Iniligtas Mula sa Bibig ng mga Leon!
Ikawalong Kabanata
Iniligtas Mula sa Bibig ng mga Leon!
1, 2. (a) Paano inorganisa ni Dario na Medo ang kaniyang malawak na imperyo? (b) Ilarawan ang mga tungkulin at awtoridad ng mga satrapa.
BUMAGSAK na ang Babilonya! Ang kaluwalhatian nito sa loob ng isang siglo bilang isang kapangyarihang pandaigdig ay biglang naglaho sa loob lamang ng ilang oras. Isang bagong panahon ang nagsisimula—ang sa mga Medo at sa mga Persiano. Bilang kahalili sa trono ni Belsasar, si Dario na Medo ay nakaharap ngayon sa hamon na organisahin ang kaniyang malawak na imperyo.
2 Ang isa sa mga unang gawain ni Dario ay ang mag-atas ng 120 satrapa. Ipinalalagay na ang mga naglingkod sa ganitong kapasidad ay pinipili kung minsan mula sa mga kamag-anak ng hari. Sa paano man, ang bawat satrapa ay namamahala sa isang malaking distrito o sa isang mas maliit na bahagi ng imperyo. (Daniel 6:1) Kalakip sa kaniyang mga tungkulin ang pangongolekta ng mga buwis at pagpapadala ng mga tributo sa maharlikang korte. Bagaman sa pana-panahon ay sumasailalim sa pagsusuri ng isang dumadalaw na kinatawan ng hari, ang satrapa ay may malaking awtoridad. Ang kaniyang titulo ay nangangahulugang “tagapagtanggol ng Kaharian.” Sa kaniyang lalawigan, ang satrapa ay kinikilala bilang isang basalyong hari, na nagtataglay ng halos lahat ng soberanong kapangyarihan.
3, 4. Bakit nagustuhan ni Dario si Daniel, at anong posisyon ang iniatas sa kaniya ng hari?
3 Anong papel ang gagampanan ni Daniel sa bagong kaayusang ito? Pagpapahingahin na ba ni Dario na Medo ang matanda nang propetang Judiong ito na ngayo’y mahigit nang siyamnapung taóng gulang? Tunay na hindi! Walang pagsalang batid ni Dario na may kawastuang inihula ni Daniel ang pagbagsak ng Babilonya at ang gayong hula ay humihiling ng kaunawaang nakahihigit sa tao. Bukod dito, si Daniel ay may karanasan na sa pakikitungo sa iba’t ibang komunidad ng mga bihag sa Babilonya sa loob ng maraming dekada. Nais ni Dario na mapanatili ang mapayapang kaugnayan niya sa kaniyang kasusupil pa lamang na mga sakop. Kaya, tiyak na nais niyang mapalapit sa trono ang isa na nagtataglay ng karunungan at karanasan gaya ni Daniel. Sa anong kapasidad?
4 Magiging lubhang kataka-taka kung aatasan ni Dario ang tapong Judio na si Daniel bilang isang satrapa. Subalit gunigunihin ang naganap na kaguluhan nang ipahayag ni Dario ang kaniyang desisyon na gawin si Daniel na isa sa tatlong mataas na opisyal upang mangasiwa sa mga satrapa! Hindi lamang iyon kundi si Daniel ay “patuluyang nagiging bukod-tangi,” na pinatutunayang siya’y nakahihigit sa kaniyang kapuwa matataas na opisyal. Tunay, ang “isang pambihirang espiritu” ay sumasakaniya. May balak pa nga si Dario na ibigay sa kaniya ang posisyon bilang punong ministro.—Daniel 6:2, 3.
5. Ano ang maaaring naging reaksiyon ng matataas na opisyal at ng mga satrapa sa atas ni Daniel, at bakit?
5 Ang iba pang matataas na opisyal at ang mga satrapa ay malamang na kumukulo ang dugo sa galit. Aba, hindi nila makayanan ang bagay na si Daniel—na hindi naman Medo ni Persiano ni isang miyembro ng maharlikang pamilya—ang nasa posisyong may awtoridad sa kanila! Bakit kaya itinaas ni Dario sa gayong katanyagan ang isang banyaga, anupat nilampasan pa ang kaniyang sariling mga kababayan, maging ang kaniyang sariling pamilya? Ang gayong maniobra ay waring hindi makatuwiran. Bukod dito, maliwanag na minamalas ng mga satrapa ang katapatan ni Daniel bilang isang di-kanais-nais na hadlang sa ginagawa nilang katiwalian. Gayunman, ang matataas na opisyal at ang mga satrapa ay hindi nagkaroon ng lakas ng loob na lumapit kay Dario hinggil sa bagay na ito. Tutal, mataas ang pagtingin ni Dario kay Daniel.
