Aralin Bilang 7—Ang Bibliya sa Makabagong Panahon
Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito
Aralin Bilang 7—Ang Bibliya sa Makabagong Panahon
Ang kasaysayan ng mga Bible society; ang gawain ng Samahang Watch Tower na paglilimbag at paglalathala ng mga Bibliya; ang paglalabas ng New World Translation.
1. (a) Sa anong layunin ibinigay ang banal na mga kapahayagan, at bakit hindi isinulat ang ilan sa mga ito? (b) Anong tuwirang utos ang ibinigay ni Jehova sa maraming propeta, at ano ang pakinabang nito sa “mga huling araw”?
ANG Banal na Kasulatan, ang 66 na kinasihang mga aklat na kilala ngayon bilang ang Bibliya, ay ang nasusulat na “salita ni Jehova.” (Isa. 66:5) Sa loob ng maraming dantaon, ang “salita[ng]” ito ay saganang umagos mula kay Jehova tungo sa mga propeta at mga lingkod niya sa lupa. Tinupad ng banal na mga kapahayagan ang talagang layunin ng mga ito at naglaan din ng maningning na mga banaag ng mga pangyayaring magaganap sa malapit na hinaharap. Hindi hiniling sa mga propeta ng Diyos na laging isulat ang bawat “salita ni Jehova” na dumating sa kanila. Halimbawa, ang ilan sa mga sinabi nina Elias at Eliseo para sa kanilang lahi ay hindi napasulat. Sa kabilang dako, sina propeta Moises, Isaias, Jeremias, Habacuc, at iba pa ay tuwirang inutusan na “isulat” o ‘iulat sa isang aklat o balumbon’ “ang salita ni Jehova.” (Exo. 17:14; Isa. 30:8; Jer. 30:2; Hab. 2:2; Apoc. 1:11) Kaya naingatan “ang mga salitang sinabi nang una ng mga banal na propeta,” sampu ng iba pang banal na mga kasulatan, upang pukawin ang isipan ng mga lingkod ni Jehova at lalo na upang maging patnubay sa “mga huling araw.”—2 Ped. 3:1-3.
2. Anong mga yugto sa kasaysayan ang nakilala sa pagbilis ng pagkopya at pagsasalin ng Bibliya?
2 Ang maramihang pagkopya ng kinasihang Kasulatang Hebreo ay nagsimula noong panahon ni Ezra. Buhat noong unang siglo ng Pangkalahatang Panahon, ang Bibliya ay paulit-ulit na kinopya ng sinaunang mga Kristiyano at ginamit sa pagpapatotoo sa mga layunin ni Jehova kaugnay ni Kristo sa nasasakupan ng sinaunang sanlibutan. Nang mauso ang pag-iimprenta sa tulong ng naililipat na tipo (mula ika-15 siglo), bumilis ang pagpaparami at pamamahagi ng mga kopya ng Bibliya. Ang kalakhan ng pagsasalin at paglilimbag ay ginawa ng mga pribadong grupo noong ika-16 at ika-17 siglo. Sing-aga ng 1800, ang Bibliya ay lumitaw nang buo o baha-bahagi sa 71 wika.
MGA “BIBLE SOCIETIES”
3. Anong salik ang nagpabilis sa pamamahagi ng Bibliya buhat nang pasimula ng ika-19 na siglo?
3 Lalo itong bumilis noong ika-19 at ika-20 siglo, nang ang bagong-katatatag na mga Bible society ay makibahagi sa dambuhalang gawain ng pamamahagi ng Bibliya. Ang isa sa pinaka-maaga ay ang British and Foreign Bible Society, na inorganisa sa Londres noong 1804. Umakay ito sa pagtatatag ng marami pang gayong mga samahan. a
4. (a) Anong mga estadistika ang nagpapatotoo na ang salita ng buhay ay tunay ngang lumaganap sa lupa? (b) Anong nakatutulong na impormasyon ang inilalaan ng chart sa pahina 322 tungkol sa iba’t-ibang salin ng Bibliya? Ilarawan ito sa pamamagitan ng isang espesipikong salin ng Bibliya.
4 Sa dami ng mga Bible society, lumaganap ang pamamahagi ng Bibliya. Pagsapit ng 1900, ang Bibliya ay lumitaw nang buo o baha-bahagi sa 567 wika, at noong 1928, sa 856 wika. Pagsapit ng 1938 ay nalampasan ang unang isang libo, at ngayon ito ay mababasa sa mahigit 1,900 wika. Buong lupa ay natakpan na ng nakagiginhawang salita ng buhay mula kay Jehova! Maaari nang tumugon ang mga tao sa lahat ng bansa sa panawagang: “Purihin si Jehova, kayong mga bansa, at hayaang ang lahat ay pumuri sa kaniya.” (Roma 15:11) Ang chart sa pahina 322, “Ilang Pangunahing Salin ng Bibliya sa Pitong Prinsipal na Wika,” ay may karagdagang impormasyon sa makabagong-panahong pamamahagi ng Bibliya.
