Aralin Bilang 5—Ang Tekstong Hebreo ng Banal na Kasulatan
Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito
Aralin Bilang 5—Ang Tekstong Hebreo ng Banal na Kasulatan
Kung papaanong ang Kasulatang Hebreo, bilang bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos, ay kinopya, iningatan ang katapatan ng teksto, at pinarating hanggang sa ngayon.
1. (a) Papaano naiiba ang ‘mga salita ni Jehova’ sa ibang mga kayamanan sa nakalipas? (b) Anong mga tanong ang bumabangon kaugnay ng pag-iingat sa Salita ng Diyos?
ANG isinatitik na ‘mga salita ni Jehova’ ay maitutulad sa mga tubig ng katotohanan na naiipon sa isang kamangha-manghang balon ng kinasihang mga dokumento. Makapagpapasalamat tayo na sa buong panahon ng makalangit na pakikipagtalastasan, nilayon ni Jehova na ang “mga tubig” na ito ay matipong sama-sama bilang isang walang-pagkasaid na bukal ng nagbibigay-buhay na impormasyon! Ang ibang mga kayamanan sa nakalipas, gaya ng mga korona ng hari, mga mana mula sa ninuno, mga bantayog, ay pawang nagsikupas, nangapudpod, o nagsiguho sa paglipas ng panahon, ngunit ang tulad-kayamanang mga kasabihan ni Jehova ay mamamalagi magpakailanman. (Isa. 40:8) Ngunit, hindi kaya nadumhan ang mga tubig ng katotohanan matapos na ito ay mapunta sa balon. Hindi kaya ito nabantuan? Naisalin ba ito nang buong-katapatan mula sa mga teksto ng orihinal na lenguwahe anupat talagang mapanghahawakan ang taglay ngayon ng mga tao sa lahat ng wika? Kawili-wiling pag-aralan ang seksiyon ng balon na kilala bilang ang tekstong Hebreo, na pinapansin ang pag-iingat upang mapanatili ang kawastuan nito, sampu ng kamangha-manghang mga paglalaan na ginawa upang ito ay maparating at makamit ng lahat ng bansa sa pamamagitan ng mga bersiyon at bagong salin.
2. Papaano naingatan ang kinasihang mga kasulatan hanggang noong panahon ni Ezra?
2 Ang orihinal na mga dokumento sa Hebreo at Aramaiko ay iniulat ng mga taong kalihim ng Diyos, mula kay Moises noong 1513 B.C.E. hanggang noong katatapos ang 443 B.C.E. Sa abot ng nalalaman, isa man sa orihinal na kasulatan ay hindi na umiiral ngayon. Gayunman, sa pasimula pa ay talagang tiniyak ang pag-iingat ng kinasihang mga kasulatan, sampu ng autorisadong mga kopya nito. Noong 642 B.C.E., sa panahon ni Josias, ang “mismong aklat ng kautusan” ni Moises, malamang na ito’y ang orihinal na kopya, ay nasumpungan sa bahay ni Jehova. Noo’y 871 taon na itong naiingatan. Gayon na lamang ang interes ni Jeremias sa pagkatuklas kung kaya ito ay iniulat niya sa 2 Hari 22:8-10, at noong 460 B.C.E., muling tinukoy ni Ezra ang pangyayari. (2 Cron. 34:14-18) Interesado siya rito, pagka’t siya’y “bihasang kalihim ng kautusan ni Moises na ibinigay ni Jehova na Diyos ng Israel.” (Ezra 7:6) Tiyak na masasangguni ni Ezra ang ibang balumbon ng Kasulatang Hebreo na naisulat hanggang noong panahon niya, pati na marahil ang ilang mga orihinal na kinasihang kasulatan. Oo, waring si Ezra noon ang naging tagapag-ingat ng banal na mga kasulatan.—Neh. 8:1, 2.
MAHALAGANG YUGTO NG PAGKOPYA NG MANUSKRITO
3. Anong pangangailangan ukol sa karagdagang kopya ng mga Kasulatan ang bumangon, at papaano ito natugunan?
3 Mula noong panahon ni Ezra, kinailangan ang maraming kopya ng Kasulatang Hebreo. Hindi lahat ng Judio ay bumalik sa Jerusalem at Palestina sa panahon ng pagsasauli noong 537 B.C.E. at pagkaraan nito. Sa halip, libu-libo ang nanatili sa Babilonya, samantalang ang iba ay nandayuhan upang mangalakal o sa iba pang dahilan, kaya napapunta sila sa malalaking sentro ng komersiyo ng sinaunang daigdig. Maraming Judio ang naglakbay taun-taon sa Jerusalem para sa iba’t-ibang kapistahan sa templo, at doo’y nakibahagi sila sa pagsamba na idinaos sa wikang Hebreo ng Bibliya. Noong panahon ni Ezra, ang mga Judio sa malalayong lupain ay gumamit ng lokal na mga dakong tipunan na tinawag na mga sinagoga, kung saan binabasa at tinatalakay ang Kasulatang Hebreo. a Dahil sa maraming kalat-kalat na dako ng pagsamba, kinailangan ng mga kalihim na gumawa ng maraming manuskritong sulat-kamay.
4. (a) Ano ang isang genizah, at papaano ito ginamit? (b) Ano ang mahalagang natuklasan sa isa sa mga ito noong ika-19 na siglo?
4 Sa mga sinagoga ay karaniwan nang may isang bodega na tinawag na genizah. Sa kalaunan, itinago ng mga Judio sa genizah ang mga manuskritong napunit o naluma na ng panahon, at hinalinhan ito ng mas bago upang magamit sa sinagoga. Sa pana-panahon, ang laman ng genizah ay pormal nilang ibinaon sa lupa, upang ang teksto—na naglalaman ng banal na pangalan ni Jehova—ay huwag malapastangan. Sa paglipas ng mga dantaon, libu-libong matatandang Hebreong manuskrito ng Bibliya ang naglaho sa paraang ito. Gayunman, ang punung-punong genizah ng sinagoga sa Matandang Cairo ay hindi dumanas ng ganitong pagtrato, marahil sapagkat ito ay pinaderan at nakalimutan hanggang noong kalagitnaan ng ika-19 na siglo. Noong 1890, nang kinukumpuni ang sinagoga, muling sinuri ang mga laman ng genizah at ang mga kayamanan nito ay ipinagbili o iniabuloy. Mula rito, marami-rami ring buong manuskrito at libu-libong piraso (ang ilan di-umano ay mula pa noong ikaanim na siglo C.E.) ang nakarating sa Cambridge University Library at sa iba pang aklatan sa Europa at Amerika.