6. Paano sinikap ng matataas na opisyal at ng mga satrapa na siraan si Daniel, at bakit nawalan ng saysay ang pagsisikap na ito?
6 Kaya ang naiinggit na mga pulitikong ito ay nagsabuwatan sa isa’t isa. Sinikap nilang “makasumpong ng anumang maisusumbong laban kay Daniel may kaugnayan sa kaharian.” Mayroon kayang mali sa paghawak niya ng kaniyang mga pananagutan? Siya ba’y di-tapat? Ang matataas na opisyal at ang mga satrapa ay walang makitang anumang pagpapabaya o katiwalian sa pagganap ni Daniel sa kaniyang mga tungkulin. “Wala tayong anumang maisusumbong na masusumpungan sa Daniel na ito,” ang katuwiran nila, “malibang masumpungan natin iyon laban sa kaniya sa kautusan ng kaniyang Diyos.” Kaya salig dito gumawa ng lihim na pakana ang mga tusong lalaking ito. Akala nila’y ito na ang ganap na katapusan ni Daniel.—Daniel 6:4, 5.
INILUNSAD ANG ISANG MAPAMASLANG NA PAKANA
7. Anong mungkahi ang ibinigay ng matataas na opisyal at ng mga satrapa sa hari, at sa anong paraan nila ginawa ito?
7 Si Dario ay nilapitan ng isang pangkat ng matataas na opisyal at ng mga satrapa na “pumaroon sa hari bilang isang pulutong.” Ang Aramaikong pananalita rito ay nangangahulugang isang dumadagundong na kaguluhan. Maliwanag, pinalilitaw ng mga lalaking ito na may ihaharap silang isang bagay kay Dario na kailangan niyang malaman kaagad. Maaaring sila’y nangatuwiran na malamang na hindi na niya pag-aalinlanganan ang kanilang mungkahi kung kanilang ihaharap ito taglay ang kombiksiyon at bilang isang bagay na nangangailangan ng karaka-rakang pagkilos. Kaya, tuwiran nilang tinukoy ang punto, sa pagsasabing: “Ang lahat ng matataas na opisyal sa kaharian, ang mga prepekto at ang mga satrapa, ang matataas na maharlikang opisyal at ang mga gobernador, ay nagsangguniang magkakasama upang magtibay ng isang maharlikang batas at magpatupad ng isang pagbabawal, na ang sinumang magsumamo sa alinmang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw malibang sa iyo, O hari, ay ihahagis sa yungib ng mga leon.” a—Daniel 6:6, 7.
8. (a) Bakit nagustuhan ni Dario ang mungkahing batas? (b) Ano ang talagang motibo ng matataas na opisyal at ng mga satrapa?
8 Ang mga ulat ng kasaysayan ay nagpapatunay na karaniwan na para sa mga haring taga-Mesopotamia na malasin at sambahin bilang diyos. Kaya si Dario ay walang-pagsalang labis na nasiyahan sa mungkahing ito. Marahil ay nakita rin niya ang bentaha nito. Tandaan, para doon sa namumuhay sa Babilonya, si Dario ay isang banyaga at isang baguhan. Pagtitibayin ng bagong batas na ito ang kaniyang pagiging hari, at hihimukin nito ang karamihang naninirahan sa Babilonya na tahasang magpahayag ng kanilang katapatan at suporta sa bagong rehimen. Gayunman, sa pagmumungkahi ng bagong batas, ang matataas na opisyal at ang mga satrapa ay hindi nagmamalasakit sa kapakanan ng hari. Ang kanilang tunay na motibo ay upang siluin si Daniel, yamang nalalaman nila na ugali na niyang manalangin sa Diyos nang tatlong ulit sa isang araw sa harap ng nakabukas na mga bintana ng kaniyang silid-bubungan.