5. Ano ang higit na mahalaga kaysa pamamahagi ng Bibliya, ngunit sa ano nagpapasalamat ang mga Saksi ni Jehova?
5 Bagaman kapuri-puri ang pagpapaabot ng Bibliya sa napakaraming tao sa lupa, mas mahalaga ang paggamit nito upang tulungan ang mga tao na maunawaan ang Bibliya. Noong kapanahunan ng mga Judio at sinaunang Kristiyano, nang kakaunti pa ang Bibliya, naging mahalaga ang paghahatid sa “kahulugan” ng salita, at ito pa rin ang pinakamahalaga sa lahat. (Mat. 13:23; Neh. 8:8) Gayunman, ang pagtuturo ng Salita ng Diyos sa mga tao ay pinabilis ng malawak na pamamahagi ng Bibliya. Habang ipinagpapatuloy ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pangglobong-gawain ng pagtuturo ng Bibliya, nagpapasalamat sila na milyun-milyong Bibliya ang makukuha ngayon sa maraming lupain at wika.
MGA SAKSI NI JEHOVA BILANG MGA TAGAPAGLATHALA NG BIBLIYA
6. Nakilala ang mga Saksi ni Jehova ngayon dahil sa anong gawain na kagaya noong sinaunang panahon?
6 Ang mga Saksi ni Jehova ay mga tagapaglathala ng Bibliya. Ganito rin noong panahon ni Ezra. At maging noong panahon ng sinaunang mga alagad ni Jesu-Kristo, na pumunô sa sinaunang daigdig ng kanilang mga sulat-kamay na kopya ng Bibliya anupat ang mayaman nilang pamana ng mga kasulatang manuskrito ay higit kaysa alinmang sinaunang babasahin. Sa makabagong panahon, nakilala ang mga Saksi ni Jehova sa ganito ring masigasig na paglalathala ng Bibliya.
7. Anong korporasyon ang itinatag ng mga Saksi ni Jehova? kailan? at papaano nila pinasulong ang kanilang ministeryo nang panahong yaon?
7 Noong 1884 itinatag ng mga Saksi ni Jehova ang isang korporasyon sa paglalathala ng Bibliya, ang korporasyong kilala ngayon bilang ang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania. Sa pasimula, ang mga Saksi ay bumili ng mga Bibliya sa ibang Bible society para may maipamahagi sila, samantalang pinasusulong ang bahay-bahay na ministeryo na nagtatangi sa kanila. Ginamit nila ang Ingles na King James Version ng 1611 bilang saligang bersiyon sa pag-aaral ng Bibliya.
8. (a) Papaano naging tapat ang Watch Tower Bible and Tract Society sa pangalan nito? (b) Papaano pinakinabangan ng Samahan ang maraming mga salin ng Bibliya, at ano ang resulta?
8 Tapat sa pangalan, naging abalá ang Watch Tower Bible and Tract Society sa pamamahagi ng mga Bibliya, sampu ng paglalathala ng mga aklat, pulyeto, at iba pang babasahing Kristiyano. Layunin nito na ituro nang wasto ang Salita ng Diyos. Ang pagtuturo nila ng Bibliya ay tumulong sa mga umiibig sa katuwiran na kumalas sa tradisyon ng huwad na relihiyon at makasanlibutang pilosopiya at bumaling sa kalayaan ng katotohanan ng Bibliya na ipinahayag ni Jesus at ng iba pang tapat na tagapagsalita ni Jehova. (Juan 8:31, 32) Mula nang ilathala ang magasing The Watchtower noong 1879, ang mga publikasyon ng Samahang Watch Tower ay sumipi, bumanggit, at tumukoy sa napakaraming iba’t-ibang salin ng Bibliya. Kinikilala ng Samahan ang halaga ng mga ito at pinakinabangan ang mabubuting katangian ng mga ito bilang mahalagang tulong sa pagpawi ng relihiyosong kalituhan at sa paghaharap ng mensahe ng Diyos.
9. Papaano pinasok ng Samahan ang larangan ng paglalathala ng Bibliya?
9 Mga Bibliya nina Rotherham at Holman. Noong 1896, sa tulong ng Samahang Watch Tower, tuwirang pinasok ng mga Saksi ni Jehova ang larangan ng paglalathala at pamamahagi ng Bibliya. Nang taóng yaon ang karapatan sa paglalathala sa Estados Unidos ng nirebisang ikalabindalawang edisyon ng Bagong Tipan ay nakamit nila mula sa Ingles na tagapagsalin ng Bibliya na si Joseph B. Rotherham. Sa pahinang nagsasaad ng pamagat, ay lumitaw ang pangalang Watch Tower Bible and Tract Society, Allegheny, Pennsylvania, pagkat noo’y naroon ang punong-tanggapan ng Samahan. Noong 1901 gumawa ng isang pantanging paglilimbag ng Holman Linear Bible, na may mga panggilid na paliwanag mula sa mga publikasyon ng Samahan mula 1895 hanggang 1901. Ang tekstong ginamit ng Bibliyang ito ay King James Version at ang Revised Version ng mga Kasulatang Hebreo at Griyego. Noong 1903 ay naubos ang lahat ng 5,000 kopya ng edisyong ito.
10. Sa anong salin ng Kasulatang Griyego naging tagapaglathala ang Samahan noong 1902?
10 Ang The Emphatic Diaglott. Noong 1902 ang Samahang Watch Tower ay naging may-ari ng karapatan sa paglilimbag, tanging tagapaglathala, at tagapamahagi ng The Emphatic Diaglott. Ito ang Kristiyanong Kasulatang Griyego ng isinilang-sa-Inglaterang tagapagsalin ng Bibliya na si Benjamin Wilson ng Geneva, Illinois. Natapos ito noong 1864. Ginamit nito ang tekstong Griyego ni J. J. Griesbach, lakip ang isang literal na saling Ingles sa pagitan ng mga linya at ang sariling bersiyon ni Wilson sa gawing kanan na gumagamit ng kaniyang pantanging tanda ng pagdiriin.
