Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aralin Bilang 2—Ang Panahon at ang Banal na Kasulatan

Aralin Bilang 2—Ang Panahon at ang Banal na Kasulatan

Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito

Aralin Bilang 2​—Ang Panahon at ang Banal na Kasulatan

Paglalarawan sa mga paghahati ng panahon sa Bibliya, mga kalendaryo na karaniwang ginagamit, mga saligang petsa para sa Bibliya, at kawili-wiling mga punto kaugnay ng “agos ng panahon.”

1, 2. Ano ang isinulat ni Solomon tungkol sa panahon, at dahil sa bilis ng takbo nito, ano ang dapat gawin?

 ANG tao ay lubhang palaisip sa paglipas ng panahon. Sa bawat tik-tak ng relo, sumusulong siya ng isang hakbang sa agos ng panahon. Matalino siya kung wasto niyang gagamitin ito. Sinabi ni Haring Solomon: “Sa bawat bagay ay may takdang panahon, at panahon sa bawat gawain sa silong ng langit: panahon ng kapanganakan at panahon ng kamatayan; panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot sa itinanim; panahon ng pagpatay at panahon ng pagpapagaling; panahon ng pagsira at panahon ng pagtatayo; panahon ng pagtangis at panahon ng pagtawa.” (Ecle. 3:1-4) Napakabilis ng panahon! Napakaikli ang 70 taon ng normal na lawig ng buhay upang sumagana sa kaalaman at tamasahin ang lahat ng mabubuting bagay na inilaan ni Jehova sa tao. “Lahat ay ginawa niyang maganda sa sarili nitong panahon. Maging ang kawalang-hanggan ay inilagay niya sa kanilang puso, upang huwag matuklasan ng tao ang lahat ng gawa ng tunay na Diyos buhat sa pasimula hanggang wakas.”​—Ecle. 3:11; Awit 90:10.

2 Si Jehova ay nabubuhay sa panahong walang-hanggan. Minabuti niyang itakda ang kaniyang mga nilalang sa agos ng panahon. Ang mga anghel sa langit, sampu ng mapaghimagsik na si Satanas, ay lubos na nakababatid sa paglipas ng panahon. (Dan. 10:13; Apoc. 12:12) Ganito ang nasusulat tungkol sa tao: “Ang panahon at di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa lahat.” (Ecle. 9:11) Maligaya siya na sa bawat sandali ay palaisip tungkol sa Diyos at nagpapahalaga sa paglalaan niya ng “pagkain sa kapanahunan”!​—Mat. 24:45.

3. Sa ano magkatulad ang panahon at kalawakan?

3 Ang Panahon ay Iisang-Direksiyon. Bagaman ang panahon ay pansansinukob, walang makapagsabi kung ano ito. Ito’y di-masukat na gaya ng kalawakan. Walang makapagsasabi kung saan nagsimula at kung saan patungo ang agos ng panahon. Bahagi ito ng walang-hanggang kaalaman ni Jehova, na inilalarawan bilang Diyos “mula sa panahong walang-takda hanggang sa panahong walang-takda.”​—Awit 90:2.

4. Ano ang masasabi tungkol sa agos ng panahon?

4 Gayunman, mauunawaan ang ilang tiyak na katangian ng panahon. Masusukat ang bilis ng agos nito. Isa pa, iisa ang direksiyon nito. Gaya ng trapiko sa kalyeng iisang-patunguhan, walang-tigil ang agos nito sa iisang direksiyon​—pasulong, laging pasulong. Gaano man kabilis ang takbo nito, hindi na ito mapapaurong. Nabubuhay tayo sa pansamantalang kasalukuyan. Ngunit ang kasalukuyan ay walang tigil, patuloy na umaagos sa nakalipas. Walang makapipigil nito.

5. Bakit masasabi na ang nakaraan ay napagwagihan o naging kalugihan?

5 Ang nakaraan. Ang nakaraan ay wala na, kasaysayan na lamang at hindi na mauulit. Anomang pagsisikap na pabalikin ito ay katulad ng pagpapaakyat ng tubig sa talon o pagpapabalik ng palaso sa busog na nagpahilagpos nito. Ang ating mga pagkakamali ay nag-iwan na ng bakas sa agos ng panahon, isang bakas na si Jehova lamang ang makabubura. (Isa. 43:25) Kahawig nito, ang mabubuting nagawa ng tao sa nakalipas ay isang ulat na “babalik sa kaniya” bilang pagpapala mula kay Jehova. (Kaw. 12:14; 13:22) Ang nakaraan ay napagwagihan o naging kalugihan. Hindi na ito masusupil. Nasusulat tungkol sa balakyot: “Sila’y agad matutuyo na gaya ng damo, at malalantang gaya ng sariwang damo.”​—Awit 37:2.

6. Papaano naiiba ang hinaharap sa nakaraan, at bakit tayo dapat maging lalong interesado rito?

6 Ang Hinaharap. Naiiba ang hinaharap. Lagi itong patungo sa atin. Sa tulong ng Salita ng Diyos, makikilala natin ang mga hadlang sa unahan at mapaghahandaan ito. Makapag-iimbak tayo ng “mga kayamanan sa langit.” (Mat. 6:20) Ang mga ito’y hindi tatangayin ng agos ng panahon. Mananatili ito at tatagal bilang pagpapala ng walang-hanggang hinaharap. Interesado tayo sa matalinong paggamit ng panahon, pagkat apektado ang ating kinabukasan.​—Efe. 5:15, 16.

