Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Layunin ng Diyos Umaabot Na Ngayon sa Sukdulan

Ang Layunin ng Diyos Umaabot Na Ngayon sa Sukdulan

Ang Layunin ng Diyos Umaabot Na Ngayon sa Sukdulan

Ang layunin ng Diyos sa paglalang sa lupa ay upang ito’y tahanan ng maligayang mga tao na nabubuhay sa ilalim ng matuwid na mga kalagayan. Upang patuloy na mabuhay, kailangang sumunod ang tao sa mga kautusan ng Diyos, nguni’t ang unang mag-asawa ay sumuway at naging makasalanan, hinatulan ng kamatayan. Ito’y nagdala ng kasalanan at kamatayan sa lahat ng kanilang supling.​—Genesis 1:27, 28; 2:16, 17; 3:1-19; Roma 5:12.

Ipinasiya ng Diyos, na ang pangala’y Jehova, na alisin ang mga epekto ng pagsuway at kasalanan sa lupa. Nang sumapit ang panahon kaniyang minasdan ang lupa at nakita niya sa sangkatauhan ang isang tapat na tao, si Abram, na ang pangalan ay Kaniyang binago at ginawang Abraham. Ipinangako ng Diyos kay Abraham na ang kaniyang mga supling ay magiging isang dakilang bansa at sa pamamagitan ng bansang iyan ang Diyos ay maglalaan ng isang binhi na sa pamamagitan nito’y lahat ng angkan sa lupa ay magpapala ng kanilang sarili.​—Genesis 12:1-3; 18:18, 19; 22:18; Awit 83:18; Hebreo 11:8-16.

Nang malapit na sa dulo ng ika-16 na siglo B.C.E., ang supling ng apo ni Abraham na si Jacob, o Israel, ay naging 12 tribo na namumuhay na alipin sa Ehipto. Pinalaya ni Jehova ang mga Israelitang ito buhat sa Ehipto at binuo sila na isang bansa. Sa pamamagitan ni Moises sa Bundok Sinai kaniyang binigyan sila ng Kautusan bilang kanilang pambansang konstitusyon. Si Jehova ang kanilang Hari, Hukom, at Tagapagbigay-Batas. Ang bansang Israel ay naging piniling bayan ng Diyos, ang kaniyang mga saksi, na inorganisa upang gumanap ng kaniyang layunin. Sa pamamagitan nila darating dito ang Mesiyas na magtatatag ng walang hanggang kaharian para sa kapakinabangan ng mga tao ng lahat ng bansa.​—Exodo 19:5, 6; 1 Cronica 17:7-14; 1 Hari 4:20, 25; Isaias 33:22; 43:10-12; Roma 9:4, 5.

Pagkalipas ng 15 siglo, o mga 2,000 taon ang lumipas, ang kaniyang bugtong na Anak ay sinugo ng Diyos sa lupa galing sa langit, upang isilang ng isang dalagang Hudiyong si Maria. Siya’y pinanganlang Jesus at siyang magmamana ng Kaharian na ipinangako ng Diyos sa kaniyang ninunong si David. Sa edad na 30, si Jesus ay binawtismuhan ni Juan Bautista at nagsimulang nangaral ng Kaharian ng Diyos. Sa pagpapagaling sa mga maysakit, ipinakita niya kung paano ang darating na Kaharian ay magpapala sa tao. Sa pamamagitan ng mga halimbawa, ipinaliwanag niya kung ano ang kahilingan sa lahat ng nagnanais ng buhay na walang-hanggan. Pagkatapos ay pinatay si Jesus sa isang tulos, at ang kaniyang sakdal na buhay-tao ay naging pantubos para sa tao.​—Mateo 1:18-24; 3:13-16; 4:17-23; 6:9, 10; kabanata 13; 20:28; Lucas 1:26-37; 2:14; 4:43, 44; 8:1; Juan 3:16; Gawa 10:37-39.

Ipinaliwanag ni Jesus na ang Mesiyanikong Kaharian ay itatatag sa malayo pang hinaharap, sa katapusan ng sistema ng mga bagay. Sa panahong iyon ang kaniyang di-nakikitang pagkanaririto ay magaganap sa langit bilang ang nagpupunong Hari at kaniyang ipadadama ang pagkanaririto niya sa pamamagitan ng pagbibigay-pansin sa lupa. Ipinakikita ng mga pangyayari sa daigdig na tayo’y nabubuhay na sa panahong ito sapol pa noong 1914. Gaya ng inihula ni Jesus, ang mabuting balita ng Kaharian ay ipinangangaral sa buong lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa. Kaya naman, ang mga tao sa lahat ng bansa ay tinitipon sa panig ng Kaharian ng Diyos. Sila’y makakaligtas sa katapusan ng kasalukuyang sistema ng mga bagay at magtatamo ng buhay na walang-hanggan sa lupa sa ilalim ng Mesiyanikong Kaharian.​—Mateo, kabanata 24 at 25; Apocalipsis 7:9-17.

Maraming relihiyon ang nag-aangkin na gumagawa ng kalooban ng Diyos ngayon. Ngunit paano mo ba makikilala ang tunay na kongregasyong Kristiyano? Sa pamamagitan ng pagsusuri sa Kasulatan tungkol sa unang-siglong kongregasyong Kristiyano at pagkatapos ay pag-alam kung sino ngayon ang sumusunod sa gayunding uliran.

● Anong bahagi ang ginampanan ni Abraham at ng Israel sa katuparan ng layunin ng Diyos?

● Ano ang ginanap ni Jesus sa pamamagitan ng kaniyang ministeryo at ng kaniyang kamatayan?

● Anong mga pangyayari ang inihula na magsisilbing tanda ng ating kasalukuyang panahon?