Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aklat ng Bibliya Bilang 9—1 Samuel

Aklat ng Bibliya Bilang 9—1 Samuel

Aklat ng Bibliya Bilang 9​—1 Samuel

Mga Manunulat: Sina Samuel, Gad, at Nathan

Saan Isinulat: Sa Israel

Natapos Isulat: c. 1078 B.C.E.

Panahong Saklaw: c. 1180-1078 B.C.E.

1. Anong malaking pagbabago sa organisasyon ng Israel ang naganap noong 1117 B.C.E., at anong mga kalagayan ang sumunod dito?

 NOONG 1117 B.C.E., malaki ang naging pagbabago sa organisasyon ng bansang Israel. Inatasan ang isang haring tao! Naganap ito nang si Samuel ay propeta ni Jehova sa Israel. Bagaman patiuna nang nabatid at naihula ni Jehova, ang pagbabago sa isang monarkiya, na siyang hiningi ng mga taga-Israel, ay naging matinding dagok kay Samuel. Palibhasa tapat kay Jehova mula sa pagsilang, at lipos ng pagpipitagan sa pagiging-hari ni Jehova, nakini-kinita ni Samuel ang kapahamakan para sa banal na bayan ng Diyos. Sumunod lamang si Samuel sa gusto nila dahil sa utos ni Jehova. “Nang magkagayo’y ipinaliwanag ni Samuel sa bayan ang karapatan ng paghahari at saka isinulat ito sa isang aklat at inilagay sa harapan ni Jehova.” (1 Sam. 10:25) Dito nagwakas ang panahon ng mga hukom, at nagsimula ang panahon ng mga haring tao na makasasaksi sa pag-unlad ng Israel sa sukdulang kapangyarihan at katanyagan, hanggang sa wakas ay mahulog sila sa kahihiyan at pagkahiwalay sa lingap ni Jehova.

2. Sino ang sumulat ng Unang Samuel, at ano ang kanilang mga kuwalipikasyon?

2 Sino ang karapat-dapat mag-ulat sa napakahalagang yugtong ito? Angkop ang pagkapili ni Jehova kay Samuel upang simulan ang pagsulat. Ang Samuel ay nangangahulugang “Pangalan ng Diyos,” at siya noon ang namumukod-tanging tagapagtaguyod ng pangalan ni Jehova. Lumilitaw na si Samuel ang sumulat ng unang 24 na kabanata ng aklat. Nang mamatay siya, itinuloy ito nina Gad at Nathan, upang tapusin ang ulat hanggang sa kamatayan ni Saul. Makikita ito sa 1 Cronica 29:29: “Kung tungkol sa mga gawa ni David na hari, ang mga nauna at ang nahuli, lahat ay nasusulat sa mga salita ni Samuel na manghuhula at ni Nathan na propeta at ni Gad na tagakita.” Di-gaya ng Mga Hari at ng Mga Cronica, ang mga aklat ni Samuel ay halos walang pagtukoy sa naunang mga ulat, kaya tiyak na ang mga sumulat ay ang mga kasabay ni David na sina Samuel, Gad, at Nathan. Ang tatlo ay pawang pinagkatiwalaan ng tungkulin bilang mga propeta ni Jehova at pawang salungat sa idolatriya na nagpasamâ sa bansa.

3. (a) Papaano naging hiwalay na aklat ng Bibliya ang Unang Samuel? (b) Kailan ito natapos, at anong panahon ang saklaw nito?

3 Sa pasimula ang dalawang aklat ni Samuel ay iisang balumbon, o tomo. Nahati ito sa dalawa nang ilathala ang bahaging ito ng Griyegong Septuagint. Doon, ang Unang Samuel ay tinawag na Unang Mga Kaharian. Ang paghahati at ang pangalang Unang Mga Hari ay ginaya ng Latin Vulgate at ng mga Bibliyang Katoliko hanggang ngayon. Na sa pasimula ang Una at Ikalawang Samuel ay iisa ay makikita sa Masoretikong nota sa 1 Samuel 28:24, na nagsasabing ang talatang ito ay nasa gitna ng aklat ni Samuel. Waring ang aklat ay natapos noong 1078 B.C.E. Kaya malamang, mahigit-higit na isandaang taon ang saklaw ng Unang Samuel, 1180 hanggang 1078 B.C.E.

4. Papaano pinatunayan ang kawastuan ng ulat sa Unang Samuel?

4 Sagana ang patotoo sa kawastuan ng ulat. Ang mga pangyayaring binabanggit ay angkop sa heograpikal na mga lokasyon. Kapansin-pansin na ang pagsalakay ni Jonathan sa garison ng mga Filisteo sa Michmas, na ganap na tumalo sa mga Filisteo, ay inulit noong Digmaang Pandaigdig I ng isang opisyal ng Hukbong Ingles, na di-umano ay tumalo rin sa mga Turko nang sundin nito ang mga palatandaan na binabanggit sa kinasihang ulat ni Samuel.​—14:4-14. a

