Ano ang Nangyayari Kapag ang Isa’y Namatay?
Kabanata 8
Ano ang Nangyayari Kapag ang Isa’y Namatay?
1. Anong mga tanong ang madalas itanong tungkol sa mga patay?
MARAHIL ay alam ninyo ang pamamanglaw na dinaranas kapag namatay ang isang mahal sa buhay. Anong lungkot at kawalang-pag-asa ang inyong nadadama! Likas lamang na magtanong: Ano ang nangyayari sa isa kapag namatay? Siya ba’y nabubuhay pa sa ibang dako? Ang mga patay kaya ay muling makakasama ng mga buháy dito sa lupa?
2. Ano ang nangyari sa unang tao, si Adan, nang mamatay?
2 Upang masagot ito, matutulungan tayo kung ating aalamin ang nangyari kay Adan nang siya’y mamatay. Nang siya’y magkasala, sinabi sa kaniya ng Diyos: “Ikaw [ay] babalik sa lupa, sapagka’t mula dito ka kinuha. Sapagka’t ikaw ay alabok at sa alabok ka rin mauuwi.” (Genesis 3:19) Isipin ang kahulugan nito. Bago siya lalangin ng Diyos mula sa alabok, wala pang Adan. Hindi pa siya umiiral. Kaya, pagkamatay niya, si Adan ay bumalik sa gayon ding kalagayan ng di-pag-iral.
3. (a) Ano ang kamatayan? (b) Ano ang sinasabi ng Eclesiastes 9:5, 10 tungkol sa kalagayan ng patay?
3 Sa payak na pananalita, ang kamatayan ay kabaligtaran ng buhay. Ipinakikita ito ng Bibliya sa Eclesiastes 9:5, 10. Ayon sa Authorized o King James Version, ganito ang sinasabi ng mga talatang yaon: “Sapagka’t nalalaman ng mga buháy na sila’y mangamamatay; nguni’t hindi nalalaman ng patay ang anomang bagay, ni mayroon pa man silang kagantihan; sapagka’t ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Anomang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong kapangyarihan; sapagka’t walang gawa, ni katha man, ni kaalaman man, ni karunungan man, sa libingan, na iyong paroroonan.”
4. (a) Ano ang nangyayari sa isip ng tao kapag namatay? (b) Bakit humihinto sa pag-andar ang lahat ng sangkap ng tao kapag namatay?
4 Nangangahulugan ito na ang patay ay walang magagawa at walang nararamdaman. Wala na silang alaala, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Huwag mong ilagak ang iyong tiwala sa mga pangulo, ni sa anak man ng tao, na hindi makapagliligtas. Ang espiritu niya ay pumapanaw, siya’y nagbabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw na yaon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Awit 146:3, 4) Sa kamatayan, ang espiritu ng tao, ang kaniyang puwersa ng buhay, na sinusustinehan ng paghinga, “ay pumapanaw.” Hindi na ito umiiral. Kaya ang kaniyang mga sangkap ng pandinig, paningin, pandamdam, pang-amoy at panlasa, na nasasalig sa kaniyang kakayahang mag-isip, ay pawang humihinto. Ayon sa Bibliya, ang mga patay ay pumapasok sa isang kalagayan ng lubusang pagkawalang-malay.
5. (a) Papaano ipinakikita ng Bibliya na ang kalagayan ng mga patay na tao at patay na hayop ay pareho? (b) Ano ang “espiritu” na bumubuhay kapuwa sa tao at hayop?
5 Kapag namamatay, ang mga tao at hayop ay kapuwa nasa ganitong kalagayan ng lubusang pagkawalang-malay. Pansinin kung papaano idinidiin ng Bibliya ang puntong ito: “Kung papaanong namamatay ang isa, gayon din namamatay ang isa; at sila’y kapuwa may iisang espiritu, anupa’t walang kahigitan ang tao sa hayop, sapagka’t lahat ay walang kabuluhan. Lahat ay patungo sa iisang dako. Sila’y pawang galing sa alabok, at sila’y pawang mangagbabalik sa alabok.” (Eclesiastes 3:19, 20) Ang “espiritu” na bumubuhay sa mga hayop ay yaon ding bumubuhay sa tao. Kapag ang “espiritu” o di-nakikitang puwersang ito ng buhay ay pumanaw, kapuwa ang tao at hayop ay nagbabalik sa alabok na pinagkunan sa kanila.
