Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 52—1 Tesalonica

Aklat ng Bibliya Bilang 52—1 Tesalonica

Aklat ng Bibliya Bilang 52​—1 Tesalonica

Manunulat: Si Pablo

Saan Isinulat: Sa Corinto

Natapos Isulat: c. 50 C.E.

1. (a) Papaano napasulat ang Unang Tesalonica? (b) Kailan isinulat ito, at sa ano katangi-tangi ang liham?

 SA IKALAWANG paglalakbay-misyonero ni apostol Pablo noong taóng 50 C.E., dumalaw siya sa lungsod ng Tesalonica sa Macedonia at nagtatag doon ng kongregasyong Kristiyano. Nang taon ding yaon, samantalang nasa Corinto kasama ni Silvano (si Silas sa aklat ng Mga Gawa) at ni Timoteo, si Pablo ay naudyukang sumulat ng unang liham sa Mga Taga-Tesalonica upang aliwin sila at patibayin sa pananampalataya. Malamang na patapós na ang 50 C.E. Waring katangi-tangi ang 1 Tesalonica sa pagiging-una sa mga liham ni Pablo na naging bahagi ng kanon ng Bibliya at, liban marahil sa Ebanghelyo ni Mateo, ang unang aklat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego na napasulat.

2. Ano ang ebidensiya tungkol sa pagkasulat at pagiging-tunay ng Unang Tesalonica?

2 Hindi matututulan ang ebidensiya ng pagiging-tunay at pagiging-tapat ng liham. Nginanganlan ni Pablo ang sarili bilang manunulat, at ang nilalaman ng aklat ay kasuwato ng ibang bahagi ng kinasihang Salita. (1 Tes. 1:1; 2:18) Binabanggit ito sa pangalan sa pinaka-maagang katalogo ng kinasihang Kasulatan, pati na sa Muratorian Fragment. a Ang Unang Tesalonica ay sinisipi o tinutukoy ng maraming sinaunang eklesiastikal na manunulat, gaya ni Irenaeus (ikalawang siglo C.E.), na bumabanggit nito sa pangalan. Ang Unang Tesalonica ay nasa Chester Beatty Papyrus No. 2 (P46) ng mga 200 C.E., at isa pang papyrus ng ikatlong siglo (P30) na ngayo’y nasa Ghent, Belgium, ay may mga bahagi ng Una at Ikalawang Tesalonica. b

3, 4. Ano ang epekto ng maagang tagumpay ng ministeryo ni Pablo sa Tesalonica?

3 Ang pagsulyap sa maikling kasaysayan ng kongregasyon sa Tesalonica, bago napasulat ang liham na ito, ay magpapakilala ng taimtim na malasakit ni Pablo para sa mga kapatid. Sa pasimula pa, dumanas na sila ng mahigpit na pag-uusig at pagsalansang. Sa Gawa kabanata 17, iniuulat ni Lucas ang pagdating nina Pablo at Silas sa Tesalonica, “na kinaroroonan ng isang sinagoga ng mga Judio.” Si Pablo ay tatlong Sabbath na nangaral at nakipagkatuwiranan mula sa mga Kasulatan, at may mga hiwatig na namalagi siya roon nang mas matagal, upang maghanap-buhay at, higit sa lahat, magtatag at mag-organisa ng isang kongregasyon.​—Gawa 17:1; 1 Tes. 2:9; 1:6, 7.

4 Ang epekto ng pangangaral ng apostol sa Tesalonica ay matingkad na ipinakikita ng Gawa 17:4-7. Nainggit sa tagumpay ng ministeryong Kristiyano ni Pablo, inudyukan ng mga Judio ang mga mang-uumog na manligalig nang husto sa lungsod. Sinugod nila ang bahay ni Jason at kinaladkad siya at iba pang kapatid sa harap ng mga pinunò ng lungsod, na humihiyaw: “Dumating na rito ang mga lalaking manliligalig sa sanlibutan, at pinatuloy sila ni Jason. Silang lahat ay lumalabag sa mga utos ni Cesar, at nagsasabing may ibang hari, si Jesus.” Napilitan sina Jason na magpiyansa upang makalaya. Upang maingatan ang mga kapatid, at alang-alang na rin sa sariling kaligtasan, sina Pablo at Silas ay pinapunta kinagabihan sa Berea. Ngunit ang kongregasyon sa Tesalonica ay naitatag na.

