Aralin Bilang 9—Ang Arkeolohiya at ang Kinasihang Ulat
Mga Pag-aaral sa Kinasihang Kasulatan at sa Kapaligiran Nito
Aralin Bilang 9—Ang Arkeolohiya at ang Kinasihang Ulat
Pag-aaral sa mga tuklas ng arkeolohiya at sa sinaunang mga ulat ng sekular na kasaysayan na umaalalay sa Bibliya.
1. Ano ang kahulugan ng (a) arkeolohiya ng Bibliya? (b) mga artifact?
ANG arkeolohiya ng Bibliya ay ang pag-aaral ng mga tao at mga pangyayari noong panahon ng Bibliya sa tulong ng mga kasulatan, kasangkapan, gusali, at iba pang labî na nahukay sa lupa. Ang paghahanap ng mga labî, o artifact, sa sinaunang mga lokasyon ay nagsangkot ng malawak na eksplorasyon at paghuhukay ng milyun-milyong tonelada ng lupa. Ang isang artifact ay ang alinmang likha ng tao at nagpapatotoo sa gawain at pamumuhay ng tao. Kalakip dito ang mga palayok, guho ng gusali, sulatang putik, inskripsiyon, dokumento, bantayog, at mga kasulatang inukit sa bato.
2. Ano ang halaga ng arkeolohiya ng Bibliya?
2 Sa pasimula ng ika-20 siglo, sumulong ang arkeolohiya bilang isang maingat na larangan ng pag-aaral, lakip ang mga ekspedisyon sa mga lupain ng Bibliya na tinustusan ng malalaking unibersidad at museo sa Europa at Amerika. Bunga nito, natuklasan ang mayamang impormasyon na nagpapaliwanag sa paraan ng pamumuhay noong panahon ng Bibliya. Kung minsan nagpapatunay ito sa pagiging-totoo ng Bibliya at ng kawastuan nito hanggang sa kaliit-liitang detalye.
ANG ARKEOLOHIYA AT ANG KASULATANG HEBREO
3. Anong sinaunang kagibaan at ulat ang nagpapatotoo sa pag-iral ng mga ziggurat sa sinaunang Babilonya?
3 Ang Tore ng Babel. Ayon sa Bibliya, ang Tore ng Babel ay isang dambuhalang gusali. (Gen. 11:1-9) Kawili-wiling malaman na sa mga guhô ng sinaunang Babilonya ay natuklasan ang mga ziggurat, o tulad-piramid, baytang-baytang na mga tore ng templo, sampu ng gibang templo ni Etemenanki, sa loob ng mga pader ng Babilonya. Ang sinaunang mga ulat ng mga templong ito ay malimit maglakip ng mga salitang, “Ang taluktok ay aabot sa langit.” Sinabi di-umano ni Haring Nabukodonosor, “Itinaas ko ang taluktok ng baytang-baytang na Tore sa Etemenanki upang makapantay ng langit.” Ang pagkaguho ng isa sa mga ziggurat ay iniuulat nang ganito: “Nagalit ang mga diyos sa pagtatayo ng templo. Sa isang gabi lamang ay ibinagsak ang kanilang itinayo. Sila’y pinangalat, at naging kakatwa ang kanilang usap. Hinadlangan nila ang pagsulong.” a
