Nasasangkot Kayo sa Isang Mahalagang Usapin
Kabanata 12
Nasasangkot Kayo sa Isang Mahalagang Usapin
1, 2. (a) Bakit talagang mahalaga sa inyo kung papaano kayo namumuhay? (b) Kanino pa ito mahalaga, at bakit?
TALAGANG mahalaga kung papaano kayo namumuhay. Mangangahulugan ito para sa inyo ng isang maligayang hinaharap o ng isa na kahabaghabag. Sa katapusan ito ang magpapasiya kung baga papanaw kayo na kasama ng sanlibutang ito o kaya’y makaliligtas tungo sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos na doon kayo mabubuhay magpakailanman.—1 Juan 2:17; 2 Pedro 3:13.
2 Subali’t ang paraan ng paggamit sa inyong buhay ay nakakaapekto hindi lamang sa inyo. Ang iba ay nasasangkot. Ang ginagawa ninyo ay nakakaapekto rin sa kanila. Halimbawa, kung buháy pa ang mga magulang ninyo, madudulutan ninyo sila ng alinman sa karangalan o kahihiyan. Sinasabi ng Bibliya: “Ang matalinong anak ay nagpapagalak sa kaniyang ama, subali’t ang anak na hangal ay hinagpis ng kaniyang ina.” (Kawikaan 10:1) Mas mahalaga dito, ang paggamit ninyo sa inyong buhay ay nakakaapekto sa Diyos na Jehova. Maaari niya itong ikagalak o maaari niyang ikalungkot. Bakit? Dahil sa isang mahalagang usapin na nagsasangkot sa inyo.
MAGTATAPAT BA ANG MGA TAO SA DIYOS?
3. Anong hamon ang iniharap ni Satanas kay Jehova?
3 Ang isyung ito ay ibinangon ni Satanas na Diyablo. Ibinangon niya ito nang maudyukan niya sina Adan at Eba na sumuway sa utos ng Diyos at sumama sa kaniya sa paghihimagsik laban sa Diyos. (Genesis 3:1-6) Dahil dito akala ni Satanas na mayroon siyang saligan upang hamunin si Jehova nang ganito: ‘Pinaglilingkuran ka ng tao dahil lamang sa makukuha nila sa iyo. Bigyan mo lamang ako ng pagkakataon at talagang mapatatalikod ko ang lahat sa iyo.’ Bagaman ang mga salitang ito ay hindi aktuwal na lumilitaw sa Bibliya, malinaw na si Satanas ay may sinabing ganito sa Diyos. Ipinakikita ito sa aklat ni Job sa Bibliya.
4, 5. (a) Sino si Job? (b) Ano ang naganap sa langit noong kaarawan ni Job?
4 Si Job ay isang tao na nabuhay maraming dantaon pagkaraan ng paghihimagsik na naganap sa hardin ng Eden. Siya ay matuwid at tapat na lingkod ng Diyos. Nguni’t talagang mahalaga kaya sa Diyos o kay Satanas ang katapatan ni Job? Ipinakikita ng Bibliya na mahalaga nga. Binabanggit nito ang pagharap ni Satanas kay Jehova sa makalangit na mga hukuman. Pansinin ang paksa ng kanilang pag-uusap:
5 “Noon nga’y kaarawan ng pagpasok ng mga anak ng tunay na Diyos upang kunin ang kanilang mga dako sa harap ni Jehova, at maging si Satanas ay pumasok na kasama nila. Kaya sinabi ni Jehova kay Satanas: ‘Saan ka nanggaling?’ At sumagot si Satanas kay Jehova: ‘Mula sa paglilibot sa lupa at pagmamanhik-manaog doon.’ Kaya sinabi ni Jehova kay Satanas: ‘Napagwari mo na ba ang aking lingkod na si Job, na walang gaya niya sa lupa, taong walang-kapintasan at matuwid, natatakot sa Diyos at lumilihis sa masama?’”—Job 1:6-8.
