Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Diyos—Sino Siya?

Ang Diyos—Sino Siya?

Kabanata 4

Ang Diyos​—Sino Siya?

1. (a) Anong mga diyos ang sinasamba ng tao? (b) Papaano ipinakikita ng Bibliya ang pagkakaiba ng “mga diyos” at ng “Diyos”?

 SA BUONG DAIGDIG ay maraming sinasambang diyos. Sa relihiyon ng mga Shinto, Budhista, Hindu at ng mga tribu-tribo ay may milyun-milyong diyos. Ang mga diyos na gaya nina Zeus at Hermes ay sinamba noong panahon ng mga apostol ni Jesus. (Gawa 14:11, 12) Kaya sumasang-ayon ang Bibliya na “maraming mga ‘diyos,’” subali’t sinasabi din nito na “kung para sa atin may isa lamang Diyos, ang Ama, na mula sa kaniya ang lahat.” (1 Corinto 8:5, 6) Kung tatanungin kayo, ‘Sino ang Diyos na ito?’ ano ang isasagot ninyo?

2. Ano ang iba’t-ibang palagay ng mga tao tungkol sa Diyos?

2 ‘Ang Panginoon,’ sagot ng marami. O kaya: ‘Siya’y Espiritu sa langit.’ Sa diksiyunaryo tinatawag ang Diyos na “Kataastaasang Maykapal.” Kapag tinatanong: ‘Ano ang pangalan ng Diyos?’ may sumasagot, ‘si Jesus.’ Para sa iba ang Diyos ay hindi persona, kundi puwersang naroroon sa lahat ng dako. Nagdududa naman ang iba kung baga mayroon ngang Diyos. Matitiyak ba natin kung talaga ngang umiiral siya?

TALAGANG UMIIRAL ANG DIYOS

3. Papaano naitatayo ang isang bahay?

3 Kapag nakakakita ng isang magandang gusali, iniisip ba ninyo kung sino ang nagtayo nito? Kung may magsasabi na walang nagtayo nito, kundi lumitaw na lamang at sukat, maniniwala kayo kaya? Siyempre hindi! Sabi nga ng manunulat ng Bibliya: “Bawa’t bahay ay may nagtayo.” Alam nating lahat iyan. Kaya, hindi ba natin matatanggap ang makatuwirang pasiya ng manunulat na iyon: “Siya na nagtayo ng lahat ay ang Diyos”?​—Hebreo 3:4.

4. Papaano umiral ang bilyun-bilyong bituin?

4 Tingnan ninyo ang sansinukob at ang bilyun-bilyong bituin nito. Gayunma’y naglalakbay sila sa kalangitan ayon sa mga batas na nagpapanatili sa kanila sa sakdal na kaayusan. “Sino ang lumalang sa mga ito?” ay tanong noon pa mang una. Makatuwiran ang sagot: “Siya na naglalabas ng kanilang hukbo ayon sa bilang, at tumatawag sa bawa’t isa ayon sa pangalan.” (Isaias 40:26) Talagang kamangmangan na isiping ang bilyun-bilyong bituin ay kusang lumitaw, at, bagaman walang pumapatnubay, ay bumuo ng dambuhalang mga galaksi na kumikilos sa kamanghamanghang kaayusan!​—Awit 14:1.

5. (a) Ano ang posibilidad na ang hiwahiwalay na piyesa ng isang panadtad ng karne ay kusang magkasama-sama upang mabuo ito? (b) Ano ang ipinakikita nito tungkol sa ating sansinukob?

