Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 57—Filemon

Aklat ng Bibliya Bilang 57—Filemon

Aklat ng Bibliya Bilang 57​—Filemon

Manunulat: Si Pablo

Saan Isinulat: Sa Roma

Natapos Isulat: c. 60–​61 C.E.

1. Ano ang ilang katangian ng liham kay Filemon?

 LUBHANG nakawiwili sa mga Kristiyano ngayon ang mataktika at maibiging liham na ito ni Pablo. Pinaka-maikli ito sa mga liham na nagmula sa “apostol sa mga bansa” at sa buong Bibliya, ang Ikalawa at Ikatlong Juan lamang ang mas kaunti ang nilalaman. Ito rin ang tanging “pribadong” liham ni Pablo, pagkat ito lamang ang hindi opisyal na ipinatutungkol sa isang kongregasyon o tagapangasiwa kundi sa isang pribadong tao at may kinalaman lamang sa pantanging problema na nais ipakipag-usap ni Pablo sa kapatid niyang Kristiyano, ang nakaririwasang si Filemon, na taga-Colosas, isang lungsod sa Perga, sa pinaka-sentro ng Asya Minor.​—Roma 11:13.

2. Sa anong kapaligiran at layunin isinulat ang liham kay Filemon?

2 Ang layunin ng liham ay malinaw na isinasaad: Nang siya’y unang mabilanggo sa Roma (59-61 C.E.), malayang naipangaral ni Pablo ang Kaharian ng Diyos. Isa sa mga nakinig ay si Onesimo, aliping tumakas mula kay Filemon, kaibigan ni Pablo. Si Onesimo ay naging Kristiyano at ipinasiya ni Pablo, sa pagsang-ayon din ni Onesimo, na pabalikin ito kay Filemon. Nang panahong ito ay isinulat din ni Pablo ang mga liham sa mga kongregasyon sa Efeso at Colosas. Sa dalawang liham, pinayuhan niya ang mga aliping Kristiyano at ang mga may-alipin tungkol sa tumpak na paggawi sa ganitong ugnayan. (Efe. 6:5-9; Col. 3:22–​4:1) Bukod dito, bumuo si Pablo ng isang liham kay Filemon at dito’y personal siyang nagsumamo alang-alang kay Onesimo. Ito’y liham na isinulat ng sariling kamay ni Pablo​—bagay na bihira niyang gawin. (Filem. 19) Ang ganitong personal na interest ay nakaragdag sa puwersa ng pagsusumamo.

3. Kailan malamang na isinulat ang liham kay Filemon, at papaano ito ipinadala?

3 Ang liham ay malamang na isinulat noong mga 60-61 C.E., pagkat ang pangangaral ni Pablo sa Roma ay nagbunga na ng mga kumberte. At yamang nagpapahayag siya ng pag-asa, sa talata 22, na siya’y lalaya na, maipapasiya natin na ang liham ay isinulat nang siya’y matagal-tagal nang nakabilanggo. Waring sina Tiquico at Onesimo ang nagdala ng tatlong liham, ang isa ay kay Filemon at tig-isa sa mga kongregasyon sa Efeso at Colosas.​—Efe. 6:21, 22; Col. 4:7-9.

4. Ano ang patotoo sa pagkasulat at pagiging-tunay ng Filemon?

4 Maliwanag mula sa unang talata na si Pablo ang sumulat ng Filemon, pagkat doo’y tinutukoy siya sa pangalan. Ito ay kinilala nina Origen at Tertullian. a Ang pagiging-tunay ng aklat ay inaalalayan din ng pagkakatala nito, kasama ng iba pang liham ni Pablo, sa Muratorian Fragment ng ikalawang siglo C.E.

NILALAMAN NG FILEMON

5. (a) Sa anong mga pagbati at papuri nagbubukas ang liham? (b) Ano ang sinasabi ni Pablo kay Filemon tungkol sa alipin niyang si Onesimo?

5 Pinabalik si Onesimo sa kaniyang panginoon nang “higit kaysa alipin” (Tal. 1-25). Mainit ang pagbati ni Pablo kay Filemon, kay Apia na “ating kapatid na babae,” kay Arquipo na “kapuwa kawal namin,” at sa kongregasyong nasa bahay ni Filemon. Pinapurihan niya si Filemon (nangangahulugang “Mapagmahal”) dahil sa pag-ibig at pananampalataya nito sa Panginoong Jesus at sa mga banal. Si Pablo ay lubhang nagalak at naaliw ng mga balita tungkol sa pag-ibig ni Filemon. Ngayo’y matanda na at nakabilanggo, si Pablo ay malayang nagsasalita tungkol sa kaniyang “anak” na si Onesimo, at sa sarili bilang “ama” na natatanikalaan. Noong una, si Onesimo (nangangahulugang “Kapaki-pakinabang”) ay hindi naging kapaki-pakinabang kay Filemon, nguni’t ngayo’y malaking tulong siya kapuwa kina Filemon at Pablo.​—Tal. 2, 10.

