Ang Bibliya Ba’y Talagang Nagmula sa Diyos?
Kabanata 5
Ang Bibliya Ba’y Talagang Nagmula sa Diyos?
1. Bakit makatuwirang maniwala na maglalaan sa atin ang Diyos ng impormasyon hinggil sa kaniyang sarili?
NAGLAAN ba si Jehova ng impormasyon hinggil sa kaniyang sarili? Ipinaalam ba niya sa atin ang nagawa niya at nilalayon pang gawin? Itinuturo ng isang maibiging ama ang maraming bagay sa kaniyang mga anak. At alam na natin na si Jehova ay isang maibiging ama.
2. (a) Papaano mabisang masasabi sa atin ni Jehova ang tungkol sa kaniyang sarili? (b) Anong mga tanong ang ibinabangon nito?
2 Papaano mapaglalaanan ni Jehova ng impormasyon ang mga nakatira sa iba’t-ibang dako ng lupa sa iba’t-ibang yugto ng panahon? Ang isang mahusay na paraan ay ang pagsulat ng isang aklat at tiyaking ito ay mababasa ng lahat. Ang Bibliya ba ay ganitong uri ng Aklat mula sa Diyos? Papaano natin matitiyak?
WALANG IBANG AKLAT NA GAYA NG BIBLIYA
3. Sa papaano namumukod-tangi ang Bibliya bilang isang aklat?
3 Kung ang Bibliya’y talagang mula sa Diyos, aasahan natin na ito ang pinakabukod-tanging aklat na kailanma’y nasulat. Ganoon nga ba? Oo, at sa maraming dahilan. Una, napakatanda na nito; hindi ninyo aasahan na ang Salita ng Diyos sa buong sangkatauhan ay kamakailan lamang naisulat, hindi ba? Mga 3,500 taon na ngayon ito ay sinimulang masulat sa wikang Hebreo. At mahigit na 2,200 taon na ngayon, sinimulan itong isalin sa ibang wika. Ngayon halos lahat ng tao sa lupa ay makakabasa ng Bibliya sa kanilang sariling wika.
4. Papaano maihahambing sa ibang aklat ang bilang ng mga Bibliya na nalimbag?
4 At saka, walang aklat ang makakapantay sa Bibliya sa dami ng kopyang nalimbag. Ang isang libro ay tinatawag na “pinakamabili” kahit libu-libo lamang ang kopyang nagawa. Pero taun-taon ay milyun-milyon ang iniimprentang Bibliya. At sa nakalipas na mga siglo libu-libong milyon na ang nagawa! Halos ay wala nang lugar sa daigdig, gaano man ito kalayo, na kung saan hindi kayo makakasumpong ng isang Bibliya. Hindi ba ganito ang aasahan ninyo sa isang aklat na talagang nagmula sa Diyos?
5. Anong pagsisikap ang ginawa upang sirain ang Bibliya?
5 Ang higit pang namumukod-tangi sa malawak na pamamahagi ng Bibliya ay ang pagsisikap ng mga kaaway na sirain ito. Hindi ba talagang dapat asahan na ang isang aklat mula sa Diyos ay mapapailalim ng pagsalakay ng mga ahente ng Diyablo? Nangyari ito. Naging karaniwan ang panununog ng Bibliya, at yaong mga nahuling nagbabasa ng Bibliya ay madalas parusahan ng kamatayan.
6. (a) Anong mahahalagang tanong ang sinasagot ng Bibliya? (b) Saan inaangking nakuha ng mga manunulat ng Bibliya ang impormasyon nila?
6 Aasahan ninyo na ang isang aklat mula sa Diyos ay tatalakay sa mahahalagang bagay na gusto nating malaman. ‘Saan nagmula ang buhay?’ ‘Bakit tayo narito?’ ‘Ano ang idudulot ng kinabukasan?’ ay ilan lamang sa mga tanong na sinasagot nito. At tuwirang sinasabi nito na ang impormasyon ay mula sa Diyos na Jehova. Sinabi ng isang manunulat ng Bibliya: “Ang espiritu ni Jehova ay nagsalita sa pamamagitan ko, at ang salita niya’y suma-aking dila.” (2 Samuel 23:2) Sumulat pa ang isa: “Lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Yamang tinitiyak ng Bibliya na ito’y Salita ng Diyos, hindi ba matalinong suriin kung totoo nga?
