Aklat ng Bibliya Bilang 62—1 Juan
Aklat ng Bibliya Bilang 62—1 Juan
Manunulat: Si Apostol Juan
Saan Isinulat: Sa Efeso, o malapit dito
Natapos Isulat: c. 98 C.E.
1. (a) Anong katangian ang nangingibabaw sa mga sulat ni Juan, ngunit ano ang patotoo na hindi siya sentimentalista? (b) Bakit napapanahon ang kaniyang tatlong liham?
SI JUAN, ang minamahal na apostol ni Jesu-Kristo, ay nagkaroon ng masidhing pag-ibig sa katuwiran. Nagbigay ito sa kaniya ng malalim na unawa sa kaisipan ni Jesus. Kaya hindi kataka-taka na mangibabaw ang tema ng pag-ibig sa kaniyang mga isinulat. Gayunman, hindi siya sentimentalista, pagkat tinukoy siya ni Jesus na isa sa “Mga Anak ng Kulog [Boanerges].” (Mar. 3:17) Ang totoo, sumulat siya ng tatlong liham upang ipagtanggol ang katotohanan at katuwiran, sapagkat nahahayag na ang apostasyang inihula ni apostol Pablo. Napapanahon ang tatlong liham ni Juan at tumulong ito sa pagpapatibay sa unang mga Kristiyano laban sa pagsalakay ng “balakyot.”—2 Tes. 2:3, 4; 1 Juan 2:13, 14; 5:18, 19.
2. (a) Ano ang nagpapakita na ang mga liham ni Juan ay isinulat nang mas huli sa Mateo, Marcos, at ng mga liham-misyonero? (b) Kailan at saan malamang na isinulat ang mga liham?
2 Batay sa nilalaman, ang mga liham ay mas huli kaysa Ebanghelyo nina Mateo at Marcos—at mas huli pa kaysa mga liham nina Pedro at Pablo noong sila’y misyonero. Nagbago na ang panahon. Wala nang sinasabi tungkol sa Judaismo na nagbanta sa bagong-silang na mga kongregasyon; at tila wala ni isang tuwirang pagsipi sa Kasulatang Hebreo. Sa kabilang dako, bumabanggit si Juan ng “huling oras” at ng paglitaw ng “maraming anti-kristo.” (1 Juan 2:18) Tinutukoy niya ang mga mambabasa bilang “mumunti kong mga anak” at ang kaniyang sarili bilang “ang matanda.” (1 Juan 2:1, 12, 13, 18, 28; 3:7, 18; 4:4; 5:21; 2 Juan 1; 3 Juan 1) Lahat ng ito’y nagmumungkahi ng atrasadong petsa para sa tatlong liham. At waring ipinahihiwatig ng 1 Juan 1:3, 4 na ang Ebanghelyo ni Juan ay isinulat kasabay ng mga ito. May paniwala na ang tatlong liham ni Juan ay natapos noong mga 98 C.E. sa kapaligiran ng Efeso, nang malapit na siyang mamatay.
3. (a) Ano ang patotoo ng pagkasulat at pagiging-tunay ng Unang Juan? (b) Anong impormasyon ang naparagdag nang maglaon, ngunit ano ang patotoo na ito’y huwad?
3 Na ang Unang Juan ay aktuwal na isinulat ni apostol Juan ay makikita sa pagkakahawig nito sa ikaapat na Ebanghelyo, na tiyak na isinulat niya. Halimbawa, sa pambungad inilalarawan niya ang sarili bilang saksi na nakakita “sa salita ng buhay . . . , ang walang-hanggang buhay na nasa Ama at na nahayag sa atin,” mga salitang kahawig-na-kahawig niyaong nasa pasimula ng Ebanghelyo ni Juan. Ang pagiging-totoo nito ay pinatutunayan ng Muratorian Fragment at ng sinaunang mga manunulat na gaya nina Irenaeus, Polycarp, at Papias, pawang mula sa ikalawang siglo C.E. a Ayon kay Eusebius (c. 260-342 C.E.), kailanma’y hindi pinag-alinlanganan ang pagiging-tunay ng Unang Juan. b Gayunman, dapat pansinin na ang sumusunod na mga salita ay idinagdag ng ibang mas matatandang salin, sa kabanata 5 sa katapusan ng 5 talatang 7b at pasimula ng 5 talatang 8a: “Sa langit, ay ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo: ang tatlo ay iisa. At may tatlong nagpapatotoo sa lupa.” (King James Version) Ngunit wala ito sa alinman sa mga sinaunang manuskritong Griyego at maliwanag na idinagdag upang alalayan ang doktrina ng Trinidad. Karamihan ng makabagong salin, kapuwa Katoliko at Protestante, ay hindi naglalakip ng mga salitang ito sa pinaka-katawan ng teksto.—1 Juan 1:1, 2. c
4. Laban kanino sinisikap ni Juan na ipagsanggalang ang mga kapuwa Kristiyano, at anong huwad na turo ang pinabulaanan niya?