7. Anong mga tagapagpahiwatig ng panahon ang inilaan ni Jehova para sa tao?

7 Mga Tagapagpahiwatig ng Panahon. Ang ating makabagong mga relo at orasan ay mga tagapagpahiwatig ng panahon. Kahawig nito, si Jehovang Maylikha ay nagpakilos ng dambuhalang mga orasan​—ang lupa na umiinog sa ehe nito, ang buwan na lumiligid sa lupa, at ang araw​—upang ang tao sa lupa ay wastong mapahiwatigan tungkol sa panahon. “Sinabi ng Diyos: ‘Magkaroon ng mga tanglaw sa langit upang maghiwalay ng araw at gabi; ito’y magsisilbing tanda ng mga panahon at mga araw at mga taon.’ ” (Gen. 1:14) Yamang may mga layuning nagkakaugnay sa isa’t-isa, ang makalangit na mga lalang ay naglalakbay sa kani-kanilang sakdal na palaikutan, walang-tigil at walang-palyang sumusukat sa iisang-direksiyong agos ng panahon.

8. Sa anong iba’t-ibang diwa ginagamit sa Bibliya ang salitang “araw (day)”?

8 Araw (Day). Sa Bibliya ang salitang “araw” ay may iba’t-ibang kahulugan, gaya rin ng sari-saring paggamit nito sa ngayon. Bawat kumpletong pag-ikot ng lupa sa ehe nito ay sumusukat ng isang araw na may 24 oras. Sa diwang ito, ang araw ay binubuo ng araw at gabi, 24 na oras lahat-lahat. (Juan 20:19) Gayunman, ang yugto ng liwanag, na may katamtamang sukat na 12 oras, ay tinatawag ding araw. “Tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, ngunit ang kadiliman ay tinawag niyang Gabi.” (Gen. 1:5) Dito nagsimula ang panahong tinatawag na “gabi,” na may katamtamang 12 oras ng kadiliman. (Exo. 10:13) Ang isa pang diwa ay kapag ang salitang “(mga) araw (kaarawan)” ay tumutukoy sa yugto ng panahon na kasabay ng isang tanyag na tao. Halimbawa, tumanggap si Isaias ng pangitain “noong kaarawan nina Uzzias, Jotham, Achaz at Ezekias” (Isa. 1:1), at ang mga kaarawan nina Noe at Lot ay makahula. (Luc. 17:26-30) Isa pang halimbawa ng naibabagay o makasagisag na gamit ng “araw” ay ang sinabi ni Pedro na “isang araw kay Jehova ay gaya ng isang libong taon.” (2 Ped. 3:8) Sa Genesis, ang araw ng paglalang ay isa pang mas mahabang yugto​—libu-libong taon. (Gen. 2:2, 3; Exo. 20:11) Mauunawaan sa konteksto ng Bibliya kung sa anong diwa kumakapit ang “araw.”

9. (a) Papaano nagsimula ang paghahati ng araw sa 24 oras na tig-60 minuto? (b) Anong mga tagapagpahiwatig ng panahon ang binabanggit sa Kasulatang Hebreo?

9 Oras. Ang paghahati ng araw sa 24 oras ay galing sa Ehipto. Ang makabagong paghahati ng oras sa 60 minuto ay mula sa matematika ng Babilonya, na isang sistemang sexagesimal (salig sa bilang na 60). Sa Kasulatang Hebreo ay walang binabanggit na paghahati sa mga oras. a Sa halip, ginagamit nito ang mga salitang “umaga,” “tanghali,” “katanghaliang tapat,” at “gabi” upang ipahiwatig ang panahon. (Gen. 24:11; 43:16; Deut. 28:29; 1 Hari 18:26) Ang gabi ay hinati sa tatlong yugto na tinatawag na “pagbabantay sa gabi” (Awit 63:6), at dalawa ang tinutukoy sa Bibliya: “pagbabantay sa hating-gabi” (Huk. 7:19) at “pagbabantay sa kinaumagahan.”​—Exo. 14:24; 1 Sam. 11:11.

10. Papaano sinukat ng mga Judio ang mga oras noong mga kaarawan ni Jesus, at papaano tumutulong ito upang matiyak ang panahon ng kamatayan ni Jesus?

10 Gayunman, ang “oras” ay malimit gamitin sa Kristiyanong Kasulatang Griyego. (Juan 12:23; Mat. 20:2-6) Ang mga oras ay binilang simula sa pagsikat ng araw, o mga alas 6 n.u. Binabanggit ng Bibliya ang “ikatlong oras,” na katumbas ng alas 9 n.u. Nagdilim ang Jerusalem nang si Jesus ay ipako sa “ikaanim na oras.” Katumbas ito ng ating alas 12 ng tanghali. Ang pagkalagot ng hininga ni Jesus sa pahirapang tulos ay naganap “sa ikasiyam na oras,” o mga alas 3 n.h.​—Mar. 15:25; Luc. 23:44; Mat. 27:45, 46. b

11. Gaano nang katagal ginagamit ang “sanlinggo” bilang sukatan ng panahon?

11 Sanlinggo. Maaga pa sa kasaysayan nang simulan ng tao ang pagbilang ng mga araw sa mga siklo ng pito. Tinularan niya ang Maylikha, na tumapos sa anim na araw ng paglalang sa pamamagitan ng ikapitong yugto na tinatawag ding araw. Bumilang si Noe ng araw sa mga siklo ng pito. Sa Hebreo, ang “sanlinggo” ay tumutukoy sa isang literal na pituhang sukat o yugto.​—Gen. 2:2, 3; 8:10, 12; 29:27.

