Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 56—Tito

Aklat ng Bibliya Bilang 56—Tito

Aklat ng Bibliya Bilang 56​—Tito

Manunulat: Si Pablo

Saan Isinulat: Sa Macedonia (?)

Natapos Isulat: c. 61–​64 C.E.

1. (a) Anong atas ang ipinagkatiwala kay Tito? (b) Sa anong kapaligiran naitatag ang mga kongregasyon sa Creta, at ano ang kinailangang gawin ng mga Kristiyano sa Creta?

 “SI PABLO, alipin ng Diyos at apostol ni Jesu-Kristo . . . kay Tito, na tunay na anak ayon sa pananampalatayang taglay ng lahat.” (Tito 1:1, 4) Gayon nagpasimula ang liham ni Pablo sa kamanggagawa at matagal nang kasamang si Tito, na iniwan niya sa pulo ng Creta upang lalong organisahin ang mga kongregasyon doon. Malaki ang pananagutan ni Tito. Sa pulóng ito, na di-umano’y tahanan ng “ama ng mga diyos at ng mga tao,” galing ang kasabihang, “gawing taga-Creta ang isang taga-Creta,” ibig sabihi’y “linlangin ang isang manlilinlang.” a Bantog sa pagsisinungaling ang mga taga-roon, kaya sinipi ni Pablo ang kanilang propeta: “Mula’t-sapol ang mga taga-Creta ay sinungaling, asal-hayop, at matatakaw na batugan.” (1:12) Ganito pa ang pagkalarawan sa mga taga-Creta noong panahon ni Pablo: “Sila’y salawahan, mapanlinlang, at palaaway; pambihira ang kanilang katakawan, kahalayan, kasinungalingan, at kalasingan; at ang imoralidad ng mga Judiong nakikipamayan ay waring masahol pa kaysa mga katutubo.” b Ito ang kapaligiran ng mga kongregasyon sa Creta; kaya lalong kinailangan ng mga kapatid “na talikdan ang kalikuan at makasanlibutang mga pita at mamuhay nang may-katinuan at katuwiran at kabanalan,” gaya ng ipinayo ni Pablo.​—2:12.

2, 3. (a) Sa ano nagkasama sina Tito at Pablo? (b) Mula saan malamang na sumulat si Pablo kay Tito, at sa anong layunin?

2 Kakaunti ang ibinibigay na impormasyon ng aklat ng Tito tungkol sa pagsasama nila ni Pablo. Gayunman, maraming matututuhan sa mga pagtukoy sa Tito sa iba pang liham ni Pablo. Si Tito, isang Griyego, ay malimit sumama kay Pablo at marahil ay nagsama silang minsan sa Jerusalem. (Gal. 2:1-5) Tinutukoy siya ni Pablo na “kabahagi at kamanggagawa.” Si Tito ang isinugo ni Pablo sa Corinto matapos sulatin ang unang liham sa mga taga-Corinto mula sa Efeso. Sa Corinto, si Tito ay nakibahagi sa koleksiyon para sa mga kapatid sa Jerusalem, at pagkatapos ay inutusan siya ni Pablo na bumalik upang tapusin ang koleksiyon. Ginamit si Tito upang dalhin ang ikalawang liham ni Pablo sa mga taga-Corinto noong ikalawang paglalakbay sa Corinto matapos silang magtagpo ni Pablo sa Macedonia.​—2 Cor. 8:16-24; 2:13; 7:5-7.

3 Matapos palayain sa unang pagkabilanggo sa Roma, muling nakasama ni Pablo sina Timoteo at Tito sa huling bahagi ng kaniyang ministeryo. Waring kabilang dito ang paglilingkod sa Creta, Gresya, at Macedonia. Sa dakong huli, nabanggit ang pagtungo ni Pablo sa Nicopolis, sa hilagang-kanlurang Gresya, kung saan malamang na siya ay naaresto at dinala sa Roma sa kaniyang huling pagkabilanggo at kamatayan. Nang dumadalaw sila sa Creta, si Tito ay iniwan ni Pablo upang “ituwid ang mga pagkukulang at . . . humirang ng matatanda sa iba’t-ibang lungsod,” kasuwato ng tagubilin sa kaniya. Ang liham ni Pablo ay waring isinulat di-natatagalan mula nang iwan niya si Tito sa Creta, at malamang na mula sa Macedonia. (Tito 1:5; 3:12; 1 Tim. 1:3; 2 Tim. 4:13, 20) Ang layunin nito ay katulad marahil ng Unang Timoteo, alalaong baga, pasiglahin ang kamanggagawa ni Pablo at alalayan siya sa kaniyang mga tungkulin.