5. Papaano nagpakita si Pablo ng pag-aalala at maibiging interes para sa kongregasyon sa Tesalonica?

5 Sinundan si Pablo ng maapoy na pag-uusig ng mga Judio hanggang sa Berea at sinikap nilang hadlangan ang pangangaral niya roon. Kaya lumipat siya sa Atenas, sa Gresya. Gayunma’y nag-aalala siya sa mga kapatid sa Tesalonica na napapaharap sa kapighatian. Makalawa niyang sinubok na bumalik, subalit laging ‘humahadlang si Satanas.’ (1 Tes. 2:17, 18) Balisa ukol sa bagong kongregasyon at nagdaramdam sa kanilang kapighatian, si Timoteo ay pinapunta ni Pablo sa Tesalonica upang aliwin ang mga kapatid at patibayin sila sa pananampalataya. Nang magbalik si Timoteo na may nakagagalak- pusong balita, nag-umapaw ang kaligayahan ni Pablo sa kanilang matatag na paninindigan sa harap ng marahas na pag-uusig. Naging halimbawa sila sa mga mananampalataya sa buong Macedonia at Acaia. (1:6-8; 3:1-7) Nagpasalamat si Pablo sa Diyos na Jehova dahil sa kanilang pagtitiis, ngunit natalos din niya na habang sumusulong sa pagka-maygulang, mangangailangan sila ng higit pang patnubay at payo. Kaya samantalang nasa Corinto kasama nina Timoteo at Silvano, isinulat ni Pablo ang una niyang liham sa mga taga-Tesalonica.

NILALAMAN NG UNANG TESALONICA

6. Sa ano pinapurihan ni Pablo ang mga taga-Tesalonica?

6 Halimbawa ang mga taga-Tesalonica sa ibang mananampalataya (1:1-10). Nagsimula si Pablo sa masiglang pagpuri sa kanilang katapatan, pag-ibig, at pagtitiis. Ang pangangaral sa kanila ng mabuting balita ay hindi lamang sa salita kundi ‘sa kapangyarihan at lubos na pagtitiwala.’ Tinanggap ng mga taga-Tesalonica ang salita “nang may kagalakan ng banal na espiritu” gaya ng halimbawa na nakita nila, at sila’y naging uliran sa lahat ng mananampalataya sa Macedonia, Acaia, at lahat ng dako. Tinalikuran nila ang mga idolo “upang maglingkod sa nabubuhay at tunay na Dios, at upang hintayin ang kaniyang Anak mula sa langit.”​—1:5, 6, 9, 10.

7. Anong saloobin ang ipinamalas ni Pablo at ng mga kasama niya samantalang nasa Tesalonica, at ano ang ipinayo nilang gawin ng mga ito?

7 Maibiging malasakit ni Pablo para sa mga taga-Tesalonica (2:1–​3:13). Matapos bastusin sa Filipos, sina Pablo ay buong-giting na nangaral sa mga taga-Tesalonica. Ginawa nila ito hindi upang palugdan ang tao o bilang pakitang-tao o upang purihin ng tao. Sa halip, sabi ni Pablo, “kami’y naging magiliw sa inyo, gaya ng isang sisiwa na nagmamahal sa sariling mga anak. At dahil sa matimyas na pag-ibig ay nalugod kaming ibahagi, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi maging ang aming kaluluwa, sapagkat kayo’y napamahal sa amin.” (2:7, 8) Gaya ng ama sa kaniyang mga anak, pinayuhan nila ang mga taga-Tesalonica na lumakad nang nararapat sa Diyos na tumatawag sa kanila sa kaniyang Kaharian at kaluwalhatian.

8. Papaano naging kagalakan kay Pablo ang mga taga-Tesalonica, at ano ang idinalangin niya alang-alang sa kanila?

8 Pinapurihan sila ni Pablo sa kagyat na pagtanggap ng mabuting balita bilang “salita ng Diyos.” Hindi lamang sila ang tumanggap ng pag-uusig mula sa kababayan, sapagkat ang mga kapatid sa Judea ay dumanas din ng pag-uusig sa kamay ng mga Judio. Dahil sa pag-aalala, makalawang hinangad ni Pablo na dumalaw ngunit hinadlangan siya ni Satanas. Para kay Pablo at sa mga kamanggagawa niya, ang mga kapatid sa Tesalonica ay putong ng kagalakan, ang kanilang “kaluwalhatian at kaligayahan.” (2:13, 20) Nang hindi na makatiis sa kawalan ng balita tungkol sa kanila, si Timoteo ay isinugo ni Pablo sa Tesalonica upang aliwin at patibayin sila sa pananampalataya. Kababalik lamang ni Timoteo taglay ang mabuting balita tungkol sa kanilang espirituwal na kasaganaan at pag-ibig, at nagdulot ito ng kaaliwan at kagalakan sa apostol. Nagpasalamat si Pablo sa Diyos at idinalangin na nawa’y palaguin sila ng Panginoon, na sumagana ang pag-ibig nila sa isa’t-isa, at na ang puso nila’y maging “walang kapintasan sa kabanalan” sa harap ng Diyos na Ama sa pagkanaririto ng Panginoong Jesus.​—3:13.