ANG KALULUWA’Y NAMAMATAY
6. Papaano ipinakikita ng Bibliya na ang mga hayop ay kaluluwa?
6 Ang iba’y nagsasabi na ang pagkakaiba raw ng tao sa hayop ay na ang tao ay may kaluluwa samantalang ang mga hayop ay wala. Gayumpaman, sinasabi ng Genesis 1:20 at 30 na nilalang ng Diyos ang “nabubuhay na mga kaluluwa” upang manirahan sa tubig, at na ang mga hayop ay nagtataglay ng “buhay bilang isang kaluluwa.” Sa mga talatang ito ang ibang Bibliya ay gumagamit ng mga salitang “kinapal” at “buhay” sa halip na “kaluluwa,” subali’t sumasang-ayon ang kanilang panggilid na tala na ang salitang “kaluluwa” ay siyang lumilitaw sa mga orihinal na wika. Kabilang sa mga pagtukoy ng Bibliya sa hayop bilang mga kaluluwa ay yaong nasa Bilang 31:28. Doo’y binabanggit ang “isang kaluluwa sa bawa’t limang daan, ng mga tao at ng hayop at ng mga asno at ng mga kawan.”
7. Ano ang sinasabi ng Bibliya upang patunayan na namamatay kapuwa ang mga kaluluwang hayop at kaluluwang tao?
7 Palibhasa ang mga hayop ay mga kaluluwa, kapag namatay ang mga ito namamatay ang kanilang kaluluwa. Sinasabi ng Bibliya: “Bawa’t nabubuhay na kaluluwa ay namatay, oo, ang mga bagay na nasa dagat.” (Apocalipsis 16:3) Kumusta naman ang mga kaluluwang tao? Gaya ng natutuhan natin sa nakaraang kabanata, hindi nilikha ng Diyos ang tao na may taglay na kaluluwa. Ang tao mismo ay isang kaluluwa. Kaya, gaya ng maaasahan, kapag namatay ang tao, namamatay ang kaniyang kaluluwa. Paulit-ulit na sinasabi ng Bibliya na ito’y totoo. Kailanma’y hindi sinasabi ng Bibliya na ang kaluluwa ay walang kamatayan o na hindi ito mamamatay. “Lahat niyaong nagsisibaba sa alabok ay magsisiyuko, at walang makapagliligtas na buháy ng kaniyang sariling kaluluwa,” sabi ng Awit 22:29. “Ang kaluluwa na nagkakasala—ito mismo’y mamamatay,” paliwanag ng Ezekiel 18:4 at 20. At kung titingnan ninyo ang Josue 10:28-39, makakasusumpong kayo ng pitong pagkakataon na doo’y sinasabing ang kaluluwa ay pinapatay o pinapaslang.
8. Papaano natin nalalaman na ang kaluluwang tao, si Jesu-Kristo, ay namatay?
8 Sa isang hula hinggil kay Jesu-Kristo, ganito ang sinasabi ng Bibliya: “Ipinagkaloob niya ang kaniyang kaluluwa sa kamatayan . . . at dinala niya ang kasalanan ng marami.” (Isaias 53:12) Ang turo ng pantubos ay nagpapatunay na ang nagkasala ay isang kaluluwa (si Adan), at upang matubos ang tao kinakailangan ang pagsasakripisyo ng isang katumbas na kaluluwa (isang tao). Si Kristo, sa ‘pagkakaloob ng kaniyang kaluluwa sa kamatayan,’ ay naglaan ng halagang pantubos. Si Jesus, ang kaluluwang tao, ay namatay.
9. Ano ang kahulugan ng mga salitang, ‘ang espiritu ay nagbabalik sa Diyos na nagkaloob nito’?
9 Gaya ng nakita na natin, ang “espiritu” ay naiiba sa ating kaluluwa. Ang espiritu ay ang ating puwersa ng buhay. Ang puwersang ito ng buhay ay nasa bawa’t selula ng katawan ng kapuwa tao at hayop. Ito ay sinusustinehan, o pinananatiling-buháy, sa pamamagitan ng paghinga. Ano kung gayon ang kahulugan kapag sinasabi ng Bibliya na sa kamatayan “ang alabok ay nagbabalik sa lupa . . . at ang espiritu ay nagbabalik sa tunay na Diyos na siyang nagkaloob nito”? (Eclesiastes 12:7) Sa oras ng kamatayan, nililisan ng puwersa ng buhay ang lahat ng selula ng katawan at ang katawan ay nagsisimulang mabulok. Subali’t hindi ito nangangahulugan na ang puwersa ng buhay ay literal na lumilisan sa lupang ito at naglalakbay sa kalawakan tungo sa Diyos. Sa halip, ang espiritu ay nagbabalik sa Diyos sa diwa na ang pag-asa natin ukol sa hinaharap na buhay ay nasasalalay ngayon nang lubusan sa Diyos. Tanging sa kapangyarihan lamang niya maibabalik ang espiritu, o puwersa ng buhay, upang tayo ay muling mabuhay.—Awit 104:29, 30.
