Inorganisa ang mga Kongregasyon Para sa Pangangaral ng Kaharian ng Diyos
Inorganisa ang mga Kongregasyon Para sa Pangangaral ng Kaharian ng Diyos
Nang siya’y nasa lupa, ipinangaral ni Jesu-Kristo ang Kaharian ng Diyos, sa bayan-bayan at sa mga lunsod. Kaniya ring sinanay at sinugo ang kaniyang mga alagad upang gawin ang ganoon din. Bago siya umakyat sa langit, iniutos niya sa kaniyang mga tagasunod na gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng bansa. Sa mula’t sapol, ang sinaunang kongregasyong Kristiyano ay inorganisa para sa pangangaral ng mabuting balita. Saanman pumaroon ang mga alagad, sila’y nangangaral ng Kaharian ng Diyos.—Mateo 4:17, 23; 10:1-16; 28:19, 20; Lucas 4:43, 44; 8:1; 10:1-9; Gawa 1:8; 4:31; 5:42; 8:12; 19:8; 28:23, 30, 31; Roma 10:9, 10, 14.
Sa hula ni Jesus tungkol sa katapusan ng sistema ng mga bagay, sinabi niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.” Ang pangangaral na ito ay isang pangunahing obligasyon ng kongregasyong Kristiyano sa ngayon.—Mateo 24:14; Marcos 13:10.
Sa buong daigdig, lahat ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ay organisado upang sistematikong magawa ang kanilang teritoryo sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Upang magawa ito sa maayos na paraan, sa bawa’t bansa ang tanggapang sangay ng Watch Tower Society ay nag-aatas sa bawa’t kongregasyon ng isang teritoryo para bigyang-patotoo. Hinahati-hati ng kongregasyon ang atas na teritoryo sa maliliit na bahagi, at pagkatapos ay iniaatas naman ito sa mga kukuha ng pananagutan na magpunta sa mga tao.—1 Corinto 14:33, 40.
Ang mga Saksi ay karaniwang nagbabahay-bahay upang makausap ang mga tao. Sa mga pulong ng kongregasyon, ang mga Saksi ni Jehova ay sinanay na gumawa ng maiikling presentasyon ng balita ng Kaharian sa pagbabahay-bahay, at ginagamit
nila ang kanilang Bibliya. Ang mga Saksi ay may dalang literatura sa Bibliya upang iwanan sa mga maybahay na gustong magkaroon ng higit na kaalaman sa Salita ng Diyos.Upang lahat ng nasa kanilang teritoryo ay magkaroon ng pagkakataon na makapakinig sa mahalagang mensahe ng Kaharian, ang mga Saksi ay nag-iingat ng detalyadong rekord sa pagbabahay-bahay, itinatala roon ang tahanang walang tao o doo’y hindi nakapagbigay ng lubusang pagpapatotoo. Iyon ay dadalawin uli. Pagka may nagpakita ng interes, iyon ay itinatala, at bumabalik ang mga Saksi upang magbigay ng karagdagan pang impormasyon sa Kasulatan. Kung ibig ng sinuman ng isang regular na pag-aaral sa Bibliya, siya’y aaralan. Lahat ng ito ay isinasagawa nang walang bayad.
Ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aalok din ng mga magasin sa mga dumaraan sa mga kalye. Kaya naman maraming mga taong wala sa tahanan ang kanilang nakakausap. Talagang pinagsisikapan na makausap ang lahat ng mga ibig makinig.—Gawa 17:17; Apocalipsis 14:6, 7; 22:17.
Bakit nga patuloy na dumadalaw ang mga Saksi gayong karamihan ng tao ay hindi nagpapakita ng interes? Natuklasan na ang kalagayan ng mga tao ay malimit na nagbabago at sila’y tumutugon at nakikinig pagka sila ay dinalaw uli, o kaya mayroong mga ibang nasa sambahayan ding iyon na nagpapakita ng interes.
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran.” Ang pangangaral ng Kaharian ng Diyos ay may mahalagang bahagi sa ating paghanap muna ng Kaharian, at ito’y ginagawa ng mga Saksi ni Jehova na isang napakahalagang layunin sa kanilang buhay.—Mateo 6:33; 2 Timoteo 4:2.
● Anong gawain ni Jesus at ng sinaunang mga Kristiyano ang inihula na gagawin din sa kaarawan natin?
● Paano organisado ang pangangaral ng mga Saksi ni Jehova?
● Bakit ang mga Saksi ay patuloy din na dumadalaw sa mga tao gayong ang karamihan ay walang interes?
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Ang mga Saksi ni Jehova na nangangaral ng Kaharian ng Diyos sa iba’t ibang bansa
Thailand
Mexico
Olanda
Korea
Curaçao
Ghana
Britaniya
Australia