Kung Ano ang Dapat Ninyong Gawin Upang Mabuhay Magpakailanman
Kabanata 30
Kung Ano ang Dapat Ninyong Gawin Upang Mabuhay Magpakailanman
1. (a) Anong dalawang landasin ang nakabukas sa inyo? (b) Papaano ninyo mapipili ang tamang landas?
ANG DIYOS NA JEHOVA ay nag-aalok sa inyo ng isang kamanghamanghang bagay—buhay na walang-hanggan sa kaniyang matuwid na bagong kaayusan. (2 Pedro 3:13) Subali’t ang pamumuhay doon ay salig sa pagganap ninyo ng kalooban ng Diyos ngayon. Ang kasalukuyang masamang sanlibutan, pati na ang lahat ng nananatiling bahagi nito, ay malapit nang pumanaw, “nguni’t ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:17) Kaya dapat ninyong piliin ang isa sa dalawang landasin. Ang isa ay umaakay sa kamatayan at ang isa ay sa walang-hanggang buhay. (Deuteronomio 30:19, 20) Alin ang pipiliin ninyo?
2. (a) Kung mayroon kayong tunay na pananampalataya, sa ano kayo magiging kumbinsido? (b) Papaanong ang pagtitiwala sa Diyos gaya ng pagtitiwala ng isang anak sa kaniyang maibiging ama ay tutulong sa inyo sa paglilingkod sa kaniya?
2 Papaano ninyo ipakikita na pinipili ninyo ang buhay? Una sa lahat, dapat kayong sumampalataya kay Jehova at sa kaniyang mga pangako. Lubos ba kayong naniniwala na ang Diyos ay umiiral “at na siya ang tagapagbigay-ganti sa mga taimtim na naghahanap sa kaniya”? (Hebreo 11:6) Dapat kayong magtiwala sa Diyos gaya ng pagtitiwala ng isang anak sa kaniyang nagmamahal at maawaing ama. (Awit 103:13, 14; Kawikaan 3:11, 12) Sa pagkakaroon ng ganitong pananampalataya, hindi ninyo pag-aalinlanganan ang katalinuhan ng kaniyang payo ni ang katumpakan ng kaniyang mga paraan, bagaman paminsan-minsan ay hindi ninyo lubusang nauunawaan ang mga bagay-bagay.
3. (a) Karagdagan pa sa pananampalataya, ano pa ang kailangan? (b) Anong mga gawa ang kailangan upang ipakita na pinipili ninyo ang buhay?
3 Gayunman, higit pa ang kailangan kaysa pananampalataya lamang. Dapat itong lakipan ng gawa upang patunayan kung ano ang tunay ninyong saloobin hinggil kay Jehova. (Santiago 2:20, 26) May nagawa na ba kayo upang ipakita na ikinalulungkot ninyo ang hindi ninyo paggawa ng tama noong nakaraan? Napakilos ba kayo upang magsisi o gumawa ng mga pagbabago upang iayon ang inyong buhay sa kalooban ni Jehova? Kayo ba’y nagbalik-loob na, alalaong baga’y, tinanggihan na ba ninyo ang alinmang maling landasin na maaaring sinusunod ninyo, at pinasimulan na ba ninyong gawin ang mga bagay na hinihiling ng Diyos? (Gawa 3:19; 17:30) Ang mga gawaing ito ang magpapatunay na pinipili ninyo ang buhay.
PAG-AALAY AT BAUTISMO
4. (a) Ano ang dapat magpakilos sa inyo upang gawin ang kalooban ng Diyos? (b) Kapag ipinasiya ninyong maglingkod sa Diyos, ano ang nararapat ninyong gawin?