5. Papaano nagpapatotoo ang ibang manunulat ng Bibliya sa pagiging-tunay ng Unang Samuel?

5 Gayunman, may mas matitibay pang patotoo sa pagiging-kinasihan at pagiging-totoo ng aklat. Iniuulat nito ang kapansin-pansing katuparan ng hula ni Jehova sa paghingi ng Israel ng hari. (Deut. 17:14; 1 Sam. 8:5) Pagkaraan ng maraming taon, pinatunayan ni Oseas ang ulat nang sipiin niya ang sinabi ni Jehova, “Sa aking galit ay pinagkalooban ko kayo ng hari, at sa aking poot ay aalisin ko siya.” (Ose. 13:11) Ipinakita ni Pedro na si Samuel ay kinasihan nang ipakilala niya ito bilang propeta na ‘nagpahayag nang malinaw hinggil sa mga kaarawan’ ni Jesus. (Gawa 3:24) Sinipi ni Pablo ang 1 Samuel 13:14 nang itampok niya ang kasaysayan ng Israel. (Gawa 13:20-22) Ang ulat ay pinatunayan ni Jesus nang tanungin niya ang mga Fariseo: “Hindi ba ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya at ang mga tauhan niya ay magutom?” At isinaysay niya ang paghingi ni David ng tinapay na handog. (Mat. 12:1-4; 1 Sam. 21:1-6) Tinanggap din ni Ezra ang ulat, gaya nang nasabi na.​—1 Cron. 29:29.

6. Ano pang ibang panloob na ebidensiya sa Bibliya ang nagpapatotoo sa pagiging-tunay ng Unang Samuel?

6 Palibhasa ito ang orihinal na ulat ng mga gawain ni David, ang bawat pagbanggit kay David sa buong Kasulatan ay nagpapatotoo sa aklat ni Samuel bilang bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos. Ang ilan sa mga kaganapan nito ay tinutukoy pa man din sa mga pamagat ng mga awit ni David, gaya ng Awit 59 (1 Sam. 19:11), Awit 34 (1 Sam. 21:13, 14), at Awit 142 (1 Sam. 22:1 o 1 Sam. 24:1, 3). Kaya ang panloob na ebidensiya ng sariling Salita ng Diyos ay tiyak na nagpapatotoo sa pagiging-tunay ng Unang Samuel.

NILALAMAN NG UNANG SAMUEL

7. Nasa aklat ang kasaysayan ng sinu-sinong pinunò sa Israel?

7 Sumasaklaw ang aklat nang bahagya o sa kabuuan ng lawig ng buhay ng apat na pinunò ng Israel: Si Eli na mataas na saserdote, si Samuel na propeta, sina Saul at David na una at ikalawang hari.

8. Papaano naisilang si Samuel at papaano siya naging “ministro ni Jehova”?

8 Ang paghuhukom ni Eli at ang batang si Samuel (1:1–​4:22). Sa pagbubukas ng ulat, ipinakikilala si Ana, paboritong asawa ni Elkana na Levita. Baog siya at naging sanhi ito ng panunuya ni Penina, ang isa pang asawa ni Elkana. Nang ang pamilya ay nasa kanilang taunang pagdalaw sa Silo, na kinaroroonan ng kaban ng tipan ni Jehova, taimtim na nanalangin si Ana kay Jehova ukol sa isang anak. Nangako siya na kung diringgin, ang bata ay iaalay niya kay Jehova. Sinagot ng Diyos ang dalangin niya, at nagkaanak siya ng lalaki, si Samuel. Pagkaawat-na-pagkaawat, inihatid siya ni Ana sa bahay ni Jehova at ipinagkatiwala sa mataas na saserdoteng si Eli, bilang isa na ‘inihandog kay Jehova.’ (1:28) Sa masayang awit ay ipinahayag ni Ana ang pasasalamat at kaligayahan. Ang bata ay naging “ministro ni Jehova sa harap ni Eli na saserdote.”​—2:11.

9. Papaano naging propeta si Samuel sa Israel?

9 Hindi naging mabuti ang lahat para kay Eli. Matanda na siya, at ang dalawa niyang anak na lalaki ay naging salbahe at “hindi kinilala si Jehova.” (2:12) Sinamantala nila ang pagkasaserdote upang palugdan ang kanilang kasakiman at kalibugan. Hindi sila itinuwid ni Eli. Kaya hinatulan ni Jehova ang sambahayan ni Eli, at nagbabala na “hindi magkakaroon ng matanda sa iyong sambahayan” at na ang dalawang anak ni Eli ay sabay na mamamatay. (1 Sam. 2:30-34; 1 Hari 2:27) Sa wakas, isinugo Niya kay Eli ang batang si Samuel taglay ang isang masakit-pakinggang paghatol. Kaya si Samuel ay kinilala bilang propeta sa Israel.​—1 Sam. 3:1, 11.

