Pagkaraan ng Armahedon, Isang Paraisong Lupa
Kabanata 19
Pagkaraan ng Armahedon, Isang Paraisong Lupa
1. (a) Ano ang isang karaniwang paniwala tungkol sa Armahedon? (b) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito?
PARA SA MARAMI ang “Armahedon” ay isang salitang nakakatakot. Madalas gamitin ito ng mga pinuno ng daigdig upang tukuyin ang Ikatlong Digmaang Pandaigdig. Gayumpaman, sa Bibliya ang Armahedon ay dako ng isang matuwid na digmaan na ipakikipaglaban ng Diyos. (Apocalipsis 16:14, 16, King James Version) Ang digmaang ito ng Diyos ay maghahanda ng daan ukol sa isang matuwid na bagong kaayusan.
2. (a) Sino ang lilipulin sa Armahedon? (b) Kaya anong mga gawain ang may-katalinuhan nating iiwasan?
2 Di-tulad ng mga digmaan ng tao, na pumapatay kapuwa ng mabubuti at masasama, ang Armahedon ay pupuksa lamang sa masasama. (Awit 92:7) Ang Diyos na Jehova ang magiging Hukom, at aalisin niya ang sinomang kusang tatanggi sa kaniyang matuwid na mga batas. Sa ngayon maraming tao ang sumasang-ayon sa pakikiapid, paglalasing, pagsisinungaling o pandaraya. Subali’t, ayon sa Diyos, ang mga ito ay mali. Kaya sa Armahedon hindi niya ililigtas yaong mga patuloy na gumagawa nito. (1 Corinto 6:9, 10; Apocalipsis 21:8) Sa pagkaalam sa mga batas ng Diyos hinggil dito, ang mga taong gumagawa ng kasamaang ito ay dapat magbago ng kanilang landasin.
3. (a) Sa ano inihambing ni Jesus ang katapusan ng kasalukuyang sanlibutan? (b) Ano ang mangyayari kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo? (c) Ayon sa mga kasulatan sa susunod na mga pahina, anong mga kalagayan ang tatamasahin sa paraisong lupa?
3 Pagkaraan ng Armahedon walang mananatili ni isa mang bahagi ng masamang sanlibutang ito. Tanging ang mga taong naglilingkod sa Diyos ang patuloy na mabubuhay. (1 Juan 2:17) Inihambing ni Jesu-Kristo ang kalagayan sa kaarawan ni Noe. (Mateo 24:37-39; 2 Pedro 3:5-7, 13; 2:5) Pagkaraan ng Armahedon, ang kaharian ng Diyos ang bukod-tanging gobiyerno na mamamahala sa lupa. Si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay mawawala na. (Apocalipsis 20:1-3) Isaalang-alang, sa susunod na mga pahina, ang ilan sa mga pagpapala na sinasabi ng Bibliya na tatamasahin ng masunuring mga tao.
NASA KAPAYAPAAN ANG BUONG SANGKATAUHAN
“Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang pamamahala ay iaatang sa kaniyang balikat. At ang pangalan niya ay tatawaging . . . Prinsipe ng Kapayapaan. Ang kasaganaan ng pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.”—Isaias 9:6, 7.
“Sa kaniyang kaarawan ay lalago ang matuwid, at ang saganang kapayapaan hanggang sa mawala ang buwan. At siya ay magkakaroon ng mga sakop mula sa dagat at dagat at mula sa Ilog hanggang sa mga wakas ng lupa.”—Awit 72:7, 8.
WALA NANG DIGMAAN
“Halikayo, mga tao, at masdan ang gawain ni Jehova, kung papaano niya ginagawa ang kamanghamanghang mga bagay sa lupa. Pinahihinto niya ang mga digmaan hanggang sa kaduluduluhan ng lupa.”—Awit 46:8, 9.
MAGAGANDANG TAHANAN AT KASIYASIYANG TRABAHO PARA SA LAHAT
“Tiyak na sila’y magtatayo ng mga bahay at kanilang tatahanan ang mga yaon . . . Hindi sila magtatayo at iba ang tatahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain . . . lubusang tatamasahin ng aking mga pinili ang gawa ng sarili nilang kamay. Hindi sila gagawa ng walang kabuluhan, ni manganganak man para sa kasakunaan; sapagka’t sila ang supling ng mga pinili ni Jehova, at ang kanilang mga inapong kasama nila.”—Isaias 65:21-23.
WALA NANG KRIMEN, KARAHASAN AT KASAMAAN
“Sapagka’t ang mga manggagawa ng masama ay puputulin . . . Kaya’t sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na; at tiyak na uusisain mo ang kaniyang dako, subali’t hindi mo siya masusumpungan.”—Awit 37:9, 10.
