Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Kinasihang Kasulatan ay May Walang-Hanggang Pakinabang

Ang Kinasihang Kasulatan ay May Walang-Hanggang Pakinabang

Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito

Ang Kinasihang Kasulatan ay May Walang-Hanggang Pakinabang

1. Anong maluwalhating pangitain ang naimulat sa ating mga mata ng pagrerepaso ng “lahat ng Kasulatan”?

 ANG pagrerepaso ng “lahat ng Kasulatan [na] kinasihan ng Diyos” ay nagmulat sa ating mga mata sa maluwalhating pangitain ng soberanya ni Jehova at sa layunin ng kaniyang Kaharian. Nalaman natin na ang Bibliya ay iisang Aklat, na may isang makapangyarihang tema​—ang pagbabangong-puri ng soberanya ni Jehova at ang lubusang katuparan ng layunin niya sa lupa sa pamamagitan ng Kaharian sa ilalim ni Kristo, ang Ipinangakong Binhi. Mula sa unang mga pahina, ang iisang temang ito ay binubuo at ipinaliliwanag ng mga kasunod na kasulatan, hanggang, sa huling mga kabanata, ay nagliliwanag ang maluwalhating katuparan ng dakilang layunin ng Diyos. Kamangha- manghang aklat ang Bibliya! Pasimula sa kagila-gilalas na paglalang sa materyal na langit at lupa sampu ng mga nilikhang narito, ito ay naghaharap ng iisang kinasihan at tunay na ulat ng pakikitungo ng Diyos sa tao hanggang sa ating panahon at inihahatid tayo sa ganap na katuparan ng maluwalhating paglalang ni Jehova ng “isang bagong langit at isang bagong lupa.” (Apoc. 21:1) Kapag natupad ang dakila niyang layunin, makikilala ang Diyos na Jehova bilang mabait na Ama ng maligaya at nagkakaisang sambahayan ng tao, kaisa ng makalangit na mga hukbo sa pagpuri at pagbanal sa kaniyang pangalan.

2, 3. Papaano nabuo sa Kasulatan ang tema tungkol sa Binhi?

2 Kamangha-mangha ang pagbuo ng Kasulatan sa temang nagsasangkot sa Binhi! Sa unang kinasihang hula, nangako ang Diyos na ang ‘binhi ng babae’ ang dudurog sa ulo ng ahas. (Gen. 3:15) Mahigit na 2,000 taon ang lumipas, sinabi ng Diyos sa tapat na si Abraham: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay tiyak na pagpapalain ng lahat ng mga bansa sa lupa ang kanilang sarili.” Pagkaraan pa ng 800 taon, nagbitiw si Jehova ng gayon ding pangako sa isang inapo ni Abraham, ang tapat na si Haring David, upang ipakita na ang Binhi ay maka-hari. Sa paglipas ng panahon, masiglang nakiisa ang mga propeta ni Jehova sa paghula sa mga pagpapala ng Kaharian. (Gen. 22:18; 2 Sam. 7:12, 16; Isa. 9:6, 7; Dan. 2:44; 7:13, 14) Lumitaw ang Binhi, mahigit 4,000 taon pagkaraan ng pangako sa Eden. Siya, ang ‘binhi ni Abraham, si Jesu-Kristo, “Anak ng Kataas-taasan,” at sa kaniya ipagkakaloob ni Jehova “ang luklukan ni David na kaniyang ama.”​— Gal. 3:16; Luc. 1:31-33.

3 Bagaman namatay ang Binhi, ang pinahirang Hari, mula sa pagsugat ng makalupang binhi ng Ahas, ibinangon siya ng Diyos at dinakila sa Kaniyang kanang kamay, upang hintayin ang nakatakdang ‘pagdurog sa ulo ni Satanas.’ (Gen. 3:15; Heb. 10:13; Roma 16:20) Sa Apocalipsis ay inihahatid ang buong pangitain sa maluwalhating kasukdulan nito. Papasok si Kristo sa Kaharian at mula sa langit ay ihahagis sa lupa “ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” Sandali itong magdudulot ng kaabahan sa lupa at makikipagdigma sa ‘mga nalabi ng binhi ng babae ng Diyos.’ Ngunit bilang “Hari ng mga hari” ay hahampasin ni Kristo ang mga bansa. Ibubulid sa kalaliman si Satanas, ang matandang Ahas, upang lipulin magpakailanman. Samantala, sa pamamagitan ng Bagong Jerusalem, ang kasintahan ng Kordero, pararatingin ang mga pakinabang ng hain ni Kristo upang pagpalain ang lahat ng sambahayan sa lupa. Gayon buong karingalang mahahayag ang maluwalhating tema ng kinasihang Kasulatan!​—Apoc. 11:15; 12:1-12, 17; 19:11-16; 20:1-3, 7-10; 21:1-5, 9; 22:3-5.