4. Kailan malamang na isinulat ang liham kay Tito, at ano ang katibayan ng pagiging-tunay nito?

4 Malamang na isinulat ni Pablo ang liham sa pagitan ng kaniyang una at ikalawang pagkabilanggo sa Roma, humigit-kumulang 61 hanggang 64 C.E. Ang puwersa ng ebidensiya para sa liham ni Tito ay katulad niyaong sa mga liham kay Timoteo, at ang tatlong aklat ay malimit tukuyin na “mga liham pastoral” ni Pablo. Magkahawig ang estilo ng pagsulat. Sina Irenaeus at Origen ay kapuwa sumipi sa Tito, at marami pang sinaunang autoridad ang nagpapatotoo sa pagiging-kanonikal ng aklat. Masusumpungan ito sa mga Manuskritong Sinaitic at Alexandrine. Sa John Rylands Library ay may kapirasong papiro, P32, isang pahina ng codex mula noong ikatlong siglo C.E. na naglalaman ng Tito 1:11-15 at 2:3-8. c Tiyak na ang aklat ay bahagi ng kinasihang Kasulatan.

NILALAMAN NG TITO

5. (a) Anong kuwalipikasyon para sa mga tagapangasiwa ang idiniriin ni Pablo, at bakit ito kailangang-kailangan? (b) Bakit dapat sumaway si Tito nang may kabagsikan, at ano ang sinasabi tungkol sa masasama?

5 Mga tagapangasiwa na nagtuturo ng magaling na aral (1:1-16). Pagkatapos ng magiliw na pagbati, binabalangkas ni Pablo ang mga kuwalipikasyon para sa mga tagapangasiwa. Ang tagapangasiwa ay dapat na “walang kapintasan,” maibigin sa mabuti, matuwid, tapat, “nanghahawakang mahigpit sa tapat na salita na naaayon sa turo upang siya ay makapagturo ng magagaling na aral at upang sawayin ang mga sumasalansang.” Kailangang-kailangan ito dahil sa “mga manlilinlang ng isipan” na nanggugulo sa mga sambahayan dahil sa mahalay na pakinabang. Kaya dapat silang “sawayin nang may kabagsikan, upang sila’y maging malusog sa pananampalataya, at huwag nang maniwala sa mga alamat-Judio.” Maaaring magpanggap ang masasama na kilala nila ang Diyos, ngunit pinabubulaanan ito ng kanilang mga pagsuway.​—1:6-10, 13, 14.

6. Anong payo ang ibinigay hinggil sa paggawing Kristiyano?

6 Pamumuhay nang may-katinuan, katuwiran, at kabanalan (2:1–​3:15). Ang matatandang lalaki at babae ay dapat maging seryoso at maka-diyos. Dapat ibigin ng nakababatang mga babae ang kanilang asawa at mga anak at pasakop sa asawa “upang huwag lapastanganin ang salita ng Diyos.” Ang nakababatang mga lalaki ay maging uliran sa mabubuting gawa at nagpapatibay na usapan. Ang mga alipin ay dapat magpamalas ng “lubos na pagtatapat.” Ipinahayag ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos na umaakay sa kaligtasan, upang magpasigla ng katinuan-ng-isip, katuwiran, at kabanalan, sa mga nilinis ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo Jesus bilang “bayang sariling pag-aari, masigasig sa mabubuting gawa.”​—2:5, 10, 14.

7. Ano ang idiniin ni Pablo tungkol sa pagpapasakop, kaligtasan, at mabubuting gawa?

7 Idiniriin ni Pablo ang pagpapasakop at pagsunod sa mga pamahalaan at ang “pagiging-mahinahon sa lahat ng tao.” Noong una, si Pablo at ang mga Kristiyano ay kasinsama rin ng iba. Nailigtas sila ng banal na espiritu at naging tagapagmana ng pag-asa sa walang-hanggang buhay, hindi dahil sa sariling pagsisikap, kundi dahil sa kabaitan, pag-ibig, at awa ng Diyos. Kaya ang sumasampalataya sa Diyos ay dapat “maging palaisip sa mabubuting gawa.” Itakwil ang walang-kabuluhang pagtatalo at alitan sa Kautusan, at ang isang tao na nagtataguyod ng sekta ay dapat itakwil pagkaraan ng una at ikalawang pagsaway. Hiniling ni Pablo kay Tito na pumaroon sa Nicopolis at, pagkatapos magbigay ng dagdag na mga tagubilin sa pagmimisyonero, ay muling idiniin ang halaga ng mabubuting gawa, upang huwag mawalan ng bunga.​—3:2, 7, 8.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

