Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Buong-Panahong mga Ministro ang Nangunguna sa Gawaing Pangangaral

Ang Buong-Panahong mga Ministro ang Nangunguna sa Gawaing Pangangaral

Ang Buong-Panahong mga Ministro ang Nangunguna sa Gawaing Pangangaral

Marahil ang unang-unang Saksi ni Jehova na dumalaw sa iyo ay isang buong-panahong ministrong payunir o isang misyonero. Yamang ang mga Saksi ni Jehova ay hindi binabayaran sa kanilang ministeryo, marahil ay nagtataka ka kung paano nakapagsasagawa ng buong panahong ministeryo ang mga taong ito.

Lahat ng mga Saksi ni Jehova na nag-alay at bawtismado ay mga ministro, nguni’t ang lalong marami ay may pamilya o iba pang mga obligasyon kaya mga ilang oras lamang isang linggo ang nagugugol nila sa kanilang ministeryo. Subali’t, libu-libong mga Saksi sa buong daigdig ang gumawa ng kaunting pagbabago sa kanilang pamantayan ng pamumuhay upang ang kanilang nabawasang mga gastos ay matustusan ng trabahong pansandalian at sila’y makagugol ng 1,000 oras o higit pa isang taon sa ministeryo.

Totoo, ang buong-panahong mga ministrong payunir ay walang maraming salapi upang gugulin sa kanilang sarili, subali’t sa kanila ay isa itong paraan ng paghanap muna sa Kaharian ng Diyos. At sila’y tumatanggap ng maraming pagpapala. Kahit na lamang ang makausap ang iba tungkol sa Salita ng Diyos ng 90 oras humigit-kumulang isang buwan ay isang napakainam na karanasan na. Ang buong-panahong ministro ay nagiging lalong mahusay sa ministeryo at mayroon din siyang panahon na subaybayan nang husto ang natagpuan niyang mga interesado. Ang resulta nito ay totoong nakapagpapatibay-loob. Sapat ang kanilang materyal na pantustos sa buhay, at kanilang pinasasalamatang lubusan ang anumang mayroon sila.​—Mateo 6:33.

Noong Pebrero 1943, itinatag ng Watch Tower Society ang Watchtower Bible School of Gilead. Ang layunin ay upang magsanay ng buong-panahong mga ministrong payunir upang maglingkod bilang mga misyonero sa mga ibang bansa. Ang limang-buwang kurso ay binubuo ng masinsinang pag-aaral ng Bibliya, kasaysayan ng Bibliya, organisasyon ni Jehova, at kaugnay na mga paksa bilang paghahanda para sa paglilingkod sa ibang bansa.

Ang Society ang nagbabayad sa transportasyon ng mga misyonero patungo sa destino nila at sa nakapagpapalusog na mga pagkain at katamtamang tirahan sa mga tahanang-misyonero. Binibigyan din ang bawa’t misyonero ng munting reimbursement para sa personal na gastusin. Ang mga misyonero ay may kani-kaniyang iskedyul sa pag-aasikaso sa tahanan sa pamamagitan ng pamimili, paghahanda ng pagkain, at paglilinis. Dahilan dito ang mga misyonero ay nakapag-uukol ng di-kukulangin sa 140 oras isang buwan sa pangangaral sa bahay-bahay at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa mga interesado.

Marami sa mga misyonerong ito ang nakadestino libu-libong milya ang layo sa kanilang tahanan at pamilya. Kailangang bumagay sila sa isang naiibang pamantayan ng pamumuhay at kultura, sa mga bagong kaugalian sa pagkain, sa isang naiibang klima, at sa pagsasalita ng ibang wika. Kanilang ginagawa ito dahil sa sila’y may pag-ibig sa mga tao at may matinding hangarin na tulungan ang mga ito na matuto tungkol sa Kaharian ng Diyos.

Mula 1943 hanggang 1985, ang Watchtower Bible School of Gilead ay nakapagsanay ng 80 klase at nakapagpadala ng mahigit na 6,000 misyonero. Sa ilalim ng superbisyon ng Society, ang mga ito ay nanguna sa malawak na pagtuturo ng Bibliya sa buong Aprika, Sentral at Timog Amerika, Silangan, at Timugang Pasipiko, at malaki ang kanilang nagawa sa Europa.

Maging ang mga Saksi ni Jehova ay nasa ministeryong buong-panahon bilang mga payunir o mga misyonero o kaya’y bahaging-panahon lamang, sila’y naglilingkod nang walang pakinabang na salapi. Kanilang ginugugol ang kanilang sariling panahon at salapi, at pati kanilang sarili upang tulungan ang iba na kamtin ang kaalaman na umaakay tungo sa buhay na walang-hanggan.​—Juan 17:3.

● Paanong ang iba sa mga Saksi ni Jehova ay nakapaglilingkod nang buong panahon sa ministeryo, at bakit nila ginagawa ito?

● Paanong ang mga ministro ay sinasanay para sa pagmimisyonero?

● Paanong ang mga misyonero ay tinutustusan sa kanilang paglilingkod sa mga ibang bansa?

[Mga larawan sa pahina 22]

Kaliwa: Silid-aralan sa Gilead School, Brooklyn, N.Y., E.U.A.

Kanan: Misyonero na nagtuturo ng Salita ng Diyos sa Papua New Guinea

[Mga larawan sa pahina 23]

Mga payunir at misyonero na nangangaral ng Salita ng Diyos sa iba’t ibang mga bansa

Brazil

Dominican Republic

Espanya

Sierra Leone, Aprika