4 Sumulat si Juan upang ipagsanggalang ang “mga minamahal,” ang “mumunting mga anak,” sa maling turo ng “maraming anti-kristo” na lumitaw sa gitna nila at na humihikayat sa kanila mula sa katotohanan. (2:7, 18) Ang mga apostatang ito ay malamang na naimpluwensiyahan ng pilosopiyang Griyego at ng Gnostisismo, kung saan ang mga kasapi nito ay nag-aangkin ng mahiwagang kaalaman mula sa Diyos. d Sa paglaban sa apostasya, tatlong tema ang malawakang tinatalakay ni Juan: kasalanan, pag-ibig, at ang anti-kristo. Ayon sa mga salita niya tungkol sa kasalanan, at bilang alalay sa hain ni Jesus ukol sa kasalanan, inaangkin ng nagmamatuwid-sa-sariling mga anti-kristo na sila’y walang kasalanan at hindi kailangan ang haing pantubos ni Jesus. Dahil sa malasariling “kaalaman,” sila’y naging mapag-imbot at walang pag-ibig, isang kalagayan na inilantad ni Juan sa kaniyang pagdiriin sa tunay na pag-ibig Kristiyano. Isa pa, sinusugpo ni Juan ang kanilang huwad na doktrina sa pamamagitan ng pagpapaliwanag na si Jesus ang Kristo, na siya’y umiiral bago pa naging tao, at naparito siya sa laman bilang Anak ng Diyos upang iligtas ang mga sumasampalataya. (1:7-10; 2:1, 2; 4:16-21; 2:22; 1:1, 2; 4:2, 3, 14, 15) Tinutukoy niya ang mga bulaang guro na “mga anti-kristo,” at ipinakikita kung papaano makikilala ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo.—2:18, 22; 4:3.
5. Ano ang nagpapahiwatig na ang Unang Juan ay isinulat para sa buong kongregasyong Kristiyano?
5 Yamang walang partikular na kongregasyong sinusulatan, maliwanag na ang liham ay para sa buong kapatirang Kristiyano. Makikita rin ito sa kawalan ng pagbati sa pasimula at katapusan. Ang liham ay inilarawan ng iba bilang isang sanaysay sa halip na isang liham. Makikita sa paggamit ng pang-maramihang “kayo” (“you,” sa malalaking titik sa New World Translation) na ang mga salita ng manunulat ay para sa isang grupo at hindi sa isang indibiduwal.
NILALAMAN NG UNANG JUAN
6. Papaano pinaghahambing ni Juan ang mga lumalakad sa liwanag at yaong mga nasa kadiliman?
6 Paglakad sa liwanag, hindi sa kadiliman (1:1–2:29). “Aming isinusulat ang mga bagay na ito,” sabi ni Juan, “upang ang ating kagalakan ay malubos.” Yamang “ang Diyos ay liwanag,” yaon lamang “lumalakad sa liwanag” ang “may pakikibahagi sa kaniya” at sa isa’t-isa. Sila’y nililinis ng “dugo ni Jesus na kaniyang Anak” mula sa kasalanan. Sa kabilang dako, yaong mga “lumalakad sa kadiliman” at nagsasabing, “Wala kaming kasalanan” ay dumadaya sa sarili, at ang katotohanan ay wala sa kanila. Kung magpapahayag sila ng kasalanan, tapat ang Diyos at patatawarin niya sila.—1:4-8.
7. (a) Papaano ipinakikita ng isang tao na kilala at iniibig niya ang Diyos? (b) Papaano makikilala ang anti-kristo?
7 Ipinakikilala si Jesu-Kristo bilang “pampalubag na hain” sa mga kasalanan, at “tagapamagitan sa Ama.” Sinungaling ang nag-aangking kilala niya ang Diyos ngunit hindi tumutupad sa Kaniyang utos. Ang umiibig sa kapatid ay nananatili sa liwanag, ngunit ang napopoot sa kapatid ay lumalakad sa kadiliman. Mariing ipinayo ni Juan na huwag ibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na narito, sapagkat: “Kung ang sinoman ay umibig sa sanlibutan, ay wala sa kaniya ang pag-ibig ng Ama.” Dumating ang mga anti-kristo, at “sila’y nagsilabas sa atin,” sabi ni Juan, pagkat “sila’y hindi natin kauri.” Ang anti-kristo ay tumatanggi na si Jesus ang Kristo. Tinatanggihan niya kapuwa ang Ama at ang Anak. Dapat manatili ang “mumunting mga anak” sa natutuhan buhat sa pasimula upang “manatiling kaisa ng Anak at kaisa ng Ama,” ayon sa pagkapahid na tinanggap sa kaniya, at ito ay totoo.—2:1, 2, 15, 18, 19, 24.