12. Ano ang buwang lunar, at papaano ito naiiba sa ating makabagong mga buwan?

12 Mga Buwang Lunar (Lunar Months). Bumabanggit ang Bibliya ng mga “buwang lunar.” (Exo. 2:2; Deut. 21:13; 33:14; Ezra 6:15) Ang ating makabagong mga buwan ay hindi lunar, hindi batay sa buwan (moon). Ang mga ito’y 12 di-makatuwirang paghahati ng taóng solar. Ang buwang lunar ay batay sa bagong buwan (new moon). Ang buwan (moon) ay may apat na yugto na bumubuo ng isang lunasyon na sa katamtaman ay 29 na araw, 12 oras, at 44 na minuto. Sa hugis lamang ng buwan ay matatantiya na ang petsa sa buwang lunar.

13. Papaano wastong naiulat ang panahon ng Baha?

13 Sa halip na gumamit lamang ng mga buwang lunar, waring iniulat ni Noe ang mga pangyayari sa pamamagitan ng mga buwan na tig-30 araw. Sa talaan na iningatan niya sa daong, mauunawaan natin na ang mga tubig ng Baha ay tumakip sa lupa sa loob ng limang buwan, o “isang daan at limampung araw.” Natuyo ang lupa pagkaraan ng 12 buwan at 10 araw at nakalabas ang mga sakay ng daong. Kaya ang mahalagang mga kaganapang yaon ay wastong naiulat ayon sa panahon.​—Gen. 7:11, 24; 8:3, 4, 14-19.

14. (a) Papaano inilaan ni Jehova ang mga panahon (season)? (b) Hanggang kailan magpapatuloy ang paghahalili ng mga panahon?

14 Mga Panahon (Seasons). Nang inihahanda ang lupa upang tahanan, si Jehova ay maytalino at maibiging naglaan ng mga panahon. (Gen. 1:14) Posible ito dahil sa pagkiling, o pagtagilid ng lupa, sa anggulong 23.5 ° habang naglalakbay sa palibot ng araw. Unang nakakiling sa araw ang Katimugang Hemispera at anim na buwan pagkaraan nito ay ang Hilagaang Hemispera, upang magkasunud-sunod ang mga panahon. Ang mga pagbabago sa panahon ay lumilikha ng pagkasari-sari at ng mga kabaligtaran at nagtatakda ng pagtatanim at pag-aani. Tinitiyak ng Salita ng Diyos na ang kaayusang ito ng pagbabago at pagkasari-sari ng mga panahon sa buong taon ay magpapatuloy magpakailanman. “Samantalang namamalagi ang lupa, ay hindi maglilikat ang paghahasik at pag-aani, ang lamig at ang init, ang tag-araw at tagginaw, ang araw at gabi.”​—Gen. 8:22.

15, 16. (a) Papaano hahatiin ang panahon ng tag-ulan sa Lupang Pangako? (b) Ilarawan ang mga panahon ng tag-ulan at ang kaugnayan nito sa pagsasaka.

15 Sa Lupang Pangako, ang taon ay karaniwan nang nahahati sa tag-ulan at tag-araw. Madalang ang ulan mula kalagitnaan ng Abril hanggang kalagitnaan ng Oktubre. Ang tag-ulan ay maaaring hatiin sa maaga, o ulan sa “taglagas” (Oktubre-Nobyembre); ang malalakas na ulan ng taglamig at mas maginaw na klima (Disyembre-Pebrero); at ang huli, o ulan sa “tagsibol,” (Marso-Abril). (Deut. 11:14; Joel 2:23) Ang mga paghahating ito ay humigit-kumulang, yamang nagkakasanib ang mga panahon dahil sa mga pagbabago sa klima sa iba’t-ibang bahagi ng lupain. Ang maagang ulan ay nagpapalambot sa tuyong lupa, kaya ang Oktubre-Nobyembre ay panahon ng “pag-aararo” at “paghahasik ng binhi.” (Exo. 34:21; Lev. 26:5) Sa panahon ng malalakas na ulan mula Disyembre hanggang Pebrero, hindi kataka-takang pumatak ang niyebe, at kung Enero at Pebrero maaaring bumaba ang temperatura at mag-yelo sa mga dakong matataas. Sa Bibliya ay binabanggit si Benaia, isa sa magigiting na kawal ni David, na pumatay ng leon “sa kapanahunan ng niyebe.”​—2 Sam. 23:20.