4 Ano ang dapat magpakilos sa inyo upang piliin ang buhay sa pamamagitan ng pagganap sa kalooban ng Diyos? Ito ay ang pagpapahalaga. Isipin na lamang: Ginawang posible ni Jehova na kayo ay mahango mula sa lahat ng sakit, paghihirap, at maging sa kamatayan! Sa pamamagitan ng mahalagang pagkakaloob ng kaniyang Anak ay binuksan niya sa inyo ang daan tungo sa walang katapusang buhay sa isang paraisong lupa. (1 Corinto 6:19, 20; 7:23; Juan 3:16) Kapag ang pag-ibig ni Jehova ay nagpakilos sa inyo na suklian din siya ng pag-ibig, ano ang dapat ninyong gawin? (1 Juan 4:9, 10; 5:2, 3) Dapat kayong lumapit sa Diyos sa pangalan ni Jesus at sabihin sa kaniya sa panalangin na gusto ninyong maging lingkod niya, at na gusto ninyong maging kaniya. Sa paraang ito ay iniaalay ninyo ang inyong sarili sa Diyos. Ito ay personal at pribadong bagay. Walang ibang makagagawa nito para sa inyo.
5. (a) Pagkatapos ninyong makapag-alay sa Diyos, ano ang inaasahan niyang gagawin ninyo? (b) Anong tulong ang makakamit ninyo upang makapamuhay ayon sa inyong pag-aalay?
5 Matapos makapag-alay sa Diyos, aasahan niya kayo na mamuhay ayon dito. Kaya patunayan ninyong kayo ay taong tapat sa salita sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa pasiyang ito, o pag-aalay, habang kayo ay may hininga. (Awit 50:14) Kung magiging malapit kayo sa nakikitang organisasyon ng Diyos, matutulungan kayo ng mga kapuwa Kristiyano na malulugod magbigay sa inyo ng maibiging pampatibay-loob at alalay.—1 Tesalonica 5:11.
6. (a) Kapag inialay ang inyong buhay sa Diyos, anong susunod na hakbang ang kailangan? (b) Ano ang kahulugan ng bautismo?
6 Gayumpaman, higit pa ang dapat ninyong gawin kaysa pansarilinang pagsasabi kay Jehova na gusto ninyong maging kaniya. Dapat ninyong ipakita sa harapan ng iba na kayo ay gumawa ng pag-aalay upang maglingkod sa Diyos. Papaano ninyo gagawin ito? Sa pamamagitan ng pagpapabautismo sa tubig. Ang ganitong pagpapabautismo sa tubig ay pangmadlang pagpapahayag na ang isa ay nag-alay ng kaniyang buhay kay Jehova at inihaharap ang kaniyang sarili upang ganapin ang Kaniyang kalooban.
7. (a) Anong halimbawa ang inilaan ni Jesus para sa mga Kristiyano? (b) Bakit hindi para sa sanggol ang bautismo na iniutos ni Jesus?
7 Ipinakikita ng halimbawa ni Jesu-Kristo na ang bautismo sa tubig ay isang mahalagang kahilingan. Hindi lamang sinabi ni Jesus sa kaniyang Ama na naparito siya upang gawin ang Kaniyang kalooban. (Hebreo 10:7) Nang sisimulan na niya ang paglilingkod bilang mangangaral ng kaharian ng Diyos, iniharap ni Jesus ang kaniyang sarili kay Jehova at napabautismo sa tubig. (Mateo 3:13-17) Yamang si Jesus ang naglaan ng huwaran, yaong mga nag-aalay ng kanilang sarili ngayon kay Jehova upang gawin ang kaniyang kalooban ay dapat magpabautismo. (1 Pedro 2:21; 3:21) Sa katunayan, inutusan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na gawing alagad ang mga tao sa lahat ng bansa at bautismuhan ang mga bagong alagad na ito. Hindi ito pagbibinyag ng mga sanggol. Pagbabautismo ito ng mga tao na naging mga mananampalataya, na nakapagpasiya nang maglingkod kay Jehova.—Mateo 28:19, 20; Gawa 8:12.
