Ang Pagbangon at Pagbagsak ng Pagkalaki-laking Imahen
Ikaapat na Kabanata
Ang Pagbangon at Pagbagsak ng Pagkalaki-laking Imahen
1. Bakit tayo dapat maging interesado sa isang situwasyong bumangon isang dekada matapos bihagin ni Haring Nabucodonosor si Daniel at ang iba pa?
ISANG dekada na ang nakalilipas mula nang dalhin ni Haring Nabucodonosor si Daniel at ang iba pang “mga pangunahing tao ng lupain” ng Juda tungo sa pagkabihag sa Babilonya. (2 Hari 24:15) Ang kabataang si Daniel ay naglilingkod sa korte ng hari nang bumangon ang isang situwasyong nagsasapanganib ng buhay. Bakit dapat tayong maging interesado rito? Sapagkat ang paraan ng pakikialam ng Diyos na Jehova sa bagay na ito ay hindi lamang nagligtas sa buhay ni Daniel at ng iba pa kundi ito’y nagpapangyari ring makita natin ang pagmamartsa ng mga kapangyarihang pandaigdig sa hula ng Bibliya hanggang sa ating kaarawan.
NAPAHARAP SA MABIGAT NA PROBLEMA ANG ISANG MONARKA
2. Kailan nagkaroon si Nabucodonosor ng kaniyang unang makahulang panaginip?
2 “Nang ikalawang taon ng paghahari ni Nabucodonosor,” sumulat ang propeta Daniel, “si Nabucodonosor ay nanaginip ng mga panaginip; at ang kaniyang espiritu ay nagsimulang maligalig, at ang kaniya mismong tulog ay naging mailap sa kaniya.” (Daniel 2:1) Ang nanaginip ay si Nabucodonosor, ang hari ng Imperyo ng Babilonya. Siya’y matagumpay na naging tagapamahala ng daigdig noong 607 B.C.E. nang pahintulutan siya ng Diyos na Jehova na wasakin ang Jerusalem at ang templo nito. Sa ikalawang taon ng pagpupuno ni Nabucodonosor bilang pandaigdig na tagapamahala (606/605 B.C.E), binigyan siya ng Diyos ng isang nakapangingilabot na panaginip.
3. Sino ang hindi makapagpaliwanag sa panaginip ng hari, at ano ang naging reaksiyon ni Nabucodonosor?
3 Ang panaginip na ito ay masyadong bumagabag kay Nabucodonosor anupat hindi siya makatulog. Mangyari pa, nananabik siyang malaman ang kahulugan nito. Subalit nakalimutan na ng makapangyarihang hari ang panaginip! Kaya ipinatawag niya ang mga mahiko, salamangkero, at mga manggagaway ng Babilonya, at ipinag-utos niya na ilahad nila ang panaginip at ang kahulugan nito. Hindi nila kayang gawin iyon. Ang kabiguan nila ay nagpasiklab ng galit ni Nabucodonosor anupat siya’y nagpalabas ng utos na “puksain ang lahat ng marurunong na tao ng Babilonya.” Dahil sa utos na ito ay kakailanganing harapin ni propeta Daniel ang inatasang tagapuksa. Bakit? Sapagkat siya at ang kaniyang tatlong kasamang Hebreo—sina Hananias, Misael, at Azarias—ay kabilang sa marurunong na tao ng Babilonya.—Daniel 2:2-14.
SI DANIEL ANG SUMAGIP
4. (a) Paano nalaman ni Daniel ang nilalaman ng panaginip ni Nabucodonosor at ang kahulugan nito? (b) Ano ang sinabi ni Daniel bilang pasasalamat sa Diyos na Jehova?
4 Pagkatapos na malaman ang dahilan ng marahas na utos ni Nabucodonosor, “si Daniel ay pumasok at humiling sa hari na bigyan siya ng panahon upang maipakita sa hari ang pakahulugan.” Ito ay ipinagkaloob. Si Daniel ay bumalik sa kaniyang bahay, at siya at ang kaniyang tatlong kaibigang Hebreo ay nanalangin, na humihingi “ng kaawaan mula sa Diyos ng langit may kinalaman sa lihim na ito.” Sa isang pangitain sa mismong gabing iyon, isiniwalat ni Jehova kay Daniel ang lihim ng panaginip. Taglay ang pasasalamat, sinabi ni Daniel: “Pagpalain nawa ang pangalan ng Diyos mula sa panahong walang takda maging hanggang sa panahong walang takda, dahil sa karunungan at kalakasan—sapagkat ang mga iyon ay sa kaniya. At siya ay bumabago ng mga panahon at mga kapanahunan, nag-aalis ng mga hari at naglalagay ng mga hari, nagbibigay ng karunungan sa marurunong at ng kaalaman doon sa mga nakaaalam ng kaunawaan. Kaniyang isinisiwalat ang malalalim na bagay at ang mga nakakubling bagay, nalalaman kung ano ang nasa kadiliman; at sa kaniya ay nananahanan ang liwanag.” Dahilan sa unawang iyon, pinuri ni Daniel si Jehova.—Daniel 2:15-23.
5. (a) Nang nasa harapan ng hari, paano ibinigay ni Daniel ang kapurihan kay Jehova? (b) Bakit kapana-panabik sa atin ngayon ang paliwanag ni Daniel?