5. (a) Anong sinaunang mga manuskritong Hebreo ang naitala na ngayon, at gaano katanda ang mga ito? (b) Ano ang isinisiwalat ng pag-aaral ng mga ito?
5 Sa ngayon, sa iba’t-ibang aklatan sa daigdig, nabilang at naitala ang marahil ay 6,000 buo o pira-pirasong manuskrito ng Kasulatang Hebreo. Hindi pa natatagalan, walang manuskrito (maliban sa iilang piraso) ang mas matanda kaysa ikasampung siglo C.E. Noong 1947, sa kapaligiran ng Dagat na Patay, natuklasan ang isang balumbon ng aklat ni Isaias, at nang sumunod na mga taon lumitaw ang karagdagang mahahalagang balumbon ng Kasulatang Hebreo nang matuklasan sa mga yungib sa Dagat na Patay ang napakalaking kayamanan ng mga manuskrito na halos 1,900 taon nang nakatago. Ayon sa mga eksperto ang ilan dito ay mula sa huling mga siglo B.C.E. Ang masusing paghahambing sa humigit-kumulang 6,000 manuskrito ng Kasulatang Hebreo ay naglalaan ng matatag na saligan sa pagtiyak sa tekstong Hebreo at nagsisiwalat ng katapatan sa pagkopya nito.
ANG WIKANG HEBREO
6. (a) Ano ang maagang kasaysayan ng wikang Hebreo? (b) Bakit kuwalipikado si Moises na isulat ang Genesis?
6 Sa orihinal na anyo, ang tinutukoy ngayon na wikang Hebreo ay ang wikang ginamit ni Adan sa halamanan ng Eden. Kaya matatawag ito na wika ng tao. Ito ang wikang ginamit noong panahon ni Noe, taglay ang isang pinalawak na bokabularyo. Sa mas malawak pang anyo, ito ang saligang wika na nanatili nang guluhin ni Jehova ang lenguwahe ng tao sa Tore ng Babel. (Gen. 11:1, 7-9) Ang Hebreo ay kabilang sa Semitikong sanga ng mga wika, at ito ang pinaka-ulo ng pamilya. Waring nauugnay ito sa wika ng Canaan noong panahon ni Abraham, at mula sa Hebraikong sangay, nakabuo ang mga Cananeo ng sari-saring dayalekto. Sa Isaias 19:18 tinutukoy ito na “wika ng Canaan.” Naging iskolar si Moises noong panahon niya, bihasa hindi lamang sa karunungan ng mga Ehipsiyo kundi maging sa wikang Hebreo ng kaniyang mga ninuno. Kaya maaari niyang mabasa ang sinaunang mga dokumento na dumaan sa kaniyang kamay, at malamang na naging saligan ito para sa ibang impormasyon na isinulat niya sa aklat ng Bibliya na kilala ngayon bilang Genesis.
7. (a) Anong pagsulong sa Hebreo ang naganap nang maglaon? (b) Nagsilbing ano ang Hebreo ng Bibliya?
7 Nang maglaon, noong panahon ng mga haring Judio, ang Hebreo ay nakilala bilang “wika ng mga Judio.” (2 Hari 18:26, 28) Noong panahon ni Jesus, gumamit ang mga Judio ng mas bago at mas malawak na anyo ng Hebreo, at nang maglaon ito ay naging rabbinikong Hebreo. Gayunman, pansinin na sa Kristiyanong Kasulatang Griyego, ito pa rin ang tinutukoy na wikang “Hebreo,” at hindi ang Aramaiko. (Juan 5:2; 19:13, 17; Gawa 22:2; Apoc. 9:11) Buhat sa pasimula, ang Hebreo ng Bibliya ang bumibigkis na lenguwahe ng komunikasyon, nauunawaan ng karamihan ng mga saksi ni Jehova bago ang panahong Kristiyano at maging ng mga Kristiyanong saksi noong unang siglo.
8. Habang isinasaisip ang layunin ng mga Kasulatan, sa ano tayo tunay na makapagpapasalamat?
8 Ang mga Kasulatang Hebreo ay isang balon ng tulad-kristal na mga tubig ng katotohanan, na inihatid at tinipon sa ilalim ng pagkasi ng Diyos. Gayunman, yaon lamang mga nakakabasa ng Hebreo ang tuwirang nakinabang sa sagradong mga tubig na ito. Papaano makakasalok ng tubig ng katotohanan ang mga tao sa mga bansang may iba’t-ibang wika, upang makapagtamo ng patnubay at ginhawa para sa kaluluwa? (Apoc. 22:17) Ang tanging paraan ay ang pagsasalin ng Hebreo sa ibang wika upang mapalawak ang agos ng banal na katotohanan sa laksa-laksang sangkatauhan. Makapagpapasalamat tayo sa Diyos na Jehova sapagkat mula noong ikaapat o ikatlong siglo B.C.E. hanggang sa ngayon, ang mga bahagi ng Bibliya ay naisalin na sa mahigit na 1,900 wika. Napakalaking tulong nito sa lahat ng mga nahihilig sa katuwiran, na talagang nakasumpong ng “kagalakan” sa mayamang tubig na ito!—Awit 1:2; 37:3, 4.
9. (a) Anong pahintulot sa pagsasalin ang ibinibigay mismo ng Bibliya? (b) Anong mabuting layunin ang tinupad ng sinaunang mga salin sa Bibliya?
9 Ang Bibliya ba mismo ay nagpapahintulot o nagbibigay-karapatan sa pagsasalin ng teksto nito sa ibang wika? Talaga naman! Dapat matupad ang sinabi ng Diyos sa Israel, “Magalak, kayong mga bansa, kasama ng kaniyang bayan,” at ang makahulang utos ni Jesus sa mga Kristiyano, “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” Upang maganap ito, dapat isalin ang mga Kasulatan. Kung lilingunin ang halos 24 na siglo ng pagsasalin ng Bibliya, maliwanag na pinagpala ni Jehova ang gawaing ito. Isa pa, ang sinaunang mga salin ng Bibliya na naingatan sa anyong manuskrito ay tumitiyak din sa mataas na antas ng tekstuwal na katapatan ng Hebreong balon ng katotohanan.—Deut. 32:43; Mat. 24:14.
PINAKAMAAGANG NAISALING MGA BERSIYON
10. (a) Ano ang Samaritanong Pentateuko, at bakit kapaki-pakinabang ito ngayon? (b) Magbigay ng halimbawa ng paggamit ng Samaritanong Pentateuko sa New World Translation.