“Kung tungkol sa masasama, puputulin sila mula sa lupa; at ang mga taksil ay ihihiwalay mula rito.”—Kawikaan 2:22.
BUONG LUPA AY ISANG PARAISO
Sinabi ni Jesus: “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.”—Lucas 23:43.
“Mamanahin ng matuwid ang lupa, at tatahan doon magpakailanman.”—Awit 37:29.
SAGANANG PAGKAIN PARA SA LAHAT
“Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na magsasaayos para sa lahat . . . ng isang piging ng matatabang pagkain, isang piging ng mga alak na laon, ng matatabang pagkain na puno ng utak.”—Isaias 25:6.
“Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ito ay aapaw.” “Ang lupa ay maglalabas ng kaniyang ani; ang Diyos, ating Diyos, ay magpapala sa atin.”—Awit 72:16; 67:6.
4, 5. (a) Anong mga kalagayan ang hindi na iiral sa paraisong lupa? (b) Ano ang magagawa ng mga tao na, sa maraming dako, ay hindi nila magagawa ngayon?
4 Tiyak na nanaisin ninyong tumira sa paraisong lupa na kagaya ng hardin na kung saan nilalang ang unang taong si Adan. (Genesis 2:8; Lucas 23:43) Isipin na lamang—wala nang digmaan, krimen o karahasan. Makakalakad kayo kahit saan anomang oras ng araw o gabi nang hindi nangangambang kayo ay sasaktan. Talagang mawawala na ang masama.—Awit 37:35-38.
5 Nangangahulugan ito na wala na ang madayang mga politiko at sakim na mga negosyante na umaapi sa tao. Ni pabibigatan pa ang mga tao ng malalaking buwis na pambayad sa mga sandatang militar. Ang isa ay hindi na maiiwang gutom at walang komportableng tahanan dahil lamang sa hindi niya kaya ang halaga nito. Ang kawalan ng hanapbuhay, implasyon at matataas na presyo ay hindi na iiral. Hindi na mararanasan ang mga problema na nagdudulot ng paghihirap sa maraming pamilya ngayon. Lahat ay may kasiyasiyang trabaho, at makikita nila at matitikman ang bunga ng kanilang pagpapagal.
6. (a) Anong gawain ang gagawin ng mga makaliligtas sa Armahedon? (b) Papaano pagpapalain ng Diyos ang gawaing isasagawa?
6 Una sa lahat, yaong makaliligtas sa Armahedon ay aatasan na maglinis sa lupa at iligpit ang mga giba ng matandang sistemang ito. Pagkatapos ay tatanggapin nila ang pribilehiyo, sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, ng paglinang at pagpapaganda sa lupa. Kay saya ng gawaing yaon! Pagpapalain ng Diyos ang lahat ng gawain. Ilalaan niya ang angkop na klima upang patubuin ang mga pananim at patabain ang kawan, at titiyakin niya na ang mga ito ay naipagsasanggalang laban sa sakit at kapinsalaan.
7. (a) Anong pangako ng Diyos ang matutupad? (b) Ano ang hinihintay ng mga Kristiyano ayon sa pangako ng Diyos?
7 Matutupad ang pangakong ito ng maibiging Maylikha, na ibinigay sa pamamagitan ng mang-aawit sa Bibliya: “Binubuksan mo ang iyong kamay at sinasapatan ang nasa ng bawa’t nabubuhay.” (Awit 145:16) Oo, lahat ng wastong hangarin ng mga may-takot sa Diyos ay lubusang bibigyang-kasiyahan. Hindi natin kayang gunigunihin kung gaano kasaya ang magiging buhay sa paraisong lupa. Sa paglalarawan sa kaayusan ng Diyos ukol sa pagpapala sa kaniyang bayan, isinulat ni apostol Pedro: “Naghihintay tayo ng mga bagong langit at isang bagong lupa ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito ay tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13; Isaias 65:17; 66:22.
8. (a) Bakit hindi natin kailangan ang bagong pisikal na mga kalangitan? (b) Ano ang “mga bagong langit”?