KUNG PAPAANO NASULAT ANG BIBLIYA
7. (a) Sino ang sumulat sa Bibliya? (b) Papaano kung ganoon masasabi na ito’y Salita ng Diyos?
7 ‘Nguni’t papaano magmumula sa Diyos ang Bibliya samantalang tao ang sumulat nito?’ baka itatanong ninyo. Totoo, mga 40 lalaki ang nakibahagi sa pagsulat ng Bibliya. Sila ang aktuwal na sumulat nito maliban sa Sampung Utos, na isinulat mismo ng Diyos sa mga tapyas ng bato sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu. (Exodo 31:18) Gayumpaman, hindi binabago nito ang katotohanan na ang isinulat nila’y Salita nga ng Diyos. Nagpapaliwanag ang Bibliya: “Nagsalita ang mga tao mula sa Diyos na inuudyukan ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:21) Oo, kung papaano ginamit ng Diyos ang kapangyarihan ng banal na espiritu upang lalangin ang langit, lupa at lahat ng nabubuhay, ay ginamit din niya ito upang pangasiwaan ang pagsulat ng Bibliya.
8, 9. Anong mga halimbawa sa ngayon ang tutulong sa atin upang maintindihan kung papaano ipinasulat ng Diyos ang Bibliya?
8 Nangangahulugan ito na iisa lamang ang may-akda ng Bibliya, ang Diyos na Jehova. Gumamit siya ng mga tao sa pagsulat ng impormasyon, kung papaanong ginagamit ng isang negosyante ang kaniyang kalihim upang gumawa ng sulat. Isinusulat ito ng kalihim, pero ang sulat ay naglalaman ng kaisipan at ideya ng negosyante. Kaya sulat niya ito, hindi sa sekretaryo, kung papaanong ang Bibliya ay Aklat ng Diyos, hindi ng mga taong ginamit sa pagsulat nito.
9 Yamang si Jehova ang lumalang sa isip, tiyak na hindi mahirap sa kaniya na maghatid ng impormasyon sa isipan ng mga lingkod niya upang kanilang sulatin. Kahit na ngayon ang isa ay tumatanggap ng balita mula sa malayo sa pamamagitan ng radyo o telebisyon samantalang nakaupo sa kaniyang bahay. Ang mga tinig o larawan ay naglalakbay salig sa pisikal na mga batas ng Diyos. Kaya madaling maintindihan kung papaanong mula sa langit, si Jehova ay makapangangasiwa sa mga tao sa lupa upang isulat ang impormasyong nais niyang ipagbigay-alam sa sangkatauhan.
10. (a) Ilang aklat ang bumubuo sa Bibliya, at gaano kahabang panahon ang ginugol sa pagsulat nito? (b) Anong pangunahing tema ang nangingibabaw sa Bibliya?
10 Ang bunga nito’y isang kamanghamanghang Aklat. Ang totoo, 66 na maliliit na aklat ang bumubuo sa Bibliya. Ang salitang Griyego na biblia, na pinagkunan ng salitang “Bibliya,” ay nangangahulugang “maliliit na aklat.” Ang mga aklat na ito, o liham, ay isinulat sa loob ng 1,600 taon, mula 1513 B.C.E. hanggang 98 C.E. Nguni’t palibhasa’y iisa ang Autor nito, lahat ng aklat ay magkakasuwato. Iisa ang tema nito, ang pagsasauli ng Diyos sa matuwid na mga kalagayan sa pamamagitan ng kaniyang kaharian. Sinasabi ng unang aklat, ang Genesis, kung papaano nawala ang paraiso dahil sa paghihimagsik sa Diyos, at ang huling aklat, ang Apocalipsis, ay nagpapaliwanag kung paanong ang lupa ay muling magiging paraiso sa ilalim ng pamamahala ng Diyos.—Genesis 3:19, 23; Apocalipsis 12:10; 21:3, 4.
11. (a) Anong mga wika ang ginamit sa pagsulat ng Bibliya? (b) Sa anong dalawang bahagi nahahati ang Bibliya, subali’t ano ang nagpapatotoo sa kanilang pagkakaisa?