4. Ano ang natuklasan ng arkeolohiya sa Gihon, at ano ang maaaring kaugnayan nito sa ulat ng Bibliya?
4 Mga Tunel ng Tubig sa Bukal ng Gihon. Noong 1867 sa paligid ng Jerusalem, nakatuklas si Charles Warren ng isang bambang mula sa Bukal ng Gihon pabalik sa burol, at isang tunel na paakyat sa Lungsod ni David. Malamang na dito dumaan ang mga kawal ni David nang una nilang pasukin ang lungsod. (2 Sam. 5:6-10) Noong 1909-11 natapos alisan ng bara ang buong sistema ng mga tunel mula sa bukal ng Gihon. Isang malaking tunel, na may katamtamang 1.8 metro ang taas, ay inuka sa matigas na bato sa layong 533 metro. Nagmula ito sa Gihon sa Balon ng Siloam hanggang sa Libis ng Tyropoeon (sa loob ng lungsod) at malamang na ito ang itinayo ni Ezekias. Sa pader ng makitid na tunel ay natuklasan ang isang inskripsiyon sa sinaunang sulat-Hebreo. Isang bahagi ang nagsasaad: “Ganito ang ginawang paghuhukay:—Samantalang [ . . . ] pa ring [ . . . ] (mga) palakol, bawat isa tungo sa kaniyang kasama, at nang tatlong siko na lamang ang dapat hukayin, [narinig] ang tinig ng isang tao na tumatawag sa kasama, sapagkat nagkalihis sila sa bato sa kanan [at sa kaliwa]. Ngunit nang magsalubong ang tunel, hinukay ng mga tagapagtibag (ang bato), bawat isa pasalubong sa kapuwa, palakol sa kapuwa palakol; at ang tubig ay umagos mula sa bukal tungo sa balon sa layong 1,200 siko, at ang taas ng bato na lampas-ulo ng mga tagapagtibag ay 100 siko.” Kagila-gilalas na inhinyerya para sa panahong yaon! b—2 Hari 20:20; 2 Cron. 32:30.
5. Anong ebidensiya ng arkeolohiya ang natuklasan sa Karnak tungkol sa pananakop ni Sishak at sa pangalan ng mga lugar sa Bibliya?
5 Nakaumbok na Larawan ng Tagumpay ni Sishak. Si Sishak, hari ng Ehipto, ay pitong beses binabanggit sa Bibliya. Nang talikdan ni Haring Roboam si Jehova, pinahintulutan ni Jehova si Sishak na sakupin ang Juda, noong 993 B.C.E., ngunit hindi ito ganap na winasak. (1 Hari 14:25-28; 2 Cron. 12:1-12) Nitong kamakailan, waring Bibliya lamang ang nag-uulat ng pananakop na ito. Subalit nahukay ang isang malaking dokumento ng Paraon na tinatawag ng Bibliya na Sishak (Sheshonk I). Ito’y nakaumbok na mga hieroglyphic (mga salitang isinalarawan) at mga guhit sa pader ng malawak na templong Ehipsiyo sa Karnak (sinaunang Thebes). Sa dambuhalang larawan ay makikita si Amon na diyos ng Ehipto, na sa kanang kamay ay may isang hugis-karit na tabak. Dinadala niya kay Paraon Sishak ang 156 napoposasang bilanggong Palestino na nakatali ng lubid sa kaniyang kaliwang kamay. Bawat bilanggo ay kumatawan sa isang lungsod o nayon, na ang pangala’y nasusulat sa hieroglyphic. Kabilang sa mga nababasa at kilala pa ay ang Rabbit (Jos. 19:20); Taanach, Bet-san, at Megido (Jos. 17:11); Sunem (Jos. 19:18); Rehob (Jos. 19:28); Haparaim (Jos. 19:19); Gabaon (Jos. 18:25); Bet-horon (Jos. 21:22); Ailon (Jos. 21:24); Socho (Jos. 15:35); at Arad (Jos. 12:14). Tinutukoy rin nito ang “Bukid ni Abram,” at ito ang pinakamaagang pagbanggit kay Abraham sa mga kasulatan ng Ehipto. c
6, 7. Ano ang kasaysayan ng Moabite Stone, at anong impormasyon ang ibinibigay nito tungkol sa digmaan ng Israel at Moab?