8 Ano ang “mga bagong langit” na ito? Hindi ito bagong pisikal na mga kalangitan. Sakdal ang pagkalalang ng Diyos sa ating pisikal na kalangitan, at ang mga ito ay lumuluwalhati sa kaniya. (Awit 8:3; 19:1, 2) Ang “mga bagong langit” ay tumutukoy sa isang bagong pamamahala sa ibabaw ng lupa. Ang kasalukuyang “langit” ay binubuo ng gawang-taong mga gobiyerno. Lilipas na ang mga ito sa Armahedon. (2 Pedro 3:7) Ang “mga bagong langit” na hahalili dito ay ang makalangit na gobiyerno ng Diyos. Si Jesu-Kristo ang magiging hari nito. Subali’t 144,000 tapat na mga alagad niya ang maghaharing kasama niya bilang bahagi ng “mga bagong langit.”—Apocalipsis 5:9, 10; 14:1, 3.
9. (a) Ano ang “bagong lupa”? (b) Alin ang lupang lilipulin?
9 Ano, kung gayon, ang “bagong lupa”? Hindi ito bagong planeta. Tamang-tama ang pagkakagawa ng Diyos sa planetang Lupa upang tirahan ng tao, at kalooban niya na ito’y manatili magpakailanman. (Awit 104:5) Ang “bagong lupa” ay tumutukoy sa isang bagong grupo o lipunan ng tao. Madalas gamitin ng Bibliya ang salitang “lupa” sa paraang ito. Halimbawa, sinasabi nito: “Ang buong lupa [nangangahulugang, ang mga tao] ay nanatiling iisa ang wika.” (Genesis 11:1) Ang “lupa” na lilipulin ay ang mga tao na nagiging bahagi ng masamang sistema ng mga bagay. (2 Pedro 3:7) Ang “bagong lupa” na hahalili sa kanila ay bubuuin ng tunay na mga lingkod ng Diyos na humiwalay na sa sanlibutang ito ng masasama.—Juan 17:14; 1 Juan 2:17.
10. (a) Sino ngayon ang tinitipon, at tungo saan? (b) Ayon sa mga kasulatan sa susunod na mga pahina, ano ang gagawin sa paraisong lupa na hindi magagawa ng mga pamahalaan ng tao?
10 Ngayon pa lamang ay tinitipon na sa kongregasyong Kristiyano ang mga tao mula sa lahat ng lahi at bansa na bubuo ng “bagong lupa.” Ang pagkakaisa at kapayapaan na umiiral sa gitna nila ay isang maliit na larawan lamang ng kasiyasiyang buhay sa paraisong lupa pagkaraan ng Armahedon. Oo, pangyayarihin ng kaharian ng Diyos ang mga bagay na hindi man lamang inaasahang magagawa ng mga pamahalaan ng tao. Isaalang-alang natin ang ilan sa mga pagpapalang yaon sa susunod na mga pahina.
ANG MAIBIGING PAGKAKAPATIRAN NG BUONG SANGKATAUHAN
“Ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa lahat ng bansa ang natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kalugudlugod sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
“Narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinoman, mula sa lahat ng bansa at lipi at bayan at wika . . . Hindi na sila magugutom ni mauuhaw pa man.”—Apocalipsis 7:9, 16.
KAPAYAPAAN SA PAGITAN NG TAO AT HAYOP
“Ang lobo ay tatahang kasama ng kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabain ay magkakasama; at papatnubayan sila ng munting bata.”—Isaias 11:6; Isaias 65:25.
WALA NANG SAKIT, PAGTANDA O KAMATAYAN
“Sa panahong yaon ay madidilat ang mga mata ng bulag, at mabubuksan ang mga tainga ng bingi. Sa panahong yaon ang pilay ay luluksong gaya ng usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.”—Isaias 35:5, 6.
“At ang Diyos ay sasakanila. At papahirin niya ang bawa’t luha sa kanilang mga mata, at mawawala na ang kamatayan, hindi na magkakaroon pa ng dalamhati, o ng panambitan, o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:3, 4.
ANG MGA PATAY AY BUBUHAYING-MULI
“Dumarating ang oras na ang lahat ng nangasa alaalang libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig at magsisilabas.”—Juan 5:28, 29.
“Ibinigay ng dagat ang mga patay na nasa kaniya, at ibinigay ng kamatayan at ng Hades ang mga patay na nasa kanila.”—Apocalipsis 20:13.
11. Ano ang madalas na sumisira sa mga paraisong gawa ng tao?
11 Ang paraiso sa ilalim ng kaharian ng Diyos ay magiging mas mabuti kaysa anomang maidudulot ng matandang sistemang ito! Totoo, nagawa ng ibang tao ang dakong kanilang tinitirahan na kamukha ng isang paraiso. Subali’t ang mga maninirahan doon ay maaaring maging malupit at mapag-imbot, at baka nagkakapootan pa sila sa isa’t-isa. At sa katagalan, magkakasakit sila, tatanda at mamamatay. Gayumpaman, pagkaraan ng Armahedon, ang paraiso sa lupa ay mangangahulugan ng higit pa kaysa magagandang tahanan, hardin at parke lamang.