5 Nang sumunod na araw, si Daniel ay lumapit kay Ariok, ang pinuno ng tagapagbantay, na siyang inatasang pumatay sa marurunong na tao ng Babilonya. Nang malamang kayang ipaliwanag ni Daniel ang panaginip, dali-dali siyang dinala ni Ariok sa hari. Palibhasa’y hindi niya inangkin ang kapurihan, sinabi ni Daniel kay Nabucodonosor: “May umiiral na Diyos sa langit na isang Tagapagsiwalat ng mga lihim, at ipinaaalam niya kay Haring Nabucodonosor kung ano ang mangyayari sa huling bahagi ng mga araw.” Handa nang isiwalat ni Daniel hindi lamang ang kinabukasan ng Imperyo ng Babilonya kundi ang isang balangkas ng pandaigdig na mga pangyayari mula sa kaarawan ni Nabucodonosor hanggang sa ating kaarawan at sa hinaharap.—Daniel 2:24-30.
ANG PANAGINIP—NAALAALA
6, 7. Ano ang panaginip na ipinaalaala ni Daniel sa hari?
6 Matamang nakinig si Nabucodonosor sa paliwanag ni Daniel: “Ikaw, O hari, ay nakakita, at, narito! isang pagkalaki-laking imahen. Ang imaheng iyon, na malaki at may kaningningang pambihira, ay nakatayo sa harap mo, at ang anyo nito ay nakapanghihilakbot. Kung tungkol sa imaheng iyon, ang ulo nito ay mainam na ginto, ang dibdib nito at ang mga bisig nito ay pilak, ang tiyan nito at ang mga hita nito ay tanso, ang mga binti nito ay bakal, ang mga paa nito ay may bahaging bakal at may bahaging hinulmang luwad. Patuloy kang tumitingin hanggang sa isang bato ang matibag na hindi sa pamamagitan ng mga kamay, at tinamaan nito ang imahen sa mga paa nitong bakal at hinulmang luwad at dinurog ang mga iyon. Sa pagkakataong iyon ang bakal, ang hinulmang luwad, ang tanso, ang pilak at ang ginto, sama-samang lahat, ay nadurog at naging gaya ng ipa mula sa giikan sa tag-init, at ang mga iyon ay tinangay ng hangin anupat walang anumang bakas ng mga iyon ang nasumpungan. At kung tungkol sa bato na tumama sa imahen, ito ay naging isang malaking bundok at pinuno nito ang buong lupa.”—Daniel 2:31-35.
7 Walang pagsalang nagalak si Nabucodonosor nang marinig niya ang paglalahad ni Daniel sa panaginip! Subalit hintay muna! Ang marurunong na tao ng Babilonya ay maliligtas lamang kung maipaliliwanag din ni Daniel ang kahulugan ng panaginip. Sa pagsasalita alang-alang sa sarili at sa kaniyang tatlong kaibigang Hebreo, si Daniel ay nagsabi: “Ito ang panaginip, at ang pakahulugan nito ay sasabihin namin sa harap ng hari.”—Daniel 2:36.
ISANG KAHARIAN NA MAY PANTANGING KARANGALAN
8. (a) Sino o ano ang pakahulugan ni Daniel hinggil sa ulong ginto? (b) Kailan lumitaw ang ulong ginto?
8 “Ikaw, O hari, na hari ng mga hari, na sa iyo ay ibinigay ng Diyos sa langit ang kaharian, ang kapangyarihan, at ang lakas at ang dangal, at sa iyong kamay ay ibinigay niya, saanman ang mga anak ng tao ay nananahanan, ang mga hayop sa parang at ang mga may-pakpak na nilalang sa langit, at siyang ginawa niyang tagapamahala sa kanilang lahat, ikaw mismo ang ulong ginto.” (Daniel 2:37, 38) Ang mga salitang ito ay tumutukoy kay Nabucodonosor pagkatapos na siya’y gamitin ni Jehova upang puksain ang Jerusalem, noong 607 B.C.E. Totoo iyon sapagkat ang mga haring nakaluklok sa Jerusalem ay mula sa linya ni David, ang hari na pinahiran ni Jehova. Ang Jerusalem ang kabisera ng Juda, ang tipikong kaharian ng Diyos na kumakatawan sa soberanya ni Jehova sa buong lupa. Sa pagkawasak ng lunsod na iyon noong 607 B.C.E., ang tipikong kahariang ito ng Diyos ay naglaho na. (1 Cronica 29:23; 2 Cronica 36:17-21) Ang sunud-sunod na kapangyarihang pandaigdig na kinakatawan ng bahaging metal ng imahen ay maaari na ngayong mamahala sa daigdig nang walang hadlang mula sa tipikong kaharian ng Diyos. Bilang ulong ginto, ang pinakamahalagang metal na kilala noong unang panahon, si Nabucodonosor ay natatangi dahil sa pagtitiwarik sa kahariang iyon sa pamamagitan ng pagpuksa sa Jerusalem.—Tingnan ang “Nagtayo ng Imperyo ang Isang Mandirigmang Hari,” sa pahina 63.
9. Ano ang kinakatawan ng ulong ginto?
9 Si Nabucodonosor, na namahala sa loob ng 43 taon, ay naging pinuno ng isang dinastiya na namahala sa Imperyo ng Babilonya. Kasama rito ang kaniyang manugang na si Nabonido at ang kaniyang pinakamatandang anak na lalaki, si Evil-merodac. Ang dinastiyang iyon ay nagpatuloy sa loob ng mahigit pang 43 taon, hanggang sa kamatayan ng anak ni Nabonido, si Belsasar, noong 539 B.C.E. (2 Hari 25:27; Daniel 5:30) Kaya ang ulong ginto sa panaginip ay kumakatawan hindi lamang kay Nabucodonosor kundi sa buong linya ng pamamahala ng Babilonya.
10. (a) Paano ipinakita ng panaginip ni Nabucodonosor na ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya ay hindi magtatagal? (b) Ano ang inihula ni propeta Isaias hinggil sa lulupig sa Babilonya? (c) Sa anong diwa mas mababa ang Medo-Persia sa Babilonya?