10 Ang Samaritanong Pentateuko. May napakaagang petsa, ang Samaritanong Pentateuko, gaya ng ibinabadya ng pangalan, ay ang unang limang aklat lamang ng Kasulatang Hebreo. Ito’y isang literal na pagsasalin ng tekstong Hebreo sa letrang Samaritano, na nabuo mula sa sinaunang titik Hebreo. Ito’y mahalagang giya sa tekstong Hebreo nang panahong yaon. Ang literal na saling ito ay ginawa ng mga Samaritano—mga inapo niyaong naiwan sa Samaria nang sakupin ang sampung-tribong kaharian ng Israel noong 740 B.C.E. at niyaong mga dinala ng mga taga-Asirya ng panahong yaon. Ang pagsamba ng Israel ay inilahok ng mga Samaritano sa pagsamba sa paganong mga diyos, at tinanggap nila ang Pentateuko. Di-umano ginawa nila ang saling ito noong ikaapat na siglo B.C.E., bagaman ayon sa ilang iskolar ito’y kasing-atrasado ng ikalawang siglo B.C.E. Kapag binabasa ang teksto, sabihin pa, Hebreo ang binibigkas nila. Bagaman ito ay may 6,000 pagbabago sa tekstong Hebreo, marami ay maliliit na detalye. Bihira sa umiiral na mga manuskrito ang mas matanda kaysa ika-13 siglo C.E. Ang mga talababa ng New World Translation ay gumagawa ng ilang pagtukoy sa Samaritanong Pentateuko. b
11. Ano ang mga Targum, at ano ang pakinabang dito kaugnay ng teksto ng Kasulatang Hebreo?
11 Ang mga Aramaikong Targum. Ang salitang Aramaiko para sa “interpretasyon” o “pagpapakahulugan” ay targum. Mula noong panahon ni Nehemias, Aramaiko ang karaniwang wika ng mga Judio sa teritoryo ng Persya, kaya ang pagbasa sa Kasulatang Hebreo ay kinailangang lakipan ng mga pagsasalin sa wikang yaon. Ang kasalukuyang anyo nito ay malamang na nabuo noon lamang ikalimang siglo C.E. Bagaman pahapyaw na pagpapakahulugan lamang ng tekstong Hebreo at hindi isang wastong salin, naglalaan ito ng mayamang impormasyon tungkol sa teksto at tumutulong sa pag-unawa sa ilang malalalim na talata. Ang mga talababa ng New World Translation ay malimit tumukoy sa mga Targum. c
12. Ano ang Septuagint, at bakit napakahalaga nito?
12 Ang Griyegong Septuagint. Ang pinakamahalaga sa mga sinaunang salin ng Kasulatang Hebreo, at unang aktuwal na nasusulat na salin mula sa Hebreo, ay ang Griyegong Septuagint (nangangahulugang, “Pitumpu”). Ayon sa tradisyon, sinimulan ito noong 280 B.C.E. ng 72 Judiong iskolar sa Aleksandriya, Ehipto. Nang maglaon ay nauso ang bilang na 70, kaya ang salin ay tinawag na Septuagint. Malamang na ito ay natapos noong ikalawang siglo B.C.E. Ito’y naging Kasulatan ng mga Judiong nagsasalita ng Griyego at ginamit nang malawakan hanggang noong panahon ni Jesus at ng mga apostol. Sa Septuagint nasasalig ang karamihan sa 320 tuwirang pagsipi at ang pinagsamang kabuuan ng marahil ay 890 pagsipi at pagtukoy ng Kristiyanong Kasulatang Griyego sa Kasulatang Hebreo.
13. Anong mahahalagang bahagi ng Septuagint ang naingatan hanggang ngayon, at ano ang halaga ng mga ito?
13 Sa ngayon posibleng masuri ang marami-raming bahagi ng Septuagint na nasusulat sa papiro. Mahalaga ang mga ito pagkat mula ito sa sinaunang panahong Kristiyano, at bagaman malimit ay iilang talata o kabanata lamang, tumutulong ito sa pag-unawa sa teksto ng Septuagint. Ang koleksiyong Fouad Papyri (Inventory No. 266) ay natuklasan sa Ehipto noong 1939 at inaakalang mula sa unang siglo B.C.E. May mga bahagi ito ng Genesis at Deuteronomio. Sa mga bahaging may Genesis, hindi lumilitaw ang banal na pangalan dahil sa hindi ito naingatan nang buo. Gayunman, sa Deuteronomio, lumilitaw ito sa iba’t-ibang dako, at nasusulat sa parisukat na mga titik Hebreong nakapaloob sa tekstong Griyego. d Ang petsa ng iba pang papiro ay umaabot sa ikaapat na siglo C.E., nang ang mas matibay na vellum, isang pinong grado ng balat ng guya, tupa, o kambing, ay sinimulang gamitin sa pagsulat ng mga manuskrito.
14. (a) Ano ang pinatunayan ni Origen tungkol sa Septuagint? (b) Kailan at papaano pinakialaman ang Septuagint? (c) Anong patotoo ang tiyak na naibigay ng mga sinaunang Kristiyano sa pamamagitan ng Septuagint?
14 Kapansin-pansin na ang banal na pangalan, sa anyong Tetragramaton, ay lumilitaw rin sa Septuagint ng animang-tudling na Hexapla ni Origen, na nabuo noong mga 245 C.E. Bilang komento sa Awit 2:2, ay sumulat si Origen tungkol sa Septuagint: “Sa pinakawastong mga manuskrito ay lumilitaw ANG PANGALAN sa mga titik Hebreo, hindi sa makabagong [titik] Hebreo, kundi sa pinakamatanda.” e Kapani-paniwala ang ebidensiya na maaga pa’y napakialaman na ang Septuagint, at ang Kyʹri·os (Panginoon) at The·osʹ (Diyos) ay inihalili sa Tetragramaton. Yamang gumamit ang mga Kristiyano ng mga manuskrito na naglalaman ng banal na pangalan, mahirap maniwala na sinunod nila ang pamahiing Judio na pag-iwas sa pagbigkas ng “ANG PANGALAN” sa kanilang ministeryo. Tiyak na nakapagpatotoo sila sa pangalan ni Jehova tuwiran mula sa Griyegong Septuagint.
15. (a) Sa tulong ng chart sa pahina 314, ilarawan ang mga vellum at katad na manuskrito ng Septuagint. (b) Anong mga pagtukoy ang ginagawa rito ng New World Translation?