8. (a) Ano ang nagtatangi sa mga anak ng Diyos mula sa mga anak ng Diyablo? (b) Papaano nakilala ng “mumunting mga anak” ang pag-ibig, at anong pagsusuri sa puso ang dapat nilang laging gawin?
8 Ang mga anak ng Diyos ay hindi nananahan sa pagkakasala (3:1-24). Dahil sa pag-ibig ng Ama, sila’y naging “mga anak ng Diyos,” at sa pagkahayag ng Diyos sila ay magiging gaya niya at “siya’y makikita [nila] sa talagang kalagayan niya.” Ang kasalanan ay paglabag sa kautusan, at ang mga kaisa ni Kristo ay hindi nananahan dito. Ang mga nahirati sa kasalanan ay mula sa Diyablo, at ang mga gawa nito ay wawasakin ng Anak ng Diyos. Dito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo: Ang sa Diyos ay may pag-ibig sa isa’t-isa, ngunit ang sa balakyot ay gaya ni Cain, na napoot at pumaslang sa kapatid. Sinasabi ni Juan sa “mumunting mga anak” na nakilala nila ang pag-ibig sapagkat “ibinigay ng isang yaon ang kaniyang kaluluwa” dahil sa atin, at pinapayuhan sila na huwag ‘ipinid ang pinto ng mapagmahal na awa’ sa kapatid. Dapat silang “umibig, hindi sa salita ni sa dila man, kundi sa gawa at katotohanan.” Upang matiyak na sila’y “nasa katotohanan,” dapat nilang suriin ang kanilang puso at tingnan kung sila “ay gumagawa ng mga bagay na kalugud-lugod sa paningin” ng Diyos. Dapat silang “manampalataya sa pangalan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo at mag-ibigan sa isa’t-isa.” Sa gayo’y mananatili silang kaisa niya, at siya’y sa kanila, sa espiritu.—3:1, 2, 16-19, 22, 23.
9. (a) Papaano dapat subukin ang mga kinasihang kapahayagan? (b) Ano ang nagdiriin sa pananagutan na mag-ibigan sa isa’t-isa?
9 Pag-ibig sa isa’t-isa na kaisa ng Diyos (4:1–5:21). Dapat suriin ang mga kinasihang kapahayagan. Ang nagtatatwa na si Kristo ay naparito sa laman ay “hindi mula sa Diyos” kundi sa anti-kristo. Mula ito sa sanlibutan at kaisa nito, ngunit ang kinasihang kapahayagan ng katotohanan ay mula sa Diyos. “Ang Diyos ay pag- ibig,” at “ito ang pag-ibig, hindi sa tayo ang umibig sa Diyos, kundi siya ang umibig sa atin at isinugo ang kaniyang Anak bilang pampalubag na hain sa mga kasalanan.” Kaya pananagutan natin na mag-ibigan sa isa’t-isa! Ang Diyos ay nananahan sa mga umiibig sa kapuwa, at ang sakdal na pag-ibig ay “malayang makapagsasalita,” at pumapawi ng takot. “Sa ganang atin,” sabi ni Juan, “tayo’y umibig, sapagkat siya’y unang umibig sa atin.” “Ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kaniyang kapatid.”—4:3, 8, 10, 17, 19, 21.
10. (a) Papaano madadaig ng mga anak ng Diyos ang sanlibutan, at anong pagtitiwala ang taglay nila? (b) Ano ang dapat na maging saloobin nila sa kasalanan at idolatriya?
10 Ang pag-ibig sa Diyos ay ang pagsunod sa kaniyang utos, at ito ang dumadaig sa sanlibutan, sa pamamagitan ng pananampalataya. Sumasaksi ang Diyos na ang mga sumasampalataya sa Anak ay Kaniyang pagkakalooban ng “walang-hanggang buhay, at ang buhay na ito ay nasa kaniyang Anak.” Kaya may tiwala sila na sila’y diringgin anoman ang hingin nila ayon sa kaniyang kalooban. Lahat ng kalikuan ay pagkakasala, ngunit may kasalanang hindi hinahatulan ng kamatayan. Bawat isinilang mula sa Diyos ay hindi nananahan sa kasalanan. Bagaman “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng balakyot . . . , naparito ang Anak ng Diyos,” at ibinigay sa mga alagad ang “katalinuhan” upang makilala ang tunay na Diyos, na kaisa nila “sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo.” Dapat din silang mag-ingat sa mga diyus-diyosan!—5:11, 19, 20.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