10. Papaano hinatulan ni Jehova ang sambahayan ni Eli?

10 Tinupad ni Jehova ang hatol nang isugo niya ang mga Filisteo. Nang natatalo na sa labanan, ang kaban ng tipan ay kinuha ng mga Israelita mula sa Silo tungo sa kampo ng kanilang hukbo. Nang marinig ang kanilang sigawan at malaman na ang Kaban ay dinala sa kampo ng Israel, pinalakas ng mga Filisteo ang kanilang hukbo at nakasisindak ang naging tagumpay nila, pagkat nalipol ang mga Israelita. Naagaw ang Kaban at namatay ang dalawang anak ni Eli. Nanginginig ang pusong tinanggap ni Eli ang balita. Nang marinig ang tungkol sa Kaban, siya’y patalikod na natumba at namatay sa pagkabali ng leeg. Doon nagtapos ang kaniyang 40-taon ng paghuhukom. Oo, “Ang kaluwalhatian ay humiwalay sa Israel,” pagkat ang Kaban ay sagisag ng pagkanaroroon ni Jehova.​—4:22.

11. Papaano napatunayan na ang Kaban ay hindi isang agimat?

11 Si Samuel ay naging hukom sa Israel (5:1–​7:17). Malungkot na natutunan ng mga Filisteo na ang kaban ni Jehova ay hindi dapat ituring na agimat. Nang ipasok nila ito sa templo ni Dagon sa Asdod, ang kanilang diyos ay napasubsob sa lupa. Kinaumagahan si Dagon ay muling bumagsak sa may pintuan, at naputol ang ulo at dalawang kamay nito. Dito nagsimula ang pamahiin ng mga Filisteo ng ‘di-pagtuntong sa pintuan ni Dagon.’ (5:5) Ang Kaban ay dinala agad ng mga Filisteo sa Gath at saka sa Ekron ngunit wala ring nagawa! Dumating ang pagkakagulo, mga bukol, at salot ng mga daga. Lubhang nasiphayo sa dami ng namamatay, ang Kaban ay isinauli sa Israel ng mga pinuno ng alyansang Filisteo, sakay ng isang bagong karo na hila-hila ng dalawang nagpapasusong baka. Sa Beth-semes napahamak ang ilang Israelita nang titigan nila ang Kaban. (1 Sam. 6:19; Bil. 4:6, 20) Sa wakas, ang Kaban ay inilagak sa bahay ni Abinadab sa lungsod ng mga Levita sa Kiriath-jearim.

12. Ano ang naging pagpapalà ng pagtataguyod ni Samuel sa tunay na pagsamba?

12 Sa loob ng 20 taon ay nanatili ang Kaban sa bahay ni Abinadab. Si Samuel, na ganap na ang pagkatao, ay humimok sa Israel na alisin ang mga Baal at imahen ni Astarot at paglingkuran si Jehova nang buong puso. Ginawa nila ito. Nang sila’y nagkakatipon sa Mizpah upang sumamba, sinamantala ito ng mga pinuno ng alyansang Filisteo upang makipagdigma at biglain ang Israel. Nanawagan sila kay Jehova sa pamamagitan ni Samuel. Isang malakas na kulog mula kay Jehova ang naghasik ng kalituhan sa mga Filisteo, at ang mga Israelita, na pinalakas ng paghahain at panalangin, ay ganap na nagtagumpay. Mula noon, ‘ang kamay ni Jehova ay naging laban sa mga Filisteo sa buong panahon ni Samuel.’ (7:13) Ngunit hindi nagretiro si Samuel. Patuloy siyang naghukom sa Israel, na gumagawa ng taunang paglibot sa Rama sa hilaga ng Jerusalem hanggang sa Bethel, Gilgal, at Mizpah. Sa Rama ay nagtayo siya ng dambana kay Jehova.

13. Papaano tinanggihan ng Israel si Jehova bilang Hari, at anong mga resulta ang ibinabala ni Samuel?

13 Ang unang hari ng Israel, si Saul (8:1–​12:25) Tumanda si Samuel sa paglilingkod kay Jehova, ngunit ang mga anak niya ay hindi sumunod sa kaniyang landas, sapagkat sila’y nagpasuhol at lihis kung humatol. Lumapit kay Samuel ang matatandang lalaki sa Israel at nagpumilit: “Bigyan mo kami ng isang hari na hahatol sa amin na gaya ng mga bansa.” (8:5) Lubhang nabahala, nanalangin si Samuel. Sumagot si Jehova: “Hindi ikaw ang itinakwil nila, kundi ako ang itinakwil nila bilang hari. . . . Kaya dinggin mo ang kanilang tinig.” (8:7-9) Subalit nagbabala si Samuel sa masamang ibubunga ng kanilang mapaghimagsik na kahilingan: pagdidisiplina, pagbubuwis, pagkawala ng kalayaan, at sa dakong huli ay kapaitan at pagdaing kay Jehova. Hindi kumbinsido, humingi pa rin sila ng hari.