8. Kung nais ninyong pabautismo, kanino sa kongregasyon dapat ninyo itong ipagbigay-alam, at bakit?
8 Kung naipasiya na ninyong maglingkod kay Jehova at gusto ninyong pabautismo, ano ang dapat ninyong gawin? Dapat ninyo itong ipagbigay-alam sa punong tagapangasiwa ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova na kinauugnayan ninyo. Siya, kasama na ang ibang matatanda sa kongregasyon, ay malulugod na magrepasong kasama ninyo ng mga impormasyon na kakailanganing malaman upang mapaglingkuran ninyo ang Diyos sa karapatdapat na paraan. Pagkatapos ay maaaring maisaayos ang inyong pagbabautismo.
ANG KALOOBAN NG DIYOS PARA SA INYO NGAYON
9. Ano ang ginawa ni Noe bago ang baha na siya ring kalooban ng Diyos na gawin ninyo ngayon?
9 Bago ang baha, ginamit ni Jehova si Noe, “isang mangangaral ng katuwiran,” upang magbigay-babala hinggil sa dumarating na kapahamakan at ituro ang tanging dako ng kaligtasan, ang daong. (Mateo 24:37-39; 2 Pedro 2:5; Hebreo 11:7) Kalooban ng Diyos na gawin ninyo ang nakakatulad na gawaing pangangaral. Inihula ni Jesus hinggil sa ating panahon: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Ang iba ay dapat ding makaalam hinggil sa mga bagay na inyong natutuhan hinggil sa layunin ng Diyos upang sila ay makaligtas sa katapusan ng sistemang ito at makapamuhay magpakailanman. (Juan 17:3) Hindi ba napakikilos ang inyong puso na makibahagi sa pagsasabi ng nagbibigay-buhay na kaalamang ito sa iba?
10. (a) Anong halimbawa ni Jesus ang dapat nating sundin dahil sa pag-ibig natin sa mga tao? (b) Papaano ginagawa ang kalakhang bahagi ng pangangaral?
10 Sundin ang halimbawa ni Kristo. Hindi niya hinintay ang mga tao na lumapit sa kaniya, kundi hinanap niya yaong mga handang makinig sa pabalita ng Kaharian. At inutusan niya ang kaniyang mga tagasunod—silang lahat—na gawin din ito. (Mateo 28:19; Gawa 4:13; Roma 10:10-15) Bilang pagsunod sa utos at halimbawa ni Kristo, ang sinaunang mga Kristiyano ay dumalaw sa mga tao sa kanilang mga tahanan. Sila’y “nagbahay-bahay” taglay ang balita ng Kaharian. (Lucas 10:1-6; Gawa 20:20) Ito pa rin ang pangunahing paraan na ginagamit ng tunay na mga Kristiyano sa pagtupad sa kanilang ministeryo sa ating kaarawan.
11. (a) Bakit mangangailangan ng tibay-loob ang pangangaral hinggil sa kaharian ng Diyos, subali’t bakit hindi tayo dapat mangamba? (b) Papaano minamalas ni Jehova ang gawaing ating ginagawa?
11 Kailangan ang tibay-ng-loob sa paggawa nito. Tiyak na hahadlangan kayo ni Satanas at ng kaniyang sanlibutan, kung papaano rin naman nilang sinikap hadlangan ang unang mga tagasunod ni Kristo sa kanilang pangangaral. (Gawa 4:17-21; 5:27-29, 40-42) Subali’t hindi kayo dapat mangamba. Kung papaanong inalalayan at pinalakas ni Jehova ang sinaunang mga Kristiyanong yaon, ganoon din ang gagawin niya para sa inyo. (2 Timoteo 4:17) Kaya laksan ang inyong loob! Patunayan na talagang iniibig ninyo si Jehova at ang inyong kapuwa-tao sa pamamagitan ng lubusang pakikibahagi sa nagliligtas-buhay na gawaing pangangaral at pagtuturo. (1 Corinto 9:16; 1 Timoteo 4:16) Hindi kalilimutan ni Jehova ang inyong gawa, kundi gagantimpalaan niya kayo nang buong yaman.—Hebreo 6:10-12; Tito 1:2.
12. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ng asawa ni Lot?