15 Umiiral pa ngayon ang daan-daang vellum at katad na manuskrito ng Griyegong Septuagint. Mahalaga ang ilan dito, na ginawa sa pagitan ng ikaapat at ikasiyam na siglo C.E., sapagkat sumasaklaw ito sa malalaking seksiyon ng Kasulatang Hebreo. Tinawag ito na mga uncial sapagkat pawang nasusulat sa matitingkad, hiwa-hiwalay na malalaking titik. Ang iba pa ay tinawag na mga minuscule pagkat nasusulat sa mas maliit, sulat-kamay na estilong kabit-kabit (cursive). Ang mga manuskritong minuscule, o cursive, ay nauso mula noong ikasiyam na siglo hanggang sa maimbento ang paglilimbag. Ang namumukod-tanging mga manuskritong uncial noong ikaapat at ikalimang siglo, alalaong baga’y, ang Vatican No. 1209, ang Sinatic, at ang Alexandrine, ay pawang naglalaman ng Griyegong Septuagint na may bahagyang pagbabago. Ang Septuagint ay malimit tukuyin sa mga talababa at komento ng New World Translation. f
16. (a) Ano ang Latin Vulgate, at bakit ito napakahalaga? (b) Magbigay ng halimbawa ng pagtukoy rito ng New World Translation.
16 Ang Latin Vulgate. Ito ang mother text na ginamit ng maraming tagapagsaling Katoliko sa paglalathala ng ibang salin sa mga wika ng Sangkakristiyanuhan sa Kanluran. Papaano nagsimula ang Vulgate? Ang salitang Latin na vulgatus ay nangangahulugang “karaniwan, yaong tanyag.” Nang unang ilathala, yao’y sa karaniwan, o tanyag na Latin upang madaling maunawaan ng karaniwang tao sa Kanluraning Imperyo ng Roma. Ang iskolar na si Jerome, na gumawa ng saling ito, ay nakagawa na ng dalawang rebisyon ng Old Latin Psalms (Mga Awit sa Matandang Latin), sa pamamagitan ng paghahambing sa Griyegong Septuagint. Gayunman, ang kaniyang Bibliyang Vulgate ay mula sa orihinal na mga wikang Hebreo at Griyego, kaya ito ay hindi salin ng isang salin. Ginawa ni Jerome ang kaniyang saling Latin mula sa Hebreo noong 390 hanggang 405 C.E. Bagaman kalakip ang mga aklat na Apokripal, pagkat nang panahong yao’y kabilang na ito sa mga kopya ng Septuagint, maliwanag na itinangi ni Jerome ang mga aklat na kanonikal mula roon sa hindi. Ang New World Translation ay malimit tumukoy sa Vulgate ni Jerome sa mga talababa nito. g
ANG MGA TEKSTO SA WIKANG HEBREO
17. Sino ang mga eskriba, o Sopherim, at tinuligsa sila ni Jesus dahil sa ano?
17 Ang mga Sopherim. Pasimula noong panahon ni Ezra hanggang sa panahon ni Jesus, ang mga taga-kopya ng Kasulatang Hebreo ay tinawag na mga eskriba, o Sopherim. Sa katagalan, nangahas silang gumawa ng mga pagbabago sa teksto. Ang totoo, hayagang tinuligsa ni Jesus ang di-umano’y mga tagapag-ingat ng Kautusan sa pag-aangkin ng mga karapatang hindi nauukol sa kanila.—Mat. 23:2, 13.
18. (a) Sino ang mga Masoret, at anong mahahalagang komento ang ginawa nila sa tekstong Hebreo? (b) Ano ang ilang halimbawa ng kanilang mga pagtutuwid, gaya ng itinatala sa New World Translation?
18 Isiniwalat ng Masora ang mga Pagbabago. Noong mga siglo pagkaraan ni Kristo, ang mga Sopherim ay hinalinhan ng mga eskribang nakilala bilang mga Masoret. Hinanap nila ang mga pagbabagong ginawa ng naunang mga Sopherim, at iniulat ito sa gilid o sa dulo ng tekstong Hebreo. Ang mga panggilid na notang ito ay tinawag na Masora. Itinala ng Masora ang 15 di-pangkaraniwang punto ng mga Sopherim, alalaong baga, 15 salita o parirala sa tekstong Hebreo na minarkahan ng mga tuldok o kudlit. Ang ilan sa di-pangkaraniwang puntong ito ay hindi nakakaapekto sa salin o kahulugan sa Ingles, ngunit ang iba ay nakaapekto at lubhang mahalaga. h Nasilo ang mga Sopherim ng mapamahiing takot sa pagbigkas ng pangalang Jehova kaya pinalitan nila ito ng ʼAdho·naiʹ (Panginoon) sa 134 dako at ng ʼElo·himʹ (Diyos) sa ibang dako. Itinatala ng Masora ang mga pagbabagong ito. i Ayon sa isang talâ sa Masora nagkasala rin ang mga Sopherim o sinaunang eskriba ng di-kukulangin sa 18 pagbabago (emendation), bagaman malamang na may higit pa sa rito. j Waring mabuti ang kanilang intensiyon sa paggawa ng mga pagbabagong ito pagkat ang orihinal na talata ay waring lumalapastangan sa Diyos o humahamak sa kaniyang makalupang mga kinatawan.
19. Ano ang consonantal text sa Hebreo, at kailan itinakda ang anyo nito?
19 Ang Consonantal Text (Pang-Katinig). Ang abakadang Hebreo ay binubuo ng 22 katinig, at walang mga patinig. Noong una, ang bumabasa ang bahalang bumigkas sa tunog ng patinig salig sa kaalaman niya sa wika. Ang Hebreo ay gaya ng dinaglat na pagsulat. Sa Tagalog ay marami ring karaniwang daglat na ang ginagamit ay mga katinig lamang. Halimbawa, nariyan ang atbp. bilang daglat ng at iba pa. Kahawig nito, ang wikang Hebreo ay binubuo ng serye ng mga pananalitang pawang mga katinig. Kaya ang “consonantal text” ay nangangahulugan ng tekstong Hebreo na walang mga tanda ng patinig. Ang anyo ng consonantal text sa mga manuskritong Hebreo ay naitatag sa pagitan ng una at ikalawang siglo C.E., bagaman ang mga manuskritong may ibang teksto ay patuloy na lumaganap sa loob ng ilang panahon. Hindi na gumawa ng mga pagbabago, di-gaya niyaong sa naunang yugto ng mga Sopherim.