5 Ang ganito ka-organisadong sansinukob ay hindi lilitaw na lamang at sukat. Kinailangan ang matalinong Maylikha na may dakilang kapangyarihan. (Awit 19:1, 2) Isang negosyante na tinanong kung bakit siya naniniwala sa Diyos ang nagsabi na sa pabrika niya dalawang araw ang kailangan bago matutuhang pagkabitkabitin ang 17 piyesa ng makinang panadtad ng karne. “Manggagawa lamang ako ng panghiwa,” sabi niya. “Pero natitiyak ko na paikut-ikutin mo man ang 17 piyesang ito sa isang banyera sa loob ng 17 bilyong taon hindi ka pa rin makakabuo ng panadtad ng karne.” Ang sansinukob ay mas masalimuot kay sa panadtad ng karne. Kung ang ganoong makina ay nangangailangan ng bihasang manggagawa, kinailangan din ang isang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat upang malikha ang lahat ng bagay. Hindi ba siya karapatdapat sa kapurihan dahil dito?​—Apocalipsis 4:11; Gawa 14:15-17; 17:24-26.

ANG DIYOS NGA BA’Y PERSONA?

6. Bakit natin natitiyak na ang Diyos nga’y isang persona?

6 Bagaman marami ang naniniwala sa Diyos, hindi sila naniniwala na siya’y isang persona. Siya ba’y persona? Alam ninyo, kapag may talino ay mayroong isip. Halimbawa, may nagsasabi, ‘Nagbago ang isip ko.’ Alam din natin na kapag may isip ay may utak na nasa isang katawan na may tiyak na hugis. Kaya nasa dakilang Persona ang dakilang isip na kumatha ng buong sansinukob, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Wala siyang materyal na katawan, nguni’t may espirituwal. May katawan ba ang espiritu? Oo, sinasabi ng Bibliya: “Kung may katawang pisikal, mayroon din namang espirituwal.”​—1 Corinto 15:44; Juan 4:24.

7. (a) Ano ang nagpapakita na ang Diyos ay may tahanang dako? (b) Ano ang nagpapakita na siya’y may katawan?

7 Yamang ang Diyos ay persona na may katawang espirituwal kailangan niya ang tirahan. Sinasabi ng Bibliya na ang langit ay siyang “tatag na tahanang dako” ng Diyos. (1 Hari 8:43) Sinasabi din nito na si “Kristo ay pumasok . . . sa talagang langit, upang humarap sa mismong persona ng Diyos.” (Hebreo 9:24) May mga taong makakapiling ng Diyos sa langit, at doo’y pagkakalooban sila ng mga katawang espiritu. Kaya ayon sa Bibliya, makikita nila ang Diyos, at magiging gaya niya. (1 Juan 3:2) Ipinakikita rin nito na ang Diyos ay persona, at na mayroon siyang katawan.

8, 9. (a) Papaano inilalarawan ng planta ng koryente ang malayong abot ng kapangyarihan ng Diyos? (b) Ano ang banal na espiritu ng Diyos, at ano ang nagagawa nito?

8 Nguni’t baka may magtanong: ‘Kung ang Diyos nga’y persona at nakatira sa langit, papaano niya makikita ang nangyayari sa lahat ng lugar? At papaano madadama ang kapangyarihan niya sa bawa’t sulok ng sansinukob?’ (2 Cronica 16:9) Ang kapangyarihan o kadakilaan ng Diyos ay hindi hinahanggahan ng kaniyang pagiging persona. Hindi rin nababawasan ang paggalang natin sa Kaniya dahil dito. (1 Cronica 29:11-13) Upang maunawaan ito kunin nating halimbawa ang malayuang epekto ng planta ng koryente.

9 Ang isang planta ng koryente ay nasa tiyak na lokasyon. Pero ang koryente ay umaabot sa buong paligid, upang maghatid ng ilaw at enerhiya. Ganoon din sa Diyos. Nasa langit siya. (Isaias 57:15; Awit 123:1) Gayunman ang banal na espiritu, ang kaniyang di-nakikitang kumikilos na puwersa, ay nadadama sa buong sansinukob. Sa pamamagitan ng banal na espiritu ay nilalang ng Diyos ang langit, lupa at lahat ng may buhay. (Awit 33:6; Genesis 1:2; Awit 104:30) Sa paglalang, hindi kailangan na ang katawan mismo ng Diyos ay presente. Puwede niyang isugo ang kaniyang espiritu, ang mabisang puwersa niya, upang gawin ang nais niya kahit na siya ay nasa malayo. Anong kamanghamanghang Diyos!​—Jeremias 10:12; Daniel 4:35.

