Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Papaano Makakamit ang Tulong sa Panalangin

Kung Papaano Makakamit ang Tulong sa Panalangin

Kabanata 27

Kung Papaano Makakamit ang Tulong sa Panalangin

1. Anong tulong ang kailangan natin mula sa Diyos, at papaano natin ito tinatanggap?

 UPANG MAKAIWAS sa masamang impluwensiya ng sanlibutan, kailangang kailangan ng mga Kristiyano ang tulong na nakakamit sa pamamagitan ng panalangin. Sinabi ni Jesus: “Ang Ama sa langit [ay] magbibigay ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya.” (Lucas 11:13) Kailangan natin ang espiritu ng Diyos, ang kaniyang kumikilos na puwersa, kung papaanong kailangan din natin na pag-aralan ang kaniyang Salita at makisama sa kaniyang organisasyon. Subali’t upang makamit ang banal na espiritu, dapat tayong manalangin ukol dito.

2. (a) Ano ang panalangin? (b) Ano ang iba’t-ibang anyo ng panalangin? (c) Bakit mahalaga ang panalangin?

2 Ang panalangin ay may-pagpipitagang pakikipag-usap sa Diyos. Maaaring ito’y sa anyong kahilingan, gaya ng paghingi sa Diyos ng mga bagay-bagay. Nguni’t ang panalangin ay maaari ding maging kapahayagan ng pagpapasalamat o papuri sa Diyos. (1 Cronica 29:10-13) Upang magkaroon ng mabuting kaugnayan sa ating makalangit na Ama, kailangan na tayo’y laging nakikipag-usap sa kaniya sa panalangin. (Roma 12:12; Efeso 6:18) Ang kaniyang kumikilos na puwersa, na nakakamit kapag hinihingi natin ito, ay makapagpapalakas sa atin na gawin ang kaniyang kalooban sa kabila ng anomang suliranin o tukso na maaaring paratingin sa atin ni Satanas o ng kaniyang sanlibutan.​—1 Corinto 10:13; Efeso 3:20.

3. (a) Anong kapangyarihan ang maaari nating matanggap mula sa Diyos? (b) Papaano lamang natin maiingatan ang mabuting pakikipag-ugnayan sa Diyos?

3 Maaaring kayo ay talagang nakikipagpunyagi upang makaiwas sa isang bisyo o ugali na hindi nakalulugod sa Diyos. Kung gayon, humingi ng tulong kay Jehova. Bumaling sa kaniya sa panalangin. Ginawa ito ni apostol Pablo, at sumulat siya: “Lahat ng bagay ay nakakaya ko dahil sa kaniya na nagpapalakas sa akin.” (Filipos 4:13; Awit 55:22; 121:1, 2) Isang babae na nakawala sa gapos ng imoralidad ang nagsabi: “Siya lamang ang may kapangyarihan na tutulong sa inyo upang makaiwas sa gayong kalagayan. Dapat kayong magkaroon ng personal na pakikipag-ugnayan kay Jehova, at ang tanging paraan upang maingatan ang personal na kaugnayang ito ay ang pananalangin.”

4. Papaano tumanggap ng lakas ang isang lalaki upang maiwasan ang bisyo ng paninigarilyo?

4 Nguni’t baka sabihin ng isa: ‘Ilang beses na akong nanalangin ukol sa tulong ng Diyos, pero hindi ko pa rin maiwasan ang paggawa ng masama.’ Ganito ang sabi ng mga naninigarilyo. Nang ang isang tulad nito ay tanungin: “Kailan ka nananalangin?” sumagot siya: “Sa gabi bago matulog, sa umaga pagbangon ko, at kapag humina ang aking loob at nagsigarilyo, sinasabi ko kay Jehova na ikinalulungkot ko ang aking nagawa.” Sinabi ng kaniyang kaibigan: “Ang panahon na talagang kailangan mo ang tulong ng Diyos ay sa sandaling nadadama mo ang pagnanais na manigarilyo, hindi ba? Iyon ang panahon na kailangan mong manalangin kay Jehova para palakasin ka.” Nang gawin ito ng taong iyon, tumanggap siya ng tulong upang huminto sa paninigarilyo.

5. (a) Ano ang kailangan upang mapaglingkuran ang Diyos nang may kawastuan? (b) Ano ang nagpapahiwatig na ang pagdurusa ay madalas nasasangkot sa paghiwalay sa makasalanang gawa?