PAKIKINABANG SA KINASIHANG ULAT

4. Papaano makakamit ang pinakamalaking pakinabang mula sa Banal na Kasulatan, at bakit?

4 Papaano lubos na pakikinabangan ang Banal na Kasulatan? Sa pagkakapit ng Bibliya sa ating buhay. Sa araw-araw na pag-aaral at pagkakapit ng kinasihang Kasulatan, mapapasa-atin ang patnubay ng Diyos. “Ang salita ng Diyos ay buháy at makapangyarihan,” at ito’y kamangha-manghang puwersa sa ikatutuwid ng ating buhay. (Heb. 4:12) Sa patuloy na pag-aaral at pagsunod sa Salita ng Diyos, maaari tayong “magbihis ng bagong pagkatao na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos sa tunay na katuwiran at katapatan.” Babaguhin tayo ng puwersang nagpapakilos sa isipan, upang mapatunayan natin “ang mabuti at kalugud-lugod at sakdal na kalooban ng Diyos.”​—Efe. 4:23, 24; Roma 12:2.

5. Ano ang matututuhan mula sa saloobin at halimbawa ni Moises?

5 Malaki ang matututuhan sa pag-alam kung papaano nakinabang ang ibang tapat na lingkod ng Diyos sa pag-aaral at pagbubulay ng Kaniyang Salita. Halimbawa, nariyan si Moises, ‘pinakamaamo sa lahat ng tao,’ na laging handang maturuan at matuto. (Bil. 12:3) Tularan ang kaniyang may-panalanging pagpapahalaga sa soberanya ni Jehova. Si Moises ang nagsabi: “O Jehova, ikaw ay naging tahanang-dako namin sa lahat ng mga sali’t-saling lahi. Bago nalabas ang mga bundok, o bago mo iniluwal sa kirot ng panganganak ang lupa at ang mabungang lupain, mula sa panahong walang-takda hanggang sa panahong walang-takda ikaw ang Diyos.” Lubos ang kabatiran niya sa karunungan ng Diyos, pagkat ginamit siya ni Jehova sa pagsulat ng unang mga aklat ng Bibliya. Naunawaan niya ang halaga ng araw-araw na paghingi ng karunungan kay Jehova. Kaya, nanalangin siya sa Diyos: “Turuan mo kami kung papaano bibilangin ang aming mga araw upang kami’y magkaroon ng pusong may karunungan.” Yamang kakaunti “ang mga kaarawan ng ating mga taon,” 70 lamang, o 80 kung may “pantanging kalakasan,” matalino tayo kung araw-araw nating pagsasaluhan ang kaniyang Salita, pagkat sa ganito’y “mapapasa-atin” ang “kaluguran ni Jehovang ating Diyos,” gaya ng sa tapat niyang lingkod na si Moises.​—Awit 90:1, 2, 10, 12, 17.

6. Tulad ni Josue, papaano magtatagumpay ang ating lakad?

6 Napakahalaga ang araw-araw na pagbubulay sa Salita ng Diyos! Niliwanag ito ni Jehova sa kahalili ni Moises, si Josue, nang sabihin niya: “Magpakalakas ka at magpakatapang upang iyong magawa ang ayon sa lahat ng kautusan na iniutos sa iyo ng lingkod kong si Moises. Huwag kang lilihis sa kanan o sa kaliwa, upang makakilos ka nang may kapantasan saan ka man pumaroon. Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, kundi iyong pagbubulayan araw at gabi, upang iyong magawa ang ayon sa lahat ng nasusulat dito; kung magkagayo’y pagtatagumpayin mo ang iyong lakad at kikilos ka nang may katalinuhan.” Ang patuloy bang pagbabasa ni Josue sa Kautusan ni Jehova ay ‘nagdulot ng tagumpay sa kaniyang lakad’? Ang pagpapala ni Jehova sa kaniyang magiting na kampanya sa Canaan ang sumasagot.​—Jos. 1:7, 8; 12:7-24.

7. Papaano ipinahayag ni David ang pagpapahalaga sa karunungan ng Diyos, at papaano rin ipinapahayag ng Awit 119 ang pagpapahalagang ito?

