Para sa Sanlibutan ni Satanas, o Para sa Bagong Kaayusan ng Diyos?
Kabanata 25
Para sa Sanlibutan ni Satanas, o Para sa Bagong Kaayusan ng Diyos?
1. Ano ang talagang nagpapatunay na kayo ay para sa bagong kaayusan ng Diyos?
KAYO BA AY PARA sa matuwid na bagong kaayusan ng Diyos, at gusto ba ninyo itong dumating? Kayo ba ay laban kay Satanas, at gusto ba ninyong magwakas ang kaniyang sanlibutan? Baka Oo ang sagot ninyo sa dalawang tanong na ito. Pero sapat na ba iyon? May matandang kasabihan na ang kilos ay mas malakas mangusap kaysa salita. Kung naniniwala kayo sa bagong kaayusan ng Diyos, ang inyong paraan ng pamumuhay ang talagang magpapatunay nito.—Mateo 7:21-23; 15:7, 8.
2. (a) Sino ang dalawang panginoon na maaari nating paglingkuran? (b) Ano ang nagpapakita kung kanino tayong alipin, o lingkod?
2 Ang totoo ay isa lamang sa dalawang panginoon ang malulugod sa inyong paraan ng pamumuhay. Alin sa kayo ay naglilingkod sa Diyos na Jehova o kay Satanas na Diyablo. Isang simulain sa Bibliya ang tumutulong sa atin upang maunawaan ito. Sinasabi nito: “Hindi ba ninyo nalalaman na kung inihaharap ninyo ang inyong sarili sa sinoman bilang alipin upang sundin siya, kayo ay alipin niya sapagka’t siya ang inyong sinusunod?” (Roma 6:16) Sino ang inyong sinusunod? Kaninong kalooban ang ginaganap ninyo? Anoman ang inyong sagot, hindi ninyo maaaring paglingkuran ang tunay na Diyos, si Jehova, kung sinusunod ninyo ang masamang lakad ng sanlibutan.
ANG SANLIBUTAN NI SATANAS—ANO BA ITO?
3. (a) Sino ang ipinakikita ng Bibliya na tagapamahala ng sanlibutan? (b) Sa panalangin, papaano ipinakita ni Jesus ang pagkakaiba ng sanlibutan at ng kaniyang mga alagad?
3 Tinukoy ni Jesus si Satanas na “pinuno ng sanlibutan.” At sinabi ni apostol Juan na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng masama.” (Juan 12:31; 1 Juan 5:19) Pansinin na sa kaniyang dalangin sa Diyos hindi ibinilang ni Jesus ang kaniyang mga alagad na bahagi ng sanlibutan ni Satanas. Sinabi niya: “Idinadalangin ko sila [kaniyang mga alagad]; dumadalangin ako, hindi ukol sa sanlibutan . . . Hindi sila bahagi ng sanlibutan, gaya ko naman na hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:9, 16; 15:18, 19) Maliwanag na ang mga tunay na Kristiyano ay dapat maging hiwalay sa sanlibutan.
4. (a) Sa Juan 3:16, kanino tumutukoy ang pananalitang “ang sanlibutan”? (b) Alin “ang sanlibutan” na kailangang hiwalayan ng mga tagasunod ni Kristo?
4 Pero ano ba ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya “ang sanlibutan”? Sa Bibliya ang salitang “ang sanlibutan” ay karaniwan nang tumutukoy sa buong sangkatauhan. (Juan 3:16) Subali’t nahikayat ni Satanas halos ang buong sangkatauhan upang sumalansang sa Diyos. Kaya ang sanlibutan ni Satanas ay ang organisadong lipunan ng tao na hiwalay o nasa labas ng nakikitang organisasyon ng Diyos. Ito ang sanlibutan na dapat hiwalayan ng mga Kristiyano.—Santiago 1:27.
5. Ano ang isang mahalagang bahagi ng sanlibutan, at papaano ito isinasagisag sa Bibliya?
5 Ang sanlibutan ni Satanas—ang kaniyang organisadong lipunan ng tao—ay binubuo ng iba’t-ibang magkakaugnay na bahagi. Isang mahalagang bahagi ay ang huwad na relihiyon. Sa Bibliya ang huwad na relihiyon ay isinasagisag bilang isang “dakilang patutot,” o masamang babae, na ang pangala’y “Babilonyang Dakila.” Ito ay isang pandaigdig na imperyo, bagay na pinatutunayan ng “pagkakaroon niya ng kapamahalaan sa mga hari sa lupa.” (Apocalipsis 17:1, 5, 18) Subali’t ano ang nagpapatotoo na ang Babilonyang Dakila ay isang relihiyosong pandaigdig na imperyo?