KUNG ANONG URI NG PERSONA ANG DIYOS

10. Ano ang isang paraan upang makilala natin ang Diyos?

10 Matututuhan kaya nating mahalin ang Diyos kung higit natin siyang makikilala? ‘Marahil,’ sasabihin ninyo, ‘pero yamang hindi siya nakikita, papaano natin siya makikilala?’ (Juan 1:18) Ang isang paraan ay binabanggit ng Bibliya: “Ang kaniyang di-nakikitang mga katangian ay malinaw na nakikita mula pa nang lalangin ang mundo, palibhasa’y naaaninaw ito sa mga bagay na ginawa, maging ang walang-hanggan niyang kapangyarihan at pagka-Diyos.” (Roma 1:20) Kaya kung susuriin at pag-iisipan natin, ang mga lalang ng Diyos ay tutulong upang makilala natin kung ano siya.

11. Ano ang matututuhan natin mula sa mga lalang ng Diyos?

11 Gaya ng nakita na natin, ang mabituing langit ay tiyak na may sinasabi tungkol sa kadakilaan at kapangyarihan ng Diyos! (Awit 8:3, 4; Isaias 40:26) Tingnan naman natin ang lupa. Inilagay ito ng Diyos sa kalawakan upang tumanggap ng tamang-tamang init at liwanag mula sa araw. Nariyan din ang siklo ng tubig. Ang ulan ay dumidilig sa lupa. Umaagos ang tubig sa mga ilog, patungo sa mga dagat. Sinisipsip ng araw ang tubig sa dagat bilang singaw, na bumabagsak bilang ulan upang muling diligin ang lupa. (Eclesiastes 1:7) Napakaraming kamanghamanghang siklo ang pinakikilos ng Diyos upang maglaan ng pagkain, tirahan at lahat ng kailangan ng tao at hayop! At ano ang sinasabi ng kamanghamanghang mga bagay na ito tungkol sa Diyos? Na siya’y Diyos ng dakilang karunungan at na siya’y mapagbigay at nagmamalasakit sa lahat ng kaniyang nilalang.​—Kawikaan 3:19, 20; Awit 104:13-15, 24, 25.

12. Ano ang itinuturo ng sarili ninyong katawan tungkol sa Diyos?

12 Tingnan ninyo ang inyong katawan. Maliwanag na ginawa ito hindi basta para mabuhay. Dinisenyo ito upang masiyahan kayo sa buhay. (Awit 139:14) Nakikita ng mata hindi lamang ang puti at itim kundi lahat ng kulay, at napakayaman ng daigdig sa mga kulay. Nakakaamoy tayo at nakakalasa. Kumakain tayo hindi lamang sapagka’t kailangan; kundi sapagka’t ito’y kasiyasiya. Mabubuhay tayo kahit wala ang mga pandamdam na ito, subali’t ito’y mga kaloob ng maibigin, mapagbiyaya at maalalahaning Diyos.​—Genesis 2:9; 1 Juan 4:8.

13. Ano ang natututuhan ninyo tungkol sa Diyos mula sa pakikitungo niya sa tao?

13 Ang pagsusuri sa pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan ay magsasabi din kung anong uri siya ng Diyos. Malaki ang pagpapahalaga niya sa katarungan. Hindi siya nagtatangi dahil sa lahi ng isang tao. (Gawa 10:34, 35) Maawain din siya at mabait. Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol sa pakikitungo niya sa bansang Israel, na iniligtas niya sa pagkakaalipin sa Ehipto: “Puspos siya ng awa; . . . naalaala niya na sila’y laman.” Naging masuwayin ang mga Israelita, kaya nalungkot ang Diyos. Sabi ng Bibliya: “Pinasamâ nila ang kaniyang loob . . . at pinasakitan nila ang Banal ng Israel.” (Awit 78:38-41; 103:8, 13, 14) Sa kabilang dako, kapag masunurin sila, ang Diyos ay nagagalak. (Kawikaan 27:11) At ganito ang nadadama ng Diyos kapag ang mga lingkod niya ay pinahihirapan ng mga kaaway: “Ang humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” (Zacarias 2:8) Hindi ba kayo napakikilos na umibig sa ganitong Diyos na may pagmamahal sa mababa, hamak na mga tao ng lahat ng lipi at bayan?​—Isaias 40:22; Juan 3:16.

