Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 64—3 Juan

Aklat ng Bibliya Bilang 64—3 Juan

Aklat ng Bibliya Bilang 64​—3 Juan

Manunulat: Si Apostol Juan

Saan Isinulat: Sa Efeso, o malapit dito

Natapos Isulat: c. 98 C.E.

1. Kanino ipinatungkol ang Ikatlong Juan, at ano ang nalalaman tungkol sa kaniya?

 ANG liham na ito ay isinulat kay Gayo, isang tapat na Kristiyano na minahal ni Juan. Ang pangalang Gayo ay karaniwan noong panahon ng sinaunang kongregasyon. Apat na beses ito lumilitaw sa ibang bahagi ng Kristiyanong Kasulatang Griyego, at tumutukoy sa di-kukulanging tatlo o malamang apat na iba’t-ibang tao. (Gawa 19:29; 20:4; Roma 16:23; 1 Cor. 1:14) Hindi natitiyak kung alin sa apat na Gayo ang sinulatan ni Juan. Alam lamang natin na si Gayo ay kaanib ng isang kongregasyong Kristiyano, na siya’y pantanging kaibigan ni Juan, at na ang liham ay personal na patungkol sa kaniya, kaya ang salitang “ikaw” ay laging nasa isahang bilang.

2. Ano ang nagpapakilala sa manunulat, panahon, at dako ng pagsulat ng Ikatlong Juan?

2 Yamang ang pambungad at pansarang mga pagbati ay kagaya ng sa Ikalawang Juan at yamang nagpapakilala uli ang manunulat bilang “ang matanda,” tiyak na si apostol Juan ang sumulat ng liham. (2 Juan 1) Ang pagkakahawig ng nilalaman at ng lenguwahe ay nagmumungkahi rin na ito ay isinulat, gaya ng unang dalawang liham, sa kapaligiran o mismong sa Efeso, noong mga 98 C.E. Dahil sa kaiklian, bihira itong sipiin ng mga sinaunang manunulat, ngunit kasama ito ng Ikalawang Juan sa sinaunang mga katalogo ng kinasihang Kasulatan. a

3. Ano ang ipinapahayag ni Juan sa Ikatlong Juan, at anong kawili-wiling pananaw ang nakakamit natin tungkol sa pagkakapatiran ng sinaunang mga Kristiyano?

3 Sa liham ay nagpapahayag si Juan ng pagpapahalaga sa pagpapatulóy ni Gayo sa naglalakbay na mga kapatid, at bumabanggit siya ng pakikipagharap sa ambisyosong si Diotrefes. Ang binabanggit niyang Demetrio ay tila yaong nagdala ng liham kay Gayo, kaya posibleng isinugo ito ni Juan at nangailangang makituloy kay Gayo, na siyang layunin ng liham. Gaya kay Gayo, wala tayong alam tungkol kina Diotrefes at Demetrio liban sa sinasabi rito. Gayunman, ang liham ay naglalaan ng kawili-wiling pananaw sa matalik na pandaigdig na kapatiran ng unang mga Kristiyano. Kabilang dito ang kaugalian ng pagpapatuloy sa mga naglalakbay ‘dahil sa pangalan,’ bagaman sila’y hindi personal na kilala ng may-panauhin.​—Tal. 7.

NILALAMAN NG IKATLONG JUAN

4. Sa ano pinapurihan ni Juan si Gayo, anong maling paggawi ang hinatulan niya, at anong mahusay na payo ang kaniyang ibinigay?

4 Payo ng apostol tungkol sa pagpapatulóy at mabubuting gawa (tal. 1-14). Nagagalak si Juan na marinig na si Gayo ay patuloy sa “paglakad sa katotohanan.” Pinapurihan niya ito dahil sa katapatan sa isang gawain, ang maibiging pangangalaga sa dumadalaw na mga kapatid. “Tayo’y . . . may pananagutan,” aniya, “na patuluyin ang mga ito, upang tayo’y maging kamanggagawa nila sa katotohanan.” Sumulat na noon si Juan sa kongregasyon, ngunit ang mapagtanghal-sa-sariling si Diotrefes ay walang tinanggap na kapurihan mula kay Juan o mula sa ibang may pananagutan. Kapag dumating si Juan, ito’y kaniyang pagsusulitin dahil sa ‘pagdadaldal ng masasamang salita.’ Pinayuhan ang minamahal na si Gayo na “maging tagatulad, hindi ng masama, kundi ng mabuti.” Si Demetrio ay binabanggit bilang kapuri-puring halimbawa. Sa halip na sumulat tungkol sa maraming bagay, umaasa si Juan na makita si Gayo nang mukhaan.​—Tal. 4, 8, 10, 11.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

5. (a) Papaano ipinakita ni Juan na siya’y ulirang tagapangasiwa, at anong espiritu ang dapat ingatan? (b) Bakit naging prangko si Juan sa pagtuligsa kay Diotrefes? (c) Sa ano tayo dapat maging masigasig ngayon, kasuwato ng anong simulain na isinaad ni Juan?

5 Ipinakita ni apostol Juan na siya’y ulirang tagapangasiwa sa masigasig na pag-iiingat sa kongregasyon laban sa nagpaparuming mga impluwensiya. Kapuri-puri ang espiritu ng pag-ibig at pagpapatulóy na nangibabaw sa kongregasyon, at dapat nilang ingatan ang maligayang sitwasyong ito, upang ang lokal na mga kapatid at “mga dayuhan” (mga hindi dating kilala ng mga Kristiyanong nagpapatulóy) ay maging kanilang “mga kamanggagawa sa katotohanan.” (Tal. 5, 8) Gayunman, si Diotrefes ay may palalong mga mata, bagay na kasuklam-suklam kay Jehova, at walang galang sa teokratikong autoridad, sukdulang magdadaldal ng masama tungkol kay apostol Juan. (Kaw. 6:16, 17) Hinahadlangan niya ang pagiging-mapagpatulóy ng kongregasyong Kristiyano. Hindi kataka-taka na maging prangko si Juan laban sa kasamaang ito at alang-alang sa tunay na pag-iibigang Kristiyano sa kongregasyon. Dapat din tayong maging masigasig sa pagpapanatili ng kababang-loob, paglakad sa katotohanan, pagpapakabanal at pagiging bukas-palad, kasuwato ng simulaing isinaad ni Juan: “Ang gumagawa ng mabuti ay nagmumula sa Diyos. Ang gumagawa ng masama ay hindi nakakita sa Diyos.”​—3 Juan 11.

[Talababa]

a Tingnan ang chart na “Namumukod-tanging Sinaunang mga Katalogo ng Kristiyanong Kasulatang Griyego,” pahina 303.

[Mga Tanong sa Aralin]