6, 7. (a) Ano ang nagpapatotoo na ang Babilonyang Dakila ay isang relihiyosong imperyo? (b) Anong kaugnayan ang taglay ng huwad na relihiyon sa maka-politikang mga pamahalaan?
6 Yamang “ang mga hari sa lupa” ay sinasabing ‘nakikiapid’ sa kaniya, ang Babilonyang Dakila ay hindi maaaring maging isang makapolitikang pandaigdig na imperyo. At yamang ang “mga mangangalakal” sa lupa ay nakatanaw sa malayo at nananaghoy sa kaniyang pagkapuksa, siya ay hindi isang maka-komersiyong pandaigdig na imperyo. (Apocalipsis 17:2; 18:15) Gayumpaman, ipinakikita ng Bibliya na siya’y isang relihiyosong imperyo sa pagsasabing kaniyang “nadaya ang lahat ng bansa dahil sa pagsasagawa ng espiritismo.”—Apocalipsis 18:23.
7 Isa pang patotoo na ang Babilonyang Dakila ay relihiyosong imperyo ay ang kaugnayan niya sa isang “mabangis na hayop.” Sa Bibliya ang mga hayop ay kumakatawan sa maka-politikang mga pamahalaan. (Daniel 8:20, 21) Ang Babilonyang Dakila ay inilalarawan na “nakasakay sa kulay-pulang mabangis na hayop . . . na may pitong ulo at sampung sungay.” Dahil dito’y sinisikap niyang maimpluwensiyahan ang “mabangis na hayop,” o pandaigdig na pamahalaan. (Apocalipsis 17:3) At hindi maitatatwa na sa buong kasaysayan ang relihiyon ay nakihalubilo sa politika, at madalas na nagsasabi kung ano ang dapat gawin ng mga pamahalaan. Tunay na siya ay mayroong “kapamahalaan sa mga hari sa lupa.”—Apocalipsis 17:18.
8. Ano pa ang isang mahalagang bahagi ng sanlibutan ni Satanas, at papaano ito isinasagisag sa Bibliya?
8 Ang maka-politikang mga pamahalaang ito ay mahalaga ring bahagi ng sanlibutan ni Satanas. Gaya ng nakita na natin, kinakatawan sila sa Bibliya bilang mga hayop. (Daniel 7:1-8, 17, 23) Ipinakikita ng isang pangitain ni apostol Juan na ang tulad-hayop na mga gobiyernong ito ay tumatanggap ng kapangyarihan mula kay Satanas: “Nakita ko ang isang mabangis na hayop na umaahon sa dagat, na may sampung sungay at pitong ulo . . . At ang dragon ang nagbigay sa kaniya ng kapangyarihan.” (Apocalipsis 13:1, 2; 12:9) Karagdagan pang patotoo na ang mga kahariang ito, o gobiyerno, ay bahagi ng sanlibutan ni Satanas ay ang pagtukso ni Satanas kay Jesus sa pamamagitan ng pag-aalok sa kaniya ng mga kahariang ito. Hindi sana ito nagawa ni Satanas kung hindi siya ang kanilang tagapamahala.—Mateo 4:8, 9.
9. (a) Papaano inilalarawan sa Apocalipsis 18:11 ang isa pang bahagi ng sanlibutan ni Satanas? (b) Ano ang ginagawa at itinataguyod nito, na nagpapatotoong si Satanas ang nasa likod nito?
9 Ang isa pa ring tampok na bahagi ng sanlibutan ni Satanas ay ang sakim at mapang-aping sistema sa komersiyo, na tinutukoy sa Apocalipsis 18:11 na “mga mangangalakal.” Itinatanim ng sistema-komersiyal na ito ang isang sakim na hangarin sa puso ng mga tao upang bilhin ang kaniyang mga paninda kahit hindi nila kailangan ang mga ito at mas mabuti pa nga kung wala sila ng mga bagay na ito. Kaalinsabay nito’y nag-iimbak ang sakim na komersiyalismo ng pagkain sa mga bodega samantalang hinayaan ang milyun-milyong tao na mamatay sa gutom dahil sa hindi nila ito kayang bilhin. Sa kabilang dako, ang mga armas militar na may kakayahang lumipol sa buong sambahayan ng tao ay patuloy na ginagawa at ipinagbibili sa malaking patubo. Kaya ang sistema ni Satanas sa komersiyo, kasama ang huwad na relihiyon at ang maka-politikang mga gobiyerno, ay nagtataguyod ng kasakiman, krimen at kahindikhindik na mga digmaan.