9. Bakit hindi lilikha ng problema ang bagong batas para sa karamihan ng mga di-Judio?
9 Ang paghihigpit bang ito sa pananalangin ay lilikha ng isang suliranin sa lahat ng relihiyosong komunidad sa Babilonya? Hindi naman, lalo na’t ang pagbabawal ay tatagal lamang ng isang buwan. Higit pa rito, iilan lamang sa mga di-Judio ang magsasabing ang pansamantalang pagbabaling ng kanilang pagsamba sa isang tao ay isang pakikipagkompromiso. Binanggit ng isang iskolar ng Bibliya: “Ang pagsamba sa hari ay hindi bagong bagay sa mga napaka-idolatrosong mga bansa; anupat nang hilingin sa mga taga-Babilonya na mag-ukol sa manlulupig—si Dario na Medo—ng pagsambang karapat-dapat sa isang diyos, sila’y madaling sumunod. Ang mga Judio lamang ang tumutol sa gayong pag-uutos.”
10. Paano minamalas ng mga Medo at ng mga Persiano ang isang batas na ginawa ng kanilang hari?
10 Sa paano man, hiniling kay Dario ng mga bumisita sa kaniya na “pagtibayin mo nawa ang batas at lagdaan ang sulat, upang hindi mabago, ayon sa kautusan ng mga Medo at ng mga Persiano, na hindi pinawawalang-saysay.” (Daniel 6:8) Sa sinaunang Silangan, ang kalooban ng isang hari ay karaniwang itinuturing na batas. Pinanatili nito ang paniniwalang siya’y di-nagkakamali. Kahit ang isang batas na magiging dahilan ng kamatayan ng mga taong walang sala ay kailangang matupad pa rin!
11. Paano maaapektuhan si Daniel ng batas ni Dario?
11 Nang hindi iniisip si Daniel, nilagdaan ni Dario ang kautusan. (Daniel 6:9) Sa paggawa nito, wala siyang kamalay-malay na nilagdaan niya ang hatol na kamatayan ng kaniyang pinakamahalagang opisyal. Oo, si Daniel ay tiyak na maaapektuhan ng kautusang ito.
NAPILITAN SI DARIO NA IGAWAD ANG MABIGAT NA HATOL
12. (a) Ano ang karaka-rakang ginawa ni Daniel nang malaman niya ang tungkol sa bagong batas? (b) Sino ang mga nagmamasid kay Daniel, at bakit?
12 Hindi nagluwat at nalaman ni Daniel ang batas na nagbabawal ng pananalangin. Karaka-raka, siya’y pumasok sa kaniyang bahay at nagtungo sa kaniyang silid-bubungan, kung saan nakabukas ang mga bintana sa dakong Jerusalem. b Doon si Daniel ay nagsimulang manalangin sa Diyos “gaya ng lagi niyang ginagawa bago pa nito.” Maaaring inaakala ni Daniel na siya’y nag-iisa, subalit ang mga magkakasabuwat ay nagmamasid sa kaniya. Pagdaka, sila ay “dumagsa,” na walang pagsalang kagaya ng nakagigitlang paraang ginawa nila sa paglapit kay Dario. Ngayo’y sila mismo ang nakasaksi nito—si Daniel ay “nagsusumamo at namamanhik sa harap ng kaniyang Diyos.” (Daniel 6:10, 11) Taglay ng matataas na opisyal at ng mga satrapa ang lahat ng kailangan nilang ebidensiya upang akusahan si Daniel sa harap ng hari.
13. Ano ang iniulat ng mga kaaway ni Daniel sa hari?
13 Ang mga kaaway ni Daniel ay may katusuhang nagtanong kay Dario: “Hindi ba mayroon kang nilagdaang pagbabawal na ang sinumang tao na magsumamo sa alinmang diyos o tao sa loob ng tatlumpung araw maliban sa iyo, O hari, siya ay ihahagis sa yungib ng mga leon?” Sumagot si Dario: “Ang bagay ay nakatatag nang mainam ayon sa kautusan ng mga Medo at ng mga Persiano, na hindi pinawawalang-saysay.” Ngayon ang mga magkakasabuwat ay dagling tumukoy sa punto. “Si Daniel, na mula sa mga tapon ng Juda, ay hindi nag-ukol ng pakundangan sa iyo, O hari, ni sa pagbabawal man na nilagdaan mo, kundi tatlong ulit sa isang araw siyang nagsusumamo.”—Daniel 6:12, 13.