6 Ang Moabite Stone (Batong Moabita). Noong 1868 isang sinaunang inskripsiyon sa Dhiban (Dibon) ang natuklasan ni F. A. Klein, misyonerong Aleman. Tinawag itong Moabite Stone. Iginawa ito ng molde, ngunit ang bato mismo ay binasag ng mga Bedouin bago ito mailipat. Gayunman, karamihan ng bahagi ay nabawi, at ito ngayon ay iniingatan sa Louvre, Paris, at may isang kopya nito sa British Museum, sa Londres. Una itong itinayo sa Dibon, sa Moab, at naghaharap ng bersiyon ni Haring Mesha sa paghihimagsik niya laban sa Israel. (2 Hari 1:1; 3:4, 5) Sinasabi ng isang bahagi: “Ako (si) Mesha, anak ni Chemos-[ . . . ], hari ng Moab, ang Dibonita . . . Tungkol kay Omri, hari ng Israel, maraming taon (lit. mga araw) niyang hinamak ang Moab, sapagkat galit si Chemos [diyos ng Moab] sa kaniyang lupain. Sumunod ang kaniyang anak na nagsabi ring, ‘Hahamakin ko ang Moab.’ Nang panahon ko ay nagsalita siya (nang gayon), ngunit nadaig ko siya at ang kaniyang sambahayan, at ang Israel ay napuksa magpakailanman! . . . Sinabi sa akin ni Chemos, ‘Humayo ka, bawiin mo ang Nebo sa Israel!’ Kaya isang gabi ako ay pumunta at nakipagdigma mula bukang-liwayway hanggang katanghalian, nabawi ko ito at nilipol ang lahat . . . Mula roo’y kinuha ko ang [mga sisidlan] ni Yahweh, at dinala ito sa harapan ni Chemos.” d Pansinin ang pagbanggit ng banal na pangalan sa huling pangungusap. Makikita ito sa kalakip na larawan ng Moabite Stone. Ito’y sa anyong Tetragramaton, sa gawing kanan ng dokumento, ika-18 linya.
7 Binabanggit din ng Moabite Stone ang sumusunod na mga lugar sa Bibliya: Atarot at Nebo (Bil. 32:34, 38); ang Arnon, Aroer, Medeba, at Dibon (Jos. 13:9); Bamot-baal, Bet-baal-meon, Jaaz, at Kiriathaim (Jos. 13:17-19); Bezer (Jos. 20:8), Horonaim (Isa. 15:5); at Bet-diblathaim at Keriot (Jer. 48:22, 24). Kaya sinusuhayan nito ang pagiging-makasaysayan ng mga dakong ito.
8. Ano ang iniuulat ng Bibliya tungkol kay Senacherib, at ano ang isiniwalat ng mga paghuhukay sa kaniyang palasyo?
8 Ang Prism ni Haring Senacherib. Detalyadong iniuulat ng Bibliya ang pagsalakay ng mga taga-Asirya sa ilalim ni Haring Senacherib noong 732 B.C.E. (2 Hari 18:13–19:37; 2 Cron. 32:1-22; Isa. 35:1–37:38) Noong 1847-51 nahukay ng arkeologong Ingles na si A. H. Layard ang mga labî ng palasyo ni Senacherib sa Nineve, sakop ng sinaunang Asirya. Ang palasyo ay may 70 silid, at halos 3,000 metro ng mga pader ay natatakpan ng inukitang bato. Ang mga taunang ulat, o annals, ni Senacherib ay iniulat sa mga prism o bumbong na putik. Ang huling edisyon nito, malamang na ginawa nang malapit na siyang mamatay, ay makikita sa tinatawag ngayon na Taylor Prism, nasa British Museum, ngunit ang Oriental Institute ng University of Chicago ay may mas mahusay pang kopya ng isang prism na natuklasan malapit sa dako ng sinaunang Nineve, kabisera ng Imperyo ng Asirya.