10 Sinabi ni Daniel kay Nabucodonosor: “Kasunod mo ay babangon ang isa pang kaharian na nakabababa sa iyo.” (Daniel 2:39) Ang magiging kahalili ng dinastiya ni Nabucodonosor ay isang kahariang isinasagisag ng dibdib at mga bisig na pilak ng imahen. Mga 200 taon ang kaagahan, inihula ni Isaias ang kahariang ito, anupat ibinigay pa nga ang pangalan ng matagumpay na hari nito—si Ciro. (Isaias 13:1-17; 21:2-9; 44:24–45:7, 13) Ito ang Imperyo ng Medo-Persia. Bagaman ang Medo-Persia ay nagkaroon ng dakilang sibilisasyon na hindi naman pumangalawa doon sa Imperyo ng Babilonya, ang sumunod na kahariang ito ay sinasagisagan ng pilak, isang metal na mas mababa kaysa sa ginto. Ito ay mas mababa kaysa sa Kapangyarihang Pandaigdig ng Babilonya sapagkat hindi siya nagkaroon ng pantanging karangalan ng pagtitiwarik sa Juda, ang tipikong kaharian ng Diyos na ang kabisera ay nasa Jerusalem.
11. Kailan naglaho ang dinastiya ni Nabucodonosor?
11 Mga 60 taon matapos ipaliwanag ang panaginip, nasaksihan ni Daniel ang wakas ng dinastiya ni Nabucodonosor. Si Daniel ay naroroon noong gabi ng Oktubre 5/6, 539 B.C.E., nang lupigin ng hukbo ng Medo-Persia ang sa wari’y di-magagaping Babilonya at patayin si Haring Belsasar. Sa kamatayan ni Belsasar, ang ulong ginto ng imahen sa panaginip—ang Imperyo ng Babilonya—ay naglaho.
PINALAYA NG ISANG KAHARIAN ANG TAPONG BAYAN
12. Paano nakinabang ang mga tapong Judio sa utos na ipinalabas ni Ciro noong 537 B.C.E.?
12 Pinalitan ng Medo-Persia ang Imperyo ng Babilonya bilang nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig noong 539 B.C.E. Sa edad na 62, si Dario na Medo ang naging unang tagapamahala ng nalupig na lunsod ng Babilonya. (Daniel 5:30, 31) Sa loob ng maikling panahon, siya at si Ciro na Persiano ay magkasamang namahala sa Imperyo ng Medo-Persia. Nang mamatay si Dario, si Ciro ang naging solong pinuno ng Imperyo ng Persia. Para sa mga Judio sa Babilonya, ang pamamahala ni Ciro ay nangangahulugan ng paglaya mula sa pagkabihag. Noong 537 B.C.E., si Ciro ay nagpalabas ng utos na nagpapahintulot sa mga tapong Judio sa Babilonya na magbalik sa kanilang lupang tinubuan at itayong-muli ang Jerusalem at ang templo ni Jehova. Gayunman, ang tipikong kaharian ng Diyos ay hindi na muling naitatag sa Juda at Jerusalem.—2 Cronica 36:22, 23; Ezra 1:1–2:2a.
13. Ano ang inilalarawan ng dibdib at mga bisig na pilak ng imahen sa panaginip ni Nabucodonosor?
13 Ang dibdib at mga bisig na pilak ng imahen sa panaginip ay lumarawan sa linya ng mga haring Persiano na nagpasimula kay Cirong Dakila. Ang dinastiyang iyon ay tumagal nang mahigit sa 200 taon. Pinaniniwalaang namatay si Ciro samantalang nasa kampanyang militar noong 530 B.C.E. Sa 12 haring humalili sa kaniya sa trono ng Imperyo ng Persia, di-kukulangin sa 2 ang nakitungong mabuti sa piniling bayan ni Jehova. Ang isa ay si Dario I (Persiano), at ang isa pa ay si Artajerjes I.
14, 15. Anong tulong ang ibinigay ni Dariong Dakila at Artajerjes I sa mga Judio?
14 Si Dario I ang ikatlo sa linya ng mga haring Persiano pagkatapos ni Cirong Dakila. Ang dalawang nauna ay sina Cambyses II at ang kaniyang kapatid na lalaking si Bardiya (o marahil ay isang mapagpanggap na Mago na tinawag na Gaumata). Sa panahong si Dario I, na kilala rin bilang Dariong Dakila, ay lumuklok sa trono noong 521 B.C.E., ang muling pagtatayo ng templo ng Jerusalem ay nasa ilalim ng pagbabawal. Nang masumpungan ang dokumentong naglalaman ng utos ni Ciro na nasa artsibo (archives) ng Ecbatana, hindi lamang inalis ni Dario ang pagbabawal noong 520 B.C.E. Siya’y nagbigay rin ng pondo mula sa kabang-yaman ng hari para sa muling pagtatayo ng templo.—Ezra 6:1-12.
15 Ang sumunod na tagapamahalang Persiano na tumulong sa mga Judio sa pagsisikap na makapagtayong muli ay si Artajerjes I, na humalili sa kaniyang amang si Ahasuero (Jerjes I) noong 475 B.C.E. Si Artajerjes ay binigyan ng apelyidong Longimano dahilan sa mas mahaba ang kaniyang kanang kamay kaysa sa kaliwa. Nang ika-20 taon ng kaniyang pamamahala, noong 455 B.C.E., kaniyang inatasan ang kaniyang Judiong tagapagdala ng kopa na si Nehemias na maging gobernador ng Juda at upang maitayong muli ang mga pader ng Jerusalem. Ang pagsasagawa nito ang siyang naging tanda ng pagsisimula ng ‘pitumpung sanlinggo ng mga taon’ na nakabalangkas sa ika-9 na kabanata ng Daniel at nagtakda ng mga petsa para sa paglitaw at sa kamatayan ng Mesiyas, o Kristo, si Jesus ng Nazaret.—Daniel 9:24-27; Nehemias 1:1; 2:1-18.
