Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Aralin Bilang 6—Ang Kristiyanong Tekstong Griyego ng Banal na Kasulatan

Aralin Bilang 6—Ang Kristiyanong Tekstong Griyego ng Banal na Kasulatan

Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito

Aralin Bilang 6​—Ang Kristiyanong Tekstong Griyego ng Banal na Kasulatan

Ang pagkopya ng teksto ng Kasulatang Griyego; ang paghaharap nito sa Griyego at iba pang wika hanggang sa ngayon; ang pagka-maaasahan ng makabagong teksto.

1. Papaano sinimulan ang Kristiyanong palatuntunan ng pagtuturo?

 ANG unang mga Kristiyano ay mga guro at mamamahayag ng nasusulat na ‘salita ni Jehova’ sa buong daigdig. Dinibdib nila ang sinabi ni Jesus nang paakyat na siya sa langit: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan pagdating sa inyo ng banal na espiritu, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem at sa buong Judea at Samaria at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa.” (Isa. 40:8; Gawa 1:8) Gaya ng inihula, ang unang 120 alagad ay tumanggap ng banal na espiritu, sampu ng nagpapalakas na puwersa nito. Yao’y noong Pentekostes 33 C.E. Nang araw ring yaon, nanguna si Pedro sa bagong palatuntunan ng pagtuturo sa pamamagitan ng lubusang pagpapatotoo, kaya marami ang buong-pusong tumanggap sa mensahe at mga 3,000 ang naragdag sa bagong tatag na kongregasyong Kristiyano.​—Gawa 2:14-42.

2. Anong mabuting balita ang ipinangaral, at kapahayagan ng ano ang gawaing yaon ng pagpapatotoo?

2 Sa kasaysayan wala pang grupo ang napasigla nang gayon, kaya sinimulan ng mga alagad ang isang palatuntunan ng pagtuturo na lumaganap sa bawat sulok ng daigdig noon. (Col. 1:23) Oo, sabik ang masisigasig na saksing ito ni Jehova na gamitin ang kanilang paa, lumakad sa bahay-bahay, sa bawat lungsod at bayan, sa pagpapahayag ng “mabuting balita ng mabubuting bagay.” (Roma 10:15) Tungkol ito sa haing pantubos ni Jesus, sa pagkabuhay-na-muli, at sa ipinangakong Kaharian ng Diyos. (1 Cor. 15:1-3, 20-22, 50; Sant. 2:5) Hindi pa naihaharap sa sangkatauhan ang gayong patotoo ng mga bagay na hindi nakikita. Yao’y isang “malinaw na kapahayagan ng mga katunayang hindi nakikita,” isang kapahayagan ng pananampalataya, para sa mga tumanggap kay Jehova bilang Soberanong Panginoon salig sa hain ni Jesus.​—Heb. 11:1; Gawa 4:24; 1 Tim. 1:14-17.

3. Ano ang pagkakakilanlan ng mga ministrong Kristiyano noong unang siglo C.E.?

3 Ang mga Kristiyanong ministrong ito, lalaki at babae, ay mga naliwanagang ministro ng Diyos. Marunong silang bumasa at sumulat. Inaralan sila sa Banal na Kasulatan. May kabatiran sila sa mga pangyayari sa daigdig. Sanáy sila sa paglalakbay. Tulad sila ng mga balang na di-mahadlangan sa pasulóng na pagpapalaganap ng mabuting balita. (Gawa 2:7-11, 41; Joel 2:7-11, 25) Nang unang siglong yaon ng Pangkalahatang Panahon, nakisalamuha sila sa mga tao na sa maraming paraa’y nakakatulad din ng mga tao sa ngayon.

4. Sa ilalim ng pagkasi at patnubay ni Jehova, anong pagsulat ang ginawa noong panahon ng sinaunang kongregasyong Kristiyano?

4 Bilang progresibong mga mangangaral ng “salita ng buhay,” sinamantala nila ang alinmang balumbon ng Bibliya na makukuha nila. (Fil. 2:15, 16; 2 Tim. 4:13) Apat sa kanila, sina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan, ay kinasihan ni Jehova na isulat “ang mabuting balita tungkol kay Jesu-Kristo.” (Mar. 1:1; Mat. 1:1) Ang ilan, gaya nina Pedro, Pablo, Juan, Santiago, at Judas, ay sumulat ng mga liham sa ilalim ng pagkasi. (2 Ped. 3:15, 16) Ang iba’y naging taga-kopya ng mga kinasihang kalatas, na pinakinabangan ng dumaraming kongregasyon nang sila’y magpalitan nito sa isa’t-isa. (Col. 4:16) Bukod dito, “ang mga apostol at matatanda sa Jerusalem” ay gumawa ng mga pasiya sa doktrina sa patnubay ng espiritu ng Diyos, at ang mga ito ay isinulat upang magamit sa hinaharap. Ang sentral na lupong tagapamahala ay nagpadala rin ng mga tagubilin sa malalayong kongregasyon. (Gawa 5:29-32; 15:2, 6, 22-29; 16:4) At upang magawa ito, nagtatag sila ng sariling serbisyo sa koreo.

