Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pagkilala sa Tunay na Relihiyon

Pagkilala sa Tunay na Relihiyon

Kabanata 22

Pagkilala sa Tunay na Relihiyon

1. Sino ang nagtataguyod ng tunay na relihiyon noong unang siglo?

 WALANG ALINLANGAN kung sino ang nagtataguyod ng tunay na relihiyon noong unang siglo. Sila ang mga tagasunod ni Jesu-Kristo. Kaanib sila ng iisang Kristiyanong organisasyon. Kumusta sa ngayon? Papaano makikilala ang mga tagapagtaguyod ng tunay na relihiyon?

2. Papaano makikilala ang mga tagapagtaguyod ng tunay na relihiyon?

2 Bilang paliwanag kung paano gagawin ito, sinabi ni Jesus: “Sa kanilang bunga ay makikilala ninyo sila. . . . Bawa’t mabuting punongkahoy ay nagbubunga ng mabuti, nguni’t bawa’t masamang punongkahoy ay nagbubunga ng masama; . . . Kaya nga, sa kanilang bunga ay makikilala ninyo ang mga taong yaon.” (Mateo 7:16-20) Anong mabubuting bunga ang maaasahan ninyo sa mga tunay na mananamba ng Diyos? Ano ang dapat na sinasabi at ginagawa nila ngayon?

PAGBANAL SA PANGALAN NG DIYOS

3, 4. (a) Ano ang unang kahilingan sa Modelong Panalangin ni Jesus? (b) Papaano pinaging-banal ni Jesus ang pangalan ng Diyos?

3 Ang mga tunay na mananamba ng Diyos ay kikilos kasuwato ng Modelong Panalangin na ibinigay ni Jesus sa mga tagasunod niya. Ang kaunaunahang binanggit ni Jesus ay ito: “Ama namin na nasa mga langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.” Ang isa pang salin ng Bibliya ay nagsasabi naman ng ganito: “Gawin nawang banal ang pangalan mo.” (Mateo 6:9, Jerusalem Bible) Ano ang kahulugan ng pagpapakabanal, o paggawang banal, sa pangalan ng Diyos? Papaano ito ginawa ni Jesus?

4 Ipinakita ni Jesus kung papaano niya ginawa ito nang manalangin siya sa kaniyang Ama: “Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan.” (Juan 17:6) Oo, ipinakilala ni Jesus sa mga tao ang pangalan ng Diyos, si Jehova. Hindi siya nag-atubili sa paggamit ng pangalang yaon. Alam ni Jesus na layunin ng kaniyang Ama na luwalhatiin ang kaniyang pangalan sa buong lupa. Kaya nagbigay-halimbawa siya sa pagpapakilala at pagpapakabanal ng pangalang yaon.​—Juan 12:28; Isaias 12:4, 5.

5. (a) Papaano nauugnay ang kongregasyong Kristiyano sa pangalan ng Diyos? (b) Ano ang dapat nating gawin upang magkamit ng kaligtasan?

5 Ipinakikita ng Bibliya na ang mismong pag-iral ng kongregasyong Kristiyano ay nauugnay sa pangalan ng Diyos. Ipinaliwanag ni apostol Pedro na ang Diyos “ay bumaling sa mga bansa upang kumuha sa kanila ng isang bayan ukol sa kaniyang pangalan.” (Gawa 15:14) Kaya dapat pakabanalin ng tunay na bayan ng Diyos ang kaniyang pangalan at ipakilala ito sa buong lupa. Sa katunayan, ang pagkilala sa pangalang ito ay mahalaga sa kaligtasan, gaya ng sinasabi ng Bibliya: “Sapagka’t ‘sinomang tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.’”​—Roma 10:13, 14.

6. (a) Ang mga iglesiya ba sa pangkalahatan ay nagpapabanal sa pangalan ng Diyos? (b) Mayroon bang nagpapatotoo sa pangalan ng Diyos?

6 Sino ngayon ang nagpapabanal sa pangalan ng Diyos at nagpapakilala nito sa buong lupa? Sa pangkalahatan ay iniiwasan ng mga relihiyon ang paggamit ng pangalang Jehova. Inalis ito ng iba mula sa kanilang mga salin ng Bibliya. Gayunman, kung makikipag-usap kayo sa mga kapitbahay at madalas ninyong babanggitin si Jehova, na ginagamit ang kaniyang pangalan, sa aling organisasyon nila kayo iuugnay? Iisa lamang grupo ang talagang sumusunod sa halimbawa ni Jesus sa bagay na ito. Ang pangunahin nilang layunin sa buhay ay ang maglingkod sa Diyos at magpatotoo sa kaniyang pangalan, gaya ng ginawa ni Jesus. Kaya tinanggap nila ang maka-Kasulatang pangalan na “Mga Saksi ni Jehova.”​—Isaias 43:10-12.

