Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagiging Isang Sakop ng Pamahalaan ng Diyos

Pagiging Isang Sakop ng Pamahalaan ng Diyos

Kabanata 15

Pagiging Isang Sakop ng Pamahalaan ng Diyos

1, 2. Ano ang kailangan upang maging sakop ng pamahalaan ng Diyos?

 GUSTO BA NINYONG mabuhay magpakailanman sa lupa sa ilalim ng pamahalaan ng Diyos? Sinomang tao na may matinong isip ang sasagot ng Oo! Kamanghamanghang mga kapakinabangan ang tatamasahin. Subali’t upang makamit ito hindi sapat ang basta pagtaas lamang ng kamay at pagsasabing: ‘Gusto kong maging isang sakop ng pamahalaan ng Diyos.’ Higit pa ang kailangan.

2 Halimbawa, ipagpalagay nating gusto ninyong maging mamamayan ng ibang bansa. Upang magawa ito, dapat ninyong maabot ang mga kahilingan na itinakda ng mga tagapamahala sa bansang yaon. Subali’t bago ito magawa, dapat ninyong pag-aralan kung ano ang mga kahilingang ito. Katulad din nito, dapat ninyong pag-aralan ang hinihiling ng Diyos sa bawa’t isa na nagnanais maging sakop ng kaniyang pamahalaan. At pagkatapos kailangan ninyong maabot ang mga kahilingang ito.

KAILANGAN ANG KAALAMAN

3. Ano ang isang kahilingan sa pagiging sakop ng kaharian ng Diyos?

3 Isang napakahalagang kahilingan sa pagiging sakop ng pamahalaan ng Diyos ay ang pagkatuto tungkol sa “wika” nito. Tiyak na ito’y makatuwiran. Hinihiling din ng ibang pamahalaan ng tao na ang bagong mga mamamayan ay dapat nakapagsasalita ng wika ng kanilang bansa. Kung gayon, ano ba yaong “wika” na dapat matutuhan niyaong mangagkakamit ng buhay sa ilalim ng pamahalaan ng Diyos?

4. Anong “dalisay na wika” ang dapat matutuhan ng bayan ng Diyos?

4 Pansinin ang sinasabi ni Jehova tungkol dito sa kaniyang Salita, ang Bibliya: “Sapagka’t sa mga bayan ay isasauli ko ang dalisay na wika, upang silang lahat ay makatawag sa pangalan ni Jehova, upang paglingkuran nila siya nang may pagkakaisa.” (Zefanias 3:9) Ang “dalisay na wika” ay ang katotohanan tungkol sa Diyos na matatagpuan sa Bibliya. Sa tuwiran, ito’y ang katotohanan tungkol sa pamahalaan ng Kaharian ng Diyos. Kaya upang maging isang sakop ng pamahalaan ng Diyos, dapat kayong matuto ng “wika” na ito sa pamamagitan ng pagkuha ng kaalaman tungkol kay Jehova at sa kaniyang kaayusan sa Kaharian.​—Colosas 1:9, 10; Kawikaan 2:1-5.

5. (a) Ano ang dapat nating matutuhan tungkol sa pamahalaan ng Diyos? (b) Anong kaalaman ang kailangan natin sa pagkakamit ng walang-hanggang buhay?

5 Sa ngayon hinihiling ng ibang pamahalaan ng tao na yaong magiging kanilang mamamayan ay dapat matuto tungkol sa kasaysayan ng kanilang gobiyerno, pati na ang tungkol sa pagpapatakbo nito. Kaya, dapat ding matutuhan ninyo ang mga bagay na ito tungkol sa pamahalaan ng Diyos upang maging isang sakop nito. Ang kaalamang ito ay maaaring umakay sa buhay na walang-hanggan. Sa panalangin sa kaniyang Ama, sinabi ni Jesus: “Ito ay nangangahulugan ng buhay na walang-hanggan, ang pagkuha nila ng kaalaman tungkol sa iyo, ang tanging tunay na Diyos, at sa kaniya na iyong sinugo, si Jesu-Kristo.”​—Juan 17:3.