14. Maliwanag, bakit tinukoy ng matataas na opisyal at ng mga satrapa si Daniel bilang “mula sa mga tapon ng Juda”?
14 May dahilan kung bakit tinukoy ng matataas na opisyal at ng mga satrapa si Daniel bilang “mula sa mga tapon ng Juda.” Maliwanag, nais nilang idiin na ang Daniel na ito na itinaas ni Dario sa gayong katanyagan sa katunayan ay isa lamang aliping Judio. Sila’y naniniwala na sa pagiging gayon, siya’y tiyak na obligadong sumunod sa batas—kahit ano ang damdamin ng hari hinggil sa kaniya!
15. (a) Ano ang naging reaksiyon ni Dario sa balita na dinala sa kaniya ng matataas na opisyal at ng mga satrapa? (b) Paano higit pang ipinakita ng matataas na opisyal at ng mga satrapa ang kanilang paghamak kay Daniel?
15 Marahil ang matataas na opisyal at ang mga satrapa ay umaasa na sila’y gagantimpalaan ng hari sa kanilang tusong paniniktik. Kung gayon, sila ay magugulat. Si Dario ay lubos na nabagabag sa dinala nilang balita sa kaniya. Sa halip na magningas ang galit kay Daniel o karaka-rakang ipatapon siya sa yungib ng mga leon, ginugol ni Dario ang buong araw sa pagsisikap na iligtas siya. Subalit walang nangyari sa kaniyang mga pagsisikap. Di-natagalan, ang mga magkakasabuwat ay bumalik, at sa kakapalan ng kanilang mukha, kanilang hiniling ang dugo ni Daniel.—Daniel 6:14, 15.
16. (a) Bakit iginagalang ni Dario ang Diyos ni Daniel? (b) Ano ang inaasahan ni Dario hinggil kay Daniel?
16 Nadama ni Dario na wala na siyang magagawa pa sa bagay na ito. Ang batas ay hindi maaaring pawalang-bisa, ni mapatawad ang “kasalanan” ni Daniel. Ang nasabi lamang ni Dario kay Daniel ay “ang iyong Diyos na pinaglilingkuran mo nang may katatagan, siya mismo ang magliligtas sa iyo.” Waring iginagalang ni Dario ang Diyos ni Daniel. Si Jehova ang nagbigay kay Daniel ng kakayahang ihula ang pagbagsak ng Babilonya. Ang Diyos din ang nagbigay kay Daniel ng “isang pambihirang espiritu,” na nagpakita ng pagkakaiba niya mula sa iba pang matataas na opisyal. Marahil ay batid ni Dario na mga ilang dekada bago nito ang Diyos ding ito ang nagligtas sa tatlong kabataang Hebreo mula sa maapoy na hurno. Malamang, ang hari ay umaasang ililigtas ngayon ni Jehova si Daniel, yamang hindi maaaring baligtarin ni Dario ang batas na kaniyang nilagdaan. Kaya, itinapon si Daniel sa yungib ng mga leon. c Pagkatapos, “isang bato ang dinala at inilagay sa bunganga ng yungib, at tinatakan iyon ng hari ng kaniyang singsing na panlagda at ng singsing na panlagda ng kaniyang mga taong mahal, upang walang anumang mabago may kinalaman kay Daniel.”—Daniel 6:16, 17.
ISANG MADULANG PAGBABAGO NG MGA PANGYAYARI
17, 18. (a) Ano ang nagpapakitang si Dario ay nabagabag sa kalagayan ni Daniel? (b) Ano ang nangyari nang bumalik ang hari sa yungib ng mga leon kinaumagahan?
17 Ang namamanglaw na si Dario ay nagbalik sa kaniyang palasyo. Walang manunugtog na dinala sa harapan niya, palibhasa’y wala siyang gana para sa paglilibang. Sa halip, si Dario ay nagpalipas ng buong magdamag na gising at nag-aayuno. “Ang kaniya mismong tulog ay nawala sa kaniya.” Sa pagbubukang-liwayway, si Dario ay dali-daling pumaroon sa yungib ng mga leon. Siya’y sumigaw sa isang malungkot na tinig: “O Daniel, lingkod ng buháy na Diyos, iniligtas ka ba ng iyong Diyos na pinaglilingkuran mo nang may katatagan mula sa mga leon?” (Daniel 6:18-20) Sa kaniyang pagkamangha—at lubos na ginhawa—may sumagot!