16. Kailan at sino ang hari nang magwakas ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Medo-Persia?
16 Ang pinakahuli sa anim na hari na sumunod kay Artajerjes I sa trono ng Imperyo ng Persia ay si Dario III. Nagwakas kaagad ang kaniyang paghahari noong 331 B.C.E. nang siya’y dumanas ng malaking pagkatalo kay Alejandrong Dakila sa Gaugamela, malapit sa sinaunang Nineve. Winakasan ng pagkatalong ito ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Medo-Persia na isinagisag ng pilak na bahagi ng imahen sa panaginip ni Nabucodonosor. Ang dumarating na kapangyarihan ay nakahihigit sa ilang paraan, ngunit nakabababa naman sa iba. Ito’y nagiging maliwanag habang ating pinakikinggan ang karagdagan pang pagpapaliwanag ni Daniel sa panaginip ni Nabucodonosor.
ISANG KAHARIAN—MALAWAK SUBALIT NAKABABABA
17-19. (a) Anong kapangyarihang pandaigdig ang kinakatawan ng tiyan at mga hitang tanso, at gaano kalawak ang pamamahala nito? (b) Sino si Alejandro III? (c) Paano naging pandaigdig na wika ang Griego, at angkop na angkop ito para sa ano?
17 Sinabi ni Daniel kay Nabucodonosor na ang tiyan at mga hita ng pagkalaki-laking imahen ay bumubuo ng “isa pang kaharian, ang ikatlo, na tanso, na mamamahala sa buong lupa.” (Daniel 2:32, 39) Ang ikatlong kahariang ito ay susunod sa Babilonia at Medo-Persia. Kung paanong ang tanso ay mas mababa sa pilak, ang bagong kapangyarihang pandaigdig na ito ay magiging mababa kaysa sa Medo-Persia sa bagay na hindi ito bibigyan ng anumang pribilehiyo tulad ng pagpapalaya sa bayan ni Jehova. Gayunman, ang tulad tansong kaharian ay “mamamahala sa buong lupa,” na nagpapakitang ito ay higit na magiging malawak kaysa sa Babilonia o Medo-Persia. Ano ang ipinakikita ng kasaysayan hinggil sa kapangyarihang pandaigdig na ito?
18 Di-natagalan pagkaraang manahin ang trono ng Macedonia noong 336 B.C.E. sa edad na 20 anyos, ang ambisyosong si Alejandro III ay naglunsad ng kampanya ng pananakop. Dahilan sa kaniyang militar na pananagumpay, siya’y tinawag na Alejandrong Dakila. Sa pagtatamo ng sunud-sunod na tagumpay, siya’y patuloy na sumulong hanggang sa teritoryo ng Persia. Nang talunin niya si Dario III sa digmaan sa Gaugamela noong 331 B.C.E., nagpasimulang gumuho ang Imperyo ng Persia at itinatag ni Alejandro ang Gresya bilang ang bagong kapangyarihang pandaigdig.
19 Pagkatapos ng tagumpay sa Gaugamela, si Alejandro ay nagpatuloy upang sakupin ang mga Persianong kabisera ng Babilonya, Susa, Persepolis, at Ecbatana. Pagkatapos lupigin ang natitirang bahagi ng Imperyo ng Persia, pinalawak niya ang pananakop hanggang sa kanluraning India. Ang mga kolonyang Griego ay itinatag sa nakubkob na mga lupain. Kaya, ang wika at kulturang Griego ay lumaganap sa buong nasasakupan niya. Sa katunayan, ang Imperyo ng Gresya ay naging lalong dakila kaysa sa nauna rito. Gaya ng inihula ni Daniel, ang tansong kaharian ay ‘namahala sa buong lupa.’ Ang isa sa mga resulta nito ay na ang Griego (Koine) ay naging pandaigdig na wika. Dahilan sa kakayahan nito para sa pagbibigay na tumpak at espesipikong paglalarawan, ito’y angkop na angkop na gamitin sa pagsulat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan at sa pagpapalaganap ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
20. Ano ang nangyari sa Imperyo ng Gresya pagkamatay ni Alejandrong Dakila?
20 Si Alejandrong Dakila ay nabuhay lamang ng walong taon bilang tagapamahala ng daigdig. Bagaman siya’y bata pa, ang 32-taóng-gulang na si Alejandro ay nagkasakit pagkatapos ng isang piging at namatay di-natagalan pagkatapos niyaon, noong Hunyo 13, 323 B.C.E. Pagsapit ng panahon, ang kaniyang pagkalaki-laking imperyo ay nahati sa apat na teritoryo, na bawat isa ay pinamahalaan ng isa sa kaniyang mga heneral. Kaya mula sa isang dakilang kaharian ay lumitaw ang apat na kaharian na sa dakong huli ay sinakop ng Imperyo ng Roma. Ang tulad-tansong kapangyarihang pandaigdig ay nagpatuloy lamang hanggang 30 B.C.E. nang ang kahuli-hulihan sa apat na kahariang ito—ang dinastiyang Ptolemaiko na namamahala sa Ehipto—sa wakas ay bumagsak sa kamay ng Roma.