7 Tandaan din ang minamahal na si David, na labis na nagpahalaga sa karunungan ni Jehova. Taos-puso siyang nagpahalaga sa “kautusan,” “paalaala,” “tuntunin,” “utos,” at “kahatulan” ni Jehova! Gaya ng sinabi ni David: “Higit itong nanasain kaysa ginto, oo, higit pa sa dinalisay na ginto; at matamis pa sa pulot na tumutulo mula sa pukyutan.” (Awit 19:7-10) Makabagbag-damdamin ang kagandahan ng pagpapalawak at pag-ulit ng maringal na temang ito sa buong Awit 119. Habang araw-araw na pinag-aaralan ang Salita ng Diyos at nanghahawakan sa matalinong payo nito, nawa’y lagi nating masabi kay Jehova: “Ang salita mo’y ilawan sa aking paa, at liwanag sa aking landas. Kamangha-mangha ang iyong mga paalaala. Kaya’t ang mga ito’y iniingatan ng aking kaluluwa.”​—Awit 119:105, 129.

8. Anong mga kawikaan ni Solomon ang dapat nating ariin para sa sarili?

8 Noong siya’y tapat pa, namuhay rin si Solomon na anak ni David ayon sa Salita ng Diyos, at sa mga kawikaan niya ay mababasa ang nagpapakilos na mga kapahayagan ng pagpapahalaga na karapat-dapat tularan. Sa araw-araw na pagbabasa at pagkakapit ng Bibliya, masasakyan natin ang malalim na kahulugan ng mga salita ni Solomon: “Maligaya ang nakakasumpong ng karunungan, at ang nagtatamo ng kaunawaan. Karamihan ng mga araw ay nasa kanang kamay niya; sa kaliwang kamay ay mga kayamanan at karangalan. Ang mga daan nito ay daan ng kaligayahan, at lahat ng mga landas nito ay kapayapaan. Ito’y punongkahoy ng buhay sa mga nanghahawakan dito, at ang mga nananatili rito ay tatawaging maligaya.” (Kaw. 3:13, 16-18) Ang araw-araw na pag-aaral at pagtalima sa Salita ng Diyos ay umaakay sa pinakamalaking kaligayahan ngayon, at tumitiyak ng “karamihan ng mga araw”​—walang-hanggang buhay sa bagong sanlibutan ni Jehova.

9. Anong pampatibay-loob ang makukuha sa halimbawa ni Jeremias?

9 Sa mga nagpahalaga at sumunod sa kinasihang Kasulatan ay hindi dapat kaligtaan ang tapat na mga propeta. Si Jeremias ay tumanggap ng napakahirap na atas. (Jer. 6:28) Aniya: “Para sa akin, ang salita ni Jehova ay naging sanhi ng pagkutya at pagdusta sa buong maghapon.” Subalit napalakas siya ng pag-aaral ng Salita ng Diyos, at ginamit siya sa pagsulat ng apat na aklat ng kinasihang Kasulatan​—ang Una at Ikalawang Hari, Jeremias at Mga Panaghoy. Kaya ano ang nangyari nang wari’y madadaig na si Jeremias ng panlulumo at naisip niyang huminto na sa pangangaral ng “salita ni Jehova”? Hayaan natin siyang sumagot: “Nadama kong ito’y gaya ng nagliliyab na apoy sa aking mga buto; ako’y napagod sa kapipigil, at hindi ko ito napigil.” Napilitan siyang bigkasin ang mga salita ni Jehova at sa paggawa nito, natuklasan niyang si Jehova ay “makapangyarihan at kakila-kilabot.” Kung tayo’y mag-aaral at patuloy na mag-aaral ng Salita ng Diyos, anupat ito’y nagiging bahagi natin gaya kay Jeremias, mapapasa-atin din ang di-malulupig na kapangyarihan ni Jehova, at mapagtatagumpayan natin ang bawat sagwil sa paghahayag ng Kaniyang maluwalhating layunin ng Kaharian.​—Jer. 20:8, 9, 11.