SI LAZARO—ISANG TAONG APAT NA ARAW NANG PATAY
10. Bagaman namatay na si Lazaro, ano ang sinabi ni Jesus tungkol sa kaniyang kalagayan?
10 Ang nangyari kay Lazaro, na apat na araw nang patay, ay tutulong sa atin upang maunawaan ang kalagayan ng patay. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Si Lazaro na ating kaibigan ay namahinga na, subali’t ako’y paroroon upang gisingin siya sa pagkakatulog.” Datapuwa’t, sumagot ang mga alagad: “Panginoon, kung siya’y namamahinga, gagaling din siya.” Kaya, sinabing maliwanag sa kanila ni Jesus: “Si Lazaro ay namatay.” Bakit sinabi ni Jesus na si Lazaro ay natutulog gayong ang totoo’y namatay na ito? Tingnan natin.
11. Ano ang ginawa ni Jesus ukol sa patay na si Lazaro?
11 Nang malapit na si Jesus sa nayon na tinitirahan ni Lazaro, sinalubong siya ni Marta, kapatid ni Lazaro. Di nagtagal at sila, kasama ng marami pang iba, ay nagtungo sa puntod na pinaglibingan kay Lazaro. Yao’y isang kuweba, at may batong nakatakip dito. Sinabi ni Jesus: “Alisin ninyo ang bato.” Palibhasa’y apat na araw nang patay si Lazaro, tumutol si Marta: “Panginoon, sa ngayon ay tiyak na mangangamoy na siya.” Subali’t inalis ang bato at sumigaw si Jesus: “Lazaro, lumabas ka!” At lumabas nga ito! Lumabas siyang buháy, na nababalot pa rin ng damit panlibing. “Kalagan siya at nang makalakad,” sabi ni Jesus.—Juan 11:11-44.
12, 13. (a) Bakit natin matitiyak na si Lazaro ay walang malay nang ito ay namatay? (b) Bakit sinabi ni Jesus na si Lazaro ay natutulog gayong, ang totoo’y, patay siya?
12 Isipin ngayon ito: Ano ang kalagayan ni Lazaro sa loob ng apat na araw na siya’y patay? Siya ba’y nasa langit? Mabuting tao siya. Gayunma’y walang sinabi si Lazaro hinggil sa pagpunta niya sa langit, na tiyak sanang gagawin niya kung siya’y nanggaling doon. Hindi, si Lazaro ay talagang patay, gaya ng sinabi ni Jesus. Bakit kung gayon unang sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na si Lazaro ay natutulog lamang?
13 Kasi, alam ni Jesus na ang patay na si Lazaro ay walang malay, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Ang mga patay ay walang anomang nalalaman.” (Eclesiastes 9:5) Subali’t ang isang taong buháy ay maaaring gisingin mula sa mahimbing na pagtulog. Kaya ipakikita ni Jesus na, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na ipinagkaloob sa kaniya, ang kaibigan niyang si Lazaro ay maaaring gisingin mula sa kamatayan.
14. Ang kaalaman hinggil sa kapangyarihan ni Kristo na bumuhay ng patay ay dapat na magpakilos sa atin na gawin ang ano?
14 Kapag ang isa ay natutulog nang mahimbing, wala siyang naaalaala. Ganoon din sa kalagayan ng namatay. Wala silang ano mang pakiramdam. Hindi na sila umiiral. Subali’t, sa takdang panahon ng Diyos, ang mga patay na tinubos ng Diyos ay bubuhaying muli. (Juan 5:28) Walang pagsala na ang kaalamang ito ay mag-uudyok sa atin na naising makamit ang pabor ng Diyos. Kung gagawin natin ito, mamatay man tayo, tayo ay aalalahanin ng Diyos at muling bubuhayin.—1 Tesalonica 4:13, 14.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 76]
ADAN—ginawa mula sa alabok . . . bumalik sa alabok
[Larawan sa pahina 78]
Ano ang kalagayan ni Lazaro bago siya buhayin ni Jesus?