6. Anong usapin ang ipinakikita ng Bibliya na umiiral noong kaarawan ni Job?
6 Bakit sinabi ni Jehova kay Satanas na si Job ay matuwid na tao? Maliwanag na may umiiral na usapin hinggil sa pagtatapat o di-pagtatapat ni Job kay Jehova. Isipin ang tanong ng Diyos, “Saan ka nanggaling?” at ang sagot ni Satanas, “Mula sa paglilibot sa lupa at pagmamanhik-manaog doon.” Ang tanong na iyon at ang sagot ni Satanas ay nagpapakita na binibigyan ni Jehova si Satanas ng laya upang patunayan ang kaniyang hamon na kaya niyang italikod ang sinoman sa Diyos. Ngayon, ano ang isinagot ni Satanas sa tanong ni Jehova hinggil sa katapatan ni Job?
7, 8. (a) Ayon kay Satanas, sa ano raw dahilan naglilingkod si Job sa Diyos? (b) Ano ang ginawa ni Jehova upang lutasin ang usapin?
7 “Dahil dito’y sumagot si Satanas kay Jehova at nagsabi: ‘Natatakot ba si Job sa Diyos nang walang dahilan? Hindi mo ba ipinagsanggalang siya at ang kaniyang bahay at lahat ng kaniyang tinataglay? Pinagpala mo ang gawa ng kaniyang kamay, anupa’t ang kaniyang hayupan ay lumaganap sa buong lupa. Subali’t, pagbuhatan mo siya ng kamay, pakisuyo, at galawin ang lahat niyang tinatangkilik at tingnan mo kung hindi ka niya sumpain nang mukhaan.’”—Job 1:9-11.
8 Sa kaniyang sagot hinahanapan ni Satanas ng butas ang katapatan ni Job sa Diyos. ‘Naglilingkod si Job sa iyo,’ katuwiran ni Satanas, ‘dahil sa mga bagay na ibinigay mo sa kaniya, hindi dahil sa mahal ka niya.’ Nagreklamo din si Satanas na ginagamit ni Jehova ang kaniyang nakahihigit na lakas sa di-tamang paraan. ‘Lagi mo siyang ipinagsasanggalang,’ aniya. Kaya, upang lutasin ang usapin, sumagot si Jehova: “Narito! Lahat ng kaniya’y nasa iyong kamay. Huwag mo lamang siyang pagbubuhatan ng kamay!”—Job 1:12.
9. Anong kasawian ang ipinasapit ni Satanas kay Job, at ano ang resulta?
9 Karakaraka’y nagpasapit si Satanas ng kasawian kay Job. Ipinanakaw o ipinapatay niya ang lahat ng hayupan ni Job. Pagkatapos ay pinangyari niyang mamatay ang 10 anak ni Job. Halos mawala ang lahat kay Job, gayunma’y nanatili siyang tapat kay Jehova. Hindi niya sinumpa ang Diyos. (Job 1:2, 13-22) Subali’t ang usapin ay hindi doon nagwakas.
10. Ano ang nagpapakita na hindi huminto si Satanas?
10 Muling humarap si Satanas kay Jehova kasabay ng ibang anghel. Muli’y tinanong ni Jehova si Satanas kung nakita nito ang katapatan ni Job at nagsabi: “Hanggang ngayo’y nananatili siyang tapat.” Dahil dito’y sumagot si Satanas: “Balat kung balat, lahat ay ibibigay ng tao alang-alang sa kaniyang kaluluwa. Kaya, pagbuhatan mo siya ng kamay, pakisuyo, at galawin mo maging ang kaniyang buto at laman at tingnan mo kung hindi ka niya sumpain nang mukhaan.”—Job 2:1-5.
11. (a) Anong karagdagang mga pagsubok ang idinulot ni Satanas kay Job? (b) Ano ang kinalabasan?