11. Kailan inilathala ng Samahan ang “Bible Students Edition,” at ano ang nilalaman nito?
11 Ang Bible Students Edition. Noong 1907 inilathala ng Samahang Watch Tower ang “Bible Students Edition” ng Bibliya. Ito ay isang maliwanag na limbag ng King James Version na may napakahuhusay na panggilid na nota, at isang mahalagang apendise na dinisenyo ng mga Saksi ni Jehova. Ang apendise, na nang maglao’y pinalawak sa mahigit na 550 pahina, ay tinawag na “Berean Bible Teachers Manual” at inilathala rin bilang hiwalay na aklat. Ito’y may maiikling komento sa maraming talata ng Bibliya, sampu ng mga reperensiya sa The Watchtower at sa mga aklat-aralin ng Samahan, at isang sumaryo ng mga doktrinal na paksa na may mahahalagang kasulatan na tutulong sa paghaharap nito sa iba. Kahawig ito ng nahuling publikasyon ng Samahan na “Make Sure of All Things.” Mayroon din itong indise ng mga paksa, paliwanag sa mahihirap na teksto, at isang talaan ng huwad na mga talata, isang indise sa mga Kasulatan, isang pahambing na kronolohiya, at 12 mapa. Sa loob ng maraming dekada ang napakahusay na Bibliyang ito ay tumulong sa mga Saksi ni Jehova sa pangangaral sa madla.
ISANG SAMAHANG NAGLILIMBAG NG BIBLIYA
12. Kailan pumasok ang Samahan sa larangan ng paglilimbag ng Bibliya?
12 Tatlumpung taóng gumamit ang Samahang Watch Tower ng pribadong mga kompanya sa aktuwal na paglilimbag ng Bibliya. Subalit noong Disyembre 1926, ang The Emphatic Diaglott ang unang salin na inilathala sa sariling palimbagan ng Samahan sa Brooklyn, Nueba York. Ang paglilimbag ng edisyong ito ng Kristiyanong Kasulatang Griyego ay pumukaw sa pag-asa na balang araw isang kumpletong Bibliya ang lilimbagin sa mga imprenta ng Samahan.
13. (a) Ano ang unang buong Bibliya na nilimbag ng Samahan, at kailan ito inilabas? (b) Anong mga pantulong ang nilalaman nito?
13 Ang King James Version. Idiniin ng Digmaang Pandaigdig II ang pangangailangan ng sariling paglalathala ng Bibliya. Sa kasagsagan ng pandaigdig na alitan, nakabili ang Samahan ng mga klitse ng buong King James Version ng Bibliya. Noong Setyembre 18, 1942, sa Bagong Sanlibutang Teokratikong Asambleya ng mga Saksi ni Jehova, na may pangunahing dako ng pagtitipon sa Cleveland, Ohio, nagsalita ang pangulo ng Samahan sa paksang “Paghaharap ng ‘Tabak ng Espiritu.’ ” Sa kasukdulan ng pahayag, inilabas niya ang unang kumpletong Bibliya mula sa palimbagan ng Samahang Watch Tower sa Brooklyn. Sa apendise ay may talaan ng mga pangalan at ang kahulugan ng mga ito, isang pantanging “Concordance of Bible Words and Expressions,” at iba pang pantulong. Naglaan ng angkop na pamagat sa itaas ng bawat pahina. Halimbawa, sa Hukom 11, ang tradisyonal na “Jephthah’s rash vow (Padalus-dalos na panata ni Jefte)” ay pinalitan ng “Jephthah’s earnest vow (Taimtim na panata ni Jefte),” at sa Juan kabanata 1 ay lumitaw ang “Prehuman existence and human birth of God’s Word (Pag-iral ng Salita ng Diyos bago naging tao at pagsilang bilang tao).”
14. Anong mas mahusay na salin ang nilimbag ng Samahan noong 1944, at ano ang mga katangian ng Bibliyang ito?
14 Ang American Standard Version. Isa pang mahalagang salin ay ang American Standard Version ng 1901. Kapuri-puri ang pagsalin nito sa pangalang “Jehova” nang halos 7,000 sa Kasulatang Hebreo. Matapos ang mahabang negosasyon, nabili ng Samahang Watch Tower, noong 1944, ang karapatang gamitin ang mga klitse ng buong American Standard Version ng Bibliya upang ilimbag sa sariling imprenta nito. Noong Agosto 10, 1944, sa Buffalo, Nueba York, pangunahing lungsod ng 17 sabay-sabay na asambleya ng mga Saksi ni Jehova na pinag-ugnay ng telepono, nagalak ang malaking bilang ng mga tagapakinig nang ilabas ng pangulo ng Samahan ang edisyong Watch Tower ng American Standard Version. Ang apendise ay may pinalawak na “Concordance of Bible Words, Names, and Expressions.” Inilimbag noong 1958 ang isang pambulsang edisyon ng Bibliyang ito.
15. Anong salin ang inilabas ng Samahan noong 1972?
15 Ang The Bible in Living English. Noong 1972 inilathala ng Samahan ang The Bible in Living English, ng nasirang Steven T. Byington. Isinauli nito ang banal na pangalang “Jehova.”
16. Sa anong tambalang gawain nakikibahagi ang mga Saksi ni Jehova?
16 Kaya ang mga Saksi ni Jehova ay hindi lamang nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mahigit na 200 bansa at kapuluan kundi, sa malawak na antas, naging mga tagapaglimbag at tagapaglathala rin sila ng napakahalagang Aklat na may mensahe ng Kaharian, ang Banal na Kasulatan na kinasihan ng Diyos na Jehova.