12 Ang matandang sistemang ito ay walang maiaalok na anomang bagay na may tunay na halaga, kaya kailanma’y huwag ninyong iisipin na may mawawala sa inyo kung tatalikuran ninyo ito. “Alalahanin ang asawa ni Lot,” sabi ni Jesus. (Lucas 17:32) Matapos siyang tumakas sa Sodoma kasama ng kaniyang pamilya, lumingon siya nang may panghihinayang sa mga bagay na kaniyang naiwan. Nakita ng Diyos kung saan naroon ang kaniyang puso, at siya’y naging isang haligi ng asin. (Genesis 19:26) Huwag ninyong gagayahin ang asawa ni Lot! Itingin ang inyong mga mata sa unahan, sa “tunay na buhay” sa matuwid na bagong kaayusan ng Diyos.—1 Timoteo 6:19.
PILIIN ANG WALANG-HANGGANG BUHAY SA PARAISO
13. Papaano iniharap ni Jesus ang pagpili na dapat nating gawing lahat?
13 Ang totoo’y, dalawa lamang ang pagpipilian. Inihambing ito ni Kristo sa pagpili sa isa sa dalawang landas. Ang isa, sabi niya, ay “maluwang at malapad.” Dito ang mga manlalakbay ay binibigyang-kalayaan na paluguran ang kanilang sarili. Subali’t, ang ikalawa ay “makipot.” Oo, yaong nasa landas na ito ay hinihilingang sumunod sa mga tagubilin at batas ng Diyos. Ang karamihan, sabi ni Jesus, ay pumipili sa maluwang na daan, at kakaunti ang nasa makitid na daan. Aling daan ang pipiliin ninyo? Sa paggawa ninyo ng pasiya, isaisip ito: Ang malapad na daan ay biglang hahantong sa hangganan nito—kapahamakan! Sa kabilang dako, ang makitid na daan ay aakay sa inyo sa bagong kaayusan ng Diyos. Doo’y maaari kayong makibahagi sa paggawa sa lupang ito na isang maluwalhating paraiso, na doon maaari kayong mabuhay magpakailanman sa kaligayahan.—Mateo 7:13, 14.
14. Dapat maging bahagi kayo ng ano upang makaligtas tungo sa bagong kaayusan ng Diyos?
14 Huwag isipin na maraming iba’t-ibang daan, o paraan, na maaari ninyong tahakin upang magkamit ng buhay sa bagong kaayusan ng Diyos. Iisa lamang ito. Iisang daong ang nakaligtas sa Baha, hindi maraming barko. At iisa lamang organisasyon—ang nakikitang organisasyon ng Diyos—ang makaliligtas sa mabilis na dumarating na “malaking kapighatian.” Kaya hindi totoo na lahat ng relihiyon ay may isa lamang pinatutunguhan. (Mateo 7:21-23; 24:21) Dapat kayong maging bahagi ng organisasyon ni Jehova, na ginaganap ang kalooban ng Diyos, upang makamit ang kaniyang pagpapala ng buhay na walang-hanggan.—Awit 133:1-3.
15. (a) Ano ang dapat nating gawin sa araw-araw? (b) Anong pag-asa ang higit pa kaysa panaginip lamang?
15 Kaya panatilihing maliwanag sa isip at puso ang larawan ng ipinangakong bagong kaayusan ng Diyos. Sa araw-araw ay bulay-bulayin ang dakilang gantimpala na iniaalok ng Diyos na Jehova sa inyo—ang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa. Hindi ito panaginip. Ito ay tunay! Sapagka’t tiyak na matutupad ang pangako ng Bibliya: “Mamanahin ng matuwid ang lupa, at tatahan doon magpakailanman. . . . Kapag ang masasama ay nilipol, makikita mo ito.”—Awit 37:29, 34.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 251]
Ialay ang inyong sarili kay Jehova . . . at magpabautismo
[Larawan sa pahina 253]
“Alalahanin ang asawa ni Lot”
[Mga larawan sa pahina 254]
Panatilihing malinaw sa inyong isip at puso ang bagong sistema ng Diyos