11. Papaano malalabanan ng mga Kristiyano ngayon ang mga anti-kristo at makasanlibutang mga pita?
11 Gaya noong pagtatapos ng unang siglo ng Pangkalahatang Panahon, ang mga Kristiyano ngayon ay dapat ding mag-ingat sa “maraming anti-kristo.” Dapat silang manghawakan sa ‘mensahe na narinig nila sa pasimula, mag-ibigan sa isa’t-isa,’ at manatiling kaisa ng Diyos at ng dalisay na turo, manahan sa katuwiran na may kalayaan ng pagsasalita. (2:18; 3:11; 2:27-29) Pinakamahalaga rin ang babala laban sa “pita ng laman at ng pita ng mga mata at ng karangyaan sa buhay,” mga materyalistiko at makasanlibutang kabuktutan na sumilo sa maraming nag-aangking Kristiyano. Itatakwil ng tunay na mga Kristiyano ang sanlibutan at ang pita nito, yamang alam nila na “ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.” Ngayong palasak ang kamunduhan, sektaryanismo, at pagkakapootan, kapaki-pakinabang pag-aralan ang kalooban ng Diyos sa tulong ng kinasihang Kasulatan at tuparin ito!—2:15-17.
12. Anong mga paghahambing ang ginagawa ng Unang Juan para sa ating kapakinabangan, at papaano natin madadaig ang sanlibutan?
12 Kapaki-pakinabang din ang paghahambing ng liwanag mula sa Ama at ng salungat-sa-katotohanang kadiliman mula sa balakyot, ng nagbibigay-buhay na turo ng Diyos at ng mapandayang kasinungalingan ng anti-kristo, ng pag-ibig na nanunuot sa buong kongregasyon ng mga kaisa ng Ama at ng Anak, at ng nakamamatay na poot ni Cain na nasa mga “nagsilabas sa atin . . . upang mahayag na sila’y hindi natin kauri.” (2:19; 1:5-7; 2:8-11, 22-25; 3:23, 24, 11, 12) Bilang pagpapahalaga, gawing marubdob na hangarin ang ‘pagdaig sa sanlibutan.’ Papaano gagawin ito? Sa tulong ng matibay na pananampalataya at “pag-ibig sa Diyos,” na makikita sa pagsunod sa kaniyang mga utos.—5:3, 4.
13. (a) Papaano itinatampok ang pag-ibig sa Diyos bilang isang praktikal na puwersa? (b) Ano ang dapat na maging kaurian ng pag-ibig ng isang Kristiyano, na umakay sa anong pagkakaisa?
13 “Pag-ibig sa Diyos”—kamangha-mangha ang pagtatampok ng buong liham sa nagpapakilos na puwersang ito! Nasa kabanata 2 ang napakalaking pagkakaiba ng pag-ibig sa sanlibutan at ng pag-ibig sa Ama. Saka itinatawag-pansin na “ang Diyos ay pag-ibig.” (4:8, 16) Napaka-praktikal ng pag-ibig na ito! Buong-dakila itong naipahayag nang isugo ng Ama ang “Anak bilang Tagapagligtas ng sanlibutan.” (4:14) Dapat itong pumukaw ng may-pagpapahalaga, walang-takot na pag-ibig, kasuwato ng sinabi ng apostol: “Sa ganang atin, tayo’y umibig, sapagkat siya’y unang umibig sa atin.” (4:19) Ito’y dapat na kauri niyaong sa Ama at Anak—isang praktikal, mapagsakripisyong pag-ibig. Kung papaano inihandog ni Jesus ang kaniyang kaluluwa dahil sa atin, “tayo [rin] ay may pananagutan na ihandog ang ating kaluluwa dahil sa mga kapatid,” oo, buksan ang pinto ng mapagmahal na awa at ibigin ang mga kapatid, hindi lamang sa salita, kundi sa “gawa at katotohanan.” (3:16-18) Gaya ng nililinaw ng liham ni Juan, ang pag-ibig na ito at ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos ang siyang bumibigkis sa mga lumalakad na kasama ng Diyos sa walang-maliw na pakikipagkaisa sa Ama at sa Anak. (2:5, 6) Sinasabi ni Juan sa mga tagapagmana ng Kaharian na nasa pinagpalang buklod ng pag-ibig: “Tayo’y kaisa niya na totoo, sa pamamagitan ng kaniyang Anak na si Jesu-Kristo. Ito ang tunay na Diyos at ang walang-hanggang buhay.”—5:20.
[Mga talababa]
a The International Standard Bible Encyclopedia, Tomo 2, 1982, pinamatnugutan ni G. W. Bromiley, pahina 1095-6.
b The Ecclesiastical History, III, XXIV, 17.
c Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 1019.
d New Bible Dictionary, ikalawang edisyon, 1986, pinamatnugutan ni J. D. Douglas, pahina 426, 604.
[Mga Tanong sa Aralin]