ANG NEW WORLD TRANSLATION OF THE HOLY SCRIPTURES
17. (a) Papaano nakatulong ang maraming salin ng Bibliya, ngunit ano ang depekto ng mga ito? (b) Mula noong 1946, ano ang hinangad ng pangulo ng Samahang Watch Tower?
17 May utang-na-loob ang mga Saksi ni Jehova sa mga salin ng Bibliya na ginamit nila sa pag-aaral ng katotohanan ng Salita ng Diyos. Gayunman, lahat nito, hanggang sa pinakahuli, ay may kani-kaniyang depekto. May mga di-pagkakatugma o di-kasiya-siyang salin, may bahid ng relihiyosong tradisyon at makasanlibutang pilosopiya at di-lubusang kasuwato ng banal na katotohanang iniulat ni Jehova sa kaniyang Salita. Lalo na mula noong 1946, hinangad ng pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society ang isang tapat na salin mula sa orihinal na mga wika—na mauunawaan ng makabagong mambabasa kung papaanong ang orihinal na mga kasulatan ay naunawaan ng matalino, karaniwang mga mamamayan nang panahong isinusulat ang Bibliya.
18. Papaano naging tagapaglathala at tagapaglimbag ng New World Translation ang Samahan?
18 Noong Setyembre 3, 1949, sa punong-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, ipinatalastas ng pangulo sa Board of Directors ang pag-iral ng New World Bible Translation Committee at ang pagkabuo nito ng isang makabagong salin ng Kristiyanong Kasulatang Griyego. Binasa ang dokumento ng komitiba, na nagkakaloob sa Samahan ng pag-aari, pangangasiwa, at paglalathala ng manuskrito ng salin, bilang pagkilala sa di-maka-sektang gawain ng Samahan na pagtuturo ng Bibliya sa buong lupa. Binasa rin ang ilang bahagi ng manuskrito, bilang mga halimbawa ng kaurian at katangian ng salin. Nagkaisang tinanggap ng mga direktor ang kaloob na salin, at isinaayos ang karaka-rakang paglilimbag nito. Ang paghahanda ng tipo ay sinimulan noong Setyembre 29, 1949, at sa pasimula ng tag-araw ng 1950, libu-libong pinabalatang kopya ang natapos.
19. (a) Papaano lumitaw nang baha-bahagi ang New World Translation? (b) Anong pagsisikap ang ginawa sa paghahanda ng mga tomong ito?
19 Baha-bahaging Paglalabas ng New World Translation. Miyerkules, Agosto 2, 1950, ikaapat na araw ng kanilang pandaigdig na asambleya sa Yankee Stadium, Nueba York, masayang tinanggap ng 82,075 gulát-na-gulát na mga Saksi ni Jehova ang New World Translation of the Christian Greek Scriptures. Napasigla ng unang masigasig na tugon, sampu ng sumunod na mga kapahayagan ng pagpapahalaga sa kaurian ng salin, sinimulan ng Komitiba ang malawak na pagsasalin ng Kasulatang Hebreo. Lumitaw ito sa limang karagdagang tomo, na sunud-sunod na inilabas mula 1953 hanggang 1960. Ang set ng anim na tomo ay bumuo ng isang aklatan ng interong Bibliya sa makabagong Ingles. Bawat tomo ay may mahahalagang tulong din sa pag-aaral ng Bibliya. Kaya isang malawak na imbakan ng maka-Kasulatang impormasyon ang nailaan sa makabagong-panahong estudyante ng Bibliya. Puspusan ang ginawang pagsasamantala sa bawat mapanghahawakang tekstuwal na impormasyon upang buong-linaw at wastong maipahayag ng New World Translation ang makapangyarihang mensahe ng orihinal na kinasihang Kasulatan.
20. Anong mahahalagang tulong ang nilalaman ng unang edisyon ng New World Translation sa (a) mga talababa, (b) mga panggilid na reperensiya (marginal references), at (c) mga paunang-salita at apendise?
20 Ilan sa mga pantulong sa pag-aaral ng Bibliya sa anim-na-tomong unang edisyon ng New World Translation ay ang napakahalagang mga talababa sa teksto, tungkol sa kapaligiran ng mga salin. Nagharap ito ng maririing argumento bilang pagtatanggol sa Kasulatan. Inilakip din ang isang mahalagang sistema ng kawing-kawing na reperensiya (chain reference). Ang kawing-kawing na mahahalagang doktrinal na kataga ay umaakay sa isang serye ng mahahalagang teksto sa iba’t-ibang paksa. Marami ring pabagtas-na-reperensiya (cross reference) sa mga gilid ng pahina. Inakay nito ang mambabasa sa (a) magsintulad na kataga, (b) magsintulad na kaisipan, ideya, at pangyayari, (c) bayograpiya (talambuhay), (d) heograpiya, (e) katuparan ng mga hula, at (f) tuwirang pagsipi mula sa ibang bahagi ng Bibliya. Taglay rin nito ang mahahalagang paunang-salita, larawan ng ilang sinaunang manuskrito, nakatutulong na mga apendise at indise, at mga mapa ng mga lupain at lokasyon sa Bibliya. Ang unang edisyon ng New World Translation ay isang minang ginto para sa personal na pag-aaral ng Bibliya at sa kapaki- pakinabang na pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova sa tapat-pusong mga tao. Isang pantanging edisyong pang-estudyante, na inilathala sa iisang tomo na may 150,000 kopya, ay inilabas noong Hunyo 30, 1963, sa pagbubukas ng “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na Asambleya ng mga Saksi ni Jehova sa Milwaukee, Wisconsin, E.U.A.