9. Ano ang iniulat ni Senacherib, kasuwato ng ulat ng Bibliya, ngunit ano ang hindi niya binanggit, at bakit?
9 Mababasa sa huling taunang-ulat ang palalong bersiyon ni Senacherib tungkol sa pagsalakay sa Juda: “Tungkol kay Ezekias, ang Judio, hindi siya nagpailalim sa aking pamatok, kinubkob ko ang 46 na malalakas na lungsod, mga kuta at di-mabilang na maliliit na nayon, at nilupig (ang mga ito) sa tulong ng siksik na mga (lupang) rampa, at ng mga haliging pambayo na dinala (nang gayon) malapit (sa mga pader) (kasabay ng) pagsalakay ng impanteriya, (na gumamit ng) mga mina, kanyon at ng mga makinarya. Pinalayas ko (roon) ang 200,150 tao, bata’t matanda, lalaki’t babae, mga kabayo, mola, asno, kamelyo, di-mabilang na baka, at itinuring (ang mga ito) na samsam. Siya mismo [si Ezekias] ay ibinilanggo ko sa Jerusalem, sa kaniyang palasyo, gaya ng ibon sa hawla. . . . Ang kaniyang mga bayan na aking nilooban, ay inagaw ko at ibinigay kay Mitinti, hari ng Asdod, kay Padi, hari ng Ekron, at kay Silibel, hari ng Gaza. . . . Nang maglaon . . . si Ezekias mismo ay nagpadala sa akin, sa Nineve, ang aking maluwalhating lungsod, ng 30 talentong ginto, 800 talentong pilak, mahahalagang bato, antimony, malalaking tipak ng pulang bato, mga higaang (may kalupkop na) garing, mga upuang-nimedu (may kalupkop na) garing, mga katad ng elepante, kamagong, tanguile (at) lahat ng uri ng mahalagang kayamanan, ang kaniyang (sariling) mga anak na babae, mga kerida, mga manunugtog na lalaki at babae. Isinugo niya ang kaniyang (sariling) mensahero upang ihatid ang buwis at upang magpatirapang gaya ng alipin.” e Tungkol sa buwis na ipinataw ni Senacherib kay Ezekias, pinatutunayan ng Bibliya ang 30 talentong ginto ngunit bumabanggit lamang ng 300 talentong pilak. Isa pa, ipinakikita ng Bibliya na ito ay bago pa magbanta ng pagkubkob si Senacherib sa Jerusalem. Sa may pagkiling na ulat ni Senacherib, sinadya niyang kaligtaan ang kaniyang kahiya-hiyang pagkatalo sa Juda, nang sa isang gabi lamang ay 185,000 kawal niya ang pinatay ng anghel ni Jehova, kaya napilitan siyang umurong sa Nineve gaya ng asong nilatigo. Gayunman, ang palalong ulat sa Prism ni Senacherib ay nagpapahiwatig ng malawak na pagsalakay sa Juda bago paurungin ni Jehova ang mga taga-Asirya nang pagbantaan nila ang Jerusalem.—2 Hari 18:14; 19:35, 36.
10, 11. (a) Ano ang Lachish Letters, at ano ang maaaninaw rito? (b) Papaano ito umaalalay sa mga isinulat ni Jeremias?