ISANG KAHARIAN NA DUMUDUROG AT BUMABASAG
21. Paano inilarawan ni Daniel “ang ikaapat na kaharian”?
21 Ipinagpatuloy ni Daniel ang kaniyang pagpapaliwanag ng panaginip hinggil sa imahen: “At kung tungkol sa ikaapat na kaharian [pagkatapos ng Babilonya, Medo-Persia, at Gresya], iyon ay magiging malakas na gaya ng bakal. Yamang ang bakal ay dumudurog at gumigiling ng lahat ng iba pang bagay, gayundin, gaya ng bakal na bumabasag, dudurugin at babasagin niyaon ang lahat nga ng mga ito.” (Daniel 2:40) Sa lakas at kakayahan nitong dumurog, ang kapangyarihang pandaigdig na ito ay magiging gaya ng bakal—mas matibay kaysa sa mga imperyo na kinakatawan ng ginto, pilak, o tanso. Gayon ang kapangyarihan ng Imperyo ng Roma.
22. Paano naging tulad ng bakal ang Imperyo ng Roma?
22 Dinurog at binasag ng Roma ang Imperyo ng Gresya at kinuha ang mga nalabi ng kapangyarihang pandaigdig ng Medo-Persia at Babilonya. Sa pagpapakita ng kawalang-galang sa ipinahayag ni Jesu-Kristo na Kaharian ng Diyos, siya’y ipinapatay nito sa isang pahirapang tulos noong 33 C.E. Sa pagsisikap na basagin ang tunay na Kristiyanismo, pinag-usig ng Roma ang mga alagad ni Jesus. Bukod dito, winasak ng mga Romano ang Jerusalem at ang templo nito noong 70 C.E.
23, 24. Bukod sa Imperyo ng Roma, ano pa ang inilalarawan ng mga binti ng imahen?
23 Ang mga binting bakal ng imahen sa panaginip ni Nabucodonosor ay lumarawan hindi lamang sa Imperyo ng Roma kundi pati sa pulitikal na mga kapangyarihang galing dito. Isaalang-alang ang mga salitang ito na nakaulat sa Apocalipsis 17:10: “May pitong hari: lima ang bumagsak na, isa ang narito, ang isa ay hindi pa dumarating, ngunit pagdating niya ay dapat siyang manatili nang maikling panahon.” Nang isulat ni apostol Juan ang mga salitang ito, siya’y bihag ng mga Romano bilang tapon, sa isla ng Patmos. Ang limang bumagsak na hari, o kapangyarihang pandaigdig, ay ang Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, at Gresya. Ang ikaanim—ang Imperyo ng Roma—ay nasa kapangyarihan pa. Subalit ito’y babagsak din, at ang ikapitong hari ay babangon mula sa isa sa mga nabihag na teritoryo ng Roma. Anong kapangyarihang pandaigdig kaya ito?
24 Ang Britanya noon ay ang hilagang kanlurang bahagi ng Imperyo ng Roma. Subalit noong taóng 1763, ito’y naging Imperyo ng Britanya—ang Britannia na namahala sa pitong karagatan. Pagsapit ng 1776 ang kaniyang 13 kolonya sa Amerika ay nagpahayag ng kanilang kalayaan upang itatag ang Estados Unidos ng Amerika. Gayunman, nang sumunod na mga taon, ang Britanya at ang Estados Unidos ay naging magkasama kapuwa sa panahon ng gera at kapayapaan. Kaya, ang kombinasyong Anglo-Amerikano ay lumitaw bilang ang ikapitong kapangyarihang pandaigdig sa hula ng Bibliya. Kagaya ng Imperyo ng Roma, ito’y napatunayang “matibay tulad ng bakal,” na gumagamit ng tulad-bakal na awtoridad. Kung gayon, ang mga binting bakal ng imahen sa panaginip ay sumaklaw kapuwa sa Imperyo ng Roma at sa magkasanib na kapangyarihang pandaigdig ng Anglo-Amerikano.
ISANG MARUPOK NA PAGHAHALO
25. Ano ang sinabi ni Daniel hinggil sa mga paa at mga daliri sa paa ng imahen?
25 Sumunod ay sinabi ni Daniel kay Nabucodonosor: “Samantalang nakita mo ang mga paa at ang mga daliri na may bahaging hinulmang luwad ng magpapalayok at may bahaging bakal, ang kaharian ay mahahati, ngunit magkakaroon iyon ng tigas ng bakal, yamang nakita mo na ang bakal ay hinaluan ng mamasa-masang luwad. At kung tungkol sa mga daliri ng mga paa na may bahaging bakal at may bahaging hinulmang luwad, ang kaharian ay magiging malakas nang bahagya at magiging marupok nang bahagya. Samantalang nakita mo na ang bakal ay nahahaluan ng mamasa-masang luwad, ang mga iyon ay mahahalo sa supling ng sangkatauhan; ngunit ang mga iyon ay hindi magkakadikit, ang isang ito at ang isang iyon, kung paanong ang bakal ay hindi humahalo sa hinulmang luwad.”—Daniel 2:41-43.
26. Kailan nahayag ang pamamahala na inilarawan ng mga paa at mga daliri nito sa paa?
26 Ang pagkakasunud-sunod ng mga kapangyarihang pandaigdig na kinakatawan ng iba’t ibang bahagi ng imahen sa panaginip ni Nabucodonosor ay nagsimula sa ulo at nagpatuloy hanggang sa paa. Makatuwiran lamang na ang bakal na mga paa at mga daliri sa paa na “hinaluan ng mamasa-masang luwad” ay lumalarawan sa pangwakas na anyo ng pamamahala ng tao na iiral sa “panahon ng kawakasan.”—Daniel 12:4.
27. (a) Anong uri ng kalagayan sa daigdig ang inilalarawan ng mga paa at mga daliri nitong bakal na hinaluan ng luwad? (b) Ano ang inilalarawan ng sampung daliri sa paa ng imahen?