5 Hindi ito nangangahulugan na ang pananalangin sa Diyos, pati na ang pag-aaral ng kaniyang Salita at pakikisama sa kaniyang nakikitang organisasyon, ay magpapadali sa inyo sa paggawa ng matuwid. Nangangailangan pa rin ito ng pagsisikap; oo, pakikipagpunyagi, na maaaring maglakip pa ng pagdurusa. (1 Corinto 9:27) Ang masasamang bisyo ay nakapagdudulot ng labis na pagnanasa ukol sa masama. Kaya ang pagdurusa ay karaniwan nang nagiging bunga kapag ang isa ay humihiwalay sa gawang makasalanan. Handa ba kayong magdusa sa paggawa ng matuwid?​—1 Pedro 2:20, 21.

MGA PANALANGING DINIDINIG NG DIYOS

6. (a) Bakit nahihirapang manalangin ang marami? (b) Ano ang kailangan natin upang marinig ang ating mga panalangin?

6 Marami ang nahihirapang manalangin. “Hindi ko magawang manalangin sa isang hindi ko nakikita,” sabi ng isang dalaga. Palibhasa’y wala namang taong nakakita sa Diyos, kailangan natin ang pananampalataya upang makapanalangin at mapakinggan ng Diyos. Kailangan nating maniwala na si Jehova ay talagang umiiral at na magagawa niya ang hinihiling natin. (Hebreo 11:6) Kung mayroon tayo ng ganitong pananampalataya, at kung lalapit tayo sa Diyos na may pusong taimtim, matitiyak natin na tayo ay matutulungan niya. (Marcos 9:23) Kaya, bagaman ang Romanong opisyal ng hukbo na si Cornelio ay hindi pa bahagi ng organisasyon ng Diyos noon, nang siya’y taimtim na manalangin ukol sa patnubay, sinagot ng Diyos ang kaniyang panalangin.​—Gawa 10:30-33.

7. (a) Anong uri ng panalangin ang nakalulugod sa Diyos? (b) Anong uri ng panalangin ang hindi pinakikinggan ng Diyos?

7 Ang iba ay nahihirapan na magpahayag ng kanilang niloloob. Subali’t, ito’y hindi dapat makahadlang sa kanila sa pakikipag-usap sa Diyos sa panalangin. Makatitiyak tayo na batid niya ang ating mga pangangailangan at mauunawaan niya ang gusto nating sabihin. (Mateo 6:8) Isipin ito: Aling pangungusap ang higit ninyong pahahalagahan mula sa isang bata​—ang kaniyang simple, taimtim na pasalamat o ang pantanging mga salita na itinuro sa kaniya ng iba? Gayon din pinahahalagahan ng ating Ama sa langit ang payak, taimtim na mga kapahayagan mula sa atin. (Santiago 4:6; Lucas 18:9-14) Hindi kailangan ang espesyal na salita o relihiyosong pangungusap. Ang totoo’y hindi niya pinakikinggan yaong nananalangin sa pantangi o matatayog na pangungusap sa layuning pahangain lamang ang iba, o kaya’y yaong nagsasabi nang paulit-ulit ng iyo’t-iyon ding bagay na wala sa puso.​—Mateo 6:5, 7.

8. (a) Ano ang nagpapakita na naririnig ng Diyos ang mga panalangin na binibigkas sa katahimikan? (b) Ipinakikita ba ng Bibliya na dapat tayong manalangin sa isang partikular na posisyon o lugar?

8 Kahit manalangin kayo nang tahimik, nakakarinig pa rin ang Diyos. Nang gawin ito ni Nehemias, kumilos ang Diyos sa taimtim niyang paghiling, at gayon din ang ginawa niya kay Ana. (Nehemias 2:4-8; 1 Samuel 1:11-13, 19, 20) Ni mahalaga kaya ang posisyon ng isa kapag nananalangin. Makapananalangin kayo sa anomang posisyon, anomang oras at saanmang lugar. Gayumpaman, ipinakikita ng Bibliya na angkop ang isang posisyon na nagbabadya ng kapakumbabaan, gaya ng pagyuko o pagluhod. (1 Hari 8:54; Nehemias 8:6; Daniel 6:10; Marcos 11:25; Juan 11:41) At ipinakita ni Jesus na mabuti kapag ang personal na mga panalangin ay binibigkas sa pribadong lugar, na lingid sa mga tao.​—Mateo 6:6.