16 Ang Marso at Abril (humigit-kumulang ay Nisan at Iyyar sa mga Hebreo) ay mga buwan ng “ulan sa tagsibol.” (Zac. 10:1) Ito ang huling ulan na nagpapalaki sa binhing itinanim sa taglagas, at nagpapasagana sa ani. (Ose. 6:3; Sant. 5:7) Panahon din ito para sa maagang pag-aani, at inutusan ng Diyos ang Israel na ihandog ang mga unang bunga ng pag-aani kapag Nisan 16. (Lev. 23:10; Ruth 1:22) Ito’y maganda at kalugud-lugod na panahon. “Ang mga bulaklak ay namukadkad sa lupain, panahon ng pagtabas sa mga punong ubas, at ang awit ng batu-bato ay naririnig sa ating lupain. Hinog na ang unang mga bunga ng igos; hitik sa bulaklak ang mga punong ubas, at humahalimuyak ang kanilang bango.”​—Awit ni Sol. 2:12, 13.

17. (a) Papaano natutustusan ang mga pananim kapag tag-araw? (b) Sa tulong ng chart na “Ang Taon ng mga Israelita” hati-hatiin ang mga taon ayon sa mga panahon na tinatalakay sa parapo 15-17. (c) Kailan ang pag-aani ng butil at ang pag-aani ng lahat ng prutas, at anong mga kapistahan ang kasabay ng mga ito?

17 Nagsisimula ang tag-araw sa kalagitnaan ng Abril, at halos sa buong panahong ito, lalo na sa mga baybayin at kanlurang dalisdis ng mga bundok, ang mga pananim ng tag-araw ay saganang dinidilig ng hamog. (Deut. 33:28) Kapag Mayo, inaani ang butil at kung katapusan ng buwan ay ipinagdiriwang ang Kapistahan ng mga Sanlinggo (Pentekostes). (Lev. 23:15-21) At kapag uminit na ang panahon at natuyo ang lupa, nagsisimula nang anihin ang hinog na ubas, kasunod ng iba pang prutas sa tag-araw, gaya ng mga olibo, date, at igos. (2 Sam. 16:1) Sa pagtatapos ng tag-araw at pasimula ng maagang pag-ulan, kapag naani na ang lahat ng bunga ng lupain, ay idinaraos naman ang Kapistahan ng mga Kubol, o mga Tolda.​—Exo. 23:16; Lev. 23:39-43.

18. (a) Bakit angkop ang kahulugan ng salitang Hebreo para sa “taon”? (b) Para sa lupa, ano ang tunay na solar na taon?

18 Taon. Sa Bibliya ang pag-aaral ng panahon ay naglalakip sa salitang “taon.” Binabanggit ito sa pasimula pa ng kasaysayan ng tao. (Gen. 1:14) Ang salitang Hebreo para sa “taon,” sha·nahʹ, ay galing sa isang ugat na nangangahulugang “ulitin; gawin uli” at nagmumungkahi ng isang siklo ng panahon (season). Angkop ito, yamang ang siklo ay nauulit taun-taon. Ang isang taon sa lupa ay isang kumpletong pag-ikot, o paglalakbay, ng lupa sa paligid ng araw. Para sa mga nasa lupa ang aktuwal na panahon ng paglalakbay ay 365 araw 5 oras 48 minuto at 46 na segundo, o humigit-kumulang 365 1⁄4 araw. Ito ang tunay na taóng solar.

19. (a) Papaano tinantiya ang sinaunang mga taon ng Bibliya? (b) Nang maglaon, anong “sagradong taon” ang itinakda ni Jehova?

19 Mga Taon ng Bibliya. Ayon sa sinaunang pagtantiya sa Bibliya, ang taon ay mula taglagas hanggang taglagas. Angkop ito sa buhay-magsasaka, pagkat ang taon ay nagsisimula sa pag-aararo at paghahasik, sa unang bahagi ng ating Oktubre, at nagtatapos sa pagtitipon ng ani. Si Noe ay sa taglagas nagsimulang bumilang ng taon. Iniulat niya na nagsimula ang Baha “sa ikalawang buwan,” katumbas ng huling kalahatian ng Oktubre at unang kalahatian ng Nobyembre. (Gen. 7:11, talababa) Hanggang sa ngayon, sa taglagas sinisimulan ng maraming bansa ang bagong taon. Noong Pag-aalisan sa Ehipto, 1513 B.C.E., iniutos ni Jehova na ang Abib (Nisan) ay maging “pasimula ng mga buwan” para sa mga Judio, kaya nagkaroon sila ng sagradong taon, mula tagsibol hanggang tagsibol. (Exo. 12:2) Gayunman, ang sinusunod ng mga Judio ngayon ay isang sekular, o sibil, na taon, pasimula sa taglagas, at Tisri ang unang buwan.