5. (a) Ano ang codex? (b) Gaano kalawak ang paggamit ng mga sinaunang Kristiyano sa codex, at ano ang mga bentaha nito?

5 Upang mapadali ang pamamahagi ng mga Kasulatan, at mailaan ito sa isang anyong madaling saliksikin, ang mga balumbon ay pinalitan ng sinaunang mga Kristiyano ng mga manuskritong codex. Ang codex ay kahawig ng isang makabagong aklat, at ang mga pahina ay madaling buklatin kapag naghahanap ng reperensiya, di-gaya ng masalimuot na paglululon na ginagawa sa balumbon. Isa pa, sa codex ay posibleng tahiin nang sama-sama ang mga kanonikal na kasulatan, samantalang ang mga nasa balumbon ay karaniwan nang iningatan sa hiwa-hiwalay na rolyo. Mga sinaunang Kristiyano ang pasimunò sa paggamit ng codex. Baka sila pa ang tumuklas nito. Bagaman ito ay hindi agad ginaya ng mga manunulat na di-Kristiyano, karamihan ng mga papirong Kristiyano noong ikalawa at ikatlong siglo ay nasa anyong codex. a

6. (a) Kailan ang yugto ng klasikal na Griyego, ano ang saklaw nito, at kailan nabuo ang Koine, o karaniwang Griyego? (b) Papaano lumawak at gaano kalawak ang pangkalahatang paggamit ng Koine?

6 Ang Medyum na Koine (Karaniwang Griyego). Ang yugtong klasikal ng wikang Griyego ay mula ikasiyam hanggang ikaapat na siglo B.C.E. Ito ang yugto ng mga diyalektong Attic at Ionic. Nang panahong ito, at lalo na noong ikalima at ikaapat na siglo B.C.E., lumitaw ang maraming Griyegong dramatista, makata, orador, mananalaysay, pilosopo, at siyentipiko, at ang ilan sa mga napatanyag ay sina Homer, Herodotus, Socrates, Plato, at iba pa. Ang yugto mula ikaapat na siglo B.C.E. hanggang ikaanim na siglo C.E. ay tinatawag na panahong Koine, o karaniwang Griyego. Ang pangunahing dahilan ng pag-unlad nito ay ang kilusang militar ni Alejandrong Dakila, na ang hukbo ay binuo ng mga kawal mula sa lahat ng bahagi ng Gresya. Sari-sari ang diyalekto nila, at nang magkalahuk-lahok, isang karaniwang diyalekto, ang Koine, ay nabuo at naging karaniwang gamit. Ang Koine ay pinalaganap ng pananakop ni Alejandro sa Ehipto, at sa Asya magpahanggang sa Indiya, kaya ito ang naging pandaigdig na wika sa loob ng maraming siglo. Ang bokabularyong Griyego ng Septuagint ay ang umiiral na Koine sa Aleksandriya, Ehipto, noong ikatlo at ikalawang siglo B.C.E.

7. (a) Papaano nagpapatotoo ang Bibliya sa paggamit ng Koine noong panahon ni Jesus at ng mga apostol? (b) Bakit umangkop ang Koine sa pagpapalaganap ng Salita ng Diyos?

7 Noong panahon ni Jesus at ng mga apostol, Koine ang pandaigdig na wika ng imperyo ng Roma. Pinatutunayan mismo ito ng Bibliya. Nang ipako si Jesus sa tulos, ang karatula sa kaniyang ulunan ay isinulat hindi lamang sa Hebreo na wika ng mga Judio, kundi sa Latin, ang opisyal na wika ng lupain, at sa Griyego, na ginagamit sa mga lansangan ng Jerusalem na gaya rin sa Roma, Aleksandriya, o sa Atenas. (Juan 19:19, 20; Gawa 6:1) Ayon sa Gawa 9:29, nangaral si Pablo sa Jerusalem sa mga Judiong nagsasalita ng Griyego. Nang panahong yaon, ang Koine ay isang masigla, buháy, at masulong na wika​—isang magaang na lenguwahe at angkop sa matayog na layunin ni Jehova na mapalaganap pa nang higit ang banal na Salita.