14. Papaano nahirang si Saul bilang hari?

14 Narito si Saul, anak ni Kish mula sa tribo ni Benjamin at pinakamakisig at pinakamatangkad na lalaki sa Israel. Iniharap siya kay Samuel, na nagparangal sa kaniya sa isang piging, nagpahid sa kaniya, at nagpakilala sa kaniya sa buong Israel na nasa Mizpah. Bagaman sa simula’y nagtago si Saul sa mga dala-dalahan, sa wakas ay iniharap siya bilang hinirang ni Jehova. Muling ipinaalaala ni Samuel ang karapatan ng pagkahari, at isinulat ito sa isang aklat. Ngunit ang pagiging-hari ni Saul ay napagtibay lamang nang magahis niya ang mga Amonita sa Jabes-Galaad, kaya sa Gilgal ay sinang-ayunan ng bayan ang kaniyang paghahari. Muli silang pinasigla ni Samuel na matakot, maglingkod, at sumunod kay Jehova, at nanawagan siya kay Jehova na magpadala ng di-napapanahong kulog at ulan sa panahon ng pag-aani bilang tanda. Sa nakasisindak na paraan ay nagpamalas si Jehova ng galit sa pagtatakwil nila sa kaniya.

15. Anong kapangahasan ang umakay sa pagkabigo ni Saul?

15 Ang pagsuway ni Saul (13:1–​15:35). Dahil sa panliligalig ng mga Filisteo, isang garison ng kaaway ang winasak ni Jonathan, matapang na anak ni Saul. Bilang ganti, nagsugo ang kaaway ng isang malaking hukbo, ‘gaya ng mga buhangin sa dalampasigan,’ at sila’y nagkampo sa Michmas. Naligalig ang mga Israelita. ‘Sana’y dumating si Samuel upang ituro sa atin ang paraan ni Jehova!’ Sa pagkainip, nagkasala si Saul nang siya ay may-kapangahasang mag-alay ng handog na susunugin. Biglang dumating si Samuel. Niwalang-halaga ni Samuel ang mababaw na pagdadahilan ni Saul at ipinahayag ang paghatol ni Jehova: “Hindi magtatagal ang iyong kaharian. Tiyak na hahanap si Jehova ng isang taong kasundo ng kaniyang puso; at ihahalal siya ni Jehova bilang pinuno sa kaniyang bayan, sapagkat hindi mo tinupad ang utos ni Jehova.”​—13:14.

16. Ang pagiging padalus-dalos ni Saul ay nagbunga ng anong mga suliranin?

16 Sa sikap ukol sa pangalan ni Jehova, muling sinalakay ni Jonathan ang isang himpilang Filisteo, na ang tanging kasama’y ang tagadala ng sandata, at napatay agad nila ang 20 lalaki. Lalong nalito ang kaaway dahil sa isang lindol. Natalo sila, at sila’y hinabol ng Israel. Gayunman, ang puwersa ng tagumpay ay pinahina ng padalus-dalos na panata ni Saul na nagbabawal sa mga mandirigma na kumain hangga’t di-tapos ang labanan. Nanghina sila at nagkasala kay Jehova nang kumain sila ng karne na hindi muna pinatulo ang dugo. Sa kabilang dako, lumakas si Jonathan dahil sa pulot-pukyutan na kinain niya bago pa marinig ang panata, na buong-tapang niyang itinuring na isang balakid. Tinubos siya ng bayan mula sa kamatayan dahil sa pagliligtas na kaniyang idinulot sa Israel.

17. Anong karagdagang pagtatakwil kay Saul ang ibinunga ng kaniyang ikalawang pagkakasala?

17 Dapat nang igawad ang paghatol ni Jehova sa kinamumuhiang mga Amalekita. (Deut. 25:17-19) Dapat silang puksain. Walang ititira, tao man o hayop. Walang kukuning samsam. Lahat ay dapat wasakin. Ngunit sumuway si Saul at iniligtas si Agag, ang haring Amalekita, at ang pinakamaiinam sa kawan, upang ihandog di-umano kay Jehova. Lubha itong ikinagalit ng Diyos kung kaya kinasihan niya si Samuel na ipahayag ang ikalawang pagtatakwil kay Saul. Hindi inalumana ang pagtatakip ni Saul, sinabi ni Samuel: “Nagtataglay ba si Jehova ng napakalaking kagalakan sa mga handog na susunugin at sa mga hain kaysa pagsunod sa tinig ni Jehova? Narito! Ang pagsunod ay mabuti kaysa hain . . . Yamang itinakwil mo ang salita ni Jehova, itatakwil ka naman niya bilang hari.” (1 Sam. 15:22, 23) Nagmakaawa si Saul at nahapak niya ang laylayan ng balabal ni Samuel. Tiniyak sa kaniya ni Samuel na gayundin hahapakin ni Jehova ang kaharian mula kay Saul at ibibigay sa isang mas mabuting tao. Kinuha ni Samuel ang tabak, pinatay si Agag, at tinalikuran si Saul upang huwag na itong makita pang muli.

