Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 54—1 Timoteo

Aklat ng Bibliya Bilang 54—1 Timoteo

Aklat ng Bibliya Bilang 54​—1 Timoteo

Manunulat: Si Pablo

Saan Isinulat: Sa Macedonia

Natapos Isulat: c. 61–​64 C.E.

1, 2. (a) Ano ang pagkakaiba ng mga ulat ng Mga Gawa at Ikalawang Timoteo tungkol sa pagkabilanggo ni Pablo? (b) Kailan waring isinulat ang Unang Timoteo, at bakit?

 NATAPOS ang ulat ni Lucas sa Mga Gawa tungkol sa buhay ni Pablo nang ito ay nasa Roma at hinihintay ang resulta ng pag-aapela niya kay Cesar. Nakatira siya sa inuupahang bahay, nangangaral sa mga dumadalaw, na “may buong-kalayaan ng pagsasalita, at walang sagabal.” (Gawa 28:30, 31) Ngunit sa ikalawa niyang liham kay Timoteo, sinabi ni Pablo: “Nagtitiis ako ng kahirapan sa mga tanikala bilang isang makasalanan,” at bumabanggit siya tungkol sa napipintong kamatayan. (2 Tim. 2:9; 4:6-8) Kay laking pagbabago! Sa una, tinatrato siya gaya ng marangal na bilanggo, sa ikalawa, bilang salarin. Ano ang naganap sa pagitan ng pag-uulat ni Lucas sa sitwasyon ni Pablo noong 61 C.E., pagkatapos ng dalawang taon sa Roma, at ng pagsulat mismo ni Pablo kay Timoteo tungkol sa kaniyang kondisyon, na waring isinulat nang malapit na siyang mamatay?

2 Ang suliranin ng pag-aangkop ng pagsulat ni Pablo kina Timoteo at Tito sa yugto na sinasaklaw sa Mga Gawa ay umakay sa ilang komentarista sa Bibliya upang ipasiya na nagtagumpay si Pablo sa pag-apela kay Cesar at na siya’y pinalaya noong mga 61 C.E. Sabi ng The New Westminster Dictionary of the Bible: “Ang huling talata ng Mga Gawa ay higit na umaalalay sa pangmalas na ito [na si Pablo ay pinalaya makaraan ang dalawang-taóng pagkabilanggo] kaysa palagay na ang pagkabilanggo ay nagwakas sa paghatol at kamatayan ng apostol. Idiniriin ni Lucas na walang humadlang sa pangangaral ni Pablo, na tiyak na nagpapahiwatig na hindi pa matatapos ang kaniyang gawain.” a Kaya ang Unang Timoteo ay isinulat sa pagitan ng paglaya niya mula sa unang pagkabilanggo sa Roma at ng huling pagkabilanggo niya roon, o noong mga 61-64 C.E.

3, 4. (a) Nang makalaya, ano ang maliwanag na ginawa ni Pablo? (b) Mula saan niya isinulat ang Unang Timoteo?

3 Maliwanag na ipinagpatuloy ni Pablo ang pagmimisyonero kasama nina Timoteo at Tito nang makalaya siya sa bilangguan. Hindi tiyak kung nakarating nga si Pablo sa Espanya, gaya ng palagay ng iba. Sinabi ni Clement ng Roma (c. 95 C.E.) na narating ni Pablo “ang pinaka-dulo ng K[anluran],” maaaring kalakip ang Espanya. b

4 Mula saan isinulat ni Pablo ang unang liham kay Timoteo? Ipinahihiwatig ng 1 Timoteo 1:3 na inatasan ni Pablo si Timoteo na harapin ang ilang suliranin sa kongregasyon ng Efeso samantalang siya naman ay nagbalik sa Macedonia. Mula rito, waring sinulatan niya si Timoteo nang ito’y nasa Efeso.

5. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng mga liham kay Timoteo?