ANG TEKSTONG GRIYEGO AT ANG PAGHAHARAP NITO

8. Bakit pa susuriin ang balon ng mga manuskrito ng Kasulatang Griyego?

8 Sa nakaraang aralin, nalaman natin na iningatan ni Jehova ang mga tubig ng katotohanan sa isang balon ng mga dokumento​—ang kinasihang Kasulatang Hebreo. Ngunit kumusta ang mga Kasulatan na isinulat ng mga apostol at ng iba pang alagad ni Jesu-Kristo? Ganoon din ba kaingat ang pag-aalaga sa mga ito? Ganoon nga, ayon sa pagsusuri ng malalim na balon ng mga manuskritong Griyego, at maging ng ibang wika. Gaya ng nasabi na, ang bahaging ito ng kanon ng Bibliya ay may 27 aklat. Ating isaalang-alang ang mga hanay ng tekstuwal na paghaharap ng 27 aklat at tingnan kung papaanong ang orihinal na tekstong Griyego ay naingatan hanggang sa araw na ito.

9. (a) Sa anong wika isinulat ang mga Kasulatang Kristiyano? (b) Sa anong natatangi ang Mateo?

9 Ang Bukal ng mga Manuskritong Griyego. Ang 27 kanonikal na aklat ng Kasulatang Kristiyano ay nasa karaniwang Griyego ng panahong yaon. Gayunman, ang aklat ni Mateo ay malamang na unang isinulat sa maka-Biblikong Hebreo, sa kapakanan ng mga Judio. Binabanggit ito ng ikaapat-na-siglong tagapagsalin ng Bibliya na si Jerome, na nagsabing nang maglaon ay isinalin ito sa Griyego. b Malamang na si Mateo mismo ang nagsalin​—palibhasa siya’y nasa serbisyo sibil ng Roma, at maniningil ng buwis, tiyak na bihasa siya sa Hebreo, Latin, at Griyego.​—Mar. 2:14-17.

10. Papaano nakarating sa atin ang mga kasulatan ng Bibliya?

10 Ang ibang Kristiyanong manunulat ng Bibliya, sina Marcos, Lucas, Juan, Pablo, Pedro, Santiago, at Judas, ay pawang sumulat sa Koine, ang karaniwan, buháy na wikang naunawaan ng mga Kristiyano at halos lahat ng tao noong unang siglo. Ang huli sa orihinal na mga dokumento ay isinulat ni Juan noong mga 98 C.E. Sa abot ng nalalaman, isa man sa 27 orihinal na manuskritong Koine ay hindi na umiiral ngayon. Gayunman, mula sa orihinal na bukal na ito, umagos hanggang sa atin ang mga kopya ng orihinal, kopya mula sa mga kopya, at sambahayan ng mga kopya, isang malalim na balon ng mga manuskrito ng Kristiyanong Kasulatang Griyego.

11. (a) Anong pondo ng mga manuskrito ang umiiral ngayon? (b) Papaano ihahambing sa mga klasika ang dami at edad ng mga ito?

11 Isang Balon ng Mahigit 13,000 Manuskrito. Ngayon ay may napakalaking pondo ng mga manuskritong kopya ng 27 kanonikal na aklat. Ang ilan ay sumasaklaw sa malalaking bahagi ng Kasulatan; ang iba’y maliliit na piraso lamang. Ayon sa isang tantiya, may mahigit na 5,000 sa orihinal na Griyego. Bukod dito, may mahigit na 8,000 sa iba’t-ibang wika​—mahigit na 13,000 manuskrito sa kabuuan. May petsang mula ika-2 siglo C.E. hanggang ika-16 siglo C.E., lahat ay tumutulong upang matiyak ang tunay, orihinal na teksto. Ang pinakamatanda ay ang bahaging papiro ng Ebanghelyo ni Juan na nasa John Rylands Library sa Manchester, Inglatera, kilala sa bilang na P52, mula sa unang kalahatian ng ikalawang siglo, malamang na mga 125 C.E. c Kaya, isinulat ito humigit-kumulang 25 taon lamang pagkatapos ng orihinal. Kung uunawain na iilang manuskrito lamang ang umiiral upang matiyak ang teksto ng karamihan ng mga klasika, at bihira rito ang napakalapit sa siglo ng pagkasulat ng orihinal, makikita natin na napakasagana ng ebidensiya na tumitiyak sa isang mapanghahawakang teksto ng Kristiyanong Kasulatang Griyego.