18. Ano ang saligan ng pagpili ni Jehova kay David?

18 Ang pagpapahid kay David, ang kagitingan niya (16:1–​17:58). Isinugo ni Jehova si Samuel sa bahay ni Jesse sa Betlehem ng Juda upang piliin at pahiran ang susunod na hari. Isa-isang humarap ang mga anak ni Jesse subalit pawang tinanggihan. Ipinaalaala ni Jehova kay Samuel: “Hindi tumitingin ang Diyos na gaya ng pagtingin ng tao, sapagkat ang nakikita ng tao ay ang nasa labas; ngunit para kay Jehova, nakikita niya ang puso.” (16:7) Sa wakas ay sinang-ayunan ni Jehova si David, ang bunso, na “may mapulang pisngi, isang binatang may nangungusap na mata at makisig ang anyo,” at siya ay pinahiran ni Samuel. (16:12) Ang espiritu ni Jehova ay suma kay David, ngunit sumamâ ang espiritu ni Saul.

19. Anong maagang tagumpay ang nakamit ni David sa pangalan ni Jehova?

19 Muling sumalakay ang mga Filisteo, at iniharap ang kanilang bayani, si Goliath, isang higanteng may taas na anim na siko at isang dangkal (2.9 metro). Napakalaki niya anupat ang kaniyang baluti ay tumitimbang ng 57 kilo at ang talim ng kaniyang sibat ay 6.8 kilo. (17:4, 5, 7) Araw-araw may-pamumusong at patuyang hinahamon ni Goliath ang Israel na pumili sila ng makakalaban niya, subalit walang sumasagot. Nanginginig si Saul sa kaniyang tolda. Nabalitaan ni David ang panunuya ng Filisteo. Taglay ang matuwid na galit at bigay-diyos na katapangan, sinabi niya: “Sino itong di-tuling Filisteo na humahamon sa mga hukbo ng buháy na Diyos?” (17:26) Tinanggihan ang baluti ni Saul pagkat hindi pa siya nakagamit nito, humarap si David na nasasandatahan lamang ng isang tungkod ng pastol, isang panghilagpos, at limang makikinis na bato. Isinumpa ni Goliath si David sapagkat para sa kaniya ang pakikihamok sa isang batang pastol ay paghamak sa kaniyang dangal. May-tiwalang tumugon si David: “Lumalapit ka sa akin na may tabak at may sibat at may kalasag, ngunit lumalapit ako sa iyo sa pangalan ni Jehova ng mga hukbo.” (17:45) Pinahilagpos ni David ang isang bato, at bumagsak ang bayani ng mga Filisteo! Patakbo siyang nilapitan ni David at sa paningin ng magkabilang hukbo, ay hinugot ang tabak ng higante at pinugot ang ulo nito. Kay laking pagliligtas mula kay Jehova! Kay laki ng kagalakan sa kampo ng Israel! Ngayong patay na ang kanilang bayani, nagtakbuhan ang mga Filisteo, na tinutugis ng tuwang-tuwang mga Israelita.

20. Papaano naiiba kay Saul ang saloobin ni Jonathan kay David?

20 Ang paghabol ni Saul kay David (18:1–​27:12). Nagbukas ng matalik na pagkakaibigan ang katapangan ni David alang-alang sa pangalan ni Jehova. Ito’y kay Jonathan, anak ni Saul at likas na tagapagmana ng kaharian. “Minahal siya [ni Jonathan] na gaya ng kaniyang sariling kaluluwa,” at ang dalawa ay nagtibay ng isang tipan ng pagkakaibigan. (18:1-3) Nang ipagbunyi sa Israel ang kabantugan ni David, nagalit si Saul at hinangad siyang patayin, bagaman ibinigay nito ang anak na si Michal upang mapangasawa ni David. Hibang-na-hibang si Saul sa galit, kaya tumakas si David sa tulong ni Jonathan. Nag-iyakan sila nang maghiwalay, at tiniyak ni Jonathan ang katapatan niya kay David, sa pagsasabing: “Lumagay nawa si Jehova sa pagitan natin at sa pagitan ng aking supling at ng iyong supling magpakailanman.”​—20:42.

21. Anong mga pangyayari ang naganap nang tumakas si David mula kay Saul?

21 Sa pagtakas sa nagngingitngit na si Saul, si David at ang kaniyang maliit na pangkat ng gutóm na mga tauhan ay dumating sa Nob. Pinayagan sila ng saserdoteng si Ahimelech na kumain ng handog na tinapay matapos tiyakin na si David at ang mga tauhan niya ay malinis sa mga babae. Nasasandatahan ng tabak ni Goliath, si David ay tumakas tungo sa Gath na sakop ng mga Filisteo, at doon siya ay nagkunwang baliw. Pumasok siya sa yungib ng Adullam, saka sa Moab, at nang maglaon, sa payo ni propeta Gad, ay nagbalik siya sa Juda. Sa pangambang maghimagsik ang bayan para kay David, si Doeg na Edomita ay inutusan ng hibang-sa-pananaghiling si Saul na lipulin ang lahat ng saserdote sa Nob, at si Abiatar lamang ang nakatakas upang sumama kay David. Naging saserdote siya ng grupo.