8. Ano sa payo ni Pablo kay Tito ang “mabuti at kapaki-pakinabang” sa atin ngayon, at bakit?

8 Ang mga Kristiyano sa Creta ay namuhay sa gitna ng pagsisinungaling, katiwalian, at kasakiman. Magpapatangay ba sila sa agos? O dapat silang humakbang at ihiwalay ang sarili upang makapaglingkod bilang bayang pinaging-banal para sa Diyos na Jehova? Nang ipinatatalastas sa pamamagitan ni Tito na ang mga taga-Creta ay dapat “maging palaisip sa mabubuting gawa,” sinabi ni Pablo: “Ang mga bagay na ito ay mabuti at kapaki-pakinabang sa mga tao.” Sa isang daigdig na nabaon sa burak ng kasinungalingan at pandaraya, “mabuti at kapaki-pakinabang” din para sa mga Kristiyano ngayon na “maging palaisip sa mabubuting gawa,” at maging mabunga sa paglilingkod sa Diyos. (3:8, 14) Ang tahasang paghatol ni Pablo sa imoralidad at kabalakyutan na nagbanta sa mga kongregasyon sa Creta ay babala rin sa atin, ngayong ang ‘di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos ay nagtuturo na itakwil ang kasamaan at mga pita ng sanlibutan at mamuhay nang may katinuan-ng-isip at katuwiran at kabanalan sa gitna ng sistemang ito ng mga bagay.’ Ang Kristiyano ay dapat “maging handa sa bawat gawang mabuti,” na sumusunod sa pamahalaan, at nag-iingat ng isang mabuting budhi.​—2:11, 12; 3:1.

9. Papaano idiniriin ang halaga ng wastong turo, lalo na sa pananagutan ng isang tagapangasiwa?

9 Inaalalayan ng Tito 1:5-9 ang 1 Timoteo 3:2-7 upang ipakita kung ano ang hinihiling ng banal na espiritu sa mga tagapangasiwa. Nagdiriin ito ng “panghahawakang mahigpit [ng tagapangasiwa] sa tapat na salita” at ng pagiging guro sa kongregasyon. Napakahalaga nito upang ang lahat ay sumulong sa pagkamaygulang! Sa katunayan, ang halaga ng wastong turo ay maraming beses idiniriin sa liham kay Tito. Pinapayuhan ni Pablo si Tito na “magsalita ng mga bagay na angkop sa magaling na aral.” Ang matatandang babae ay dapat maging “mga guro ng kabutihan,” at ‘dapat palamutian [ng mga alipin] ang turo ng Diyos na Tagapagligtas, sa lahat ng bagay.’ (Tito 1:9; 2:1, 3, 10) Upang idiin kay Tito ang halaga ng pagiging-matatag at walang-takot sa pagtuturo bilang tagapangasiwa, sinabi ni Pablo: “Ang mga bagay na ito ay patuloy mong salitain at iaral at isaway nang buong kapangyarihan.” At tungkol sa mga sumusuway, ay sinabi niya: “Sawayin sila nang may kabagsikan, upang sila’y maging malusog sa pananampalataya.” Kaya ang liham ni Pablo kay Tito ay “kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagdidisiplina sa katuwiran.”​—Tito 2:15; 1:13; 2 Tim. 3:16.

10. Sa ano tayo pinasisigla ng liham kay Tito, at anong maligayang pag-asa ang pinupukaw nito?

10 Ang liham kay Tito ay nagpapasidhi ng pagpapahalaga sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos at pagtatakwil sa kasamaan ng sanlibutan ‘habang hinihintay natin ang maligayang pag-asa at maluwalhating kapahayagan ng dakilang Diyos at ng ating Tagapagligtas, si Kristo Jesus.’ Sa paggawa nito, ang mga inaring-ganap kay Kristo Jesus ay magiging “mga tagapagmana ayon sa pag-asa ng walang-hanggang buhay” sa Kaharian ng Diyos.​—Tito 2:13; 3:7.

[Mga talababa]

a Cyclopedia nina McClintock at Strong, muling paglilimbag noong 1981, Tomo II, pahina 564; The New Schaff-Herzog Encyclopedia of Religious Knowledge, 1958, Tomo III, pahina 306.

b Cyclopedia nina McClintock at Strong, muling paglilimbag noong 1981, Tomo X, pahina 442.

c The Text of the New Testament, nina Kurt at Barbara Aland, isinalin ni E. F. Rhodes, 1987, pahina 98.

[Mga Tanong sa Aralin]