10, 11. (a) Ano pa ang isang mahalagang bahagi ng sanlibutan ni Satanas? (b) Ano ang babala ng Bibliya laban sa pagkakasangkot sa bagay na ito?
10 Ang organisadong lipunan ng tao na nasa ilalim ni Satanas na Diyablo ay tunay na balakyot at liko. Salungat ito sa matuwid na mga batas ng Diyos, at punung-puno ito ng lahat ng uri ng gawang mahalay. Kaya masasabi na ang isa pang katangian ng sanlibutan ni Satanas ay ang maluwag na pamumuhay, ang mahahalay na lakad nito. Dahil dito kapuwa sina apostol Pablo at Pedro ay nagbabala sa mga Kristiyano na umiwas sa masasamang paggawi ng mga tao ng mga bansa.—Efeso 2:1-3; 4:17-19; 1 Pedro 4:3, 4.
11 Idiniin din ni apostol Juan ang pangangailangan ng mga Kristiyano na mag-ingat laban sa masasamang hangarin at mahahalay na lakad ng sanlibutan. Sumulat siya: “Huwag ninyong iibigin ang sanlibutan ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Kung sinoman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig ng Ama ay wala sa kaniya; sapagka’t lahat ng nasa sanlibutan—ang pita ng laman at ang pita ng mga mata at ang pagpapasikat ng karangyaan sa buhay—ay hindi mula sa Ama, kundi mula sa sanlibutan.” (1 Juan 2:15, 16) Sinabi ng alagad na si Santiago na ‘kung ang sinoman ay mag-ibig na maging kaibigan ng sanlibutan, ay ginagawa ang kaniyang sarili na isang kaaway ng Diyos.’—Santiago 4:4.
PAPAANO IIWAS SA PAGIGING BAHAGI NG SANLIBUTAN
12, 13. (a) Papaano ipinakita ni Jesus na ang mga Kristiyano ay maninirahan sa sanlibutan? (b) Papaano maaaring manirahan sa sanlibutan nguni’t hindi bahagi nito?
12 Habang naririto ang sanlibutan ni Satanas, ang mga Kristiyano ay kailangang manirahan dito. Ipinakita ito ni Jesus nang manalangin siya sa kaniyang Ama: “Hindi ko idinadalangin na alisin mo sila sa sanlibutan.” Subali’t ganito ang idinagdag ni Jesus hinggil sa kaniyang mga tagasunod: “Hindi sila bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:15, 16) Papaano tayo maaaring manirahan sa sanlibutan ni Satanas subali’t hindi nagiging bahagi nito?
13 Buweno, namumuhay kayo sa gitna ng mga tao na bumubuo sa organisadong lipunan ng tao ngayon. Kasama sa mga taong ito ay ang mga mangangalunya, masasakim at iba pa na gumagawa ng masama. Maaaring naghahanap-buhay kayo kasama nila, nag-eeskuwela kasama nila, kumakain kasalo nila, at nakikibahagi sa ibang gawain na kasama nila. (1 Corinto 5:9, 10) Dapat din ninyo silang ibigin, gaya ng ginagawa ng Diyos. (Juan 3:16) Subali’t hindi iniibig ng tunay na Kristiyano ang masasamang ginagawa ng mga tao. Hindi niya ginagaya ang kanilang saloobin, kilos o tunguhin sa buhay. Hindi siya sumasali sa kanilang masamang relihiyon at politika. At bagaman kailangan siyang magtrabaho sa daigdig ng komersiyo ukol sa kaniyang ikabubuhay, hindi siya nakikibahagi sa pandaraya; ni ginagawa kaya niyang pangunahing tunguhin sa buhay ang pagkakamit ng materyal na bagay. Palibhasa siya’y para sa bagong kaayusan ng Diyos, iniiwasan niya ang masamang pakikipagsamahan niyaong nangabubuhay ukol sa sanlibutan ni Satanas. (1 Corinto 15:33; Awit 1:1; 26:3-6, 9, 10) Dahil dito, siya’y nasa sanlibutan ni Satanas subali’t hindi bahagi nito.