11 Ang unang 39 na aklat ng Bibliya ay halos nasulat na lahat sa wikang Hebreo, at ang ilan ay sa Aramaiko. Ang huling 27 aklat ay isinulat sa Griyego, ang karaniwang wika ng mga tao nang si Jesus at ang kaniyang Kristiyanong mga alagad ay nasa lupa. Ang dalawang pangunahing bahaging ito ng Bibliya ay wastong tinatawag na “Hebreong Kasulatan” at “Griyegong Kasulatan.” Patotoo ng pagkakasuwato ng dalawa ay ang pagsipi ng Griyegong Kasulatan sa Hebreong Kasulatan nang mahigit na 365 beses, at gumagawa ng 375 karagdagang pagbanggit dito.
PAGPAPAABOT NG BIBLIYA SA LAHAT
12. Bakit nagpagawa si Jehova ng maraming kopya ng Bibliya?
12 Kung ang orihinal na mga sulat lamang ang umiiral, papaano mababasa ng lahat ang Salita ng Diyos? Hindi maaari. Kaya isinaayos ni Jehova na kopyahin ang orihinal na mga sulat sa Hebreo. (Deuteronomio 17:18) Si Ezra, halimbawa, ay tinatawag na “bihasang tagakopya ng batas ni Moises, na ibinigay ni Jehova na Diyos ng Israel.” (Ezra 7:6) Libu-libo ring kopya ng Griyegong Kasulatan ang ginawa.
13. (a) Ano ang kailangan upang karamihan ng tao ay makabasa ng Bibliya? (b) Kailan ginawa ang unang salin ng Bibliya?
13 Nakakabasa ba kayo ng Hebreo o Griyego? Kung hindi, hindi ninyo mababasa ang maagang mga manuskrito ng Bibliya, na ang ilan sa mga ito ay umiiral pa. Kaya, upang mabasa ninyo ang Bibliya, dapat na may magsalin nito sa wikang naiintindihan ninyo. Dahil sa pagsasaling ito sa iba’t-ibang wika higit pang marami ang makakabasa ng Salita ng Diyos. Halimbawa, 300 taon bago naparito sa lupa si Jesus, Griyego ang naging karaniwang wika ng mga tao. Kaya ang Hebreong Kasulatan ay isinalin sa Griyego, simula noong 280 B.C.E. Ang maagang saling ito ay tinatawag na “Septuagint.”
14. (a) Bakit hinadlangan ng ibang lider ng relihiyon ang pagsasalin ng Bibliya? (b) Papaano ipinakita na sila’y nabigo?
14 Nang maglaon, Latin ang naging karaniwang wika ng mga tao, kaya naisalin ang Bibliya sa Latin. Subali’t sa paglipas ng mga dantaon, pakaunti-nang-pakaunti ang nagsasalita ng Latin. Gumamit sila ng ibang wika, gaya ng Arabiko, Pranses, Kastila, Portuges, Italyano, Aleman at Ingles. Matagal na panahong hinadlangan ng mga Katolikong lider ng relihiyon ang pagsasalin ng Bibliya sa mga wikang naiintindihan ng karaniwang tao. Sinunog pa man din nila sa tulos ang mga taong may Bibliya. Ginawa nila ito sapagka’t inihahayag ng Bibliya ang kanilang maling turo at paggawi. Pero nabigo sila noong maglaon, kaya ang Bibliya ay napasalin sa maraming wika at ipinamahagi nang malawakan. Sa ngayon, ang Bibliya, sa kabuuan o bahagi nito, ay mababasa sa mahigit na 1,700 wika!
15. Bakit mabuti na may mga bagong salin ng Bibliya?
15 Sa paglipas ng mga taon, maraming iba’t-ibang salin ng Bibliya ang ginawa sa isang partikular na wika. Halimbawa, sa Ingles lamang ay marami ang salin ng Bibliya. Bakit? Hindi ba tama na ang isa? Kasi, malaki ang ipinagbabago ng wika sa paglipas ng panahon. Kaya kung inyong ihahambing ang unang mga salin ng Bibliya sa mga bagong salin, may makikita kayong pagbabago sa wika. Bagaman halos pareho ang mga diwa nito, mapapansin ninyo na ang mga bagong salin ay mas madaling maintindihan. Kaya magpasalamat tayo na may bagong mga salin ng Bibliya, sapagka’t inihaharap nito ang Salita ng Diyos sa karaniwan, madaling unawaing wika ng ating panahon.