6. (a) Ano ang ilang tanong na dapat masagot ng mga sakop ng kaharian ng Diyos? (b) Masasagot ba ninyo ito?

6 Kung napag-aralan na ninyo ang naunang mga kabanata ng aklat na ito, dapat ay marami na kayo ngayong taglay sa kaalamang ito. Ganoon ba? Maipakikita ba ninyo, sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong na gaya ng sumusunod: Kailan unang binanggit ng Diyos ang layunin niya ukol sa pamahalaan ng Kaharian? Sino ang ilan sa mga lingkod ng Diyos na umasang magiging makalupang sakop nito? Ilan ang magiging tagapamahala, o hari, sa pamahalaan ng Diyos? Mula saan magpupuno ang mga haring ito? Sino ang mga naunang pinili upang maging hari sa pamahalaan ng Diyos? Papaano pinatunayan ni Jesus na siya’y magiging isang mabuting hari? Gayumpaman, upang maging isang sakop ng pamahalaan ng Diyos, higit pa ang kailangan kaysa pagkakaroon ng kaalaman tungkol dito.

KAILANGAN ANG MATUWID NA PAGGAWI

7. Kung tungkol sa pamahalaan ng tao, papaano nagkakaiba-iba ang kahilingan sa pagkamamamayan?

7 Ang mga pamahalaan sa ngayon ay humihiling sa mga bagong mamamayan na sila’y sumunod sa isang tiyak na tuntunin ng paggawi. Halimbawa, baka hilingin nila na ang isa ay magkaroon lamang ng isang asawa. Subali’t ang ibang pamahalaan ay may kakaibang batas. Pinapayagan nila ang kanilang mamamayan na magkaroon ng higit sa isang asawa. Anong paggawi ang inaasahan sa mga nagnanais maging sakop ng pamahalaan ng Diyos? Ano ang itinuturing ng Diyos na matuwid kung tungkol sa pag-aasawa?

8. (a) Ano ang pamantayan ng Diyos sa pag-aasawa? (b) Ano ang pangangalunya, at ano ang sinasabi ng Diyos tungkol dito?

8 Noong pasimula naglagay si Jehova ng pamantayan ukol sa pag-aasawa nang pagkalooban niya si Adan ng isa lamang kabiyak. Sinabi ng Diyos: “Iiwan ng isang lalaki ang kaniyang ama at ina at makikipisan sa kaniyang asawa at sila’y magiging isang laman.” (Genesis 2:21-24) Ipinaliwanag ni Jesus na ito ang matuwid na pamantayan para sa mga Kristiyano. (Mateo 19:4-6) Palibhasa’y nagiging “isang laman” ang mag-asawa, nilalapastangan nila ang pag-aasawa kung sisiping sila sa iba. Ito ay tinatawag na pangangalunya, at sinasabi ng Diyos na parurusahan niya ang mga mangangalunya.​—Hebreo 13:4; Malakias 3:5.

9. (a) Ano ang pangmalas ng Diyos sa mga taong nagsisiping bagaman hindi kasal? (b) Ano ang pakikiapid?

9 Sa kabilang dako, may mga taong nagsasama at nagsisiping, bagaman hindi sila nagpapakasal. Subali’t hindi nilayon ng Diyos na ang ganito katalik na ugnayan sa pagitan ng lalaki at babae ay gawin sa paraang pagsubok lamang. Kaya ang pagsasama nang hindi kasal ay kasalanan laban sa Diyos, na nagpasimula ng kaayusan sa pag-aasawa. Ito ay tinatawag na pakikiapid. Ang pakikiapid ay ang pagsiping sa sinomang tao na hindi ninyo asawa. At ang Bibliya ay nagsasabi: “Ito ang kalooban ng Diyos, . . . na kayo’y magsiiwas sa pakikiapid.” (1 Tesalonica 4:3-5) Kaya nga, mali para sa mga walang asawa na sumiping kaninoman.