12. Sa ano isinulat ang unang mga manuskrito?

12 Mga Manuskritong Papiro. Gaya ng sinaunang mga kopya ng Septuagint, ang unang mga manuskrito ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ay isinulat sa papiro, at ginamit ito para sa mga manuskrito ng Bibliya hanggang noong ikaapat na siglo C.E. Malamang na papiro rin ang ginamit ng mga manunulat ng Bibliya nang sumusulat sila sa mga kongregasyong Kristiyano.

13. Anong mahalagang tuklas sa papiro ang inihayag sa madla noong 1931?

13 Napakaraming kasulatang papiro ang natuklasan sa lalawigan ng Faiyūm, sa Ehipto. Noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, may ilang papiro ng Bibliya na natuklasan. Isa sa pinakamahalagang tuklas ay yaong inihayag sa publiko noong 1931. Binuo ito ng 11 codex, na may mga bahagi ng 8 iba’t-ibang aklat ng kinasihang Kasulatang Hebreo at 15 aklat ng Kristiyanong Kasulatang Griyego, pawang nasa wikang Griyego. Ang mga petsa nito ay mula ikalawa hanggang ikaapat na siglo ng Pangkalahatang Panahon. Karamihan ng mga bahagi ng Kristiyanong Kasulatang Griyego na kasamang natuklasan ay nasa Chester Beatty Collections at itinatala bilang P45, P46, at P47, ang simbolong “P” ay katumbas ng “Papiro.”

14, 15. (a) Anong bukod-tanging papirong manuskrito ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ang nasa talahanayan sa pahina 313? (b) Ipakita kung papaano ginamit ng New World Translation ang mga manuskritong ito. (c) Ano ang pinatutunayan ng sinaunang mga codex na papiro?

14 Mula 1956 hanggang 1961 inilathala sa Geneva, Switzerland ang papiro mula sa isa pang kahanga-hangang koleksiyon. Tinatawag na Bodmer Papyri, kabilang dito ang sinaunang mga teksto ng dalawang Ebanghelyo (P66 at P75) buhat sa pasimula ng ikatlong siglo C.E. Sa talahanayan na kasunod ng araling ito ay nakalista ang ilang namumukod-tanging sinaunang papiro ng mga Kasulatang Hebreo at Kristiyanong Griyego. Sa huling tudling, ay binabanggit ang mga talata sa New World Translation of the Holy Scriptures na sinusuhayan ng mga manuskritong ito, gaya ng ipinahihiwatig sa talababa ng mga talatang nabanggit.

15 Ang pagkatuklas ng mga papirong ito ay nagpapatotoo na ang kanon ng Bibliya ay maagang nabuo. Sa Chester Beatty Papyri, ipinakikita ng dalawang codex​—ang isa’y pinagsasama ang mga bahagi ng apat na Ebanghelyo at Mga Gawa (P45) at ang isa naman ay may 9 sa 14 na liham ni Pablo (P46)​—na ang kinasihang Kristiyanong Kasulatang Griyego ay natipon agad pagkamatay ng mga apostol. Yamang kailangan ang panahon upang ang mga codex ay maipamahagi nang malawakan at makarating hanggang sa Ehipto, maliwanag na, sa pinakahuli, ang mga Kasulatang ito ay tinipon sa huwarang anyo noong ikalawang siglo. Kaya, pagkatapos ng ikalawang siglo, tiyak na natapos na ang kanon ng Kristiyanong Kasulatang Griyego, at nakumpleto na rin ang kanon ng buong Bibliya.

16. (a) Anong mga manuskritong uncial ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ang naingatan hanggang ngayon? (b) Gaano kalawak ang paggamit ng mga manuskritong uncial sa New World Translation, at bakit?