10 Ang Lachish Letters (Mga Liham sa Lachis). Ang tanyag na nakukutaang lungsod ng Lachis ay mahigit 20 beses binabanggit sa Bibliya. Ito’y 44 na kilometro sa kanluran-timog-kanluran ng Jerusalem. Malawak ang nahukay na mga kagibaan. Noong 1935, sa silid ng bantay ng dobleng tarangkahan ay may nasumpungang 18 ostraca, o mga piraso ng pasô na inukitan ng mga sulat (3 pa ang natuklasan noong 1938). Ito’y mga liham na isinulat sa matatandang titik Hebreo. Ang koleksiyong ito ng 21 ay kilala ngayon bilang ang Lachish Letters. Ang Lachis ay isa sa mga huling tanggulan ng Juda laban kay Nabukodonosor, at ito’y naging bunton ng sunog na mga guhô noong 609-607 B.C.E. Maaaninaw sa mga liham ang pagka-apurahan ng panahong yaon. Waring ito’y mga liham kay Yaosh, pinunò ng hukbo sa Lachis, mula sa natitirang himpilan ng mga hukbong Judeano. Isa sa mga ito (bilang IV) ay nagsasaad: “Iparinig nawa ni YHWH [Tetragramaton, “Jehova”] sa aking panginoon ang mabuting balita. . . . hinihintay namin ang mga senyas ng apoy ng Lachis, ayon sa mga senyas na ibinibigay ng aking panginoon, pagkat hindi namin makita ang Aceka.” Ito ay isang mariing pag-alalay sa Jeremias 34:7, na bumabanggit sa Lachis at Aceka bilang dalawang huling nakukutaang lungsod. Ipinahihiwatig nito na ang Aceka ay bumagsak na. Ang banal na pangalan, sa anyong Tetragramaton, ay malimit lumitaw sa mga liham, patotoo na ang pangalang Jehova ay karaniwan sa mga Judio nang panahong yaon.
11 Isa pang liham (bilang III) ay nagsisimula nang ganito: “Nawa’y iparinig ni YHWH [alalaong baga, si Jehova] sa aking panginoon ang mabubuting balita ng kapayapaan! . . . Iniulat sa inyong lingkod, ‘Ang pinunò ng hukbo, si Conia na anak ni Elnathan, ay lumusong sa Ehipto at nagpasugo kay Hodavia na anak ni Ahias upang kumuha [ng mga pangangailangan] sa kaniya.’ ” Waring tinitiyak ng liham na ang Juda ay humingi ng tulong sa Ehipto, salungat sa utos ni Jehova at na umakay sa kaniyang pagkawasak. (Isa. 31:1; Jer. 46:25, 26) Ang mga pangalang Elnathan at Hosaias, na lumilitaw sa kompletong teksto ng liham, ay masusumpungan din sa Jeremias 36:12 at Jeremias 42:1. Tatlong iba pang pangalan sa liham ang mababasa rin sa aklat ni Jeremias sa Bibliya. Ang mga ito’y ang Gemarias, Nerias, at Jaazanias.—Jer. 32:12; 35:3; 36:10. f
12, 13. Ano ang inilalarawan ng Nabonidus Chronicle, at bakit may pantanging halaga ito?
12 Ang Nabonidus Chronicle (Kronika ni Nabonido). Noong huling 50 taon ng ika-19 na siglo, malapit sa Baghdad ay maraming nahukay na sulatang putik at mga sisidlan na nagbibigay-liwanag sa kasaysayan ng sinaunang Babilonya. Isa rito ay ang napakahalagang dokumento na tinatawag na Nabonidus Chronicle, ngayo’y nasa British Museum. Si Haring Nabonido ng Babilonya ay ama ng kaniyang katuwang na hari, si Belsassar. Unang namatay ang kaniyang anak, nang gabing ang Babilonya ay agawin ng mga hukbo ni Cirong Persyano, Oktubre 5, 539 B.C.E. (Dan. 5:30, 31) Ang Nabonidus Chronicle, isang ulat na may kamangha-manghang mga petsa ng pagbagsak ng Babilonya, ay tumitiyak kung anong araw ito naganap. Ganito ang salin ng maliit na bahagi