Pumunta sa nilalaman

Mayroon Ka Bang Imortal na Espiritu?

Mayroon Ka Bang Imortal na Espiritu?

Mayroon Ka Bang Imortal na Espiritu?

MAY buhay ba pagkatapos ng kamatayan? Ang katanungang ito ay naging palaisipan sa sangkatauhan sa loob ng mga milenyo. Sa nakalipas na mga panahon, pinag-isipan ng mga tao sa lahat ng lipunan ang paksang ito at nakabuo ng iba’t ibang paniniwala.

Sa buong daigdig, maraming tao ang naniniwala na nananatiling buháy ang “espiritu” pagkamatay ng isang tao. Mayroon bang isang bagay sa loob ng isang tao na talagang umaalis sa katawan pagkamatay niya at nananatiling buháy? Ano ang espiritu ng isang buháy na tao? Ano ang nangyayari rito kapag tayo ay namatay? Ang kinasihang Salita ng Diyos, ang Bibliya, ay nagbibigay ng totoo at nakasisiyang mga kasagutan sa mga tanong na ito.

Ano ba ang Espiritu?

Sa Bibliya, ang mga salitang isinaling “espiritu” ay may saligang kahulugan na “hininga.” Ngunit nagpapahiwatig ito ng higit pa kaysa sa basta paghinga. Halimbawa, ang manunulat ng Bibliya na si Santiago ay nagsabi: “Ang katawan na walang espiritu ay patay.” (Santiago 2:26) Kaya nga, ang espiritu ay yaong nagbibigay-buhay sa katawan.

Ang nagbibigay-buhay na puwersang ito ay hindi lamang basta ang hininga, o hangin, na dumaraan sa mga baga. Bakit hindi? Sapagkat kapag huminto ang paghinga, ang buhay ay nananatili sa mga selula ng katawan sa loob ng maikling yugto​—“sa loob ng mga ilang minuto,” ayon sa The World Book Encyclopedia. Dahil dito kung kaya maaaring magtagumpay ang mga pagsisikap na panumbalikin ang malay-tao, at ang mga sangkap ng katawan ay maaaring ilipat mula sa isang tao tungo sa iba. Ngunit sa sandaling mamatay ang ningas ng buhay sa mga selula ng katawan, lahat ng pagsisikap upang panumbalikin ang buhay ay wala nang saysay. Walang anumang hininga ang makabubuhay ng kahit na isang selula. Ang espiritu, kung gayon, ay ang di-nakikitang puwersa ng buhay​—ang ningas ng buhay—​na nagpapanatiling buháy sa mga selula. Ang puwersang ito ng buhay ay napananatili sa pamamagitan ng paghinga.​—Job 34:​14, 15.

Ang espiritu bang iyon ay aktibo lamang sa mga tao? Tinutulungan tayo ng Bibliya na sumapit sa wastong konklusyon may kinalaman sa bagay na ito. Sumulat ang matalinong Haring Solomon: “Sino ang nakaaalam sa espiritu ng mga anak ng sangkatauhan, kung iyon ay umaakyat nang paitaas; at sa espiritu ng hayop, kung iyon ay lumulusong nang pababa sa lupa?” (Eclesiastes 3:21) Kaya ang mga hayop at gayundin ang mga tao ay sinasabing may espiritu. Paano nagkagayon?

Ang espiritu, o puwersa ng buhay, ay maihahambing sa kuryente na dumadaloy sa isang makina o sa isang kagamitan. Ang di-nakikitang kuryente ay maaaring gamitin upang magsagawa ng iba’t ibang gawain, depende sa uri ng kasangkapan na pinaaandar nito. Halimbawa, ang isang kalan ay maaaring buksan upang magbigay ng init, ang isang computer upang magproseso ng mga impormasyon at magkuwenta, at ang isang telebisyon upang maglabas ng mga larawan at tunog. Gayunpaman, hindi kailanman kinukuha ng kuryente ang panlabas na kaanyuan ng kasangkapan na pinaaandar nito. Nananatili itong isang puwersa lamang. Sa katulad na paraan, hindi kinukuha ng puwersa ng buhay ang alinman sa mga katangian ng mga nilalang na binibigyang-buhay nito. Wala itong personalidad, walang kakayahang mag-isip. Ang mga tao at mga hayop ay kapuwa “may iisang espiritu.” (Eclesiastes 3:19) Kaya nga, kapag namatay ang isang tao, ang kaniyang espiritu ay hindi patuloy na iiral sa ibang dako bilang isang espiritung nilalang.

Ano, kung gayon, ang kalagayan ng mga patay? At ano ang nangyayari sa espiritu pagkamatay ng isang tao?

“Sa Alabok Ka Babalik”

Nang kusang labagin ng unang tao, si Adan, ang utos ng Diyos, sinabi sa kaniya ni Jehova: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa, sapagkat mula riyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” (Genesis 3:19) Nasaan si Adan bago siya lalangin ni Jehova mula sa alabok? Aba, wala pa siya! Talagang hindi siya umiiral. Kaya nang sabihin ng Diyos na Jehova na si Adan ay ‘babalik sa lupa,’ ang ibig niyang sabihin ay na si Adan ay mamamatay. Si Adan ay hindi lilipat sa dako ng mga espiritu. Pagkamatay niya ay muli siyang magiging walang buhay at hindi umiiral. Ang parusa sa kaniya ay kamatayan​—ang kawalan ng buhay​—hindi ang paglipat sa ibang dako.​—Roma 6:23.