20. Papaano iniakma ang lunar na taon upang tumama sa solar na taon, at ano ang mga taóng lunisolar?

20 Taóng Lunisolar. Hanggang kay Kristo, karamihan ng mga bansa ay gumamit ng mga lunar na taon, at gumawa sila ng iba’t-ibang paraan ng pag-akma ng taon upang humigit-kumulang ay tumama sa solar na taon. Ang karaniwang lunar na taon ng 12 lunar na buwan ay may 354 araw, at ang mga buwan ay tig-29 o tig-30 araw, depende sa paglitaw ng bawat bagong buwan (moon). Kaya ang lunar na taon ay 11 14 araw ang kaiklian sa tunay na solar na taon ng 365 14 araw. Sinunod ng mga Hebreo ang lunar na taon. Hindi sinasabi sa Bibliya kung paano nila iniakma ang taon upang tumama sa solar na taon at mga panahon nito, subalit tiyak na nagdagdag sila ng mga buwang intercalary ayon sa pangangailangan. Noong ikalimang siglo B.C.E., ginawang sistematiko ang pagsisingit ng mga buwang intercalary salig sa tinatawag na Metonic cycle. Nagpahintulot ito ng pagdagdag ng buwang intercalary pitong beses sa bawat 19 na taon, at sa kalendaryong Judio, idinagdag ito pagkaraan ng ika-12 buwan, ang Adar, at tinawag na Veadar, o “ikalawang Adar.” Kapag ang kalendaryong lunar ay iniakma sa araw, ang mga taon, na binubuo ng 12 o 13 buwan, ay tinatawag na mga taóng lunisolar.

21. (a) Ano ang kalendaryong Julian? (b) Bakit mas wasto ang kalendaryong Gregorian?

21 Mga Kalendaryong Julian at Gregorian. Ang kalendaryo ay isang paraan ng pagtatakda sa pasimula, haba, at paghahati ng taon at pagsasaayos ng mga paghahating ito. Ang kalendaryong Julian ay inilabas ni Julio Cesar noong 46 B.C.E., upang sundin ng mga Romano ang taóng-solar bilang kahalili ng taóng lunar. Ang kalendaryong Julian ay binubuo ng 365 na araw, maliban sa ikaapat na taon (leap year) kung saan isang araw ang idinaragdag, upang maging 366 araw. Sa paglipas ng panahon, natuklasan na ang taon ng kalendaryong Julian ay mahigit na 11 minuto kaysa sa tunay na taóng-solar. Pagsapit ng ika-16 na siglo C.E., sampung buong araw na ang kahigitan. Kaya noong 1582, inilabas ni Papa Gregorio XIII ang bahagyang rebisadong bersiyon, tinatawag ngayon na kalendaryong Gregorian. Iniutos ng papa na bawasan ng sampung araw ang taóng 1582, kaya ang sumunod na araw sa Oktubre 4 ay Oktubre 15. Ayon sa kalendaryong Gregorian kapag ang siglo ay hindi mahahati ng 400, ito ay hindi ituturing na leap year. Halimbawa, di-gaya ng taóng 2000, ang 1900 ay hindi ginawang leap year sapagkat ang bilang na 1,900 ay hindi mahahati ng 400. Ang kalendaryong Gregorian ang siya ngayong karaniwang ginagamit sa kalakhang bahagi ng daigdig.

22, 23. Gaano kahaba ang isang makahulang taon?

22 Makahulang “Taon.” Sa hula ng Bibliya ang salitang “taon” ay malimit gamitin sa pantanging kahulugan na katumbas ng 12 buwan na tig-30 araw, sa kabuuang 360 araw. Pansinin ang sinabi ng isang autoridad kaugnay ng Ezekiel 4:5, 6: “Dapat nating ipalagay na ang kilala ni Ezekiel ay isang taon ng 360 araw. Ito’y hindi isang tunay na taóng-solar ni isang taóng-lunar. Ito’y isang ‘katamtamang’ taon na bawat buwan ay may 30 araw.” c

23 Ang isang makahulang taon ay tinatawag ding isang “panahon (time),” at ipinakikita sa Apocalipsis 11:2, 3 at 12:6, 14 ang pagtantiya sa “panahon” bilang 360 na araw. Sa hula, ang isang taon ay isinasagisag kung minsan ng isang “araw.”​—Ezek. 4:5, 6.

24. Papaano sinimulan ng mga sinauna ang kanilang pagbilang?

24 Walang Taóng Zero. Ang mga sinauna, gaya ng edukadong mga Griyego, mga Romano, at mga Judio, ay hindi gumagamit ng zero. Sa kanila, lahat ay nagsisimula sa bilang na isa. Nang pag-aralan ninyo sa eskuwela ang mga bilang na Romano (I, II, III, IV, V, X, atbp.), itinuro ba sa inyo ang zero? Hindi, pagkat ang mga Romano ay wala nito. Yamang hindi sila gumamit ng zero, ang Pangkalahatang Panahon ay nagsimula, hindi sa taóng zero, kundi sa 1 C.E. Dito rin ibinatay ang ordinal na mga bilang, gaya ng una (ika-1), ikalawa (ika-2), ikatlo (ika-3), ikasampu (ika-10), at ika-isang daan (ika-100). Sa makabagong matematika, lahat ay nagsisimula sa wala, o zero. Ang zero ay malamang na naimbento ng mga Hindu.

25. Papaano nagkakaiba ang mga bilang na ordinal at cardinal?

25 Kaya kapag gumagamit ng bilang na ordinal, lagi itong bawasan ng isa upang makuha ang kabuuan. Halimbawa, kapag tumutukoy sa ika-20 siglo C.E., nangangahulugan ba na may 20 buong siglo? Hindi, nangangahulugan ito ng 19 na buong siglo at ilang karagdagang taon. Upang ipahayag ang mga buong bilang, ang Bibliya, at maging ang makabagong matematika, ay gumagamit ng mga bilang na cardinal, gaya ng 1, 2, 3, 10, at 100. Tinatawag din ito na “mga buong bilang (whole numbers).”