27 Sa pagbubukang-liwayway ng ika-20 siglo, ang Imperyo ng Britanya ay namahala sa isa sa bawat apat na tao sa lupa. Ang iba pang imperyo sa Europa ay nagkaroon ng kontrol sa milyun-milyon pa. Subalit ang Digmaang Pandaigdig I ay nagbunga ng paglitaw ng mga grupo ng mga bansa na kahalili ng mga imperyo. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, mabilis na nauso ang ganitong kalakaran. Habang sumusulong ang nasyonalismo, mabilis namang dumarami ang bilang ng mga bansa sa daigdig. Ang sampung daliri sa paa ng imahen ay kumakatawan sa lahat ng gayong sabay-sabay na umiiral na mga kapangyarihan at mga pamahalaan, yamang sa Bibliya ang bilang na sampu kung minsan ay tumutukoy sa makalupang kabuuan.—Ihambing ang Exodo 34:28; Mateo 25:1; Apocalipsis 2:10.
28, 29. (a) Ayon kay Daniel, ano ang kinakatawan ng luwad? (b) Ano ang masasabi hinggil sa pinaghalong bakal at luwad?
28 Ngayong tayo’y nasa “panahon ng kawakasan,” narating na natin ang mga paa ng imahen. Ang ilang pamahalaan na inilarawan ng bakal na mga paa at mga daliri sa paa ng imahen na hinaluan ng luwad ay tulad ng bakal—makadiktador o mapaniil. Ang iba naman ay tulad ng luwad. Sa paanong paraan? Iniugnay ni Daniel ang luwad sa “supling ng sangkatauhan.” (Daniel 2:43) Sa kabila ng karupukan ng luwad, na mula rito’y ginawa ang supling ng sangkatauhan, ang tulad-bakal na tradisyonal na pamamahala ay napipilitang makinig nang higit at higit sa karaniwang mga tao, na nagnanais na magkaroon ng tinig sa mga pamahalaang nagpupuno sa kanila. (Job 10:9) Subalit hindi maaaring pagsamahin ang makadiktador na pamamahala at ang karaniwang mga tao—kung paanong hindi maaaring pagsamahin ang bakal at luwad. Sa panahon ng pagkawasak ng imahen, ang daigdig ay tunay ngang magkakawatak-watak sa pulitika!
29 Ang nagkakabahagi bang kalagayan ng mga paa at mga daliri nito ay magpapabagsak sa buong imahen? Ano ang mangyayari sa imahen?
ISANG MADULANG KASUKDULAN!
30. Ilarawan ang kasukdulan ng panaginip ni Nabucodonosor.
30 Isaalang-alang ang kasukdulan ng panaginip. Sinabi ni Daniel sa hari: “Patuloy kang tumitingin hanggang sa isang bato ang matibag na hindi sa pamamagitan ng mga kamay, at tinamaan nito ang imahen sa mga paa nitong bakal at hinulmang luwad at dinurog ang mga iyon. Sa pagkakataong iyon ang bakal, ang hinulmang luwad, ang tanso, ang pilak at ang ginto, sama-samang lahat, ay nadurog at naging gaya ng ipa mula sa giikan sa tag-init, at ang mga iyon ay tinangay ng hangin anupat walang anumang bakas ng mga iyon ang nasumpungan. At kung tungkol sa bato na tumama sa imahen, ito ay naging isang malaking bundok at pinuno nito ang buong lupa.”—Daniel 2:34, 35.
31, 32. Ano ang inihula hinggil sa pangwakas na bahagi ng panaginip ni Nabucodonosor?
31 Bilang pagpapaliwanag, ang hula ay nagpatuloy: “Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos sa langit ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman. At ang kaharian ay hindi isasalin sa iba pang bayan. Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito, at iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda; yamang nakita mo na mula sa bundok ay isang bato ang natibag na hindi sa pamamagitan ng mga kamay, at na dinurog nito ang bakal, ang tanso, ang hinulmang luwad, ang pilak at ang ginto. Ipinaalam ng Dakilang Diyos sa hari kung ano ang mangyayari pagkatapos nito. At ang panaginip ay mapananaligan, at ang pakahulugan nito ay mapagkakatiwalaan.”—Daniel 2: 44, 45.
32 Sa pagkatalos na ang panaginip ay muling naalaala at naipaliwanag, kinilala ni Nabucodonosor na tanging ang Diyos lamang ni Daniel ang “Panginoon ng mga hari at Tagapagsiwalat ng mga lihim.” Binigyan din ng hari si Daniel at ang kaniyang tatlong kasamang Hebreo ng mga posisyon na may malaking pananagutan. (Daniel 2:46-49) Subalit, ano ang makabagong-panahong kahalagahan ng ‘mapagkakatiwalaang pakahulugan’ ni Daniel?
‘ISANG BUNDOK NA PUMUPUNO SA LUPA’
33. Mula sa anong “bundok” natibag ang “bato,” at kailan at paano ito nangyari?
33 Nang “ang itinakdang panahon ng mga bansa” ay matapos noong Oktubre 1914, “ang Diyos sa langit” ay nagtatag ng makalangit na Kaharian sa pamamagitan ng pagluluklok sa kaniyang pinahirang Anak, si Jesu-Kristo, bilang ang “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” a (Lucas 21:24; Apocalipsis 12:1-5; 19:16) Kaya iyon ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, hindi ng mga kamay ng tao, na ang Mesiyanikong Kaharian na siyang “bato” ay natibag mula sa “bundok” ng pansansinukob na soberanya ni Jehova. Ang makalangit na pamahalaang ito ay nasa mga kamay ni Jesu-Kristo, na binigyan ng Diyos ng imortalidad. (Roma 6:9; 1 Timoteo 6:15, 16) Kaya, itong “kaharian ng ating Panginoon [Diyos] at ng kaniyang Kristo”—ang kapahayagan ng pansansinukob na soberanya ni Jehova—ay hindi isasalin sa kaninuman. Iyon ay mananatili magpakailanman.—Apocalipsis 11:15.