PAGBABALITA SA KAHARIAN NG DIYOS

7. Papaano ipinakita ni Jesus ang halaga ng kaharian ng Diyos?

7 Sa Modelong Panalangin na ibinigay ni Jesus, ipinakita rin niya ang halaga ng kaharian ng Diyos. Tinuruan niya ang mga tao na manalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo.” (Mateo 6:10) Paulit-ulit na idiniin ni Jesus ang Kaharian bilang tanging lunas sa suliranin ng sangkatauhan. Ito ay ginawa niya at ng kaniyang mga apostol sa pamamagitan ng pangangaral tungkol sa kahariang ito “sa bayan-bayan” at sa “bahay-bahay.” (Lucas 8:1; Gawa 5:42; 20:20) Kaharian ng Diyos ang siyang tema ng kanilang pangangaral at pagtuturo.

8. Papaano ipinakita ni Jesus kung ano ang magiging pangunahing mensahe ng kaniyang tunay na mga tagasunod sa “mga huling araw”?

8 Papaano naman sa ngayon? Ano ang pangunahing turo ng tunay na organisasyong Kristiyano? Bilang paghula sa “mga huling araw” na ito, sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Kaya ang Kaharian ang nararapat na maging pangunahing mensahe ng bayan ng Diyos ngayon.

9. Sinong mga tao ngayon ang nangangaral ng mensahe ng Kaharian?

9 Itanong sa sarili: Kung may lalapit sa inyong pintuan at siya ay magsasalita tungkol sa kaharian ng Diyos bilang tanging pag-asa ng sangkatauhan, sa aling organisasyon ninyo iuugnay ang taong yaon? Bukod sa mga Saksi ni Jehova may iba pa bang relihiyon na nakipag-usap sa inyo tungkol sa kaharian ng Diyos? Ang totoo’y bihira sa kanila ang nakakaalam kung ano ito! Wala silang imik tungkol sa gobiyerno ng Diyos. Gayunman ang gobiyernong ito ay balitang yumayanig-sa-daigdig. Inihula ni propeta Daniel na ang kahariang ito ay ‘dudurog at lilipol sa lahat ng iba pang gobiyerno at ito lamang ang mamamahala sa lupa.’​—Daniel 2:44.

PAGGALANG SA SALITA NG DIYOS

10. Papaano nagpakita si Jesus ng paggalang sa Salita ng Diyos?

10 Isa pang paraan ng pagkilala kung sino ang nagtataguyod ng tunay na relihiyon ay sa pamamagitan ng saloobin nila tungkol sa Bibliya. Si Jesus ay laging nagpakita ng paggalang sa Salita ng Diyos. Paulit-ulit niyang idiniin ito bilang pangwakas na autoridad sa mga bagay-bagay. (Mateo 4:4, 7, 10; 19:4-6) Nagpakita rin si Jesus ng paggalang sa Bibliya sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa mga turo nito. Kailanma’y hindi niya dinusta ang Bibliya. Sa halip, ay hinatulan niya yaong tumangging magturo nang naayon dito at nagsikap na pahinain ang puwersa ng mga turo nito sa pamamagitan ng pag-una sa kanilang sariling mga ideya.​—Marcos 7:9-13.

11. Anong saloobin tungkol sa Salita ng Diyos ang madalas ipakita ng mga iglesiya?

11 Papaano masusukat ang mga iglesiya ng Sangkakristiyanuhan sa kanilang pagsunod sa halimbawa ni Kristo? Sila ba ay may taimtim na paggalang sa Bibliya? Maraming klero ngayon ang hindi naniniwala sa mga ulat ng Bibliya hinggil sa pagkakasala ni Adan, sa baha noong kaarawan ni Noe, kay Jonas at ang malaking isda, at iba pa. Sinasabi rin nila na ang tao ay lumitaw dahil sa ebolusyon at hindi sa tuwirang pagkalalang ng Diyos. Sa pamamagitan nito’y hinihimok kaya nila ang paggalang sa Salita ng Diyos? At saka sinasabi ng ibang pinuno sa simbahan na ang pagsisiping ng mga hindi mag-asawa ay hindi masama, at na maaaring maging wasto ang homoseksuwalidad at poligamya. Masasabi ba ninyo na pinatitibay nila ang mga tao na gamitin ang Bibliya bilang kanilang patnubay? Tiyak na hindi sila sumusunod sa halimbawa ng Anak ng Diyos at ng kaniyang mga apostol.​—Mateo 15:18, 19; Roma 1:24-27.