16 Mga Manuskritong Vellum at Katad. Gaya ng ipinakita sa nakaraang aralin, ang mas matibay na vellum, isang pinong grado ng parchment mula sa balat ng guya, kordero, o kambing, ay ipinalit sa papiro pasimula noong ikaapat na siglo C.E. Ang ilang mahalagang manuskrito ng Bibliya na umiiral ngayon ay isinulat sa vellum. Natalakay na natin ang mga manuskritong vellum at katad para sa Kasulatang Hebreo. Sa talahanayan sa pahina 314 ay nakalista ang ilang namumukod-tanging manuskritong vellum at katad para sa mga Kasulatang Hebreo at Kristiyanong Griyego. Ang para sa Kasulatang Griyego ay pawang nasusulat sa malalaking titik at tinatawag na mga uncial. Iniuulat ng New Bible Dictionary ang 274 manuskritong uncial ng Kristiyanong Kasulatang Griyego, mula ikaapat hanggang ikasampung siglo C.E. Nariyan din ang 5,000 manuskritong cursive, o minuscule, na may letrang kabit-kabit. d Ang mga ito ay isinulat din sa vellum mula ikasiyam na siglo C.E. hanggang sa pasimula ng pag-iimprenta. Dahil sa napakaagang petsa at pangkalahatang kawastuan, ang mga manuskritong uncial ay ginamit nang malawakan ng New World Bible Translation Committee sa maingat na pagsasalin ng tekstong Griyego. Ipinahihiwatig ito sa talahanayan na “Ilang Pangunahing Manuskritong Vellum at Katad.”

YUGTO NG PAGSUSURI AT PAGDALISAY SA TEKSTO

17. (a) Anong dalawang kaganapan ang umakay sa higit pang pag-aaral sa tekstong Griyego ng Bibliya? (b) Anong katha ang nagpabantog kay Erasmus? (c) Papaano binubuo ang isang nilimbag na master text?

17 Teksto ni Erasmus. Noong napakahabang mga siglo ng Edad Medya, nang mangibabaw ang wikang Latin at ang Kanlurang Europa ay mapailalim sa kamay na bakal ng Iglesiya Katolika Romana, humina nang husto ang pagsusuri at pag-aaral. Ngunit kasabay ng imbensiyon sa Europa ng imprenta na gumagamit ng palit-palit na tipo noong ika-15 siglo at ng Repormasyon noong ika-16 na siglo, nagkaroon ng higit na kalayaan, at muling sumiklab ang interes sa wikang Griyego. Noong maagang pagbangong ito ng pag-aaral ay inilathala ng tanyag na iskolar Olandes na si Desiderius Erasmus ang kaniyang unang edisyon ng isang master text ng “Bagong Tipan” sa Griyego. (Nabubuo ang ganitong nilimbag na master text sa maingat na paghahambing ng maraming manuskrito at paggamit ng mga salitang itinuturing na orihinal, at madalas ay may kalakip na mga nota sa ibaba, tungkol sa alinmang naiibang salin sa ibang manuskrito.) Ang unang edisyon ay nilimbag sa Basel, Switzerland, noong 1516, isang taon bago ang Repormasyon sa Alemanya. Ang unang edisyon ay napakaraming mali, ngunit ang isang pinahusay na teksto ay iniharap ng sumunod na mga edisyon noong 1519, 1522, 1527, at 1535. Kakaunti ang manuskritong cursive na nagamit ni Erasmus sa pagtitipon at paghahanda ng kaniyang master text.

18. Ano ang pinangyari ng teksto ni Erasmus, at sino ang talagang nakinabang dito?

18 Ang dinalisay na tekstong Griyego ni Erasmus ay naging saligan ng mas mahuhusay na salin tungo sa mga wika ng Kanlurang Europa. Kaya nailathala ang mga saling mas mahusay kaysa mga naunang salin mula sa Latin Vulgate. Ang unang gumamit ng teksto ni Erasmus ay si Martin Luther ng Alemanya, na natapos magsalin ng Kristiyanong Kasulatang Griyego sa wikang Aleman noong 1522. Sa harap ng mahigpit na pag-uusig, isinunod ni William Tyndale ng Inglatera ang kaniyang saling Ingles mula sa teksto ni Erasmus, na natapos nang siya’y maging tapon sa kontinente ng Europa noong 1525. Ang teksto ni Erasmus ay isinalin sa Italyano ni Antonio Brucioli ng Italya noong 1530. Ang tekstong Griyego ni Eramus ang nagbukas ng daan sa yugto ng tekstuwal na pagsusuri. Ang tekstuwal na pagsusuri ay ang paraang ginagamit sa muling pagbuo at pagsasauli ng orihinal na teksto ng Bibliya.