11 Bilang sagot, pinayagan ni Jehova si Satanas na gawin ang lahat ng magagawa niya kay Job, bagaman sinabi ng Diyos: ‘Huwag mo lamang siyang papatayin.’ (Job 2:6) Kaya sinalot ni Satanas si Job ng isang nakapangingilabot na sakit. Napakatindi ng paghihirap ni Job anupa’t hiniling na niyang mamatay. (Job 2:7; 14:13, 14) Lumaban na rin sa kaniya ang kaniyang asawa at nagsabi: “Sumpain mo na ang Diyos at mamatay!” (Job 2:9) Subali’t tumanggi si Job na gawin yaon. “Hanggang ako’y mamatay hindi ko iiwan ang aking pagtatapat!” aniya. (Job 27:5) Si Job ay nanatiling tapat sa Diyos. Kaya napatunayan na si Satanas ay nagkamali sa kaniyang bintang na si Job ay naglingkod lamang sa Diyos dahil sa materyal na pakinabang at hindi nang dahil sa pag-ibig. Pinatunayan din nito na hindi kayang italikod ni Satanas ang lahat ng tao sa paglilingkod sa Diyos.
12. (a) Anong sagot sa hamon ni Satanas ang inilaan ni Job para sa Diyos? (b) Ano ang pinatunayan ng katapatan ni Jesus sa Diyos?
12 Ano sa palagay ninyo ang nadama ni Jehova sa tapat na paninindigan ni Job? Tuwang-tuwa siya! Ang Salita ng Diyos ay humihimok: “Magpakatalino ka, anak ko, at pagalakin mo ang aking puso, upang may maisagot ako sa kaniya na tumutuya sa akin.” (Kawikaan 27:11) Si Satanas ang tumutuya kay Jehova. At sa kaniyang tapat na paninindigan ay napagalak ni Job ang puso ng Diyos. Nagkaloob ito sa Diyos ng sagot sa hambog na pagtuya o hamon ni Satanas na di-umano ang tao ay hindi maglilingkod sa Kaniya sa ilalim ng pagsubok. Marami pang iba ang nakapaglaan sa Diyos ng gayong sagot. Ang pinakadakilang halimbawa ay ang sakdal na taong si Jesus. Nanindigan siyang tapat sa Diyos sa kabila ng lahat ng pagsubok at pag-uusig na iniharap sa kaniya ni Satanas. Pinatunayan nito na ang sakdal na taong si Adan ay makagagawa din ng gayon kung ginusto lamang niya, at na ang Diyos ay hindi liko sa paghiling ng ganap na pagsunod mula sa tao.
SAAN KAYO NGAYON NAKATAYO?
13. (a) Ano ang kinalaman sa usapin ng inyong paraan ng pamumuhay? (b) Papaano natin mapaliligaya o mapalulungkot ang Diyos?
13 Kumusta naman ang inyong buhay? Baka isipin ninyo na hindi mahalaga kung papaano kayo namumuhay. Subali’t mahalaga ito. Sa alam ninyo o hindi, ito ay nagtataguyod alinman sa panig ng Diyos o sa panig ni Satanas. Nagmamalasakit si Jehova ukol sa inyo, at gusto niyang makita na kayo ay maglilingkod sa kaniya at mabubuhay magpakailanman sa lupang paraiso. (Juan 3:16) Nang maghimagsik ang mga Israelita laban sa Diyos, siya ay nagdamdam o nasaktan. (Awit 78:40, 41) Ang inyo bang paraan ng pamumuhay ay nagpapaligaya sa Diyos o siya ba’y pinalulungkot nito? Totoo, upang mapaligaya ang Diyos dapat kayong matuto tungkol sa kaniyang mga utos at sundin ang mga yaon.
14. (a) Kung tungkol sa seksuwal na ugnayan, anong mga batas ang nararapat nating sundin upang lumigaya ang Diyos? (b) Bakit isang krimen ang paglabag sa gayong mga batas?