26. Papaano tatantiyahin (a) ang mga taon mula Oktubre 1, 607 B.C.E., hanggang Oktubre 1, 1914 C.E.? (b) ang 2,520 taon mula Oktubre 1, 607 B.C.E.?

26 Kaya yamang ang Pangkalahatang Panahon ay hindi nagsimula sa taóng zero kundi sa 1 C.E., at ang mga kalendaryo bago nito ay hindi nagtapos sa taóng zero kundi sa 1 B.C.E., ang bilang ng taon para sa alinmang petsa ay isang bilang na ordinal. Kaya, ang 1990 C.E. ay kumakatawan sa 1989 buong taon buhat sa pasimula ng Pangkalahatang Panahon, at ang Hulyo 1, 1990, ay kumakatawan sa 1,989 taon at kalahati buhat sa pasimula ng Pangkalahatang Panahon. Ang simulain ding ito ay kapit sa mga petsang B.C.E. Upang matantiya kung ilang taon ang lumipas mula Oktubre 1, 607 B.C.E., hanggang Oktubre 1, 1914 C.E., idagdag ang 606 na taon (at ang huling tatlong buwan ng 607 B.C.E.) sa 1,913 (at ang unang siyam na buwan ng 1914), at ang resulta ay 2,519 (at 12 buwan) o 2,520 taon. O upang matiyak ang magiging petsa 2,520 taon pagkaraan ng Oktubre 1, 607 B.C.E., tandaan na ang 607 ay isang bilang na ordinal​—katumbas ito ng 606 buong taon​—at yamang bumibilang tayo, hindi mula Disyembre 31, 607 B.C.E., kundi mula Oktubre 1, 607 B.C.E., dapat idagdag sa 606 ang huling tatlong buwan ng 607 B.C.E. Saka bawasin ang 606 14 mula sa 2,520 taon. Ang matitira ay 1,913 34. Kaya ang 2,520 taon mula Oktubre 1, 607 B.C.E., ay sasaklaw ng 1,913 34 taon sa Pangkalahatang Panahon​—ang 1,913 buong taon ay hahantong sa pasimula ng 1914 C.E., at ang karagdagang tatlong-kapat ng isang taon ay maghahatid sa atin sa Oktubre 1, 1914 C.E. d

27. Ano ang mga saligang petsa, at bakit napakahalaga ang mga ito?

27 Mga Saligang Petsa. Ang mapanghahawakang kronolohiya ng Bibliya ay salig sa ilang saligang petsa. Ang isang saligang petsa ay isang petsa sa kasaysayan na kinikilala ng marami at katapat ng isang espesipikong kaganapan na iniuulat sa Bibliya. Maaari itong gamiting batayan at salig dito ay maaaring matiyak sa kalendaryo kung kailan naganap ang sunud-sunod na mga pangyayari sa Bibliya. Minsang matiyak ang saligang petsang ito, ang pasulong o paurong na pagtantiya mula rito ay magagawa salig sa wastong mga ulat sa Bibliya, gaya ng lawig ng buhay ng mga tao o ang haba ng pagpupuno ng mga hari. Kaya, pasimula sa isang takdang punto, magagamit natin ang mapanghahawakang panloob na kronolohiya ng Bibliya upang matiyak ang petsa ng maraming kaganapan sa Bibliya.

28. Ano ang isang saligang petsa para sa Kasulatang Hebreo?

28 Saligang Petsa para sa Kasulatang Hebreo. Isang tanyag na kaganapan na iniuulat kapuwa ng Bibliya at ng sekular na kasaysayan ay ang pagbagsak ng Babilonya sa mga Medo at Persyano sa ilalim ni Ciro. Iniuulat ito ng Bibliya sa Daniel 5:30. Maraming autoridad sa kasaysayan (gaya nina Diodorus, Africanus, Eusebius, Ptolemy, at ang mga tabletang Babiloniko) ang umaalalay sa 539 B.C.E. bilang taon ng pagsakop ni Ciro sa Babilonya. Ibinibigay ng Nabonidus Chronicle ang buwan at araw ng pagbagsak ng lungsod (nawawala ang taon). Kaya ang petsa ng pagbagsak ng Babilonya ay itinakda ng sekular na mga manunulat ng kronolohiya sa Oktubre 11, 539 B.C.E. ayon sa kalendaryong Julian, o Oktubre 5 ayon sa kalendaryong Gregorian. e

29. Kailan ibinigay ang utos ni Ciro, na nagpahintulot sa ano?

29 Pagkatapos ibagsak ang Babilonya, at sa unang taon bilang pinunò ng nasakop na Babilonya, ibinigay ni Ciro ang tanyag na utos na nagpahintulot sa mga Judio na makabalik sa Jerusalem. Salig sa ulat ng Bibliya, ang utos ay malamang na ibinigay sa pagtatapos ng 538 B.C.E. o sa tagsibol ng 537 B.C.E. May sapat na panahon ang mga Judio na makabalik at makaahon sa Jerusalem upang isauli ang pagsamba kay Jehova sa “ikapitong buwan,” ang Tisri, o mga Oktubre 1, 537 B.C.E.​—Ezra 1:1-4; 3:1-6. f