20. Ano ang ginawa ng mga Masoret kaugnay ng tekstong Hebreo?
20 Ang Tekstong Masoretiko. Sa ikalawang kalahatian ng unang milenyo C.E., ang mga Masoret (Hebreo, ba·ʽalehʹ ham·ma·soh·rahʹ, nangangahulugang “Mga Panginoon ng Tradisyon”) ay nagtatag ng isang sistema ng mga tuldok ng patinig at mga tuldik sa pagdiriin. Ito’y nagsilbing nasusulat na tulong sa pagbasa at pagbigkas ng mga tunog ng patinig, samantalang dati ang pagbigkas ay isinalig na lamang sa sali‘t-saling sabi. Hindi binago ng mga Masoret ang tekstong kinopya nila kundi gumawa lamang sila ng panggilid na mga tanda sa Masora ayon sa kanilang minagaling. Pinagsikapan nilang huwag baguhin ang teksto. Bukod dito, sa Masora, inakay nila ang pansin sa mga kakatwang katangian ng teksto at itinala ang mga pagtutuwid na inakala nilang dapat gawin.
21. Ano ang tekstong Masoretiko?
21 Tatlong Masoretikong kaisipan ang nasangkot sa pag-unlad ng pagbigkas at ng mga tuldik na nagdiriin sa consonantal text, ang Babiloniko, ang Palestino, at ang Tiberiano. Ang tekstong Hebreo na mababasa ngayon sa nilimbag na mga edisyon ng Bibliyang Hebreo ay ang tekstong Masoretiko ayon sa pamamaraan ng kaisipang Tiberiano. Ito ay pinaunlad ng mga Masoret ng Tiberias, isang lungsod sa kanlurang baybayin ng Dagat Galilea. Malimit tukuyin ng mga talababa ng New World Translation ang tekstong Masoretiko (sa ilalim ng sagisag na M) at ang panggilid na mga tanda nito, ang Masora (sa ilalim ng sagisag na Mmargin). k
22. Anong manuskrito ng Babilonikong hanay ng mga teksto ang umiiral, at papaano ito ihahambing sa tekstong Tiberiano?
22 Ang kaisipang Palestino ay naglagay ng mga tanda ng patinig sa ibabaw ng mga katinig. Iilan lamang sa mga manuskritong ito ang umiiral ngayon, patotoo na ang sistema sa pagbigkas ay hindi perpekto. Ang Babilonikong sistema ay naglalagay rin ng mga tuldok sa ibabaw ng katinig. Ang isang manuskrito na gumamit ng Babilonikong pagtutuldok ay ang Petersburg Codex of the Prophets, ng 916 C.E., na iniingatan sa Leningrad Public Library, U.S.S.R. Nasa codex na ito ang Isaias, Jeremias, Ezekiel, at ang “pangalawahing” mga propeta, at ang mga panggilid na tanda (Masora). Buong-pananabik itong sinuri at inihambing sa tekstong Tiberiano. Bagaman ginagamit nito ang sistema ng pagtutuldok sa ibabaw ng katinig, ang totoo’y sinusunod nito ang tekstong Tiberiano may kinalaman sa consonantal text at sa mga patinig nito at sa Masora. Nasa British Museum ang isang kopya ng tekstong Babiloniko ng Pentateuko, na nasumpungang kasuwato ng tekstong Tiberiano.
23. Anong mga manuskritong Hebreo ang sunud-sunod na natuklasan malapit sa Dagat na Patay?
23 Ang Dead Sea Scrolls. Noong 1947 ay nagsimula ang isang kapana-panabik na kabanata sa kasaysayan ng manuskritong Hebreo. Sa isang yungib sa Wadi Qumran (Nahal Qumeran), sa paligid ng Dagat na Patay, ay natuklasan ang unang balumbon ng Isaias, sampu ng iba pang maka-Bibliko at di-maka-Biblikong balumbon. Agad-agad, isang kopyang photostatic ng naingatang balumbon na ito ng Isaias (1QIsa) ang inilathala upang mapag-aralan. Sinasapantaha na ito ay mula sa ikalawang siglo B.C.E. Kagila-gilalas ang tuklas na ito—isang manuskritong Hebreo na isang libong taon ang katandaan sa pinakamatandang umiiral na manuskrito ng kinikilalang Masoretikong teksto ng Isaias! l Sa iba pang mga yungib ng Qumran ay nakakuha ng mga piraso ng mahigit 170 balumbon na kumakatawan sa mga bahagi ng lahat ng aklat ng Kasulatang Hebreo maliban sa Ester. Patuloy pang pinag-aaralan ang mga balumbon.
24. Papaano ihahambing ang mga manuskritong ito sa tekstong Masoretiko, at papaano ginamit ng New World Translation ang mga ito?
24 Ayon sa pagsusuri ng isang iskolar, ang napakahabang Awit 119 sa mahalagang Dead Sea Scroll of the Psalms (11QPsa) ay halos kasuwatong-kasuwato ng pananalita ng tekstong Masoretiko ng Awit 119. Nagkomento si Propesor J. A. Sanders hinggil sa Balumbon ng Awit: “Karamihan ng [mga pagkakaiba] ay sa pagbaybay at mahalaga lamang sa mga iskolar na interesado sa sinaunang pagbigkas ng Hebreo, at mga katulad nito.” a Malimit na walang makikitang malalaking pagbabago sa iba pang kahanga-hangang sinaunang mga manuskritong ito. Ang balumbon mismo ng Isaias, bagaman nagpapakita ng pagkakaiba sa pagbaybay at balarila, ay hindi nagbabago sa punto ng doktrina. Nang inihahanda ang New World Translation, ang inilathalang balumbon ng Isaias ay sinuri kaugnay ng mga pagkakaibang ito, at gumawa ng mga pagtukoy rito. b
25. Anong mga tekstong Hebreo ang natalakay na hanggang ngayon, at ano ang tinitiyak ng pag-aaral sa mga ito?
25 Natalakay na ang pangunahing mga hanay ng paghahatid ng Kasulatang Hebreo. Ang mga ito’y ang Samaritanong Pentateuko, ang mga Aramaikong Targum, ang Griyegong Septuagint, ang Tiberianong tekstong Hebreo, ang Palestinong tekstong Hebreo, ang Babilonikong tekstong Hebreo, at ang tekstong Hebreo ng Dead Sea Scrolls. Bunga ng pagsusuri at paghahambing sa mga tekstong ito, matitiyak natin na ang Kasulatang Hebreo ay nakarating sa atin nang halos buong-buo sa anyo na unang isinulat ng kinasihang mga lingkod ng Diyos.
ANG DINALISAY NA TEKSTONG HEBREO
26. (a) Kailan pinasulong ang mapanuring pag-aaral sa tekstong Hebreo, at ano ang ilan sa mga master text na nailathala? (b) Papaano ginamit ang tekstong Ginsburg?
