Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 65—Judas

Aklat ng Bibliya Bilang 65—Judas

Aklat ng Bibliya Bilang 65​—Judas

Manunulat: Si Judas

Saan Isinulat: Sa Palestina (?)

Natapos Isulat: c. 65 C.E.

1. Anong mga kalagayan sa loob ng kongregasyon ang nag-udyok kay Judas upang isulat ang kaniyang masigasig na liham?

 NANGANGANIB ang mga Kristiyanong kapatid ni Judas! Mula nang mamatay at buhaying-muli si Kristo Jesus ay napasok ng masasamang elemento ang kongregasyong Kristiyano. Nagpilit sumingit ang kaaway upang pahinahin ang kanilang pananampalataya, gaya ng babala ni apostol Pablo mga 14 na taon na ang nakakaraan. (2 Tes. 2:3) Papaano gigisingin at ipagsasanggalang ang mga kapatid? Ang sagot ay inilaan ng liham ni Judas, na masigasig at matatag sa tuwirang pananalita. Isinaad ni Judas ang kaniyang malinaw na paninindigan sa mga talatang 3 at 4: ‘Napilitan akong sumulat sapagkat may ilang taong lihim na nakapasok, masasamang tao, na nagsamantala sa di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos upang gumawa ng kahalayan.’ Pinagbantaan ang pinaka-saligan ng wastong turo at wagas na asal. Nadama ni Judas na kailangang ipagtanggol ang kapakanan ng mga kapatid, upang sila’y makapagpunyagi ukol sa pananampalataya.

2. (a) Sino si Judas? (b) Anong pakikipag-ugnayan kay Jesus ang higit niyang pinahalagahan?

2 Ngunit sino si Judas? Ayon sa pambungad, ang liham ay isinulat ni “Judas, alipin ni Jesu-Kristo, ngunit kapatid ni Santiago, sa mga tinawag.” Si Judas (Jude) ba, ay apostol, yamang 2 sa orihinal na apostol ni Jesus ay nagngangalang Judas? (Luc. 6:16) Hindi nagpakilala si Judas bilang apostol, at sa halip ay tinutukoy ang mga apostol na “sila,” ayon sa pangatlong panauhan, kaya maliwanag na ibinubukod niya ang sarili. (Jud. 17, 18) Isa pa, sinabi niyang siya’y “kapatid ni Santiago,” malamang na yaong sumulat ng liham ni Santiago, kapatid-sa-ina ni Jesus. (Tal. 1) Bilang isa sa “mga haligi” ng kongregasyon sa Jerusalem, napabantog si Santiago, kaya iniuugnay ni Judas ang sarili sa kaniya. Maliwanag na si Judas ay isa ring kapatid-sa-ina ni Jesus, at itinatala nga siyang gayon. (Gal. 1:19; 2:9; Mat. 13:55; Mar. 6:3) Gayunman, hindi sinamantala ni Judas ang kaugnayan niya kay Jesus ayon sa laman, kundi buong-pagpapakumbabang idiniin ang espirituwal na relasyon bilang “alipin ni Jesu-Kristo.”​—1 Cor. 7:22; 2 Cor. 5:16; Mat. 20:27.

3. Ano ang patotoo ng pagiging-tunay ng liham ni Judas?

3 Ang pagiging-tunay ng aklat na ito ay inaalalayan ng pagbanggit dito ng Muratorian Fragment ng ikalawang siglo C.E. Tinanggap din ito ni Clement ng Aleksandriya (ikalawang siglo C.E.) bilang kanonikal. Tinukoy ito ni Origen bilang isang katha na “may iilang taludtod, ngunit lipos ng nagpapatibay na pananalita ng makalangit na biyaya.” a Itinuring din ito ni Tertullian bilang tunay. Walang alinlangan na kabilang ito sa ibang kinasihang Kasulatan.