ANG DIYOS BA’Y SI JESUS O ISANG TRINIDAD?

14. Ano ba ang turo ng Trinidad?

14 Sino ang kamanghamanghang Diyos na ito? May nagsasabing ang pangalan niya ay Jesus. Sabi ng iba isa daw siyang Trinidad, bagaman wala sa Bibliya ang salitang “trinidad.” Ayon sa turo ng Trinidad, may tatlong persona sa iisang Diyos, alalaong baga, “isang Diyos, Ama, Anak at Espiritu Santo.” Maraming relihiyon ang nagtuturo nito, bagaman inaamin nilang ito’y “isang misteryo.” Wasto ba ang ganitong mga paniwala tungkol sa Diyos?

15. Papaano ipinakikita ng Bibliya na ang Diyos at si Jesus ay dalawang magkabukod na personal at hindi magkapantay?

15 Sinabi ba ni Jesus na siya ang Diyos? Hindi kailanman! Sa halip, tinatawag siya ng Bibliya na “Anak ng Diyos.” Sinabi niya: “Ang Ama ay lalong dakila kay sa akin.” (Juan 10:34-36; 14:28) Ipinaliwanag din ni Jesus na may mga bagay na hindi niya nalalaman, ni ang mga anghel, kundi ang Diyos lamang. (Marcos 13:32) Nanalangin minsan si Jesus: “Maganap nawa, hindi ang kalooban ko, kundi ang sa iyo.” (Lucas 22:42) Kung si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, hindi siya mananalangin sa kaniyang sarili, di ba? Sa katunayan, sinasabi ng Kasulatan na pagkamatay ni Jesus: “Ang Jesus na ito ay binuhay-muli ng Diyos.” (Gawa 2:32) Kaya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat at si Jesus ay dalawang magkahiwalay na persona. Maging pagkamatay niya at pagkabuhay-muli at pag-akyat sa langit, si Jesus ay hindi pa rin kapantay ng kaniyang Ama.​—1 Corinto 11:3; 15:28.

16. Bagaman tinutukoy si Jesus na “Diyos,” ano ang nagpapakita na hindi siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat?

16 ‘Pero hindi ba diyos ang tawag kay Jesus sa Bibliya?’ itatanong ng iba. Totoo. Maging si Satanas din ay tinatawag na diyos. (2 Corinto 4:4) Sa Juan 1:1, na tumutukoy kay Jesus bilang “ang Salita,” ganito ang ibang salin ng Bibliya: “Nang pasimula ay ang Salita, at ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos.” Nguni’t pansinin na sa Ju 1 bersikulo 2 sinasabi na ang Salita “nang pasimula ay kasama ng Diyos.” At bagaman nakita ng mga tao si Jesus, ayon sa Ju 1 bersikulo 18 “walang taong nakakita kailanman sa Diyos.” (Authorized o King James Version) Kaya mas tama ang ibang salin ng Ju 1 bersikulo 1: “Ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay banal,” o “isang diyos,” alalaong baga, ang Salita ay isang tulad-diyos na makapangyarihan. (An American Translation) Maliwanag, si Jesus ay hindi Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Tinawag pa nga ni Jesus ang kaniyang Ama na “Diyos ko” at “ang tanging tunay na Diyos.”​—Juan 20:17; 17:3.

