Kusang-Loob na Abuluyan ang Tumutustos sa Gastos
Kusang-Loob na Abuluyan ang Tumutustos sa Gastos
Lahat ng aktibidades na inilarawan na ay tinatangkilik ng kusang-loob na mga manggagawa, kaya napaliliit ang gastos. Ang pagbabahay-bahay at pamamahagi ng literatura ay ginagawa ng boluntaryong mga Saksi ni Jehova. Sila ang gumagasta ng kanilang sariling pera. Ang matatanda na namamanihala sa mga kongregasyon, at tinutulungan ng ministeryal na mga lingkod, ay hindi binabayaran sa kanilang paglilingkod. Sila ang nagtatakip ng lahat ng kanilang sariling gastos.
Kahit na ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala at lahat ng mga iba pa na gumagawa nang buong panahon sa paghahanda at produksiyon ng mga Bibliya at mga literatura sa Bibliya ay mayroon lamang libreng kuwarto at pagkain at isang maliit na reimbursement para panggastos. Ganiyan din kung tungkol sa buong-panahong mga naglalakbay na tagapangasiwa.
Ang aming literatura ay inilalathala upang tumulong sa mga tunay na interesado sa Bibliya. Ang pangunahing gastos sa materyales, produksyon, at pagpapadala ay kinukuha sa boluntaryong abuloy ng mga interesado at dinaragdagan ng kontribusyon, pamana, at iba pa buhat sa mga Saksi ni Jehova mismo.
Sa lahat ng mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, sa lokal na mga kongregasyon o sa mga asamblea, mayroong mga kahong abuluyan para sa mga ibig umabuloy. Walang isinasagawang mga koleksiyon. Wala roong mga butaw o mga ikapu na kailangang bayaran. Gaya ng sinasabi ng Kasulatan, bawa’t isa ay maaaring mag-abuloy ayon sa kaniyang ipinasiya sa kaniyang puso.—2 Corinto 8:12; 9:7.
● Paano tinutustusan ang gastos ng lahat ng aktibidades ng mga Saksi ni Jehova?