10. Ano ang papel ng mga Kasulatan sa buhay ni Jesus, at ano ang idinalangin niya sa kapakanan ng mga alagad?

10 Kumusta ang pinakadakilang halimbawa, “ang Punong Ahente at Tagapagpasakdal ng ating pananampalataya, si Jesus”? Pamilyar ba siya sa kinasihang Kasulatan gaya ng mga propeta at iba pang tapat na lingkod na nauna sa kaniya? Talaga naman, gaya ng makikita sa marami niyang pagsipi at pamumuhay na kasuwato nito. Nasa isip niya ang Salita ng Diyos nang humarap siya upang gawin dito sa lupa ang kalooban ng Ama: “Naparito ako, sa balumbon ng aklat na isinulat tungkol sa akin. Kinalulugdan kong sundin ang iyong kalooban, O Diyos ko, at ang iyong kautusan ay nasa aking puso.” (Heb. 12:2; Awit 40:7, 8; Heb. 10:5-7) Kaya mahalaga ang papel ng Salita ng Diyos sa pagbanal, o pagbubukod kay Jesus para sa paglilingkod. Nanalangin si Jesus na pakabanalin din ang mga alagad: “Pakabanalin mo sila sa katotohanan; ang salita mo’y katotohanan. Kung papaanong ako’y isinugo mo sa sanlibutan, isinugo ko rin sila sa sanlibutan. At dahil sa kanila’y pinaging-banal ko ang sarili, upang sila rin ay mapaging-banal sa pamamagitan ng katotohanan.”​—Juan 17:17-19.

11. (a) Ano ang idiniin ni Pedro sa mga pinahirang Kristiyano tungkol sa Salita ng Diyos? (b) Bakit mahalaga rin sa malaking pulutong ang pag-aaral ng Bibliya?

11 Sa pagiging-banal “sa pamamagitan ng katotohanan,” ang inianak at pinahiran sa espiritung mga tagasunod-yapak ni Jesus ay dapat ‘manatili sa kaniyang salita’ bilang tunay na mga alagad. (Juan 8:31) Kaya sa “mga nagkamit ng pananampalataya,” ay idiniin ni Pedro ang halaga ng pag-aaral at pagbibigay-pansin sa Salita ng Diyos: “Handa akong lagi na ipaalaala sa inyo ang mga bagay na ito, bagaman nalalaman na ninyo at bahagi na ng katotohanang nasa inyo.” (2 Ped. 1:1, 12) Ang paalaala na makukuha sa araw-araw na pagbasa at pag-aaral ng Salita ng Diyos ay mahalaga rin sa lahat ng umaasang mapalakip sa “malaking pulutong” na nakita ni Juan sa pangitain matapos ilarawan ang 144,000 tinatakan mula sa mga angkan ng espirituwal na Israel. Kung hindi sila patuloy na iinom ng tubig ng katotohanan ng buhay, papaano sila “patuloy na sisigaw sa malakas na tinig, at magsasabi: ‘Kaligtasan ay utang namin sa aming Diyos, na nakaupo sa luklukan, at sa Kordero’ ”?​—Apoc. 7:9, 10; 22:17.

12. Bakit mahalaga ang patuloy na pagbubulay sa Salita ng Diyos?

12 Hindi tayo makakaiwas! Ang pagkakamit ng pinakamalaking pakinabang sa kinasihang Kasulatan, ang kaligtasan sa buhay na walang-hanggan, ay nasa araw-araw na pag-aaral ng mga Kasulatan at pamumuhay na kasuwato nito. Kailangan ang patuloy na pagbubulay sa Salita ng Diyos, taglay ang madasaling saloobin ng pagpapahalaga na ipinahayag ng salmista: “Aalalahanin ko ang mga gawa ni Jah; gugunitain ko ang iyong mga kababalaghan noong una. At tiyak na pagbubulayan ko ang lahat ng iyong mga gawa.” (Awit 77:11, 12) Ang pagmumuni-muni sa ‘kababalaghan at gawain’ ni Jehova ay mag-uudyok sa atin na maging abala sa mabubuting gawa, na umaasa sa walang-hanggang buhay. Ang layunin ng aklat na ito, “Lahat ng Kasulatan Ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang,” ay ipaabot sa mga umiibig sa katuwiran ang walang-hanggan at kalugud-lugod na mga pakinabang ng patuluyang pag-aaral at pagkakapit ng Salita ng Diyos.

SA “MAPANGANIB NA MGA PANAHON”

13. Anong “mapanganib na mga panahon” ang kinabubuhayan natin?

13 Ang makabagong panahong ito ay ang pinaka-mapanganib na yugto sa kasaysayan. Nagpuputok ito sa kagila-gilalas na mga posibilidad. Oo, nanganganib ang mismong kaligtasan ng lahi ng tao. Kaya angkop-na-angkop ang mga salita ni apostol Pablo: “Alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mapanganib na mga panahon. Sapagkat ang mga tao ay magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, mayayabang, mapagmalaki, mapagtungayaw, masuwayin sa magulang, walang-turing, taksil, walang katutubong pag-ibig, mahirap makasundo, mapanirang-puri, walang pagpipigil, malulupit, hindi maibigin sa mabuti, mapagkanulo, matitigas ang ulo, palalo, maibigin sa kalayawan at hindi maibigin sa Diyos, may anyo ng maka-diyos na debosyon ngunit hindi napakikilos ng kapangyarihan nito; iwasan mo ang ganitong mga tao.”​—2 Tim. 3:1-5.