5 Mula pa noong una ang dalawang liham kay Timoteo ay kinilalang mula kay Pablo at bahagi ng kinasihang Kasulatan. Sumasang-ayon dito ang sinaunang mga manunulat na Kristiyano, gaya nina Polycarp, Ignatius, at Clement ng Roma, at sa mga katalogo noong unang mga siglo, ang mga liham ay kabilang sa mga sulat ni Pablo. Sabi ng isang autoridad: “Bihirang aklat sa B[agong] T[ipan] ang may mas mariing patotoo . . . Kaya ang mga pagtutol sa pagiging-tunay nito ay dapat ituring na makabagong mga pagsisikap na salungat sa matibay na ebidensiya mula sa sinaunang iglesiya.” c

6. (a) Bakit isinulat ni Pablo ang Unang Timoteo? (b) Ano ang masasabi tungkol kay Timoteo, at ano ang nagpapahiwatig na siya ay isang maygulang na manggagawa?

6 Sumulat si Pablo ng unang liham kay Timoteo upang linawin ang ilang pamamaraang pang-organisasyon. Dapat ding papag-ingatin si Timoteo sa huwad na turo at patibayin ang mga kapatid na itakwil ang gayong ‘huwad na kaalaman.’ (1 Tim. 6:20) Ang komersiyo sa lungsod ng Efeso ay maghaharap din ng tukso ng materyalismo at “pag-ibig sa salapi,” kaya napapanahon ding magpayo tungkol dito. (6:10) Tiyak na si Timoteo ay may mahusay na karanasan at pagsasanay para sa gawain. Ang ama niya ay Griyego at ang ina niya ay isang Judiong may-takot sa Diyos. Hindi tiyak kung kailan unang nakilala ni Timoteo ang Kristiyanismo. Nang dumalaw si Pablo sa Listra sa ikalawang paglalakbay-misyonero, malamang ay sa dulo ng 49 C.E. o maaga sa 50 C.E., si Timoteo (na humigit-kumulang ay 20 anyos na) ay mayroon nang “mabuting patotoo mula sa mga kapatid sa Listra at Iconio.” Kaya si Timoteo ay isinama nina Pablo at Silas sa paglalakbay. (Gawa 16:1-3) Si Timoteo ay binabanggit sa pangalan sa 11 sa 14 na liham ni Pablo at maging sa Mga Gawa. Si Pablo ay laging parang ama sa kaniya at maraming beses siyang inatasan na dumalaw at maglingkod sa iba’t-ibang kongregasyon​—patotoo na si Timoteo ay mabisang misyonero at kuwalipikado sa mabibigat na pananagutan.​—1 Tim. 1:2; 5:23; 1 Tes. 3:2; Fil. 2:19.

NILALAMAN NG UNANG TIMOTEO

7. Bakit pinasigla ni Pablo si Timoteo na manatili sa Efeso?

7 Payo tungkol sa pananampalataya na may mabuting budhi (1:1-20). Matapos batiin bilang “tunay na anak sa pananampalataya,” pinasigla ni Pablo si Timoteo na manatili sa Efeso. Itutuwid niya ang mga nagtuturo ng “ibang aral” na umaakay sa walang-kabuluhang pagtatalo at hindi nagpapatibay sa pananampalataya. Ayon kay Pablo ang tunguhin ng atas na ito ay “pag-ibig na nagbubuhat sa malinis na puso, sa mabuting budhi, at sa pananampalatayang hindi paimbabaw.” Isinusog pa niya: “Sa pagkasinsay rito ang ilan ay naibaling sa walang-kabuluhang pananalita.”​—1:2, 3, 5, 6.

8. Ano ang idiniriin ng pagpapakita ng awa kay Pablo, at anong mahusay na pakikibaka ang hinimok niyang itaguyod ni Timoteo?

8 Bagaman si Pablo ay dating mamumusong at mang-uusig, ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Panginoon ay “sumagana kalakip ang pananampalataya at pag-ibig kay Kristo Jesus,” kaya siya ay kinaawaan. Bilang pangunahing makasalanan, siya’y halimbawa ng pagpapahinuhod ni Kristo Jesus, na “naparito sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan.” Marapat nga na ang Haring walang-hanggan ay pag-ukulan ng karangalan at kaluwalhatian magpakailanman! Inatasan ni Pablo si Timoteo na itaguyod ang mahusay na pakikibaka, at “pag-ingatan ang pananampalataya at ang mabuting budhi.” Huwag siyang tutulad sa mga “dumanas ng pagkabagbag ng pananampalataya,” gaya nina Himeneo at Alejandro, na dinisiplina ni Pablo dahil sa pamumusong.​—1:14, 15, 19.

9. (a) Anong mga panalangin ang dapat gawin, at bakit? (b) Ano ang sinasabi tungkol sa mga babae sa kongregasyon?