12, 13. (a) Anong mapayapang mga kalagayan ang iiral pagkaraan ng Armahedon? (b) Ano ang kailangan upang mangyari ang mga kalagayang ito?
12 Isipin lamang. Ang mga tao ng lahat ng lahi at bansa ay matututong mamuhay sama-sama bilang isang sambahayan ng mga magkakapatid. Sila ay tunay na magmamahalan sa isa’t-isa. Wala nang magiging maramot o malupit. Wala nang mapopoot sa iba dahil lamang sa kaniyang lahi, kulay, o pinanggalingan. Mawawala na ang pagtatangi. Lahat ng tao sa lupa ay magiging tunay na magkakaibigan at magkapuwa-tao. Oo, magiging paraiso yaon sa espirituwal na paraan. Gusto ba ninyong mabuhay sa paraisong ito sa ilalim ng “mga bagong langit”?
13 Sa ngayon madalas magsalita ang mga tao tungkol sa pamumuhay nang magkakasama sa kapayapaan, at nagtayo pa man din sila ng isang organisasyon ng “Nagkakaisang mga Bansa.” Nguni’t ang mga tao at bansa ay nababahagi nang higit kailanman. Ano ang kailangan? Ang mga puso ng tao ay kailangang baguhin. Subali’t imposible para sa mga gobiyerno ng daigdig na gawin ang himalang ito. Gayumpaman, nagagawa ito ng mensahe ng Bibliya tungkol sa pag-ibig ng Diyos.
14. Ano ang nagaganap ngayon upang patunayan na ang malaparaisong mga kalagayang ito ay makakamit?
14 Sa pagkatuto tungkol sa matuwid na bagong kaayusan, ang puso ng marami ay napakikilos upang umibig sa Diyos. Kaya’t nagsisimula din silang kumilos sa maibiging paraan sa iba, gaya ng ginagawa ng Diyos. (1 Juan 4:9-11, 20) Nangangahulugan ito ng malaking pagbabago sa kanilang buhay. Marami na dati’y mababagsik at malulupit, gaya ng mababangis na hayop, ay naging maaamo at mapayapa. Gaya ng masunuring tupa, sila ay tinitipon sa kawang Kristiyano.
15. (a) Ano ang dalawang grupo ng mga Kristiyano sa ngayon? (b) Sino ang magiging unang mga membro ng “bagong lupa”?
15 Sa nakalipas na 1,900 taon ay tinipon ang “munting kawan” ng 144,000 Kristiyano na maghaharing kasama ni Kristo. Iilan na lamang sa kanila ang natitira sa lupa; karamihan ay naghahari nang kasama ni Kristo sa langit. (Lucas 12:32; Apocalipsis 20:6) Subali’t nang bumabanggit tungkol sa iba pang Kristiyano, sinabi ni Jesus: “Mayroon akong ibang tupa, na hindi kabilang sa kulungang ito [ng “munting kawan”]; dapat ko rin silang dalhin, at didinggin nila ang aking tinig, at sila ay magiging isang kawan, isang pastol.” (Juan 10:16) Isang “malaking pulutong” ng “ibang tupa” na ito ay tinitipon na ngayon. Sila ang magiging unang membro ng “bagong lupa.” Ililigtas sila ni Jehova sa “malaking kapighatian” sa katapusan ng masamang pamamalakad na ito upang mabuhay sa makalupang paraiso.—Apocalipsis 7:9, 10, 13-15.
16. Anong himala ang magaganap upang maging kasiyasiya ang pamumuhay na kasama ng mga hayop?
16 Pagkaraan ng Armahedon isa pang himala ang magdaragdag sa malaparaisong kalagayan. Ang mga hayop na gaya ng leon, tigre, leopardo at oso, na ngayo’y mapanganib, ay magiging mapayapa. Napakainam ang maglakad sa gubat na kasabay ang isang leon, at marahil ay isa namang malaking oso! Kailanma’y hindi katatakutan ang alinmang nabubuhay na nilalang.
17, 18. (a) Anong sanhi ng kalungkutan ang hindi na iiral sa paraisong lupa? (b) Bakit natin matitiyak na ang sakdal na kalusugan ay tatamasahin ng lahat?