17. Papaanong ang pagbubuhos ng banal na espiritu sa mga tagasunod ni Jesus ay patotoo na hindi ito isang persona?

17 Kung tungkol naman sa “Espiritu Santo” na di-umano’y ikatlong persona ng Trinidad, nakita na natin na hindi ito persona kundi ang aktibong puwersa ng Diyos. Sinabi ni Juan Bautista na si Jesus ay magbabautismo sa banal na espiritu, kung papaanong si Juan ay nagbautismo sa tubig. Kaya, kung ang tubig ay hindi persona, ang banal na espiritu ay hindi rin persona. (Mateo 3:11) Natupad ang inihula ni Juan nang ibuhos ang banal na espiritu sa mga alagad ni Jesus sa Jerusalem. Sinasabi ng Bibliya: “Silang lahat ay napuspos ng banal na espiritu.” (Gawa 2:4) “Napuspos” ba sila ng isang persona? Hindi, napuspos sila ng aktibong puwersa ng Diyos. Kaya maliwanag na ang Trinidad ay hindi turo ng Bibliya. Sa katunayan, matagal pa bago naparito sa lupa si Jesus ay sinasamba na ang mga diyos sa grupo ng tatluhan, o mga trinidad, sa mga dakong gaya ng sinaunang Ehipto at Babilonya.

PANGALAN NG DIYOS

18. (a) “Diyos” ba ang personal na pangalan ng Makapangyarihan-sa-Lahat? (b) Ano ang kaniyang personal na pangalan?

18 Tiyak na lahat ng kilala ninyo ay may pangalan. May personal ding pangalan ang Diyos na nagtatangi sa kaniya. ‘Hindi ba “Diyos” ang pangalan niya?’ tanong ng iba. Hindi, sapagka’t ang “Diyos” ay titulo lamang, gaya ng “Presidente,” “Hari” at “Huwes.” Nalalaman natin ang pangalan ng Diyos mula sa Bibliya, na kung saan mga 7,000 beses itong lumilitaw. Halimbawa, sa King James Version, ang Awit 83:18 ay nagsasabi: “Upang malaman ng mga tao, na ikaw lamang na ang pangalan ay JEHOVA, ay kataastaasan sa buong lupa.” Sa maraming Bibliya masusumpungan din ang pangalan ng Diyos sa Apocalipsis 19:1-6 bilang bahagi ng “Alleluia” o “Hallelujah.” Ito’y nangangahulugang “purihin si Jah,” ang pinaikling anyo ng Jehova.

19. (a) Bakit nabibigla ang iba kapag nabasa ang pangalan ng Diyos sa kanilang Bibliya? (b) Saan lumilitaw ang pangalang ito sa King James Version?

19 Marami ang nabibigla kapag nabasa ang pangalan ng Diyos sa Bibliya. Marahil ang Bibliya nila ay madalang bumanggit sa pangalan ng Diyos. Sa King James Version, halimbawa, lumilitaw lamang ang pangalang “Jehova” sa Exodo 6:3, Awit 83:18 at Isaias 12:2 at Isa 26:4. Gayumpaman, kapag isinasalin nito ang pangalan ng Diyos sa titulong “Panginoon” o “Diyos,” lagi nitong ginagamit ang malalaking titik, gaya ng “PANGINOON” at “DIYOS,” upang mapatangi sa karaniwang “Panginoon” at “Diyos.” Pansinin ito sa Awit 110:1.

20. (a) Bakit napakadalang gamitin ang pangalan ng Diyos? (b) Dapat bang magkaganito?

20 Baka itatanong ninyo, ‘Bakit hindi laging ginagamit ang pangalan ng Diyos tulad sa orihinal na teksto ng Bibliya? Bakit pinapalitan ito ng titulong PANGINOON at DIYOS?’ Sa pambungad nito, ipinaliliwanag ng American Standard Version kung bakit nito ginamit ang pangalang Jehova, at kung bakit matagal na panahong hindi ginamit ang pangalan ng Diyos: “Pagkatapos ng masusing pagsasaalang-alang, nagkaisa ang mga Amerikanong Rebisador na ang pamahiing Hudiyo, na nagturing sa Banal na Pangalan na napaka-sagrado para banggitin, ay hindi na dapat pang manaig sa Ingles o alinpamang salin . . . . Ang personal na pangalan, lakip na ang maraming banal na kahulugan nito, ay isinasauli ngayon sa sagradong teksto sa talagang wastong dako nito.” Oo, inakala ng mga tagapagsalin ng Bibliyang iyan sa Ingles na hindi mabuti ang dahilan ng pag-aalis sa pangalan ng Diyos. Kaya isinauli nila ito sa Bibliya sa angkop na mga dako.