ng Nabonidus Chronicle: “Noong buwan ng Tasritu [Tisri (Setyembre-Oktubre)], sinalakay ni Ciro ang hukbo ng Akad sa Opis na nasa Tigris . . . noong ika-14 na araw, ang Sippar ay nabihag nang walang paghahamok. Tumakas si Nabonido. Noong ika-16 na araw [Oktubre 11, 539 B.C.E., Julian, o Oktubre 5, Gregorian] si Gobryas (Ugbaru), gobernador ng Gutium, at ang mga hukbo ni Ciro ay walang hadlang na pumasok sa Babilonya. Nadakip si Nabonido sa Babilonya pagbalik niya (roon) . . . Nang ika-3 araw [Oktubre 28, Julian], buwan ng Arashamnu [Marcesvan (Oktubre-Nobyembre)], pumasok si Ciro sa Babilonya, at inilatag sa harap niya ang sariwang mga sanga—ang pasiya ng ‘Kapayapaan’ (sulmu) ay ipinairal sa lungsod. Nagpadala ng pagbati si Ciro sa buong Babilonya. Si Gobryas, ang gobernador, ay nagtalaga ng mga (pangalawang-)gobernador sa Babilonya.” g
13 Pansinin na si Dario na Medo ay hindi binabanggit sa kronika, at hanggang ngayon, ay hindi binabanggit ang Dariong ito sa alinmang di maka-Biblikong inskripsiyon, ni sa alinmang sekular na makasaysayang dokumento bago ang panahon ni Josephus (Judiong mananalaysay noong unang siglo C.E.). Kaya iminungkahi ng ilan na baka siya ang Gobryas na tinutukoy sa itaas. Bagaman ang sinasabi tungkol kay Gobryas ay waring kahawig niyaong kay Dario, hindi ito matitiyak. h Sa alinmang kaso, tinitiyak ng sekular na kasaysayan na si Ciro ay isang mahalagang tauhan sa pagsakop sa Babilonya at na matapos nito ay naghari siya roon.
14. Ano ang iniuulat sa Cyrus Cylinder?
14 Ang Cyrus Cylinder (Bumbong ni Ciro). Nang matagal-tagal na siyang hari ng Pandaigdig na Kapangyarihan ng Persya, ang pagbihag ni Ciro sa Babilonya noong 539 B.C.E. ay iniulat sa isang bumbong na putik. Ang pambihirang dokumentong ito ay iniingatan din sa British Museum. Ganito ang isang bahagi ng isinaling teksto: “Ako si Ciro, hari ng daigdig, dakilang hari, lehitimong hari, hari ng Babilonya, hari ng Sumer at Akad, hari ng apat na gilid (ng lupa), . . . Nagbalik ako sa [ilang dati nang nginanlang] sagradong lungsod sa kabila ng Tigris, na ang mga santwaryo ay matagal nang giba, ang mga imahen na (dating) naninirahan doon ay iginawa ko ng palagiang santwaryo. Tinipon ko (rin) ang lahat ng kanilang (dating) mamamayan at ibinalik (sa kanila) ang kanilang tirahan.” i
15. Ano ang isinisiwalat ng Cyrus Cylinder tungkol kay Ciro, at papaano ito kasuwato ng Bibliya?
15 Kaya ipinababatid ng Cyrus Cylinder ang patakaran ng hari na pagsasauli ng mga bihag sa kanilang dating lupain. Kasuwato nito, iniutos ni Ciro ang pagpapabalik ng mga Judio sa Jerusalem upang itayong-muli ang bahay ni Jehova roon. Kawili-wiling pansinin na 200 taon bago nito, inihula ni Jehova ang pangalan ni Ciro bilang mananakop ng Babilonya at tagapagsauli ng bayan ni Jehova.—Isa. 44:28; 45:1; 2 Cron. 36:23.
ANG ARKEOLOHIYA AT ANG KRISTIYANONG KASULATANG GRIYEGO
16. Ano ang niliwanag ng arkeolohiya tungkol sa Kasulatang Griyego?
16 Gaya sa Kasulatang Hebreo, binigyang-liwanag ng arkeolohiya ang maraming kawili-wiling artifact na umaalalay sa kinasihang ulat na nilalaman ng Kristiyanong Kasulatang Griyego.