19. Ano ang kasaysayan ng paghahati ng Bibliya sa mga kabanata at talata, at ano ang pinangyari nito?

19 Paghahati sa mga Kabanata at Talata. Noong ika-16 na siglo, si Robert Estienne, o Stephanus, ay napatanyag sa Paris bilang tagapaglimbag at patnugot. Bilang patnugot, nakita niya na praktikal ang paggamit ng mga kabanata at talata upang mapadali ang pagsasaliksik, kaya ipinakilala niya ang paraang ito sa kaniyang Griyego-Latin na Bagong Tipan noong 1551. Ang paghahati ng mga talata ay unang ginawa ng mga Masoret para sa Kasulatang Hebreo, ngunit noong 1553 ang Bibliyang Pranses ni Stephanus ang unang gumamit ng kasalukuyang mga paghahati sa buong Bibliya. Ginaya ito ng sumunod na mga Bibliya sa wikang Ingles at naging posible ang paglalathala ng mga konkordansiya sa Bibliya gaya niyaong kay Alexander Cruden noong 1737 at ng dalawang kumpletong konkordansiya sa Authorized Version ng Bibliyang Ingles​—ang kay Robert Young, unang inilathala sa Edinburgh noong 1873, at ang kay James Strong, inilathala sa Nueba York noong 1894.

20. Ano ang Textus Receptus, at naging saligan ito ukol sa ano?

20 Textus Receptus. Gumamit din si Stephanus ng ilang edisyon ng Griyegong “Bagong Tipan.” Pangunahin itong nakasalig sa teksto ni Erasmus, taglay ang mga pagtutuwid ayon sa Complutensian Polyglott ng 1522 at 15 manuskritong cursive ng nakalipas na ilang siglo. Ang ikatlong edisyon ng tekstong Griyego ni Stephanus noong 1550 ay naging ang Textus Receptus (Latin para sa “tinanggap na teksto”) na pinagsaligan ng iba pang ika-16 na siglong salin sa Ingles at ng King James Version ng 1611.

21. Anong dinalisay na mga teksto ang inilathala mula noong ika-18 siglo, at papaano ginamit ang mga ito?

21 Dinalisay na mga Tekstong Griyego. Nang maglaon, naglathala ang mga Griyegong iskolar ng mas dalisay na mga teksto. Namumukod-tangi ang kay J. J. Griesbach, na sumangguni sa daan-daang manuskritong Griyego noong katapusan ng ika-18 siglo C.E. Inilimbag noong 1796-1806 ang pinakamahusay na edisyon ni Griesbach ng buong tekstong Griyego. Ang kaniyang master text ay naging saligan ng saling Ingles ni Sharpe noong 1840 at ito ang tekstong Griyego na ginamit sa The Emphatic Diaglott, na unang inilathala nang buo noong 1864. Ang iba pang mahuhusay na teksto ay ang kina Konstantin von Tischendorf (1872) at Hermann von Soden (1910), at ang huli ay naging saligan ng saling Ingles ni Moffatt noong 1913.

22. (a) Anong tekstong Griyego ang tinanggap nang malawakan? (b) Ginamit itong saligan para sa anong mga salin sa Ingles?

22 Teksto nina Westcott at Hort. Isang Griyegong master text na malawakang tinanggap ay yaong inilathala noong 1881 nina B. F. Westcott at F. J. A. Hort, mga iskolar ng Cambridge University. Ang mga pahina ng tekstong Griyego nina Westcott at Hort ay sinangguni ng British Revision Committee, na doo’y kaanib ang dalawa, para sa rebisyon ng “Bagong Tipan.” Ito ang master text na pangunahing ginamit sa pagsasalin sa Ingles ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ng New World Translation. Ito rin ang saligan ng mga saling ito sa Ingles: The Emphasised Bible, ang American Standard Version, An American Translation (Smith-Goodspeed), at ang Revised Standard Version. e Ang huli ay gumamit din ng teksto ni Nestle.

23. Ano pang ibang teksto ang ginamit para sa New World Translation?

23 Ang tekstong Griyego ni Nestle (ika-18 edisyon, 1948) ay ginamit din ng New World Bible Translation Committee ukol sa paghahambing. Sinangguni rin ng komite ang salin ng mga Katolikong Jesuitang iskolar na sina José M. Bover (1943) at Augustinus Merk (1948). Kinonsulta ang 1975 na teksto ng United Bible Societies at ang 1979 na tekstong Nestle-Aland upang gawing napapanahon ang mga talababa ng 1984 Reference Edition. f

24. Sa ano pang sinaunang mga salin sumangguni ang New World Translation? Ano ang ilang halimbawa?

24 Sinaunang mga Salin Mula sa Griyego. Bukod sa mga manuskritong Griyego, mapag-aaralan din ngayon ang maraming manuskrito ng mga salin ng Kristiyanong Griyegong Kasulatan sa ibang wika. May mahigit na 50 manuskrito (o mga piraso) ng mga saling Old Latin at libu-libong manuskrito ng Latin Vulgate ni Jerome. Ang New World Bible Translation Committee ay sumangguni rin sa mga ito, at maging sa mga saling Coptiko, Armeniano, at Siriako. g