21. Ano ang sinasabi ng Katolikong Douay Version hinggil sa pangalang Jehova?

21 May nangangatuwiran pa rin na hindi daw dapat gamitin ang “Jehova” sapagka’t hindi ito ang talagang pangalan ng Diyos. Halimbawa, sinasabi ng Katolikong Douay Version, na kailanma’y hindi gumamit sa pangalan ng Diyos sa mismong teksto, sa talababa nito sa Exodo 6:3: “Kinatha ng ilang makabago ang pangalang Jehova . . . ang tunay na bigkas ng pangalan sa tekstong Hebreo, dahil sa matagal na di-paggamit, ay nakalimutan na ngayon.”

22. (a) Papaano kinakatawanan ang pangalan ng Diyos sa wikang Hebreo? (b) Bakit may problema sa pagtiyak kung papaano unang binigkas ang pangalan ng Diyos?

22 Oo, inaamin ng Bibliyang Katoliko na ang pangalan ng Diyos ay lumilitaw nga sa tekstong Hebreo, sapagka’t sa wikang Hebreo nasulat ang unang 39 na aklat ng Bibliya. Ang pangalan ay kinakatawanan doon ng apat na titik Hebreo, ang YHWH. Noong sinauna, ang wikang Hebreo ay walang mga patinig, gaya ng a, e, i, o at u, na tumutulong sa wastong pagbigkas ng mga salita. Kaya, ang problema ngayon ay hindi natin alam ang eksaktong mga patinig na ginamit ng mga Hebreo para sa mga katinig na YHWH.

23. Papaanong ang “bldg” at “building” ay tumutulong upang maunawaan ang problema sa pagbigkas ng pangalan ng Diyos?

23 Upang maintindihan ang problema, kunin natin ang salitang Ingles na “building.” Halimbawa’y lagi itong isinusulat bilang “bldg,” at sa katagalan, ay hindi na binibigkas ang salitang ito. Papaano kaya malalaman ng isang tao na mabubuhay 1,000 taon mula ngayon kung papaano bibigkasin ang “bldg” kapag nabasa niya ito? Palibhasa’y hindi pa niya narinig itong bigkasin at hindi niya alam kung anong mga patinig ang nasa salita, hindi nga niya matitiyak. Ganoon ang nangyari sa pangalan ng Diyos. Walang nakakatiyak kung papaano ito binigkas, bagaman inaakala ng ilang iskolar na wasto ang “Yahweh.” Gayumpaman, ang “Jehova” ay ginamit na sa nakalipas na maraming siglo at ito ang pinaka-tanyag.

24. (a) Kung papaano ginagamit ang ibang pangalan, bakit wastong gamitin ang pangalan ng Diyos? (b) Sa liwanag ng Gawa 15:14, bakit mahalaga na gamitin ang pangalan ng Diyos?

24 Dapat pa rin ba nating gamitin ang pangalan ng Diyos maski na hindi natin binibigkas ito nang eksakto? Buweno, ginagamit natin ang pangalan ng ibang tauhan sa Bibliya kahit na hindi natin binibigkas ang mga yaon ayon sa orihinal na Hebreo. Halimbawa, ang pangalan ni Jesus ay binibigkas na “Yesh’ua” sa Hebreo. Kaya wastong gamitin ang pangalan ng Diyos, na inihahayag sa Bibliya, bigkasin man natin yaon nang “Yahweh,” “Jehova,” o sa paraang karaniwan sa ating wika. Ang masama ay ang hindi paggamit sa pangalang iyon. Bakit? Sapagka’t ang hindi gumagamit nito ay hindi mabibilang sa mga kinukuha ng Diyos upang maging “isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Hindi lamang natin dapat malaman ang pangalan ng Diyos, kundi dapat parangalan ito at purihin sa harapan ng iba, gaya ng ginawa ni Jesus nang siya’y nasa lupa.​—Mateo 6:9; Juan 17:6, 26.