4. Anong uri ng liham ang Judas, malamang na saan ito isinulat, at ano ang iminumungkahi tungkol sa petsa ng pagkasulat?

4 Sumulat si Judas “sa mga tinawag,” na walang tinitiyak na partikular na kongregasyon o indibiduwal, kaya ito’y pangkalahatang liham sa lahat ng Kristiyano. Bagaman hindi binabanggit, malamang na ito ay isinulat sa Palestina. Mahirap ding tiyakin ang petsa ng pagkasulat. Gayunman, malamang na ito’y nang matagal-tagal na ring nabubuo ang kongregasyong Kristiyano, sapagkat itinatawag-pansin ni Santiago ang “mga salitang nang una’y sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesu-Kristo” at maliwanag na sinisipi ang 2 Pedro 3:3. (Jud. 17, 18) Bukod dito, magkahawig-na-magkahawig ang Judas 1-25 at ang ikalawang kabanata ng Ikalawang Pedro. Ipinakikita nito na halos magkasabay silang sumulat ni Pedro, palibhasa sila’y kapuwa nababahala sa panganib na nagbabanta noon sa kongregasyon. Kaya humigit-kumulang 65 C.E. ang iminumungkahing petsa. Inaalalayan din ito ng hindi pagbanggit ni Judas sa pagsugpo ni Cestius Gallus sa paghihimagsik ng mga Judio noong 66 C.E., ni sa pagbagsak ng Jerusalem noong 70 C.E. Sa liham, si Judas ay tumutukoy sa espesipikong mga paghatol ng Diyos sa mga makasalanan, at kung bumagsak na ang Jerusalem, aasahan natin na babanggitin niya ito, lalo na’t inihula pa ito ni Jesus.​—Jud. 5-7; Luc. 19:41-44.

NILALAMAN NG JUDAS

5. (a) Bakit napilitan si Judas na sumulat sa mga tinawag na “ipaglabang masikap ang pananampalataya”? (b) Anong mga babalang halimbawa ang binabanggit ni Judas?

5 Babala laban sa pakikiapid at paghamak sa pagkapangulo (tal. 1-16). Matapos ang maibiging pagbati “sa mga tinawag,” sinasabi ni Judas na balak niyang sumulat “tungkol sa kaligtasang tinatamasa ng lahat,” ngunit napilitan siyang sulatan sila na “ipaglabang masikap ang pananampalataya.” Bakit? Sapagkat nakasalingit ang masasama at sinamantala ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos upang gumawa ng kahalayan. Sila, ani Judas, ay “nagtatatwa sa ating kaisa-isang May-ari at Panginoon, si Jesu-Kristo.” (Tal. 1, 3, 4) Ipinaalaala niya na bagaman iniligtas ni Jehova ang isang bayan mula sa Ehipto, nang maglao’y “nilipol [Niya] ang mga hindi nagsisampalataya.” Isa pa, ang mga anghel na hindi nag-ingat ng kanilang tirahan ay iniingatan ni Jehova “sa dakilang araw ng paghuhukom.” At ang walang-hanggang parusa sa Sodoma at Gomora at kalapit na mga lungsod ay babalang halimbawa sa ‘nagpapakabuyo sa pakikiapid at pagsunod sa ibang laman.’​—Tal. 5-7.

6. Sa ano nakikibahagi ang masasama, at papaano inilalarawan ni Judas ang kamalian at resulta ng kanilang paggawi?

6 Kahawig nito, ang masasama ay “nagpaparumi sa laman at humahamak sa pagkapangulo at lumalait sa mararangal.” Maging si Miguel arkanghel ay hindi lumapastangan sa Diyablo nang nakikipagtalo sa katawan ni Moises, kundi nagsabi: “Sawayin ka nawa ni Jehova.” Ngunit ang mga taong ito ay mapanlait at nagpapahamak-sa-sarili na gaya ng mga hayop na walang-bait. Lumakad sila sa daan nina Cain, Balaam, at ng mapaghimagsik na si Core. Sila’y gaya ng mga batong nakalubog sa tubig, mga ulap na walang dalang ulan, mga walang bungang punongkahoy na makalawa nang namatay at nabunot, mababangis na alon na pinagbubulâ ang sariling kahihiyan, at gaya ng mga bituing galâ. Sila ang “pinaglalaanan ng pusikit na kadiliman magpakailanman.” (Tal. 8, 9, 13) Inihula ni Enoc ang paggawad ni Jehova ng hatol sa masasamang ito. Sila’y mapagbulong at mapamintas, at humahanga sa mga pagkatao dahil sa pakikinabangin.

7. (a) Papaano nagbabala ang mga apostol tungkol sa mga manunuya? (b) Dahil sa pag-asa ng buhay na walang-hanggan, ano ang dapat gawin ng “mga minamahal” para sa sarili at para sa iba?