34. Paanong ang Kaharian ng Diyos ay isinilang “sa mga araw ng mga haring iyon”?
34 Ang pagsilang ng Kaharian ay naganap “sa mga araw ng mga haring iyon.” (Daniel 2:44) Ang mga ito’y hindi lamang ang mga haring inilarawan ng sampung daliri ng imahen kundi yaon ding isinagisag ng mga bahagi nitong bakal, tanso, pilak, at ginto. Bagaman ang mga imperyo ng Babilonya, Persia, Gresya, at Roma ay lumipas na bilang mga kapangyarihang pandaigdig, umiiral pa rin ang mga nalabi nila noong 1914. Ang Imperyo ng Turkong Ottoman ang nakasasakop noon sa teritoryo ng Babilonia, at ang pambansang mga pamahalaan sa Persia (Iran) at Gresya at Roma, Italya ay nagpapatuloy pa rin.
35. Kailan tatama ang “bato” sa imahen, at gaano katindi ang pagwasak sa imahen?
35 Ang makalangit na Kaharian ng Diyos ay malapit nang tumama sa mga paa ng makasagisag na imahen. Bilang resulta, ang lahat ng kahariang inilarawan nito ay magkakabasag-basag, anupat magwawakas na ang mga ito. Sa katunayan, sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat,” ang “bato” ay tatama na may gayon na lamang katinding puwersa anupat ang imahen ay mapupulbos at tatangayin ito ng hangin ng bagyo ng Diyos tulad ng ipa mula sa giikan. (Apocalipsis 16:14, 16) Pagkatapos, gaya ng bato na naging malaking bundok at pumuno sa lupa, ang Kaharian ng Diyos ay magiging pamahalaang bundok na makakaapekto sa “buong lupa.”—Daniel 2:35.
36. Bakit masasabing ang Mesiyanikong Kaharian ay isang matatag na pamahalaan?
36 Bagaman ang Mesiyanikong Kaharian ay makalangit, aabot ang kapangyarihan nito sa ating globo ukol sa ikapagpapala ng lahat ng masunuring naninirahan sa lupa. Ang matatag na pamahalaang ito “ay hindi magigiba kailanman” o “isasalin sa iba pang bayan.” Di-tulad ng mga kaharian ng namamatay na mga tagapamahalang tao, “iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda,” magpakailanman. (Daniel 2:44) Magkaroon ka sana ng pribilehiyo na maging isa sa mga sakop nito habang-buhay.
[Talababa]
a Tingnan ang Kabanata 6 ng aklat na ito.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Anong mga kapangyarihang pandaigdig ang kinakatawan ng iba’t ibang bahagi ng pagkalaki-laking imahen sa panaginip ni Nabucodonosor?
• Anong kalagayan sa daigdig ang kinakatawan ng mga paa at mga daliri nito na hinaluan ng luwad?
• Kailan at sa anong “bundok” natibag ang “bato”?
• Kailan tatama ang “bato” sa imahen?
[Mga Tanong sa Aralin]
[Kahon/Mga larawan sa pahina 63-67]
NAGTAYO NG IMPERYO ANG ISANG MANDIRIGMANG HARI
DINUROG ng tagapagmanang prinsipe ng Babilonya at ng kaniyang hukbo ang puwersa ni Paraon Neco ng Ehipto sa Carchemish, sa Sirya. Ang nagaping mga Ehipsiyo ay tumakas sa timog patungong Ehipto, at sila’y hinabol ng mga taga-Babilonya. Subalit isang mensahe mula sa Babilonya ang naging dahilan upang sapilitang iwan ng matagumpay na prinsipe ang kaniyang panunugis. Ang balita ay na ang kaniyang ama, si Nabopolassar, ay namatay. Pagkatapos na iatang sa kaniyang mga heneral ang pananagutang ibalik ang mga bihag at ang samsam, mabilis na umuwi si Nabucodonosor at lumuklok sa tronong iniwan ng kaniyang ama.
Sa gayo’y naghari si Nabucodonosor sa Babilonya noong taóng 624 B.C.E. at naging ang ikalawang tagapamahala ng Imperyong Neo-Babiloniko. Sa loob ng 43 taon ng kaniyang pamamahala,
sinakop niya ang mga teritoryong dating okupado ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Asirya at pinalawak ang kaniyang nasasakupan, anupat kinuha ang Sirya sa hilaga at ang Palestina sa kanluran hanggang sa hangganan ng Ehipto.—Tingnan ang mapa.Sa ikaapat na taon ng kaniyang paghahari (620 B.C.E.), ginawa ni Nabucodonosor ang Juda na basalyong kaharian niya. (2 Hari 24:1) Pagkaraan ng tatlong taon, dahilan sa paghihimagsik ng mga taga-Juda, kinubkob ng Babilonya ang Jerusalem. Dinalang bihag ni Nabucodonosor sina Jehoiakin, Daniel, at iba pa sa Babilonya. Dinala rin ng hari ang ilan sa mga kagamitan ng templo ni Jehova. Ginawa niya si Zedekias, amain ni Jehoiakin, na basalyong hari ng Juda.—2 Hari 24:2-17; Daniel 1:6, 7.
Nang maglaon, naghimagsik din si Zedekias, na kumampi sa Ehipto. Muling kinubkob ni Nabucodonosor ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Sa pagkakataong ito’y sinira niya ang pader nito, sinunog ang templo, at winasak ang lunsod. Kaniyang pinagpapatay ang lahat ng anak na lalaki ni Zedekias at pagkatapos ay binulag si Zedekias at iginapos siya, upang madalang bihag sa Babilonya. Ang karamihan sa mga tao ay dinalang bihag ni Nabucodonosor at hinakot ang natitirang mga kagamitan sa templo tungo sa Babilonya. “Gayon yumaon ang Juda sa pagkatapon mula sa lupa nito.”—2 Hari 24:18–25:21.
