa libis, nadaanan nila sa kanan ang mariwasang lungsod ng Laodicea, kabisera ng Roma sa lalawigan. Sa kaliwa, sa ibayo ng ilog, ay natatanaw ang Herapolis, tanyag sa mga templo at maiinit na bukal. May mga kongregasyong Kristiyano sa dalawang lungsod na ito at gayundin sa maliit na bayan ng Colosas, mga 16 kilometro paahon mula sa libis.
2. (a) Sino ang dalawang kinatawan na isinugo ni Pablo sa Colosas? (b) Ano ang nalalaman tungkol sa kongregasyon sa Colosas?
2 Colosas ang sadya ng mga manlalakbay. Kapuwa sila Kristiyano. Isa sa kanila ay pamilyar sa dakong yaon palibhasa’y taga-Colosas siya. Onesimo ang pangalan niya, isang alipin na pabalik sa kaniyang panginoon na kaanib ng kongregasyon doon. Kasama ni Onesimo si Tiquico, isang malayang tao, at kapuwa sila kinatawan ni apostol Pablo at tagapagdala ng kaniyang liham para sa “tapat na mga kapatid kay Kristo sa Colosas.” Sa abot ng ating nalalaman, hindi nakadalaw si Pablo sa Colosas. Ang kongregasyon na binubuo halos ng mga di-Judio ay malamang na itinatag ni Epafras, masipag nilang kamanggagawa at ngayo’y kasama ni Pablo sa Roma.—Col. 1:2, 7; 4:12.
3. Ano ang isinisiwalat ng liham sa Mga Taga-Colosas tungkol sa manunulat, at pati na sa panahon at dako ng pagsulat?
3 Si apostol Pablo ang sumulat ng liham, gaya ng isinasaad sa pambungad at pangwakas. (1:1; 4:18) Ayon sa pangwakas, isinulat niya ito mula sa bilangguan. Yaon ang una niyang pagkabilanggo sa Roma, 59-61 C.E., at isinulat niya roon ang iba pang mga liham na pampatibay-loob, at ang liham sa mga taga-Colosas ay ipinadala na kasabay niyaong kay Filemon. (Col. 4:7-9; Filem. 10, 23) Waring ito ay isinulat kasabay ng liham sa mga taga-Efeso pagkat magkatulad ang mga ideya at parirala ng dalawa.
4. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng Colosas?
4 Walang saligan upang mag-alinlangan sa pagiging-tunay ng Mga Taga-Colosas. Ang pagkalakip nito sa iba pang liham ni Pablo sa Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46) ng 200 C.E. ay patotoo na ito ay tinanggap ng sinaunang mga Kristiyano bilang isa sa mga liham ni Pablo. Pinatutunayan din ito ng sinaunang mga autoridad na nagpatotoo rin sa pagiging-tunay ng iba pang liham ni Pablo.
5. (a) Ano ang nag-udyok kay Pablo na sumulat sa mga taga-Colosas? (b) Ano ang idiniriin ng liham?
5 Ano ang nag-udyok kay Pablo na lumiham sa mga taga-Colosas? Ang isang dahilan ay sapagkat pabalik na si Onesimo sa Colosas. Bago pa lamang nakakasama ni Pablo si Epafras, at tiyak na ang ulat nito tungkol sa Colosas ay isa pa ring dahilan sa pagsulat. (Col. 1:7, 8; 4:12) May panganib na nagbabanta sa kongregasyon. Ang mga relihiyon noon ay watak-watak, at patuloy ang pagbuo ng mga bago dahil sa pagpipisan ng mga datihan. Palasak ang maka-paganong mga pilosopiya ng asetisismo, espiritismo, at idolatrosong pamahiin, at ang mga ito, kalakip ang pag-iwas ng mga Judio sa pagkain at pangingilin ng mga araw ay malamang na nakaimpluwensiya sa ilan sa kongregasyon. Anoman ang suliranin, waring may sapat na dahilan si Epafras na gumawa ng mahabang paglalakbay sa Roma upang makita si Pablo. Gayunman, ang kongregasyon sa kabuuan ay hindi nahaharap sa kagyat na panganib gaya ng ipinahihiwatig ng nagpapatibay na ulat ni Epafras sa kanilang pag-ibig at katatagan. Nang marinig ang ulat, ipinagtanggol agad ni Pablo ang tumpak na kaalaman at dalisay na pagsamba sa pamamagitan ng liham na ito. Idiniin nito ang maka- Diyos na kahigitan ni Kristo sa harap ng paganong pilosopiya, pagsamba sa mga anghel, at mga tradisyong Judio.