Kumusta naman yaong ibang namatay na? Ang kalagayan ng mga patay ay nililiwanag sa Eclesiastes 9:​5, 10, kung saan mababasa natin: “Ang mga patay ay walang nalalamang anumang bagay . . . Walang gawa, ni plano man, ni kaalaman man o karunungan, sa loob ng libingan.” (Moffatt) Samakatuwid, ang kamatayan ay isang kalagayan ng hindi pag-iral. Isinulat ng salmista na kapag ang isang tao ay namatay, “ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya ay bumabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ring iyon ay maglalaho ang kaniyang pag-iisip.”​—Awit 146:4.

Maliwanag, ang mga patay ay walang malay at walang ginagawa. Wala silang nalalamang anuman. Hindi ka nila nakikita, ni naririnig, o nakakausap man. Hindi ka rin nila matutulungan ni magagawan ng pinsala. Tiyak na hindi mo dapat katakutan ang mga patay. Ngunit paano nga “pumapanaw” ang espiritu mula sa isang tao pagkamatay niya?

Ang Espiritu ay “Babalik sa Tunay na Diyos”

Sinasabi ng Bibliya na kapag ang isang tao ay namatay, “ang espiritu ay babalik sa tunay na Diyos na nagbigay nito.” (Eclesiastes 12:7) Nangangahulugan ba ito na isang espiritung nilalang ang literal na naglalakbay sa kalawakan patungo sa kinaroroonan ng Diyos? Hinding-hindi! Ang paraan ng paggamit ng Bibliya sa salitang “babalik” ay hindi humihiling ng aktuwal na paglipat mula sa isang dako tungo sa iba pa. Halimbawa, ang di-tapat na mga Israelita ay sinabihan: “ ‘Manumbalik kayo sa akin, at manunumbalik ako sa inyo,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Malakias 3:7) Ang ‘pagbabalik’ ng mga Israelita kay Jehova ay nangangahulugan ng pagtalikod sa isang maling landasin at muling pag-ayon sa matuwid na daan ng Diyos. At ang ‘pagbabalik’ ni Jehova sa Israel ay nangangahulugan ng muling pagbabaling ng kaniyang paglingap sa kaniyang bayan. Sa dalawang kasong ito ang ‘pagbabalik’ ay nagsasangkot ng isang saloobin, hindi ng isang literal na pag-alis mula sa isang partikular na lokasyon tungo sa iba pa.

Sa katulad na paraan, sa panahon ng kamatayan ay walang nangyayaring aktuwal na paglipat mula sa lupa tungo sa makalangit na dako kapag ang espiritu ay ‘bumabalik’ sa Diyos. Tandaan, ang espiritu ay ang puwersa ng buhay. Sa sandaling mawala sa isang tao ang puwersang ito, tanging ang Diyos ang may kakayahang magsauli nito sa kaniya. Kaya ang espiritu ay “babalik sa tunay na Diyos” sa diwa na anumang pag-asa ng buhay sa hinaharap para sa taong iyon ay lubusang nakasalalay na ngayon sa Diyos.

Halimbawa, isaalang-alang kung ano ang sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kamatayan ni Jesus. Inilalahad ng manunulat ng ebanghelyo na si Lucas: “Si Jesus ay tumawag sa malakas na tinig at nagsabi: ‘Ama, sa iyong mga kamay ay ipinagkakatiwala ko ang aking espiritu.’ Nang masabi na niya ito, siya ay nalagutan ng hininga.” (Lucas 23:46) Nang pumapanaw ang espiritu ni Jesus mula sa kaniya, hindi siya literal na papaalis patungong langit. Si Jesus ay hindi binuhay-muli mula sa mga patay kundi noong ikatlong araw. At lumipas pa ang 40 araw bago siya umakyat sa langit. (Gawa 1:​3, 9) Gayunman, sa panahon ng kaniyang kamatayan, may-pananalig na ipinagkatiwala ni Jesus ang kaniyang espiritu sa mga kamay ng kaniyang Ama, na lubusang nagtitiwala sa kakayahan ni Jehova na buhayin siyang muli.

Oo, tanging ang Diyos ang makabubuhay-muli sa isang tao. (Awit 104:30) Kay dakilang pag-asa nga ang binubuksan nito!

Isang Tiyak na Pag-asa

Sinasabi ng Bibliya: ‘Ang oras ay dumarating na ang lahat ng nasa mga alaalang libingan ay makaririnig ng tinig [ni Jesus] at lalabas.’ (Juan 5:​28, 29) Oo, ipinangako ni Jesu-Kristo na lahat niyaong nasa alaala ni Jehova ay bubuhaying-muli, o ibabalik tungo sa buhay. Sa halip na malulungkot na patalastas tungkol sa mga taong namatay, nakagagalak na mga ulat ang sasabihin tungkol doon sa mga ibinalik tungo sa buhay. Kay laking kasiyahan nga na salubungin ang ating mga minamahal mula sa libingan!

Nais mo bang makaalam ng higit pa tungkol sa kung paano ka makikinabang mula sa bigay-Diyos na pag-asang ito? Inaanyayahan ka naming sumulat sa direksiyong nasa ibaba upang humiling ng isang kopya ng brosyur na Espiritu ng mga Patay​—Maaari ba Nila Kayong Tulungan o Pinsalain? Talaga bang Umiiral Sila?

Malibang iba ang ipinakikita, lahat ng pagsipi sa Bibliya ay mula sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.