10. Ano pang ibang seksuwal na ugnayan ang labag sa batas ng Diyos?

10 Sa ngayon maraming lalaki at babae ang sumisiping sa kanilang mga kauri​—lalaki sa lalaki at babae sa babae. Ang ganitong mga tao ay tinatawag na mga homosekso. Kung minsan ang mga babaeng homosekso ay tinatawag na Lesbian. Subali’t sinasabi ng Bibliya na mali ang kanilang ginagawa, ito’y “mahalay.” (Roma 1:26, 27) At saka, salungat din sa batas ng Diyos ang pagsiping sa mga hayop. (Levitico 18:23) Sinomang nagnanais mabuhay sa ilalim ng pamahalaan ng Diyos ay dapat umiwas sa maruruming gawaing ito.

11. (a) Ano ang pangmalas ng Diyos sa pag-inom ng mga inuming may alkohol? (b) Yaong nagnanais maging sakop ng pamahalaan ng Diyos ay dapat umiwas sa anong mga bisyo na pumipinsala sa kalusugan?

11 Ang katamtamang pag-inom ng alak o serbesa ay hindi labag sa batas ng Diyos. Sa katunayan, ipinakikita ng Bibliya na ang kaunting alak ay makabubuti sa kalusugan. (Awit 104:15; 1 Timoteo 5:23) Subali’t ang paglalasing ay laban sa batas ng Diyos, pati na ang pakikilahok sa maiingay na inuman na kung saan gumagawi nang mahalay ang mga dumadalo. (Efeso 5:18; 1 Pedro 4:3, 4) Bukod sa paggamit ng mga inuming may alkohol upang malasing o “mahibang,” maraming tao ngayon ang gumagamit ng iba’t-ibang droga upang magkaroon ng ganitong pakiramdam. At upang magkamit ng kasiyahan humihitit sila ng marihuwana o tabako, samantalang ang iba nama’y ngumangata ng nganga o maskada. Subali’t ito’y nagpaparumi sa kanilang katawan at pumipinsala sa kanilang kalusugan. Kaya kung nais ninyong maging sakop ng pamahalaan ng Diyos, dapat kayong umiwas sa nakapipinsalang mga bagay na ito.​—2 Corinto 7:1.

12. (a) Ano ang ilang di-tapat na gawain na salungat sa batas ng Diyos? (b) Papaanong ang isa na gumagawa nito ay makapagkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos?

12 Likas lamang na ang mga kriminal ay hindi papayagan ng mga pamahalaan na maging mga bagong mamamayan. At mas mataas ang mga pamantayan ni Jehova. Humihiling siya sa atin na “gumawi nang tapat sa lahat ng bagay.” (Hebreo 13:18) Kung hindi susundin ng mga tao ang batas ng Diyos, sila ay hindi papayagang mabuhay sa ilalim ng kaniyang kaharian. Sa ngayon marami ang madalas magkunwaring tapat, nguni’t maraming nilalabag na mga batas. Pero nakikita ng Diyos ang lahat. Walang makapanglilinlang sa kaniya. (Hebreo 4:13; Kawikaan 15:3; Galacia 6:7, 8) Kaya titiyakin ni Jehova na yaong mga lumalabag sa kaniyang batas, gaya niyaong tungkol sa pagsisinungaling at pagnanakaw, ay hindi magiging sakop ng kaniyang pamahalaan. (Efeso 4:25, 28; Apocalipsis 21:8) Subali’t ang Diyos ay matiisin at mapagpatawad. Kung ang isang nagkakasala ay hihinto sa kaniyang masamang gawa at babaling sa paggawa ng mabuti, siya ay tatanggapin ng Diyos.​—Isaias 55:7.