17. Papaano inaalalayan ng arkeolohiya ang pagtalakay ni Jesus sa suliranin ng pagbubuwis?
17 Baryang Denaryo Na May Ukit ni Tiberio. Ayon sa Bibliya ang ministeryo ni Jesus ay naganap nang maghari si Tiberio Cesar. Sinikap ng mga kaaway na siluin si Jesus sa pamamagitan ng tanong tungkol sa pagbubuwis. Sinasabi ng ulat: “Nang mahalatang sila’y nagpapaimbabaw, ay sinabi niya: ‘Bakit ninyo ako sinusubok? Dalhan ninyo ako ng denaryo.’ Agad nilang dinala ito. Kaya tinanong niya: ‘Kaninong larawan at ukit ang narito?’ Sumagot sila: ‘Kay Cesar.’ Sinabi ni Jesus: ‘Ibigay kay Cesar ang kay Cesar, ngunit sa Diyos ang sa Diyos.’ Kaya nagsimula silang manggilalas sa kaniya.” (Mar. 12:15-17) Nakatuklas ang mga arkeologo ng pilak na baryang denaryo na may ulo ni Tiberio Cesar! Ginamit ito noong mga 15 C.E. Katugma ito ng pamamahala ni Tiberio bilang emperador, pasimula noong 14 C.E., at sa gayo’y karagdagang alalay sa ulat na nagsasabing ang ministeryo ni Juan na Tagapagbautismo ay nagsimula noong ika-15 taon ni Tiberio, o noong tagsibol ng 29 C.E.—Luc. 3:1, 2.
18. Anong tuklas ang iniugnay kay Poncio Pilato?
18 Ang Ukit ni Poncio Pilato. Noong 1961 unang nakatuklas ang arkeolohiya tungkol kay Poncio Pilato. Ito’y isang malapad na bato sa Cesarea, na may pangalan ni Poncio Pilato sa wikang Latin.
19. Ano ang umiiral pa rin sa Atenas, bilang pagtiyak sa tagpo ng Gawa 17:16-34?
19 Ang Areopago. Ibinigay ni Pablo sa Atenas, Gresya, ang isa sa pinaka-tanyag niyang diskurso, noong 50 C.E. (Gawa 17:16-34) Ito’y nang dakpin siya ng mga taga-Atenas at dalhin sa Areopago. Ang Areopago, o Burol ni Ares (Mars), ay isang hantad, mabatong burol, na 113 metro ang taas, sa hilagang-kanluran ng Acropolis ng Atenas. Ang mga baytang na inukit sa bato ay abot sa taluktok, at naroon pa ang magagaspang na upuang inukit sa bato, sa tatlong panig ng isang patyo. Umiiral pa ang Areopago, bilang patotoo sa tagpo ng makasaysayang diskurso ni Pablo na iniuulat ng Bibliya.
20. Ano ang patuloy na pinatutunayan ng Arko ni Tito, at papaano?
20 Ang Arko ni Tito. Ang Jerusalem at ang templo ay winasak ng mga Romano sa ilalim ni Tito, noong 70 C.E. Nang sumunod na taon, sa Roma, nagdiwang si Tito ng tagumpay, kasama ng ama niyang si Emperador Vespasian. Pitong daang piling bilanggong Judio ang pinalakad sa matagumpay na prusisyon. Ipinarada rin ang maraming samsam sa digmaan, pati na ang mga kayamanan ng templo. Si Tito ay naging emperador mula 79 hanggang 81 C.E., at pagkamatay niya, isang malaking bantayog, ang Arko ni Tito, ay itinayo at inialay divo Tito (sa dinidiyos na si Tito). Ang matagumpay na prusisyon ay isinasagisag ng nakaukit na mga larawan sa magkabilang panig ng arko. Sa isang panig ay inilalarawan ang mga kawal Romano na may mga sibat na walang talim at napuputungan ng laurel, taglay ang banal na mga kasangkapan mula sa templo ni Jehova. Kasama rito ang may-pitong-ilaw na kandelero at ang hapag ng tinapay at doo’y makikitang nakapatong ang banal na mga pakakak. Sa kabila ay makikita ang matagumpay na si Tito habang nakatayo sa karong hila ng apat na kabayong akay ng isang babaeng kumakatawan sa lungsod ng Roma. j Taun-taon libu-libo pa ring turista ang nanonood sa Arko ni Tito sa Roma bilang piping saksi sa katuparan ng hula ni Jesus at ng kakila-kilabot na hatol ni Jehova sa mapaghimagsik na Jerusalem.—Mat. 23:37–24:2; Luc. 19:43, 44; 21:20-24.