NILALAMAN NG MGA TAGA-COLOSAS
6. (a) Ano ang idinalangin ni Pablo alang-alang sa mga taga-Colosas? (b) Ano ang tinatalakay ni Pablo tungkol sa katayuan at ministeryo ni Jesus kaugnay ng kongregasyon?
6 Manampalataya kay Kristo, ang ulo ng kongregasyon (1:1–2:12). Pagkatapos ng pagbati niya at ni Timoteo, nagpapasalamat si Pablo sa mga taga-Colosas dahil sa pag-ibig at pananampalataya nila kay Kristo. Natutuhan nila ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos dahil sa mabuting balita na ipinangaral ni Epafras. Mula nang matanggap ang ulat tungkol sa kanila, hindi na tumigil si Pablo nang pananalangin na nawa’y mapuspos sila ng “tumpak na kaalaman ng kaniyang kalooban sa buong karunungan at espirituwal na unawa, upang makalakad nang nararapat kay Jehova” at “upang lubusang makapagtiis at magpahinuhod na may kagalakan.” (1:9-11) Inilipat sila ng Ama sa “kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig,” na siyang larawan ng di-nakikitang Diyos, na sa pamamagitan niya at alang- alang sa kaniya ay nilalang ang lahat ng bagay. Siya ang Ulo ng kongregasyon at panganay sa mga patay. Sa pamamagitan ng dugo ni Jesus, minabuti ng Diyos na papagkasunduin ang lahat ng bagay sa kaniya, oo, pati na ang dating hiwalay na mga taga-Colosas, ‘kung sila’y mananatili sa pananampalataya.’—1:13, 23.
7. Ano ang ipinangangaral ni Pablo, at sa anong layunin?
7 Nagagalak si Pablo sapagkat napupunan niya ang paghihirap ni Kristo alang-alang sa kongregasyon, na siyang gumawa sa kaniya na ministro. Ito’y upang lubos na maipangaral ang salita ng Diyos tungkol ‘sa banal na lihim, ang maluwalhating kayamanang minagaling ng Diyos na ipaalam sa mga banal.’ ‘Ipinapahayag namin si Kristo,’ sabi ni Pablo, ‘na nagpapayo at nagtuturo sa buong karunungan, upang ang bawat tao ay maiharap namin na kaisa ni Kristo.’—1:26-28.
8. Bakit nagsikap si Pablo alang-alang sa mga kapatid?
8 Ang pagsisikap ni Pablo alang-alang sa mga taga-Colosas, taga-Laodicea, at iba pa, ay upang sila ay maaliw at magkaisa sa pag-ibig, sa layuning magkamit ng ‘tumpak na kaalaman hinggil sa banal na lihim ng Diyos, alalaong baga, si Kristo, na sa kaniya’y nalilihim ang lahat ng kayamanan ng karunungan at ng kaalaman.’ Ayaw niyang mailigaw sila ng mapanghikayat na mga pangangatuwiran, kundi sila’y patuloy na lumalakad na kaisa ni Kristo, “nag-uugat at natatayo sa kaniya at tumatatag sa pananampalataya.” Nagbabala si Pablo. “Mag-ingat kayo: baka sa inyo’y may bumihag sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-kabuluhang pandaraya ayon sa sali’t-saling sabi ng mga tao.”—2:2, 3, 7, 8.