17 Subali’t gaano man kaganda ang mga bahay at hardin, gaano man kabait at maibigin ang mga tao, o gaano man kaamo ang mga hayop, kung tayo ay magkakasakit, tatanda at mamamatay magiging malungkot pa rin. Nguni’t sino ang makapagdudulot ng sakdal na kalusugan sa lahat? Ang mga pamahalaan ng tao ay nabigo sa pagsugpo ng kanser, sakit sa puso at iba pang karamdaman. Magawa man nila ito, inaamin ng mga doktor na hindi nito mahahadlangan ang pagtanda ng tao. Tatanda pa rin tayo. Sa kalaunan ang ating mga mata ay manlalabo, manlulupaypay ang ating kalamnan, mangungulubot ang ating balat at ang mga sangkap sa ating katawan ay manghihina. Kamatayan ang kasunod nito. Napakalungkot!
18 Pagkaraan ng Armahedon, sa paraisong lupa, lahat ng ito ay babaguhin ng isang malaking himala ng Diyos, sapagka’t ang pangako ng Bibliya ay: “Walang mamamayan ang magsasabi: ‘Ako ay maysakit.’” (Isaias 33:24) Nang si Jesu-Kristo ay nasa lupa ipinamalas niya ang kapangyarihan niya sa pagpapagaling ng lahat ng uri ng sakit at karamdaman, na bunga ng kasalanang minana natin kay Adan. (Marcos 2:1-12; Mateo 15:30, 31) Ang pagtanda ay susugpuin din sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian. Sa katunayan ang matatanda ay muling babata. Oo, ‘ang laman ng isa ay magiging sariwa pa kaysa kaniyang kabataan.’ (Job 33:25) Anong ligayang magising tuwing umaga na nalalamang mas malusog kayo kaysa sinundang araw!
19. Anong huling kaaway ang lilipulin, at papaano?
19 Tunay na walang sinoman na may sariwa at sakdal na kalusugan sa paraisong lupa ang magnanais mamatay. At walang sinoman ang kailangang mamatay! Ang pagtanggap nila ng mga kapakinabangan ng haing pantubos ay mangangahulugan sa wakas ng pagtatamasa ng dakilang kaloob ng Diyos na “buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Gaya ng sinasabi ng Bibliya, si Kristo “ay magpupuno bilang hari hanggang sa ilagay ng Diyos ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kaniyang mga paa. Bilang huling kaaway, ang kamatayan ay lilipulin.”—1 Corinto 15:25, 26; Isaias 25:8.
20. Sino, bukod sa mga taong buháy ngayon, ang magtatamasa ng paraisong lupa, at papaano magiging posible ito?
20 Pati ang mga taong patay ngayon ay magtatamasa rin ng paraisong lupa. Ibabalik sila tungo sa buhay! Kaya, sa panahong yaon, sa halip na mga balita tungkol sa mga namamatay, magkakaroon ng maliligayang ulat tungkol sa mga binuhay-muli. Anong saya ang salubungin ang namatay nating mga ama, ina, anak at iba pang mahal sa buhay mula sa libingan! Wala nang maiiwang punerarya, libingan o nitso upang sumira sa ganda ng paraisong lupa.
21. (a) Sino ang tutulong upang matiyak na ang mga batas at tagubilin ng “mga bagong langit” ay ikinakapit? (b) Papaano natin maipakikita na gusto nating talaga ang “mga bagong langit” at ang “bagong lupa”?
21 Sino ang mamamahala o mangangasiwa sa mga gawain sa paraisong lupa? Lahat ng batas at tagubilin ay magmumula sa “mga bagong langit.” Subali’t sa lupa ay may tapat na mga lalaki na hinirang upang tumiyak na ang mga batas at tagubiling ito ay ikinakapit. Sapagka’t ang mga lalaking ito ay kumakatawan sa makalangit na kaharian sa pantanging paraan, tinatawag sila ng Bibliya na “mga prinsipe.” (Isaias 32:1, 2; Awit 45:16) Maging sa kongregasyong Kristiyano sa ngayon may mga lalaking hinihirang ng espiritu ng Diyos upang mangalaga at mangasiwa sa gawain nito. (Gawa 20:28) Pagkaraan ng Armahedon makapananalig tayo na titiyakin ni Kristo na karapatdapat na mga lalaki ang hihirangin upang kumatawan sa Kahariang pamahalaan, sapagka’t sa panahong yaon siya ang tuwirang mangangasiwa sa mga kapakanan ng lupa. Papaano ninyo maipakikita na kayo ay buong-pananabik na naghihintay sa “mga bagong langit” at “bagong lupa” ng Diyos? Sa pamamagitan ng pagsisikap na abutin ang mga kahilingan ukol sa pamumuhay sa matuwid na bagong kaayusang yaon.—2 Pedro 3:14.
[Mga Tanong sa Aralin]