6. Anong pagtrato ang iminumungkahi ni Pablo para kay Onesimo, at sa anong mataktikang pangangatuwiran?

6 Gusto ni Pablo na manatili si Onesimo at maglingkod sa kaniya, ngunit dapat pumayag si Filemon. Kaya pinababalik niya ito, “hindi bilang alipin kundi higit pa sa alipin, bilang kapatid na minamahal.” Hiniling ni Pablo na si Onesimo ay tanggapin nang may-kabaitan, gaya ng pagtanggap mismo kay Pablo. Kung nagkasala man si Onesimo, si Pablo ang mananagot, pagkat gaya ng sinabi ni Pablo kay Filemon, “Ang iyo ring sarili ay utang mo sa akin.” (Tal. 16, 19) Umaasa si Pablo na lalaya na siya at na madadalaw niya si Filemon, at nagtapos siya sa pamamagitan ng mga pagbati.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

7. Kung tungkol kay Onesimo, papaano nanghawakan si Pablo sa kaniyang matayog na pagkatawag bilang apostol?

7 Gaya ng makikita sa liham, si Pablo ay hindi nangangaral ng isang “ebanghelyong panlipunan,” upang pawiin ang umiiral na sistema at mga pamamaraan nito, gaya ng pang-aalipin. Hindi niya pinalaya ang mga aliping Kristiyano sa sarili niyang kagustuhan, kundi, pinabalik kay Filemon ang takas na aliping si Onesimo, isang paglalakbay na sumaklaw ng 1400 kilometro mula sa Roma hanggang sa Colosas. Nanghawakan si Pablo sa matayog na pagkatawag bilang apostol, at mahigpit na tumupad sa bigay-diyos na atas na “pangangaral ng kaharian ng Diyos . . . at pagtuturo ng mga bagay tungkol sa Panginoong Jesu-Kristo.”​—Gawa 28:31; Filem. 8, 9.

8. Anong praktikal na pagkakapit sa mga simulaing Kristiyano ang inilalarawan sa Filemon?

8 Isinisiwalat ng liham ang pag-ibig at pagkakaisa ng mga Kristiyano noong unang siglo. Ating natutuhan na ang tawagán ng sinaunang mga Kristiyano ay “kapatid.” (Filem. 2, 20) Isa pa, ang mga Kristiyano ngayon ay natututo ng praktikal na pagkakapit ng mga simulaing Kristiyano sa gitna ng mga kapatid. Mula kay Pablo ay natututo tayo ng pag-ibig sa kapatid, paggalang sa mga ugnayang sibil at sa pag-aari ng iba, pagiging-mataktika, at kababaang-loob. Imbes na gamitin ang autoridad bilang tagapangasiwa sa kongregasyon at pilitin si Filemon na patawarin si Onesimo, may-pagpapakumbabang nagsumamo si Pablo salig sa pag-ibig Kristiyano at personal na pagkakaibigan. Makikinabang ang mga tagapangasiwa ngayon sa mataktikang pakikitungo ni Pablo kay Filemon.

9. Sa pagtugon sa kahilingan ni Pablo, anong mahusay na halimbawa ang inilalaan ng Filemon sa kapakinabangan ng mga Kristiyano ngayon?

9 Maliwanag na umasa si Pablo sa pagtugon ni Filemon sa kaniyang kahilingan, at para kay Filemon, ito’y praktikal na pagkakapit sa sinabi ni Jesus sa Mateo 6:14 at ng sinabi ni Pablo sa Efeso 4:32. Ang mga Kristiyano ngayon ay dapat ding maging mabait at mapagpatawad sa nagkakasalang kapatid. Kung napatawad ni Filemon ang alipin na pag-aari niya at na ayon sa batas ay puwedeng imaltrato ayon sa gusto niya, ang mga Kristiyano ngayon ay dapat ding magpatawad sa nagkakasalang kapatid​—bagay na mas magaang.

10. Papaano nililiwanag ng liham kay Filemon ang tungkol sa pagkilos ng espiritu ni Jehova?

10 Ang pagkilos ng espiritu ni Jehova ay nililiwanag ng liham kay Filemon. Makikita ito sa bihasang pakikitungo ni Pablo sa isang sensitibong problema. Maaaninaw ito sa pagiging-madamayin, magiliw na pagmamahal, at tiwala sa kapuwa Kristiyano na ipinamalas ni Pablo. Makikita ito sa bagay na ang liham kay Filemon, gaya ng iba pang Kasulatan, ay nagtuturo ng mga simulaing Kristiyano, nagpapasigla ng pagkakaisang Kristiyano, at nagtatanghal sa pag-ibig at pananampalataya na sumasagana sa “mga banal” na umaasa sa Kaharian ng Diyos at na ang paggawi ay sumasalamin sa kagandahang-loob ni Jehova.​—Tal. 5.

[Talababa]

a The International Standard Bible Encyclopedia, pinamatnugutan ni G. W. Bromiley, Tomo 3, 1986, pahina 831.

[Mga Tanong sa Aralin]