21. (a) Ano ang nangyari nang ilabas ang rebisadong New World Translation? (b) Ano ang ilang tampok na bahagi nito?
21 Isang-Tomong Rebisadong Edisyon. Noong tag-araw ng 1961, sa isang serye ng mga asambleya ng mga Saksi ni Jehova sa Estados Unidos at Europa, ay inilabas ang isang rebisadong edisyon ng buong New World Translation of the Holy Scriptures sa iisang kombinyenteng tomo. May-kagalakan itong tinanggap ng daan-daang libong nagsidalo. Pinabalatan ng berdeng tela, ito’y may 1,472 pahina, isang ekselenteng konkordansiya, isang apendise ng mga paksa sa Bibliya, at mga mapa.
22, 23. Anong karagdagang mga edisyon ang inilabas, at ano ang ilan sa tampok na bahagi nito?
22 Karagdagang mga Edisyon. Noong 1969 ay inilabas ang The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures, at ang ikalawang edisyon ay inilabas noong 1985. Ito ay may isang literal na salin sa Ingles ng tekstong Griyego nina Westcott at Hort at ng makabagong-Ingles na salin ng 1984 edisyon ng New World Translation. Kaya ang saligan o literal na kahulugan ng orihinal na Griyego ay naihaharap sa taimtim na estudyante ng Bibliya.
23 Ang pangalawang rebisyon ng New World Translation ay inilabas noong 1970, at ang ikatlong rebisyon na may mga talababa ay sumunod noong 1971. Sa “Paglago ng Kaharian” na Pandistritong Kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova noong 1984, isang rebisadong edisyong pang-reperensiya ang inilathala sa Ingles. May lakip itong kompletong pag-aangkop sa panahon at rebisyon ng panggilid (cross, pabagtas) na mga reperensiya na unang iniharap sa Ingles mula 1950 hanggang 1960. Dinisenyo para sa taimtim na estudyante sa Bibliya, ito’y may mahigit na 125,000 panggilid na reperensiya, mahigit na 11,000 talababa, isang malawak na konkordansiya, mga mapa, at 43 artikulo sa apendise. Noon ding 1984, ay inilabas ang isang katamtamang-laking edisyon ng rebisyon ng 1984, na may mga panggilid na reperensiya ngunit walang mga talababa.
24. (a) Ano ang ilang bentaha kapuwa ng regular at pang-reperensiyang edisyon? (b) Ilarawan ang paggamit ng mga pamagat.
24 Ilang mga Bentaha. Bilang tulong sa paghahanap ng materyales, kapuwa ang regular at pang-reperensiyang edisyon ay may maingat-ang-pagkadisenyong mga pamagat sa ibabaw ng bawat pahina. Inilalarawan nito ang materyales sa ibaba, at tumutulong sa mabilis na paghahanap ng mga talata bilang sagot sa mga tanong na maaaring makaharap niya. Halimbawa, baka hinahanap niya ang payo sa pagsasanay ng mga anak. Sa pahina 860 (regular na edisyon) sa Mga Kawikaan, makikita ang huling susing parirala, “A good name.” Yamang ito ang huling parirala sa pamagat, ipinahihiwatig nito na ang paksa ay lilitaw sa dakong huli ng pahina, at doon niya ito masusumpungan, sa Kawikaan 22:1. Ang kasulatan na ipinakikilala ng unang bahagi ng pamagat sa pahina 861, “Train up a boy,” ay nasa pasimula ng pahina, sa Kaw 22 talata 6. Ang susunod na bahagi ng pamagat ay nagsasabing “Not spare the rod.” Ito ay nasa bandang ibaba ng unang tudling, sa Kaw 22 talata 15. Ang mga pamagat na ito sa ibabaw ng pahina ay malaking tulong sa mamamahayag ng Kaharian na nakababatid sa pangkalahatang lokasyon ng mga tekstong sinasaliksik. Tumutulong ito sa mabilisang paggamit ng Bibliya.
25. Anong konkordansiya ang inilaan, at sa anong praktikal na mga paraan magagamit ito?
25 Sa likod ng regular at pang-reperensiyang edisyon ng Bibliyang ito, ay ang pitak na “Bible Words Indexed.” Narito ang libu-libong mahalagang salita sa Bibliya kalakip ang nakapaligid na konteksto. Ito’y isang konkordansiya na may karagdagang mga bago, naglalarawang salita sa teksto. Para sa mga sanáy sa King James Version, nakakatulong ang mga pagbabago mula sa mas matatandang salitang Ingles tungo sa mas makabagong mga kataga sa Bibliya. Halimbawa, ay ang salitang “grace (biyaya)” sa King James Version. Nakatala ito sa indise, at itinuturo ang estudyante sa “di-sana-nararapat na kabaitan,” ang mas napapanahong salitang ginagamit sa saling ito. Pinadadali ng indiseng ito ang paghahanap ng mga teksto sa mahahalagang doktrinal na paksa, gaya ng “kaluluwa” o “pantubos,” na tumutulong sa detalyadong pag-aaral, tuwiran mula sa mga teksto ng Bibliya. Ang mamamahayag ng Kaharian na kailangang mangaral ng alinman sa pangunahing paksang ito ay agad makagagamit ng maiikling bahagi ng konteksto na inilalaan sa konkordansiya. Bukod dito, itinatala ang pangunahing teksto ng namumukod-tanging mga pangalan, pati na ang mga dakong heograpikal at prominenteng mga tauhan sa Bibliya. Kaya ito’y napakahalagang tulong sa lahat ng mga estudyante sa Bibliya.