21. (a) Papaano nagkatuwang ang arkeolohiya at ang pagkatuklas ng mga manuskrito? (b) Ano ang wastong saloobin tungkol sa arkeolohiya?
21 Kung papaanong ang pagkatuklas ng matatandang manuskrito ay tumulong sa pagsasauli ng dalisay, orihinal na teksto ng Bibliya, ang pagkatuklas ng napakaraming artifact ay malimit ding magpakita na ang Bibliya ay makasaysayan, ayon sa panahon, at mapanghahawakan ang heograpiya, hanggang sa kaliit-liitang detalye. Subalit huwag ipapasiya na ang arkeolohiya ay kasuwato ng Bibliya sa bawat kaso. Dapat tandaan na ang arkeolohiya ay hindi isang walang-mintis na larangan ng pag-aaral. Ang mga tuklas ng arkeolohiya ay nabibigyan ng sariling interpretasyon at ang mga ito ay nagbabago sa pana-panahon. Bagaman hindi hinihingi, malimit umalalay ang arkeolohiya sa pagiging-totoo ng Salita ng Diyos. Bukod dito, gaya ng sinabi ng yumaong Sir Frederic Kenyon, direktor at punong bibliotekaryo ng British Museum sa loob ng maraming taon, nakatulong ang arkeolohiya upang ang Bibliya ay “mas madaling maunawaan sa pamamagitan ng mas malawak na kaalaman sa kapaligiran at tagpo nito.” k Ngunit ang pananampalataya ay dapat na salig sa Bibliya, hindi sa arkeolohiya.—Roma 10:9; Heb. 11:6.
22. Anong ebidensiya ang isasaalang-alang sa susunod na aralin?
22 Ang Bibliya ay may di-matututulang ebidensiya na ito nga’y tunay na “salita ng nabubuhay at walang-hanggang Diyos,” gaya ng makikita sa susunod na aralin.—1 Ped. 1:23.
[Mga talababa]
a Bible and Spade, 1938, S. L. Caiger, pahina 29.
b Ancient Near Eastern Texts, 1974, J. B. Pritchard, pahina 321; Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 941-2, 1104.
c Light From the Ancient Past, 1959, J. Finegan, pahina 91, 126.
d Ancient Near Eastern Texts, pahina 320.
e Ancient Near Eastern Texts, pahina 288.
f Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 151-2; Light From the Ancient Past, pahina 192-5.
g Ancient Near Eastern Texts, pahina 306.
h Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 581-3.
i Ancient Near Eastern Texts, pahina 316.
j Light From the Ancient Past, pahina 329.
k The Bible and Archaeology, 1940, pahina 279.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Mga larawan sa pahina 333]
Ang Moabite Stone
Pinalaking Tetragramaton, nasusulat sa sinaunang titik, sa ika-18 linya, sa kanan
[Larawan sa pahina 334]
Ang Prism ni Haring Senacherib
[Larawan sa pahina 335]
Ang Nabonidus Chronicle
[Larawan sa pahina 336]
Denaryo na may ukit ni Tiberio
[Larawan sa pahina 337]
Ang Arko ni Tito
[Picture Credit Lines sa pahina 337]
Pinasasalamatan sa mga Larawan para sa Aralin 9 na nakatala ayon sa pahina:
pahina 333, Musée du Louvre, Paris;
pahina 334, Sa Kagandahang-loob ng Oriental Institute, University of Chicago;
pahina 335, Sa kagandahang-loob ng Trustees of The British Museum;
pahina 336, Sa kagandahang-loob ng Trustees of The British Museum.