9 Mga tagubilin sa pagsamba at organisasyon sa kongregasyon (2:1–​6:2). Dapat idalangin ang lahat ng uri ng tao, maging yaong nasa mataas na tungkulin, upang ang mga Kristiyano ay makapamuhay nang payapa sa kabanalan. Kalooban ng Diyos, ang Tagapagligtas, na “lahat ng uri ng tao ay maligtas at magkaroon ng tumpak na kaalaman sa katotohanan. May isang Diyos at isang tagapamagitan sa Diyos at sa tao, isang tao, si Kristo Jesus, na naghandog ng sarili bilang kaukulang pantubos sa lahat.” (2:4-6) Inatasan si Pablo na maging apostol at guro ng mga bagay na ito. Kaya tinatawagan niya ang mga tao na manalangin nang may katapatan at ang mga babae na manamit nang mahinhin at mahinahon, gaya ng nararapat sa mga sumasamba sa Diyos. Ang babae ay dapat makinig nang tahimik at huwag manguna sa lalaki, “sapagkat si Adan ang unang nilalang, saka si Eba.”​—2:13.

10. Ano ang mga kahilingan para sa mga tagapangasiwa at ministeryal na mga lingkod, at bakit isinulat ni Pablo ang mga bagay na ito?

10 Ang lalaking nagnanais maging tagapangasiwa ay naghahangad ng mabuting gawain. Itinatala ni Pablo ang mga kahilingan para sa mga tagapangasiwa at ministeryal na lingkod. Ang tagapangasiwa ay dapat “walang kapintasan, asawa ng isa lamang babae, katamtaman sa pag-uugali, matino ang isip, maayos, mapagpatuloy, sapat na makapagtuturo, hindi lasenggong palaaway, hindi nambababag, kundi makatuwiran, hindi palatalo, hindi mukhang salapi, nangangasiwang mabuti sa sambahayan, sumusupil sa mga anak nang may kahusayan . . . , hindi baguhan . . . Dapat siyang magkaroon ng mahusay na patotoo mula sa mga taga-labas.” (3:2-7) Ganito rin ang kahilingan para sa ministeryal na mga lingkod, at dapat muna silang subukin bago atasan. Isinusulat ito ni Pablo upang malaman ni Timoteo kung papaano dapat gumawi sa kongregasyon ng Diyos, na “isang haligi at suhay ng katotohanan.”​—3:15.

11. (a) Anong mga suliranin ang babangon sa dakong huli? (b) Sa ano dapat magbigay-pansin si Timoteo, at bakit?

11 Sa huling araw marami ang tatalikod sa pananampalataya dahil sa turo ng mga demonyo. Ang mapagpaimbabaw na mga sinungaling ay magbabawal ng pag-aasawa at mag-uutos na umiwas sa mga pagkaing nilalang ng Diyos upang pagsaluhan na may pasasalamat. Bilang mahusay na ministro, dapat itakwil ni Timoteo ang mga bulaang katha at ‘kuwento ng matatandang babae.’ Sa kabilang dako dapat siyang magsanay sa kabanalan. “Kami’y nagpapagal at nagsisikap,” sabi ni Pablo, “sapagkat inilagak namin ang pag-asa sa Diyos na buháy, ang Tagapagligtas ng lahat ng uri ng tao, lalo na ng mga tapat.” Dapat ipagpatuloy ni Timoteo ang pagbibigay at pagtuturo ng mga utos na ito. Sinoman ay huwag humamak sa kaniyang kabataan, sa halip ay maging halimbawa siya sa paggawi at banal na paglilingkod. Dapat niyang pagbuhusan ito ng isip at laging bigyang-pansin ang sarili at ang kaniyang turo, pagkat sa paggawa nito ay ‘ililigtas niya ang sarili at ang nakikinig sa kaniya.’​—4:7, 10, 16.