26 Ang huwarang nilimbag na edisyon ng Bibliyang Hebreo hanggang noong ika-19 na siglo ay ang Second Rabbinic Bible ni Jacob ben Chayyim na inilathala noong 1524-25. Noon lamang ika-18 siglo sinimulan ng mga iskolar na paunlarin ang masusing pag-aaral ng tekstong Hebreo. Noong 1776-80, sa Oxford, inilathala ni Benjamin Kennicott ang naiibang mga teksto mula sa mahigit na 600 manuskritong Hebreo. At noong 1784-98, sa Parma, inilathala ng Italyanong iskolar na si J. B. de Rossi ang ilang naiibang teksto ng mahigit na 800 karagdagang manuskrito. Naglathala rin ng master text ang Hebreong iskolar na si S. Baer ng Alemanya. At nitong kamakailan, si C. D. Ginsburg ay gumugol ng maraming taon sa paglalathala ng isang mapanuring master text ng Bibliyang Hebreo. Una itong lumitaw noong 1894, at huling nirebisa noong 1926. c Ginamit ni Joseph Rotherham ang 1894 edisyong ito sa paglalathala ng kaniyang salin sa Ingles, ang The Emphasised Bible, noong 1902, at ang mga teksto nina Ginsburg at Baer ay ginamit ni Propesor Max L. Margolis at ng mga kamanggagawa niya sa paglalathala ng sarili nilang salin ng Kasulatang Hebreo noong 1917.
27, 28. (a) Ano ang Biblia Hebraica, at papaano ito napaunlad? (b) Papaano ginamit ng New World Translation ang tekstong ito?
27 Noong 1906 inilabas sa Alemanya ng Hebreong iskolar na si Rudolf Kittel ang unang edisyon (at nang maglaon, ang ikalawa) ng kaniyang dinalisay na tekstong Hebreo na pinamagatang Biblia Hebraica, o “Ang Bibliyang Hebreo.” Dito’y naglaan si Kittel ng mga kasangkapang tekstuwal sa tulong ng malalawak na talababa, na maayos na nagtipon at naghambing sa mga manuskritong Hebreo ng tekstong Masoretiko na umiiral nang panahong yaon. Ginamit niyang saligan ang kilalang teksto ni Jacob ben Chayyim. Nang makuha niya ang mas matatanda, mas mahuhusay na tekstong Masoretiko ni Ben Asher, na naging pamantayan noong ika-10 siglo C.E., inilathala niya ang isang lubhang naiibang ikatlong edisyon ng Biblia Hebraica. Tinapos ito ng mga kasamahan niya nang siya ay mamatay.
28 Ang ika-7, ika-8, at ika-9 na mga edisyon (1951-55) ng Biblia Hebraica ni Kittel ang naging saligan para sa seksiyong Hebreo ng New World Translation sa Ingles. Ang isang bagong edisyon ng tekstong Hebreo, ang Biblia Hebraica Stuttgartensia, may petsang 1977, ay ginamit upang gawing napapanahon ang impormasyon sa mga talababa ng New World Translation na inilathala noong 1984.
29. Anong katangian ng Biblia Hebraica ang lubhang mahalaga sa pagsasauli ng banal na pangalan?
29 Ang paghaharap ni Kittel ng Masora, na nagwasto sa maraming pagbabago sa teksto na ginawa ng mga eskriba bago ang panahong Kristiyano, ay tumulong sa wastong pagsasalin ng New World Translation, pati na ang pagsasauli sa banal na pangalang Jehova. Ang lumalawak na larangan ng pagsusuri sa Bibliya ay patuloy na isinasagawa sa pamamagitan ng New World Translation.
30. (a) Sa tulong ng chart sa pahina 308 na nagpapakita ng mga saligan ng teksto ng Kasulatang Hebreo ng New World Translation, tuntunin ang kasaysayan ng tekstong Hebreo hanggang sa Biblia Hebraica bilang pangunahing saligan ng New World Translation. (b) Ano pang ibang saligan ang sinangguni ng New World Bible Translation Committee?
30 Kalakip ng araling ito ay isang chart ng mga saligan ng teksto ng Kasulatang Hebreo sa New World Translation. Sa maikli ay ipinakikita ng chart ang pagsulong ng tekstong Hebreo hanggang sa Biblia Hebraica ni Kittel, na siyang pangunahing saligan. Ang pangalawahing mga saligan ay ipinakikita ng puting putul-putol na linya. Hindi ito nagpapahiwatig na ang orihinal na Latin Vulgate at Griyegong Septuagint ang aktuwal na sinangguni. Sapagkat gaya mismo ng kinasihang kasulatang Hebreo, ang orihinal na kopya ng mga ito ay hindi na umiiral ngayon. Ang mga saligang ito ay sinangguni sa tulong ng maaasahang mga edisyon ng teksto o sa mapanghahawakang matatandang salin at kritikal na komentaryo. Sa pagsangguni sa iba’t-ibang saligang ito, nakalikha ang New World Bible Translation Committee ng isang mapanghahawakan at mapananaligang salin ng orihinal na kinasihang Kasulatang Hebreo. Ang mga saligang ito ay pawang inihaharap sa mga talababa ng New World Translation.
31. (a) Resulta ng ano ang Kasulatang Hebreo ng New World Translation? (b) Kaya anong pasasalamat at pag-asa ang maipapahayag natin?
31 Kaya ang Kasulatang Hebreo ng New World Translation ay produkto ng mahabang-panahong pagsusuri at pagsasaliksik. Salig ito sa isang teksto na may pambihirang integridad, at ito’y mayamang resulta ng tapat na pagsasalin ng teksto. May kaakit-akit na daloy at estilo, ito’y isang salin na tapat at wasto na karapat-dapat sa dibdibang pag-aaral ng Bibliya. Salamat kay Jehova, ang Diyos na nakikipagtalastasan, sapagkat ang kaniyang Salita ay buháy at makapangyarihan ngayon! (Heb. 4:12) Nawa’y maraming tapat-pusong tao ang patuloy na mapatibay sa pananampalataya dahil sa pag-aaral ng napakahalagang Salita ng Diyos at mapakilos na gawin ang kalooban ni Jehova sa makasaysayang mga panahong ito.—2 Ped. 1:12, 13.