22. Papaano nagpamalas si David ng katapatan kay Jehova at ng paggalang sa Kaniyang organisasyon?

22 Bilang tapat na lingkod ni Jehova, nagtagumpay si David sa digmaang gerilya laban sa mga Filisteo. Ngunit nagpatuloy si Saul sa kaniyang malawakang kampanya laban kay David, tinipon ang mga mandirigma at hinabol siya hanggang “sa ilang ng En-gadi.” (24:1) Si David, ang minamahal ni Jehova, ay laging nauuna sa mga humahabol. Minsan ay maaari sana niyang patayin si Saul, subalit hindi niya ito ginawa, kundi pinutol na lamang ang laylayan ng balabal ni Saul bilang patotoo na iniligtas niya ang buhay nito. Maging ang napakaamong hakbang na ito ay nakaantig sa puso ni David, pagkat nadama niya na siya ay kumilos laban sa pinahiran ni Jehova. Napakalaki ng paggalang niya sa organisasyon ni Jehova!

23. Papaano nakipagpayapaan ni Abigail kay David at sa wakas ay naging asawa niya?

23 Nang mamatay si Samuel (25:1), itinuloy ng kahalili niya ang pagsulat. Humingi ng pagkain si David kay Nabal, taga-Maon sa Juda, para sa kaniya at sa mga tauhan niya dahil sa pakikipagkaibigan sa mga pastol ni Nabal. Walang ginawa si Nabal kundi ‘sumigaw nang patuya’ sa mga tauhan ni David, kaya ipinasiya ni David na parusahan ito. (25:14) Nang mahalata ang panganib, si Abigail na asawa ni Nabal ay lihim na nagdala ng pagkain at humingi ng paumanhin kay David. Pinagpala ni David ang katalinuhan niya at pinabalik siya nang mapayapa. Nang ipagbigay-alam ito ni Abigail kay Nabal, inatake ito sa puso at pagkaraan ng sampung araw ay namatay. Pinakasalan ni David ang mabait at magandang si Abigail.

24. Papaano muling iniligtas ni David ang buhay ni Saul?

24 Sa ikatlong pagkakataon, si David ay hinabol ni Saul, at muling nagpakita si David ng habag sa kaniya. Si Saul at ang mga tauhan niya ay “hinulugan ni Jehova ng mahimbing na tulog.” Kaya nakapasok si David sa kampo at kinuha ang sibat ni Saul, ngunit hindi niya pinagbuhatan ng kamay “ang pinahiran ni Jehova.” (26:11, 12) Napilitan uli si David na tumakas tungo sa mga Filisteo upang magkanlong, at ibinigay nila sa kaniya ang Ziklag bilang tirahan. Dito niya itinuloy ang pagsalakay sa mga kaaway ng Israel.

25. Anong ikatlong malubhang pagkakasala ang nagawa ni Saul?

25 Ang pagpapatiwakal ni Saul (28:1–​31:13.) Inilipat ng mga pinunò ng alyansang Filisteo ang kanilang pinaghalong hukbo sa Sunem. Bilang tugon, pumuwesto si Saul sa Bundok Gilboa. Balisang-balisa, humingi siya ng patnubay kay Jehova subalit hindi siya sinagot. Kung makakausap lamang niya si Samuel! Nagkasala uli ng mabigat si Saul nang magbalatkayo siya at sumangguni sa isang espiritista sa En-dor, sa likuran ng mga hukbong Filisteo. Nakiusap siya rito na iharap si Samuel. Sa kasabikan, inakala ni Saul na ang pangitain ay ang patay na si Samuel. Gayunman, si “Samuel” ay walang nakakaaliw na balita para sa hari. Bukas ay mamatay siya, at tapat sa salita ni Jehova, ang kaharian ay kukunin sa kaniya. Sa kabilang kampo, ang mga pinunò ng alyansang Filisteo ay payaó na sa pakikidigma. Nang makitang si David at ang mga tauhan niya ay kasama nila, naghinala sila at pinauwi sina David. Tamang-tama ang dating nina David sa Ziklag! Isang pulutong ng mga Amalekita ang bumihag sa sambahayan at ari-arian ni David at ng mga tauhan niya, kaya humabol sila, at lahat ay nabawi nang walang pinsala.

26. Papaano nagwakas ang kapaha-pahamak na pamumunò ng unang hari ng Israel?

26 Nagkaroon ng paghahamok sa Bundok Gilboa. Kapaha-pahamak ang pagkatalo ng Israel, at nasupil ng mga Filisteo ang mahahalagang bahagi ng lupain. Napatay si Jonathan at ang ibang anak ni Saul, at ang malubha at sugatang si Saul ay nagsaksak sa sariling tabak​—isang pagpapatiwakal. Ibinitin ng nagwaging mga Filisteo ang bangkay ni Saul at ng tatlong anak niya sa pader ng lungsod ng Bet-shan, ngunit ito ay inalis ng mga taga-Jabes-galaad sa kahiya-hiyang katayuang yaon. Ang kapaha-pahamak na pagpupuno ng unang hari ng Israel ay humantong sa masaklap na wakas.

BAKIT KAPAKI-PAKINABANG

27. (a) Saan nabigo sina Eli at Saul? (b) Papaano mahuhusay na halimbawa sina Samuel at David para sa mga tagapangasiwa at kabataang ministro?