DIYOS NG LAYUNIN

25. (a) Anong mga bagay tungkol sa Diyos ang mahirap nating maunawaan? (b) Ano ang nag-udyok kay Jehova upang lumalang?

25 Bagaman mahirap itong masakyan ng ating isipan, si Jehova ay hindi nagkaroon ng pasimula at hindi rin naman magkakaroon ng wakas. Siya ang “Haring walang-hanggan.” (Awit 90:2; 1 Timoteo 1:17) Bago siya lumalang, si Jehova ay nag-iisa sa sansinukob. Gayunma’y hindi siya nalungkot, sapagka’t kompleto siya sa ganang sarili at hindi nangangailangan ng anoman. Pag-ibig ang nag-udyok sa kaniya para lumalang, upang matamasa ng iba ang buhay. Ang mga unang lalang niya’y espiritung mga persona gaya niya. Mayroon na siyang dakilang organisasyon ng makalangit na anak bago pa inihanda ang lupa para sa tao. Layunin ni Jehova na sila ay makasumpong ng kagalakan sa buhay at sa gawaing iniatas niya sa kanila.​—Job 38:4, 7.

26. Bakit tayo nakatitiyak na matutupad ang layunin ng Diyos ukol sa lupa?

26 Nang handa na ang lupa, inilagay ng Diyos ang mag-asawa, sina Adan at Eba, sa isang bahagi ng lupa na noo’y ginawang paraiso. Layunin niya na sila’y magluwal ng mga supling na susunod at sasamba sa kaniya, at magpapalaganap ng paraiso sa buong lupa. (Genesis 1:27, 28) Gayumpaman, nalaman natin na ang dakilang layunin na ito ay nagambala. Pinili nina Adan at Eba na sumuway sa Diyos kaya ang layunin niya’y hindi natupad. Subali’t matutupad ito sapagka’t kung hindi ay mangangahulugan na si Jehova ay nabigo. At hindi niya ito matatanggap! “Bawa’t kalugdan ko’y aking gagawin,” pahayag niya. “Aking sinalita; akin din namang pangyayarihin.”​—Isaias 46:10, 11.

27. (a) Bakit tayo magsusulit sa Diyos? (b) Kaya anong tanong ang dapat nating pakadibdibin?

27 Nakikita ba ninyo kung papaano kayo mapapalakip sa layunin ng Diyos? Hindi ito paggawa ng anomang maibigan ninyo nang hindi isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Ganito ang ginawa nina Satanas at Adan at Eba. Batid nila ang kalooban ng Diyos nguni’t hindi nila ito tinupad. Kaya pinapagsulit sila ng Diyos. Tayo ba ay magsusulit din sa Diyos? Oo, sapagka’t ang Diyos ay Bukal ng ating buhay. Ang buhay nati’y nasasalalay sa kaniya. (Awit 36:9; Mateo 5:45) Kaya ginugugol ba natin ang ating buhay kasuwato ng kalooban ng Diyos? Dapat nating pakadibdibin ito, sapagka’t dito nasasalig ang pagkakataon natin ukol sa buhay na walang-hanggan.

KUNG PAPAANO SASAMBAHIN SI JEHOVA

28. Anong tulong ang ginagamit ng marami sa pagsamba sa Diyos?

28 Mahalaga ang paraan ng pagsamba natin kay Jehova. Dapat siyang sambahin ayon sa gusto niya, kahit naiiba ito sa nakagisnan natin. Halimbawa, nakaugalian na ng marami ang paggamit ng mga larawan sa kanilang pagsamba. Maaaring angkinin nila na hindi nila sinasamba ang larawan, nguni’t ang pagtingin at paghipo dito ay tumutulong sa kanila na sumamba sa Diyos. Pero gusto kaya ng Diyos na siya’y sambahin sa tulong ng mga imahen?