NABAGO BA ANG BIBLIYA?
16. Bakit naniniwala ang iba na ang Bibliya ay nabago?
16 Nguni’t maitatanong ninyo: ‘Papaano natin matitiyak na ang mga Bibliya natin ngayon ay naglalaman ng impormasyon na kapareho niyaong tinanggap mula sa Diyos ng mga manunulat ng Bibliya?’ Sa paulit-ulit na pagkopya ng Bibliya sa nakalipas na libu-libong taon, hindi kaya posibleng magkamali? Oo, subali’t natuklasan ang mga kamaliang ito at itinuwid ng makabagong mga salin ng Bibliya. Kaya ngayon ang impormasyon ay katulad din niyaong ipinagkaloob ng Diyos sa mga unang sumulat nito. Ano ang ating patotoo?
17. Ano ang patotoo na hindi nabago ang Bibliya?
17 Sa pagitan ng 1947 at 1955 natuklasan ang tinatawag na Dead Sea Scrolls. Kasali sa mga balumbong ito ay mga kopya ng mga aklat ng Hebreong Kasulatan. Ang petsa nito’y 100-200 taon bago pa isilang si Jesus. Isa sa mga balumbon ay ang kopya ng aklat ni Isaias. Bago natuklasan ito, ang pinakamatandang kopya ng aklat ni Isaias sa Hebreo ay yaong ginawa halos 1,000 taon pagkaraang isilang si Jesus. Nang paghambingin ang dalawang kopyang ito ng Isaias babahagya ang kanilang pagkakaiba, at karamiha’y maliliit na pagkakaiba sa pagbaybay! Nangangahulugan ito na sa mahigit na 1,000 taon ng pagkopya hindi nagkaroon ng malaking pagbabago!
18. (a) Papaano naituwid ang pagkakamali ng mga tagakopya? (b) Ano ang masasabi hinggil sa kawastuan ng Griyegong Kasulatan?
18 Mahigit na 1,700 matatandang kopya ng iba’t-ibang bahagi ng Hebreong Kasulatan ang umiiral ngayon. Sa pamamagitan ng maingat na paghahambing sa napakatatandang mga kopyang ito, natutuklasan at naitutuwid pati ang maliliit na pagkakamali ng mga tagakopya. Nariyan din ang libu-libong matatandang kopya ng Griyegong Kasulatan, na ang ilan ay halos kasingtanda ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Kaya ganito ang sinabi ni Sir Frederic Kenyon: “Napawi na ang kahulihulihang saligan sa pag-aalinlangan kung baga nakarating sa atin ang mga Kasulatan na gaya ng unang pagkasulat nito.”—The Bible and Archaeology, pahina 288, 289.
19. (a) Ano ang isang halimbawa ng pagdaragdag sa Bibliya? (b) Bakit ang 1 Juan 5:7 sa mga ilang salin ng Bibliya ay hindi bahagi ng Bibliya?
19 Hindi ito nangangahulugan na hindi nagkaroon ng pagsisikap na baguhin ang Salita ng Diyos. Mayroon. Ang isang kapansinpansing halimbawa ay nasa 1 Juan 5:7. Ganito ang mababasa sa King James Version: “Sapagka’t may tatlo na nagpapatotoo sa langit, ang Ama, ang Salita, at ang Espiritu Santo: at ang tatlong ito ay iisa.” Gayunman hindi lumilitaw ang mga salitang ito sa alinmang sinaunang kopya ng Bibliya. Idinagdag ito ng isang tagapagtaguyod ng turo ng Trinidad. Yamang maliwanag na ang mga pananalitang ito ay hindi talaga bahagi ng Salita ng Diyos, ginawa ang mga pagtutuwid at hindi na ito lumilitaw sa mga bagong Bibliya.