25. Ano ang lalung-lalo nang kasiya-siya sa mga salin ng wikang Hebreo na tinutukoy sa New World Translation?

25 Mula noong ika-14 na siglo, marami nang salin ng Kasulatang Griyego ang nailathala sa wikang Hebreo. Nakasisiya na ang ilan ay nagsauli ng banal na pangalan sa Kristiyanong Kasulatan. Maraming beses tumutukoy ang New World Translation sa mga saling Hebreong ito sa ilalim ng simbolong “J” na may nakaangat na bilang. Ukol sa detalye, tingnan ang paunang salita ng New World Translation of the Holy Scriptures​—With References, pahina 9-10, at apendise 1D, “The Divine Name in the Christian Greek Scriptures.”

MGA TEKSTUWAL NA PAGKAKAIBA AT ANG KAHULUGAN NG MGA ITO

26. Papaano bumangon ang tekstuwal na mga pagkakaiba at mga pamilya ng manuskrito?

26 Maraming masusumpungang tekstuwal na pagkakaiba sa 13,000 manuskrito ng Kristiyanong Kasulatang Griyego. Sa 5,000 manuskrito lamang sa wikang Griyego ay marami nang makikita. Dapat unawain na bawat kopyang sinipi sa sinaunang mga manuskrito ay may sariling natatanging pagkakamali ng eskriba. Nang ang isang kopya ay gamitin sa ibang dako, ang mga pagkakamali ay naulit sa mga pagkopyang ginagawa sa dakong yaon at nagiging katangian ito ng iba pang manuskrito roon. Ganito nabuo ang mga pamilya ng magkakatulad na mga manuskrito. Hindi ba dapat ikabahala ang libu-libong pagkakamali ng mga eskriba? Hindi ba kawalan ito ng katapatan sa pagsasalin ng teksto? Aba, hindi!

27. Papaano natiyak ang katapatan ng tekstong Griyego?

27 Sinabi ni F. J. A. Hort, isa sa naglathala ng tekstong Westcott at Hort: “Ang kalakhang bahagi ng mga salita sa Bagong Tipan ay hindi saklaw ng nagtatanging paraan ng pamumuna, sapagkat ang mga ito ay malaya sa pagbabago, at nangangailangan lamang kopyahin. . . . Kung isasantabi . . . ang maliliit na pagkakaiba, sa aming palagay, ang mga salitang pinag-aalinlanganan ay wala pa sa ika-isang libong bahagi ng buong Bagong Tipan.” h

28, 29. (a) Papaano dapat tayahin ang dinalisay na tekstong Griyego? (b) Anong mapanghahawakang pangungusap ang taglay natin tungkol dito?

28 Pagtaya sa Paghaharap ng Teksto. Papaano kung gayon tatayahin ang katapatan at pagiging-tunay ng teksto, pagkaraan ng maraming siglo ng pagsasalin? Bukod sa libu-libong manuskrito ang maaaring paghambingin, ang pagkatuklas ng mas matatandang manuskrito ng Bibliya nitong nakaraang ilang dekada ay naghahatid sa tekstong Griyego nang pabalik hanggang sa halos kasing-aga ng 125 C.E., mga dalawang dekada lamang mula nang mamatay si apostol Juan noong mga 100 C.E. Ang ebidensiyang ito ay mariing katiyakan na taglay natin ngayon ang isang mapanghahawakang tekstong Griyego sa dinalisay na anyo. Pansinin ang pagtaya ng dating direktor at bibliotekaryo ng British Museum, si Sir Frederic Kenyon:

29 “Napakaliit ang agwat sa petsa ng orihinal na pagsulat at ng pinakamaagang umiiral na ebidensiya anupat halos hindi na ito mapapansin, at napawi na ang kahuli-hulihang saligan upang mag-alinlangan kung baga nakarating sa atin ang mga kasulatan na gaya ng unang pagkasulat nito. Ang pagiging-totoo at ang pangkalahatang integridad ng mga aklat ng Bagong Tipan ay ganap nang napatunayan. Gayunman, ang pangkalahatang integridad ay naiiba naman sa katiyakan sa detalye.” i

30. Bakit tayo makapagtitiwala na ang New World Translation ay naghaharap ng tapat na “salita ni Jehova” sa mga mambabasa nito?