26. Ilarawan ang isang paraan kung papaano tumutulong ang apendise ng New World Translation.
26 Nasa matalino-ang-pagkahandang apendise ang karagdagang impormasyon na kapaki-pakinabang sa pagtuturo. Ang mga artikulo ay sinadyang tumulong sa pagpapaliwanag ng saligang mga doktrina sa Bibliya at kaugnay na mga paksa. Halimbawa, sa paksang “kaluluwa,” sa ilalim ng walong iba’t-ibang pamagat, itinatala ng apendise ang mga Kasulatan para sa sari-saring gamit ng salitang “kaluluwa” (Hebreo, neʹphesh). Inilalaan din ang mga balangkas at mapa. Isang mas malawak na apendise ang masusumpungan sa Reference Bible bukod pa sa nakatutulong na mga talababa na naglalaan ng mahalagang tekstuwal na impormasyon sa payak na paraan. Kaya, ang New World Translation ay namumukod-tangi sa kagyat na paghaharap ng tumpak na kaalaman sa mga mambabasa.
27, 28. Ipaliwanag at ilarawan kung papaano ipinahihiwatig ng New World Translation ang wastong pagbigkas ng mga tiyak na pangalan.
27 Tulong sa Pagbigkas ng mga Pangalan sa Bibliya. Sa tekstong Ingles, lahat ng edisyon ng New World Translation ay tumutulong sa pagbigkas ng mga tiyak na pangalan. Katulad ito ng pamamaraan na dinisenyo ng isang eksperto para sa Revised Standard Version ng 1952. Ang pangalan ay hinahati sa mga pantig na pinaghihiwalay ng tuldok o ng kudlit (ʹ). Ang kudlit ay kasunod ng pantig na dapat idiin sa pagbigkas. Kapag ang kinudlitang pantig ay nagtatapos sa patinig, ang patinig ay binibigkas nang mahaba. Kung ang pantig ay nagtatapos sa katinig, ang patinig sa pantig na yaon ay binibigkas nang maigsi.
28 Kuning halimbawa ang Job 4:1. Doo’y binabanggit si “Elʹi·phaz the Teʹman·ite.” Bagaman ang kudlit ay kapuwa nasa mga unang pantig, magkaiba ang bigkas sa letrang “e.” Sa “Elʹi·phaz” ang kudlit pagkatapos ng katinig na “l” ay nagpapaikli sa bigkas ng patinig na “e”, gaya sa “end.” Samantalang sa “Teʹman·ite,” ang kudlit na kasunod agad ng patinig na “e” ay nagpapahaba sa bigkas nito, gaya ng unang “e” sa “Peter.” Kapag ang dalawang patinig na “a” at “i” ay pinagsama, gaya ng “Morʹde·cai” sa Esther 2:5 at “Siʹnai” sa Exodo 19:1, ang “ai” ay binibigkas na gaya ng isang mahabang “i.”
29. Ang New World Translation ba’y isa lamang rebisyon ng naunang mga salin, at anong mga katangian ang umaalalay sa inyong sagot?
29 Isang Sariwang Salin. Ang New World Translation ay isang sariwang salin mula sa orihinal na mga wika ng Bibliya na Hebreo, Aramaiko, at Griyego. Sa anomang paraa’y hindi ito rebisyon ng dati nang salin sa Ingles, ni kopya kaya ito ng estilo, bokabularyo, o ritmo ng ibang salin. Para sa seksiyong Hebreo-Aramaiko ay ginamit ang dinalisay at kinikilalang teksto ng Biblia Hebraica ni Rudolf Kittel, ang ika-7, ika-8, at ika-9 na edisyon (1951-55). Isang bagong edisyon ng tekstong Hebreo, ang Biblia Hebraica Stuttgartensia, na may petsang 1977, ay ginamit sa pagsasa-panahon ng impormasyon sa mga talababa ng New World Translation—With References. Ang seksiyong Griyego ay isinalin pangunahin na mula sa master text nina Westcott at Hort na inilathala noong 1881. Gayunman, sinangguni rin ng New World Bible Translation Committee ang iba pang teksto, gaya ng tekstong Griyego ni Nestle (1948). Ang mahuhusay na mga master text na ito ay inilalarawan sa Aralin 5 at 6. Ang komite ng pagsasalin ay gumawa ng isang masikap at wastong salin ng Bibliya, at ang bunga’y isang malinaw at buháy na teksto na nagbubukas ng daan sa mas malalim at kasiya-siyang pag-unawa sa Salita ng Diyos.