14. Kung kayo ay para sa bagong kaayusan ng Diyos, anong utos ng Bibliya ang susundin ninyo?
14 Kumusta naman kayo? Gusto ba ninyong maging bahagi ng sanlibutan ni Satanas? O kayo ba’y para sa bagong kaayusan ng Diyos? Kung kayo ay para sa bagong kaayusan ng Diyos, dapat maging hiwalay sa sanlibutan, pati na sa huwad na relihiyon nito. Susundin ninyo ang utos: “Magsilabas kayo sa kaniya [sa Babilonyang Dakila], bayan ko.” (Apocalipsis 18:4) Gayumpaman, ang paglabas sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, ay nangangahulugan ng higit pa kaysa pagputol lamang ng kaugnayan sa mga huwad na relihiyosong organisasyon. Nangangahulugan din ito ng hindi pagsali sa relihiyosong mga pagdiriwang ng sanlibutan.—2 Corinto 6:14-18.
15. (a) Sa halip na kapanganakan ni Jesus, ano ang iniuutos sa mga Kristiyano na ipangilin? (b) Ano ang nagpapakita na si Jesus ay hindi maaaring isilang sa lamig ng tagginaw? (c) Bakit pinili ang petsang Disyembre 25 bilang araw sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Jesus?
15 Ang Pasko ay isa sa tanyag na relihiyosong kapistahan sa ngayon. Nguni’t ipinakikita ng kasaysayan na ito’y hindi ipinagdiwang ng sinaunang mga Kristiyano. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ipagdiwang ang alaala ng kaniyang kamatayan, hindi ng kaniyang pagsilang. (1 Corinto 11:24-26) Ang totoo, hindi Disyembre 25 ang petsa ng kapanganakan ni Jesus. Hindi maaari ito, yamang ipinakikita ng Bibliya na noong siya’y isilang ang mga pastol ay nasa parang kung gabi. Hindi sila maaaring manatili roon sa malamig at maulan na panahon ng tagginaw. (Lucas 2:8-12) Sa katunayan pinili ang Disyembre 25 bilang petsa sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Jesus sapagka’t, gaya ng paliwanag ng The World Book Encyclopedia: “Dati na itong ipinangingilin ng mga taga-Roma bilang Kapistahan ni Saturno, sa pagdiriwang ng kapanganakan ng araw.”
16. (a) Anong isa pang tanyag na relihiyosong kapistahan ang may di-Kristiyanong pinagmulan? (b) Sa anong mabubuting dahilan hindi ipinagdidiwang ng mga tunay na Kristiyano ang Pasko at Easter?
16 Ang Pasko ng Pagkabuhay (Easter) ay isa pang tanyag na relihiyosong pagdiriwang. Kagaya ito ng Cuaresma sa maraming bansa sa Latin Amerika. Nguni’t ang Easter ay hindi rin ipinagdiwang ng unang mga Kristiyano. Ito rin ay nag-uugat sa di-Kristiyanong mga selebrasyon. Sinasabi ng The Encyclopædia Britannica: “Walang pahiwatig hinggil sa pangingilin ng kapistahan ng Pasko ng Pagkabuhay sa Bagong Tipan.” Subali’t talaga bang mahalaga kung ang Pasko at Pasko ng Pagkabuhay ay hindi Kristiyanong mga pagdiriwang kundi sa aktuwal ay nag-uugat sa pagsamba ng huwad na mga diyos? Nagbabala si apostol Pablo laban sa paglalahok ng tunay at ng huwad, at nagsabi na maging “ang kaunting lebadura ay nagpapakumbo sa buong limpak.” (Galacia 5:9) Sinabi niya sa sinaunang mga Kristiyano na mali ang mangilin ng mga araw na dati’y ipinag-uutos ng batas ni Moises subali’t pinawi na ng Diyos para sa mga Kristiyano. (Galacia 4:10, 11) Gaano pa kahalaga sa mga tunay na Kristiyano ngayon ang umiwas sa mga kapistahan na kailanma’y hindi iniutos ng Diyos na ipangilin at na nagmula sa huwad na relihiyon!
17. (a) Ano ang mali sa mga kapistahan na nagpaparangal sa tanyag na mga tao o bansa? (b) Papaano ipinakikita ng Bibliya ang landasin na dapat kunin ng mga Kristiyano?