9. Ano ang ipinayo ni Pablo tungkol sa pagpapakabanal at pag-ibig sa isa’t-isa?

9 Paglilingkod sa pagpapakabanal at sa karangalan (4:1-12). Pinapurihan ni Pablo ang mga taga-Tesalonica dahil sa pagpapalugod sa Diyos, at pinayuhan sila na gawin pa ito nang higit. Bawat isa ay “matutong pumigil sa sariling katawan sa pagpapakabanal at sa karangalan, hindi sa sakim na pita ng kahalayan.” Kaya hindi dapat yurakan ng sinoman ang karapatan ng kaniyang kapatid. Tinawag sila ng Diyos, “hindi sa pagpapakarumi, kundi sa pagpapakabanal. Kaya ang nagwawalang-bahala ay nagwawalang-bahala, hindi sa tao, kundi sa Diyos.” (4:4, 5, 7, 8) Pinapurihan sila ni Pablo sa pag-ibig nila sa isa’t-isa, at pinayuhan sila na gawin ito nang higit pa, at maging tunguhin ang mamuhay nang tahimik at asikasuhin ang sariling gawain at magpagal ng sariling kamay. Sapagkat dapat silang lumakad nang nararapat “alang-alang sa mga taga-labas.”​—4:12.

10. Ano ang dapat maging saloobin ng mga kapatid hinggil sa mga natutulog sa kamatayan?

10 Ang pag-asa ng pagkabuhay-na-muli (4:13-18). Kung tungkol sa mga natutulog sa kamatayan, hindi dapat malumbay na gaya ng mga walang pag-asa. Kung sumasampalataya sila na si Jesus ay namatay at muling nabuhay, ibabangon din ng Diyos kay Jesus ang lahat ng natutulog sa kamatayan. Sa pagkanaririto ng Panginoon, siya ay mananaog na nag-uutos mula sa langit, “at ang mga patay na kaisa ni Kristo ay unang babangon.” Pagkatapos, ang mga nabubuhay ay “aagawing kasama ng mga alapaap upang salubungin ang Panginoon sa papawirin,” upang laging makasama ang Panginoon.​—4:16, 17.

11. Bakit dapat manatiling gising ang mga taga-Tesalonica, at ano ang dapat na patuloy nilang gawin?

11 Pananatiling gising habang papalapit ang araw ni Jehova (5:1-28). “Darating ang araw ni Jehova na gaya ng magnanakaw sa gabi.” Kapag sinabi ng mga tao na “Kapayapaan at katiwasayan!” saka darating ang biglang pagkawasak. Kaya ang mga taga-Tesalonica ay dapat manatiling gising bilang “mga anak ng liwanag at mga anak ng araw,” nagpupuyat at nasasakbatan ng “baluti ng pananampalataya at pag-ibig at [ginagawang] helmet ang pag-asa ng kaligtasan.” (5:2, 3, 5, 8) Panahon ito ng pag-aliw at pagpapatibay sa isa’t-isa. Lahat ay mag-ukol ng “di-pangkaraniwang pag-ibig” sa mga nagpapagal at nagpupunò. Sa kabilang dako, payuhan ang magugulo, palakasin ang mahihina, at maging mapagpahinuhod sa lahat. Oo, sinabi ni Pablo, “laging itaguyod ang ikabubuti ng isa’t-isa at ng lahat.”​—5:13, 15.

12. Sa anong mahahalagang bagay nagpayo si Pablo, at papaano niya tinapos ang liham sa mga taga-Tesalonica?

12 Bilang pagwawakas, nagpapayo si Pablo tungkol sa ilang mahahalagang bagay: ‘Laging magalak. Manalanging walang-humpay, pasalamatan ang lahat. Paningasin ang liyab ng espiritu. Igalang ang panghuhula. Tiyakin ang lahat ng bagay at manghawakan sa mabuti. Iwasan ang lahat ng kabalakyutan.’ (5:16-22) Idinalangin niya na nawa’y pakabanalin sila ng Diyos ng kapayapaan at manatili silang walang-kapintasan sa espiritu, kaluluwa, at katawan sa pagkanaririto ng Panginoong Jesu-Kristo. Tinapos niya ang liham sa maiinit na pampatibay-loob kasabay ng taimtim na tagubilin na ang liham ay basahin sa lahat ng kapatid.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

13. Sa ano naging marangal na halimbawa si Pablo at ang mga kasama niya, at ano ang naging epekto sa kongregasyon ng pag-ibig na kusang ipinamalas?