13. Ano ang dapat maging pangmalas ng mga lingkod ng Diyos sa batas ng mga pamahalaan ng tao?

13 Kumusta naman ang tungkol sa pagsunod sa batas ng mga pamahalaan ng tao? Habang umiiral ang mga pamahalaan ng tao, hinihiling ng Diyos na ang kaniyang mga lingkod ay pasakop sa “nakatataas na mga kapangyarihan” na ito. Dapat magbayad ng buwis sa kanila, kahit ang mga ito ay mataas at ang isa ay hindi sang-ayon sa paraan ng paggamit sa perang ibinabayad na buwis. At saka, dapat sundin ang mga batas ng pamahalaan. (Roma 13:1, 7; Tito 3:1) Ang tanging pasubali dito ay kapag ang pagsunod sa batas ay magpapangyari sa isa na makalabag sa batas ng Diyos. Sa kalagayang yaon, gaya ng sinabi ni Pedro at ng ibang apostol, ‘Dapat muna tayong sumunod sa Diyos bilang pinuno sa halip na sa tao.’​—Gawa 5:29.

14. Papaano natin maipakikita na taglay natin ang pangmalas ng Diyos sa kahalagahan ng buhay?

14 Malaki ang paggalang ng Diyos sa buhay. Dapat itong maunawaan niyaong nangagnanais maging sakop ng kaniyang pamahalaan. Maliwanag na ang pagpatay ay laban sa batas ng Diyos. Subali’t ang pagkapoot ay madalas umaakay sa pagpatay, at kapag ang isa ay patuloy na napoot sa kaniyang kapuwa, hindi siya maaaring maging sakop ng pamahalaan ng Diyos. (1 Juan 3:15) Kung gayon, mahalaga na ikapit ang sinasabi sa Bibliya sa Isaias 2:4 tungkol sa di paghawak ng mga sandata upang patayin ang ating kapuwa. Ipinakikita ng Salita ng Diyos na maging ang buhay ng di pa naisisilang na sanggol sa bahay-bata ng ina ay mahalaga kay Jehova. (Exodo 21:22, 23; Awit 127:3) Gayunman milyun-milyong aborsiyon ang ginagawa taun-taon. Labag sa batas ng Diyos ang ganitong pagkitil ng buhay, sapagka’t ang taong nasa loob ng ina ay isang buháy na persona at hindi dapat patayin.

15. Anong mga utos ng Hari ang dapat sundin ng lahat ng sakop ng Kaharian?

15 Gayumpaman, sa mga magiging sakop ng pamahalaan ng Diyos, higit pa ang kailangan kaysa pag-iwas lamang sa paggawa ng masama o mahalay. Dapat din nilang pagsikapan na magpakita ng kabaitan at pagtulong sa iba. Dapat silang mamuhay ayon sa maka-diyos na tuntunin na ibinigay ng Hari, si Jesu-Kristo: “Lahat nga ng bagay na nais ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao, ito rin ang inyong gawin sa kanila.” (Mateo 7:12) Nagbigay-halimbawa si Kristo sa pagpapakita ng pag-ibig sa iba. Inihandog pa man din niya ang kaniyang buhay ukol sa sangkatauhan, at inutusan ang kaniyang mga tagasunod: “Mag-ibigan kayo sa isa’t-isa; kung papaanong inibig ko kayo.” (Juan 13:34; 1 Juan 3:16) Ang ganitong walang pag-iimbot na pag-ibig at pagmamalasakit sa iba ang siyang magpapaligaya sa pamumuhay sa ilalim ng pamamahala ng kaharian ng Diyos.​—Santiago 2:8.

16, 17. (a) Ano ang mabubuting dahilan upang baguhin ang ating buhay upang maabot ang mga kahilingan ng Diyos? (b) Bakit tayo makatitiyak na magagawa natin ang alinmang kinakailangang pagbabago?

16 Ipinakikita ng Bibliya na ang mga tao ay dapat gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay upang maabot ang mga kahilingan sa pagiging sakop ng pamahalaan ng Diyos. (Efeso 4:20-24) Pinagsisikapan ba ninyong gawin ang pagbabagong ito? Tiyak na sulit ang alinmang pagsisikap dito! Bakit nga? Hindi lamang ito nangangahulugan ng mas mabuting buhay sa loob ng ilang taon sa ilalim ng pamahalaan ng tao. Hindi, kundi tatanggap kayo ng walang-hanggang buhay sa sakdal na kalusugan sa isang paraisong lupa sa ilalim ng pamahalaan na pinagpupunuan ng Diyos!