12. Ano ang ipinapayo tungkol sa pakikitungo sa mga balo at sa iba pa sa kongregasyon?

12 Pinapayuhan ni Pablo si Timoteo kung papaano makikitungo sa mga indibiduwal: sa nakatatandang mga lalaki bilang ama, sa nakababatang mga lalaki at babae bilang kapatid, sa nakatatandang mga babae bilang ina. Dapat paglaanan ang mga tunay na balo. Gayunman, hangga’t maaari ang balo ay dapat alagaan ng kaniyang kasambahay. Ang pag-iwas dito ay pagtatakwil sa pananampalataya. Kapag sumapit na sa 60 taon, maaari nang itala ang isang balo kung may “patotoo sa kaniyang mabubuting gawa.” (5:10) Sa kabilang dako, dapat itakwil ang mga nakababatang balo na napadadaig sa pita ng laman. Sa halip na mangapit-bahay at maghatid-dumapit, dapat silang mag-asawa at mag-anak upang huwag manlibak ang kaaway.

13. Anong konsiderasyon ang dapat ipakita sa matatandang lalaki, papaano dapat pakitunguhan ang mga nahirati sa kasalanan, at ano ang pananagutan ng mga alipin?

13 Ang mga nangangasiwa sa mabuting paraan ay karapat-dapat sa ibayong kapurihan, “lalo na ang mga nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo.” (5:17) Huwag pararatangan ang matandang lalaki liban sa ebidensiya ng dalawa o tatlong saksi. Ang nahirati sa kasalanan ay dapat sawayin sa harap ng madla, ngunit huwag gagawa ng patiunang paghatol o pagkiling sa mga bagay na ito. Dapat igalang ng mga alipin ang kanilang panginoon, maglingkod nang mahusay, lalo na sa mga kapatid, palibhasa’y “mga kapananampalataya at minamahal.”​—6:2.

14. Ano ang sinabi ni Pablo tungkol sa pagpapalalo at pag-ibig sa salapi kaugnay ng “kabanalan na may kasiyahan”?

14 Payo sa “kabanalan na may kasiyahan” (6:3-21). Ang tumututol sa mga salitang nagpapatibay ay palalo at may sakit na pakikipagtalo, na umaakay sa mararahas na pag-uusap sa mga bagay na walang kapararakan. Subalit, “ang kabanalan na may kasiyahan” ay malaking pakinabang. Dapat masiyahan kung may pagkain at pananamit. Ang pagnanasang yumaman ay silo na umaakay sa kapahamakan, at ang pag-ibig sa salapi ay “ugat ng lahat ng kasamaan.” Hinihimok ni Pablo si Timoteo, bilang tao ng Diyos, na tumakas sa mga ito, itaguyod ang mga kagalingang Kristiyano, makipagbaka ukol sa pananampalataya, at “manghawakang mahigpit sa buhay na walang hanggan.” (6:6, 10, 12) Dapat niyang sundin ang kautusan “sa paraang walang-dungis at walang-kapintasan” hanggang sa mahayag ang Panginoong Jesu-Kristo. Ang mayayaman ay dapat “umasa, hindi sa mga kayamanang naglalaho, kundi sa Diyos,” upang makapanghawakan sa tunay na buhay. Sa pagtatapos, pinasisigla ni Pablo si Timoteo na ingatan ang turong ipinagkatiwala sa kaniya at iwasan ang usapang masama at ang “mga pagtatalo ng maling tawag na ‘kaalaman.’ ”​—6:14, 17, 20.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

15. Anong babala ang ibinibigay laban sa pagtatalo at pangangatuwiran?

15 Ang liham ay babala sa mga naaakit ng walang-saysay na pagtatalo at maka-pilosopong katuwiran. Ang “mga pagtatalo” ay kaugnay ng pagpapalalo kaya dapat iwasan ito, pagkat ayon kay Pablo hadlang ito sa pagsulong at naghaharap lamang ng “mga tanong ukol sa walang-katapusang pagtatalo at hindi ng pagsisiwalat ng Diyos ayon sa pananampalataya.” (6:3-6; 1:4) Gaya ng mga gawa ng laman, ang mga pagtatalo ay “salungat sa mabuting aral na naaayon sa maluwalhating mabuting balita ng maligayang Diyos.”​—1:10, 11.

16. Ano ang ipinayo ni Pablo tungkol sa materyalismo?

16 Ang mga Kristiyano sa gahaman-sa-salaping Efeso ay tiyak na nangailangan ng payo laban sa materyalismo at sa pangrarahuyo nito. Nagpayo si Pablo tungkol dito. Laging sinisipi ng mga tao ang sinabi niyang, ‘Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan,’ ngunit bihira ang tumatalima rito! Gayunman, dapat itong sundin ng mga Kristiyano sa lahat ng panahon. Nasasangkot ang buhay. Dapat takasan ang nagpapahamak na silo ng materyalismo, at umasa, “hindi sa kayamanang naglalaho, kundi sa Diyos, na saganang naglalaan ng lahat ukol sa ating ikasisiya.”​—6:6-12, 17-19.