12. (a) Bakit hindi nakalulugod sa Diyos ang pagsamba maging ng ibang gumagamit ng Bibliya? (b) Kung ang mga kusang nagkakasala ay nananatili sa kanilang mabuting katayuan sa isang iglesiya, ano ang dapat nating ipasiya?

12 May mga membro ng mga iglesiya na nagtataglay ng Bibliya at nag-aaral din naman nito, subali’t ipinakikita ng kanilang paraan ng pamumuhay na hindi nila ito sinusunod. Tungkol sa ganitong mga tao, ang Bibliya ay nagsasabi: “Sila’y nagpapanggap na nakikilala nila ang Diyos, nguni’t ikinakaila siya sa kanilang mga gawa.” (Tito 1:16; 2 Timoteo 3:5) Kapag ang mga membro ng mga iglesiya ay nagsusugal, naglalasing at gumagawa ng iba pang kasamaan subali’t pinapayagan pa ring manatili sa mabuting katayuan sa kanilang simbahan, ano ang ipinakikita nito? Patotoo ito na ang kanilang relihiyosong organisasyon ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos.​—1 Corinto 5:11-13.

13. Anong malubhang pasiya ang dapat gawin ng isa kung matuklasan niya na ang mga turo ng kaniyang simbahan ay hindi kasuwato ng Bibliya?

13 Kung napag-isip-isipan ninyo ang nauunang mga kabanata ng aklat na ito, at isinaalang-alang ang mga teksto sa Bibliya na masusumpungan doon, natutuhan na ninyo ang saligang mga turo ng Salita ng Diyos. Subali’t papaano kung ang mga turo ng relihiyosong organisasyon na inyong kinaaaniban ay hindi kasuwato niyaong sa Salita ng Diyos? Mayroon kayong malubhang problema. Ito ay ang problema ng pagpapasiya kung tatanggapin ninyo ang katotohanan ng Bibliya o tatanggihan ito sa kapakanan ng mga turo na hindi naman inaalalayan ng Bibliya. Kung sa bagay, ang ikikilos ninyo ay sarili ninyong desisyon. Gayumpaman, dapat timbang-timbangin ang mga bagay-bagay nang buong-ingat. Sapagka’t ang inyong pasiya ay aapekto sa inyong katayuan sa Diyos at sa inyong pag-asa na mabuhay magpakailanman sa paraiso sa lupa.

PAGIGING HIWALAY SA SANLIBUTAN

14. (a) Ano pa ang isang nagpapakilalang tanda ng tunay na relihiyon? (b) Bakit napakahalaga na ang kahilingang ito ay maabot ng tunay na mga mananamba?

14 Ang isa pang tanda na nagpapakilala sa mga tagapagtaguyod ng tunay na relihiyon ay, gaya ng sinabi ni Jesus, “hindi sila bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:14) Nangangahulugan ito na ang tunay na mga mananamba ay dapat humiwalay sa masamang sanlibutan at mga gawain nito. Si Jesu-Kristo ay tumangging maging isang makapolitikang tagapamahala. (Juan 6:15) Mauunawaan ninyo kung bakit napakahalaga ng pagiging hiwalay sa sanlibutan kung tatandaan na sinasabi ng Bibliya na si Satanas na Diyablo ang pinuno ng sanlibutang ito. (Juan 12:31; 2 Corinto 4:4) Ang kaselangan ng bagay na ito ay makikita pa sa pangungusap ng Bibliya: “Sinoman ngang mag-ibig na maging kaibigan ng sanlibutan ay nagiging kaaway ng Diyos.”​—Santiago 4:4.

15. (a) Ang mga iglesiya ba na kilala ninyo ay talagang “hindi bahagi ng sanlibutan”? (b) May nalalaman ba kayong relihiyon na nakakaabot sa kahilingang ito?

15 Ipinakikita ba ng mga katibayan na ang bagay na ito ay dinidibdib ng mga iglesiya sa inyong komunidad? Ang mga klero ba pati na ang mga membro ng kongregasyon ay talagang “hindi bahagi ng sanlibutan”? O sila ba ay lubhang nasasangkot sa nasyonalismo, politika at pagpapaligsahan ng sanlibutan? Hindi mahirap sagutin ang mga tanong na ito, yamang ang gawain ng mga iglesiya ay alam-na-alam na. Sa kabilang dako, madali ring suriin ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Sa paggawa nito, matutuklasan ninyo na talaga ngang sinusunod nila ang halimbawa ni Kristo at ng kaniyang unang mga tagasunod sa pananatiling hiwalay sa sanlibutan, sa politika at sa sakim, mahalay, at mararahas na pamamalakad nito.​—1 Juan 2:15-17.