9. Laban sa anong pagsamba nagbabala si Pablo, at bakit hindi dapat magpasakop sa Kautusan ang mga taga-Colosas?
9 Maging patay sa mga gawa ng laman ngunit buháy kay Kristo (2:13–3:17). Bagaman patay sila dahil sa pagkakasala at pagiging di-tuli, binuhay sila ng Diyos kaisa ni Kristo, at pinawi ang nasusulat na Kautusan na laban sa mga Judio. “Kaya sinoman ay huwag humatol” sa kanila kaugnay ng Kautusan o ng mga palatuntunan nito, na pawang anino ng katunayan, si Kristo. At kung namatay sila kaisa ni Kristo sa panimulang mga aral ng sanlibutan, bakit muli silang nagpapasakop sa mga tuntunin: “Huwag humawak, o tumikim, o humipo,” ayon sa mga utos at turo ng tao? Ang pagsamba na pakitang-tao, kunwang pagpapakumbaba, at pagpapahirap sa katawan—ay pawang walang-kabuluhan sa pagsugpo sa mga pita ng laman.—2:16, 21.
10. Papaano hahanapin ang mga bagay na nasa itaas at papaano magbibihis ng bagong pagkatao?
10 Sa halip, nagpapayo si Pablo: “Hanapin ang mga bagay na nasa itaas, na doon si Kristo ay nakaupo sa kanan ng Diyos. Ipako ang inyong mga pag-iisip sa mga bagay na nasa itaas, hindi sa mga bagay na nasa lupa.” Magagawa ito kung huhubarin ang dating pagkatao at isusuot ang bago, na ayon sa tumpak na kaalaman ay hindi nagtatangi sa Judio at Griyego, sapagkat “si Kristo ay nasa lahat ng bagay at para sa lahat.” Nangangahulugan ito ng pagbibihis ng pusong mahabagin, kabaitan, kababaan, kahinahunan, at pagtitiis “bilang mga hinirang ng Diyos.” Sinasabi ng apostol: “Kung papaanong pinatawad kayo ni Jehova ay gayundin ang inyong gawin. At sa ibabaw ng lahat ay magbihis kayo ng pag-ibig, sapagkat ito ang sakdal na buklod ng pagkakaisa.” Sa salita o kilos, lahat ay gawin “sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat sa Diyos na Ama sa pamamagitan niya.”—3:1, 2, 11-14, 17.
11. (a) Anong payo ang ibinibigay hinggil sa pamilya at iba pang pakikipag-ugnayan? (b) Anong mga pagbati ang inihahatid bilang pangwakas?
11 Mga pakikipag-ugnayan sa iba (3:18–4:18). Sa ugnayang pampamilya, dapat pasakop ang babae sa kaniyang asawa at dapat ibigin ng lalaki ang kaniyang asawa, dapat sundin ng anak ang kaniyang magulang at huwag iinisin ng ama ang kaniyang anak. Ang alipin ay dapat sumunod sa kaniyang panginoon sa pagkatakot kay Jehova, at ang panginoon ay dapat makitungo nang matuwid sa alipin. Lahat ay magmatiyaga sa pananalangin at patuloy na lumakad sa karunungan sa mga nasa labas. Sina Tiquico at Onesimo ay personal na magsasalaysay tungkol kay Pablo at sa mga kamanggagawa niya sa Kaharian ng Diyos. Bumabati sila sa Colosas, at binabati rin ni Pablo ang mga taga-Laodicea, at hiniling na magpalitan sila ng liham niya sa isa’t-isa. Isang pansarang pagbati ang ipinadala ni Pablo sa sariling sulat-kamay: “Alalahanin ninyo ang aking mga tanikala. Suma-inyo nawa ang di-sana-nararapat na kabaitan.”—4:18.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
12. Anong nakagiginhawang mga katotohanan ang inilaan ng liham ni Pablo sa Mga Taga-Colosas, at ano ang pakinabang nito sa kongregasyon?