Sinakop din ni Nabucodonosor ang Tiro sa pamamagitan ng pagkubkob sa lunsod—isang pagkubkob na tumagal ng 13 taon. Sa panahon ng pagkubkob, ang bawat ulo ng kaniyang mga sundalo ay “nakalbo” dahilan sa pagkiskis ng kanilang mga helmet, at ang kanilang mga balikat ay “natalupan” dahilan sa pagpasan ng mga materyales para gamitin sa pagkubkob. (Ezekiel 29:18) Sa wakas, ang Tiro ay sumuko sa puwersa ng Babilonya.
Maliwanag na ang hari ng Babilonya ay isang napakahusay na tagaplanong militar. Ang ilang pampanitikang akda, lalo na yaong galing sa Babilonya, ay naglalarawan din sa kaniya bilang isang makatarungang hari. Bagaman ang Kasulatan ay hindi espesipikong nagsasabi na si Nabucodonosor ay makatarungan, sinabi ni propeta Jeremias na kahit pa naghimagsik si Zedekias, siya’y pakikitunguhang mabuti ‘kung lalabasin niya ang mga prinsipe ng hari ng Babilonya.’ (Jeremias 38:17, 18) At pagkatapos na mawasak ang Jerusalem, si Jeremias ay pinakitunguhan ni Nabucodonosor nang may paggalang. Hinggil kay Jeremias, ang hari ay nag-utos: “Kunin mo siya at ititig mo sa kaniya ang iyong mga mata, at huwag mo siyang gawan ng anumang masama. Kundi kung ano ang salitain niya sa iyo, gayon ang gawin mo sa kaniya.”—Jeremias 39:11, 12; 40:1-4.
Bilang isang administrador, madaling nalaman ni Nabucodonosor ang mga katangian at kakayahan ni Daniel at ng kaniyang Daniel 1:6, 7, 19-21; 2:49.
tatlong kasama—sina Sadrac, Mesac, at Abednego—na ang mga pangalang Hebreo ay Hananias, Misael, at Azarias. Kaya ginamit sila ng hari sa responsableng mga posisyon sa kaniyang kaharian.—Ang relihiyosong pagsamba ni Nabucodonosor ay nauukol lalo na kay Marduk, ang pangunahing diyos ng Babilonya. Si Marduk ay pinapurihan ng hari dahil sa lahat ng nagawa niyang pananakop. Sa Babilonya, kaniyang itinayo at pinaganda ang mga templo ni Marduk at ng maraming iba pang dinidiyos ng mga taga-Babilonya. Ang itinayong imaheng ginto sa kapatagan ng Dura ay maaaring inialay kay Marduk. At lumilitaw na si Nabucodonosor ay masyadong umaasa sa panghuhula sa paggawa niya ng mga planong militar.
Ipinagmalaki rin ni Nabucodonosor ang pagsasauli sa Babilonya, ang pinakadakilang napapaderang lunsod nang panahong iyon. Sa pagtapos sa pagkalaki-laking doblehang pader ng lunsod na pinasimulang itayo ng kaniyang ama, nagawa ni Nabucodonosor ang kabisera na waring hindi na maigugupo. Ipinakumpuni ng hari ang matandang palasyo sa gitna ng lunsod at nagpatayo ng isang palasyo sa tag-init na mga dalawang kilometro pahilaga. Upang bigyang-kasiyahan ang kaniyang reynang taga-Medo, na nasasabik sa
mga burol at kagubatan sa kaniyang tinubuang lupain, iniulat na nagtayo si Nabucodonosor ng nakabiting hardin—kinilala bilang isa sa pitong kababalaghan ng sinaunang daigdig.“Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila, na ako mismo ang nagtayo para sa maharlikang bahay sa lakas ng aking kapangyarihan at para sa dangal ng aking karingalan?” ang pagmamalaki ng hari isang araw habang siya’y naglalakad-lakad sa maharlikang palasyo ng Babilonya. “Habang ang salita ay nasa bibig pa ng hari,” siya’y nasiraan ng bait. Di-angkop na mamahala sa loob ng pitong taon, siya’y kumain ng pananim, kagaya ng inihula ni Daniel. Sa katapusan ng panahong iyon, ang kaharian ay muling ibinalik kay Nabucodonosor, na naghari hanggang sa kaniyang kamatayan noong 582 B.C.E.—Daniel 4:30-36.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
Ano ang masasabi hinggil kay Nabucodonosor bilang
• isang tagaplanong militar?
• isang administrador?
• isang mananamba ni Marduk?
• isang tagapagtayo?
[Mapa]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
IMPERYO NG BABILONYA
DAGAT NA PULA
Jerusalem
Ilog Eufrates
Ilog Tigris
Nineve
Susa
Babilonya
Ur
[Larawan]
Babilonya, ang pinakadakilang napapaderang lunsod ng kapanahunan nito
[Larawan]
Ang dragon ay isang sagisag ni Marduk
[Larawan]
Ang bantog na nakabiting hardin ng Babilonya
[Dayagram/Larawan sa pahina 56]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MGA KAPANGYARIHANG PANDAIGDIG SA HULA NI DANIEL
Ang pagkalaki-laking imahen (Daniel 2:31-45)
BABILONIA mula 607 B.C.E.
MEDO-PERSIA mula 539 B.C.E.
GRESYA mula 331 B.C.E.
ROMA mula 30 B.C.E.
KAPANGYARIHANG PANDAIGDIG NG ANGLO-AMERIKANO mula 1763 C.E.
WATAK-WATAK NA DAIGDIG SA PULITIKA sa panahon ng kawakasan
[Buong-pahinang larawan sa pahina 47]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 58]