9. (a) Kanino dapat paratingin ang lahat ng ating panalangin, at bakit? (b) Upang makalugod sa Diyos, kaninong pangalan dapat iukol ang ating mga panalangin?

9 Ang panalangin ay bahagi ng ating pagsamba. Dahil dito ang ating mga panalangin ay dapat paratingin lamang sa ating Maylikha, ang Diyos na Jehova, hindi sa kanino pa mang iba. (Mateo 4:10) At ipinakikita ng Bibliya na ang mga Kristiyano ay dapat lumapit sa Diyos sa pamamagitan ni Jesus, na nagkaloob ng kaniyang buhay upang alisin ang ating mga kasalanan. Nangangahulugan ito na dapat nating bigkasin ang ating mga panalangin sa pangalan ni Jesus.​—Juan 14:6, 14; 16:23; Efeso 5:20; 1 Juan 2:1, 2.

10. (a) Kaninong panalangin ang hindi nakalulugod sa Diyos? (b) Anong saligang kahilingan ang dapat abutin upang ang ating mga panalangin ay madinig ng Diyos?

10 Subali’t, lahat ba ng panalangin ay nakalulugod kay Jehova? Sinasabi ng Bibliya: “Siyang naglalayo ng kaniyang tainga sa pakikinig ng kautusan​—maging ang kaniyang panalangin ay karumaldumal.” (Kawikaan 28:9; 15:29; Isaias 1:15) Kaya kung gusto nating mapakinggan ng Diyos ang ating panalangin, ang isang saligang kahilingan ay ang gawin natin ang kalooban niya, sundin ang mga utos niya. Maliban dito’y hindi tayo pakikinggan ng Diyos, kung paanong ang isang taong matuwid ay hindi makikinig sa isang mahalay na palatuntunan sa radyo. Sinasabi ng Bibliya: “Anomang ating hingin ay tinatanggap natin sa kaniya, sapagka’t iniingatan natin ang kaniyang mga utos at ginagawa ang mga bagay na kalugudlugod sa kaniyang paningin.”​—1 Juan 3:22.

11. Ano ang ibig sabihin ng paggawa kasuwato ng ating idinadalangin?

11 Nangangahulugan ito na dapat tayong kumilos ayon sa ating idinadalangin. Halimbawa, magiging mali para sa isa na humingi ng tulong sa Diyos upang huminto sa paggamit ng tabako o marihuwana at pagkatapos naman ay bibili siya ng mga bagay na ito. Ni makakahiling kaya siya kay Jehova na iwasan ang imoralidad at pagkatapos ay patuloy namang magbabasa ng mga babasahin at manonood ng mga pelikula o palabas sa telebisyon na nagtatampok ng imoralidad. O kung pagsusugal naman ang kahinaan ng isa, hindi siya maaaring manalangin na tulungan siya ng Diyos na huminto at pagkatapos ay pupunta pa rin siya sa mga karerahan o mga sugalan. Upang marinig ng Diyos ang ating mga panalangin, dapat nating ipakita sa kaniya sa pamamagitan ng ating kilos na talagang tototohanin natin ang ating sinasabi.

12. (a) Anong mga bagay ang mailalakip natin sa ating mga panalangin? (b) Upang makalugod sa Diyos ang ating mga panalangin, ano ang dapat nating matutuhan?

12 Ano, kung gayon, ang personal na mga bagay na maaari nating ilakip sa ating mga panalangin kay Jehova? Ang totoo, alinmang bagay na makakaapekto sa kaugnayan natin kay Jehova ay wastong maging paksa ng panalangin, kasama na ang ating kalusugan, at maging ang pagpapalaki sa mga anak. (2 Hari 20:1-3; Hukom 13:8) Sumulat si apostol Juan: “Anoman ang hingin natin ayon sa kaniyang kalooban, tayo ay didinggin niya.” (1 Juan 5:14) Kaya ang mahalaga ay na ang ating mga kahilingan ay makasuwato ng kalooban ng Diyos. Nangangahulugan ito na kailangan muna nating matutuhan kung ano ang kalooban niya. (Kawikaan 3:5, 6) At kung isasaalang-alang natin ang kalooban at layunin ng Diyos kapag tayo’y nananalangin, sa halip na basta mabahala na lamang sa ating personal na mga kapakanan, ang ating mga panalangin ay magiging kalugudlugod kay Jehova. Wasto din na pasalamatan si Jehova araw-araw dahil sa mabubuting bagay na kaniyang inilalaan.​—Juan 6:11, 23; Gawa 14:16, 17.