30. Ano ang pagtaya ng isang kritiko sa saling ito?
30 Pansinin ang pagtaya rito ng isang kritiko: “Kakaunti ang orihinal na salin ng Kasulatang Hebreo sa wikang Ingles. Kaya malugod nating tinatanggap ang unang bahagi ng New World Translation [ng Kasulatang Hebreo], Genesis hanggang Ruth. . . . Maliwanag na sinikap ng saling ito na pagaangin ang pagbabasa. Walang magsasabi na ito ay salat sa kasariwaan at pagka-orihinal. Ang terminolohiya ay hindi kailanman isinalig sa ibang naunang salin.” b
31. Papaano tinaya ng isang Hebreong iskolar ang New World Translation?
31 Ganito ang pagtaya ng Hebreong iskolar na si Propesor Dr. Benjamin Kedar ng Israel, nang kapanayamin ng Samahang Watch Tower tungkol sa New World Translation: “Sa pagsasaliksik sa lenguwahe ng Hebreong Bibliya at mga salin nito, malimit akong sumangguni sa edisyong Ingles na New World Translation. Sa paggawa nito, natutuklasan ko na lalong napatutunayan ang aking palagay na ang kathang ito ay taimtim na nagsisikap na pagaangin ang unawa sa teksto sa pinakawastong posibleng paraan. May ebidensiya ng malawak na unawa sa orihinal na wika, isinasalin nito ang orihinal na mga salita tungo sa isang ikalawang lenguwahe sa paraang mauunawaan nang hindi lumilihis sa espesipikong balangkas ng Hebreo. . . . Bawat lenguwahe ay may hangganan ng pagpapakahulugan o pagsasalin. Sa alinmang kaso, ang salin ng lenguwahe ay maaaring pagtalunan. Ngunit sa New World Translation wala pa akong nakitang pagkiling na isalin sa teksto ang isang bagay na hindi nito isinasaad.” c
32. Gaano ka-literal ng New World Translation, at ano ang bentaha nito?
32 Isang Literal na Salin. Ang katapatan sa pagsasalin ay makikita rin sa pagiging-literal. Humihiling ito nang halos salita-bawat-salitang pagtutumbas sa pagitan ng saling Ingles at ng mga tekstong Hebreo at Griyego. Sa paghaharap ng teksto sa wikang pinagsasalinan, ang antas ng pagiging-literal ay dapat na saklaw ng ipinahihintulot ng idyoma ng orihinal na wika. Bukod dito, hinihiling ng pagiging-literal na ang ayos ng salita sa karamihan ng mga salin ay maging kagaya niyaong sa Hebreo o Griyego, sa gayo’y naiingatan ang puwersa ng orihinal na mga kasulatan. Sa literal na pagsasalin, wastong maitatawid ang lasa, kulay, at indayog ng orihinal na mga kasulatan.
33. Papaano itinatawag-pansin ang manaka-nakang paglihis sa literal na teksto?
33 Manaka-naka’y nagkaroon ng paglihis sa literal na teksto, sa layuning ihatid ang malalalim na idyomang Hebreo o Griyego sa mga terminong mauunawaan. Gayunman, sa edisyong pang-reperensiya ng New World Translation, itinawag-pansin ito sa mambabasa sa pamamagitan ng mga talababa na nagbibigay ng literal na salin.
34. (a) Ano ang resulta ng pagtatakwil sa literal na pagsasalin? (b) Ilarawan.
34 Maraming tagapagsalin ang nagwaksi ng pagiging-literal alang-alang sa di-umano’y elegansiya ng wika at anyo. Ikinakatuwiran nila na ang literal na salin ay walang-buhay, mahigpit, at makitid. Gayunman, dahil sa pagpapakahulugan at interpretasyon, ang pagtatakwil nila sa literal na pagsasalin ay nagbunga ng paglihis sa wasto at orihinal na mga kapahayagan ng katotohanan. Waring binantuan nila ang mismong mga kaisipan ng Diyos. Halimbawa, ang dean emeritus ng isang malaking pamantasang Amerikano ay nagparatang na sinira ng mga Saksi ni Jehova ang ganda at karilagan ng Bibliya. Ang tinutukoy niyang Bibliya ay ang King James Version, na matagal nang iginagalang bilang huwaran ng magandang Ingles. Aniya: ‘Tingnan ninyo ang nangyari sa Awit 23. Sinira ninyo ang indayog at ganda nito dahil sa inyong “Je/ho/vah is/ my/ shep/herd.” Pitong pantig imbes na anim. Nakakasuya. Hindi timbang. Wala sa tiyempo. Tamang-tama ang King James sa anim na balanseng pantig nito—“The/ Lord/ is/ my/ shep/herd.” ’ Ipinaliwanag sa propesor na mas mahalagang isalin ito sa paraan na ginamit ni David, ang manunulat ng Bibliya. Ginamit ba ni David ang pangkalahatang terminong “Lord,” o ang banal na pangalan? Inamin ng propesor na ginamit ni David ang banal na pangalan subalit iginiit na alang-alang sa ganda at karilagan, ang “Lord” ay dapat ipalit. Napakababaw na dahilan upang alisin ang dakilang pangalan ni Jehova sa awit ng papuri sa kaniya!
35. Sa ano tayo makapagpapasalamat sa Diyos, at ano ang ating pag-asa at panalangin?
35 Libu-libong salin ang isinakripisyo sa dambana ng, ayon sa palagay ng tao’y, magandang wika, na nagbunga ng mga pagkakamali sa maraming salin ng Bibliya. Salamat sa Diyos para sa New World Translation, sampu ng maliwanag at wastong teksto nito! Ang dakila niyang pangalan, Jehova, ay pakabanalin nawa sa puso ng lahat ng makakabasa nito!