7 Payo na manatili sa pag-ibig ng Diyos (tal. 17-25). Ipinapaalaala ni Judas ang babala ng mga apostol na “sa mga huling panahon ay lilitaw ang mga manunuya, na lalakad ayon sa kani-kanilang masasamang pita.” Ang maliligalig na ito’y “makahayop, walang espirituwalidad.” Dapat patibayin ng “mga minamahal” ang kanilang pananampalataya at manatili sa pag-ibig ng Diyos, habang naghihintay sa awa ni Kristo at “umaasa sa walang-hanggang buhay.” Kasabay nito, dapat silang maawa at tumulong sa nag-aalinlangan. Nagtatapos si Judas sa pag-uukol ng kaluwalhatian sa “Diyos na Tagapagligtas,” na Siyang mag-iingat sa kanila mula sa pagkatisod, sa pamamagitan ng Panginoong Jesu-Kristo.​—Tal. 18-21, 25.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

8. Papaano ginamit ni Judas ang kinasihang Kasulatan at ang “aklat ng kalikasan” sa pagpapayo sa mga kapatid?

8 Natuklasan ni Santiago na ang kinasihang Kasulatan ay kapaki-pakinabang sa pagbibigay-babala, pagpapasigla, pagpapatibay-loob, pagtuturo, at pagpapayo sa “mga minamahal.” Sa paglalantad ng kabuktutan ng mga mapanghimasok, humalaw siya sa Kasulatang Hebreo ng malalamáng paglalarawan, gaya ng mga Israelitang nanumbalik sa kasamaan, mga anghel na nagkasala, at ng mga taga-Sodoma at Gomora, upang ipakita na lahat ng nahirati sa gayong mga bisyo ay daranas ng gayon ding parusa. Inihalintulad niya ang mga ito sa mga hayop na walang-bait, na nagsilakad sa landasin ni Cain, nagmamadali sa pagkakasala ni Balaam, at napapahamak na gaya ng mapaghimagsik na si Core. Sumipi rin siya ng matitingkad na larawan mula sa “aklat ng kalikasan.” Ang deretsahang liham ni Santiago ay naging bahagi ng “lahat ng Kasulatan” na dapat pag-aralang kasabay ng buong Kasulatan, na nagpapayo sa wastong paggawi “sa huling panahon.”​—Jud. 17, 18, 5-7, 11-13; Bil. 14:35-37; Gen. 6:4; 18:20, 21; 19:4, 5, 24, 25; 4:4, 5, 8; Bil. 22:2-7, 21; 31:8; 16:1-7, 31-35.

9. Bakit kailangan pa rin ngayon ang babala ni Judas, at sa anong mga larangan dapat patibayin ng mga Kristiyano ang sarili?

9 Ang mga pagsalansang at pagsubok ng mga taga-labas ay hindi nakahadlang sa paglago ng Kristiyanismo, ngunit ngayon ang panganib ay nagmumula sa loob. Nanganganib ang kongregasyon na mawasak ng mga batong nakatago. Sapagkat ang panganib ay mas malaki kaysa inasahan, idiniin ni Judas ang ‘pakikipaglabang masikap ukol sa pananampalataya.’ Ang liham ay napapanahon ngayon na gaya rin noon. Kailangan din natin ang gayong babala. Ang pananampalataya’y dapat pa ring ingatan at ipaglaban, ang kahalayan ay bunutin sa ugat, ang nag-aalinlangan ay buong-awang tulungan at ‘agawin sa apoy,’ kung kailangan. Alang-alang sa kalinisang moral, sa espirituwalidad, at sa tunay na pagsamba, ang mga Kristiyano ngayon ay dapat tumibay sa pananampalatayang banal. Dapat manindigan sa matuwid na simulain at maging malapít sa Diyos sa panalangin. Kailangan din ang wastong pagpipitagan sa “pagkapangulo,” na nagbibigay-galang sa bigay-Diyos na autoridad sa kongregasyong Kristiyano.​—Jud. 3, 23, 8.

10. (a) Papaano dapat makitungo ang kongregasyon sa mga makahayop, at ano ang ibubunga nito? (b) Anong gantimpala ang naghihintay sa mga tagapagmana ng Kaharian, at sa ano sila nakikiisa kay Judas?

10 “Ang mga makahayop, walang espirituwalidad,” ay hindi papasok sa Kaharian at isang panganib sa mga nasa landas ng buhay na walang-hanggan. (Jud. 19; Gal. 5:19-21) Dapat mabigyang-babala ang kongregasyon, at dapat silang itakwil! Sa gayon, ang “awa at kapayapaan at pag-ibig” ay sasagana sa mga minamahal, at maiingatan nila ang sarili sa pag-ibig ng Diyos, ‘samantalang naghihintay sa awa ng Panginoong Jesu-Kristo at sa buhay na walang-hanggan.’ Ang mga tagapamahala ng Kaharian ay buong-kagalakang iingatan ng Diyos na Tagapagligtas “na walang-dungis sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian.” Tiyak na sila’y makikiisa kay Judas sa pag-uukol ng “kaluwalhatian, kamahalan, kapangyarihan, at kapamahalaan” sa Kaniya sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.​—Jud. 2, 21, 24, 25.

[Talababa]

a The Canon of the New Testament, 1987, ni B. M. Metzger, pahina 138.

[Mga Tanong sa Aralin]