18 “O hari, mabuhay ka maging hanggang sa mga panahong walang takda.” Sa pamamagitan ng magalang na pagbating ito, ipinakita ni Daniel na wala siyang sama ng loob sa hari. Batid niya na ang tunay na pinagmulan ng pag-uusig na ito ay, hindi si Dario, kundi ang mga naiinggit na matataas na opisyal at mga satrapa. (Ihambing ang Mateo 5:44; Gawa 7:60.) Si Daniel ay nagpatuloy: “Sinugo ng aking Diyos ang kaniyang anghel at itinikom ang bibig ng mga leon, at hindi nila ako sinaktan, yamang sa harap niya ay kinasumpungan ako ng kawalang-sala; at gayundin sa harap mo, O hari, wala akong ginawang anuman na nakapipinsala.”—Daniel 6:21, 22.
19. Paano nadaya at naimaniobra si Dario ng matataas na opisyal at ng mga satrapa?
19 Marahil ay sinurot ng mga salitang iyon ang budhi ni Dario! Batid niya na sa pasimula pa lamang ay walang nagawang anuman si Daniel upang ipatapon sa yungib ng mga leon. Alam na alam ni Dario na ang matataas na opisyal at ang mga satrapa ang nagsabuwatan upang maipapatay si Daniel at kanilang minaniobra ang hari ukol sa kanilang sakim na layunin. Sa pamamagitan ng paggigiit na “ang lahat ng matataas na opisyal sa kaharian” ay nagmungkahi na ipatupad ang kautusan, ipinahihiwatig nila na maging si Daniel ay sinangguni rin sa bagay na ito. Haharapin ni Dario sa dakong huli ang mga tusong lalaking ito. Subalit, iniutos muna niya na iahon si Daniel mula sa yungib ng mga leon. Sa makahimalang paraan, si Daniel ay hindi nagkaroon ng kahit na isang galos!—Daniel 6:23.
20. Ano ang nangyari sa mga pusakal na kaaway ni Daniel?
20 Ngayong ligtas na si Daniel, si Dario ay may ibang bagay na dapat pang asikasuhin. “Nag-utos ang hari, at dinala nila ang matitipunong lalaking ito na nag-akusa kay Daniel, at inihagis nila sa yungib ng mga leon ang mga ito, ang kanilang mga anak at ang kanilang mga asawa; at hindi pa sila nakararating sa sahig ng yungib nang mapanaigan sila ng mga leon, at ang lahat ng kanilang mga buto ay dinurog nila.” d—Daniel 6:24.
21. Sa pakikitungo sa mga miyembro ng pamilya ng mga nagkasala, ano ang pagkakaiba ng Kautusang Mosaiko at ng mga batas ng sinaunang mga kultura?
21 Ang pagpatay hindi lamang sa mga magkakasabuwat kundi maging ang kanilang mga asawa at mga anak ay waring labis-labis na kalupitan. Sa kabaligtaran, ang Kautusan na ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ni propeta Moises ay nagsasaad: “Ang mga ama ay hindi papatayin dahil sa mga anak, at ang mga anak ay hindi papatayin dahil sa mga ama. Ang bawat isa ay papatayin dahil sa kaniyang sariling kasalanan.” (Deuteronomio 24:16) Gayunpaman, sa ilang sinaunang kultura, karaniwan nang pinapatay ang mga miyembro ng pamilya kasama ng nagkasala, sa kaso ng isang malubhang krimen. Marahil ito’y ginagawa upang ang mga miyembro ng pamilya ay hindi na makapaghiganti pa sa dakong huli. Gayunman, ang ginawang ito laban sa mga pamilya ng matataas na opisyal at mga satrapa ay tiyak na hindi kagagawan ni Daniel. Malamang, siya’y namanglaw sa kalamidad na dinala ng balakyot na mga lalaking ito sa kani-kanilang pamilya.
22. Anong bagong proklamasyon ang pinalabas ni Dario?
22 Ang nagpakanang matataas na opisyal at ang mga satrapa ay wala na. Si Dario ay nagpalabas ng proklamasyon, na nagsasaad: “Mula sa harap ko ay may inilabas na utos, na sa lahat ng pinamumunuan ng aking kaharian, ang mga tao ay dapat na mangatal at matakot sa harap ng Diyos ni Daniel. Sapagkat siya ang Diyos na buháy at ang Isa na namamalagi hanggang sa mga panahong walang takda, at ang kaniyang kaharian ay yaong hindi magigiba, at ang kaniyang pamumuno ay magpakailanman. Siya ay sumasagip at nagliligtas at nagsasagawa ng mga tanda at mga kababalaghan sa langit at sa lupa, sapagkat sinagip niya si Daniel mula sa pangalmot ng mga leon.”—Daniel 6:25-27.