20. Bakit natin natitiyak na ang Bibliya ay naingatang dalisay?
20 Kaya walang kabatiran sa katotohanan ang mga nagsasabi na ang Bibliya ay hindi naglalaman ng parehong impormasyon na taglay nito nang ito’y unang isulat. Tiniyak ng Diyos na Jehova na ang Salita niya’y naipagsasanggalang hindi lamang sa pagkakamali ng mga tagakopya nito kundi maging sa mga pagsisikap na ito’y dagdagan. Nilalaman mismo ng Bibliya ang pangako ng Diyos na ang Salita niya ay pananatilihing dalisay ukol sa panahong ito.—Awit 12:6; Daniel 12:4; 1 Pedro 1:24, 25; Apocalipsis 22:18, 19.
TOTOO NGA BA ANG BIBLIYA?
21. Papaano minalas ni Jesus ang Salita ng Diyos?
21 Nanalangin si Jesu-Kristo sa Diyos: “Ang salita mo’y katotohanan.” (Juan 17:17) May patotoo ba dito? Kung maingat na susuriin ang Bibliya, masusumpungan kaya natin na talagang ito nga ang katotohanan? Napapahanga ang mga estudyante ng kasaysayan sa kawastuan ng Bibliya. Naglalaman ang Bibliya ng tiyak na mga pangalan at detalye na maaaring mapatunayan. Narito ang ilang halimbawa:
22-25. Ano ang ilang halimbawa na nagpapakitang ang Bibliya ay naglalaman ng tunay na kasaysayan?
22 Tingnan ninyo ang mga larawan at sulat sa pader ng templong ito sa Karnak, Ehipto. Isinasalaysay nito ang tagumpay ni Paraon Sisak laban sa kaharian ng Juda noong naghahari ang anak ni Solomon na si Rehoboam, halos 3,000 taon na ngayon. Iniuulat din ng Bibliya ang pangyayaring ito.—1 Hari 14:25, 26.
23 Tingnan ninyo rin ang Batong Moabita. Ito ay makikita sa Museo ng Louvre sa Paris, Pransiya. Ang mga sulat ay nagsasabi tungkol sa paghihimagsik ni Haring Mesa ng Moab laban sa Israel. Iniuulat din ng Bibliya ang pangyayaring ito.—2 Hari 1:1; 3:4-27.
24 Ang Balon ng Siloam at ang tubo ng tubig sa Jerusalem na may habang 1,749 talampakan (533 metro) ay makikita dito sa dulong kanan. Napapasok ngayon ng mga turista ang loob nito. Karagdagang patotoo ito sa katunayan ng Bibliya. Papaano? Sinasabi ng Bibliya na ipinagawa ni Haring Hezekias ang tubong ito mga 2,500 taon na ngayon upang ipagsanggalang ang kaniyang suplay ng tubig mula sa lumulusob na hukbo.—2 Hari 20:20; 2 Cronica 32:2-4, 30.
25 Sa British Museum makikita ng mga bisita ang Nabonidus Chronicle, na nakalarawan sa kanan. Isinasalaysay nito ang pagbagsak ng matandang Babilonya, gaya din ng Bibliya. (Daniel 5:30, 31) Sinasabi ng Bibliya na si Belsasar ang hari noon sa Babilonya. Pero hindi man lamang nababanggit si Belsasar sa Nabonidus Chronicle. Sa katunayan, may panahon na lahat ng matatandang kasulatan ay nagsasabi na si Nabonido ang huling hari ng Babilonya. Kaya ang ilang pumuna sa Bibliya ay nag-angkin na hindi kailanman umiral si Belsasar at na ang Bibliya ay mali. Subali’t kamakailan ay may natuklasang matatandang kasulatan na bumabanggit kay Belsasar bilang anak ni Nabonido at magkasabay silang naghari sa Babilonya nang panahong yaon! Oo, ang Bibliya ay tama, gaya ng patotoo ng napakaraming halimbawa.
