Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kongregasyon Para sa Ikatitibay sa Pag-iibigan at Pagkakaisa

Mga Kongregasyon Para sa Ikatitibay sa Pag-iibigan at Pagkakaisa

Mga Kongregasyon Para sa Ikatitibay sa Pag-iibigan at Pagkakaisa

Marahil ay nakadalo ka na sa mga ilang pulong ng kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova malapit sa iyong kinatitirahan. Mga tao buhat sa lahat ng kalagayan sa buhay​—pami-pamilya, mga dalaga’t binata, matatanda at mga bata​—ay pawang naroroon. Silang lahat ay nagkakaisa sa kanilang pagsamba at interesado sa pagtulong sa iba.

Sa anumang kaayusan na kung saan maraming mga tao ang nagnanais gumawa nang may pagkakaisa, kailangan na may pamamanihala. Ang Diyos ay isang Diyos ng kaayusan; kung gayon, ang kaayusang iyan ay dapat na makita sa kongregasyon ng kaniyang bayan. Tulad noong unang siglo, ganoon din sa ngayon, na kuwalipikado, maygulang, at may karanasang mga lalaking Kristiyano ang hinihirang na matatanda, o mga tagapangasiwa. Ang mga ito’y namamanihala sa kongregasyon at kanilang inaasikaso ang espirituwal na mga pangangailangan nito. Sila’y tinutulungan ng ibang mga tapat na lalaki na tinatawag na mga ministeryal na lingkod. Ang mga lalaking ito ay hindi sinusuwelduhan o tumatanggap ng iba pang mga pakinabang na salapi nguni’t sila’y naglilingkod na kusang-loob, ang kanilang gastos ay kadalasan tinutustusan ng kanilang hanapbuhay.​—1 Corinto 14:33, 40; Filipos 1:1; 1 Timoteo 3:8, 9.

Paano pinipili ang mga ito? Sila’y kailangang maging tapat na mga lingkod ng Diyos na makikitaan ng mga kuwalipikasyon buhat sa Kasulatan. Ang ilan sa mga ito ay: pagiging ‘katamtaman sa pag-uugali, matino sa pag-iisip, maayos, mapagpatuloy, sanay magturo, at makatuwiran; hindi maibigin sa salapi; namamanihala sa kaniyang sambahayan nang buong kahusayan; hindi isang baguhan; may mabuting patotoo buhat sa mga tagalabas’; ‘nanghahawakang matatag sa katotohanan sa kaniyang sining sa pagtuturo.’​—1 Timoteo 3:1-15; Tito 1:7-9.

Ang mga lalaking ito ay hindi inihahalal ng kongregasyon sa tungkulin, na kung saan ang karamihan marahil ay kadalasan mga baguhang Kristiyano. Bagkus, sila’y inirerekomenda ng maygulang at may karanasang mga lalaki na mga hinirang na matatanda at may pagkaunawa sa kung hanggang saan tumutugon sa mga kahilingan ng Kasulatan ang mga lalaking inirerekomenda. Pagkatapos ang paghirang sa matatanda at sa ministeryal na mga lingkod ay ginagawa sa ilalim ng pamamanihala ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, at ito’y naaayon sa halimbawang ipinakita ng kongregasyong Kristiyano noong unang siglo.

Ang matatandang ito, o mga tagapangasiwa, ay hindi isang uring klero; sila’y hindi mga panginoon ng iba. Gaya ng sinabi ni Jesus, sinuman na nangunguna ay kailangang maging alipin ng lahat. Sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, ang matatanda ay tunay na mga kamanggagawa ukol sa Kaharian ng Diyos.​—Mateo 20:26, 27; 23:8-11; Roma 12:8; 1 Corinto 3:5; 4:1, 2; Colosas 4:11; 1 Tesalonica 5:12-14.

Bilang mga tagapangasiwa, kanilang pinamamahalaan ang pagtuturo na isinasagawa sa mga pulong at sila’y nangunguna sa pangangaral. Ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian sa buong atas na teritoryo ay isang pangunahing layunin ng kongregasyon. Ang mga tagapangasiwa ay nagsisilbi rin na mga pastol, at dinadalaw nila ang mga miyembro ng kongregasyon upang palakasin sila kapag kinakailangan.​—Mateo 24:14; Gawa 1:8; 1 Tesalonica 2:11, 12; 5:14, 15; 2 Timoteo 2:24-26; Hebreo 13:17; Santiago 5:13-16; 1 Pedro 5:1-4.

Ang matatanda ay may pananagutan din na sumaway at dumisiplina sa kaninuman na baka nagkakasala at nagiging isang panganib sa espirituwal at moral na kalinisan at pagkakaisa ng kongregasyon.—1 Corinto 5:4, 5, 7, 11-13; Tito 1:9; 2:15; 3:10, 11.

Sa regular na pakikisama sa kongregasyon ay magkakaroon ka ng mabubuting kasama at maraming espirituwal na pakinabang.​—Awit 35:18; 84:10.

● Sino ang namamanihala sa mga gawain ng indibiduwal na mga kongregasyon?

● Sa ano nakasalig ang pagpili sa mga tagapangasiwa?

● Ano ang kanilang mga responsabilidad?

[Mga larawan sa pahina 13]

Ang mga tagapangasiwa ay nagtuturo sa kongregasyon, nangunguna sa pangangaral sa bahay-bahay, nagpapatibay-loob sa pamamagitan ng mga pagdalaw bilang mga pastol, nagbibigay ng payo at saway kung kinakailangan