14 Ang isang pangunahing tunguhin ni Satanas ay ang paglabag ng tao sa mga batas ng Diyos na umuugit sa kanilang paggamit ng kakayahang magparami, at sa kaniyang kaayusan sa pag-aasawa at sa sambahayan. Ang batas ng Diyos na nagsasanggalang sa ating kaligayahan ay nagsasaad na ang mga hindi mag-asawa ay dapat umiwas sa pagsisiping, at na ang mga may-asawa ay hindi dapat sumiping sa sinoman maliban sa kani-kanilang asawa. (1 Tesalonica 4:3-8; Hebreo 13:4) Kapag nilabag ang batas ng Diyos, madalas ang mga bata ay isinisilang nang walang mga magulang na nagmamahal sa kanila. Baka ilaglag pa ng ina ang kaniyang sanggol, na pinapatay ang anak bago pa man ito maisilang. Karagdagan pa, marami na nakikiapid ang dinadapuan ng nakasisindak na sakit sa sekso na maaaring puminsala sa mga anak na kanilang isisilang. Isang pagtataksil, isang krimen laban sa Diyos, ang sumiping sa hindi mo asawa. Sinabi ni Job: “Kung ang puso ko’y matukso ng ibang babae, at ako’y mag-abang sa pintuan ng aking kapuwa . . . ito’y magiging kasuklamsuklam, isang krimen na dapat hatulan.”—Job 31:1, 9, 11, The New American Bible.
15. (a) Kung nakikiapid tayo, sino ang ating pinaluluguran? (b) Bakit matalino na sumunod sa mga batas ng Diyos?
15 Hindi tayo dapat magtaka kung palilitawin ng nilulukuban-ng-Diyablong sanlibutang ito na ang pagsiping sa hindi asawa ay normal at pangkaraniwan. Subali’t kung gagawin ninyo ito, sino ang inyong pinaluluguran? Si Satanas, hindi si Jehova. Upang paligayahin ang Diyos, dapat kayong “tumakas mula sa pakikiapid.” (1 Corinto 6:18) Totoo, hindi laging madali ang magtapat sa Diyos. Hindi rin ito naging madali para kay Job. Subali’t tandaan, matalino ang sumunod sa batas ng Diyos. Magiging mas maligaya kayo sa ngayon kung susunod kayo. Subali’t, mas mahalaga rito, tatangkilikin ninyo ang panig ng Diyos sa usapin at paliligayahin ninyo siya. Kaya pagpapalain niya kayo ng walang-hanggang buhay sa kaligayahan sa lupa.
16. (a) Papaano pinagpala si Job dahil sa katapatan niya? (b) Ano ang masasabi hinggil sa pinsalang idinudulot ni Satanas, gaya ng pagpatay sa 10 anak ni Job?
16 Totoo, nagtagumpay si Satanas sa pagpapasapit ng karalitaan kay Job at sa pagkamatay ng kaniyang 10 anak. Walang alinlangan na ito’y naging matinding dagok para kay Job. Subali’t nang si Job ay mapatunayang tapat, pinagpala siya ng Diyos ng makalawa sa tinangkilik niya bago siya sinubok ni Satanas. Nagkaroon din naman si Job ng 10 karagdagang anak. (Job 42:10-17) Bukod dito, makatitiyak tayo na ang 10 anak ni Job na pinatay ni Satanas ay muling magbabalik sa pagkabuhay-muli ng mga patay. Tunay, walang anomang pinsala o kasakunaan na maaaring pasapitin ni Satanas ang hindi maitutuwid ng ating maibiging Amang si Jehova sa kaniyang takdang panahon.
17. Bakit talagang mahalaga kung papaano tayo namumuhay?
17 Kaya nanaisin ninyong laging isa-isip na talagang mahalaga pala kung papaano kayo namumuhay. Mahalaga ito lalung-lalo na sa Diyos na Jehova at kay Satanas na Diyablo. Ang dahila’y sapagka’t nasasangkot kayo sa usapin hinggil sa kung baga ang tao ay magtatapat sa Diyos o hindi.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 106]
Sinagot ni Job ang hamon ni Satanas na walang magtatapat sa Diyos sa ilalim ng pagsubok
[Larawan sa pahina 110]
Ang pagsiping sa hindi ninyo asawa ay isang krimen laban sa Diyos
[Larawan sa pahina 111]
Dahil sa kaniyang katapatan, ibayong pinagpala ni Jehova si Job kaysa dati niyang tinangkilik