26. Ano ang patotoo na ang Bibliya ay wasto ayon sa siyensiya?
26 Nguni’t hindi lamang naglalaman ang Bibliya ng tunay na kasaysayan. Lahat ng sinasabi nito ay totoo. Kahit na kapag ito ay bumabanggit ng makasiyentipikong mga bagay, talagang kamanghamangha ang kawastuan nito. Narito ang dalawang halimbawa: Noong araw marami ang naniwala na may pumapasan sa lupa, na waring ito ay nakapatong sa isang bagay, marahil ay higante. Subali’t kasuwato ng siyensiya, iniuulat ng Bibliya na ang Diyos ay “ibinibitin ang lupa sa wala.” (Job 26:7) At imbes na sabihing ito ay lapad, gaya ng dating paniwala ng marami, sinasabi ng Bibliya na ang Diyos “ay nananahan sa ibabaw ng balantok ng lupa.”—Isaias 40:22.
27. (a) Ano ang pinakamatibay na patotoo na ang Bibliya nga’y mula sa Diyos? (b) Anong mga bagay ang may-katotohanang inihula ng Hebreong Kasulatan tungkol sa Anak ng Diyos?
27 Subali’t ang pinakamahalagang katibayan na ang Bibliya nga’y galing sa Diyos ay ang wastong paghula nito sa hinaharap. Walang aklat na isinulat ng tao ang may kawastuang makapag-uulat ng kasaysayan bago ito maganap; nguni’t nagagawa ito ng Bibliya. Punung-puno ito ng mga natupad na hula, oo, ng kasaysayang isinulat nang patiuna. Ang ilan sa kapansinpansing hulang ito ay ang hinggil sa pagparito sa lupa ng Anak ng Diyos. Daan-daang taon patiuna may-kawastuang inihula ng Hebreong Kasulatan na ang Ipinangakong Isa ay isisilang sa Bethlehem, na isisilang siya ng isang dalaga, na siya’y ipagkakanulo sa 30 putol na pilak, na siya’y ibibilang sa mga makasalanan, na isa mang buto sa kaniyang katawan ay hindi mababali, na pagsasapalaran ang kaniyang damit, at napakarami pang detalye.—Mikas 5:2; Mateo 2:3-9; Isaias 7:14; Mateo 1:22, 23; Zacarias 11:12, 13; Mateo 27:3-5; Isaias 53:12; Lucas 22:37, 52; 23:32, 33; Awit 34:20; Juan 19:36; Awit 22:18; Mateo 27:35.
28. (a) Bakit tayo makapagtitiwala na matutupad maging yaong mga hula sa Bibliya na hindi pa nangyayari? (b) Sa ano kayo mapapaniwala ng patuluyang pag-aaral ng Bibliya?
28 Gaya ng sinabi sa unang kabanata ng aklat na ito, inihuhula din ng Bibliya na malapit nang magwawakas ang matandang sistema ng mga bagay at hahalinhan ng isang matuwid na bagong kaayusan. (Mateo 24:3-14; 2 Pedro 3:7, 13) Makakaasa ba tayo sa hindi-pa-natutupad na mga hulang ito? Buweno, kung may tao na isang daang beses nang nagsabi sa inyo ng katotohanan, bigla ba kayong mag-aalinlangan kapag may sinabi siyang bago? Kung napatunayan ninyong hindi pa siya nagsisinungaling, mag-aalinlangan ba kayo ngayon? Hindi makatuwiran ito! Kaya, hindi rin dapat pag-alinlanganan ang alinmang pangako ng Diyos sa Bibliya. Mapagkakatiwalaan ang kaniyang Salita! (Tito 1:2) Sa patuloy na pag-aaral ng Bibliya, lalo kayong mapapaniwala na ang Bibliya nga’y talagang isang aklat na nagmula sa Diyos.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 49]
Ginamit ng Diyos ang mga tao sa pagsulat ng Bibliya kung paanong ginagamit ng manedyer ang sekretarya sa pagsulat ng liham
[Larawan sa pahina 50]
Ang ilang pinuno ng relihiyon ay gumawa ng lahat ng pagsisikap upang ang Bibliya ay huwag basahin ng karaniwang tao, na sinusunog pa sa tulos ang sinomang may Bibliya
[Larawan sa pahina 52, 53]
Dead Sea Scroll ng Isaiah
[Larawan sa pahina 54, 55]
Ang pader ng templo sa Karnak, Ehipto
[Larawan sa pahina 55]
Batong Moabita
[Larawan sa pahina 55]
Nabonidus Chronicle
[Larawan sa pahina 55]
Pasukan ng Tunel ni Hezekias at ng Balon ng Siloam