27 Napaka-makasaysayan ang Unang Samuel! Tapat sa bawat detalye, inilalantad nito kapuwa ang kahinaan at lakas ng Israel. Nariyan ang apat na pinunò sa Israel, dalawa na sumunod sa batas ng Diyos at dalawa na hindi. Pansinin kung bakit nabigo sina Eli at Saul: Ang una ay nagkulang sa paggawa, ang ikalawa ay gumawang may kapangahasan. Sa kabilang dako, minahal nina Samuel at David ang paraan ni Jehova sapol sa pagkabata, kaya pinagpala sila. Napakahalagang aral nito para sa mga tagapangasiwa! Dapat silang maging matatag, mapagbantay sa kalinisan at kaayusan ng organisasyon ni Jehova, magalang sa kaniyang mga kaayusan, walang-takot, mahinahon, matapang, at makonsiderasyon sa iba! (2:23-25; 24:5, 7; 18:5, 14-16) Pansinin din na mula sa pagkabata ang dalawa na nagtagumpay ay kapuwa tumanggap ng mabuting teokratikong pagsasanay at sa murang gulang sila ay buong-tapang na naghayag ng mensahe ni Jehova at nangalaga sa mga kapakanang ipinagkatiwala sa kanila. (3:19; 17:33-37) Sana lahat ng kabataang sumasamba kay Jehova ngayon ay maging mga kabataang “Samuel” at “David”!

28. Papaano idiniin ang pagsunod, at anong payo ng Unang Samuel ang inulit ng ibang manunulat ng Bibliya?

28 Sa lahat ng kapaki-pakinabang na salita ng aklat, ang dapat tandaan ay yaong binigkas ni Samuel bilang paghatol ni Jehova kay Saul sa pagkabigo niyang “pawiin ang alaala ng Amalek sa silong ng langit.” (Deut. 25:19) Ang leksiyon na ‘ang pagsunod ay mabuti kaysa hain’ ay inuulit sa iba’t-ibang tagpo sa Oseas 6:6, Mikas 6:6-8, at Marcos 12:33. (1 Sam. 15:22) Dapat tayong makinabang ngayon sa kinasihang ulat na ito at lubusang sumunod sa tinig ni Jehova na ating Diyos! Ang kabanalan ng dugo ay itinatawag-pansin din sa 1 Samuel 14:32, 33. Ang pagkain ng karne na hindi napatulo ang dugo ay itinuring na “pagkakasala laban kay Jehova.” Kumakapit din ito sa kongregasyong Kristiyano, gaya ng nililiwanag sa Gawa 15:28, 29.

29. Anong mga bunga ng pambansang pagkakamali ng Israel ang inilalarawan ng Unang Samuel, taglay ang anong babala sa mga mapagsariling kalooban?

29 Inilalarawan ng Unang Samuel ang kahabag-habag na pagkakamali ng isang bansa na nag-akalang di-praktikal ang paghahari ng Diyos mula sa langit. (1 Sam. 8:5, 19, 20; 10:18, 19) Ang mga patibong at kabiguan ng pamamahala ng tao ay buong-diin at makahulang inilalarawan. (8:11-18; 12:1-17) Sa pasimula si Saul ay isang maamong tao na may espiritu ng Diyos (9:21; 11:6), ngunit lumabo ang kaniyang pasiya at pumait ang kaniyang puso nang mawala ang pag-ibig sa katuwiran at pananampalataya sa Diyos. (14:24, 29, 44) Nang maglaon, ang sigasig niya ay nadaig ng kapangahasan, pagsuway, at kataksilan sa Diyos. (1 Sam. 13:9; 15:9; 28:7; Ezek. 18:24) Ang kawalan ng pananampalataya ay naghasik ng alinlangan, na lumalâ tungo sa pagka-inggit, pagkapoot, at pagpatay. (1 Sam. 18:9, 11; 20:33; 22:18, 19) Ang kamatayan niya ay gaya ng kaniyang pamumuhay, isang kabiguan sa Diyos at sa bayan, at bilang babala sa sinomang may “mapagsariling kalooban” na gaya niya.​—2 Ped. 2:10-12.

30. Anong mga katangian ni Samuel ang dapat linangin ng makabagong-panahong mga ministro?

30 Gayunman, may mapupulot din tayong kabutihan. Halimbawa, ang landasin ng tapat na si Samuel, na buong-buhay na naglingkod sa Israel nang walang daya, pagkiling, o pagtatangi. (1 Sam. 12:3-5) Sapol sa pagkabata ay masunurin siya (3:5), magalang at mapitagan (3:6-8), maaasahan sa pagtupad ng tungkulin (3:15), di-natitinag sa pag-aalay at debosyon (7:3-6; 12:2), handang makinig (8:21), handang magtaguyod sa mga pasiya ni Jehova (10:24), matatag sa paghatol sinoman ang nasasangkot (13:13), mahigpit sa pagsunod (15:22), at matiyaga sa pagtupad ng atas (16:6, 11). May mabuting ulat din siya mula sa iba (2:26; 9:6). Ang ministeryo niya bilang kabataan ay dapat magpasigla sa mga kabataan ngayon na itaguyod ang kanilang ministeryo (2:11, 18) at ang hindi niya pagreretiro ay dapat magpasigla sa mga may-katandaan na.​—7:15.