[Mga talababa]
a Kabilang sa mga itinatag mula noong 1804 ay ang American Bible Society (1816), mula sa dati nang umiiral na mga lokal na samahan, at gayundin ang Edinburgh Bible Society (1809) at ang Glasgow Bible Society (1812), na nang maglaon ay nagsama (1861) upang maging National Bible Society of Scotland. Noong 1820 naitatag din ang mga Bible society sa Switzerland, Irlandya, Pransya, Pinlandya, Sweden, Denamarka, Norway, Olandya, Iceland, Rusya, at Alemanya.
b Si Alexander Thomson, The Differentiator, Hunyo 1954, pahina 131.
c Hunyo 12, 1989, isinalin mula sa Aleman.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Chart sa pahina 322]
ILANG PANGUNAHING SALIN NG BIBLIYA SA PITONG PRINSIPAL NA WIKA
Pangalan ng Unang Saligang Banal na Saligang
Salin Inilathala Teksto para Pangalan Teksto para
sa Kasulatang Isinalin sa Kasulatang
Hebreo Griyego
INGLES
Rheims-Douay* 1582-1610 Vulgate Panginoon Vulgate
(ADONAI, makalawa)
King James 1611 M PANGINOON Textus
Version* (Jehova, Receptus
iilan)
Young 1862-98 M Jehova Textus
Receptus
English 1881-95 M PANGINOON Westcott
Revised* (Jehova, at Hort
iilan)
Emphasised 1878-1902 M (Ginsburg) Yahweh Westcott
Bible at Hort,
Tregelles
American 1901 M Jehova Westcott
Standard at Hort
An American 1923-39 M PANGINOON Westcott
Translation (Yahweh, at Hort
(Smith-Goodspeed)* iilan)
Revised 1946-52 M PANGINOON Westcott at
Standard* Hort, Nestle
New English 1961-70 M (BHK) PANGINOON Bagong
Bible* (Jehovah, tekstong
iilan) ekletiko
Today’s 1966-76 M (BHK) PANGINOON UBS
English
Version
New King 1979-82 M (BHS) PANGINOON Tekstong
James Bible/ (YAH, Mayorya
Revised iilan) (Majority
Authorised Text)
Version
New 1985 M Yahweh Griyego
Jerusalem
Bible*
KASTILA
Valera 1602 M Jehová Textus
Receptus
Moderna 1893 M Jehová Scrivener
Nácar- 1944 M Yavé Griyego
Colunga*
Evaristo 1964 M Yavé Griyego
Martín
Nieto*
Serafín de 1965 M (BHK) Yahvéh, Nestle-
Ausejo* Señor Aland
Biblia de 1967 M Yahveh Griyego
Jerusalén*
Cantera- 1975 M (BHK) Yahveh Griyego
Iglesias*
Nueva Biblia 1975 M Señor Griyego
Española*
PORTUGES
Almeida 1681, 1750 M Jehova Textus
Receptus
Figueiredo* 1778-90 Vulgate Senhor Vulgate
Matos Soares* 1927-30 Vulgate Senhor Vulgate
Pontifício 1967 M Javé Merk
Instituto
Bíblico*
Jerusalém* 1976, 1981 M Iahweh Griyego
ALEMAN
Luther* 1522, 1534 M HErr Erasmus
Zürcher 1531 M Herr, Jahwe Griyego
Elberfelder 1855, 1871 M Jehova Textus
Receptus
Menge 1926 M HErr Griyego
Luther 1964, 1984 M HERR Griyego
(rebisado)*
Bibel in 1967 M (BHS) Herr Nestle-
heutigem Aland,
Deutsch UBS
(Gute Nachricht)*
Einheitsübersetzung*
1972, 1974 M Herr, Jahwe Griyego
Revidierte 1975, 1985 M HERR, Jahwe Griyego
Elberfelder
PRANSES
Darby 1859, 1885 M Eternel Griyego
Crampon* 1894-1904 M Jéhovah Merk
Jérusalem* 1948-54 Vulgate, Yahvé Vulgate,
Hebreo Griyego
TOB 1971-75 M (BHS) Seigneur Nestle,
Ecumenical UBS
Bible*
Osty* 1973 M Yahvé Griyego
Segond 1978 M (BHS) Eternel Nestle-
Revised Aland,
Black,
Metzger,
Wikgren
Français 1982 M (BHS) Seigneur Nestle,
courant UBS
OLANDES (OLANDYA)
Statenvertaling 1637 M HEERE Textus
Receptus
Leidse 1899-1912 M Jahwe Nestle
Vertaling
Petrus- 1929-39 M Jahweh Nestle
Canisiusvertaling*
NBG-vertaling 1939-51 M HERE Nestle
Willibrordvertaling*
1961-75 M Jahwe Nestle
Groot 1972-83 M Heer Nestle
Nieuws
Bijbel*
ITALYANO
Diodati 1607, 1641 M Signore Griyego
Riveduta 1921-30 M Eterno Griyego
(Luzzi)
Nardoni* 1960 M Signore, Griyego
Jahweh
Pontificio 1923-58 M Signore, Merk
Istituto Jahve
Biblico*
Garofalo* 1960 M Jahve, Griyego
Signore
Concordata* 1968 M (BHK) Signore, Nestle,
Iavè Merk
CEI* 1971 M Signore Griyego
Parola del 1976-85 M (BHS) Signore UBS
Signore*
* Nagpapahiwatig na kalakip ang Apokripa ngunit maaaring hindi sa lahat ng edisyon.
“M” tumutukoy sa tekstong Masoretiko. Kapag nag-iisa, walang tinutukoy na pantanging edisyon ng tekstong Masoretiko.
“BHK” tumutukoy sa Biblia Hebraica ni Kittel.
“UBS” tumutukoy sa The Greek New Testament, ng United Bible Societies.
“BHS” tumutukoy sa Biblia Hebraica Stuttgartensia.
“Griyego” nagpapahiwatig na ang salin ay mula sa Griyego, ngunit walang pantanging tekstong tinutukoy.