17 Ang iba pang mga kapistahan sa sanlibutan ay nagpaparangal sa tanyag na mga tao. At ang iba ay nagpaparangal at nagtatanghal sa mga bansa o makasanlibutang organisasyon. Subali’t ang Bibliya ay nagbababala laban sa tulad-pagsambang pagpaparangal sa mga tao, o pagtitiwala sa mga organisasyon ng tao na nag-aangking makagagawa ng bagay na Diyos lamang ang makagagawa. (Gawa 10:25, 26; 12:21-23; Apocalipsis 19:10; Jeremias 17:5-7) Kaya ang mga kapistahan na nilayong magparangal sa isang tao o isang organisasyon ng tao ay hindi kasuwato ng kalooban ng Diyos, at ang tunay na mga Kristiyano ay hindi makikibahagi dito.—Roma 12:2.
18. (a) Anong mga bagay ang iniutos na parangalan o sambahin ng tao? (b) Ano ang sinasabi ng batas ng Diyos hinggil sa tulad-pagsambang pagpaparangal sa isang larawan?
18 Maraming bagay na gawa ng tao ang ipinag-uutos na parangalan o sambahin. Ang iba sa mga ito ay yari sa metal o kahoy. Ang iba ay yari sa tela at maaaring ang mga ito ay may nakatahi o nakaguhit na larawan ng isang bagay sa langit o sa lupa. Maaaring pagtibayin ng isang bansa ang batas na nag-uutos sa lahat na mag-ukol ng tulad-pagsambang pagpaparangal sa gayong bagay. Subali’t sinasabi ng batas ng Diyos na hindi ito dapat gawin ng mga lingkod niya. (Exodo 20:4, 5; Mateo 4:10) Ano ang ginawa ng bayan ng Diyos sa ilalim ng mga kalagayang ito?
19. (a) Ano ang iniutos ng hari ng Babilonya na gawin ng lahat? (b) Kaninong halimbawa ang mabuting sundin ng mga Kristiyano?
19 Sa sinaunang Babilonya si Haring Nabukodonosor ay nagtayo ng isang dambuhalang estatuwang ginto at iniutos na lahat ay yumuko dito. ‘Sinomang tatanggi,’ sabi niya, ‘ay ihahagis sa naglalagablab na hurno.’ Sinasabi ng Bibliya na may tatlong binatang Hebreo, sina Sadrac, Mesac at Abednego, na tumangging gawin ang ipinag-uutos ng hari. Bakit? Sapagka’t ito’y nagsangkot ng pagsamba, at ang pagsamba nila ay ukol lamang kay Jehova. Sinang-ayunan ng Diyos ang kanilang ginawa, at iniligtas sila mula sa galit ng hari. Sa katunayan, natalos ni Nabukodonosor na ang mga lingkod na ito ni Jehova ay hindi naging panganib sa Estado, kaya pinagtibay niya ang isang batas na magsasanggalang sa kanilang kalayaan. (Daniel 3:1-30) Hindi ba kayo humahanga sa katapatan ng mga binatang ito? Ipakikita ba ninyo na kayo ay talagang para sa bagong kaayusan ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng batas ng Diyos?—Gawa 5:29.
20. Anong iba’t-ibang paraan ang ginagamit ni Satanas upang tayo ay makalabag sa mga batas ng Diyos hinggil sa seksuwal na kalinisan?
20 Totoo, ayaw ni Satanas na tayo ay maglingkod kay Jehova. Gusto niyang siya ang ating paglingkuran. Kaya sinisikap niyang ipagawa sa atin ang kagustuhan niya, palibhasa’y alam niya na tayo ay nagiging alipin, o mga lingkod, ng sinomang ating sinusunod. (Roma 6:16) Sa iba’t-ibang paraan, pati na sa telebisyon, sine, iba’t-ibang anyo ng sayaw at mahalay na babasahin, pinasisigla ni Satanas ang pagsisiping ng mga hindi mag-asawa, pati na ang pangangalunya. Ang paggawing ito ay ipinalalagay na angkop, at madalas ay wasto. Gayon man, labag ito sa mga batas ng Diyos. (Hebreo 13:4; Efeso 5:3-5) At ang isang tao na nakikibahagi sa paggawing ito ay nagpapakitang siya ay para sa sanlibutan ni Satanas.