[Mga talababa]
a Hindi nababatid kung kailan nagsimula ang paggamit ng mga sinagoga. Maaaring ito ay noong 70-taóng pagkakatapon sa Babilonya nang hindi na umiiral ang templo, o hindi nagtagal matapos ang pagbabalik mula sa pagkakatapon, noong panahon ni Ezra.
b Tingnan ang “Sam” sa mga talababa ng Genesis 4:8; Exodo 6:2; 7:9; 8:15; at Exo 12:40. Ang huling teksto ay tumutulong sa pag-unawa ng Galacia 3:17.
c Tingnan ang “T” sa mga talababa ng Bilang 24:17; Deuteronomio 33:13; at Awit 100:3.
d Reference Bible, apendise 1C, “The Divine Name in Ancient Greek Versions.”
e Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 9.
f Ipinakikilala ng New World Translation ang mga pagbabagong ito sa pamamagitan ng mga sagisag na LXXא para sa Sinaitic, LXXA para sa Alexandrine, at LXXB para sa Vatican. Tingnan ang mga talababa sa 1 Hari 14:2 at 1 Cronica 7:34; 12:19.
g Tingnan ang “Vg” sa talababa ng Exodo 37:6.
h Reference Bible, apendise 2A, “Extraordinary Points.”
i Reference Bible, apendise 1B, “Scribal Changes Involving the Divine Name.”
j Reference Bible, apendise 2B, “Emendations (Corrections) of the Sopherim.”
k Tingnan ang mga talababa sa Awit 60:5; 71:20; 100:3; at Aw 119:79.
l Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 322.
a The Dead Sea Psalms Scroll, 1967, J. A. Sanders, pahina 15.
b Tingnan ang “1QIsa” sa mga talababa ng Isaias 7:1; 14:4.
c Tingnan ang “Gins.” sa talababa ng Levitico 11:42.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Chart sa pahina 313]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ILANG PANGUNAHING MANUSKRITONG PAPIRO
Ng Kasulatang Hebreo
Pangalan ng Manuskrito Nash Papyrus
Petsa Ika-2 o Unang siglo B.C.E.
Wika Hebreo
Kinaroroonan Cambridge, Inglatera
Humigit-kumulang 24 linya ng Sampung Utos
na Nilalaman at ilang talata ng
Pangalan ng Manuskrito Rylands 458
Simbolo 957
Petsa Ika-2 siglo B.C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Manchester, Inglatera
Humigit-kumulang Mga bahagi ng Deuteronomio kab. 23-28
na Nilalaman
Pangalan ng Manuskrito Fouad 266
Petsa Unang siglo B.C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Cairo, Ehipto
Humigit-kumulang Mga bahagi ng Genesis
na Nilalaman at Deuteronomio
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
apendise 1C
Pangalan ng Manuskrito Dead Sea Leviticus Scroll
Simbolo 4Q LXX Levb
Petsa Unang siglo B.C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Jerusalem, Israel
Humigit-kumulang Mga bahagi ng
na Nilalaman Levitico
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
Pangalan ng Manuskrito Chester Beatty 6
Simbolo 963
Petsa Ika-2 siglo C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Dublin, Irlandiya, at Ann
Arbor, Mich., E.U.A.
Humigit-kumulang Mga bahagi ng Bilang
na Nilalaman at Deuteronomio
Pangalan ng Manuskrito Chester Beatty 9, 10
Simbolo 967/968
Petsa Ika-3 siglo C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Dublin, Irlandiya, at
Princeton, N.J., E.U.A.
Humigit-kumulang Mga bahagi ng Ezekiel,
na Nilalaman Daniel, at Ester
Ng Kristiyanong Kasulatang Griyego
Pangalan ng Manuskrito Oxyrhynchus 2
Simbolo P1
Petsa Ika-3 siglo C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Philadelphia, Pa., E.U.A.
Humigit-kumulang Mat. 1:1-9, 12, 14-20
na Nilalaman
Pangalan ng Manuskrito Oxyrhynchus 1228
Simbolo P22
Petsa Ika-3 siglo C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Glasgow, Scotland
Humigit-kumulang Mga bahagi ng Juan
na Nilalaman Ju kab. 15, 16
Pangalan ng Manuskrito Michigan 1570
Simbolo P37
Petsa Ika-3/4 siglo C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Ann Arbor, Mich., E.U.A.
Humigit-kumulang Mat. 26:19-52
na Nilalaman
Pangalan ng Manuskrito Chester Beatty 1
Simbolo P45
Petsa Ika-3 siglo C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Dublin, Irlandiya; Vienna,
Austria
Humigit-kumulang Mga bahagi ng Mateo,
na Nilalaman Marcos, Lucas, Juan,
at Mga Gawa
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
Pangalan ng Manuskrito Chester Beatty 2
Simbolo P46
Petsa c. 200 C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Dublin, Irlandiya; Ann
Arbor, Mich., E.U.A.
Humigit-kumulang Siyam sa mga liham ni Pablo
na Nilalaman
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
Pangalan ng Manuskrito Chester Beatty 3
Simbolo P47
Petsa Ika-3 siglo C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Dublin, Irlandiya
Humigit-kumulang Apoc. 9:10–17:2
na Nilalaman
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
Pangalan ng Manuskrito Rylands 457
Simbolo P52
Petsa c. 125 C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Manchester, Inglatera
Humigit-kumulang Juan 18:31-33, 37, 38
na Nilalaman
Pangalan ng Manuskrito Bodmer 2
Simbolo P66
Petsa c. 200 C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Geneva, Switzerland
Humigit-kumulang Kalakhan ng Juan
na Nilalaman
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
Pangalan ng Manuskrito Bodmer 7, 8
Simbolo P72
Petsa Ika-3/4 siglo C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Geneva, Switzerland, at
Aklatan ng Batikano
sa Roma, Italya
Humigit-kumulang Judas, 1 Pedro, at 2 Pedro
na Nilalaman
Pangalan ng Manuskrito Bodmer 14, 15
Simbolo P75
Petsa Ika-3 siglo C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Geneva, Switzerland
Humigit-kumulang Kalakhan ng Lucas at Juan
na Nilalaman
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
[Chart sa pahina 314]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ILANG PANGUNAHING MANUSKRITONG VELLUM AT KATAD
Ng Kasulatang Hebreo (sa Hebreo)
Pangalan ng Manuskrito Aleppo Codex
Simbolo Al
Petsa 930 C.E.
Wika Hebreo
Kinaroroonan Dating nasa Aleppo, Syria.
Ngayo’y nasa Israel.
Humigit-kumulang Malaking bahagi ng
na Nilalaman Kasulatang Hebreo (teksto
ni Ben Asher)
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
Pangalan ng Manuskrito British Museum Codex
Or4445
Petsa Ika-10 siglo C.E.
Wika Hebreo
Kinaroroonan Londres, Inglatera
Humigit-kumulang Kalakhan ng Pentateuko
na Nilalaman
Pangalan ng Manuskrito Cairo Karaite Codex
Simbolo Ca
Petsa 895 C.E.