13. (a) Papaano ipinakita ni Jesus kung ano ang dapat maging pangunahin sa ating panalangin? (b) Anong mga bagay na may pangalawahing halaga ang dapat nating ipanalangin?

13 Binigyan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod ng isang huwarang panalangin na papatnubay sa kanila tungkol sa uri ng panalangin na tinatanggap ng Diyos. (Mateo 6:9-13) Ipinakikita ng panalanging ito na ang pangalan ng Diyos, ang kaniyang kaharian at ang paggawa ng kalooban niya sa lupa ay siyang dapat mauna. Pagkatapos, maaari tayong manalangin ukol sa personal na mga pangangailangan, gaya ng ating pagkain sa araw-araw, pagpapatawad ng mga kasalanan, at ang pagkaligtas mula sa tukso at sa masamang isa, na si Satanas na Diyablo.

MGA PANALANGIN UPANG TULUNGAN ANG IBA

14. Papaano ipinakikita ng Bibliya na mahalaga na idalangin ang iba?

14 Sa pamamagitan ng kaniyang halimbawa ipinakita ni Jesus na mahalaga na idalangin ang iba. (Lucas 22:32; 23:34; Juan 17:20) Alam ni apostol Pablo ang halaga ng gayong mga panalangin at madalas niyang hilingin sa iba na ipanalangin siya. (1 Tesalonica 5:25; 2 Tesalonica 3:1; Roma 15:30) Samantalang nasa bilangguan siya ay sumulat: “Umaasa ako na ako’y mapapalaya sa pamamagitan ng inyong mga panalangin.” (Filemon 22; Efeso 6:18-20) Ang pagpapalaya kay Pablo di-nagtagal pagkaraan nito ay patotoo na mabisa ang mga panalangin ukol sa kaniya.

15. Anong uri ng kahilingan ang magagawa natin kaugnay ng mga taong minamahal natin?

15 Si Pablo ay bumigkas din ng nakatutulong na panalangin sa kapakanan ng iba. “Lagi naming idinadalangin kayo, upang kayo’y ariing karapatdapat ng ating Diyos sa pagkatawag niya sa inyo,” sabi niya. (2 Tesalonica 1:11) At sa isa pang kongregasyon ay ipinaliwanag niya: “Idinadalangin namin sa Diyos na huwag sana kayong gagawa ng masama . . . kundi ang gawin sana ninyo’y pawang mabuti.” (2 Corinto 13:7) Tiyak na mabuting sundin ang halimbawa ni Pablo at gumawa ng tiyak na mga kahilingan sa kapakanan ng mga taong minamahal natin. Totoo, “ang pagsusumamo [taimtim na pakiusap] ng isang taong matuwid, kapag ito’y nagkakabisa, ay malaki ang nagagawa.”​—Santiago 5:13-16.

16. (a) Upang makamit ang kailangang tulong, kailan tayo dapat manalangin? (b) Bakit napakadakilang pribilehiyo ang manalangin?

16 Kapag nagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya, madalas itanong ng isang ministro: “Nananalangin ba kayo sa ibang pagkakataon bukod sa panahon ng inyong lingguhang pag-aaral sa Bibliya?” Upang makamit ang tulong na kailangan natin, dapat ay madalas tayong nakikipag-usap sa Diyos sa panalangin. (1 Tesalonica 5:17; Lucas 18:1-8) Pag-aralang makipag-usap nang may pagpapakumbaba sa kaniya gaya ng sa isang minamahal at pinagkakatiwalaang kaibigan. Oo, isang kamanghamanghang pribilehiyo ang makipag-usap sa maluwalhating Pinuno ng buong sansinukob, ang Dumidinig ng panalangin, at malaman na ikaw ay pinakikinggan niya!​—Awit 65:2.

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 227]

Alin ang dapat gawin ng isa kapag nadadamang gustong manigarilyo​—manalangin upang matulungan o sundin na lamang ang hilig?

[Larawan sa pahina 229]

Nananalangin ba kayo upang tulungan at saka sumasangkot sa mga gawang umaakay sa masama?

[Larawan sa pahina 230]

Nananalangin ba kayo nang sarilinan o kapag kasama lamang ang iba?