17 Ngayon pa lamang, sa pamamagitan ng pag-abot sa kahilingan ng Diyos, tatamasahin na ninyo ang mas maligayang buhay. Subali’t baka kakailanganin ninyong gumawa ng pagbabago. Ang totoo, napakarami ang nagbago bagaman dati’y magagalitin o sakim. At nagbago din ng buhay ang mga mapakiapid, mangangalunya, homosekso, manlalasing, mamamatay-tao, magnanakaw, mga sugapa sa droga at mga gumagamit ng tabako. Nagawa nila ito sa pamamagitan ng taimtim na pagsisikap at sa tulong ng Diyos. (1 Corinto 6:9-11; Colosas 3:5-9) Kaya kung may malalaking pagbabago na dapat ninyong gawin upang maabot ang kahilingan ng Diyos, huwag kayong susuko. Kaya ninyong gawin ito!

KATAPATAN SA PAMAHALAAN NG DIYOS

18. Sa anong pantanging paraan inaasahan ng Diyos na ipakikita natin ang ating tapat na pagtangkilik sa kaniyang kaharian?

18 Hindi katakataka na ang Diyos na Jehova ay humiling sa kaniyang mga sakop na maging tapat sa pagtangkilik ng kaniyang Kahariang pamahalaan. Ganito rin ang hinihiling ng mga pamahalaan ng tao sa kanilang mamamayan. Subali’t sa anong pantanging paraan inaasahan ng Diyos ang tapat na pagtangkilik? Sa pamamagitan ba ng pagsasakbat ng sandata upang ipaglaban ang kaniyang kaharian? Hindi. Sa halip, tulad ni Jesu-Kristo at ng kaniyang unang mga tagasunod, dapat silang maging tapat na mga tagapagsalita o tagapaghayag ng kaharian ng Diyos. (Mateo 4:17; 10:5-7; 24:14) Kalooban ni Jehova na lahat ay makaalam kung ano ang kaniyang kaharian at kung papaano ito lulutas sa mga suliranin ng sangkatauhan. Ang inyo bang natutuhan mula sa Salita ng Diyos ay inyo nang naibahagi sa mga kamag-anak, kaibigan at iba pa? Kalooban ng Diyos na inyong gawin ito.​—Roma 10:10; 1 Pedro 3:15.

19. (a) Bakit natin dapat asahan ang pagsalansang kapag kinakausap ang iba tungkol sa kaharian ng Diyos? (b) Anong mga tanong ang dapat ninyong masagot?

19 Si Kristo at ang kaniyang unang mga tagasunod ay nangailangan ng tibay-loob upang makipag-usap sa iba tungkol sa Kaharian, sapagka’t madalas ay napaharap sila sa pagsalansang. (Gawa 5:41, 42) Totoo rin ito sa ngayon. Hindi nais ng pinamamahalaan-ng-Diyablo na sanlibutang ito na ang mabuting balita ng Kaharian ay maipahayag. Kaya ang tanong ay: Saan kayo naninindigan? Magbibigay ba kayo ng tapat na pagtangkilik sa kaharian ng Diyos? Kalooban niya na isang malaking patotoo ukol sa Kaharian ang maibigay bago dumating ang wakas. Makikibahagi ba kayo sa pagbibigay nito?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 128]

Ang mga ibig maging sakop ng pamahalaan ng Diyos ay dapat munang may kaalaman dito

[Mga larawan sa pahina 131]

Ang mga sakop ng pamahalaan ng Diyos ay dapat umiwas sa mga gawang hinatulan ng Diyos

[Larawan sa pahina 133]

Ang mga sakop ng pamahalaan ng Diyos ay dapat ipamalita yaon sa iba