13 Sa liham ay ipinamalas ni Pablo ang espiritu ng maibiging pagmamalasakit sa mga kapatid. Siya at ang mga kapuwa niya ministro ay nag-iwan ng marangal na halimbawa ng matimyas na pag-ibig, na ibinahagi hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos kundi maging ang kaluluwa nila alang-alang sa minamahal na mga kapatid sa Tesalonica. Sikapin nawa ng lahat ng mga tagapangasiwa na patibayin ang gayong buklod ng pag-ibig sa mga kongregasyon! Ito ay pupukaw sa lahat na magpamalas ng pag-ibig sa isa’t-isa, gaya ng sinabi ni Pablo: “Palaguin nawa ng Panginoon, oo, pasaganain nawa sa inyo ang pag-ibig sa isa’t-isa at sa lahat, gaya rin ng amin sa inyo.” Nagpapatibay ang ganitong pag-ibig na kusang ipinamamalas sa gitna ng bayan ng Diyos. Ang mga puso ay nagiging “matatag, walang-dungis sa kabanalan sa harapan ng ating Diyos at Ama at sa pagkanaririto ng Panginoong Jesus kasama ang lahat ng mga banal.” Inihihiwalay nito ang mga Kristiyano mula sa balakyot at mahalay na sanlibutan upang makalakad sila sa kabanalan at kalinisan at sa gayo’y makalugod sa Diyos.​—3:12, 13; 2:8; 4:1-8.

14. Papaano mahusay na halimbawa ang Unang Tesalonica sa mataktika, maibiging pagpapayo?

14 Ang liham ay mahusay na uliran sa mataktika, maibiging payo sa kongregasyong Kristiyano. Bagaman masigasig at tapat ang mga taga-Tesalonica, may mga puntong dapat ituwid. Gayunman, sa bawat kaso ay pinapurihan ni Pablo ang mga kapatid sa mabubuti nilang katangian. Halimbawa, nang magbabala laban sa moral na karumihan, pinapurihan muna niya sila sa paglakad nang kalugud-lugod sa Diyos at hinimok sila na gawin ito “nang higit,” na iniingatang malinis ang sariling katawan sa pagpapakabanal at karangalan. Matapos papurihan ang kanilang pag-ibig sa kapatid, pinayuhan niya sila na gawin ito “nang higit pa,” na inaasikaso ang sariling gawain at namumuhay nang nararapat alang-alang sa mga taga-labas. Mataktika silang pinayuhan ni Pablo na “laging itaguyod ang ikabubuti ng isa’t-isa at ng lahat.”​—4:1-7, 9-12; 5:15.

15. Ano ang patotoo na si Pablo ay masigasig na nangaral ng pag-asa ng Kaharian samantalang nasa Tesalonica, at anong mahusay na payo ang ibinigay niya kaugnay nito?

15 Apat na beses binabanggit ni Pablo ang “pagkanaririto” ni Jesu-Kristo. Ang baguhang mga Kristiyano sa Tesalonica ay malamang na lubhang interesado sa turong ito. Nang naroon pa siya, tiyak na si Pablo ay buong-giting na nangaral tungkol sa Kaharian ng Diyos sa kamay ni Kristo, gaya ng ipinaratang sa kaniya at sa mga kasama niya: “Silang lahat ay lumalabag sa mga utos ni Cesar, at nagsasabing may ibang hari, si Jesus.” (Gawa 17:7; 1 Tes. 2:19; 3:13; 4:15; 5:23) Inilagak ng mga taga-Tesalonica ang pag-asa nila sa Kaharian, at bilang pananampalataya sa Diyos, ay naghihintay sa “kaniyang Anak mula sa langit, na ibinangon niya mula sa mga patay, alalaong baga, si Jesus,” upang iligtas sila sa dumarating na galit. Kaya lahat ng umaasa ngayon sa Kaharian ng Diyos ay dapat sumunod sa mahusay na payo ng Unang Tesalonica at sumagana sa pag-ibig, na ang puso’y matatag at walang kapintasan, upang sila ay ‘lumakad nang nararapat sa Diyos na tumatawag sa kanila sa kaniyang kaharian at kaluwalhatian’.​—1 Tes. 1:8, 10; 3:12, 13; 2:12.

[Mga talababa]

a Tingnan ang chart na “Namumukod-tanging Sinaunang mga Katalogo ng Kristiyanong Kasulatang Griyego,” pahina 303.

b The Text of the New Testament, nina Kurt at Barbara Aland, isinalin ni E. F. Rhodes, 1987, pahina 97, 99.

[Mga Tanong sa Aralin]