MAY KATATAGANG PAGLINGKURAN ANG DIYOS
23. Anong halimbawa ang ipinakita ni Daniel hinggil sa kaniyang sekular na gawain, at paano tayo magiging kagaya niya?
23 Si Daniel ay nagpakita ng isang mainam na halimbawa para sa lahat ng makabagong-panahong mga lingkod ng Diyos. Ang kaniyang paggawi ay laging walang kapintasan. Sa kaniyang sekular na gawain, si Daniel “ay mapagkakatiwalaan at walang anumang pagpapabaya o tiwaling bagay ang nasumpungan sa kaniya.” (Daniel 6:4) Sa gayunding paraan, ang isang Kristiyano ay dapat na maging masipag taglay ang paggalang sa kaniyang pinapasukan. Ito’y hindi nangangahulugan ng pagiging walang prinsipyo sa negosyo na ang laging hangad ay magkamal ng salapi o ang tapakan ang iba upang umasenso lamang sa kanilang kompanya. (1 Timoteo 6:10) Hinihiling ng Kasulatan na tuparin ng isang Kristiyano ang kaniyang sekular na mga obligasyon nang may katapatan at nang buong kaluluwa, “na gaya ng kay Jehova.”—Colosas 3:22, 23; Tito 2:7, 8; Hebreo 13:18.
24. Paano ipinakita ni Daniel na siya’y hindi nakipagkompromiso sa pagsamba?
24 Sa kaniyang pagsamba, si Daniel ay hindi nakipagkompromiso. Ang kaniyang kaugalian sa pananalangin ay isang bagay na batid ng madla. Higit pa rito, alam na alam ng matataas na opisyal at ng mga satrapa na seryoso si Daniel sa kaniyang pagsamba. Sa katunayan, sila’y kumbinsido na ipagpapatuloy niya ang ruting ito kahit na ito’y ipagbawal ng batas. Kay inam na halimbawa para sa makabagong-panahong mga Kristiyano! Sila rin ay may reputasyon sa paglalagay sa pangunahing dako ng pagsamba sa Diyos. (Mateo 6:33) Ito’y dapat na makilala agad ng mga nagmamasid, yamang ipinag-utos ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod: “Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang kanilang makita ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa mga langit.”—Mateo 5:16.
25, 26. (a) Ano ang maaaring isipin ng iba hinggil sa ikinilos ni Daniel? (b) Bakit itinuring ni Daniel na para na ring pakikipagkompromiso ang pagbabago ng kaniyang rutin?
25 Maaring isipin ng ilan na maaari sanang naiwasan ni Daniel ang pag-uusig kung inilihim niya ang pananalangin kay Jehova sa loob ng 30 araw. Tutal, walang partikular na posisyon o dako ang hinihiling upang marinig ng Diyos. Nababatid niya maging ang mga pagbubulay-bulay ng puso. (Awit 19:14) Gayunman, itinuring ni Daniel na ang anumang pagbabago ng kaniyang rutin ay magiging para na ring pakikipagkompromiso. Bakit?
26 Yamang ang kaugalian ni Daniel sa pananalangin ay hayag na hayag, anong klase ng mensahe ang ibibigay nito kung biglang-bigla niyang ititigil ito? Ang mga nagmamasid ay maaaring mag-akala na natakot si Daniel sa tao at ang batas ni Jehova ay napalitan na ng utos ng hari. (Awit 118:6) Subalit ipinakita ni Daniel sa pamamagitan ng kaniyang mga ikinilos na iniukol kay Jehova ang kaniyang bukod-tanging debosyon. (Deuteronomio 6:14, 15; Isaias 42:8) Sabihin pa, sa paggawa nito ay hindi naman hinamak ni Daniel ang batas ng hari. Gayunman, hindi rin siya nanginig sa takot anupat nakipagkompromiso. Basta’t nagpatuloy si Daniel sa pananalangin sa kaniyang silid-bubungan, “gaya ng lagi niyang ginagawa” bago pa ang utos ng hari.