30. Papaano matitiyak ang bautismo at kapanganakan ni Jesus sa tulong ng isang saligang petsa at ng natupad na hula?

30 Saligang Petsa para sa Kristiyanong Kasulatang Griyego. Ang isang saligang petsa para sa Kristiyanong Kasulatang Griyego ay ang paghalili ni Tiberio Cesar kay Emperador Augusto. Namatay si Augusto noong Agosto 17, 14 C.E. (kalendaryong Gregorian); si Tiberio ay naging emperador noong Setyembre 15, 14 C.E. Ayon sa Lucas 3:1, 3 nagsimula ang ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo noong ika-15 taon ng paghahari ni Tiberio. Kung bibilangin mula sa kamatayan ni Augusto, ang ika-15 taon ay mula Agosto 28 C.E., hanggang Agosto 29 C.E. Kung bibilangin mula nang si Tiberio ay maging emperador, ito’y mula Setyembre 28 C.E., hanggang Setyembre 29 C.E. Di-nagtagal, si Jesus, na mas bata nang anim na buwan kay Juan, ay nagpabautismo nang siya’y “mga tatlumpung taóng gulang.” (Luc. 3:2, 21-23; 1:34-38) Kasuwato ito ng hula sa Daniel 9:25 na may 69 na “sanlinggo” (makahulang mga sanlinggo na tig-7 taon bawat isa, sa kabuuang 483 taon) “mula sa paglabas ng utos na isauli at itayong-muli ang Jerusalem” at ang pader nito, hanggang dumating ang Mesiyas. (Dan. 9:24, talababa) Ang “utos” ay ibinigay ni Artajerjes (Longimanus) noong 455 B.C.E. at tinupad ni Nehemias sa Jerusalem sa huling bahagi ng taóng yaon. Pagkaraan ng 483 taon, sa huling bahagi ng 29 C.E., nang siya’y bautismuhan ni Juan, si Jesus ay pinahiran din ng banal na espiritu ng Diyos, bilang Mesiyas, o Pinahiran. Ang bautismo at pasimula ng ministeryo ni Jesus sa huling bahagi ng taóng yaon ay kasuwato rin ng hula na siya ay mahihiwalay “sa kalahati ng sanlinggo” ng mga taon (o pagkaraan ng tatlo at kalahating taon). (Dan. 9:27) Yamang tagsibol nang siya’y mamatay, ang kaniyang tatlo at kalahating taóng ministeryo ay malamang na nagsimula noong taglagas ng 29 C.E. g Pinatutunayan din ng dalawang hanay na ito ng ebidensiya na si Jesus ay isinilang noong taglagas ng 2 B.C.E., yamang ayon sa Lucas 3:23 si Jesus ay mga 30 taong gulang nang simulan niya ang kaniyang gawain. h

31. (a) Bakit tila magkaiba ang bilis ng paglipas ng panahon? (b) Kaya ano ang bentaha ng mga kabataan?

31 Kung Papaano Lalong Bumibilis ang Takbo ng Panahon. May kasabihan na “mentras hinihintay, lalong nagtatagal.” Kapag binabantayan ang oras, kapag palaisip dito, kapag may hinihintay na mangyayari, saka tila lalo itong bumabagal. Gayunman, kapag tayo’y abala, interesado at buhus-na-buhos sa paggawa, waring “lumilipad ang panahon.” Isa pa, sa matatanda, ang panahon ay mas mabilis lumipas kaysa sa mga kabataan. Bakit ganoon? Ang isang dagdag na taon sa buhay ng batang isang-taóng gulang ay 100-porsiyentong pagsulong. Ang isang taóng karagdagan sa buhay ng 50-anyos ay 2-porsiyentong kahigitan lamang. Para sa bata, ang isang taon ay tila napakatagal. Sa matanda, kung siya’y magawain at may mabuting kalusugan, ang paglipad ng mga taon ay tila pabilis-nang-pabilis. Lalo niyang napahahalagahan ang sinabi ni Solomon: “Walang bagong bagay sa ilalim ng araw.” Sa kabilang dako, nasa kabataan ang tila mas mabagal, humuhubog na mga taon. Imbes na “maghabol sa hangin” sa isang materyalistikong daigdig, mapapakinabangan nila ang mga taóng ito sa pag-iimbak ng banal na mga karanasan. Napapanahon ang karagdagang mga salita ni Solomon: “Alalahanin mo ang Dakilang Maylikha sa panahon ng iyong kabataan, bago dumating ang kapaha-pahamak na mga araw, o ang mga taon ay lumapit at iyong sabihin: ‘Wala akong kasiyahan sa mga yaon.’ ”​—Ecle. 1:9, 14; 12:1.