PAG-IBIG SA ISA’T-ISA

16. Ano ang isang mahalagang paraan upang makilala ang tunay na mga alagad ni Kristo?

16 Isang napakahalagang paraan upang makilala ang tunay na mga alagad ni Kristo ay ang pag-ibig nila sa isa’t-isa. Sinabi ni Jesus: “Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.” (Juan 13:35) Nagtataglay ba ng ganitong pag-ibig ang mga relihiyosong organisasyon na kilala ninyo? Halimbawa, ano ang kanilang ginagawa kapag ang kanilang mga bansa ay nakipagdigma sa iba?

17. Papaano nakakaabot ang mga relihiyosong organisasyon at ang kanilang mga membro sa kahilingan ng pagpapakita ng pag-ibig sa isa’t-isa?

17 Alam ninyo kung ano ang madalas mangyari. Sa utos ng makasanlibutang mga tao ang mga membro ng sarisaring relihiyosong organisasyon ay sumusugod sa labanan at pinapatay ang kanilang mga kapananampalataya mula sa kabilang bansa. Kaya ang Katoliko ay pumapatay sa kapuwa Katoliko, Protestante sa kapuwa Protestante at Muslim sa kapuwa Muslim. Sa palagay ninyo kaya ang ganitong paggawi ay ayon sa Salita ng Diyos at talagang nagpapakita ng espiritu ng Diyos?​—1 Juan 3:10-12.

18. Papaano nakakaabot ang mga Saksi ni Jehova sa kahilingang ito ng pagpapakita ng pag-ibig sa isa’t-isa?

18 Papaano nakakaabot ang mga Saksi ni Jehova sa kahilingang ito ng pag-iibigan sa isa’t-isa? Hindi nila sinusundan ang halimbawa ng makasanlibutang mga relihiyon. Hindi nila pinapatay ang kanilang kapuwa mananampalataya sa larangan ng digmaan. Hindi sila mapagpaimbabaw na nagsasabing, “Iniibig ko ang Diyos,” samantalang kinapopootan naman ang kanilang kapatid sa ibang bansa, tribo o lahi. (1 Juan 4:20, 21) Subali’t nagpapakita rin sila ng pag-ibig sa iba pang paraan. Papaano? Sa pakikitungo nila sa kanilang mga kapitbahay at sa maibigin nilang pagsisikap na tulungan ang iba na matuto hinggil sa Diyos.​—Galacia 6:10.

IISANG TUNAY NA RELIHIYON

19. Bakit kapuwa makatuwiran at maka-Kasulatan na sabihing may iisa lamang tunay na relihiyon?

19 Makatuwiran lamang na magkaroon ng iisang tunay na relihiyon. Kasuwato ito ng katotohanan na ang tunay na Diyos ay isang Diyos, “hindi ng kaguluhan, kundi ng kapayapaan.” (1 Corinto 14:33) Sinasabi ng Bibliya na talagang mayroon lamang “isang pananampalataya.” (Efeso 4:5) Sino, kung gayon, ang mga bumubuo ng kalipunan ng tunay na mga mananamba sa ngayon?

20. (a) Sa liwanag ng mga katibayan, sino ang ipinakikita ng aklat na ito bilang tunay na mga mananamba sa ngayon? (b) Ganito ba ang paniwala ninyo? (c) Papaano ang pinakamabuting paraan upang makilalang mabuti ang mga Saksi ni Jehova?

20 Hindi kami mag-aatubiling magsabi na sila ang mga Saksi ni Jehova. Upang maniwala kayo rito inaanyayahan namin kayo na higit silang kilalanin. Ang pinakamainam na paraan ng paggawa nito ay ang pagdalo sa kanilang mga pagtitipon sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Yamang ipinakikita ng Bibliya na ang pagsasagawa ng tunay na relihiyon ay nagdudulot ng malaking kasiyahan ngayon at nagbubukas ng daan sa pagtatamasa ng walang-hanggang buhay sa paraiso, tunay na magiging sulit ang inyong pagsisikap na gumawa ng ganitong pagsusuri. (Deuteronomio 30:19, 20) Buong-lugod namin kayong inaanyayahan. Bakit hindi magsuri ngayon?

[Mga Tanong sa Aralin]

[Larawan sa pahina 185]

Kung kakausapin ninyo ang iba tungkol kay Jehova at kaniyang kaharian, sa aling relihiyon nila kayo iuugnay?

[Mga larawan sa pahina 186]

Iginagalang ba ng isa ang Salita ng Diyos kapag hindi namumuhay kaayon nito?

[Larawan sa pahina 188, 189]

Si Jesus ay tumangging maging makapolitikang tagapamahala

[Larawan sa pahina 190]

Buong-lugod kayong inaanyayahang dumalo sa mga pagpupulong ng mga Saksi ni Jehova