17. Anong payo kay Timoteo ang napapanahon para sa lahat ng masigasig na mga kabataang ministro ngayon?

17 Ipinakikita ng liham na si Timoteo mismo ay mahusay na halimbawa sa mga kabataang Kristiyano. Bagaman nasa kabataan, maygulang na siya sa espirituwal. Sinikap niyang maging karapat-dapat bilang tagapangasiwa at umani siya ng maraming pribilehiyo. Ngunit gaya ng lahat ng masigasig na kabataang ministro ngayon, kinailangan niyang bulay-bulayin at pagbuhusan ng isip ang mga bagay na ito upang patuloy pang sumulong. Napapanahon ang payo ni Pablo sa lahat ng nagagalak sa patuloy na pagsulong: “Mag-ukol ng patuloy na pansin sa sarili at sa iyong turo. Manatili ka sa mga bagay na ito, pagkat sa ganito’y ililigtas mo ang iyong sarili at ang nakikinig sa iyo.”​—4:15, 16.

18. Anong mga kaayusan sa kongregasyon ang maliwanag na tinalakay, at papaano ginamit ni Pablo ang Kasulatang Hebreo bilang autoridad?

18 Ang kinasihang liham ay nagdiriin ng pagpapahalaga sa mga kaayusan ng Diyos. Ipinakikita kung papaano matutupad kapuwa ng lalaki at babae ang kanilang papel sa pag-iingat ng teokratikong pagkakasuwato sa kongregasyon. (2:8-15) Saka tinatalakay ang mga kahilingan para sa mga tagapangasiwa at ministeryal na mga lingkod. Banal na espiritu ang nagtatakda ng mga kahilingan para sa pantanging mga tungkulin. Pinasisigla rin ng liham ang lahat ng naaalay na ministro na abutin ang mga pamantayang ito, sa pagsasabing: “Kung ang isang lalaki ay naghahangad ng tungkulin ng isang tagapangasiwa, siya ay naghahanap ng mabuting gawain.” (3:1-13) Tinatalakay ang wastong saloobin sa mga kapatid na may iba’t-ibang edad at sekso, pati na ang pagdinig ng mga sumbong sa harapan ng mga saksi. Upang idiin na ang mga matandang nagpapagal sa pagsasalita at pagtuturo ay marapat sa ibayong kapurihan, dalawang beses bumabaling si Pablo sa mga Kasulatang Hebreo bilang autoridad: “Sinasabi ng kasulatan: ‘Huwag mong bubusalan ang baka kapag gumigiik’; at: ‘Ang manggagawa ay karapat-dapat sa kaniyang upa.’ ”​—1 Tim. 5:1-3, 9, 10, 19-21, 17, 18; Deut. 25:4; Lev. 19:13.

19. Papaano itinatampok ang pag-asa sa Kaharian, at anong payo ang ibinigay salig dito?

19 Matapos ang mahuhusay na payong ito, isinusog ni Pablo na ang kautusan ay dapat sundin sa paraang walang-dungis at walang-kapintasan ‘hanggang sa mahayag ang Panginoong Jesu-Kristo bilang Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.’ Salig sa pag-asa sa Kaharian, nagtatapos ang liham sa mariing payo na ang mga Kristiyano ay dapat “gumawa ng mabuti, maging mayaman sa mabubuting gawa, maging bukas-palad, handang mamahagi, nagtitipon sa ganang sarili ng mahusay na saligan sa hinaharap, upang makapanghawakang mahigpit sa tunay na buhay.” (1 Tim. 6:14, 15, 18, 19) Tunay ngang kapaki-pakinabang ang mahuhusay na aral sa Unang Timoteo!

[Mga talababa]

a 1970, pinamatnugutan ni H. S. Gehman, pahina 721.

b The Ante-Nicene Fathers, Tomo I, pahina 6, “The First Epistle of Clement to the Corinthians,” kab. V.

c New Bible Dictionary, ikalawang edisyon, 1986, pinamatnugutan ni J. D. Douglas, pahina 1203.

[Mga Tanong sa Aralin]