32. Papaano lalong mapahahalagahan ng tao ang pangmalas ni Jehova sa panahon?

32 Panahon​​—Kapag Hindi na Mamamatay ang Tao. Nasa unahan ang maliligayang araw na hindi magpapahamak. Ang mga umiibig sa katuwiran, sila na ‘ang mga kapanahunan ay nasa kamay ni Jehova,’ ay makakaasa sa walang-hanggang buhay sa ilalim ng Kaharian ng Diyos. (Awit 31:14-16; Mat. 25:34, 46) Doon ay wala nang kamatayan. (Apoc. 21:4) Ang kawalang-ginagawa, karamdaman, pagkainip, at kawalang-kabuluhan ay mawawala na. Darami ang gawain, kawili-wili at kapana-panabik, na mangangailangan ng sakdal na kakayahan ng tao at magbubunga ng lubos na kasiyahan sa paggawa. Ang mga taon ay tila magiging mas mabilis, at ang may-pagpapahalaga at matatandaing kaisipan ay patuloy na pagyayamanin ng mga alaala ng maliligayang karanasan. Habang lumilipas ang mga milenyo, tiyak na lalong mapahahalagahan ng mga tao sa lupa ang pangmalas ni Jehova sa panahon: ‘Sapagkat ang isang libong taon sa mata ni Jehova ay parang kahapon lamang kapag ito ay dumaan.’​—Awit 90:4.

33. Kung tungkol sa panahon, anong pagpapala ang pararatingin ni Jehova?

33 Sa pagmamasid sa agos ng panahon mula sa pangmalas ng tao at sa pagsasaalang-alang sa ipinangako ng Diyos na bagong sanlibutan ng katuwiran, magagalak tayo sa pag-asa sa mga pagpapala ng araw na yaon: “Doon pararatingin ni Jehova ang pagpapala, samakatuwid baga’y ang buhay na walang-hanggan”!​—Awit 133:3.

[Mga talababa]

a Ang salitang “oras” ay lumilitaw sa King James Version sa Daniel 3:6, 15; 4:19, 33; 5:5, mula sa Aramaiko; gayunman, ayon sa Concordance, Hebrew and Chaldee Dictionary ni Strong, ang kahulugan nito ay “isang tingin, a.b. isang sandali.” Isinasalin ito na “sandali” sa New World Translation of the Holy Scriptures.

b Tingnan ang mga talababa sa mga tekstong ito.

c Biblical Calendars, 1961, ni J. Van Goudoever, pahina 75.

d Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 458.

e Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 453-4, 458; Tomo 2, pahina 459.

f Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 568.

g Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 899-902.

h Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 56-8.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Chart sa pahina 281]

ANG TAON NG MGA ISRAELITA

Pangalan ng Buwan Nisan (Abib)

Katumbas ng Marso - Abril

Sagradong Taon Unang buwan

Sekular na Taon Ika-7 buwan

Mga Talata Exo. 13:4; Neh. 2:1

Mga Kapistahan Nisan 14 Paskuwa

Nisan 15-21 Kapistahan ng

mga Tinapay na

Walang-Lebadura

Nisan 16 Paghahandog ng

mga unang bunga

Pangalan ng Buwan Iyyar (Ziv)

Katumbas ng Abril - Mayo

Sagradong Taon Ika-2 buwan

Sekular na Taon ika-8 buwan

Mga Talata 1 Hari 6:1

Pangalan ng Buwan Sivan

Katumbas ng Mayo - Hunyo

Sagradong Taon ika-3 buwan

Sekular na Taon ika-9 na buwan

Mga Talata Esther 8:9

Mga Kapistahan Sivan 6 Kapistahan ng

Mga Sanlinggo

(Pentekostes)

Pangalan ng Buwan Tammuz

Katumbas ng Hunyo - Hulyo

Sagradong Taon ika-4 na buwan

Sekular na Taon ika-10 buwan

Mga Talata Jer. 52:6

Pangalan ng Buwan Ab

Katumbas ng Hulyo - Agosto

Sagradong Taon ika-5 buwan

Sekular na Taon ika-11 buwan

Mga Talata Ezra 7:8

Pangalan ng Buwan Elul

Katumbas ng Agosto - Setyembre

Sagradong Taon ika-6 na buwan

Sekular na Taon ika-12 buwan

Mga Talata Neh. 6:15

Pangalan ng Buwan Tisri (Etanim)

Katumbas ng Setyembre - Oktubre

Sagradong Taon ika-7 buwan

Sekular na Taon Unang buwan

Mga Talata 1 Hari 8:2

Mga Kapistahan Tisri 1 Araw ng paghihip

ng pakakak

Tisri 10 Araw ng Katubusan

Tisri 15-21 Kapistahan ng

mga Kubol

Tisri 22 Banal na pagtitipon

Pangalan ng Buwan Hesvan (Bul)

Katumbas ng Oktubre - Nobyembre

Sagradong Taon ika-8 buwan

Sekular na Taon ika-2 buwan

Mga Talata 1 Hari 6:38

Pangalan ng Buwan Cislev

Katumbas ng Nobyembre - Disyembre

Sagradong Taon ika-9 na buwan

Sekular na Taon ika-3 buwan

Mga Talata Neh. 1:1

Pangalan ng Buwan Tebeth

Katumbas ng Disyembre - Enero

Sagradong Taon ika-10 buwan

Sekular na Taon ika-4 na buwan

Mga Talata Esther 2:16

Pangalan ng Buwan Shebat

Katumbas ng Enero - Pebrero

Sagradong Taon ika-11 buwan

Sekular na Taon ika-5 buwan

Mga Talata Zac. 1:7

Pangalan ng Buwan Adar

Katumbas ng Pebrero - Marso

Sagradong Taon Ika-12 buwan

Sekular na Taon ika-6 na buwan

Mga Talata Esther 3:7

Pangalan ng Buwan Veadar

Katumbas ng (Buwang intercalary)

Sagradong Taon ika-13 buwan