Wika Hebreo
Kinaroroonan Cairo, Ehipto
Humigit-kumulang Nauna at nahuling Mga
na Nilalaman Propeta
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
Pangalan ng Manuskrito Leningrad Codex
Simbolo B 19A
Petsa 1008 C.E.
Wika Hebreo
Kinaroroonan Leningrad, U.S.S.R.
Humigit-kumulang Kasulatang Hebreo
na Nilalaman
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
apendise 1A
Pangalan ng Manuskrito Petersburg Codex of the
Prophets
Simbolo B 3
Petsa 916 C.E.
Wika Hebreo
Kinaroroonan Leningrad, U.S.S.R.
Humigit-kumulang Nahuling Mga Propeta
na Nilalaman
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
apendise 2B
Pangalan ng Manuskrito Dead Sea First Isaiah
Scroll
Simbolo 1QIsa
Petsa Katapusan ng ika-2
siglo B.C.E.
Wika Hebreo
Kinaroroonan Jerusalem, Israel
Humigit-kumulang Isaias
na Nilalaman
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
Pangalan ng Manuskrito Dead Sea Psalms Scroll
Simbolo 11QPsa
Petsa Unang siglo C.E.
Wika Hebreo
Kinaroroonan Jerusalem, Israel
Humigit-kumulang Mga bahagi ng 41 sa huling
na Nilalaman katlo ng Mga Awit
Ng Septuagint at ng Kristiyanong Kasulatang Griyego
Pangalan ng Manuskrito Sinaiticus
Simbolo 01( א)
Petsa Ika-4 na siglo C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Londres, Inglatera
Humigit-kumulang Bahagi ng Kasulatang Hebreo
na Nilalaman at lahat ng Kasulatang
Griyego at ilang
kasulatang Apokripal
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
1 Cron. 12:19; Juan 5:2;
Pangalan ng Manuskrito Alexandrinus
Simbolo A (02)
Petsa Ika-5 siglo C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Londres, Inglatera
Humigit-kumulang Buong Kasulatang Hebreo at
na Nilalaman Griyego (ilang maliliit na
bahagi nawala o nasira) at
ilang kasulatang Apokripal
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
Pangalan ng Manuskrito Vatican 1209
Simbolo B (03)
Petsa Ika-4 siglo C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Aklatan ng Batikano sa
Roma, Italya
Humigit-kumulang Dati’y kumpletong Bibliya.
na Nilalaman Nawawala na:
Hebreo pagkatapos ng Heb 9:14;
2 Timoteo; Tito; Filemon;
Apocalipsis
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
Ju 7:53–8:11
Pangalan ng Manuskrito Ephraemi Syri rescriptus
Simbolo C (04)
Petsa Ika-5 siglo C.E.
Wika Griyego
Kinaroroonan Paris, Pransya
Humigit-kumulang Mga bahagi ng Kasulatang
na Nilalaman Hebreo (64 dahon) at ng
Kasulatang Griyego
(145 dahon)
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
Pangalan ng Manuskrito Codex Bezae
Cantabrigiensis
Simbolo Dea (05)
Petsa Ika-5 siglo C.E.
Wika Griyego-Latin
Kinaroroonan Cambridge, Inglatera
Humigit-kumulang Kalakhan ng apat na
na Nilalaman Ebanghelyo at Mga Gawa,
ilang talata ng 3 Juan
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
Mat. 24:36; Mar. 7:16; Luc. 15:21
(ang reperensiya ay
tumutukoy lamang sa
simbolong “D”)
Pangalan ng Manuskrito Codex Claromontanus
Simbolo DP (06)
Petsa Ika-6 na siglo C.E.
Wika Griyego-Latin
Kinaroroonan Paris, Pransya
Humigit-kumulang Mga Liham ni Pablo (lakip
na Nilalaman na ang Mga Hebreo)
Mga Halimbawa ng Paggamit sa New World Translation—With
References (tingnan ang mga talababa para sa mga kasulatang
binabanggit)
Gal. 5:12 (ang reperensiya
ay tumutukoy lamang sa
simbolong “D”)
[Dayagram sa pahina 308]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga Saligan para sa Teksto ng New World Translation—Kasulatang Hebreo
Orihinal na mga Kasulatang Hebreo at Sinaunang mga Kopya
Mga Aramaikong Targum
Dead Sea Scrolls
Ang Samaritanong Pentateuko
Ang Griyegong Septuagint
Matandang Latin
Coptiko, Etiope, Armenyano
Hebrew Consonantal Text
Ang Latin Vulgate
Mga Saling Griyego—Aquila, Theodotion,
Symmachus
Siryakong Peshitta
Tekstong Masoretiko
Codex ng Cairo
Petersburg Codex of the Prophets
Codex ni Aleppo
Tekstong Hebreo ni Ginsburg
Codex ng Leningrad B 19A
Biblia Hebraica (BHK), Biblia Hebraica
Stuttgartensia (BHS)
New World Translation
Kasulatang Hebreo—Ingles; Mula sa Ingles Tungo Sa Iba Pang Makabagong Wika
[Dayagram sa pahina 309]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Mga Saligan para sa Teksto ng New World Translation—Kristiyanong Kasulatang Griyego
Orihinal na mga Kasulatang Griyego at Sinaunang mga Kopya
Saling Armenyano
Mga Saling Coptiko
Mga Saling Siryako—Curetonian, Philoxenian, Harclean,
Palestinian, Sinaitic, Peshitta
Matandang Latin
Ang Latin Vulgate
Mga Rebisadong Tesktong Latin nina Sixtus
at Clement
Greek Cursive MSS.
Teksto ni Erasmus
Teksto ni Stephanus
Textus Receptus
Tekstong Griyego ni Griesbach
Emphatic Diaglott
Mga Papiro—(a.b., Chester Beatty P45, P46, P47, Bodmer
P66, P74, P75)
Sinaunang Griyegong Uncial na MSS.—Vatican 1209 (B),
Sinaitic (א), Alexandrine (A), Ephraemi Syri rescriptus
(C), Bezae (D)
Tekstong Griyego nina Westcott at Hort
Tekstong Griyego ni Bover
Tekstong Griyego ni Merk
Tekstong Griyego na Nestle-Aland
Tekstong Griyego ng United Bible Societies
23 Saling Hebreo (Ika-14 hanggang ika-20 siglo),
isinalin mula sa Griyego o mula sa Latin Vulgate,
na ginagamit ang Tetragramaton para sa banal
na pangalan
New World Translation
Kristiyanong Kasulatang Griyego—Ingles; Mula sa Ingles Tungo Sa Ibang Makabagong Wika