30 Tungkol sa huling obserbasyon na “katiyakan sa detalye,” saklaw ito ng sinabi ni Dr. Hort sa parapo 27. Trabaho ng mga tagapagdalisay ng teksto na ituwid ang mga detalye, at ito ay nagawa nila sa makatuwirang antas. Kaya, kilala ang dinalisay na tekstong Griyego nina Westcott at Hort sa kataasan ng uri. At palibhasa salig sa napakahusay na tekstong ito, ang “salita ni Jehova” ay buong-katapatang maihaharap ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ng New World Translation sa mga mambabasa nito, yamang kagila-gilalas itong naingatan sa Griyegong balon ng mga manuskrito.​—1 Ped. 1:24, 25.

31. (a) Ano ang ipinakita ng makabagong mga tuklas tungkol sa teksto ng Kasulatang Griyego? (b) Papaano ipinahihiwatig ng chart sa pahina 309 ang pangunahing pinagkunan ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ng New World Translation, at ano ang ilan sa pangalawahing mga pinagkunan?

31 Nakawiwili rin ang komento ni Sir Frederic Kenyon sa kaniyang aklat na Our Bible and the Ancient Manuscripts, 1962, sa pahina 249: “Dapat tayong masiyahan na sa pangkalahatan ang pagiging-tunay ng teksto ng Bagong Tipan ay sinusuhayan ng mga makabagong tuklas na nagpaikli ng agwat sa pagitan ng orihinal na mga kasulatan at ng pinakamaagang umiiral na mga manuskrito, at ang mga pagkakaiba sa pagkasulat, bagaman kapansin-pansin, ay hindi nakakaapekto sa saligang mga doktrina ng pananampalatayang Kristiyano.” Gaya ng makikita sa pahina 309 sa chart na “Mga Saligan para sa Teksto ng New World Translation​—Kristiyanong Kasulatang Griyego,” lahat ng magkakaugnay na dokumento ay sinangguni upang maglaan ng isang wasto-ang-pagkasaling teksto sa Ingles. Ang tapat na mga pagsasaling ito ay inaalalayan ng mahahalagang talababa. Sa paglalathala ng napakainam na salin, ginamit ng New World Bible Translation Committee ang pinakamahuhusay na resulta ng pagsusuri ng Bibliya sa paglipas ng mga dantaon. Makapagtitiwala tayo na ang Kristiyanong Kasulatang Griyego, gaya ng taglay natin ngayon, ay naglalaman nga ng “uliran ng mga salitang magagaling” na isinulat ng kinasihang mga alagad ni Jesu-Kristo. Nawa’y patuloy tayong makapanghawakan sa mahahalagang salitang ito, sa pananampalataya at sa pag-ibig!​—2 Tim. 1:13.

32. Bakit pinag-ukulan ng malawak na pansin ang mga manuskrito at teksto ng Banal na Kasulatan, at ano ang kasiya-siyang resulta nito?

32 Ang araling ito at ang sinundan ay kapuwa tumalakay sa mga manuskrito at teksto ng Banal na Kasulatan. Bakit pinag-ukulan ito ng malawak na pansin? Upang ipakita nang walang pag-aalinlangan na ang mga teksto ng mga Kasulatang Hebreo at Griyego ay walang pinag-iba sa tunay, orihinal na teksto na ipinasulat ni Jehova sa tapat na kinasihang mga lalaki noong una. Ang orihinal na mga kasulatang yaon ay kinasihan. Ang mga tagakopya, bagaman dalubhasa, ay hindi kinasihan. (Awit 45:1; 2 Ped. 1:20, 21; 3:16) Kaya kinailangang salain ang napakalawak na balon ng mga manuskrito upang malinaw at walang-pagkakamaling makilala ang dalisay na tubig ng katotohanan gaya nang una itong umagos mula sa Dakilang Bukal, si Jehova. Lahat ng pasasalamat ay iukol kay Jehova dahil sa kamangha-manghang kaloob ng kaniyang Salita, ang kinasihang Bibliya, at ang nakagiginhawang mensahe ng Kaharian na umaagos mula sa mga pahina nito!

[Mga talababa]

a Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 354-5.

b Tingnan ang pahina 176, parapo 6.

c Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 323; New Bible Dictionary, ikalawang edisyon, 1986, J. D. Douglas, pahina 1187.

d New Bible Dictionary, ikalawang edisyon, pahina 1187.

e Tingnan ang chart na “Ilang Pangunahing Salin ng Bibliya sa Pitong Prinsipal na Wika,” sa pahina 322.

f The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures, 1985, pahina 8-9.

h The New Testament in the Original Greek, 1974, Tomo I, pahina 561.

i The Bible and Archaeology, 1940, pahina 288-9.

[Mga Tanong sa Aralin]