31. Papaano naging mahusay na halimbawa si Jonathan?

31 Nariyan din ang mahusay na halimbawa ni Jonathan. Hindi siya nagdamdam pagkat si David ang pinahiran sa paghahari na mamanahin sana niya. Sa halip, kinilala niya ang mahuhusay na katangian ni David at nakipagtipan ng pagkakaibigan sa kaniya. Ang ganitong walang-imbot na pagsasamahan ay tunay na magpapatibay at magpapasigla sa mga tapat na lingkod ni Jehova ngayon.​—23:16-18.

32. Anong mahuhusay na katangian ang mapapansin sa mga babaeng sina Ana at Abigal?

32 Sa mga babae, nariyan ang halimbawa ni Ana, na palagiang sumasama sa asawa sa dako ng pagsamba kay Jehova. Siya’y isang madasalin, mapagpakumbabang babae, na ikinait sa sarili ang pakikisama sa anak bilang pagtupad sa panata at pagpapahalaga sa kabaitan ni Jehova. Kamangha-mangha ang naging gantimpala niya nang ito ay magsimula ng buong-buhay na paglilingkod kay Jehova. (1:11, 21-23, 27, 28) Isa pa, ay ang halimbawa ni Abigail, na ang pagpapasakop at katalinuhan ay umani ng papuri ni David, hanggang sa ito ay mapangasawa niya.​—25:32-35.

33. Ang walang-takot na pag-ibig at katapatan ni David ay dapat mag-udyok sa atin sa anong landasin?

33 Ang pag-ibig ni David kay Jehova ay makabagbag-damdaming ipinapahayag sa mga awit na kinatha ni David nang siya ay tinutugis ni Saul, ang taksil na “pinahiran ni Jehova.” (1 Sam. 24:6; Awit 34:7, 8; 52:8; 57:1, 7, 9) Taos-puso ang pagpapahalaga ni David sa pagbanal sa pangalan ni Jehova nang hamunin niya ang nanunuyang si Goliath! “Lumalapit ako sa iyo sa pangalan ni Jehova ng mga hukbo . . . Sa araw na ito ay ibibigay ka ni Jehova sa aking kamay, . . . upang malaman ng buong lupa na may Diyos sa Israel. At upang malaman ng buong kapulungang ito na hindi nagliligtas si Jehova sa pamamagitan ng tabak o ng sibat, sapagkat ang pagbabakang ito ay kay Jehova, at ibibigay niya kayo sa aming kamay.” (1 Sam. 17:45-47) Si David, ang matapang at tapat na “pinahiran” ni Jehova, ay dumakila kay Jehova bilang Diyos ng buong lupa at tanging Bukal ng kaligtasan. (2 Sam. 22:51) Lagi nating sundin ang kaniyang walang-takot na halimbawa!

34. Papaano higit na nahahayag ang mga layunin ng Kaharian ni Jehova kaugnay ni David?

34 Ano ang masasabi ng Unang Samuel sa pagsulong ng mga layunin ng Kaharian ng Diyos? Ah, ito ang pinakatampok na bahagi ng aklat! Nakilala natin si David, na ang pangalan ay nangangahulugang “Minamahal.” Si David ay minahal ni Jehova at pinili bilang “taong kalugud-lugod sa kaniyang puso,’ at nararapat maging hari sa Israel. (1 Sam. 13:14) Kaya ang kaharian ay lumipat sa tribo ni Juda, kasuwato ng pagpapala ni Jacob sa Genesis 49:9, 10, at ang paghahari ay nakatakdang manatili sa tribo ni Juda hanggang dumating ang Pinunò na sa kaniya susunod ang lahat ng tao.

35. Papaano napaugnay ang pangalan ni David sa Binhi ng Kaharian, at anong mga katangian ni David ang ipakikita pa ng Binhing yaon?

35 Isa pa, ang pangalan ni David ay iniuugnay sa Binhi ng Kaharian, na isinilang din sa Betlehem sa hanay ni David. (Mat. 1:1, 6; 2:1; 21:9, 15) Siya ang niluwalhating si Jesu-Kristo, “ang Leon mula sa tribo ni Juda, ang ugat ni David,” at “ang ugat at supling ni David, ang maningning na tala sa umaga.” (Apoc. 5:5; 22:16) Sa paghahari niya sa kapangyarihan ng Kaharian, ipakikita ng “anak ni David” ang katatagan at katapangan ng kaniyang dakilang ninuno sa pakikibaka sa mga kaaway ng Diyos hanggang sa pagkalugmok nila at sa pagpapakabanal ng pangalan ni Jehova sa buong lupa. Napakatibay ang ating tiwala sa Binhing ito ng Kaharian!

[Talababa]

a The Romance of the Last Crusade, 1923, Major Vivian Gilbert, pahina 183-6.

[Mga Tanong sa Aralin]