14. Dahil sa kaselangan ng panahon, anong payo ni Pablo ang dapat sundin?

14 Bakit iiwasan ang mga ito? Sapagkat ang kasamaan nila ay malapit nang magwakas sa kapahamakan! Sa halip, kasama ng mga tapat-puso, dapat tayong bumaling sa nagpapatibay na turo ng kinasihang Kasulatan, gawin itong pinakasaligan ng araw-araw na pamumuhay. Sundin ang payo ni Pablo kay Timoteo: “Ngunit ikaw ay magpatuloy sa mga bagay na iyong natutuhan at sinampalatayanan.” (2 Tim. 3:14) Oo, “magpatuloy,” sabi ni Pablo. Sa paggawa nito, buong-kaamuan nating hahayaan ang Kasulatan na magturo, sumaway, magtuwid, at dumisiplina sa atin sa katuwiran. Batid ni Jehova ang kailangan natin, pagkat ang mga kaisipan niya’y mas matayog kaysa atin. Sa pamamagitan ng kaniyang kinasihang Kasulatan, sinasabi niya kung ano ang pakikinabangan upang tayo’y lubos na masangkapan at may kakayahan sa mabuting gawa ng pagpapatotoo sa kaniyang pangalan at Kaharian. Ibinibigay ni Pablo ang namumukod-tanging payong ito nang inilalarawan ang “mapanganib na mga panahon” na sasapit “sa mga huling araw”: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap, nasasangkapang lubos sa bawat mabuting gawa.” Nawa lahat tayo ay makaligtas sa mapanganib na mga panahon sa pamamagitan ng pagsunod sa kinasihang payong ito!​—2 Tim. 3:16, 17; Isa. 55:8-11.

15. (a) Ano ang ibinunga ng pagsuway? (b) Anong maluwalhating pagkakataon ang nabuksan ng pagiging-masunurin ni Kristo?

15 Gawing tunguhin ang pagiging-masunurin sa kinasihang Kasulatan. Nahulog ang tao sa kasalanan at kamatayan dahil sa pagsuway sa salita at utos ni Jehova, “at ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng tao sapagkat lahat ay nagkasala.” Kaya naiwala niya ang pagkakataong “pumitas mula sa punongkahoy ng buhay at kumain at mabuhay magpakailanman” sa Paraiso ng Eden. (Roma 5:12; Gen. 2:17; 3:6, 22-24) Ngunit sa pagiging-masunurin ni Kristo at salig sa hain ng “Kordero ng Diyos” ay paaagusin ni Jehova ang “isang ilog ng tubig ng buhay, sinlinaw ng kristal,” sa kapakinabangan ng lahat ng tao na masunuring mag-aalay ng sarili sa Kaniya. Gaya ng nakita ni apostol Juan sa pangitain: “At sa magkabilang pampang ng ilog ay ang mga punongkahoy ng buhay na labindalawang ulit namumunga, na namumunga bawat buwan. At ang mga dahon ng mga punongkahoy ay ukol sa pagpapagaling sa mga bansa.”​—Juan 1:29; Apoc. 22:1, 2; Roma 5:18, 19.

16. Ano ang walang-hanggang pakinabang ng kinasihang Kasulatan?

16 Muling nabuksan ang pintuan sa walang-hanggang buhay. Kaya maligaya ang tumatalima sa kinasihang kasulatan: ““Piliin mo ang buhay upang ikaw ay mabuhay, ikaw at ang iyong supling, sa pamamagitan ng pag-ibig kay Jehova na iyong Diyos, sa pakikinig sa kaniyang tinig at paglakip sa kaniya; sapagkat siya ang iyong buhay at ang kalaunan ng iyong mga araw.” (Deut. 30:19, 20) Purihin si Jehova, ang Diyos at Ama ng Panginoong Jesu-Kristo, na naglaan ng buhay salig sa hain ng kaniyang Anak at sa pamamagitan ng walang-hanggang Kaharian. Kay laki ng ating kagalakan at pasalamat sa pagkakataong basahin at muling basahin, pag-aralan at muling pag-aralan, at bulaybulayin ang napakahalagang mga katotohanang ito, sapagkat tunay ngang “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang,” na umaakay sa walang-hanggang buhay sa langit o sa paraisong lupa. (Juan 17:3; Efe. 1:9-11) Ang lahat ng bagay ay magiging ‘kabanalan kay Jehova.’​—Zac. 14:20; Apoc. 4:8.

[Mga Tanong sa Aralin]