27. Paano magiging katulad ni Daniel ang mga lingkod ng Diyos ngayon sa (a) pagpapasakop sa matataas na kapangyarihan? (b) pagsunod sa Diyos bilang tagapamahala sa halip na sa mga tao? (c) pagsisikap na mamuhay nang mapayapa kasama ng lahat ng tao?
27 Ang mga lingkod ng Diyos sa ngayon ay maaaring matuto sa halimbawa ni Daniel. Sila’y nananatiling ‘nagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad,’ na sinusunod ang mga batas ng lupaing kanilang tinitirahan. (Roma 13:1) Gayunpaman, kapag ang mga batas ng tao ay sumasalungat sa mga batas ng Diyos, tinutularan ng bayan ni Jehova ang paninindigan ng mga apostol ni Jesus, na buong tapang na nagsabi: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29) Sa paggawa nito, hindi itinataguyod ng mga Kristiyano ang pag-aalsa o paghihimagsik. Sa halip, ang kanilang tunguhin ay ang mamuhay lamang nang mapayapa kasama ng lahat ng tao upang sila ay “mamuhay ng isang kalmado at tahimik na buhay na may lubos na maka-Diyos na debosyon.”—1 Timoteo 2:1, 2; Roma 12:18.
28. Paano pinaglingkuran ni Daniel si Jehova “nang may katatagan”?
28 Sa dalawang pagkakataon ay nagkomento si Dario na si Daniel ay naglilingkod sa Diyos “nang may katatagan.” (Daniel 6:16, 20) Ang Aramaikong ugat para sa salitang isinaling “katatagan” ay nangangahulugang “umikot.” Ipinakikita nito ang ideya ng isang patuloy na siklo, o isang bagay na walang katapusan. Gayon ang katapatan ni Daniel. Sinusunod nito ang isang di-nagbabagong kagawian. Hindi na mapag-aalinlanganan kung ano ang gagawin ni Daniel kapag napaharap sa mga pagsubok, malaki man o maliit. Siya’y magpapatuloy sa landasin na naitatag na niya mga ilang dekada na bago pa noon—ang kataimtiman at katapatan kay Jehova.
29. Paano makikinabang ang mga lingkod ni Jehova ngayon sa tapat na landasin ni Daniel?
29 Ang makabagong-panahong mga lingkod ng Diyos ay nagnanais tumulad sa landasin ni Daniel. Sa katunayan, pinayuhan ni apostol Pablo ang lahat ng Kristiyano na isaalang-alang ang halimbawa ng mga lalaki noong una na may takot sa Diyos. Sa pamamagitan ng pananampalataya, sila’y “nagpangyari ng katuwiran, nagtamo ng mga pangako,” at—maliwanag na isang pagtukoy kay Daniel—“nagtikom ng mga bibig ng mga leon.” Bilang mga lingkod ni Jehova ngayon, ipakita natin ang pananampalataya at katatagan ni Daniel at “takbuhin natin nang may pagbabata ang takbuhan na inilagay sa harapan natin.”—Hebreo 11:32, 33; 12:1.
[Mga talababa]
a Ang pagkakaroon ng “yungib ng mga leon” sa Babilonya ay sinusuportahan ng testimonyo ng sinaunang mga inskripsiyon na nagpapakita na ang mga pinunong taga-Silangan ay kadalasan nang may kulungan ng mababangis na hayop.
b Ang silid-bubungan ay isang pribadong silid na doo’y maaaring magtungo ang isang tao kung nais niyang huwag magambala.
c Ang yungib ng mga leon ay maaaring isang silid sa ilalim ng lupa na may butas sa itaas. Malamang na ito’y may mga pinto o mga rehas na maaaring itaas upang makapasok ang mga hayop.
d Ang salitang “nag-akusa” ay isang salin ng Aramaikong pananalita na maaari ring isaling “siniraang-puri.” Itinatampok nito ang masamang intensiyon ng mga kaaway ni Daniel.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Bakit nagpasiya si Dario na Medo na ilagay si Daniel sa isang mataas na posisyon?
• Anong tusong pakana ang binalangkas ng matataas na opisyal at ng mga satrapa? Paano iniligtas ni Jehova si Daniel?
• Ano ang iyong natutuhan sa pagbibigay-pansin sa halimbawa ng katapatan ni Daniel?
[Mga Tanong sa Pag-aaral]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 114]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 121]
[Larawan sa pahina 127]
Pinaglingkuran ni Daniel si Jehova “nang may katatagan.” Ganiyan ka ba?