29. Papaano ipinakikita ng Bibliya na mali ang gumamit ng mga larawan sa pagsamba?

29 Hindi, ayaw niya. At ito mismo ang dahilan kung kaya’t sinabi ni Moises sa mga Israelita na ang Diyos ay hindi kailanman nagpakita sa tao. (Deuteronomio 4:15-19) Sa katunayan sinasabi sa Sampung Utos: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng isang larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang bagay . . . huwag mo itong yuyukuran o paglilingkuran.” (Exodo 20:4, 5, sa Katolikong Jerusalem Bible) Si Jehova lamang ang dapat sambahin. Paulit-ulit na ipinakikita ng Bibliya ang kamalian ng paggawa o pagyuko sa imahen, o pagsamba sa kaninoman o anoman liban kay Jehova.​—Isaias 44:14-20; 46:6, 7; Awit 115:4-8.

30. (a) Ano ang sinabi ni Jesus at ng mga apostol niya upang ipakita na mali ang paggamit ng mga larawan? (b) Ayon sa Deuteronomio 7:25, ano ang dapat gawin sa mga imahen?

30 Gaya ng dapat asahan, si Jesus ay hindi gumamit ng mga larawan sa pagsamba. “Ang Diyos ay Espiritu,” aniya, “at ang sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Kasuwato ng payong ito, walang isa man sa mga naunang tagasunod ni Jesus ang gumamit ng larawan sa pagsamba. Sa katunayan, sumulat ang apostol niya na si Pablo: “Tayo’y lumalakad sa pananampalataya, hindi sa paningin.” (2 Corinto 5:7) At nagbabala pa ang apostol niyang si Juan: “Mag-ingat kayo sa mga diyus-diyosan.” (1 Juan 5:21) Bakit hindi suriin ang paligid ng inyong tahanan at tanungin ang sarili kung nasusunod ninyo ang payong ito?​—Deuteronomio 7:25.

31. (a) Kahit hindi natin maintindihan ang layunin ng isang utos ng Diyos, bakit susunod pa rin tayo? (b) Ano ang sisikapin nating gawin, at anong imbitasyon ang dapat nating tanggapin?

31 Ang pagsamba kay Jehova ayon sa paraan niya ay tiyak na magdudulot sa atin ng tunay na kaligayahan. (Jeremias 14:22) Ang mga kahilingan niya ay sa ikabubuti natin, sa ating walang-hanggang kapakanan. Kung minsan, dahil sa limitado nating kaalaman at karanasan, hindi natin masyadong maintindihan kung bakit napakahalaga ang isang utos ng Diyos, o kung bakit ikabubuti natin ito. Subali’t ang taimtim na paniwala na higit ang alam ng Diyos kay sa atin ay magpapakilos sa atin na sundin siya nang buong-puso. (Awit 19:7-11) Kaya, sikapin nating pag-aralan ang lahat tungkol kay Jehova, at tanggapin ang paanyaya: “O, magsipasok kayo, magsisamba tayo at magsiyukod; magsiluhod tayo sa harap ni Jehova na Maylalang sa atin. Sapagka’t siya’y ating Diyos, at tayo ang bayan ng kaniyang pastulan at tupa sa kaniyang mga kamay.”​—Awit 95:6, 7.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Kahon sa pahina 42]

Makikita rito ang apat na lugar na doon lumilitaw ang pangalan ng Diyos sa King James Version

Exodo 6:3

Awit 83:18

Isaias 12:2

Isaias 26:4

[Mga larawan sa pahina 34, 35]

Kung may gumawa ng bahay, . . . tiyak na mayroon ding Gumawa ng higit na masalimuot na sansinukob

[Larawan sa pahina 39]

Yamang ang idinalangin ni Jesus ay gawin nawa ang kalooban ng Diyos, hindi ang sa kaniyang sarili, hindi maaaring isang persona silang dalawa

[Larawan sa pahina 40, 41]

Papaano magiging persona ang banal na espiritu, gayong 120 alagad ang sabay-sabay na pinuspos nito?

[Larawan sa pahina 45]

Wasto bang gamitin ang mga imahen sa pagsamba?