12 Guni-gunihin kung gaano kabilis kumalat sa mga kapatid sa Colosas ang balita ng pagdating ng dalawang kapatid mula sa Roma. Buong-pananabik silang magtitipon, malamang sa bahay ni Filemon, upang pakinggan ang liham ni Pablo. (Filem. 2) Nakagiginhawa ang sinasabi nito tungkol sa wastong katayuan ni Kristo at sa halaga ng tumpak na kaalaman! Maliwanag na nailantad ang mga pilosopiya ng tao at tradisyong Judio, at naitanyag ang kapayapaan at salita ng Kristo! Pagkain ito sa isipan at puso ng buong kongregasyon—tagapangasiwa, asawang lalaki at babae, ama, anak, panginoon, alipin. Tiyak na mayroon ding mahusay na payo para kina Filemon at Onesimo ngayong naisauli na ang kanilang ugnayan bilang panginoon at alipin. Napakahusay ang halimbawang inilaan sa mga tagapangasiwa sa pagsasauli ng kawan sa wastong doktrina! Napatalas ni Pablo ang pagpapahalaga ng mga taga-Colosas sa buong-kaluluwang paglilingkod kay Jehova! At ang nagpapatibay na payo na umiwas sa umaaliping paniwala at kaugalian ng sanlibutan ay nananatiling buháy na mensahe para sa kongregasyon ngayon.—Col. 1:9-11, 17, 18; 2:8; 3:15, 16, 18-25; 4:1.
13. Ano ang ipinayo ni Pablo tungkol sa magigiliw na pananalita, panalangin, at pagsasamahang Kristiyano?
13 Ang Colosas 4:6 ay napakahusay na payo para sa ministrong Kristiyano: “Maging magiliw nawang lagi ang inyong pananalita, may lasang asin, upang malaman kung papaano sasagutin ang bawat isa.” Ang magiliw na mga salita ng katotohanan ay magpapagana sa tapat-pusong mga tao at aakay sa walang-hanggan nilang kapakinabangan. Bukod dito, ang gisíng na pananalangin ng Kristiyano, na bumubukal sa pusong nagpapahalaga, ay magdudulot ng mayayamang pagpapala mula kay Jehova: “Magmatiyaga sa pananalangin, na nananatiling gising na may pasasalamat.” At talagang nakagagalak at nagpapatibay ang pagsasamahang Kristiyano! “Kayo’y magturuan at magpaalalahanan sa isa’t-isa,” sabi ni Pablo, “na nag-aawitan sa inyong mga puso kay Jehova.” (4:2; 3:16) Marami pang hiyas ng matalino, praktikal na tagubilin ang matutuklasan sa liham sa Mga Taga-Colosas.
14. (a) Anong katunayan ang itinatampok sa Mga Taga-Colosas? (b) Papaano idiniriin ang pag-asa ng Kaharian?
14 Tungkol sa Kautusan, sinasabi ng liham: “Ang mga ito’y anino ng mga bagay na darating, ngunit ang katunayan ay kay Kristo.” (2:17) Ang katunayang ito kay Kristo ay itinatampok ng Mga Taga-Colosas. Malimit tukuyin ng liham ang makalangit na pag-asa ng mga kaisa ni Kristo. (1:5, 27; 3:4) Sila’y makapagpapasalamat na sila’y nailigtas ng Ama mula sa kapangyarihan ng kadiliman tungo “sa kaharian ng Anak ng kaniyang pag-ibig.” Kaya naging sakop sila ng Isa na siyang “larawan ng di-nakikitang Diyos, ang panganay sa lahat ng nilalang; sapagkat sa pamamagitan niya ay nalalang ang lahat ng ibang bagay sa langit at sa lupa, mga bagay na nakikita at di-nakikita, maging mga luklukan o mga pagsakop o mga pamahalaan o mga kapangyarihan.” Siya lamang ang kuwalipikadong mamahala nang may katuwiran sa Kaharian ng Diyos. Kaya, naaayon ito sa ipinayo ni Pablo sa mga pinahirang Kristiyano: “Kung kayo ay muling binuhay na kalakip ni Kristo, ay hanapin ninyo ang mga bagay na nasa itaas, na doon si Kristo ay nakaupo sa kanan ng Diyos.”—1:12-16; 3:1.
[Talababa]
a The Westminster Dictionary of the Bible, 1970, pahina 181.
[Mga Tanong sa Aralin]