21. Ano ang iba pang mga bisyo, na kapag kinasanayan ng isa, ay magpapakita na siya’y para sa sanlibutan ni Satanas?
21 Marami pang bisyo ang ginawang tanyag ng sanlibutan ni Satanas subali’t labag sa mga batas ng Diyos. Ang isa rito ay ang pagkalasing sa mga inuming may-alkohol. (1 Corinto 6:9, 10) Ang isa pa ay ang paggamit ng mga droga gaya ng marihuwana at heroin bilang katuwaan, pati na ang paggamit ng tabako. Ang mga ito ay nakapipinsala sa katawan at marumi. Ang paggamit nito ay maliwanag na labag sa utos ng Diyos na “linisin ang sarili mula sa lahat ng karumihan ng laman at espiritu.” (2 Corinto 7:1) Ang paghitit ng tabako ay pumipinsala rin sa kalusugan ng mga katabi na napipilitang langhapin ang usok, kaya ang humihitit ay lumalabag sa batas ng Diyos na nagsasabing ang isang Kristiyano ay dapat umibig sa kaniyang kapuwa.—Mateo 22:39.
22. (a) Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa dugo? (b) Bakit ang pagpapasalin ng dugo ay walang pinag-iba sa “pagkain” ng dugo? (c) Ano ang nagpapakita na ang ‘pag-iwas sa dugo’ ay nangangahulugan ng hindi pagpasok kailanman nito sa inyong katawan?
22 Isa pang karaniwang ugali sa maraming bahagi ng daigdig ay ang pagkain ng dugo. Ang mga hayop na hindi napatutulo ang dugo ay kinakain o kaya’y pinatutulo ang dugo at pagkatapos ay ginagamit ito na pinaka-ulam sa pagkain. Subali’t ang Salita ng Diyos ay nagbabawal sa pagkain ng dugo. (Genesis 9:3, 4; Levitico 17:10) Kumusta naman ang pagpapasalin ng dugo? May nangangatuwiran na ang pagpapasalin ng dugo ay hindi talaga “pagkain.” Subali’t hindi ba totoo na kapag ang isang pasyente ay hindi makakain, madalas irekumenda ng doktor na pakainin siya sa paraan na katulad ng pagsasalin ng dugo? Sinasabi ng Bibliya na tayo ay “umiwas sa . . . dugo.” (Gawa 15:20, 29) Ano ang gustong sabihin nito? Kung sasabihin sa inyo ng doktor na umiwas sa alkohol, nangangahulugan ba lamang ito na hindi ninyo dapat itong inumin pero maaaring iturok ito nang tuwiran sa inyong ugat? Siyempre, hindi! Kaya, ang ‘pag-iwas sa dugo’ ay nangangahulugan ng hindi pagpapasok nito kailanman sa inyong katawan.
23. (a) Anong pasiya ang dapat ninyong gawin? (b) Ano ang magpapatunay sa pasiya na inyong ginawa?
23 Dapat ninyong patunayan sa Diyos na Jehova na kayo ay para sa kaniyang bagong kaayusan at hindi bahagi ng sanlibutang ito. Humihiling ito ng isang pagpapasiya. Ang pasiya na dapat ninyong gawin ay ang paglingkuran si Jehova, gawin ang kalooban niya. Hindi kayo maaaring mag-alinlangan, gaya ng ibang Israelita noong sinauna. (1 Hari 18:21) Sapagka’t tandaan, kung hindi kayo naglilingkod kay Jehova, si Satanas ang inyong pinaglilingkuran. Maaaring ang sinasabi ninyo ay na kayo ay para sa bagong kaayusan ng Diyos, subali’t ano ang ibinabadya ng inyong paggawi? Ang pagiging para sa bagong kaayusan ng Diyos ay humihiling ng pag-iwas sa lahat ng gawain na hinahatulan ng Diyos at na hindi masusumpungan sa kaniyang matuwid na bagong kaayusan.
[Mga Tanong sa Aralin]
[Larawan sa pahina 209]
Alin ang sanlibutan na ayaw idalangin ni Jesus at na hinihiwalayan ng kaniyang mga alagad?
[Mga larawan sa pahina 211]
Sa Bibliya, isinasagisag ang huwad na relihiyon bilang patutot na lasing, at ang mga pamahalaan na kaniyang sinasakyan bilang isang mabangis na hayop
Ang maluwag na pamumuhay ay bahagi ng sanlibutan ni Satanas. Ang sakim na sistema sa komersiyo ay isa ring tampok na bahagi
[Larawan sa pahina 213]
Yamang nang isilang si Jesus ang mga pastol ay nasa parang sa gabi kasama ng kanilang mga kawan, hindi maaaring isinilang siya sa Disyembre 25
[Larawan sa pahina 214]
Ang mga lingkod ng Diyos ay tumangging sumamba sa isang imaheng itinayo ng isang hari. Ano ang gagawin ninyo sa nakakatulad na kalagayan?